btrc_header_4

Bastion of Truth Reformed Churches in the Philippines

Standing fast in one spirit with one mind striving together for the faith of the gospel which was once delivered unto the saints. (Phil 1:27, Jude 3)
Home About Us Beliefs and Practices Standards History Articles Publication Classis News Archive Directory Menu

Paano Kami Mag-"Evangelize"

(How We Do Evangelism and Missions)


“Datapuwa't salamat sa Diyos, na laging pinapagtatagumpay tayo kay Cristo, at sa pamamagitan natin ay ipinahahayag ang samyo ng pagkakilala sa kaniya sa bawa't dako. 15 Sapagka't sa mga inililigtas, at sa mga napapahamak ay masarap tayong samyo ni Cristo sa Diyos; 16 Sa isa ay samyo mula sa kamatayan sa ikamamatay; at sa iba ay samyong mula sa kabuhayan sa ikabubuhay. At sino ang sapat sa mga bagay na ito? 17 Sapagka't hindi kami gaya ng karamihan na kinakalakal ang salita ng Diyos: kundi sa pagtatapat, at gaya ng mula sa Diyos, sa harapan ng Diyos ay nagsasalita kami para kay Cristo.” (2 Corinto 2:14-17)


Madalas tayong sabihan na ang evangelism o paghahayag ng ebanghelyo ay dapat gatungan ng pagnanasa na makita ang lahat ng tao na lumapit kay Cristo upang maligtas. Maging ang mga taong kung hindi man solidong Calvinists ay madalas na ganito ang itinuturo. Naniniwala kami na ang ganitong kaisipan ay hindi sang-ayon sa Kasulatan at nilalapastangan si Cristo at winawalang-halaga ang tunay na evangelism.


Ang motibo ng Reformed evangelism ay nakasentro sa Diyos (God-centered) imbis na nakasentro sa tao (man-centered), at pinaparangalan ang makapangyarihang layunin ng Diyos na iligtas ang mga taong hinirang (elect). Kapag ang ebanghelyo ay matapat na ipinangaral, ang Reformed evangelism ay palaging nagtatagumpay sa kanyang layunin.


Sa kabilang dako, ang pagnanasa na makita na ang lahat ng tao ay maligtas ay likas na nakasentro sa tao. Nakatuon ito sa mapapakinabangan ng mga tao kapag sila ay magtitiwala kay Cristo at pumapangalawa lamang ang pagtanggap ng Diyos ng kaluwalhatian kapag naligtas ang mga tao.


Ang paraang ito na nakasentro sa tao ay pangkaraniwang nabibigo sa kanyang layunin, dahil hangad nitong makipagtunggali sa hangarin ng Diyos na iligtas lamang ang ilan, hindi lahat. Ang paraang ito ay nakabatay sa pundasyong Arminian… na nagpapalagay na iniibig ng Diyos ang lahat ng tao at naghahangad na iligtas ang lahat ng tao na walang liban.


Tinutukso tayo ng evangelism na nakasentro sa tao na baguhin ang ating mensahe at pamamaraan (techniques) upang makahikayat ng higit na maraming converts. Ilang aklat na ang naisulat tungkol sa mga bagong techniques upang abutin ang mga napapahamak! Tanging isang hambog na kawalan ng pananampalataya ang hihikayat sa atin na magagawa nating paghusayan ang ating mensahe at mga techniques na ibinigay sa atin ng Diyos sa Kanyang Banal na Salita.


Yamang ipinapaubaya ng God-centeresd evangelism ang mga bunga nito sa Diyos, hindi tayo binibigyan nito ng pahintulot na baguhin ang purong mensahe o pagbutihin pa ang mga pamamaraan na inilahad sa Salita ng Diyos, na para bagang mapaghuhusayan pa ang mga resulta nito. Sinisiguro sa atin ng God-centered evangelism na ang malinaw at kumpletong pangangaral ng Biblikal na ebanghelyo ang pinakamahusay na paraan upang makamit ng Diyos ang Kanyang layunin sa evangelism.


Kaya, kami sa Bastion of Truth Reformed Churches in the Philippines ay tinututulan at tinatanggihan ang anumang evangelism na gawa lamang ng tao sa anumang anyo, gayon ma’y dahil sa labis na pagpapasalamat sa Diyos para sa isang napakadakilang kaligtasan, ay sinisikap naming sundin ang Kanyang Dakilang Utos (Great Commission) na ipahayag ang Ebanghelyo sa buong mundo sa pamamagitan ng tanging paraan (ebanghelyo) at sa pamamagitan ng tanging kasangkapan (pangangaral) na iniutos Niya sa Kanyang Kasulatan (Mateo 28:18-20; Marcos 16:15-16).




(1) NANINIWALA KAMI sa Reformed na Pananaw ukol sa EVANGELISM na inilahad ng Biblia.


Una sa lahat, tinitiyak natin na ang Reformed faith ay hindi nangingilag sa evangelism. Ang dalawang ito ay hindi magkasalungat. Tunay nga na ang pananampalatayang Reformed at ang mga simbahan nito lamang ang may totoong batayan sa evangelism. Ang mga doktrina ng Reformed na makapangyarihan at walang kondisyong paghirang (unconditional election), limitadong pagtutubos (limited atonement) at hindi natatanggihang biyaya (irresistible grace) ang nagbibigay ng dahilan upang gampanan ang evangelism at ang pag-asa na magbunga ang ganitong dakilang gawain.


Ganito na lang ang isipin mo: paano ka magkakaroon ng totoong pag-asa na maliligtas ang mga makasalanan sa pamamagitan ng evangelism kung ang kaligtasan ay nakadepende sa kanilang free will o malayang kalooban? Ang mga makasalanang lalaki at babae ay nahihirapan ngang mamili ng isusuot na sapatos kapag gumagayak sila tuwing umaga. Paano pa kaya nilang pipiliing maligtas, lalo pa kung sila ay napapahamak? Paanong ang mga makasalanan na ang mga isip ay nadirimlan ng kasalanan (2 Cor. 4:4), at mga kaaway ng Diyos (Rom. 8:7), ay makakaalam ng katotohanan, malibang ito ay sa pamamagitan ng makapangyarihan at mabisang biyaya na nagbibigay-liwanag sa kanilang isipan at walang bayad na ipagkaloob sa kanila ang buo nilang kaligtasan?


Sa ganitong paraan nga naiiba ang Reformed evangelism. Tinitiyak nito ang tunay na Biblikal na batayan sa evangelism. Hindi ito naniniwala na iniibig at hinahangad ng Diyos ang kaligtasan ng lahat, na isinugo Niya si Cristo upang mamatay para sa lahat, na nakadepende na ngayon sa malayang pagpili ng tao kung gugustuhin ba nitong maligtas o hindi.


Ang katotohanan ay ipinapangaral ng pananampalatayang Reformed na pinipili ng Diyos ang maliligtas (Jn. 1:12-13, 15:16, Rom. 9:16, Fil. 2:13, San. 1:18) sang-ayon sa Kanyang walang hanggang pag-ibig sa kanila kay Cristo; na ipinagkaloob Niya sa kanila ang kaligtasan sa pamamagitan ng kamatayan ni Cristo sa krus (Gal. 6:14, Col. 1:21-22) at makapangyarihan at walang pagkakamali Niyang iginagawad ang kaligtasang iyon sa pamamagitan ng hindi natatanggihang pagkilos at biyaya ng Espiritu Santo (Jn. 6:37, 44, Efe. 2:8-10). Kaya sa Reformed evangelism may tiyak na pag-asa na ang mga ito ay maliligtas. Walang pag-asa sa katuruang ang kaligtasan ay nakadepende sa pagnanasa o pagsisikap ng tao.


Subalit ano ang kinalalaman ng pangangaral ng ebanghelyo sa lahat ng ito? Hindi kaya, ayon sa paratang ng ilan ay, hindi na kailangan ang pangangaral ng ebanghelyo? Ang evangelism ay ang pangangaral ng ebanghelyo. Iyon ang kahulugan ng salitang “evangelism.”


Sa pagsagot sa mga katanungang ito dalawang bagay ang tinuturo ng Reformed faith tungkol sa pangangaral ng ebanghelyo. Una, iginigiit nito, tulad ng Kasulatan, na ang ebanghelyo ay paraan na ginagamit ng Diyos upang kalapin ang mga hinirang (Gawa 14:47-48) at ihatid sila sa pagsampalataya kay Cristo tungo sa ikaliligtas. Ikalawa, tinuturo ng Reformed faith na ang ebanghelyo ay makapangyarihang pamamaraan. Ang kapangyarihang ito na nagbubunga ng pagsisisi at pananampalataya ay hindi nakasalalay sa makasalanan o sa kanyang kapasiyahan, kundi sa ebanghelyo. Sa pamamagitan nito ay makapangyarihang tinatawag ang mga makasalanan (Rom. 10:17), binibigyan sila ng pagsisisi at pananampalataya (Gawa 11:18), binabago ang kanilang kalooban (will) at isip, at makapangyarihan, hindi makatatanggi (irresistibly), at matamis na inilalapit sila kay Cristo (Rom. 1:16, 1 Cor. 1:18, 24)


Ang doktrina ng free will, kung gayon, ang sumisira sa evangelism. Ang aral na iniibig ng Diyos ang lahat ng tao ang nagbibigay ng maling kasiguruhan sa mga makasalanan na maayos naman ang lahat para sa kanila. Ang kaisipan na namatay si Cristo para sa kanila ay nagpapatibay sa mali nilang pag-aakala na ang sitwasyon nila ay hindi gayon kalala. Ang pag-aakalang nasa kanila ang kritikal na pagpili para sila ay maligtas – na ang Diyos ay umaasa at naghihintay lamang sa kanila – ay kumukumpirma sa kanilang pagrerebelde sa Diyos at nagtuturo sa kanila na sila ay tulad sa mga Diyos! Wala itong magagawang anoman para sa kaligtasan ng mga napapahamak na mga makasalanan!




(2) NANINIWALA KAMI na ang Pangangaral NG Ebanghelyo ay Evangelism


Binibigyang-diin namin ang mahalagang katotohanan na ang evangelism ay wala ng iba kundi ang pangangaral ng ebanghelyo! Kapag kami ay nangangaral ng ebanghelyo matapat naming ginagampanan ang evangelism.


Bagamang napakaliwanag nito, maraming tao ang nalilimutan ito. Kaya walang katapusan ang usapan nila tungkol sa mga evangelistic methods at gumugugol ng napakaraming oras upang mag-imbento ng mga komplikado at mamahaling paraan ng evangelism para sa kanilang simbahan. Wari’y hindi sumasagi sa isip nila na ang evangelism ay preaching.


Dahil naniniwala kaming ang preaching ay pangangaral ng ebanghelyo tinututulan namin ang nakakabahala, ngunit matagal nang nakagawiang pagbubukod ng gabi ng bawat Linggo ng panambahan para sa ‘evangelistic message’ – nagtuturo sa umaga, evangelism sa gabi. Walang anumang Biblikal sa ganitong kaugalian.


Bukod sa posibilidad na ang mga evangelistic services na ito ay mauwi sa pangangaral ng paulit-ulit na mensahe bawat Linggo, bagamang ginagamit ang iba’t ibang teksto, at nagbubunga ng kainipan at pagkainis ng mga taong nagnanasang matutunan ang katotohanan, nakakalimutan ng ganitong gawain ang simpleng katotohanan na ang lahat ng pangangaral ng ebanghelyo ay evangelism. Anoman ang talatang ipinapangaral ng mangangaral, kung maayos siyang nangangaral, ipinapangaral niya ang ebanghelyo. Walang bagay na tinatawag na “special ‘evangelistic’ message.”


Gayon pa man, nakalimutan na marahil ng mga Cristiano at Cristianong pastor o di kaya nama’y hindi nila nauunawaan na ang buong Kasulatan ay ipinapahayag si Cristo at kaya nga ito ang ebanghelyo sa kabuuan nito (Jn 5:38-39). Kung maayos na ipapangaral ang mga Kasulatan, si Cristo ay naipapangaral. Kung si Cristo ay ipinapangaral, ang ebanghelyo ay naipapangaral. At kung ang ebanghelyo ay naipapangaral, ang mga makasalanan ay maliligtas sa pamamagitan nito. Ito ang itinakdang paraan ng Diyos para sa kanilang kaligtasan.


Nababahala kami na ang nakaugaliang pagdaraos ng evening “gospel” services ay nagpapahiwatig ng kawalan ng tiwala sa ebanghelyo bilang tinakdang paraan ng Diyos sa ikaliligtas nila na Kanya. Ang gayong mga pagtitipon ay nagiging pagtatangka upang pukawin ang mga emosyon, takutin ang mga tao, o mag-udyok ng “desisyon.” Ang totoo’y kakaunting Salita ng Diyos ang naipapaliwanag sa ganitong uri ng mga pagtitipon at lalong walang pagtitiwala sa Banal na Espiritu para sa kanilang bunga.


Subalit may iba pang mga dahilan kung bakit ang ang pagdaraos ng gayong mga services sa gabi ng Linggo upang pangaralan ang mga di-mananampalataya ay mali. Nagpapahiwatig ito ng maling pananaw tungkol sa iglesya, na para bagang ang iglesya ay pangkaraniwang pook para sa mga di-mananampalataya at binabalewala ang itinuturo sa 1 Cor. 14:23. Doon, sinasabi ng Salita na hindi normal, kundi pambihirang bagay na dumalo ang isang di-mananampalataya sa gawaing pagsamba. Ang iglesya ay para lamang sa mga mananampalataya at sa sa kanilang mga anak.


May isa pang problema dito. Na ang gawaing evangelism ay natatapos na kapag ang isang tao ay “ligtas na.” Kung ang evangelism ay pangangaral ng ebanghelyo, at ang pangangaral ng ebanghelyo ay pangangaral ng “buong kapasiyahan ng Diyos,” ang gawain ng evangelism kung gayon ay nagsisimula pa lamang sa sandaling ang tao ay sumampalataya at magsisi. Sa puntong ito kailangan pa rin niya sa pamamagitan ng pangangaral ng ebanghelyo – evangelism – na ibayo pang mapaliwanagan ng landas ng Diyos (Gawa 18:26) at mag-ugat at tumibay sa katotohanan (Col. 2:6-7). Ang aspetong ito ng evangelism ay halos ganap nang binabalewala ngayon.


Gayon pa man, hindi ito nangangahulugan na walang pagkakaiba ang pangangaral ng ebanghelyo sa iglesya at sa mga nasa labas ng iglesya o na ang mga mananampalatayang Reformed ay naniniwala lamang sa pangangaral ng ebanghelyo sa iglesya. Ang ebanghelyo ay dapat ipangaral sa lahat ng dako saan ito dalhin ng Diyos ayon sa Kanyang mabuting kasiyahan!




(3) NANINIWALA KAMI na ang Evangelism ay Pangangaral NG Ebanghelyo sa Lahat


Napatunayan natin ang katotohanan na ang evangelism ay wala ng iba kundi ang pangangaral ng ebanghelyo. Ito ang kahulugan ng salitang “evangelism.” Mula dito matuwid lamang na ang lahat ng pangangaral ng ebanghelyo ay evangelism, kabilang na ang pangangaral doon sa mga ligtas na, na mga miyembro ng iglesya. Ang aspetong ito ng evangelism ay halos ganap nang binabalewala ngayon, nang sa gayon ang bayan ng Diyos ay nalilipol dahil sa kakulangan ng kaalaman (Hos. 4:6).


Napatunayan din natin na ang pangangaral ng ebanghelyo ay pangangaral ng “buong kapasiyahan ng Diyos,” iyon ay ang buong Kasulatan. Kaya nga wala ng bagay na tulad ng, o anomang pangangailangan ng espesyal na “gospel”message o “evangelistic” service, lalo pa’t binubuo lamang ito ng paninigaw sa mga makasalanan at pinipilit silang magdesisyon.


Idadagdag din natin na ang panawagan upang magsisi at sumampalataya ay hindi lamang para sa di-mananampalataya. Sila na mga naligtas na ay kailangan pa ring marinig ang panawagang iyon upang sila rin ay tumalikod sa kanilang mga kasalanan (at talaga namang nagkakasala sila hangga’t sila ay nasa katawang ito na laman) at upang ang kanilang pananampalataya ay gisingin at mapalakas. Bahagi din ito ng totoong evangelism.


Kapag ganito ang pananaw natin hindi na kailangang hatiin ng pastor sa kanyang isip ang konggregasyon sa mga grupo o sa kanyang pangangaral, na itinutuon ang isang bahagi ng kanyang mensahe sa isang grupo o sa isa pa. LAHAT ng nakikinig ay dapat lamang na marinig anoman ang sinasabi ng Diyos sa isang partikular na talata ng Kanyang Salita. Walang isang mensahe para sa iglesya, isa para sa mundo, o isa para sa di-mananampalataya, at isa pa para sa mga “ligtas.”


Maging ang mga pangako ng ebanghelyo, bagamang laan sila sa mga nagsisisi at sumasampalataya, ay dapat marinig ng lahat, kung wala nang ibang dahilan kundi ang lalong bumigat ang kanilang kahatulan kapag hindi sila sumampalataya. Ang totoong pangangaral ng ebanghelyo ay pagpapaliwanag ng Salita ng Diyos, kabilang na ang seryosong panawagan nito na magsisi at sumampalataya, sa LAHAT ng nakakarinig.


Kaugnay nito ibig naming bigyang-diin na ang pananamplatayang Reformed ay naniniwala sa pangangaral ng ebanghelyo sa kanila na nasa labas ng iglesya, gayon din sa mga naligtas at kaanib na sa iglesya, sa mga pagano, gayon din sa mga Cristiano. Dito rin, ang Reformed faith ay hindi kaaway ng evangelism.


Gayon pa man, maging dito ang evangelism ay hindi lamang para sa mga hindi pa nakarinig sa ebanghelyo. Sila rin na nakarinig na at tumalikod, sila na nagpahayag ng pagka-Cristiano subalit hindi nalalaman ang katotohanan ng Salita ng Diyos at sila na mga miyembro ng mga iglesya kung saan hindi naipapangaral ang ebanghelyo o hindi ito naipapangaral nang puro ay “objects of evangelism.” Nang banggitin ni Jesus ang bukirin na hinog na para sa anihan, tinutukoy niya ang karamihan na nangahihimatay at nagkalat tulad ng tupa na walang pastol (Mat. 9:36-38).


Ang sinasalungat ng Reformed faith ay ang pangangaral ng mga kasinungalingan – na iniibig ng Diyos ang lahat at nagnanasang mailigtas Niya ang lahat, na nag-iiwan ng maling impresyon sa makasalanan na wala siyang dapat ipag-alala. Kalaban nito ang kaisipan na ang mga pangako ng ebanghelyo ay para sa lahat (note: dapat silang ipangaral sa lahat, ngunit hindi sila PARA SA lahat). Ang mga bagay na ipinangako ay para lamang sa mga nagsisisi at sumasampalataya sa ilalim ng pangangaral ng ebanghelyo, hindi para sa lahat na may kondisyon. Ang mangaral nang salungat dito ay makapagbibigay ng huwad na pag-asa sa mga di-mananampalataya at nagmumugkahi na ang Diyos ay walang magawa sa harap ng patuloy nilang kawalan ng pananampalataya. Hindi ito gagawin ng Reformed evangelism.




(4) NANINIWALA KAMI na ang Evangelism ay Pangangaral ng BUONG KAPASIYAHAN ng Diyos na INILALAPAT sa Iba’t Ibang Sitwasyon


Binibigyang-diin namin na ang evangelism ay walang iba kundi ang pangangaral ng ebanghleyo. Kung ito ay totoo, LAHAT ng pangangaral ng ebanghelyo ay tunay na evangelism, ito man ay sa mga pagano, o sa mga nagkalat na tupa sa mga tumatalikod na iglesya, o sa konggregasyon ng bayan ng Diyos.


Gayon pa man, ang evangelism ay mailalarawan bilang pangangaral ng ebanghelyo sa kanila na nasa labas ng tunay na iglesya para sa kanilang ikaliligtas. May pagkakaiba ang pangangaral ng ebanghelyo sa loob ng iglesya at doon sa mga taga labas, sa mga Cristiano at sa mga pagano, sila man ay mga paganong nasa mga banyagang bansa na hindi pa narinig ang ebanghelyo o sa mga pagano na napakarami sa ating sariling mga bansa sa Kanluran kung saan ang ebanghelyo ay naipangaral na sa loob ng maraming taon. Ang mga pagkakaibang ito, bagamang mahalaga, ay hindi naman gayon ka-kritikal.


Naniniwala kami na ito ang tatlong pagkakaiba:


Una, sa pangangaral sa mga hindi pa nakarinig ng ebanghelyo, ang mensahe ay dapat gawing simple at maipangaral sa paraang malinawanag na mauunawaan kung ano ang sinasabi ng tagapangaral. Mahirap ito lalo na sa pangangaral sa mga pagano na hindi pa naririnig ang tungkol sa kasalanan, biyaya, katubusan at marami pang katotohanan ng ebanghelyo.


Tandaan natin dito na si Jesus, nang mangaral Siya sa madla, ay nangaral gamit ang mga talinhaga, nang sa gayon ang mga nagpapatuloy sa kanilang di pagsampalataya ay maririnig at makikita kung ano ang sinasabi Niya. Kaya sa Kanyang mga talinhaga ay gumamit Siya ng mga ilustrasyon hango sa araw-araw na buhay upang lalong maging malinaw sa kanila ang mga katotohanan ng ebanghelyo.


Ikalawa, ang ganitong uri ng pangangaral ng ebanghelyo ay itinuturing ang mga tagapakinig na hindi ligtas habang ipinapakita sa kanila na kailangan nilang magsisi at sumampalataya kay Jesu-Cristo bilang tanging daan ng kaligtasan. Ang mangangaral ay bababalaan at hihikayatin ang mga nakikinig, habang iginigiit sa kanila ang hinihingi ng ebanghelyo at ang higpit ng kanilang pangangailangan (2 Cor. 5:18-21, cf. Mat. 3:7-12 din).


Gayon pa ma’y walang pagkakaiba ang mensahe sa mga nagpapahayag na di-mananampalataya at sa iglesya. Ang pagkakaiba ay nasa nakikinig at ang kanilang pangangailangan, at ang layunin sa pangangaral (iligtas ang hindi ligtas). Makakaapekto ito kahit paano sa paraan ng paghahayag at pagbibigay-diin sa mensahe, subalit ang ebanghelyo ang dapat ipangaral.


Tunay nga, dapat nating makita na sa pangangaral sa mga pagano at sa mananampalataya, ang buong kapasiyahan ng Diyos ay dapat ipangaral, kabilang na ang pagtatakda ng Diyos (predestination), limitadong pagtutubos (limited atonement), ang Trinity, paglalang, probidensya, at lahat ng katotohanan ng Kasulatan. Ipinangaral ni Jesus at ng Kanyang mga apostol ang mga katotohanang ito kahit sa mga hindi pa ligtas (Jn. 10:11, Gawa 2:23, 13:17, 14:15-17). Dapat nating ipagpatuloy na ipangaral ang mga ito ngayon. Ang mga katotohanang ito ay madalas na binabalewala sa pangangaral sa misyon (mission preaching) at tinatanggihan sa dahilang hindi umano naaangkop sa pangangaral sa mga di-ligtas. Hindi lang ito salungat sa halimbawa ni Jesus at ng mga apostol, kundi binabawasan pa ang puso ng mensahe ng ebanghelyo, iyon ay “ipinagkakasundo ng Diyos kay Cristo ang sanlibutan sa kanyang sarili” (2 Cor. 5:19).


Ikatlo, ang pangangaral sa misyon ay kinabibilangan ng paghayo upang mangaral sa mga hindi ligtas (Mat. 28:29). Natukoy na natin na ang iglesya ay tinatanaw sa Kasulatan bilang pagtitipon ng mga mananampalataya at ng kanilang mga anak at ang presensya ng mga hindi mananampalataya ay hindi pangkaraniwan at pambihira (1 Cor. 14:23). Walang saysay kung gayon, para sa iglesya na tangkaing gampanan ang tawag nito sa pagmimisyon sa pamamagitan ng evangelistic service bawat Linggo ng gabi.


(5) NANINIWALA KAMI na ang KAPANGYARIHAN NG Diyos ang SUMASAKLAW sa aming Evangelism


Binigyang-diin natin na ang evangelism ay pangangaral ng ebanghelyo at kung ito man ay sa iglesya o sa misyon, ang buong ebanghelyo – ang buong kapasiyahan ng Diyos – ang dapat ipangaral (Gawa 20:26-27). Mali ang isawalang-bahala ang ilang ipinahayag na katotohanan o imungkahi na sila ay hadlang sa evangelism.


Ang Reformed evangelism ay hindi lamang ipinapangaral ang kapangyarihan (sovereignty) ng Diyos at ang mga doktrina ng biyaya (doctrines of grace), kundi ‘kontrolado’ at nagagabayan din ng mga ito. Natunghayan na natin kung paanong ang mga doktrina ng biyaya ang nagkokontrol sa mensahe ng ating evangelism na hindi nagpapahayag ng isang Cristong [namatay] para sa lahat, ng isang Diyos na nagnanais na iligtas ang lahat, o ng pag-ibig Niya para sa lahat.


Ang kapangyarihan ng Diyos ay sinasaklawan din ang layunin at pamamaraan ng evangelism. Isang halimbawa, ang makapangyarihang utos ng Diyos ay nililimitahan ang pamamaraan ng evangelism sa preaching o pangangaral lamang. Bagamang mahalaga din, ang mga medical missions, education, building at agrikultura ay hindi evangelism at hindi tinawag dito ang iglesya habang ginagampanan niya ang evangelism. Sa Biblia walang medical o agricultural missionaries. Ang mga bagay na ito ay maaaring gampanin kasabay ng gawain ng evangelism, ngunit ang mga ito ay hindi gawain ng iglesya, ni hindi kailangang maordinahan ang sinuman at isugo ng iglesya upang gawin ang mga ito.


Kaya, binibigyang-diin namin ang Biblikal na katotohanan na ang evangelism ay gawain ng iglesya, hindi ng mission boards at societies. Ang utos na ipangaral ang ebanghelyo ay utos na ibinigay ni Cristo sa iglesya at hindi kanino pa man (Mat. 28:19-20).


At, dahil itinuturo ng Kasulatan na ang evangelism, ang pangangaral ng ebanghelyo, ay gawain ng mga lalaking inordinahan, walang puwang dito ang mga babaeng misyonero. Nakapagtataka na ang mga simbahan na pinagbabawalang mangaral at manungkulan sa loob ng iglesya ay hindi itinuturing na mali ang isugo sila bilang misyonero upang ipangaral ang ebanghelyo sa mga pagano.


Gayon pa man, ang Sovereignty ng Diyos ay hindi lamang nasasaklawan ang evangelism sa pag-uutos na ang preaching o pangangaral ang itinakdang paraan ng Diyos sa evangelism. Ang doktrina ng kapangyarihan ng Diyos ay saklaw din ang layunin ng evangelism. Halimbawa, ang iglesya na naniniwila sa election o paghirang ay hindi dapat mag-isip na ang layunin ng evangelism ay bigyan “ang bawat isa ng pagkakataon.” Sa gayong kaso ang layunin niya sa evangelism ay sumasalungat sa katotohanan ng predestination (pagtatalaga) at limited atonement (limitadong bilang ng taong pinaglaanan ng kamatayan ni Cristo) na kanyang ipinapahayag.


Ni hindi layunin ng evangelism na iligtas ang lahat. Sa pangangaral ng ebanghelyo, sa simbahan man o sa misyon, dapat maunawaan ng mangangaral (evangelist) na ang pangangaral ay may dalawang layunin. Ang layuning iyon ay ang kaligtasan ng hinirang ng Diyos at ang lalong pagpapatigas sa puso at kahatulan ng iba (Rom. 9:18, 11:7, 2 Cor. 2:14-17).


Sila na tumatangging ipangaral ang ebanghelyo sa gayong pamantayan ay walang karapatang sumabak sa gawain. Tunay ngang iminungkahi ni Pablo (2 Cor. 2:14-17) na ang kamangmangan sa dalawang layunin na ito ng pangangaral ang dahilan kung bakit marami ang “kinakalakal” ang salita ng Diyos tulad ng ginagawa nila sa panahon ngayon sa pamamagitan ng pagtatago, pagbabalewala o pagtanggi sa katotohanan ng Kasulatan sa kanilang evangelism.


Ang layunin ng evangelism ay hindi nga ang mangaral sa lahat. Ayon sa Luma at Bagong Tipan ang ebanghelyo ay isinusugo kung kailan at saan naisin ng Diyos (Gawa 16:6-8). Marami ang bumabato ng mabigat na panunumbat sa iglesya na nagsasabing hindi ginagampanan ng iglesya ang kanyang pagkatawag hangga’t ang ebanghelyo ay hindi naipapangaral sa lahat at bawat taong nabubuhay, samantalang hindi nagbigay ang Diyos ng oportunidad at paraan upang gawin ito. Mali ito. Ang ating makapangyarihang Diyos din ang magtatakda kung kailan at saan ipapangaral ang ebanghelyo.




(6) NANINIWALA KAMI na ang Evangelism ay GAWAIN NG IGLESYA


May ilan pang mga bagay na ibig nating bigyang-diin:


Una, at kaugnay ng Part 5, ibig naming tukuyin na ang evangelism ay pagkatawag ng iglesya at dapat na gampanan nang buong kasigasigan, sa loob o labas man ng iglesya. Ang katotohanan na hindi hangad ng Diyos ang kaligtasan ng lahat ng tao at ang ebanghelyo sa buong kasaysayan ay naipapangaral kung kailan at saan lamang niloloob ng Diyos, ay hindi dapat maglimita sa iglesya o magpabaya siya sa kanyang gawain.


Sa gawain ng evangelism ang iglesya ni Jesu-Cristo, bilang pagsunod sa Kanyang utos, para sa kaluwalhatian ng Diyos, at sa ikaliligtas ng mga hinirang, ay dapat hanapin at ipanalangin ang oportunidad na maipangaral ang ebanghelyo (Col. 4:3-4, 2 Tes. 3:1), na maipangaral ito ng mga tao (Mat. 9:37-38), na mamunga ang gawain ng pangangaral (Rom. 10:1). At, kapag ibinigay na ng Diyos ang mga pamamaraan, mga manggagawa, at oportunidad, dapat na niyang gamitin ang pagkakataong iyon nang lubusan.


Tunay nga, ang oportunidad na ipangaral ang ebanghelyo (na tinutukoy sa Kasulatan na “bukas na pintuan” – Apo. 3:8) ay kinikilala na isa sa mga pagpapala ng Diyos sa iglesya sa pamamagitan ni Cristo kapag siya ay matapat.


Ikalawa, ibig naming linawin ang sinabi namin sa Part 5 tungkol sa evangelism bilang gawain ng iglesya. Kung tinawag ang iglesya upang gampanin ang evangelism at magmisyon, tinawag din siya upang suportahan ang mga sinugo upang gampanan ang gawin. Ang mga misyonero at evangelists ay tagapangaral ng ebanghelyo at sila na mga tagapangaral ng ebanghelyo, saan man sila gumagawa, ang tinutukoy ng 1 Cor. 9:7-14. Kinamumuhian namin ang kaugaliang laganap sa maraming dako, kung saan isinusugo ang mga misyonero upang sila ang mangalap ng pangsuporta sa kanilang sarili. Kaya kung ang misyon ay gawain ng iglesya, tinawag din ang iglesya upang magbigay ng suporta, hindi ang mga missionary societies o boards.


Ikatlo, kailangan naming ipagdiinan ang katotohanan na dahil ang evangelism ay gawain ng simbahan lahat ng mananampalataya ay may mahalagang bahagi sa gawain, bagamang hindi sila mismo ang nagangaral. May mahalaga silang tawag na ipanalangin ang gawain, suportahan ito sa gayong paraan at sa pamamagitan ng kanilang mga kaloob, at sila mismo ay maging patotoo sa katotohanan sa buo nilang buhay. Kung walang katapatan sa bahagi ng bayan ng Diyos walang gawaing evangelism ang uunlad.


Nawa’y ang mahalaga at kinakailangang gawaing ito ay matapat na magampanan, at nawa’y idagdag ng Diyos ang hindi matatawarang pagpapala Niya dito.




KONGKLUSYON: Ang Aming MOTIBO sa Pagtupad ng Reformed Evangelism


1. Ang pangunahin naming layunin ay ang ihayag ang kaluwalhatian ng Diyos sa mga tao. Ang ebanghelyo una sa lahat ay ang pagdedeklara ng kaluwalhatian at karangalan ng Diyos. Ang nagbubunsod sa amin dito ay hindi dapat ang paghahangad na makitang maligtas ang lahat ng tao, kundi ang lubos na kaluguran sa karangalan ng Diyos, at ang nag-uumalab na pagnanasa na ang Kanyang kaluwalhatian ay maihayag sa buong mundo.


2. Ang ikalawa naming layunin ay ang makita na ang mga hinirang ng Diyos ay sasampalataya kay Cristo (2 Tim. 2:10). Ang ebanghelyo ay malinaw na kasangkapan sa paghahatid sa mga hinirang upang sumampalataya kay Cristo. Ito ang malinaw na katuruan ng Roma 10:14-15 at ng iba pang mga talata.


3. Ang ikatlo naming layunin ay lubos na maging mabait, mahabagin, at mabuti ang kalooban kalakip ng malinaw, matapat at kumpletong pagpapahayag ng ebanghelyo upang ang mga hindi-hinirang ay walang maidadahilan sa pagtanggi nila dito, habang ang mga hinirang ay buong pag-ibig na inihahatid tungo sa pagsampalataya nila dito. Kaya, gayon din, dapat palamutian ng aming mga buhay ang ebanghelyo sa pamamagitan ng pagiging makaDiyos, mabuti at mapagpakumbaba (Jn. 12:37-41, Rom. 11:7-8).


4. Sa lahat ng aming gawaing evangelism, dapat naming taglayin ang lubos na kumpyansa na ang matapat na pagpapahayag ng ebanghelyo ay palaging nagtatagumpay—isinasakatuparan ang layunin na itinakda ng Diyos para dito sa lahat ng sitwasyon. Sa ilang sitwasyon, ginagamit Niya ito upang tawagin ang kanyang hinirang sa pagsampalataya kay Cristo, at nagagalak kami na makita silang lumuluhod sa paanan ng Tagapagligtas na may pag-ibig na nagsisisi. Sa ibang sitwasyon naman, inilalantad Niya ang katigasan ng puso ng mga itinakwil na noong una pa (reprobates)—lalong pinatutunayan sa kanila na karapatdapat sila sa kahatulang naghihintay sa kanila. Alin man sa dalawang ito, niluluwalhati ng evangelism ang marangal na Diyos.


Dapat naming alalahanin na hindi namin batid ang layunin ng Diyos sa isang partikular na taong di-mananampalataya, kaya hindi namin maaaring ipagpalagay na ang sinuman ay hindi hinirang. Hindi namin tungkulin ang piliin kung sino ang inaakala naming hinirang na mananampalataya. Hindi sinabi ng Diyos na mangaral kami sa mga hinirang lamang, kundi sa lahat ng tao na walang pagtatangi. Nasa Kanya ang karapatan na itangi ang hinirang (elect) sa di-hinirang (non-elect), na magbigay ng pananamplataya sa isa at ipagkait sa isa. Ang tungkulin namin ay may buong sigasig, pagbababala, kahabagan at kabaitan na babalaan ang mga tao ukol sa darating na paghuhukom, at may buong pagmamalasakit na mangaral sa mga taong nabibigatan sa kanilang mga kasalanan na ang tangi nilang pag-asa upang matakasan ang hindi mapipigilang kahatulan ay ang katuwiran ni Cristo ayon sa kapahayagan ng ebanghelyo.


Siyempre, ang Diyos ang magkakaloob ng Kanyang mapagbibiyang Espiritu upang taglayin namin ang ganitong layunin na may totoong katapatan at sigasig. Patuloy kaming dadalangin na kami ay puspusin ng damdamin para sa Diyos upang ang evangelism ay maging tibok ng aming puso at maging natural para sa amin, at ito ay samahan ng bunga ng Espiritu ng Diyos.


Nawa’y pangunahan kami ng pinagpalang Diyos sa patuloy na pagtatagumpay habang aming ipanapahayag ang Kanyang kaluwalhatian at biyaya. Sa Kanya ang kaluwalhatian magpakailan man!





The Bastion of Truth

imageyoucanhear

A newsletter/journal published in Filipino (Tagalog dialect) as a ministry of the denomination of Bastion of Truth Reformed Churches in the Philippines. It is primarily a means of instruction as well as a medium to proclaim and explain the convictions of the BTRC concerning the Gospel of God's sovereign particular grace in salvation.