July - September 2005
"Ang Ebanghelyo ng Hindi Nabibigong Diyos"
God's Sovereignty Over Good and Evil, Job 1:21
Jereson A. Vino
Christian Joy B. Alayon
Iisang Ebanghelyo sa Kasaysayan ng Iglesia
Alex M. Aquino
Romel V. Espera
Nananaig na 'Malayang Pasiya' ng Tao?
Ronald R. Santos
Christian Joy B. Alayon
God"s Sovereignty over Good and Evil
Job 1:21
Jereson A. Vino
Likas sa isang tao ang humanap ng masisisi kung may negatibong bagay na nangyari sa kanyang buhay. Pero pangkaraniwan na rin namang maririnig buhat sa iba"t ibang estado ng tao ang katagang "ito ang kalooban ng Diyos" ngunit salat sa katotohanan hinggil dito. Nakalulungkot, pero ang mas nakalulungkot dito ay ang makita ang katotohanang ang Diyos ang nasa likod ng mga bagay na ito ngunit di matanggap at patuloy na tinatanggihan ng mga tao. Matatanggap mo ba ito? Kaya mo bang paniwalaan na ang Diyos ay gumagawa ng ganito"na sa lahat ng mga kasawiang nangyayari sa buhay mo ay may kinalalaman Siya, at di lang iyon, Siya ang nagtakda ng lahat ng mga iyon?
Ito ang napatunayan ni Job tungkol sa Diyos, sa kabila ng mga nangyari sa kanyang buhay. Wala na marahil ang hihigit pa sa hirap at sakit na kanyang naranasan sa kamay ng Diyos. Na sa kabila ng mawalan ng ari-arian at bawian ng buhay ang kanyang mga anak ay sukat itira pa sa kanyang piling ang kanyang asawa na sa halip na mapaghugutan niya ng lakas ay nagpayo pa na "sumpain mo na ang iyong Diyos upang ikaw [Job] ay mamatay na""(Job 2:9). Pero pansinin ang mga tinuran ni Job, "tatanggapin lang ba natin ang mabubuting bagay (Ano! Tatanggap ba tayo ng mabuti sa kamay ng Diyos, at hindi tayo tatanggap ng masama?). Ang Panginoon ang nagbigay, at ang Panginoon ang nag-alis, purihin ang pangalan ng Panginoon." (Job 1:21).
Alam ni Job na ang Diyos ang nasa likod ng lahat ng ito. At walang bagay ang nagaganap na aksidente bagkus ang mga ito"y katuparan ng kanyang ipinanukala, na ang lahat ay gumagawa ng ayon sa kanyang itinakda. Maging ito"y mabuti man o masama. Ang lahat ng ito"y sa kaluwahatian ng Kanyang pangalan at sa kabutihan ng Kanyang hinirang. Kaya nga nasambit ni Job buhat sa kanyang matinong pag-iisip na may sapat na pagkaunawa sa kung sino ang Diyos na "purihin ang kanyang pangalan." Alam ni Job na ang Diyos ay makapangyarihan (sovereign) sa kanyang buhay, mga ari-arian, sa kanyang sambahayan, at sa kanyang kaligtasan; na ang Diyos ay gumagawa ayon sa kanyang sariling pagpapasya at walang sinuman ang maaaring magdikta o magsabing "Anong ginagawa mo" (Job 42:1-2) o humadlang man lamang sa kanyang ninanasa (Awit 155:6).
Ito ang Diyos ni Job, at ito ang Diyos ng Biblia, ngunit Siya ring kinalimutan na at pinagtatabuyan sa kasalukuyang panahon. Isang katotohanang aral na di pinahahalagahan sa pulpito, Diyos na itinakwil ng mga nagsasabing "cristiano" ngunit Diyos na magbabalik upang hukuman ang mga di-kumkilala sa Kanya.
Ang Diyos ay makapangyarihan (sovereign) at napangyayari Niya ang lahat. Maging ang kaisa-isang hibla sa iyong buhok ay hindi malalaglag kung di Niya nanaisin kaya di mo kailangan ang mapabuntong hininga sabay gusot ang iyong mukha habang kinukuskos ang iyong dalawang mata. Ito man ay mabuti o masama, ang Diyos ang mangangalaga ayon sa Kanyang pagkatakda, at ang pagkaunawa sa katotohanang ito ay ligaya ang dulot sapagkat nalalaman mong ito ay laan sa Kanyang kaluwalhatian na para sa kabutihan ng Kanyang mga hinirang.
Boasted "Free-Will"
Christian Joy B. Alayon
May taong ibinuhos ang kanyang panahon sa paglilingkod sa Diyos, ngunit itataboy palayo sa presensya ng Diyos. "Hindi lahat ng nagsasabi sa akin "Panginoon, Panginoon," ay maliligtas"" (Mateo 7:21). Sinu-sino silang mga tumawag sa Kanya ng "PANGINOON"? Sila ang mga nagsasabing "tumanggap sa kanya bilang personal na PANGINOON at tagapagligtas!" Sasabihin pa nila kay Jesus, "Panginoon, hindi ba nagpropesiya kami sa iyong pangalan, at nagpalayas ng demonyo sa iyong pangalan, at sa iyong pangalan ay gumawa kami ng maraming gawang makapangyarihan?" (v. 22). Ang banal na pangalan ng Panginoong Jesus ay ikinabit nila sa kanilang ministeryo, at ang paglilingkod nila ay ginawa "sa pangalan ng Panginoong Jesus."
Kung gayon bakit sinumpa sila at tinawag na "mga gumagawa ng kasamaan" (v. 23)? Ang sagot ay nasa v. 21. Hindi sila gumaganap ng kalooban (will) ng Ama. Ang pagtupad sa kalooban ng Ama ay nangangahulugang ang paniniwala at ang buhay ay nakaayon sa Ebanghelyo. Ang mangmang sa kalooban ng Diyos ay hindi makatutupad sa Kanyang kalooban. Ang sigasig nila para sa Diyos (Roma 10:1, 2) ay ituturing na kasamaan dahil ang katuruan ay hindi ayon sa WILL ng Diyos. Ang kanilang katuruan ay nakasentro sa "will" ng tao. Ang kanilang simbahan ay naitayo ayon sa "will" ng tao. Dumarami ang kanilang miyembro dahil sa "will" ng tao. Sumasamba sila ayon sa "will" ng tao. Nangangaral sila ng kaligtasan na batay sa "free-will" ng tao. Itinuturo nilang malaya ang will ng tao, at ito ang paraan upang maligtas siya! Para sa kanila ang gumaganap ng kaligtasan ay ang "free-will" ng tao!
Tanyag sa ating panahon ang turo na lahat ng tao ay may espiritwal na abilidad upang magpasyang tanggapin o tanggihan ang kaligtasang inaalok ng Diyos. Ang kaligtasan ay ayon sa pasya ng tao. Kapag inaakay nila ang isang tao sa kanilang pananampalataya, ang dulo ng kanilang mensahe ay isang paanyaya na magpasya ang isang makasalanan para sa kanyang kaligtasan. Si Cristo ay laging naghihintay sa kung sinong tatanggap sa Kanya. Ang bisa ng Kanyang kamatayan ay nakasalalay sa desisyon ng tao. Ang solusyon, sa huli, ay ang free-will ng tao.
Ang paniniwalang ito, ay bunga ng maling pagpapaliwanang sa ilang mga talata sa Biblia. Ang mga sumusunod ay naglalayong mabigyan ng linaw ang mga talatang ginagamit at ipinapaliwanag ng mga bulaang mangangaral na para bang nagtuturong kalooban o will ng tao ang nagpapasya sa kaligtasan.
"whosoever will"
Madalas nilang gamitin ang Juan 3:16, "Sapagkat gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan na ibinigay niya ang kanyang tanging Anak, upang ang sinumang sa kanya"y sumampalataya ay huwag mapahamak kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan." Ang mga katagang "ang sinumang" ay isa raw kondisyong tutupdin ng tao upang tumanggap siya ng buhay na walang hanggan. Ang pananampalatayang tinutukoy dito ay produkto ng personal na desisyon niya sa kaligtaang inaalok ni Cristo.
Susuportahan nila ito ng isa pang maling interpretasyon ng Juan 1:12, "Subalit ang lahat ng tumanggap sa kanya na sumasampalataya sa kanyang pangalan ay kanyang pinagkalooban sila ng karapatan na maging mga anak ng Diyos..." Batay sa maling pagkaunawa sa talatang ito, binuo nila ang sistema ng paghihikayat sa isang tao na magpasyang "tanggapin si Cristo bilang personal na panginoon at tagapagligtas." Ang paraan ng "pagtanggap" ay sa pamamagitan ng isang maikling panalangin na kung tawagin ay "sinner"s prayer." Ang sinner"s prayer ay panalangin ng pagtanggap kay "jesus," na kung saan ipinahahayag ng bibig, at pinananampalatayanan siya bilang personal na panginoon at tagapagligtas. Imposible para sa kanila na ipaliwanag ang talatang ito ng hiwalay sa paniniwalang ang pananampalataya ay mula sa free-will ng tao.
Mula naman sa Lumang Tipan, ginagamit nila ang mga salitang tulad ng sa Josue 24:15, "Ngayon kung ayaw ninyong maglingkod sa Panginoon, ay piliin ninyo sa araw na ito kung sino ang inyong paglilingkuran"ngunit sa ganang akin at sa aking sambahayan, kami ay maglilingkod sa Panginoon." Pinagdidiinan nilang tao ang pumipili sa Diyos. Tutugon lamang daw ang Diyos ayon sa pasya ng "free-will" ng tao. Ang mga ito ay ilan sa mga itinuturing na matibay na suporta sa kanilang katuruan. Gamit ang ilang talatang di pinag-isipa"t pinag-aralan, nabuo nila ang bulaang katuruan.
boasted "ill-will"
Ang kanilang interpretasyon ay hindi makatarungan! Pinuputol nila ang bawat talata at ihinihiwalay sa karugtong at konteksto ng kapitulo, pagkatapos, pagtatagnitagniin ang mga ito ayon sa nais nilang desenyo. Ang pinakamabisang paraan upang maunawaan ang tunay na pakahulugan ng Salita ng Diyos, ay unawain ang simpleng ipinararating ng konteksto, at ihambing ito sa iba pang mga talata sa Kasulatan. Ang Biblia ang magpapaliwanag ng kanyang sarili.
Gayun pa man, ang simpleng pagbasa ng bawat talatang nabanggit ay magbibigay sa atin ng liwanag, tulad na lamang ng Juan 1:12. Ang talata ay hindi nagtatapos sa ika-12 bersikulo. Nang ipahayag ng v. 12 na ang mga tumanggap lamang sa kanya na sumasampalataya ang maliligtas, nilinaw naman ng ika-13ng bersikulo kung SINO at PAPAANO ang tao makakapanampalataya. Ayon sa ika-13ng bersikulo ang mga sasampalataya ay sila "na ipinanganak hindi sa dugo, o sa kalooban ng laman, o sa kalooban ng tao, kundi ng Diyos." Bagama"t hindi na nararapat pa, pero ipinapaalala kong ang salitang "KALOOBAN" sa wikang Ingles ay "WILL." Nais ko lang ipagdiinan na ang punto ng talata ay: ang pagsampalataya ng isang maliligtas ay nangyayari hindi dahil sa kanyang free-will kundi BUNSOD NG "WILL" NG DIYOS. Ang pananampalataya ay resulta ng muling kapanganakan ng isang makasalanan, na nangyari naman dahil sa kalooban ng Diyos.
Nang sinabi sa Juan 3:16 na "ang sinumang" sumampalataya ay magkakaroon ng buhay na walang hanggan, nilinaw ng ika-5 hanggang ika-8ng bersikulo kung paano ito mangyayari. "Ang ipinanganak ng laman ay laman at ang ipinanganak ng Espiritu ay espiritu" (v. 6). Ipinapanganak muna sa Espiritu ang isang makasalanan bago siya sasampalataya. Ang pagsampalataya nila ay bunga ng gawa ng Banal na Espiritu. Dahil makapangyarihan Siya, hindi Niya kailangan ang pagtuturo ng sinuman. Hindi Siya maaaring diktahan ng will ng tao tungkol sa Kanyang gagawin. Kung paanong ipinanganak tayo ng ating mga ina na hindi tayo kinukunsulta, ganun din naman, ipinapanganak ng Espiritu ang isang tao hindi ayon sa free-will ng taong iyon. Iniingatan tayo ng Salita ng Diyos na huwag nating ipagyabang ang masama nating kalooban sa maling paniniwala na dito nakasalalay ang kaligtasan!
Ang kaligtasang batay sa free-will ay hindi rin mapatutunayan sa Lumang Tipan. Bagama"t ang mga naniniwalang nagliligtas ang free-will ng tao ay ginagawang "pormula" ng kaligtasan ang talata sa Josue 24:15, iyon ay napakalayo sa tunay na ipinahayag ni Josue. Hindi nila isinaalang-alang ang talatang 19. "Kayo"y hindi makapaglilingkod sa PANGINOON sapagkat siya"y isang banal na Diyos; siya"y Diyos na mapanibughuin; hindi niya ipatatawad ang inyong mga pagsuway ni ang inyong mga kasalanan." Ipinahayag ni Josue ang kawalan nila ng espiritwal na kakayahang tulungan ang sarili dahil sa kanilang kasalanan. Hindi sila pinapagtiwala sa sarili kundi tanging sa habag ng Diyos. Hindi itinuro ni Josue na naliligtas ang tao bunga ng kanyang pagpili, sa halip, maliligtas lamang siya kung "ipagpapatawad" ng Diyos ang kanyang kasalanan (v. 19). Bagama"t pinili nila ang Diyos, hindi ito ang naging dahilan ng kanilang kaligtasan. Ang totoo hindi nila magagampanan ang pinili nilang paglilingkod malibang maawa ang Diyos at patawarin sila. Kung hindi ito sinabi ni Josue, ipagyayabang ng mga Israelita ang kanilang free-will, na naligtas sila noong pinili nila ang Diyos. Itinuro lamang niya ang tunay na solusyon; hindi ang makasalanang desisyon ng mayabang na free-will kundi ang habag ng Diyos na nahayag sa Ebanghelyo. Ang pagmamataas ng mga nagtitiwala sa kanilang free-will ang lalong naglalayo sa tao sa Diyos. Sa halip na ipakita sa tao ang kanyang kasalanan at karukhaan, ay mas ibinubunsod pa nila ang mga ito sa pagtitiwala sa sarili. Ang pinakamasamang anyo ng idolatriya ay ang pagsamba sa free-will ng tao, na itinuturing itong kapantay ng kapangyarihan ng Diyos sa pagtupad ng kaligtasan ng isang tao! Lalo pang naging masahol dahil sa paniniwalang hindi ito magagawang pangunahan ng Diyos! Si Josue ay hindi pumapanig sa kanilang pagmamalaki.
Who Really Wills?
Ang Biblia ay hindi nagsasalungatan kundi nagtuturo ng iisang katotohanan. Ang mga sumusunod ay ilang talata lamang na nagtuturong tanging ang Diyos, at wala ng iba, ang may WILL at desisyon sa kaligtasan.
Una sa lahat, ito ang itinuturo ng Panginoong Jesus. "Walang taong makakalapit sa akin malibang ilapit siya ng Ama na nagsugo sa akin; at siya"y muli kong bubuhayin sa huling araw" (Juan 6:44). Ang mga salitang "whosoever" at "will" ay nagkalat sa Banal na Kasulatan subalit itinuturo din namang magagawa lang nilang mag-will kung kikilusin sila mismo ng Diyos. Maliligtas ang "sinumang" lumapit, subalit walang lalapit malibang dalhin siya ng Ama kay Cristo: "Walang taong makakalapit sa akin malibang ilapit siya ng Ama na nagsugo sa akin; at siya"y muli kong bubuhayin sa huling araw." (Juan 4:44). ""walang taong makakalapit sa akin, malibang ipagkaloob sa kanya ng Ama." (Juan 6:65). Ang paglapit ng isang tao ay hindi dahil sa kakayahan niya kundi sa kapangyarihan ng kamatayan ni Jesus. Diyos ang nagdadala ng isang tao sa kaligtasan. Diyos ang pumipili sa tao at hindi ang tao ang pumipili sa Diyos. "Ako"y hindi ninyo pinili, ngunit kayo"y pinili ko, at itinalaga ko kayo upang kayo"y humayo at mamunga"" (Juan 15:16). Si Jesus ay hindi tulad ng itinuturo ng mga bulaang pastor na naghihintay lamang kung kailan siya pipiliin at pahihintulutan ng tao. Si Jesus ang pumili ng mga naliligtas. "Ang lahat ng mga bagay ay ibinigay sa akin ng aking Ama. Walang nakakakilala sa Anak kundi ang Ama; at walang nakakakilala sa Ama, kundi ang Anak, at sinumang piliin ng Anak na pagpahayagan niya" (Mateo 11:27).
Ang PARAAN ng Diyos, kung paano Niya inilalapit ang isang tao kay Cristo, ay nagpapatunay ding walang ambag ang will ng tao sa kaligtasan kahit kaunti! "Sapagkat kung paanong ibinabangon ng Ama ang mga patay at sila"y binubuhay, gayundin naman binubuhay ng Anak ang sinumang nais niya" (Juan 5:21). Dalawang bagay ang malinaw dito. Una, na ang paraan ng Diyos ng pagbibigay kaligtasan ay katulad ng paraan Niya ng pagbubuhay sa isang patay. Binuhay ni Cristo si Lazaro nang wala ang kooperasyon ni Lazaro. Ni hindi rin kinunsulta ni Jesus si Lazaro kung pahihintulutan Siyang buhayin siya. Ang isang patay ay hindi makakapagdesisyon para sa kanyang sarili, ni hindi siya maaaring humingi ng tulong. Walang silbi ang ipinagmamalaking free-will ng isang taong patay. Ikalawa, ang binibigyang buhay ay ang sinumang nais bigyan ng Panginoon. Sa talatang ito ay ginamit ang salitang will, subalit tumutukoy sa will ng Diyos. Ang Diyos ang may will na pumili kung sino lamang ang bibigyan niya ng buhay.
Itinuro din ito ng mga Apostol. Si Pablo ang nangunguna sa kanila na nagbuhos ng malaking sakripisyo upang sawayin ang pagtitiwala ng tao sa kanilang mga free-will. Sa sulat niya sa Roma 9:16, ginamit ni Pablo ang salitang will, "Kaya ito ay hindi ayon sa kalooban ("will") o pagsisikap ng tao, kundi ayon sa habag ng Diyos." Hindi ang free-will ng tao ang nagliligtas kundi ang purong habag ng Diyos. Ginamit din ang salitang will sa Efeso 1:5, "Tayo"y itinalaga sa pagkukupkop upang maging kanyang mga anak sa pamamagitan ni Jesu-Cristo, ayon sa kabutihan ng kanyang kalooban." Nagiging anak ng Diyos ang isang tao dahil itinalaga siya ng Diyos sa pamamagitan ni Cristo, at ang pagtatalaga ng Diyos ay ayon sa sarili Niyang will. ""sa kanya na tumanggap din tayo ng isang mana, na itinalaga nang una pa ayon sa layunin niya na gumagawa ng lahat ng mga bagay ayon sa kanyang pasya at kalooban" (Efeso 1:11). Tatlong mahahalagang salita ang dapat pansinin. Una, ITINALAGA ng Diyos ang isang taong tatanggap ng mana ng kaligtasan. Ikalawa, na ito ay ayon sa PASYA (counsel) ng Diyos. Hindi Niya kinukunsulta kung ano ang desisyon ng makasalanang tao. Ikatlo, na ito ay ayon sa KALOOBAN Niya. Ayon dito, lahat ng bagay ay nasa ilalim ng will ng Diyos; at lahat ng ayon sa Kanyang will ay ginagawa Niya. Kayabangan sa isang tao kung ipagpipilitan niyang siya ang may will sa kaligtasan. Subalit hindi pahihintulutan ng Diyos na magmalaki ang mga ililigtas Niya ""sapagkat Diyos ang gumagawa sa inyo maging sa pagnanais at sa paggawa, para sa kanyang mabuting kalooban" (Filipos. 2:13). Kapag may gustong iligtas ang Diyos, hindi Niya hinihintay ang isang tao na gumawa ng desisyon para sa Diyos, sa halip, kinikilos Niya ang taong iyon upang "magnais" (will) at gumawa ng sang-ayon sa kalooban Niya.
Maging ang Apostol na si Santiago ay buong pagpapakumbabang itinuturo ito. "Alinsunod sa kanyang sariling kalooban, tayo ay ipinanganak niya sa pamamagitan ng salita ng katotohanan, upang tayo"y maging isang uri ng mga unang bunga sa kanyang mga nilalang" (Santiago 1:18). Bakit sinabing sariling kalooban? Dahil wala Siyang kahati sa Kanyang kalooban. Siya lamang ang may will kung sino ang mga dadalhin sa muling kapanganakan. Ang will ng tao at ang will ng Diyos ay hindi pinagsasama sa kaligtasan. Hindi sila nagtutulungan sa paggawa! Walang maiaambag ang kalooban at desisyon ng tao sa kaligtasan. Ang taong naniniwala na free-will niya ang dahilan kung bakit siya naligtas ay malinaw na hindi pa "ipinapanganak sa pamamagitan ng salita ng katotohanan" sapagkat ang pinaniniwalaan niya ay salita ng kasinungalingan!
The Gift of Faith
Dahil sa labis na pagtitiwala sa kanilang free-will, pinaniniwalaan ding ang pananampalataya (faith) ay nanggagaling sa tao. Ang faith daw ay produkto ng kanyang desisyong piliin ang Diyos. Lumalabas na ito ay regalo niya sa Diyos upang magkamit ng kaligtasan. Ang katuruang ito ay eksaktong kabaligtaran ng turo ng Banal na Kasulatan.
Ang faith ay kaloob ng Diyos. Ayon sa Efeso 2:8, "Sapagkat sa biyaya kayo"y naligtas sa pamamagitan ng pananampalataya, at ito"y1 hindi sa pamamagitan ng inyong sarili, ito"y kaloob ng Diyos." Dahil ang tao ay "patay dahil sa kanyang pagsalangsang at mga kasalanan" (v. 1), hindi niya magagawang sumampalataya kung hindi siya bibigyan ng Diyos ng faith. Ano ang basehan ng Diyos ng pagbibigay Niya ng faith sa tao? Ayon sa Hebreo 12:2, "Pagmasdan natin si Jesus na siyang nagtatag at nagpasakdal ng ating pananampalataya, na dahil sa kagalakang inilagay sa kanyang harapan ay tiniis niya ang krus, hindi inalintana ang kahihiyan, at siya"y umupo sa kanan ng trono ng Diyos."
Binibigyan ng Diyos ng pananampalataya ang isang tao alang-alang sa gawang pagliligtas ni Cristo. Bunsod ng Kanyang kamatayan sa krus naghahasik ng pananampalataya ang Diyos. Pansinin ding si Jesus ang "nagtatag" at "nagpasakdal" ng pananampalataya. Sa madaling salita Siya ang MAY GAWA ng faith, at Siya rin ang kumu-KOMPLETO ng faith. Wala isa mang talata sa Biblia na nagtuturong ang faith ay produkto ng free-will ng tao.
Si Lydia, isa sa mga unang mananampalataya sa Filipos, ay sumampalataya hindi sa sarili niyang desisyon sapagkat "Binuksan ng Panginoon ang Kanyang puso" (Gawa 16:14) upang tumalima sa Ebanghelyo ng Diyos. Nang sumulat si Pablo sa iglesia sa Filipos, muli niyang ipinaalala sa kanila (kasama marahil si Lydia sa pinaalalahanan sapagkat ang kanyang tahanan ang unang pinagtitipunan ng iglesia sa Filipos (Gawa 16:15) na ang faith nila ay bigay ng Diyos. ""sa inyo"y pinagkaloob alang-alang kay Cristo, hindi lamang ang manampalataya sa kanya, kundi ang magtiis din naman"" (Filipos 1:29). Ang pananampalataya ay isang kaloob.
May mga sumasang-ayon na ang pananampalataya (at ang buong kaligtasan) ay regalo ng Diyos sa tao, subalit pinagpipilitan namang ang regalo ay maaari raw tanggihan. Muli nilang ipinagsisiksikan ang kanilang free-will. Ang regalong faith nga ba, kapag ibinigay ng Diyos, ay natatanggihan?
Ayon sa 1 Corinto 2:14 ""ang taong hindi ayon sa espiritu ay hindi tumatanggap ng mga bagay ng Espiritu ng Diyos, sapagkat ang mga iyon ay kahangalan sa kanya at hindi niya iyon nauunawaan, sapagkat ang mga iyon ay nauunawaan sa pamamagitan ng espiritu." Kailangan pa bang isa-isahin ang mga letra sa talatang ito upang ipakita ang likas nating kahangalan! Sapat na ito upang kumbinsihin tayo na hindi natin kaya, at hindi natin magagawa sa ating sariling desisyon, na tanggapin ang mga bagay patungkol sa Diyos. Kung papipiliin ang isang makasalanan, hindi niya kailan man pipiliin ang Diyos. Ang magiging desisyon niya ay ang laging tanggihan ang Diyos. Ang likas sa tao ay tumanggi sa Ebanghelyo, at ang mas masahol, itinuturing pa iyon na sa Demonyo! Itinatag din ng Lumang Tipan ang katotohanang ito. ""tayong lahat ay gaya ng mga tupang ligaw; bawat isa sa atin ay lumihis sa kanyang sariling daan"" (Isaias 53:6). Tunay, ang tao ay hindi "robot!" Kapag gumagawa siya ng anuman, kusang loob niyang ginagawa iyon. Subalit ang kaloobang iyon ay malaya lamang para sa kanyang kapahamakan. Dahil kahangalan para sa kanya ang mga bagay patungkol sa Diyos, ang kakayahan lang niya ay PANIWALAAN ANG KASINUNGALINGAN! Iyan ang pinakamahusay na desisyon ng kanyang free-will! Kaya nga marami ang tumatangkilik sa sistema at istratehiya ng bulaang relihiyon.
Ito ang dahilan kung bakit Diyos mismo ang kailangang magbigay ng faith. Para tanggapin ng tao ang Ebanghelyo, magbibigay ang Diyos ng faith sa taong iyon. Ang faith ay regalo ng Diyos UPANG PANIWALAAN at TANGGAPIN niya ang Ebanghelyo ni Cristo. Kapag binigyan siya ng faith, hindi na siya titingin sa bulaang ebanghelyo kundi sa katotohanan lang. Kung walang ibibigay na faith ang Diyos, hindi magagawang tanggapin ng tao ang ano mang bagay patungkol sa Diyos. Paano ngayong tatanggihan ng isang tao ang faith samantalang ang faith nga ang aakay sa kanya sa kusang loob na paniniwala sa Ebanghelyo. Ito ang gawain ng Banal na Espiritu. Pinalalambot Niya ang matigas na puso ng tao (Ezekiel 36: 25-27) upang tanggapin niya ang Ebanghelyo. Pansining mabuti ang talata (sa wikang Ingles) mula sa Mga Awit 110: 3 "Thy people shall be willing in the day of thy power, in the beauties of holiness from the womb of the morning: thou hast the dew of thy youth." Iyan ang mangyayari kapag ang isang tao ay binigyan ng faith. Regalo ito ng Diyos upang maging "WILLING" ang isang tao, na kung iiwanan sa kanyang sarili lamang ay lalong magmamatigas. Regalo ito ng Diyos upang loobin ng tao ang kalooban ng Diyos. Ang mga "UNwilling" ay bibigyan ng Diyos ng "WILLINGNESS" alang-alang kay Cristo. Paano mangyayaring tatanggi ang isang taong ginawang WILLING ng Diyos?
Conclusion
Ang napakataas na pagtingin sa tao ay bunga ng napakababang pagtingin sa Diyos. Sinasalungat ng mga taong ito ang buong katotohanan sa paniniwalang ang tao ang may kapangyarihang magdesisyon, at Diyos ang nangangailangan ng tulong! Sinumang naniniwalang nasa kanya ang pinal na desisyon ng kanyang kaligtasan, ay umaagaw sa trono ng Banal na Diyos. Ang utos ni Josue sa bayan ng Israel ay "alisin ninyo ang ibang mga diyos na nasa gitna ninyo" (Josue 24:23). Alisin ninyo ang pagtitiwala sa ano mang hindi Diyos. Kahit alin o sino basta"t hindi Diyos ay huwag pagtiwalaan. Kung ang isang tao na nagtitiwala na naligtas siya sa desisyon ng kanyang free-will, sino kaya ang diyos niya? Hindi ba ang kanyang sarili! Hindi nga siya nagtitiwala sa mga imahen o rebulto, pero nagtitiwala naman siya sa kanyang sarili. Ang kapangyarihan na tumukoy ng "destiny" ng isang nilikha ay nasa Diyos lamang. Ang pagtitiwala sa free-will ay pag-angkin sa kapangyarihang ito. Wala pang naliligtas dahil sa free-will ng tao.
Ang mga nananampalataya lamang sa tangi at di-nagbabagong Ebanghelyo ang nakatutupad at nagpapasakop sa kalooban ng Diyos. Sila ang mga hinango ng Diyos sa pagtitiwala sa kanilang free-will. Ipinakita sa atin ng Diyos na Siya lamang ang may mabuting kalooban. Ang ating kalooban ay pawang masasama na lalong nagdidiin sa atin sa kapahamakan, subalit ang Kanyang mabuting kalooban ang nagdala sa atin sa kaligtasan. Ipinakita rin ng Diyos na makapangyarihan ang Kanyang kalooban. Sinusupil niya ang ating kasamaan upang huwag tayong magtiwala sa sarili kundi tupdin ang Kanyang kalooban. Kung hindi binuksan ng Diyos ang ating mga puso, hindi natin magagawang magpasakop sa Kanya. Ang Kanyang kalooban ay sapat sa kumpletong kaligtasan. Sa Kanya tayo"y nananalanging "Masunod nawa ang kalooban Mo, kung paano sa langit, gayundin sa lupa"Amen"
Iisang Ebanghelyo sa Kasaysayan ng Iglesia
Alex M. Aquino
Pamilyar marahil ang marami sa mga katagang "sharing the unchanging gospel of Christ in changing times." Ito ay binabanggit sa station ID ng isang himpilan ng radyo na nagpapakilalang ito ay "Cristiano." Wala tayong anomang pagtutol sa katotohanan ng mga katagang ito sapagkat tunay ngang hindi nagbago ang Ebanghelyo ni Cristo kahit nagbabago ang mga panahon ng kasaysayan. Gayon pa man ang nakababahala ay ang hindi pagtutugma ng dakilang prinsipyong ito sa mga pamamaraan, mga mensahe at mga relihiyong kaalyado ng himpilang ito. Halimbawa na lamang ay ang tungkol sa bawat mensaheng naipararating nila sa kanilang mga tagapakinig "na matapos ang exposition o insightful message ay hinihingi ng kanilang mga mangangaral ang "desisyon" ng tao na tanggapin si Cristo bilang Panginoon at Tagapagligtas samantalang itinuturo ng tunay at "hindi nagbabagong" Ebanghelyo na hindi "magagawang" sumampalataya at magsisi ng taong patay sa kasalanan (Roma 8:7; 1 Corinto 2:14). Isa pa ay ang kapansinpansing pagpapatugtog nila ng mga makabago at "katanggaptanggap" na modernong musikang pangrelihiyon (at makasanlibutan din!) sa pag-aakalang maaakay (o "maaakit") nila ang mga makasanlibutan sa pagsisisi at pananalig sa Dios sa pamamagitan ng mga musikang ito. Ngunit ang pamamaraang itinalaga ng Dios sa Biblia upang ipahayag ang Ebanghelyo sa ikaliligtas ay ang pangangaral na itinuturing ng mga napapahamak na "kamangmangan" (1 Corinto 1:18, 21)"hindi ang concerts, Christian rock music, Christian boy bands, o kaya naman ay "Praise and Worship". Hindi natin layunin na tuligsain ang himpilang ito subalit sa ganitong sistema nila ng pamamahayag ay hindi maiiwasan ng taong tapat at mapanubok sa mga espiritu (1 Juan 4:1) na sumagi sa kanyang isip ang katanungang, "Hindi nga ba nagbago ang Ebanghelyo ni Cristo sa kanilang mga kamay?" Ito ngayon ang panganib: Paano tayo makatitiyak na ang ebanghelyo ng himpilang ito ay siya ring Ebanghelyong ipinapangaral simula pa ng panahon ng Biblia hanggang sa pagdaloy ng kasaysayan ng Iglesia lalo pa na iginigiit nila na "hindi ito nagbabago sa pagbabago ng panahon?" Matitiyak lamang natin ito kung matiyaga nating susubaybayan kung ano ba ang iisang Ebanghelyo na pinanghawakan ng mga hinirang ng Dios sa pagsapit at pagbabago ng mga panahon sa kasaysayan ng iglesia.
Sa Bagong Tipan
Sa panahon pa lamang ng mga apostol ay may mga pahiwatig na ng mga darating na pagsalungat at pagbabaluktot sa Ebanghelyo habang ang Iglesia ay uusad sa kasaysayan. Nagbigay ng babala noon pa man si apostol Juan na mayroong mga tatanggi at magbabaluktot sa doktrina tungkol sa Panginoong Jesu-Cristo (1 Juan 4:3; 2 Juan 9) at ito ay sa espiritu ng Anti-cristo (Basahin din sa 2 Corinto 11:4). Ipinauna na ni apostol Pablo na lalaganap ang panlilinlang sa Iglesia sa pamamagitan ng mapandayang pilosopiya ng tao (Gawa 20:28-31; Colosas 2:8). Gayon din ang tungkol sa mga huwad na ebanghelyo na ibinabatay ang kaligtasan sa mabubuting gawa o bahaging pagsisikap ng tao (Galacia 1:6-9).
Noong Panahong Patristiko (AD 67-c.500)
Ang mga tinatawag na Church Fathers ay hindi mga paring tulad ng sa simbahang Catoliko kundi mga naging pinuno at mahalagang manggagawa ng sinaunang iglesia. Sa panahon nila (Patristic era) unang itinawid ang mga aral ng mga apostol ng Panginoong Jesu-Cristo tungo sa susunod na bahagi ng kasaysayan. Sa mga pangangaral nila ay hindi pa ganap na naisaayos bilang sistema ng doktrina ang Salita ng Dios. Matapat lamang nilang inulit ang Ebanghelyong ipinahayag ng mga apostol na sumasalungat sa kasalukuyan noong imoralidad, idolatriya at karnal na pilosopiya ng mga Pagano. Ngunit sa matalino at makapangyarihang panukala ng Dios lumitaw ang mga maling doktrina at kasinungalingang nagbanta sa espiritwal na buhay ng Iglesia. Nagbunsod ito sa mga lingkod ng Dios na masusing pag-aralan at suriing muli ang kanilang doktrina. Isa sa mga halimbawa ng mga kasinungalingang ito ay ang pagtanggi sa pagkakatawang-tao ni Cristo na itinuro ng mga Gnostics. Isa pa ay ang pag-aangking mayroon pang bagong kapahayagan ang Dios bukod sa naibigay na sa Kanyang mga apostol. Ito ang aral ng mga Montanists na mga sinaunang kilusan ng kinikilala natin ngayon na Pentecostals, Charismatics o nagpapakilalang "Born-Again" Christians. Ang mga ito ay gumagamit din ng Salita ng Dios at iba pang kasulatan kaya upang maipagtanggol ang Iglesia laban sa kanilang mga maling aral ay sinikap ng mga pinuno nito na magtakda ng "kredo" o kapahayagan ng pananampalataya. Ang kauna-unahang kredo o creed ay ang Apostles" Creed upang itangi ang tunay na aral ng Biblia sa aral ng mga Gnostics, Montanists at iba pa. Pinagpasiyahan din noong mga panahong iyon sa gabay ng Espiritu Santo kung aling mga sulat ang tunay na Salita ng Dios at tanging mapagbabatayan ng katotohanan (Kunseho ng Laodicea [AD 363], Ikatlong Kunseho ng Carthage [AD 397] at Kunseho ng Hippo [AD 419]). Nagbunsod ito sa pagtanggap sa canon ng Kasulatan na binubuo ng 27 aklat ng Bagong Tipan na siyang ginagamit hanggang sa kasalukuyan. Ipinahiwatig ng creed at canon na ito ang pagkundina ng Iglesia sa mga Gnostics at Montanists.
Noong Pakikibaka ni Athanasius (AD 296?-373)
Kung may tumanggi sa pagkakatawang-tao ni Cristo, mayroon ding tumutol sa pagiging Dios Niya tulad ng Obispo ng Alexandria (Egypt) na si Arius. Ang kanyang aral ay hawig sa aral ng sektang Iglesia ni Cristo at Saksi ni Jehova sa kasalukuyan. Ngunit sa gabay muli ng Dios ay nanindigan ang Iglesia sa pangunguna ni Athanasius (archdeacon ng Alexandria) na naniwalang ang kaligtasan (at ang "Ebanghelyo" nga) ay nakasalalay sa pagka-Dios ni Cristo. Sa Kunseho ng Nicea noong AD 325 ay pinangatawanan ng Iglesia ang pagka-Dios ni Jesu-Cristo at ang doktrina ng Trinity. Tinutuligsa ng sektang Iglesia ni Cristo ang desisyon ng kunsehong ito dahil kinampihan umano ng Emperador sina Athanasius. Subalit walang anoman ito dahil gayon din ang ipupula ni Athanasius (na nalungkot din sa pakikialam ng Emperador) kung sakaling si Arius ang kinampihan ng pinuno.
Noong Panahon ni Augustine (AD 354-430)
Hindi pa nakapagpapahinga ang Iglesia sa mga krisis na ito, sinalakay naman siya ng kasumpasumpang aral ng Pelagianism na ipinalaganap ng mongheng Briton na si Pelagius. Ipinangaral ni Pelagius na ang tao ay hindi isinilang na masama (salungat sa original sin at total depravity), tinutulan niya ang predestination o pagtatakda ng Dios ng bilang ng taong Kanyang ililigtas, at iginiit ang free-will ng tao na makapagbibigay dito ng kakayanan upang maligtas kahit walang biyaya (grace) ng Dios. Malinaw ayon sa Biblia na ito ay bulaang ebanghelyo. Ngunit makapangyarihan ang Dios sa pagtatanggol sa Kanyang hindi nagbabagong Ebanghelyo. Ipinaglaban ito ni Augustine, Obispo ng Hippo sa Hilagang Africa, na ipinangaral ang kasalanang mana, total depravity, predestination at ang mapagbiyayang pagpili ng Dios sa kanyang mga ililigtas. Nagbunsod ito sa pagkakatipon ng Kunseho ng Carthage (AD 418) at Kunseho ng Ephesus (AD 431) na opisyal na kinundina ang Pelagianism bilang hidwang pananampalataya (heresy). Ito ang isa sa mga artikulo ng canons ng Kunseho ng Carthage:
"Kung ang sinuman ay nagsasabing ang biyaya ng pagpapawalang-sala ay ipinagkaloob lamang upang mapagaan sa pamamagitan ng biyaya ang iniuutos sa atin sa pamamagitan ng malayang pagpapasiya (free-will), na para bang magagawa natin kahit walang biyaya (bagamang mas madali) na sundin ang mga utos ng Dios: pakasumpain siya""
Sa kabila nito, talagang pilit na binabaluktot at binabago ang Ebanghelyo sa paglitaw ng Semi-Pelagianism. Ang Semi-Pelagianism na lumaganap sa Gaul (France) ay pagtatangka na lumagay sa gitna ng pananaw ni Augustine at Pelagius. Ika nga sa kasalukuyan ay sinisikap nilang maging "balance." Itinuturo ng bulaang ebanghelyong ito na ang kaligtasan ay pagtutulungan ng Dios (sa kanyang biyaya) at ng tao (na nagdedesisyon). Ito ang doktrinang tinatayuan ng simbahang Catoliko at mga modernong dinominasyon at kulto. Ngunit dahil hindi nagbabago ang Ebanghelyo kinundina ang aral na ito sa Synod ng Orange (AD 529). Isa sa mga artikulo ng canons ng synod na ito ay:
"Kung ang sinuman ay nangangatuwiran na hinihintay ng Dios ang ating pasiya bago tayo linisin sa ating mga kasalanan, at hindi nagpapahayag na maging ang ating pagnanasa na magpalinis ay udyok sa atin sa pamamagitan ng pagpupuspos at pagkilos ng Espiritu Santo, sinasalungat niya ang Espiritu Santo na nangungusap sa pamamagitan"ng apostol: "Sapagka"t Dios ang gumagawa sa inyo maging sa pagnanasa at sa paggawa, ayon sa kaniyang mabuting kalooban" (Filipos 2:13).
Noong Mga Gitnang Kapanahunan (Middle Ages, AD 500-1500)
Ang doktrina ng Iglesia ay naimpluwensyahan ng mga aral ni Augustine sa panahong tinatawag na Middle Ages. Nakalulungkot lamang na ang mga aral niya ay naipaliwanag ayon sa ibang interpretasyon ng maimpluwensyang si Pope Gregory (AD 540-604). Itinuro nito na ang kasalanan ay sakit o kahinaan lamang at hindi pananagutan (guilt). Ayon din sa kanya ang freedom ng will ng tao ay hindi nawala kundi ang kabutihan lamang nito. Ang biyaya ng Dios umano ay nag-uudyok sa tao na gumawa ng mabuti na siya namang nagiging katanggaptanggap (meritorious) sa Dios. Bagamang magkatulad sila ni Augustine sa pagtuturo ng irresistible grace at predestination, naniwala si Gregory na ang pagpili ng Dios ng ililigtas ay batay sa nakita Nitong pagtanggap ng tao sa Ebanghelyo sa hinaharap. Muli, ito ay bulaang ebanghelyo. Ngunit itinindig ng Dios ang Kanyang mga hinirang upang panatilihin at ipaglaban ang hindi nagbabagong Ebanghelyo. Isa sa mga ito ay si Gottschalk na ipinaglaban ang doktrina ni Augustine tungkol sa double predestination na nangangahulugang itinakda ng Dios hindi lamang silang ililigtas Niya (election) kundi maging silang mapapahamak (reprobation) din. Tahasan niyang tinutulan ang aral ni Gregory na nakita ng Dios kung sino ang sasampalataya kaya pipiliin Niya sila upang maligtas (conditional election). Hindi naunawaan ng karamihan si Gottschalk at ibinato sa kanya ang maling akusasyon na ang Dios ang may-akda ng kasalanan. Kinundina ang kanyang doktrina sa Mayence noong AD 848. Nang sumunod na taon ay hinagupit siya at sinintensyahan ng habang-buhay na pagkabilanggo. Sa kabila nito ginamit siya ng Dios upang patotohanan sa kabila ng pag-uusig ang hindi nagbabagong Ebanghelyo ng biyaya ng Dios kahit nagbago ang panahon.
Noong Repormasyong Protestante (16th Century)
Sa gitna ng pamamayagpag at madilim na impluwensya ng simbahang Catoliko Romano dinalaw ng habag ng Dios ang propesor at paring Catolikong si Martin Luther. Ilang linggo matapos lumapag si Magellan sa lupain ng Pilipinas ay humarap si Luther sa Diet of Worms (Germany, April 17-18, 1521) sa harap ng hari ng Espa"a at mga Catolikong opisyal upang tuluyan ng pagpasiyahan ang pagtiwalag sa kanya ng simbahan. Minsan na namang niyanig ng Dios ang sanlibutan na nilinlang ng bulaang ebanghelyo. Pinanumbalik ng mga aral ni Luther ang mga Biblikal na aral nina Augustine at Gottschalk na ang kaligtasan ay dahil sa biyaya lamang sa pamamagitan ng pananampalataya lamang at hindi sa gawa. Sa panahong ito itinanghal ang limang sigaw ng Repormasyon "Sola Gratia (Grace alone), Sola Fide (Faith alone), Solus Christus (Christ alone), Sola Scriptura (Bible alone) at Soli Deo Gloria (To God be the glory alone). Itinindig din ng Dios ang pantas na Frances na si John Calvin na naging maimpluwensyang teologo at pastor sa Geneva, Switzerland. Sa pamamagitan niya ay nalinawan at naipalaganap ang sistematikong pagkakaayos ng Biblikal na doktrina ng Cristianismo. Maraming pastor mula sa iba"t ibang bahagi ng Europa ang nagtungo sa kanyang kolehiyo upang matutunan ang mga prinsipyo ng Reformation na walang iba kundi ang tunay at hindi nagbabagong Ebanghelyo! Ang mga Reformers na ito ay mahigpit na pinangatawanan ang predestination kaugnay ng Ebanghelyo ng biyaya ng Dios. 1,500ng taon na ang lumilipas ngunit pinatunayan pa rin ng Dios na hindi nagbabago ang Ebanghleyo ng Kanyang biyaya.
Ang Synod of Dordt (1618-1619)
Bagamang mabilis na dumarami ang mga simbahang Reformed kaagad na niligalig ang mga ito ng bulaang ebanghelyo nang ikalat ni Jacobus Arminius at ng kanyang mga disipulo ang bulaang ebanghelyo. Ngunit hindi ito pinalampas ng mga hinirang kaya tinipon ang Synod of Dordt (Netherlands) noong 1618-1619 upang kundinahin ang aral nila na ang tao ay may free-will, na may kundisyong hinahanap sa makasalanan upang piliin siya ng Dios, na si Cristo ay namatay para sa "lahat" ng tao, na natatanggihan ang biyaya ng Dios, na nawawala ang kaligtasan. Ang lahat ng ito ay sangkap ng matandang kasinungalingan na nilabanan na simula pa sa panahon ng Biblia. Para sa mas detalyadong impormasyon sa Synod of Dordt basahin ang artikulo ni June F. Subior sa nakaraang issue ng The Bastion of Truth (April " June 2005 issue).
Sa Modernong Kapanahunan (18th, 19th Centuries)
Natanyag sa panahong ito sina John at Charles Wesley at ang iglesiang Methodist na kanilang itinatag sa Inglatera. Bagamang tinutulan nila ang hipokrisiya at kawalan ng espiritwalidad ng iglesiang Anglicano (Episcopalian) ay pinalaganap naman nila ang bulaang ebanghelyo. Ipinangaral ni John Wesley ang lumang kasinungalingan ng Arminianism na maliligtas ang makasalanan dahil sa kanyang free-will. Lalo pang nakapanlinlang ang kanyang aral dahil sa popularidad ng mga himno na kinatha ng kanyang kapatid na si Charles Wesley. Mariin silang tinutulan ng mga Calvinists sa Inglatera tulad ni Augustus Toplady. Ang magkapatid na Wesley ay tutol mismo sa pag-dodoktrina kaya naman gayon ang hindi makatuwirang galit nila sa doktrina ng Calvinism sa kabila ng kanilang aral. Ang American Revivalism naman ay naging pagkakataon upang maipalaganap ang pangangaral ng Biblia sa Hilagang America. Sa kasamaang palad maging ang mga Calvinist preachers ay nasilo sa kasinungalingang sa pamamagitan ng kanilang gospel offer ay makapagpapasiya ang makasalanan na tanggapin ang kaligtasan. Nakalulungkot din na ang mga tinaguriang Great Awakenings na ito ay pagtutululungan at kompromiso ng mga Calvinists at Arminians. Sa pagsapit ng ika-19 na siglo isinilang ang mga kasuklamsuklam na sekta ng Mormons, Spiritism, Seventh-Day Adventism (Sabadista), Saksi ni Jehova at iba pa. Subalit sa kabila nito nagpatuloy ang mga maliliit na Reformed Churches at mga konserbatibo [1] pa noong Reformed at Presbyt rian Theological Seminaries na nagsilbing tanggulan (bastion) ng Calvinism na bunga ng mga pagdating ng mga imigranteng Dutch at English na nagtaguyod ng makasaysayang pananampalataya na ipinangaral sa Europa.
Sa Kasalukuyan (20th at 21st Centuries)
Bunsod ng kamalian ng rationalism (pag-iral ng karnal na pangangatuwiran) umusbong dito sa Pilipinas ang lumang hidwang pananampalataya ng Arianism (noo"y sinawata ni Athanasius) sa pagkakatatag ng sektang Iglesia ni Cristo. Samantala, ang mortal nitong kaaway na sekta"na mas kilala bilang "Ang Dating Daan" bagamang hindi itinatanggi ang pagka-Dios ni Cristo ay naitatag sa aral na ang kaligtasan ay sa pamamagitan ng mga gawa. Dahil naman sa impluwensya ng mga Wesleys at ng kanilang "Holiness Movement" at ang "mistikal" (pagbibigay-diin sa emosyon, hiwaga at karanasan sa relihiyon) na impluwensya ng American Revivalism ay isinilang ang Pentecostal Movement (1920s), Charismatic Movement (1950s), Third Wave Movement (1980s) at Laughing Revival at Purpose-Driven Life Ministries (1990s). Bukod sa emosyon at kakaibang karanasan (tongues, prophecies, miracles, healings, etc) nagkakaisa ang mga kilusang ito sa matandang kasinungalingan ng Pelagianism at Arminianism na nakasalalay pa rin ang kaligtasan sa free-will ng
tao. Dahil sa pagtanggi ng mga ito sa pagiging patay at ganap na makasalanan ng tao (total depravity) at sovereignty ng Dios hindi nakapagtatakang masisilo sila sa pragmatism. Ang pragmatism ay paggamit ng mga makasanlibutang pamamaraan upang maakit at makumbinsi ang mga tao na maniwala sa kanila. Ilan dito ay ang paggamit ng makabagong musika ng sanlibutan (na ma-appeal sa mga kabataan), drama o pelikula, pagpapairal ng mga Paganong kaugalian o kultura tulad ng "Pistang Cristiano," "Cristianong Simbang-Gabi," at walang katapusang mga gimmicks sang-ayon sa hindi-Biblikal na doktrina ng Cultural Redemption. Hindi na nga ito matatawag na pragmatism kundi syncretism na kung saan pinagsanib ang Cristianismo at Paganismo.
Ito ang mukha ng "popular" na Cristianismo ngayon, at ang ipinagmamalaki nilang "ebanghelyo" na umano"y hindi nagbabago ay kanilang binaluktot, kinalakal, ikinompromiso at nilapastangan sa harap ng sanlibutan! Ngunit nangangahulugan bang walang magawa ang Dios? Hindi! Ang Dios ay hindi nagkakamali at palagi Siyang nagtatagumpay! Ang wika ng Panginoong Jesus, ""itatayo ko ang aking iglesia; at ang mga pintuan ng Hades ay hindi magsisipanaig laban sa kaniya" (Mateo 16:18). Kaya kahit na sumalakay pa ang pinakamakapangyarihang hukbo ng impiyerno taglay ang mga sandata ng pag-uusig, panlilinlang at kamatayan ay hindi kailanman nawalan ng tunay na Iglesia sa sanlibutan sa lahat ng kapanahunan. Ang tunay na Iglesiang ito na may panahong lumalaki at may panahong lumiliit at halos hindi na makita ay taglay at iniingatan ang tunay na Ebanghelyo sapagkat wika din ni Jesus, ""kung siya, ang Espiritu ng katotohanan ay dumating, ay papatnubayan niya kayo sa boong katotohanan"" (Juan 16:13). Ang mga Iglesiang ito na mangilanngilan na lamang ngayon, nilalait at pinagtatawanan ay silang nagtataglay ng hindi nagbabagong Ebanghelyo na siya ring tinanggap at ipinangaral ng mga apostol, ng mga ama ng sinaunang iglesia, ni Athanasius, ni Augustine, ni Gottschalk, ni Luther, Calvin, ng Synod of Dordt, at ng mga "tapat at totoong [2] Presbyterian at Reformed Churches at iba pang mga simbahan na tapat na sinasampalatayanan ang tunay at hindi nagbagong Ebanghelyo sa kasalukuyan.
________________
1. Halos lahat ng mga ito sa kasalukuyan ay nalihis na at naging liberal.
2. Sapagkat talaga namang napakarami ng mga simbahang nagtataglay ng ganitong pangalan sa kasalukuyan ang hindi naniniwala sa tunay na Ebanghelyo.
"Providence"
Romel V. Espera
Ang salitang "Providence" ay wala sa Banal na Kasulatan. Kahit ang literal na kahulugan nito ay hindi rin masasabing ideya na makikita sa Biblia sapagkat ang literal na kahulugan ng salitang "Providence" ay hango sa salitang Latin na "Provideo". Dalawang salitang Latin na pinag-ugnay, "pro" na ang kahulugan ay "before" at ang "video" na ang kahulugan ay "to see" kaya ang ibig sabihin ay "to prevision, to see ahead" o paunang nakita ang hinaharap. Subalit ang Diyos ay hindi lamang nakikita ang hinaharap kundi Siya mismo ang nagtakda at nagsasakatuparan ng mga pangyayari kabilang ang sa hinaharap. Alam Niya ang lahat hindi dahil nauna Niyang nakita ito kundi mula pa sa walang hanggan ay itinakda na Niya ang lahat. Dahil dito ang Diyos ay hindi naghahanda sa mga bagay na maaaring mangyari kundi ang lahat ng mga bagay na nangyayari ay bunga ng Kanyang kalooban na itinakda mula ng walang hanggan. Gayunpaman, ang salitang "providence" ay tinatanggap na bilang isang terminolohiya sa teolohiya, sapagkat walang mas angkop na salita na maaaring gamitin upang ilarawan ang gawa ng Diyos sa ating kasaysayan. Kaya kung gagamitin natin ang salitang ito ay dapat na maliwanag sa atin ang pakahulugan nito na naaayon sa katuruan ng Biblia. Ang salitang ito ay naglalarawan na ang Makapangyarihan at Nasasalahat-ng-dakong Diyos na kung saan ay Kanyang pinapangyari ang lahat ng mga bagay na magpatuloy at kung saan sa pamamagitan ng Kanyang mga nilikha ay isinasakatuparan ang Kanyang walang hanggang panukala. Isinasa-ayos Niya ang lahat ng mga bagay upang ang lahat ay patutungo sa kaganapan ng Kanyang itinakda.
At ito mismo ang itinuturo ng Biblia, sapagkat sinasabi ng Salita ng Diyos na hindi lamang sa Kanya, kundi mula sa Kanya at para sa Kanya ang lahat ng mga bagay. Sa Gawa 17:24-28 ay ganito ang mababasa: "Ang Dios na gumawa ng sanglibutan at ng lahat ng mga bagay na naririto, siya, palibhasa"y Panginoon ng langit at ng lupa, ay hindi tumatahan sa mga templong ginawa ng mga kamay; ni hindi rin naman pinaglilingkuran siya ng mga kamay ng mga tao, na para bagang siya"y nangangailangan ng anomang bagay, yamang siya rin ang nagbibigay sa lahat ng buhay, at ng hininga, at ng lahat ng mga bagay; at ginawa niya sa isa ang bawa"t bansa ng mga tao upang magsipanahan sa balat ng buong lupa, na itinakda ang kanilang talagang ayos ng mga kapanahunan at ang mga hangganan ng kanilang tahanan; upang kanilang hanapin ang Dios baka sakaling maapuhap nila siya at siya"y masumpungan, bagaman hindi siya malayo sa bawa't isa sa atin: sapagka"t sa kaniya tayo"y nangabubuhay, at nagsisikilos, at mayroon tayong pagkatao: na gaya naman ng sinabi ng ilan sa inyong sariling mga manunula, Sapagka"t tayo nama"y sa kaniyang lahi."
Ang Katesismong Heidelberg ng mga simbahang Reformed sa Lord"s Day 10 Q&A 27 ay ipinakahulugan ang "providence" ng ganito: "Ang makapangyarihan at nasasalahatng-dakong lakas ng Diyos, na kung saan, na para na ring kamay Niya, ang nangangalaga at namamahala sa kalangitan, sa lupa at sa lahat ng nilalang""
Ang payak na kahulugan ng "providence" ay maaaring ganito: Ang "pagsasakatuparan" ng walang hanggang panukala ng Diyos sa kasalukuyang panahon. Ito"y ang "pagsasagawa" sa kasaysayan ng lahat ng itinakda ng Diyos na mangyayari.
Ang "pagsasakatuparan" ay hango sa salitang "to execute" na nagpapahayag ng pagiging aktibo sa paggawa ng isang bagay. Samakatuwid ang Diyos mismo sa Kanyang lakas ay aktibo sa pagsasakatuparan ng lahat ng mga bagay dito sa daigdig.
Ang "pagsasagawa" ay naglalarawan na ang Diyos ay mismong gumagawa ng lahat ng mga bagay"sa pamamagitan ng Kanyang sariling kapangyarihan"para sa katuparan ng Kanyang layunin. Kaya ang tao ay magtatali ng sintas ng sapatos o maglalakbay man sa malayong bituin hindi dahil sa ipinasiya ng tao na gawin niya ang mga ito! Anuman ang kanyang ipinasiyang gawin ay nasa ilalim ng direktang "kontrol" ng Panginoong Diyos at ang mga ito"y pagsasakatuparan ng Kanyang panukala, hindi ng pasiya ng tao! Sa loob ng buong kasaysayan ng daigdig maging ito ay sa kalagayan ng tao o sa kalagayang espirituwal, ang makapangyarihang lakas ng Diyos ang pinakabatayan ng lahat ng mga bagay. Kahit na ang isang kuto"ang isang mikrobyo"ang dambuhalang planeta"maging ang kasalanan"ay nasa ilalim lahat ng kontrol at layunin ng Diyos na gumagawa ng lahat ng mga bagay"
Ang katotohanang ito ang makapagbibigay sa atin ng katatagan ng pananampalataya, na anuman ang mangyari sa atin ay nangyayari dahil sa pagsasakatuparan at pagsasagawa ng Diyos ng Kanyang panukala para sa Kanyang kapurihan! "Hindi baga ipinagbibili ng isang beles ang dalawang maya? at kahit isa sa kanila'y hindi mahuhulog sa lupa kung hindi pahintulot ng inyong Ama: datapuwa't maging ang mga buhok ng inyong ulo ay pawang bilang na lahat. Huwag nga kayong mangatakot: kayo'y lalong mahalaga kay sa maraming maya" (Mateo 10:29-31). "At nalalaman natin na ang lahat ng mga bagay ay nagkakalakip na gumagawa sa ikabubuti ng mga nagsisiibig sa Dios, sa makatuwid baga'y niyaong mga tinawag alinsunod sa kaniyang nasa" (Roma 8:28).
Nananaig na "Malayang Pasiya" ng Tao?
Ronald R. Santos
Ang Panginoong Jesus mismo ang nagwika na ang "sumampalataya"sa Ebanghelyo ay maliligtas at ang hindi sumampalataya ay parurusahan" (Marcos 16:16). Ang kaligtasan ng isang tao ay nakasalalay sa Ebanghelyo, ngunit dapat linawin na ang tinutukoy ng Panginoong Jesus ay hindi basta ebanghelyo kundi ang tama, tunay at tanging Ebanghelyo. Ang mangaral at sumampalataya sa ibang ebanghelyo ay tiyak na susumpain ng Diyos! (Galacia 1:8-9). Kaya hindi dapat ipagwalang bahala ng mambabasa ang mga tinuran ng Panginoong Jesus. Dapat mong suriin kung ang ebanghelyong iyong pinaniniwalaan at naririnig sa iyong pastor ay ang tunay nga bang ebanghelyo ng Panginoong Jesu-Cristo sapagkat kung hindi ay tiyak na ikaw ay mapapahamak.
Kinikilala ko na sa kasalukuyang panahon ang marami sa mga tao ay tinatamad na o ayaw ng magsaliksik hinggil sa kung ano ang tamang Ebanghelyo dahil sa kanilang pananaw ay napakarami ng ebanghelyo o katuruan sa kasalukuyang panahon at sila"y kuntento na sa kung ano ang kanilang kasalukuyang pinaniniwalaan. Kaya nais kong himukin ang mga mambabasa na may ganitong kaisipan na huwag manghinawa sa pagsasaliksik sa katotohanan o kung ano ang tunay at tanging Ebanghelyong ipinagkaloob ng Diyos, sapagkat ang kaligtasan ng inyong kaluluwa ang nakataya.
Sa unang tingin ay waring totoo ang katwiran na napakaraming iba"t ibang ebanghelyo ang itinuturo sa ating kapanahunan, ngunit kung ang Biblia ang pagbabatayan ay malinaw na mauunawaan na hindi marami kundi dadalawa lamang ang uri ng ebanghelyong itinuturo sa ngayon, kaya hindi dapat malito ang mga seryosong nagsasaliksik. Ang itinuturo ngayon ay alin lamang sa dalawa; tamang Ebanghelyo o maling ebanghelyo. Iisa lamang ang anyo ng tamang Ebanghelyo sapagkat hindi ito nagbabago, ngunit maraming anyo ang maling ebanghelyo Bagaman maraming anyo ang maling ebanghelyo, kung susuriin namang maigi ay lalabas na iisa lamang ang pinakadiwa ng mga ito. Kaya ang napakalaking katanungan ay kung paano makikilala ang tama sa maling ebanghelyo. Maraming pagkakahawig ang mali sa tamang Ebanghelyo, sapagkat tulad ng pinagmulan ng maling ebanghelyo na si Satanas na nag-aanyong anghel ng kaliwanagan upang makapandaya, ang maling ebanghelyo ay nag-papanggap na tama upang makapanlinlang sa mga napapahamak. Ang maling ebanghelyo ay gumagamit ng mga salita at pangungusap na ginagamit din ng tamang Ebanghelyo. Ang mga salitang "biyaya", "Diyos", "Sovereign", "Jesus", "Cristo", "namatay sa krus", buhay na walang hanggan", "pananampalataya" at marami pang iba ay ginagamit din ng maling ebanghelyo. Kaya hindi maaring gawing sukatan ang mga ginagamit na salitang ito. Kung gayon, paano makikilala ang tama sa maling ebanghelyo? Si propeta Jonas ay nagbigay ng pinakapagkikilanlan sa tamang Ebanghelyo nang kan-yang sabihin, "Ang pagliligtas ay mula sa Panginoon!" (Jonas 2:9). Ang buong katuru-an ng Biblia ay ang Diyos ang nagliligtas! Ang Diyos ang nagpanukala ng kaligtasan! Ang Diyos ang nangako ng kaligtasan! Ang Diyos ang nagsakatuparan ng kaligtasan! Ang Diyos ang nagsimula ng kaligtasan at Diyos pa rin ang gumanap at tumapos ng kaligtasan! Sa mada-ling salita ang Diyos ang "Sovereign" sa kalig-tasan ng taong nahulog sa kasalanan! Ang Diyos ang may karapatang pumili ng ililigtas! Ang Diyos ang may kakayahang magligtas! At ang kaligtasang ito ay Kanyang lahat tinupad sa pamamagitan ng Kanyang bugtong na Anak na si Jesu-Cristo! Maging ang pananampalatayang sinasabing "bahagi ng tao" ay kaloob pa rin ng Diyos! (Efeso 2:8). Pati ang pagsisisi ay kaloob pa rin ng Diyos sa mga makasalanang pinili Niyang iligtas! (Gawa 5:31, 11:18; 2 Tim 2:25) Ang Diyos ang may kakayahang buhayin ang isang taong patay sa kasalanan! (Efeso 2:4-5). Samakatuwid, ang kaligtasan ay 100% na gawa ng Diyos, at kung may bahagi man ang tao, ito ay ang kanyang nakahihiyang kasalanan!
Kaya nga ang kaligtasang mula sa Diyos ay tinawag na Ebanghelyo ng Biyaya ng Diyos. At batay sa katotohanang ito ay madali na nating makilala o makita ang pinakadiwa ng maling ebanghelyo na nasa maraming anyo; ang ebanghelyong nagtuturo na ang kaligtasan ay nakasalalay na sa tao ay isang bulaan o maling ebanghelyo. Nasa maraming anyo ito, may nagtuturo na ginawa na ng Diyos ang kanyang bahagi (isinugo ang kanyang Anak upang mamatay sa krus ng kalbaryo para bayaran ang kasalanan ng lahat ng tao) at dapat naman ngayong gawin ng tao ang kanyang bahagi upang maligtas (tanggapin si Cristo bilang sariling tagapagligtas). Iba-ibang proporsyon ang itinuturo ng iba"t ibang mangangaral ng maling ebanghelyo; may nagsasabing ginawa na ng Diyos ang 99% at 1% na lamang ang natitirang gagawin ng tao na hindi kailanman daw pakikialaman ng Diyos. May mga nagsasabi naman na 50% ang bahagi ng Diyos at 50% ang bahagi ng tao para maligtas. Anumang porsiyento ang gamitin ay pare-pareho lamang ang suma ng mga ganitong katuruan, ang tao at hindi ang Diyos ang "sovereign" sa kaligtasan. Mantakin mo, kung tanggihan ng tao ang inaalok na kaligtasan ay walang magagawa ang Diyos! Igagalang daw ng Diyos ang pasiya ng tao, para na ring sinabi na ang kagustuhan ng tao ang masusunod hindi ang kagustuhan ng Diyos. Ano ito? Kundi bulaang ebanghelyo! Sapagkat salungat ito sa kapahayagan ng Biblia na ang Diyos ay "Sovereign" sa lahat ng bagay maging sa kaligtasan ng tao. "Ang aming Diyos ay nasa mga langit, kanyang ginagawa ang anumang kanyang kagustuhan." (Awit 115:3 abab). "Ginagawa ng Panginoon anumang kanyang kinalulugdan, sa langit at sa lupa, sa mga dagat, at sa lahat ng mga kalaliman." (Awit 135:6 abab). "Ang Panginoon " ay sumumpa: "Gaya ng aking binalak, gayon ang mangyayari; at gaya ng aking pinanukala, gayon ang mananatili"Sapagkat pinanukala ng Panginoon"at sinong magpapawalang bisa nito? Ang kanyang kamay ay nakaunat, at sinong mag-uurong nito?"" (Isaias 14:24,27 abab). At Diyos mismo ang nagsabi "Ang layunin ko ay maitatatag, at gagawin ko ang lahat ng aking maibigan." (Isaias 46:10). Kapag inibig ng Diyos na iligtas ang isang tao ay walang sinuman makakahadlang at ang taong iyon ay hindi makatatanggi sa kalooban ng Diyos!
Ang kaligtasan ay batay lamang sa Ebanghelyong itinakda ng Diyos sa pamamagitan ng ganap na Katuwiran ng Panginoong Jesu-Cristo. Anumang ebanghelyo ang nagpupumilit na may bahagi ang tao sa kaligtasan maging ito"y pagtanggap, pananampalataya o pagsisisi ay isang bulaang ebanghelyong sinumpa ng Diyos (Galacia 1:8-9), sapagkat ito"y pagnanakaw ng kaluwalhatiang dapat ay sa Diyos lamang. Kaya muli ay nais kong himukin ang mga mambabasa na suriing maiigi ang kanyang ebanghelyong pinaniniwalaan. Sino ang "sovereign" sa ebanghelyong iyong pinaniniwalaan? Ang Diyos ba? O ang tao ba? Saan nakasalalay ang iyong kaligtasan? Sa Diyos ba? O nasa sa iyo? Mag-ingat ka sa sagot mo. Mag-ingat ka sa bulaang ebanghelyo!
Polycarp: Martyr of Christ
Christian Joy B. Alayon
Ang Iglesia ng Panginoong Jesu-Cristo, habang nasa sanlibutan, ay palaging inuusig. Kapalaran niya sa buhay na ito ang magtiis alang-alang sa katuwiran. Huwag natin itong ikabigla, sapagkat sinabi ito sa di mabilang na bahagi ng Kasulatan. Ang winika ni Pablo sa mga iglesiang itinatag niya sa kanyang unang misyunaryong paglalakbay ay totoo sa lahat ng kapanahunan: "Sa pamamagitan ng maraming mga kapighatian ay kailangang pumasok tayo sa kaharian ng Diyos" (Gawa 14:22).
Ang walang humpay na pag-uusig na ito ay nagbunga ng talaan ng mga bayani ng pananampalataya, ng mga banal, mga lalaki, babae, at minsan ay mga bata"na ibinigay ang kanilang buhay sa kamatayan at tinatakan ang kanilang pananampalataya ng kanilang mga dugo.
Kabilang sa mga ito ang matandang si Polycarp, elder at ministro ng iglesia ng Smyrna. Hindi siya ang naunang martir. Hindi siya nagdusa ng higit sa marami pang iba. Hindi naiiba ang kamatayan niya sa kamatayan ng ibang mga binanal. Subalit nagbigay siya sa atin ng halimbawa ng katapatan ng isang martir, isang patotoo sa kapangyarihan ng kagandahang-loob ni Cristo sa matinding pagdurusa, at nagpapalakas sa mga binanal ng Diyos na kasalukuyang nagtitiis alang-alang sa Ebanghelyo ni Jesu-Cristo.
ANG KANYANG BUHAY
Isinilang si Polycarp noong AD 69, malapit sa petsa ng kamatayan ni Pablo sa Roma bilang martir. Si Polycarp ay hindi ipinanganak sa Cristianong pamilya. Ang lugar ng kapanganakan niya ay walang nakakaalam, sapagkat lumutang siya sa kasaysayan ng iglesia sa kakaiba at pambihirang paraan, isang patotoo ng mahiwagang kapamaraanan ng probidensya ng Diyos.
Nagsimula ang lahat sa Smyrna. Sa mapa, makikita mo ang Smyrna mga limampung milya sa timog-kanluran ng Efeso sa gawing kanluran ng baybayin ng lalawigan ng Asia sa Asia Minor (Turkey). Ang Smyrna ay lungsod kung saan maagang naitatag ang iglesia, marahil sa pamamagitan ni Apostol Pablo habang siya ay nasa Efeso nang "ang lahat ng naninirahan sa Asia ay nakarinig ng salita ng Panginoong Jesus" (Gawa 19:10). Ang Panginoon mismo ay sumulat mula sa langit sa iglesia ng Smyrna. Wala siyang pagsaway sa iglesia; mayroon lamang siyang mga pananalitang magpapalakas at magbibigay kaaliwan sa kanilang paghihirap sa kamay ng mga mang-uusig (Apocalipsis 2:8-11). Posibleng si Polycarp ang ministro ng iglesia ng panahong ang sulat ay dumating sa Smyrna at binasa niya iyon sa konggregasyon, na may kaunting kaalamang tumutukoy iyon sa sarili niyang kamatayan bilang martir sa kamay ng masasama.
Mga ilang taon bago ito, isang taong nagngangalang Strataeas, kapatid ni Timoteo, ang maaaring elder o ministro ng iglesia ng Smyrna. Isang mayamang babaeng nagngangalang Callisto, miyembro ng iglesia at kilala sa pagkakawanggawa, ang nanaginip na kailangan niyang dumako sa tarangkahan ng lungsod na tinatawag na Ephesian Gate at tubusin doon ang isang batang alipin ng dalawang kalalakihan. Ginawa niya ito at inuwi sa kanyang bahay si Polycarp at binigyan siya ng Cristianong tahanan, itinuro ang daan ng Panginoon, pinagkalooban ng edukasyon, at inampon siya bilang kanyang anak. Mula ng dinala ang bata sa tahanan ni Callisto, kinakitaan na ito ng ebidensya ng kilos ng Espiritu ni Cristo sa kanyang puso. Seryoso siya at tahimik, maginoo sa lahat ng nakakasalamuha niya, subsob sa pag-aaral ng Kasulatan, at nagsisikap sa pagpapatotoo sa iba sa kanyang pananampalataya. Ang pinakatampok na katangian niya ay ang pagtalikod sa sarili o self-denial, isang bagay na walang dudang ginamit ng Panginoon upang ihanda siya sa darating na kamatayan bilang martir. Napakahirap para sa taong sobra sa layaw, taglay ang labis pa sa kailangan niya, at naghahangad pa ng marami, para makaharap sa kamatayan bilang martir kung kinakailangan sa kanya.
Marahil isa sa pinakamagandang bahagi ng buhay ni Polycarp ay ang personal na nakilala niya si apostol Juan. Dalawampung taong nakilala nila ang isa"t-isa, at si Polycarp ay nagkaroon ng pribelehiyong makapag-aral sa paanan ni Juan. Ang lahat ng maingat na pagsasanay na ito ang naghanda sa kanya para sa gawain sa iglesia.
ANG GAWAIN SA SMYRNA
Ang gawain sa Smyrna na ibinigay sa kanya ng Panginoon ay malawak at napakahalaga. Siya, una sa lahat, ay diakono ng iglesia na nangangalaga sa mga mahihirap. Lubhang napakahalaga ng gawaing ito para sa iglesia noon, sapagkat dahil sa pag-uusig ay nagdulot ito ng napakaraming gampanin para sa mga diakono. Dapat nilang alagaan ang mga babae at mga bata na kung saan ang kanilang mga asawa at mga ama ay nabilanggo o kaya naman ay pinatay. Kailangan nilang dalawin ang mga banal sa bilangguan upang aliwin, palakasin, at himukin silang lalong magpatuloy sa katapatan, at kasabay nito ay sikapin sa abot ng kanilang makakaya na mabawasan ang kanilang pagdurusa sa pamamagitan ng pagdala ng pagkain, kasuotan, at gamot para sa mahahapdi at sariwa nilang mga sugat. Kailangan din nilang makalikom ng salapi mula sa konggregasyon ng mga taong kapos din sa buhay.
Gayun pa man, dahil sa kanyang kaalaman, si Polycarp ay tinawag upang maging elder ng iglesia"isang presbyter, ang tawag ng Kasulatan sa mga may ganitong katungkulan. Nang pumanaw ang ministro (noo"y tinatawag na bishop), naging pastor at ministro na ng konggregasyon si Polycarp. Ayon sa matandang tradisyon si apostol Juan ang mismong nagtalaga sa kanya sa ministeryo. Ang tradisyong ito, kung hindi man totoo, ay nangangahulugang kahit papaano ay nasaksihan mismo ni apostol Juan ang pagtatalaga kay Polycarp. Ang katanyagan at impluwensya ni Polycarp ay umabot sa buong Asia Minor at sa iba"t ibang bahagi ng mundo.
May ilang magandang pangyayari sa panahong ito. Si Ignatius, obispo ng Antioch, ang lungsod na sinimulan ng gawain ni apostol Pablo sa Asia Minor sa kanyang unang misyunaryong paglalakbay, ay dumaan ng Smyrna patungong Roma upang mamatay bilang martir. Si Ignatius at Polycarp ay gumugol ng ilang magagandang araw sa Smyrna, na inaalala ang dati nilang pagkakaibigan noong si Ignatius ay nanirahan sa Smyrna at mga panahong sila ay nag-aral sa ilalim ng pagtuturo ni apostol Juan.
Sandaling panahon matapos iyon, si Polycarp ay naglakbay tungong Roma. Ang pagtatalo sa petsa ng pag-alaala ng kamatayan at muling pagkabuhay ng Panginoon ay nagbabantang hatiin ang iglesia. Ang mga iglesia sa Asia Minor ay ginugunita ito sa ika-14 ng Nisan (unang buwan sa kalendaryong Hebreo, katumbas ng kalahatian ng Abril"CJBA), ang araw ng paskuwa nang ang Panginoon ay kumain ng huling hapunan kasama ang mga disipulo. Nangangahulugan ito na ang mga kaganapang ito sa buhay ng Panginoon ay ipinagdiriwang nang hindi palaging natatapat ng araw ng Linggo. Ang tradisyong ito ayon kay Polycarp, ay apostolic, sapagkat itinuro ito nina apostol Pablo at Juan sa mga iglesia. Subalit ang ibang mga iglesia, na pinangungunahan ng Roma, ay nais ipagdiwang ang muling pagkabuhay ng Panginoon sa unang araw ng sanglinggo. Itinatag nila ang pagdiriwang nito sa unang Lord"s day pagkatapos ng unang araw ng tagsibol. Bagama"t simple lamang ang pinagtatalunan, nagbabanta itong hatiin sa dalawang magkatunggaling panig ang unang iglesia.
Sa pagnanais na ayusin ang bagay na ito, naglakbay si Polycarp patungong Roma upang makipagusap kay Anicetus, ang ministro ng konggregasyon doon. Nagkaroon ng mahabang pag-uusap, subalit walang makapaghikayat sa isa"t-isa. Ang naging resulta ay ang pasyang pahintulutan ang mga simbahan sa kalayaang ipagdiwang ang kaganapang ito sa buhay ng Panginoon sa napili nilang petsa, na walang galit, hinanakit, o alitan. Bilang kumpas ng maayos nilang paghihiwalay, hiniling ni Anicetus kay Polycarp na manguna sa pagdiriwang ng Banal na Hapunan sa iglesia ng Roma, na ginawa naman ni Polycarp.
ANG KAMATAYAN NI POLYCARP BILANG MARTIR
Ang banta ng pag-uusig ay palaging nakaumang sa iglesia ng mga panahong iyon. May mga panahon ng panandaliang kapayapaan mula sa pinakabrutal na anyo ng pag-uusig, subalit may mga panahong ang pag-uusig ay napakabagsik. Ang iglesia ay kinasuklaman sa Emperyong Romano, lalo na ng mga Hudyo at paganong Romano. Bawat natural na kalamidad, maging baha o lindol, o tagtuyot, ay isinisisi sa mga Cristiano at sa kanilang pagtanggi na sumamba kay Caesar bilang diyos.
Nang si Polycarp ay 85 taong gulang na, ang bugso ng pag-uusig ay dumating sa Smyrna, nang dumugin ang iglesia ng mga taong uhaw sa dugo ng mga Cristiano. Labing-apat na Cristiano ang tinugis at kinaladkad sa pampublikong arena at sila"y ipinakain sa mga mababangis at ligaw na hayop. Lahat maliban sa isa ang namatay ng maluwalhati, na ang isa ay sinampal pa ang mabangis na hayop na mukhang tinatamad na dumamba sa Cristianong itinalagang maging hapunan niyon.
Ang mga tao ay hindi nasiyahan at humiling pa. Isinisigaw nila si Polycarp, na kilala nilang ministro ng iglesia, at sa kahilingan ng mga miyembro ng iglesia, ay ikinubli. Nag-utos sila ng mga kawal upang hanapin siya. Natunton nila siya, matapos malantad ang impormasyon ng kanyang pinagtataguan mula sa isang alipin, at siya ay ipinailalim sa nakakakilabot na pagpapahirap (torture).
Ang mga tao at lokal na mahistrado ay nasa arena nang si Polycarp ay dakpin. Iniharap siya sa mahistrado at agad na nilitis at hinatulan habang ang mga tao ay halos mabaliw sa sobrang kasabikan na isinisigaw ang kanyang dugo. Iyon na ang pambihira at pinaka-ilegal na paglilitis na ginanap, tulad na lamang nito (unang nagsasalita ang mahistrado):
"Sumumpa ka sa ngalan ni Caesar! Magsisi ka! Ipahayag mo: kamatayan sa mga ateyista!"
Lumingon siya sa mga tao, itinaas ang kanyang ulo at ikinampay ang kanyang kamay, sumigaw si Polycarp, "Kamatayan sa mga ateyista!"
Subalit alam ng mga mahistrado kung ano ang ibig sabihin ni Polycarp, "Talikdan mo ang iyong relihiyon! Sumumpa ka, at palalayain kita! Alimurain mo si Cristo!"
"Naglingkod ako sa Kanya ng 86 na taon at hindi Niya ako ginawan ng anumang masama. Bakit ako magsasalita ng kalapastanganan at laban sa aking Hari at aking Tagapagligtas?"
"Sumumpa ka sa pangalan ni Caesar!"
"Inuuto mo ang sarili mo kung sa akala mo"y mahihikayat mo ako! Sa lahat ng katotohanan buong katapatan kong ipahahayag sa iyo: Ako ay isang Cristiano."
"Narito ang mga leon, gagamitin ko sa aking kagustuhan."
"Gawin mo. Subalit para sa aming mga Cristiano. Nang mabago kami hindi iyon mula sa mabuti tungong kasamaan: maringal na dumaan sa pagdurusa tungo sa katarungan ng Diyos."
"Kung hindi ka magsisisi, susunugin kita sa tulos yamang nilalait mo lamang ang mga leon."
"Pinagbabantaan mo ako ng apoy na magliliyab ng isang oras pagkatapos ay mamamatay. Nalalaman mo ba ang darating na walang hanggang apoy ng katarungan? Nalalaman mo ba ang kaparusahan na lalamon sa mga masasama? Halika, huwag mong ipaantala! Gawin mo ang nais mo sa akin."
Ang hatol ay ipinahayag; dumaluhong ang mga tao mula sa kanilang upuan upang magipon ng mga kahoy at patpat, at sinabi ni Polycarp sa kawal na naatasan sa kanyang kamatayan na huwag na siyang igapos sa tulos, sapagkat wala siyang hangaring tumakas. Lumaki nang napakataas ang apoy, habang mula sa likod ng apoy ay naririnig ang panalanging ito mula sa labi ng matapat na alipin ni Cristo:
Panginoong Diyos na Makapangyarihan, Ama ng Iyong bugtong at pinagpalang Anak, si Jesu-Cristo, na sa Kanya ay tumanggap kami ng biyayang makilala Ka, Diyos ng mga anghel at kapangyarihan, at ng buong sangnilikha, at ng buong angkan ng mga matuwid na nananahan sa Iyong presensya; Pinupuri Kita dahil ginawa mo akong karapatdapat para sa araw at oras na ito upang mapabilang sa Iyong mga martir at uminom sa saro ng Panginoong Jesu-Cristo"Pinupuri Kita, Niluluwalhati Kita, sa pamamagitan ng eternal na Punong Saserdote, si Jesu-Cristo, na Iyong minamahal na Anak, na kasama Mo at ng Banal na Espiritu, ay ang kaluwalhatian ngayon at magpakailanman. Amen.
Nananatiling aral sa atin na silang mga namatay alang-alang sa pananampalataya na may panalangin at awit ng papuri sa kanilang mga labi, ay alam ang kanilang pinaniwalaan, inibig ang katotohanan, at inihanda upang mamatay alang-alang doon. Nilinaw ni Polycarp ang pag-ibig niya sa katotohanan sa sulat na ginawa niya sa iglesia ng Filipos, na kung saan ay binigyan sila ng babala laban sa bulaang katuruan. Sinabi niya,
Sinumang hindi magpahayag na si Jesu-Cristo ay naparito sa laman, ito ang anticristo, at sinuman ang hindi magpahayag ng hiwaga ng krus, ito ay sa demonyo; at siya, na umaagaw sa salita ng Panginoon ayon sa sarili niyang layaw, at nagsasabi, na walang pagkabuhay na muli at paghuhukom, ito ang panganay ni Satanas. Kaya nga tinatalikuran natin ang walang saysay na salita at bulaang katuruan ng mga taong ito, at bumaling tayo sa salita na ibinigay sa atin mula sa simula"
Sa kaalamang ang pag-uusig ay darating sa iglesia sa panahong ito, hindi ba dapat nating pagtuunan ng pansin ang mga bagay na ito?
_______________________________________________________________