Billy: "Pastor, mahal po ba ng Diyos ang lahat ng tao? "
Pastor: "Oo, Billy" (nakangiti at tinatapik siya sa ulo).
Billy: "Bakit po sinabi sa Roma 9 na kinasuklaman Niya si Esau?"
Pastor: "Aba, binasa mo ang Bible mo, huh, Billy? (nakangiti pa rin). Hmm, sinabi rin ng Biblia na nasusuklam ang Diyos, subalit tinutukoy lamang n'yan ang lihim na panukala ng Diyos, pero mahal Niya ang lahat. "
Billy: "Pastor?"
Pastor: "Ano yun, Billy."
Billy: "Kapag sinabi sa atin ng Diyos ang lihim Niyang panukala, lihim pa ba iyon?"
Pastor: "Ah, eh, siguro hindi, Billy, ibig kong sabihin dapat nating malaman na may sinasabi ang Biblia tungkol sa pag-ibig ng Diyos sa lahat, at iyan ang dapat nating isipin, at hindi ang nagsasabing nasusuklam ang Diyos."
Billy: "Paanong mahal ng Diyos ang lahat ng tao?"
Pastor: "Binibigyan ng Diyos ang lahat ng ulan at pinasisikat ang araw, at biniyayaan Niya ang mga tao sa mundo ng budhi upang malaman ang tama at mali, at binigyan Niya sila ng mga talento at kaloob na ginagamit nila upang gawing mas mabuti at ligtas ang pamumuhay sa mundo."
Billy: "Pagkatapos ay ipinapadala Niya ang karamihan sa kanila sa impyerno?"
Pastor: "Oo, Billy."
Billy: "Pastor?"
Pastor: "Ano yun, Billy."
Billy: "Pag-ibig ba ng Diyos ang bigyan sila ng mabubuting bagay sa loob ng ilang taon upang maging kumportable at maganda ang pakiramdam nila, pagkatapos ay ipapadala naman sila sa impyerno?"
Pastor: "Ahh, uhmm' Oo, yun...na... nga, siguro, dahil mas malala pa kung ang ibig kong sabihin ahh, ay siguro, dahil hindi naman Niya direktang ipinadala sila sa impyerno, kundi ipinaranas Niya sa kanila ang kabutihan Niya at biyaya sa lahat ng nilikha Niya..."
Billy: "Pag-ibig ba ang iparanas sa isang tao ang kabutihang maaalala niya ng walang hanggan at kasusuklaman lagi ang Diyos, dahil ang mabuting bagay na iyon ay inibig nila ng higit kaysa sa kapatawaran?"
Pastor: "Iba na nga lang pag-usapan natin, Billy? Di ka yata makuntento sa mga sagot ko."
Billy: "O.K.. po, Pastor. Namatay po ba si Jesus para sa lahat ng tao?"
Pastor: "Oo naman, Billy, bakit?"
Billy: "Pastor."
Pastor: "Ano yun, Billy."
Billy: "Kung namatay si Jesus para sa lahat, bakit hindi lahat makakapunta sa langit?"
Pastor: "Kasi Billy, hindi kasi lahat tatanggap sa Kanya."
Billy: "Pero Pastor, akala ko ba iniligtas tayo ni Jesus. Sinasabi mo na tayo ang magliligtas kay Jesus?"
Pastor: (Tumatawa na medyo nine nerbyos) "Syempre hindi, Billy! Naniniwala akong iniligtas tayo ng ganap ni Jesus. Paano mo ba nasabing tayo ang nagliligtas kay Jesus?"
Billy: "Kasi po, Pastor, sabi mo sa akin namatay si Cristo para sa lahat ng tao, pero ang tumanggap lamang sa kanya ang maliligtas. Kaya ang ibig sabihin ang kamatayan at muling pagkabuhay ni Jesus, ang mga ginawa Niya, ay hindi makapagliligtas mismo sa atin, kundi may iba pang kailangan, at iyon ay ang ginagawa natin na pagtanggap sa kanya. Ang hindi tumanggap sa kanya ay mapapahamak. Ibig sabihin hindi sila natulungan ng kamatayan ni Jesus para sa kanila. Sa totoo n'yan, ang ibig sabihin n'un ay sayang ang pagkamatay ni Jesus para sa kanila. Isa pa, ang mga tumanggap sa kanya ay ginawang mabisa ang gawa niya at iniligtas nila ang gawa niya mula sa pagkasayang. Kung wala tayo, ang gawa niya sa pagliligtas ay sayang! Kung hindi tayo kayang iligtas ni Jesus kapag hindi pahihintulutan ng ating free-will, tayo na ang tunay na mga tagapagligtas, at si Jesus ang inililigtas natin. Ano ang magagawa niya kung wala tayo?!"
Pastor: "Uhm, hindi iyan ang ibig kong sabihin. Ang ibig kong sabihin, kung iyan ang... ang sabi ko pala hindi, naniniwala ako si Jesus ang nagliligtas, Billy, kaya lang... ginawa ng Diyos na tayo ang... ahh malaya para maaaa...ahhh... ibig kong sabihin... tayo ay... tsk. Billy... alam mo kasi, mahiwaga ang Bible ehh. May ibig sabihin yun minsan, pero hindi talaga iyon ang... ibig sabihin... ginagamitan mo kasi ng logic, Billy. Ang Bible kasi hindi logical o ayon sa katuwiran, at ang katotohanan ay hindi isang bagay na kaya ng isip natin."
Billy: "Pastor."
Pastor: "Ano yun, Billy" (medyo inis na).
Billy: "Nang sabihin mong ang Biblia ay hindi logical, ibig mo bang sabihin walang katuturan ang Bible? Kasi mukhang may katuturan nang sabihin mong hindi logical ang Bible. Sa tingin ko dahil yun gumamit ka ng logic kaya may katuturan ang sinabi mo."
Pastor: (Masama ang titig kay Billy) "Hindi, Billy, hindi ko sinasabing walang katuturan ang Bible. May katuturan, kaso nga lang hindi yung katuturan na para sa atin."
Billy: "Pastor."
Pastor: "Ano yun, Billy."
Billy: "Bakit ibibigay sa atin ng Diyos ang Biblia na may katuturan na hindi pala para sa atin?"
Pastor: "Ahh, Billy, hindi iyon... sa tingin ko... may katuturan yun, pero hindi lang nagbibigay ng mga sagot na gusto nating marinig, at may mga sinasabi itong para bang nagsasalungatan subalit hindi naman, para huwag tayong mag magaling sa pagtatanong ng kung anu ano."
Billy: "So, ang Diyos ay hindi nagbibigay ng katuturan na para sa atin para gawin tayong mapagkumbaba??"
Pastor: "Tama, Billy. Nais ng Diyos na gawin tayong mapagkumbaba, hindi Niya hahayaang isipin natin na matitiyak natin ang mga bagay-bagay gaya ng iniisip ng mga mayayabang."
Billy: "Pastor."
Pastor: "Ano yun, Billy."
Billy: "Tiyak ka po ba sa mga sinabi mo?"
Pastor: (Asar na asar na) "Ano sa palagay mo, Billy?"
Billy: "Sa tingin ko tinawag mo lang ang sarili mo na mayabang, pero hindi ko alam kung bakit, siguro dahil magaling ka at maraming alam tungkol sa Diyos, at kung gaano Niya tayo kailangan."
Pastor: "Billy, ba't di ka na lang kaya maglaro muna sa labas, gaya ng ibang mga bata?"
Billy: "Bakit ako maglalaro kung pwede naman ako dito kasama mo upang matutunan ko kung paano ililigtas ang Diyos?"
Pastor: "Mag-ingat ka, Billy. Hindi ko sinasabing ililigtas natin ang Diyos. Ikaw ang may sabi n'yan, bata. Sinasabi ko lang na ang pagpili mo ay importante, hindi tayo ginagawang robot ng Diyos o mga walang buhay na bato. Nilikha Niya tayong may responsibilidad bilang tao."
Billy: "Pastor"
Pastor: (Halatang galit na kay Billy) "Huling tanong mo na yan, bata ka! Marami akong importanteng bagay na gagawin, maglaro ka na lang sa labas."
Billy: "Nang pinatulog ng Diyos si Abraham, ipinapakita ba sa kanya ang responsibilidad niya bilang tao?"
Pastor: (Kitang-kita na ang sobrang galit) "Masakit ang ulo ko, Billy, di ko na masasagot ang mga tanong mo, pero may sasabihin ako sa 'yo. Sino man ang nagturo sa 'yo nyan, tinuturuan ka niya ng mga bagay na di nararapat sa mga batang tulad mo. Parang natututo ka ng hyper-Calvinism Mag-ingat ka bata!"
Billy: "Hindi ko po alam kung ano ang hyper-Calintism, pero nababasa ko po kasi ang mga ito sa Biblia. Salamat po itinatama mo ako. Gugupitin ko na lang itong mga mali sa Biblia ko. Pwede po makahiram ng gunting?"
Pastor: (Tumayo sa upuan) "Lumayas ka na, ikaw na... hmmmppp!"
Billy: "O.K. Lang po, pastor. Manghihiram na lang ako kay Joey. May maganda siyang gunting nung naggupit kami ng 'Friends with Jesus' na mga pictures para sa Sunday School. Paalam po."
A newsletter/journal published in Filipino (Tagalog dialect) as a ministry of the denomination of Bastion of Truth Reformed Churches in the Philippines. It is primarily a means of instruction as well as a medium to proclaim and explain the convictions of the BTRC concerning the Gospel of God's sovereign particular grace in salvation.