btrc_header_4

Bastion of Truth Reformed Churches in the Philippines

Standing fast in one spirit with one mind striving together for the faith of the gospel which was once delivered unto the saints. (Phil 1:27, Jude 3)
Home About Us Beliefs and Practices Standards History Articles Publication Classis Directory Menu
" Issue No.3 "

April - June 2005

"Ang Hindi Nagbabagong Ebanghelyo sa Nagbabagong Panahon"

 

 

Truth For All Time - Jude 3

Christian Joy B. Alayon

Ang 'Synod of Dordt' (1618-1619) Laban sa Bulaang Ebanghelyo

June F. Subior

Ang Iisang Ebanghelyo sa Kasaysayan ng Biblia (Part 1)

Alex M. Aquino

 

Katotohanan ang Magpapalaya

Ronald R. Santos

 

 

The Dwelling Word (Colossians 3:16)

 

Truth for All Time

Jude 3

Christian Joy B. Alayon

 

Kailangan ba natin ng bagong kapahayagan ng katotohanan para tiyak na maingatan ang ating buhay? Sapat na ba ang mga naitala sa Biblia upang maging tiyak ang kaligtasan ng ating mga kaluluwa?

      Tila ba napakadaling sagutin ng mga tanong na ito lalo na sa ating mga nananatili sa pananampalatayang Reformed. Subalit kung iisipin natin ang mga taong iba ang paniniwala sa atin, hindi pa rin maiwasang makadama ng pag-aalinlangan at agam-agam. Para bang hindi sapat ang sagot na "Oo" o "Hindi." Hindi tayo napapayapa sa simpleng sagot na ito, lalo na kung ang batayan ay alam nating mula sa mga palagay o kuro-kuro lamang.

      Ayon sa Panginoong Jesu-Cristo: ""ito ang kalooban ng nagsugo sa akin na sa lahat ng ibinigay Niya sa akin ay huwag kong iwala ang anuman (kahit isa), kundi muli kong bubuhayin sa huling araw" (Juan 6:39). Ang tiyak at kumpletong kaligtasan ng LAHAT ng mga hinirang ay hindi nawawaglit sa isip ng ating mapagbiyayang Panginoon. Matatag ang pasya ng Diyos na wala isa man sa mga hinirang ang mapahamak, kaya sinadya Niyang ipahayag ng napakalinaw, walang kalituhan, at hindi nagbabago ang nag-iisang Ebanghelyong nakapagliligtas. Sa katunayan, ito rin ang kapahayagang nag-ingat sa mga apostol at unang mga mananampalataya upang wala isa man sa kanila ang mapahamak. Ang kapahayagang ito ay tinawag ni apostol Judas (hindi si Judas Iscariote na nagkanulo kay Jesus) na "pananampalatayang minsanang ibinigay sa mga banal" (Jude 3).

 

May Katotohanan na Bago pa ang Panahon

         

      Ang mensaheng tinutukoy ng apostol ay hindi isang mensaheng BIGLA na lamang naisip ng Diyos. Bago pa man likhain ang sanlibutan, nakapagpasya na Siya kung anong mensahe lamang ang gagamitin Niya upang ingatan ang kumpletong kaligtasan natin. Inaprobahan na ang Ebanghelyo ng Biyaya (Gawa 20:24) bilang "kapangyarihan ng Diyos para sa kaligtasan ng bawat sumasampalataya" (Roma 1:16).

      Bagama"t ito"y kinamumuhian, tinutuligsa, at araw-araw na nilalapastangan ng mga di-mananampalataya, hindi pa rin ito mapigilan sa anumang panahon sa pagbubukas ng isip at puso upang "sumampalataya ang lahat ng mga itinalaga sa buhay na walang hanggan" (Gawa 13:48). Ito ang kinasangkapan ng Biyaya ng Diyos nang hinango Niya tayo"t tinawag mula sa sumpa na dulot ng ating mga kasalanan. Kailanman ang Ebanghelyong ito ay hindi babaguhin ng Diyos, at hinding-hindi Siya muling magpapahayag ng mensaheng iba kaysa dito.  

      Bukod pa rito, ang pagkakatala ng Ebanghelyo sa Biblia ay patotoo na ang Diyos ay tiyak na tiyak sa Kanyang kalooban na biyayaan ng walang hanggang kaligtasan ang lahat ng hinirang sa lahat ng panahon alang-alang kay Cristo. Maging ang mga hinirang na hindi pa binubuksan ang puso, at ang mga hinirang na hindi pa isinisilang ay dadalhin Niya sa pananampalataya sa iisang Ebanghelyong ito. Hinding hindi sila iiwanan ng Diyos sa kanilang mga kasalanan.

 

Ang Katotohanan ang Nangangalaga sa Hinirang

 

      Ayon sa Roma 6:17, ""bagama"t kayo"y dating mga alipin ng kasalanan, kayo"y taos-pusong sumunod sa anyo ng aral na doon ay ipinagkatiwala kayo" (ABAB). Nang dinala tayo ng Espiritu sa pagkaunawa at pananampalataya sa ipinahayag Niyang Ebanghelyo, ay ipinagkatiwala rin Niya tayo doon upang maingatan ang ating buhay at kaligtasan. Kung nasaan ang Ebanghelyo naroon din ang mapagbiyayang kilos ng Espiritu, at kung nasaan ang Espiritu, ipinagtatanggol Niya ang Ebanghelyo sa buhay ng mga hinirang. Tayong mga nananatili sa mensaheng ito ay nakatitiyak na nasa atin ang Diyos sapagkat "...ang nananatili sa aral ay kinaroroonan ng Ama at gayundin ng Anak." (2 Juan 9 ABAB). Hindi hahayaan ng Panginoon na tayong Kanyang mga hinirang na dinala Niya sa pananampalataya sa Ebanghelyo ay muling malayo sa Kanya kaya aalalayan Niya tayo hanggang sa kaluwalhatian. Hindi na tayo dapat maghanap ng iba pang kapahayagan sapagkat sapat na ito upang ingatan tayo sa lahat ng masama sa ating kapanahunan.

      Ang Ebanghelyo ay galing mismo sa puso ng Diyos na sa Kanyang biyaya ay niloob Niyang ipahayag sa ating mga makasalanan, kung kaya naman espesyal at mahal sa atin ang katotohanang ito. Hindi aalisin ng Diyos sa ating mga uhaw na puso ang naisin na palaging mapakinggan ito. Natutuwa tayo kapag naririnig nating ipinapangaral ito at kirot ang ating nararamdaman kapag binabaluktot naman ito ng iba. Bunsod nito, pinagsisisihan natin ang ating kabulaanan at pagsampalataya sa mensaheng iba at hindi galing sa Diyos, at pinagsisisihan natin ang ating pagtitiwala sa ating mga sariling pagsisikap at gawa, na gaya ng sinabi ni Apostol Pablo ay "inari kong basura lamang, upang makamit ko si Cristo"" (Filipos 3:8 ABAB). Sapat ang di-nagbabagong Ebanghelyo upang pigilan tayo na magyabang sa Diyos patungkol sa mga ginawa natin, at sa halip ay kilalanin ang ating kumpletong Tagapagligtas at "kaisa-isa nating Pinuno at Panginoon na si Jesu-Cristo" (Judas 4).

 

Ang Katotohanan ang Nagtatagumpay

 

      Dahil sapat at makapangyarihan ang Ebanghelyo sa pagliligtas, ito ang sentro ng pag-atake ng diablo sa pamamagitan ng mga taong bumabaluktot nito at nangangaral ng iba kaysa dito, silang mga "itinalaga sa kahatulan"at"pinapalitan ng kahalayan ang biyaya ng ating Diyos..." (Judas 4). Gayun pa man hindi ito dahilan upang lukutin natin ang ating mga mukha sa lungkot, sapagkat itinalaga na ng Diyos ang tagumpay ng Ebanghelyo, at nagaganap na ito kahit ngayon dahil ang Diyos "ang nag-iingat ng katotohanan magpakailanman" (Awit 146:6). Hindi natin ito ipinagtatanggol sa pamamagitan ng ating sariling lakas dahil dudungisan lamang nito ang kinang ng Ebanghelyong ipinahayag ng Diyos sa atin. Ang totoo niyan, tayo mismo ang binibigyan ng lakas ng Ebanghelyo upang huwag mahiya sa paniniwala dito. Huwag nating ipagpalit sa mapanlinlang na turo ng diablo ang "pananampalatayang minsanang ibinigay sa mga banal," upang huwag tayong mapabilang sa mga taong ngayon ay nagdurusa na sa impyerno dahil sa pagtanggi sa Tunay at Nag-iisang Ebanghelyo.

 

 

 

Demolishing Arguments (2 Corinthians 10:5, 6)

 

Ang "Synod of Dordt" (1618-1619) laban sa Bulaang Ebanghelyo

June F. Subior

 

Habang tumatakbo ang panahon maraming pagbabagong nagaganap. Ngunit itinakda ng Diyos na hindi mananaig ang sinumang magtatangkang baguhin ang mensahe ng Kanyang Ebanghelyo sa gitna ng mga pagbabagong ito. Ang sinuman na mangaral ng ibang ebanghelyo ay Kanyang sinusumpa. Sapagkat ang pangangaral at pagtanggap ng ibang ebanghelyo ay pagtalikod sa Kanya. Hindi tunay na ligtas kung gayon ang mga nangangaral at naniniwala bulaang ebanghelyo kaya nga dapat tayong makatiyak na Ebanghelyo ng Diyos ang ating pinaniniwalaan (Gal. 1:6-9).

                   

Ang Ebanghelyo

 

      Ang Ebanghelyo ay mensahe tungkol sa biyaya ng Diyos (Gawa 20:24) Ipinapahayag dito na ang Dios lamang ang nagliligtas sa pamamagitan ng Kanyang makapangyarihang biyaya (sovereign grace) at walang kakayahan ang tao na gumawa ng mabuti upang siya ay kalugdan at tanggapin ng Diyos. Sa katotohanan, itinuturing ni apostol Pablo na nakadidiring dumi at kalugihan ang anumang gawang matuwid ng tao (works righteousness) bilang batayan ng kanyang katuwiran sa harapan ng Diyos. At itinuturo din ng Salita ng Diyos na huwag hahaluan ng anumang mensahe ng gawang matuwid ng tao ang dalisay na mensahe ng Biyaya ng Diyos (Rom. 3:10-18; Efe 2:8, 9; Fil. 3:8, 9; Rom. 11:4-6.)

 

Pilit na Binago

 

      Sa kasaysayan ng Iglesia tinangka ng maraming tao na haluan ng kasinungalingan ang Ebanghelyo ng biyaya ng Diyos. Isa na dito si Jacobus Arminius. Siya ay pinalaki ng dalawang Reformed ministers sapagkat maaga siyang naulila. Sa tulong din ng ilang mga negosyante, siya ay pinag-aral sa Unibersidad ng Geneva na tanyag na tanyag noon sa Kontinente ng Europa bilang sentro ng pag-aaral ng pananampalatayang Reformed.

      Naging pastor siya sa kanyang bayan sa Oudewater, Netherlands at naging propesor ng Teolohiya sa Unibersidad ng Leiden. Ipinangaral niya ang kanyang mga pananaw sa tusong pamamaraan at sinamantala niya ang pagkakataon sa matabang lupa ng Unibersidad ng Leiden. Noong 1609 si Arminius ay pumanaw ngunit hindi ang kanyang mga katuruan. Ang mga naniwala sa kanya ay bumuo ng isang napaka-organisadong grupo at nagtalagang isusulong ang "Arminianismo" upang maging opisyal na katuruan ng pananampalatayang Reformed. Ang tawag sa kanila ay "Remonstrants", na itinatag noong 1610 sa Gouda, Netherlands.

      Ang paniniwala ng mga Remonstrants ay salungat na salungat sa Ebanghelyo ng Diyos. Sa isang artikulo ng kanilang pagpapahayag ng pananampalataya ay nakasulat ang ganito:

 

Na ang Dios, sa pamamagitan ng isang walang hanggan at hindi nagbabagong layunin kay Jesu-Cristong Kanyang Anak bago pa itatag ang sanlibutan, ay nagtakda, mula sa nahulog at makasalanang lahi ng mga tao, na iligtas kay Cristo, alang-alang kay Cristo at sa pamamagitan ni Cristo, iyong, sa pamamagitan ng biyaya ng Espiritu Santo ay sasampalataya dito, sa Kanyang Anak na si Jesus at magpapatuloy sa pananampalatayang ito at sa pagsunod ng pananampalataya, sa pamamagitan ng biyayang ito, hanggang sa huli, at sa kabilang dako, ay ipaubaya ang mapagmatigas at hindi sumasampalataya sa kasalanan at sa kapootan at hatulan sila bilang hiwalay kay Cristo sang-ayon sa salita ng ebanghelyo sa Juan 3:36, "Ang sumasampalataya sa Anak ay may buhay na walang hanggan; ngunit ang hindi tumatalima sa Anak ay hindi makakakita ng buhay, kundi ang poot ng Dios ay sumasakaniya" at sang-ayon din sa ibang talata ng Kasulatan.

 

Ang Ebanghelyo ayon sa mga Apostol

   

      Sa unang tingin parang wala kang makikitang kamalian dito. Ganyan talaga ang mga mandaraya"hindi halata. Sa katotohanan ipinapahayag nila sa artikulong ito ang kanilang tahasang pagtanggi sa mensahe ng Ebanghelyo. Tinuturo nila na ang pagpili ng Diyos ay nakabatay at nakasalalay sa gagawing pananalig nila kay Cristo. Kung gayon, ang tao ang pumipili sa Diyos at hindi ang Diyos ang pumipili sa tao (Juan 15:16). Mapapahamak ang tao dahil umano hindi niya pinili o tinanggap ang Panginoong Jesus (bagamang totoo ito sa aspeto ng pananagutan at responsibilidad ng tao). Ito ang kanilang pagpapaliwanag sa Juan 3:36.

      Ayon sa immediate context ng Juan 3:36 ang pananampalataya ng isang tao ay bunga lamang ng pagkilos ng Diyos. Isinasaad sa unang mga talata gaya ng talatang 27 ang ganito: "Tumugon si Juan at nagsabi, hindi makakatanggap ng anuman ang isang tao maliban ito ay ipagkaloob sa kanya mula sa langit."  Sa talata namang 32 ipinapahayag na ang tao ay walang kakayahan na maniwala sa patotoo ng Panginoong Jesus. Ganito ang pagkakasabi ng Salita ng Diyos, "Siya na nagpapatotoo sa Kanyang nakita at narinig at walang sinoman ang tumanggap sa kanyang patotoo."  Ngunit ang mga nananalig ay patunay lamang na totoo ang Diyos sapagkat sinasalita ng Panginoong Jesus ang Salita ng Diyos at ibinibigay ng Diyos ang Espiritu ng walang sukat (Juan 3:33-34).

      Sino lamang ang mga maniniwala sa patotoo ng Panginoong Jesus? Ayon sa banal na Salita ng Diyos, ang Kanya lamang mga Hinirang na itinalaga sa buhay na walang hanggan ang siyang maniniwala. (Juan 17; Gawa 13:48; Rom 8:28-30; Efe. 1:4, 5; Pahayag 13:8; 17:8).

      Hawak ng Dios ang takbo ng kasaysayan at hindi Niya hinayaan na mapahamak ang Kanyang Iglesiang hirang. Kaya upang ipagtanggol Niya ito laban sa banta ng kabulaanan isinaayos Niya ang mga pulitikal at panlipunang sitwasyon sa dako ng Europa upang magkaroon ng puwang ang pagkakatipon ng makasaysayang Synod of Dordt noong 1618 hanggang 1619. Ito ay mataas na pagtitipon (Synod) ng mga kinatawan ng mga simbahang Reformed mula sa iba"t ibang estado ng Europa na ginanap sa Dordrecht (o Dordt), isang bayan sa Netherlands. Sa Synod na ito, sa isang daang porsyentong pagsang-ayon ng mga delegado ay kinundina bilang hidwang pananampalataya (heresy) ang "Arminianismo" na isinusulong ng mga Remonstrants. At para sa kapakinabangan ng Iglesia at ng kinabukasan nito ay binalangkas nila ang Canons of Dordt kung saan mariin nilang nilabanan ang mga kasumpa-sumpa at mapanlinlang na aral ng Arminianismo: Nakasaad sa isa sa mga artikulo ng Canons (pamantayan) bilang pagtutol sa artikulong nabanggit sa itaas na:

 

Ang paghirang ay hindi nakabatay sa paunang nakitang pananampalataya, at pagsunod ng pananampalataya, kabanalan, o ano pa mang mabuting katangian o pag-uugali sa tao, bilang pangangailangan, dahilan, o kundisyon kung saan ito nakasalalay; kundi ang mga tao ay pinili tungo sa pagsampalataya at sa pagsunod ng pananampalataya, kabanalan, atbp. Sa gayon, ang paghirang ang siyang bukal ng bawat kabutihang pangkaligtasan, kung saan nagmumula ang pananampalataya, kabanalan at ang iba pang kaloob ng kaligtasan, at sa kahulihulihan ay buhay na walang hanggan nga, bilang bunga at epekto nito, sang-ayon sa apostol: "Ayon sa pagkapili Niya sa atin (hindi dahil tayo ay, kundi) upang tayo"y maging mga banal at mga walang dungis sa harapan Niya sa pagibig" (Efe. 1:4). [Canons: Head 1, Article 9]

                                 

Isa pang Kasinungalingan

 

      Ayon pa rin sa mga Remonstrants o mga Arminians, ang Panginoong Jesus ay namatay para sa lahat ng tao. Ganito ang isinasaad sa kanilang artikulo:

 

Na sang-ayon dito, si Jesu-Cristo na Tagapagligtas ng sanlibutan, ay namatay para sa lahat ng tao at sa bawat isang tao, nang sa gayo"y mayroon siyang kapatawaran sa kasalanan, bagamang walang ganap na nakikinabang sa kapatawarang ito sa mga kasalanan, maliban sa sumasampalataya lamang sang-ayon sa salita ng ebanghelyo sa Juan 3:16: "Sapagka"t gayon na lamang ang pagsinta ng Dios sa sanglibutan, na ibinigay niya ang kaniyang bugtong na Anak, upang ang sinomang sa kaniya"y sumampalataya ay huwag mapahamak, kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan." At sa unang liham ni Juan 2:2: "At siya ang pangpalubag-loob sa ating mga kasalanan; at hindi lamang sa ating mga kasalanan, kundi ng sa buong sanglibutan din naman."

 

Ang "Sanlibutan" na Iniibig ng Dios

 

      Ang salitang "sanlibutan" na ginamit sa Juan 3:16 ay hindi tumutukoy sa lahat ng tao. Kung sisiyasatin natin nang mainam ang salitang ito ay tumutukoy lamang ito sa mga mananampalataya. Sinasaad sa Juan 3:16 na mahal na mahal ng Diyos ang sanlibutan kaya isinugo Niya ang Kanyang bugtong na Anak upang ang sinuman na manalig sa Kanyang Anak ay magkakaroon ng buhay na walang hanggan. Isinugo Niya ang Panginoong Jesus hindi upang hatulan ang "sanlibutan" kundi sa pamamagitan din Niya ay maligtas ang sanlibutan. (Juan 3:17). Kung ang salitang "sanlibutan" ay tumutukoy sa lahat ng tao na hindi na hahatulan, kung gayon ang lahat ng tao ay mapupunta sa langit at lahat ay sasampalataya sa Panginoong Jesus. Ngunit hindi ito ang ibig ipakahulugan ni apostol Juan sapagkat may mga taong hindi sumasampalataya at nahatulan na dahil inibig nila ang kadiliman. Sila ang mga itinakwil at hindi inibig ng Diyos. Kung gayon ang sanlibutan na lubos na inibig ng Diyos, kung kanino Niya ibinigay ang bugtong Niyang Anak upang sila ay iligtas at hindi hahatulan ay ang sanlibutan ng mananampalataya lamang. Sila ang mga hinirang ng Diyos na itinalaga na maniwala sa patotoo ng Panginoong Jesus at tiyak na kikilusin ng Diyos (Juan 3:21; Gawa 13:48). Tungkol sa mga hinirang na ito ay nanindigan ang Synod of Dordt habang sinasawata nila ang kamalian ng Arminianismo:

 

Sapagkat ito ang makapangyarihang panukala ng ganap na mapagbiyayang kalooban at layunin ng Dios Ama, na ang pagbibigay-buhay at nakapagliligtas na bisa ng pinakamahalagang kamatayan ng Kanyang Anak ay iniukol sa lahat ng Kanyang mga hinirang, sa paglalaan sa kanila lamang ng kaloob ng pananampalatayang nagpapawalang-sala, at sa pamamagitan nito ay tiyak na ihatid sila sa kaligtasan; iyon ay niloob ng Dios na si Cristo sa pamamagitan ng dugo ng krus, kung saan pinagtibay ang bagong tipan, ay matagumpay na magtutubos mula sa lahat ng pangkat ng lahi, angkan, bansa at wika silang lahat at sila lamang na mga pinili mula sa panahong walang hanggan tungo sa kaligtasan at mga ibinigay sa Kanya ng Ama" [Canons: Head 2, Article 8]

 

Ebanghelyo"Ang Diyos Lamang ang Tagapagligtas

 

      Ang Arminianismo ay walang iba kundi ang paglapastangan, pagwawalang-bisa, at pagwasak sa ginawang pagliligtas ng Panginoong Jesus. Batay dito hindi mailigtas ng Panginoong Jesus ang pinaglaanan Niya ng buhay maliban na lamang kung sila ay "magdedesisyon" na maniwala at tanggapin ang ginawa Niyang pagliligtas. Lumalabas na mas makapangyarihan ang desisyon ng taong makasalanan kaysa sa ginawa ng Panginoon na banal. Lumalabas din na dalawa ang tagapagligtas"ang Diyos at ang tao. Ito ay malaking kalapastanganan at insulto sa mukha ng Diyos!

      Ang katubusang ginawa ng Panginoong Jesus ay para sa Kanyang hinirang lamang. Ang Pangionoong Jesus ay talagang nagliligtas at makapangyarihan sa Kanyang ginawa doon sa Krus ng Kalbaryo. Hindi Siya naghihintay sa gagawing desisyon ng tao (dahil wala Siyang maaasahan dito) kundi matagumpay na ilalapat at ipararanas ng  Banal na Espiritu ang Kanyang ginawang pagliligtas (Mat. 1:21;  20:28; Juan 10:11; Juan 17; Isaias 53).          

                             

"Arminianismo": Bulaang Ebanghelyo

 

      Hindi hinayaan ng Dios na tuluyang malinlang at mapahamak ang Kanyang Iglesia dahil sa mga huwad at mandarayang guro ng bawat panahon. Kaya itinindig Niya ang makasaysayang Synod of Dordt upang papagtagumpayin ang katotohanan. Ang katuruan ng Arminianismo ay kinundena na bilang bulaan at di ayon sa mensahe ng Ebanghelyo ng ating mga ninuno sa pananampalataya na nagkatipon sa bayan ng Dordt  noon pang mga taong 1618 at 1619. Gayon pa man, bagamang nahatulan na ang kamaliang ito ay lumalaganap pa rin ito sa karamihan ng mga iglesia sa daigdig sa sumunod na bahagi ng kasaysayan hanggang ngayon. Kaya hindi kami tumitigil sa pakikiusap at pagbibigay babala sa lahat na ang sinomang maniwala sa huwad na ebanghelyo ay kasumpa-sumpa sa Diyos at tanda na siya ay di-ligtas. Sa habag ng Dios, tumitindig kami bilang patotoo, gaano man kahina ang aming boses, na may nag-iisa at tunay na Ebanghelyo na ipinapahayag ang Dios sa pagtakbo at pagbabago ng panahon. Tandaan, magbago man ang panahon hindi nagbabago ang Ebanghelyo ng Diyos.

 

 

 

Our Gospel Stand (Philippians 1:27)

 

Ang Iisang Ebanghelyo sa Kasaysayan ng Biblia (Part 1)

Alex M. Aquino

 

Nakamamangha na ang Biblia, na siyang paksa ng mga pagtatalo at inaangking batayan ng pangangaral sa kasalukuyang panahon, ay hindi lamang simpleng tala ng kapahayagan ng isip at kalooban ng Dios sa tao, kundi ito"y tala din ng kasaysayan ng Kanyang makapangyarihang pagkilos at pamamahala sa buong buhay nila sa mundong kanilang kinalalagyan sa loob ng mahabang panahon. Isipin mo na lang"maaari namang minsanan na lamang ipasulat ng Dios ang Kanyang Salita sa pamamagitan ng isang tao tulad ng pagkakasulat sa Qur"an ng Islam, ngunit sa Kanyang di malirip na karunungan ay hindi ganito ang Kanyang ginawa. Bagkus, naisulat ang buong Biblia sa pagitan ng hindi kukulanging 1,500ng taon ng humigit-kumulang 40ng may-akda mula sa iba"t ibang propesyon at kapanahunan at marami sa kanila ang hindi man lang nagkatagputagpo. Subalit ang higit na nakamamangha ay hindi sila nagkasalungatan sa kanilang isinulat! Ito ay dahil sa iisa lamang ang Dios na nangusap sa kanila at iisa lang ang panukalang ipinahayag Niya sa kanikanilang kapanahunan. Dahil dito"y iisa lamang ang mensahe ng Biblia at hindi ito nagbago ni napalitan, lumipas man at magbago ang mga kapanahunan.

      Nakababahala lamang na maraming mapangahas ang nagtuturo at inililigaw ang marami sa kanilang kongklusyon na nagbabago o nagpapalit ng pakikitungo (dealings) ang Dios sa tao sa iba"t iba nilang kapanahunan partikular sa larangan ng Kanyang pagliligtas. Tulad na lamang halimbawa ng mga theologians na nagtuturo na may dalawang pakikipagtipan ang Dios sa tao: Tipan ng Gawa at Tipan ng Biyaya. Sa aral na ito ay ipinapalagay nila na magagawang kamtan ni Adan ang buhay na walang hanggan sa pamamagitan ng kanyang posibleng pagsunod sa utos ng kanyang Manlilikha (Covenant of Works). Subali"t natunghayan natin na nabigo siya dito kaya "niremedyuhan" at "tinatapalan" ng Dios ang problema sa pamamagitan ng pagtatakda kay Cristo na Tagapagligtas sa pamamagitan ng Kanyang handog (Covenant of Grace). Hindi ba"t lumilitaw na sa ganitong sistema ay nagkakamali ang Dios at mayroon Siyang dalawang layunin? ang iligtas ang tao sa pamamagitan ng gawa at sa kabilang dako ay sa biyaya? Mayroon ding nagmamalaki na "we are rightly dividing the word of truth" na nagtuturo ng higit pa sa isang pamamaraan (o dispensations; karaniwan ay pito ang mga ito) ng Dios hinggil sa kaligtasan sa buong kasaysayan ng tao. Ito ay kilala sa taguring Dispensationalism at maraming evangelical, "born-again" at mga kulto ang biktima nito, alam man nila ang terminolohiyang ito o hindi. Isang sanga ng kaisipang ito ay ang katuruan na ang kaligtasan sa Lumang Tipan ay sa pamamagitan ng pagtupad sa kautusan at sa Bagong Tipan ay sa pamamagitan ng biyaya lamang. Ngunit tampok sa aral ng Dispensationalism ay ang pagkabigo ng Dios sa bayan Niyang Israel hinggil sa pagtanggap sa kanilang Mesias kaya bumaling siya sa "iglesia". Babalikan Niya umano ang Kanyang orihinal na plano sa Israel sa pagbabalik ni Cristo upang pagharian sila sa loob ng isang milenyo (literal na 1,000ng taon). Muli, lumalabas na nagkakamali ang Dios; na mayroon Siyang higit pa sa isang layunin; na mayroon Siyang Plan A, Plan B, etc., na hawig sa lapastangang aral ng kilusang "Dating Daan" ni Eli Soriano.

      Ang lahat ng ito ay sumisira sa katotohanan ng sovereignty at grace ng Dios at pawang pandaraya ng "ama ng mga kasinungalingan" (Juan 8:44) at makabubuti sa iyo na suriing maigi ang iyong kinatatayuan. Sinisikap ng artikulong ito na patunayan na ang "boong kapasiyahan ng Dios" (Gawa 20:27) o ang "evangelio ng biyaya ng Dios" (Gawa 20:24) ay iisa at hindi nagbabago kahit nagbabago ang panahon.

 

Ang Ebanghelyo sa Paraiso

 

      Sa simula pa lamang ay utang na ng ating mga magulang na sina Adan at Eva ang kanilang buhay at pagkatao sa biyaya ng Dios. Wala silang ginawa para sa Dios upang gantimpalaan Niya sila ng anomang kabutihan. Ang paglingkuran Siya ang kanila ng kasiyahan at walang katapat na gantimpala (Lucas 17:10). Pinatunayan ng Dios na ang lahat ay utang nila sa Kanyang biyaya nang "itakda" Niya ang pagpasok ng kasalanan at pagkahulog ng tao upang makita nila na hindi nila makakayang kamtan ang buhay na walang hanggan sa pamamagitan ng kanilang sarili, kahit pa sa matuwid nilang kalagayan. Ito ay dahil lamang sa kagandahan ng kalooban ng Dios na ibayo Niyang ipinamalas nang hatiin Niya ang napahamak at nahatulang buong kalahian ng tao sa paglalagay Niya ng "pakikipag-alit" (Genesis 3:15) sa pagitan ng binhi ng diyablo at binhi ng babae. Ito ang kauna-unahang kapahayagan ng mapagbiyayang pangako ng Dios sa pagbubukod Niya sa Kanyang mga hinirang para sa kanilang katubusan o ang tinatawag ng Biblia na "Ebanghelyo".

      Sa kanilang pagkahulog, namalayan ni Adan at Eva ang kanilang kahubaran at kahihiyan. Sa kanilang hangal na inisyatibo ay nagtahi sila ng mga dahon ng igos upang takpan ang kanilang kahubaran (Genesis 3:7). Ito ang kauna-unahang pagsisikap ng tao na solusyonan ang kanyang kapahamakan ayon sa sarili niyang inisyatibo at pananaw. Simula noon ay kumatha na ang mga tao ng kanikanilang paraan ng pagliligtas sa sariling kapahamakan. Subalit isa lamang ang tamang paraan na ipinahayag ng Dios"katumbas ng buhay at dugo ng (mga) walang muwang na hayop ay gumawa ang Dios ng mga kasuotan mula sa mga ito upang bihisan ang mag-asawa. Ang kanilang kahihiyan ay natakpan nga ngunit katumbas nito"y buhay at dugo ng inosente. Ito ay larawan ng darating na "kaganapan" ng pagtutubos sa "binhi ng babae" na pinangakuan ng Dios ng buhay na walang hanggan.

 

Kina Cain at Abel

 

      Umusbong ang ikalawang henerasyon, ngunit namulat ito sa labas ng Paraiso at nagsimula na ring umiral ang inihayag na sumpa at pangako sa diyablo at sa babae. Palibhasa"y kinikilala ang kanyang pagiging makasalanan, naghandog si Abel sang-ayon sa iisang paraan ng Dios: ang paghahandog ng tupa na nagpapaalala sa kanya na ang kabayaran ng kasalanan ay kamatayan at mayroong "Isa" na darating na mag-aalay ng buhay para sa Kanyang mga hinirang (Gen. 4:4). Ngunit ang kapatid niyang si Cain ay inulit ang kahangalan ng kanilang mga magulang nang gumawa sila ng sarili nilang paraan (o ibang ebanghelyo) upang lunasan ang kanilang kahatulan. Iginiit ni Cain ang kanyang sariling kagustuhan, pananaw at paraan ng paglapit sa Dios: ang paghahandog ng mga bunga ng lupa (4:3). Dahil dito kinakatawan niya ang napakaraming nagpapahayag ng relihiyon na batay sa kanilang sariling pang-unawa at paraan at hindi sa tunay at tanging Ebanghelyo. Kinalugdan ng Dios ang handog ni Abel samantalang tinanggihan ang kay Cain na nagbunsod dito na paslangin ang kanyang kapatid. Hindi ba"t ito rin ang ginagawa ng kanyang lahi sa kasalukuyan? Ang pagtawanan, laitin at puksain ang "kakaunting" nanghahawakan sa katotohanan?

 

Kay Noe at ng Baha

 

      Lumipas ang mahabang panahon at ang lahi ng matuwid na si Seth (kapalit ni Abel) ay nabighani at nalinlang, kung hindi man inusig silang nanindigan para sa katotohanan, ng likong lahi ni Cain (Gen. 6:1-5). Napuno ng karahasan ang mundo at nahinog sa mabagsik na kahatulan. Subalit bilang pagsasakatuparan sa pakikipag-alit ng binhi ng babae laban sa binhi ng diyablo ay iningatan ng Dios si Noe at ang sambahayan nito. Upang makaligtas sa sukdulang kasamaan ng mga tao, nagpagawa ang Dios ng daong sang-ayon sa Kanyang mga eksaktong sukat at panuto (Gen. 6:14-18) at hinding hindi ayon sa inisyatibo at pagkukusa ni Noe. Dumating ang malawakang baha na nagpalutang sa daong at nagligtas sa sambahayan ni Noe at lumipol sa lumang sanlibutan. Muli ay ipinahayag ng Dios na iisa lamang ang Ebanghelyo ng kaligtasan. Ito ay mula sa Kanya at hindi ayon sa paliwanag ng tao.

 

Kay Abraham at ng Pangako

 

      Nagsimula nang panibago ang sanlibutan ngunit habang lumalaking muli ang sangkatauhan na taglay pa rin sa kanyang kalikasan ang kasalanan ay nilimot nila ang ginawa ng Dios noong panahon ng baha. Nagsipagkatha sila ng sarili nilang dios at sinamba ang mga ito at nagsipaghaka ng kanikaniyang paraan ng kaligtasan. Isa sa mga ito na mananamba sa mga diosdiosan ay si Abraham. Subalit sa paraang hindi matatanggihan (irresistibly) ay hinango siya sa kasamaang ito at tinawag siya ng Dios upang dumako sa Lupang Pangako. Hindi ito dahil mas matuwid siya sa iba, kundi ito ay dahil sa malayang pagpili (unconditional election) at mabuting kalooban (grace) ng Dios. Ipinangako sa kanya at sa kanyang "Binhi" (na ang tinutukoy ay ang Mesias at lahat ng sumasampalatya sa Kanya: Galacia 3) na sa pamamagitan niya ay pawawalangsala (justify) ang maraming bansa. Ito ang tunay at nag-iisang Ebanghelyo na ipinauna nang ihayag sa panahon niya (Galacia 3:6-9): Ebanghelyong hindi sa pamamagitan ng free-will, gawa o merito ng taong patay sa kasalanan kundi dahil lamang sa biyaya ng Dios sa pamamagitan ng pananampalataya lamang.

 

Kay Moises at ng Kautusan

 

      Itinakda din ng Dios na aalipinin ang binhi ni Abraham sa Egipto (Gen. 15:13), muli, bilang pagpapatuloy ng pakikipag-alit ng binhi ng babae laban sa binhi ng diyablo. Isinugo ng Dios si Moises, ang tagapagpalaya na anino ng Tagapagpalayang (Deliverer) darating sa takdang panahon. Lumaya ang bayang Israel mula sa kalupitan ni Faraon, hari ng Egipto, kasangkapan ng diyablo. Ipinaalala ng Dios na ginawa Niya ito sa kanila hindi dahil sila ay nakahihigit sa sinoman kundi sila ay pinili Niyang mahalin mula sa Kanyang malayang kalooban. (Deuteronomio 7:6-9). Sa proseso ng kanilang paglalakbay ay ibinigay ng Dios ang Kanyang mga utos. Salungat sa maling akala ng maraming relihiyon, ang mga banal na utos na ito ay hindi maaaring maging daan upang ikaligtas ng makasalanan, kundi upang makita nila ang kanilang kasamaan at pangangailangan ng tunay na Tagapagligtas o Tagapagpalaya sa kanilang kasalanan (Gal. 3:19-25). Hindi nagbago ang Ebanghelyo sa pagbibigay ng mga utos, kundi lalo pang pinatunayan ng mga ito ang pangangailangan sa biyaya ng Dios na ipinapahayag ng tunay at tanging Ebanghelyong ito.

 

Kay Haring David

 

      Sa pagkakatatag ng paghahari sa bayang Israel nakipagtipan ang Dios kay Haring David at sa kanyang "Binhi" na magtatatag ng Kanyang kaharian magpakailanman (hindi si Solomon ang kaganapan nito kundi iba pa). Sinasabing "kung siya"y gumawa ng kasamaan, aking sasawayin siya ng pamalo ng mga tao, at ng panghampas ng mga anak ng tao" (2 Samuel 7:12-16). Tinutukoy nito ang darating na Tagapagligtas mula sa laman ni David na bagamang hindi nagkasala ay aako at magdadala ng kasalanan at kahatulan ng Kanyang mga hinirang upang ihatid sila sa buhay na walang hanggan upang pagharian sila ng Dios magpakailan man. Hindi pa rin nagbabago ang Ebanghelyo. Ito"y sa pamamagitan pa rin ng malayang kapasyahan at biyaya ng Dios at hindi sa kakayanan at pagkukusa ng tao. Ang nag-iisang Ebanghelyong ito ang siyang paksa ng pangangaral ng mga propeta ng Matandang Tipan at siyang tanging pag-asang ipinauna na nila sa kanilang mga propesiya habang papalapit ng papalapit ang panahon ng katuparan ng una ng ipinangako ng Dios sa Paraiso.

 

Sa Bagong Tipan

 

      Sa pagsapit ng panahon ng Bagong Tipan ang katuparan ng pangakong ito ay nag-umapaw sa pangangaral ng mga apostol at hindi sila papipigil na ipahayag ang kanilang nakita at narinig kahit na pag-uusig at kamatayan ang nakaabang sa kanila. Winika ni Pablo, "Si Pablo na alipin ni Jesucristo, na tinawag na maging apostol, ibinukod sa evangelio ng Dios, na kaniyang ipinangako nang una sa pamamagitan ng kaniyang mga propeta sa mga banal na kasulatan, tungkol sa kaniyang Anak, na ipinanganak sa binhi ni David ayon sa laman"" (Roma 1:1, 2). Sa pagdating ng Panginoong Jesus at sa Kanyang pagpapakasakit at kamatayan sa krus at muling pagkabuhay, Siya ang "Binhi" na ang sakong ay dinurog ng diyablo subalit dinurog naman Niya ang ulo nito (Gen. 3:15).Tinupad ng Dios ang Kanyang pangako na ililigtas Niya ang Kanyang bayang hirang (elect) o ang Kanyang iglesia bago pa man likhain ang sanlibutan dahil lamang sa Kanyang sarili at malayang kapasiyahan at hindi sa kakayanan o pagkukusa ng makasalanan.

      Lumilipas at nagbagobago ang panahon ngunit hindi nagbago ang pagkilos ng Dios alangalang sa Kanyang bayang hinirang. Hindi nagbago ang Kanyang layunin at plano, kaya hindi nagbago ang Kanyang Ebanghelyo. Pinatutunayan nito na ang ating Dios ay hindi nadadaig at nabibigo ng mga pasiya ng tao. Hindi siya napapatangay sa pagbabago at mga pagkabigo ng tao. "Sapagka"t ako, ang Panginoon, ay hindi nagbabago"" (Malakias 3:6) ang wika Niya at ito ang palagi nating pinanghahawakan at pinangangatawanan.

 

(Part 2"Sundan sa susunod na issue)

 

 

 

Beware: False Gospels (Galatians 1:6-9)

 

Katotohanan ang Magapapalaya

Ronald R. Santos

 

Minsan pa ay ipinapaalala sa mambabasa na ang layunin ng lathalaing ito ay hindi upang manira ng relihiyon o maging ng ibang sekta kundi ihantad ang mga kabulaanang bumubulag sa sangkatauhan sa pag-asang ang mga biktima ng bulaang ebanghelyo ay "baka sakaling pagkalooban ng Diyos ng pagsisisi tungo sa pagkakilala sa katotohanan, at sila"y matauhan at makawala sa bitag ng diyablo na bumihag sa kanila upang gawin ang kanyang kalooban." (2 Timoteo 2:25). Taglay rin ang pag-asang "tayo"y hindi na maging mga bata, na tinatangay-tangay ng mga alon at dinadala-dala ng bawat hangin ng aral, sa pamamagitan ng pandaraya ng mga tao, sa pamamagitan ng kanilang katusuhan sa paraang mapandaya. Kundi humawak sa katotohanan na may pag-ibig"" (Efeso 4:14).

 

Bulaang Ebanghelyo sa Kamay ng mga "Mahuhusay"

 

      Iba-iba ang katangian ng mga nagtuturo ng bulaang ebanghelyo, may mga ganid ngunit mayroon naman talagang mga sincere; May mga magaspang ang ugali ngunit mayroon din namang pino ang pag-uugali; May mga walang pinag-aralan ngunit mayroong mga matataas ang pinag-aralan; May mga hindi marunong magsalita ngunit mayroong napakahuhusay at matatamis ang dila. Ang lason ng bulaang ebanghelyo ay mas makamandag kapag ito"y umaagos sa pananalita ng mga sincere, pino ang ugali, matataas ang pinag-aralan at napakahuhusay at matatamis ang dila ngunit mga bulaang mangangaral kaysa sa mga walang "binatbat" na bulaang mangangaral. Sa kamay ng mga bulaang mangangaral na mataas ang pinag-aralan, ang katotohanan ay kayang-kaya nilang baluktutin upang maging kasinungalingan; at ang kasinungalingan naman ay buong galing nilang itinuturong waring katotohanan (Marcos 7:7-9, 13). Tandaan natin ang babala ng Panginoong Jesu-Cristo nang sabihin Niya na ang mga bulaang mangangaral ay "napakahusay gumawa ng pamamaraan para maisantabi ang utos ng Diyos"" Mas lalong dapat nating pakinggan ang babala ng Panginoon sa ating kapanahunan, sapagkat mukhang mas higit pang pinahuhusay ng mga bulaang mangangaral ang pagbabaluktot sa Ebanghelyo ng katotohanan. Ang ebanghelyong itinuturo ng mga "mahuhusay" na maisantabi ang utos ng Diyos ay bulaang ebanghelyo.

 

Bulaang Ebanghelyo ay "Relative" o "Subjective"

 

      Isang napakahusay na paraan nila sa pagbabaluktot sa katotohanan ay palambutin ang katotohanang ang Ebanghelyo ng Diyos ay iisa at hindi nagbabago (absolute). Bagama"t aaminin nila na iisa ang Ebanghelyo ngunit kaagad namang ituturo na iba-iba naman daw ang interpretasyon o paliwanag sa Ebanghelyo. "Kanya-kanyang pang-unawa lamang iyan, iyan ang pagkaunawa mo, ito naman ang pagkaunawa ko" iyan ang wika nila. Sa madaling salita, para sa kanila ang Ebanghelyo ay "relative" at hindi "absolute" o kaya"y ito"y "subjective" at hindi "objective." Ang ebanghelyong pabagobago dahil sa pananaw ng tao ay bulaang ebanghelyo.

 

Ang Ebanghelyong Nagbabago ay Bulaang Ebanghelyo

 

      Ang mga ninuno daw natin ay naunawaan ang Ebanghelyo sa mababaw na paraan dahil sa kakulangan ng mga "iskolar" na pag-aaral, ngunit sa pag-inog ng makabagong panahon, may mga "dalubhasang" pagkaunawa na sa Ebanghelyo. Halimbawa, isang pastor na nakapag-aral sa isang "sikat" na seminaryo ay "mala-iskolar" na nagpahayag na ang mga paliwanag hinggil sa ebanghelyo ng ating mga ninuno ay "obsolete" o luma na, yamang kulang daw ang kanilang kaalaman kung ihahambing sa ngayon, noon daw ay "Calvinism" [1] ang kanilang pinaniwalaan kasi iyon lang ang abot ng kanilang pang-unawa ngunit dahil sa dami na ng "iskolar" at bagong mga pamamaraan ng pag-aaral ng Biblia ay umangat ang paniniwala sa mas maayos na katuruan na tinatawag niyang "Arminianism." [2] Ano ba ito, "iskolar" na pananaw sa ebanghelyo? Hindi! Ito ang sinasabi ng Panginoon na mahusay na paraan ng tao para isantabi ang Salita ng Diyos. Ang Ebanghelyo ng Biyaya ng Diyos ay hindi kailanman nagbabago. Ang ibinigay ng Diyos sa mga propeta at apostol at ipinaunawa Niya sa ating mga ninuno ay ganap at lubos at hindi nagbabagong Ebanghelyo kahit na sa makabagong panahon (tignan ang artikulo ni Alex Aquino sa pahina 7). Ang ebanghelyong nagbabago sa takbo ng panahon ay bulaang ebanghelyo!

 

Ang Bulaang Ebanghelyo ay "Balance" (?)

 

      Isa pang paraan ng pagpapalambot sa Ebanghelyo ay ituring ito na isang katotohanang may iba"t ibang interpretasyon. Tulad ng itinuturo ng isang tinitingalang pastor na ang "Calvinism" at "Arminianism" daw ay dalawang pananaw sa isang ebanghelyo kaya hindi dapat pagtalunan. Isa pang Pentecostal pastor naman ang may pagmamayabang na nagsabi na ang "Calvinism" at "Arminianism" ay dalawang "extremes" ng pananaw sa isang ebanghelyo at ang kanilang denominasyon ay nasa "gitna" ng dalawang extremes na ito, ngunit ang "inclination" ay patungo sa "Arminianism," na ipinahihiwatig na sila lamang ang "balance".

 

 "Balance" nga ba ito? Paano mo iba-"balance" ang katotohanan at kasinungalingan, may "gitna" ba ang "Tama" at "Mali". Meron! Ito"y Mali pa rin. Ang "balance" ng katotohanan at kasinungalingan ay kasinungalingan pa rin. Oo, ang katotohanan at kasinungalingan ay dalawang "extremes". "Pag wala ka sa katotohanan ikaw ay nasa kamalian, kahit na ikaw ay nasa gitna pa o nasa dulo. Gayun din kung wala ka sa kasinungalingan, ikaw ay nasa katotohanan. Ang ebanghelyong nagpipilit na maging "balance" sa paningin ng tao, ay bulaang ebanghelyo!

 

Sumpa ng Diyos para sa Bulaang Ebanghelyo;

Kaligtasan sa Tunay at Di Nagbabagong Ebanghelyo!

 

      Ano ang mga ito? Wala nang iba kundi mga katuruan ng tao na nagpapanggap na turo ng Diyos. Ang mga ito"y kabulaanan na nagmula pa sa kaisipan ng diablo na ang pinakalayon ng mga pamamaraang ito ay maisama sa tusong paraan ang lason ng "free will" ng tao sa Ebanghelyo ng Biyaya ng Diyos. Mga mambabasa, wala ng iba pang paraan ang ginagamit ng Diyos sa pagtawag sa Kanyang mga inililigtas kundi ang hindi nagbabagong Ebanghelyo ng Kanyang Biyaya. Katotohanan lamang at hindi kailanman kasinungalingan ang kinikilala ng Diyos. Suriin mo kung ikaw ay nasa katotohanan o nasa kasinungalingan. Mag-ingat ka sa mga bulaang ebanghelyo na maghahantad sa iyo sa sumpa ng Diyos. Sumampalataya ka sa hindi nagbabagong Ebanghelyo at ikaw ay maliligtas!

_____________________

 

1 "Calvinism" ay mas kilala sa tawag na "Doctrines of Grace" o Ebanghelyo sa acronym na TULIP. Bagama"t masasabing hindi angkop na tawaging Calvinism ang Ebanghelyo ay tinatanggap na rin ang katagang ito kung malinaw sa mga gumagamit nito na hindi ito nagmula kay John Calvin (1509-1564) kundi siya lamang ang nagbigay diin sa mga ito noong panahon ng Reporma, kaya sa kanya ipinangalan ang katotohanang ito na itinuturo ng Biblia.

 

2 "Arminianism" ay katuruang pinasikat ni Jacobus Arminius (1560-1609) noong panahon ng Reporma na salungat sa TULIP; na ang pinabuod na baluktot na katuruang ito ay ang kakayahan ng tao na iligtas ang kanyang sarili matapos na si "cristo" ay mamatay para sa lahat ng tao na nagbigay ng pagkakataon sa lahat na maligtas. Ito"y bulaang ebanghelyo.

 

_______________________________________________________________