January - March 2006
"Ang Ebanghelyo--Total Depravity"
Ang Biyaya ng Diyos sa mga Makasalanang Hinirang
June F. Subior
Tunay na Ebanghelyo Para sa Tunay na Kalagayan ng Tao
Ronald R. Santos
Regine Capinig
Hindi Ayon sa Kalooban o Pagsisikap...
Christian Joy B. Alayon
Alex M. Aquino
Kasinungalingan Hinggil sa Kasalanan
Ronald R. Santos
Christian Joy B. Alayon
Ang Biyaya ng Diyos sa mga Nagkasalang Hinirang (Efeso 2:1-10)
June F. Subior
Masamang balita" May nakakagulat ba? Hindi ba"t alam mo na sa pagbukas mo ng telebisyon at radyo o sa pagladlad ng iyong dyaryo ay masamang balita ang nag-aabang upang iyong patulang pakinggan at basahin? Nakapagtataka din naman dahil kahit alam mong nakapanlulumo at nakakaubos ng lakas ang mga masamang balita ay tumututok ka pa rin at sumusubaybay.
Ngunit mayroong masamang balita na ayaw pakinggan ninuman. Ayaw niyang pakinggan dahil tinutukoy nito ang kanyang sarili. Ang masamang balitang ito ay, "Ikaw ay patay sa iyong mga kasalanan at ikaw ay sintensyado sa kaparusahan magpakailan man." Ang pinakamasaklap pa ay, "Wala kang magagawa upang matakasan mo ang iyong masaklap na sitwasyon." Isang bangungot"isang hindi maipaliwanag na pangingilabot sa isang sulok ng iyong diwa"nagsasabing, "May takdang araw ng paghuhukom."
Subalit sa mga hinirang ng Dios na nakay Cristo Jesus, na kinaawaan at tinubos, ang gabi ng hapis at desperasyon ay matatapos sa pagsinag ng isang bago at maluwalhating umaga ng pag-asa. Dahil sa mayamang biyaya ng Dios sila ay nakasumpong ng buhay at kalayaan. Natanggap nila ang "mabuting balita!"
Ipinapakita sa atin ng Efeso 2:1-10 ang pagbabago o "transisyon" na ito na ginawa ng Diyos sa buhay ng Kanyang mga hinirang kay Cristo. Una ay binuhay Niya sila na noo"y patay sa espiritu, "At kayo'y binuhay niya, nang kayo'y mga patay dahil sa inyong mga pagsalangsang at mga kasalanan"" (vv. 1-6). Alam naman natin na ang patay, kahit anong pintas o puri na iyong binibigkas tungkol sa kanya, ay hindi niya ito maririnig at mararamdaman. Walang silbing kausapin ang isang patay. Wala siyang kakayahang tumugon sa anumang panawagan. Gayun din ang kalagayan ng hinirang noong siya ay patay pa dahil sa kanyang mga kasalanan. Wala siyang kakayahang tumugon sa panawagan ng Diyos na makapagsisi at sumunod sa kanyang kalooban. Siya ay nasa isang kaawaawang kalagayan dahil ang likas na pagkamakasalanan niya ang siya lamang niyang sinusunod. Aba ang kanyang kalagayan dahil siya ay alipin! Hindi ito nangangahulugang obligasyon ng Dios na kaawaan siya. Ang totoo ay kabilang siya sa kanila na ""noo'y katutubong mga anak ng kagalitan, gaya naman ng mga iba." Ngunit sa pagsasakatuparan ng Diyos ng kanyang walang hanggang pagtatalaga (predestination, Efeso1:4) kay Cristo, binuhay Niya ang espiritu ng Kanyang mga hinirang upang makatugon sa Kanyang panawagan at mamuhay sa Kanyang biyaya. Ito ang itinuturo ng Ebanghelyo, na sa biyaya ng Dios ang hinirang ay naligtas sa kaparusahan at kapangyarihan ng kasalanan. Walang kahit anomang naging kontribusyon ang mga pinili ng Dios sa kanilang kaligtasan.
Hindi lamang ito, kundi binuhay Niya sila upang mabuhay sa biyaya (vv. 7-10). Ang pagkabuhay mula sa pagiging patay sa ating espiritu ay pagpasok natin sa buhay sa tipan ng biyaya ng Dios. Mayroon na tayong bagong pagkatao at kalikasan na may damdaming naghahangad na parangalan ang Dios sa lahat ng ating ginagawa bagamang ito ay kakarampot lamang na bagong pasimula ng pagsunod. Ang bagong buhay na ito ay puspos ng pagpapakumbaba at pagpapasalamat sa Diyos dahil sa walang hanggang biyaya Niya na ating nararanasan. Maging ang paggawa natin ng mabuti ay inihanda na ng Dios noong una pa (Efeso 2:10) upang ito'y ating lakaran sapagkat "Dios ang gumagawa sa [atin] maging sa pagnanasa at sa paggawa, ayon sa kaniyang mabuting kalooban" (Filipos 2:13). Nangangahulugan lamang na ang mga anak ng Diyos ay tiyak na mamumuhay sa kalooban Niya.
Hindi ito dahilan upang ipagmalaki o ipagmapuri ang anumang ating ginagawang paglilingkod sa iglesia, ni batayan upang asahan nating tayo"y tatanggap ng parangal o anumang recognition award tulad ng ating nakasanayang practice noon sa sistema ng "Arminianismo," sapagkat ito'y makalaman at isang anyo ng pagmamalaki at pagmamapuri. Sapat na na isipin natin na tayo ay alipin ng ating Panginoon at ginagawa lamang natin ang ating tungkulin na una nang inihanda ng Diyos upang ating lakaran.
Tunay ngang mabuting balita ito! Subalit naging mabuting balita ito dahil nasangkot tayo noon sa masamang balita. Maluwalhati ang unang malamlam na silip ng liwanag ng umaga dahil pinagdaanan natin ang isang mahaba at madilim na gabi. Labis na mahal sa atin si Cristo dahil sa ating mga sarili at sa ating laman ay walang mapapakinabang. Habang panahon tayong magpapasalamat sa Dios na bagamang sa simula pa lamang ay walang anumang pananagutan sa atin ay pinasagana sa atin ang kabutihan ng Kanyang malayang kalooban. Sa pamamagitan ng Kanyang ginawang pagliligtas ay ibinahagi Niya sa atin ang perpektong kasiyiahan at pagpapala na nasa Kanya na buhat pa ng walang hanggan. Sino ang makakasukat sa biyayang ito ng Dios sa Kanyang mga hinirang!
Tunay na Ebanghelyo Para sa Tunay na Kalagayan ng Tao
Ronald R. Santos
Wala ng pinakamahalaga pa sa Bastion of Truth Reformed Churches kundi ang tunay at nag-iisang Ebanghelyo ng Biyaya ng Diyos, sapagkat dito nahayag ang tanging paraan ng Diyos sa pagliligtas sa Kanyang mga hinirang. Ang pinakapuso ng Ebanghelyong ito ay pagliligtas ng Diyos sa pamamagitan lamang ng perpektong katuwiran ng Panginoong Jesu-Cristo na ibinibilang sa Kanyang mga makasalanang hinirang. Ang Ebanghelyong ito ay naihayag at naitala sa Banal na Kasulatan, at ito"y patuloy na ipinapangaral sa iba"t ibang kapanahunan at kalagayan, gayon pa ma"y ang katotohanan ng Ebanghelyo ay hindi nagbabago. Sa bawat pagpapahayag ng mga mangangaral na hinirang ng Panginoon ay palaging nabibigyan ng diin ang katotohanang ang kaligtasan ay sa pamamagitan lamang ng biyaya ng Diyos at hindi kailanman sa anumang gawa ng tao o ni bahagi man ng tao. May pagkakataon na binigyan nila ng mas malalim na diin ang isang aspeto ng Ebanghelyo upang hindi magkaroon ng maling pang-unawa ang mga nakikinig, may pagkakataon ding higit nilang binigyan ng pansin ang iba pang aspeto ng Ebanghelyo laban sa mga kabulaanan ng ibang ebanghelyo. Ang layunin ng pagbibigay ng higit na diin sa isang aspeto ng Ebanghelyo ay upang maitanghal nang maliwanag na ang kaligtasan ay dahil lamang sa biyaya ng Diyos at hindi dahil sa anumang bahagi ng tao. Halimbawa, may panahong ipinagdiinan (na dapat sa panahon din natin) ng ating mga amain sa pananampalataya na ang kamatayan ni Cristo ay pantubos sa kasalanan lamang ng mga hinirang at hindi para sa lahat ng mga tao. Ang pagpapahalaga sa aspetong ito ay upang lumutang ang katotohanang ang kaligtasan ay sa biyaya lamang at hindi sa gawa ng tao, na ang kamatayan ni Cristo ay tiyak na nagliligtas ng mga hinirang at hindi "posible" lamang na makapagligtas, na sa turo ng iba ay magkakabisa lamang ang kamatayan ni Cristo sa isang tao kung ang taong iyon ay "tatanggap" kay Cristo. Kaya para mailantad ang kasinungalingang ito na ipinapangaral ng mga bulaang mangangaral ay ipinagdiinan nila ang aspetong ito ng Ebanghelyo na si Cristo ayon sa panukala at dahil sa biyaya ng Diyos ay namatay lamang para sa mga hinirang. Ganito rin ang ginawa nila sa pagbibigay ng diin sa iba pang aspeto ng Ebanghelyo.
Noong ika-17 siglo ay walang pakundangang ipinagmalaki ng mga "Arminians" ang kanilang pamumusong laban sa tunay na Ebanghelyo nang kanilang opisyal na ipinakalat ang limang aspeto ng kanilang ibang ebanghelyo. Subalit muling pinagtibay ng Diyos ang Kanyang Ebanghelyo ng Biyaya nang Kanyang bigyan ng katalinuhan ang ating mga amain sa pananampalataya sa Synod of Dort (tingnan ang pahina 3 ng April-June 2005 Issue ng The Bastion of Truth) nang kanilang ilantad ang mga kabulaanang ito, nang kanilang bigyan ng diin ang limang aspeto ng Ebanghelyo na inaa-take ng mga Arminians. Ang limang aspetong ito ay kilala natin ngayon sa tawag na T.U.L.I.P. (para sa kahulugan ng bawat titik ay tingnang muli ang pahina 4 ng Maiden Issue ng The Bastion of Truth). Kaya salamat sa Panginoon sa TULIP, sapagkat pinagkalooban Niya ang iglesia ng sistematikong paraan ng pagpapahayag ng Ebanghelyo sa ating kapanahunan, na ang bawat aspeto ay nagtatanyag na ang kaligtasan ay 100% na gawa ng Diyos, samakatuwid, ay sa biyaya lamang Niya at inilalantad naman nito ang lason ng bulaang ebanghelyo ng Arminians na nagpapakunwaring tunay! Dapat maunawaan ng mga mambabasa na ang TULIP ay magkakaugnay"limang aspeto ng iisang Ebanghelyo ng Biyaya ng Diyos na itinuturo ng Biblia. Hindi maaaring paniwalaan lamang ang isa o apat at tanggihan ang iba. Magkagayon ay masisira ang katotohanan ng biyaya ng Diyos. Ang maling pananaw sa isa man sa aspeto ng TULIP ay magreresulta sa maling ebanghelyo.
Ang lathalaing ito ay partikular na nakatuon sa unang aspeto ng TULIP, ang T na kilala sa wikang Ingles na Total Depravity at sa Tagalog naman ay Tunay na Makasalanan (Para sa mas detalyadong paliwanag sa katotohanang ito, tingnan ang artikulo ni Ptr. Alex Aquino sa pahina 15 hinggil sa Total/Absolute Depravity). Ang ibang aspeto ay susulyapan sa mga susunod na issue ng The Bastion of Truth. Napakahalaga na tama ang pinaniniwalaan natin sa aspetong ito sapagkat nakasalalay dito ang tamang pag-unawa sa Ebanghelyo. Sa maingat na pagsusuri sa ebanghelyo ng mga Arminians masasabi nating ang ugat ng kanilang kabulaanan ay maling pananaw sa tunay na kalagayan ng tao. Sa larangan ng medisina, kapag mali ka sa pagsusuri sa sakit ng isang tao ay tiyak na tiyak na mali rin ang ilalapat mong panlunas. Ang uri ng gamot ay depende sa uri ng sakit. Kaya ang Bastion of Truth Reformed Churches ay tinatanggap lamang ang katuruan ng Banal na Kasulatan hinggil sa tunay na kalagayan ng tao at ito namang katotohanang ito ay sinasang-ayunan ng Three Forms of Unity ng mga Reformed Churches
Ang tao ba ay likas na mabuti? O siya ba ay mabuti na paminsanminsan ay nakakagawa ng masasama? Siya ba ay masama na may kakayahang gumawa ng mabuti? O siya ba ay lubos na masama ngunit may natirang kakayahang gumawa ng kahit na maliit na kabutihan? Kung walang ipinahayag ang Diyos hinggil sa kalagayan ng tao ay mas nanaisin ko ang unang dalawang nabanggit, alalaong baga"y ang tao ay likas na mabuti. Subalit ang Diyos na lumikha, at hindi tao na isang nilikha, ang maaari lamang makapagpahayag ng katotohanan sa tunay na kalagayan ng tao, kaya ang Kanyang ipinahayag sa Banal na Kasulatan ang nararapat nating paniwalaan maging ito man ay laban sa ating kaisipan o mismong laban sa atin. Ang mga sumusunod ay ilan lamang sa napakaraming talata sa Biblia hinggil sa kalagayan ng tao:
"Nakita ng Panginoon na napakasama ng tao sa lupa, at ang bawat haka ng mga pag-iisip ng kanyang puso ay palagi na lamang masama." Genesis 6:5.
"Sinabi ng Panginoon sa kanyang puso"ang haka ng puso ng tao ay masama mula sa kanyang pagkabata"" Genesis 8:21.
"Sinabi ng hangal sa kanyang puso, "Walang Diyos." Sila"y masasama, sila"y gumagawa ng kasuklamsuklam na mga gawa; walang gumagawa ng mabuti. Ang Panginoon ay nakadungaw mula sa langit sa mga anak ng mga tao, upang tingnan kung may sinumang kumikilos na may talino, na hinahanap ang Diyos. Silang lahat ay naligaw, sila ay pare-parehong naging masasama; walang sinumang gumagawa ng mabuti, wala kahit isa." Awit 14:1-3.
"Narito, ako"y ipinanganak sa kasamaan; at ipinaglihi ako ng aking ina sa kasalanan." Awit 51:5.
""walang taong nabubuhay na matuwid sa iyong harapan." Awit 142:2.
"Tunay na walang matuwid sa lupa, na gumagawa ng mabuti at hindi nagkakasala." Eclesiastes 7:20.
""ang puso ng mga tao ay puno ng kasamaan, at ang kaululan ay nasa kanilang puso habang sila"y nabubuhay"" Eclesiastes 9:3.
"Kaming lahat ay naging gaya ng isang marumi, at ang lahat naming katuwiran ay naging parang maruming basahan"" Isaias 64:6.
"Ang puso ay mandaraya kaysa lahat ng bagay, at lubhang napaksama; sinong makakaunawa nito." Jeremias 17:9.
"At palibhasa"y hindi nila minabuting kilalanin ang Diyos, hinayaan sila ng Diyos sa isang mahalay na pag-iisip, upang gawin ang mga bagay na hindi nararapat. Napuno sila ng lahat ng uri ng kasamaan, kalikuan, kasakiman, kahalayan; at puno ng inggit, pagpaslang, pag-aaway, pandaraya, katusuhan, mahilig sa tsismis, mga mapanirang-puri, mga napopoot sa Diyos, mga walang pakundangan, mga palalo, mga mapagmataas, mga manggagawa ng masasamang bagay, mga suwail sa mga magulang, mga hangal, mga hindi tapat sa kanilang mga pangako, hindi mapagmahal, mga walang awa. Nalalaman nila ang mga iniuutos ng Diyos, na ang mga gumagawa ng gayong mga bagay ay karapat-dapat sa kamatayan, ngunit hindi lamang nila ginagawa ang gayon kundi sinang-ayunan pa ang gumagawa ng mga iyon." Roma 1:28-32.
""yamang ang lahat ay nagkasala, at hindi nakaabot sa kaluwalhatian ng Diyos." Roma 3:23.
"Kayo noo"y mga patay sa inyong mga pagsalansang at mga kasalanan, na dati ninyong nilakaran, ayon sa lakad ng sanlibutang ito, ayon sa pinuno ng kapangyarihan ng himpapawid, ng espiritu na ngayon ay gumagawa sa mga anak ng pagsuway. Tayong lahat ay dating nabuhay sa gitna ng mga ito, sa mga pagnanasa ng laman, na ating ginagawa ang mga nais ng laman at ng pag-iisip, at tayo noo"y katutubong mga anak ng kapootan, gaya naman ng mga iba." Efeso 2:1-3.
At napakarami pang ibang mga talata na nagtuturo ng kaparehong katotohanan hinggil sa tunay at "unibersal" na kalagayan ng tao, na ang tao ay Tunay na Makasalanan!
Ang katotohanang ito ay sinusugan ng ating Three Forms of Unity. Sa Lord"s Day 3 ng Katesismong Heidelberg ay ganito ang nakasaad:
Q.6. Nilikha ba ng Diyos ang tao na napakasama at napakasuwail?
A. Hindi; ngunit nilikha ng Diyos ang tao na matuwid, at ayon sa Kanyang wangis, sa tunay na katuwiran at kabanalan, upang maaring niyang makilala ang Diyos na lumikha sa kanya, mahalin niya ng buong puso at mabuhay na kasama Siya sa walang hanggang kaligayahan para luwalhatiin at purihin Siya.
Q.7. Kung gayon saan galing itong kasamaan ng kalikasan ng tao?
A. Mula sa pagkakasala at pagsuway ng una nating magulang, si Adan at si Eva, sa Eden; dahil dito ang ating kalikasan ay naging napakasama, kaya tayong lahat ay ipinaglihi at ipinanganak sa kasalanan.
Q.8.Talaga ba tayong napakasama at hindi kayang gumawa ng anumang mabuti at pawang kamalian lamang ang magagawa?
A. Totoong gayon nga, maliban na lang kung tayo ay baguhin ng Espiritu ng Diyos.
Sa Belgic Confession ay gayon din ang sinasabi, mababasa sa unang saknong ng artikulo 14 ang ganitong mga pangungusap:
Sumasampalataya kami na ang Diyos ang lumalang sa tao mula sa alikabok ng lupa, at Kanyang ginawa at inanyuan ayon sa Kanyang sariling larawan at wangis, at nilalang na mabuti, matuwid, banal, at may kakayahang sumunod sa lahat ng kalooban ng Diyos. Bagama"t siya ay nasa mataas na karangalan at kalagayan hindi niya ito pinahalagahan bagkus kusang loob na sumunod sa diyablo at nagpasakop sa kasalanan na nagbunga ng kamatayan at sumpa. Sinuway niya ang kautusan ng buhay na kanyang tinanggap; at dahil sa kasalanan ay nahiwalay siya sa Diyos, na kanyang tunay na buhay; at dahil naging napakasama ang kanyang buong katauhan ay napasa-ilalim sa kamatayang katawan at kamatayang espirituwal. At dahil siya"y naging lubos na masama, tampalasan at bulok sa lahat ng kanyang mga gawa, nawalan siya ng lahat ng mahuhusay na kaloob na kanyang tinanggap mula sa Diyos, at may kaunting natira na sapat upang walang maidahilan ang tao; sapagkat lahat ng kaliwanagan na nasa atin ay napalitan ng kadiliman, tulad ng itinuturo sa atin ng Banal na Kasulatan: "Ang ilaw ay lumiliwanag sa kadiliman; at ito"y hindi nagapi ng kadiliman." Dito ay tinawag ni apostol Juan na ang mga tao"y kadiliman.
Sa Artikulo 15 ay ganito rin:
Sumasampalataya kami na sa pamamagitan ng pagsuway ni Adan ang orihinal na kasalanan ay naibahagi sa lahat ng sangkatauhan; na ito"y kabulukan ng buong katutubong kalikasan at isang namamanang kasamaan, kung saan pati na ang mga batang musmos ay nahawahan kahit nang sila"y nasa sinapupunan pa ng kanilang mga ina, na nagdulot sa tao ng lahat ng uri ng kasalanan, yamang nasa kanya ang ugat nito, samakatuwid ang tao"y lubhang napakasama at karumaldumal sa paningin ng Diyos, ang kalagayang ito ay sapat para sumpain ng Diyos ang lahat ng sangkatauhan. Ito"y hindi nawala o naalis ng bautismo, yamang ang kasalanan ay palaging nagmumula sa maruming bukal gaya ng tubig na nagmumula sa batis; gayun pa man, ito"y hindi ibinilang sa mga anak ng Diyos sa kahatulan kundi sa pamamagitan ng Kanyang kagandahang-loob at kahabagan ay pinatawad ang mga ito sa kanila. Hindi upang sila"y makunsinti sa kanilang kasalanan kundi para palaging madama ang kasamaan ng sarili at magdulot ng hinagpis sa paghahangad na maligtas na sa katawang ito na nagdudulot ng kamatayan.
Wala ring kadudaduda ang pinagtibay ng Canons of Dort na nasaad sa Third & Fourth Heads of Doctrine:
Artikulo 1: Ang tao ay orihinal na nilikha ayon sa wangis ng Diyos. Ang kanyang pang-unawa ay napapalamutian ng totoo at kapakipakinabang na kaalaman sa Lumikha sa kanya at sa mga espirituwal na bagay; ang kanyang puso at kalooban ay matuwid; ang kanyang damdamin ay dalisay; ang buong pagkatao ay banal. Subalit, dahil sa pagrebelde laban sa Diyos sa sulsol ng diyablo at pag-abuso sa kalayaan ng kanyang sariling kapasyahan, ay naiwala ang mga mahuhusay na kaloob na ito at sa halip ay natamo niya para sa sarili ang kabulagan, kahindikhindik na kadiliman, kapalaluan, at tiwaling pagpapasya sa kanyang kaisipan; naging makasalanan, rebelde, sutil ang puso at kalooban, at mahalay sa lahat ng kanyang damdamin.
Artikulo 2: At kung ano ang tao matapos ang pagbagsak, ay gayun ding uri ng mga anak ang kanyang isinilang, alalaong baga"y, isang makasalanang tao, makasalanang mga anak; ang pagkamakasalanan ay naipasa mula kay Adan hanggang sa lahat ng kanyang salinlahi maliban kay Cristo, hindi sa pamamagitan ng panggagaya na siyang pinagpipilitan ng mga Pelagians noon, kundi sa pamamagitan ng pagmamana ng masamang katutubong kalikasan ayon sa matuwid na hatol ng Diyos.
Artikulo 3: Dahil dito, lahat ng tao ay ipinaglihi sa kasalanan, at isinilang na mga anak ng kapootan, walang kakayahang gumawa ng anumang mabuti para sa kaligtasan, madaling gumawa ng kasamaan, patay sa mga kasalanan, at mga alipin ng kasalanan, at kung wala ang nagbibigay buhay na biyaya ng Espiritu Santo ay hindi nila kayang gawin ni loobin man lang na manumbalik sa Diyos, upang iwasto ang kasamaan ng kanilang katutubong kalikasan, ni maitalaga ang kanilang sarili sa pagwawasto nito.
Ito ang nagdudumilat na katotohanan na nahayag sa Banal na Kasulatan, na ang TAO ay TUNAY AT lubos na makasalanan sa kanyang katutubong kalikasan at sa kanyang mga gawa. Isang mapait na katotohanang napakahirap tanggapin ng taong mataas ang tingin sa sarili. Ang makatatanggap lamang sa katotohanang ito ay ang mg taong binago o binigyang buhay ng Espiritu Santo. At isa sa unang kilos ng Espiritu Santo sa mga makasalanang hinirang sa pagbibigay buhay ay pagpapakilala sa kanila na sila"y tunay na makasalanan (Juan 16:8-9; Katesismo, Lord"s Day 1, Q&A 2).
Itinuturo ng Biblia na ang sangkatauhan ay kasama sa pagkakasala ni Adan, yamang si Adan ay ama ng ating katutubong kalikasan at kinatawan ng sangkatauhan kaya sangkot tayo sa kanyang kasalanan. Masasabing dalawa kaagad ang naging resulta ng kasalanan ni Adan, una, sa makatarungang hatol na kamatayan ay damay ang lahat ng sangkatauhan sapagkat siya ang kumakatawan sa atin sa harapan ng Diyos; pangalawa, magbuhat noon ang katutubong kalikasan ng sangkatauhan ay naging napakasama. Sa suma-total hindi lamang naiwala ng tao ang larawan ng Diyos sa kanya kundi napalitan ito ng kasalanan. Ang kaalaman niya sa Diyos ay napalitan ng kadiliman at kamangmangan; ang kanyang katuwiran ay naging kalikuan; at ang orihinal na kabanalan ay nauwi sa kasamaan. Sa ganitong kalagayan ang sangkatauhan ay mga anak ng kapootan. Ang kanyang katutubong kalikasan ay lubhang makasalanan kaya wala siyang kakayahang gumawa ng anumang mabuti sa harapan ng Diyos anupa"t sa kanyang ikaliligtas. Kung anuman ang nagagawa niya na sa pamantayan ng tao ay mabuti tulad ng pagkakawang-gawa, paglilimos at iba pa, ang mga ito"y kasumpasumpa pa rin sa Diyos sapagkat ang mga ito"y bumubukal sa isang pusong makasalanan at ang mga mabubuting gawa lamang na tinatanggap ng Diyos ayon sa Katesismo, Lord"s Day 33, Q&A 91 ay "Yun lamang bunga ng tunay na pananampalataya, ginawa ayon sa kautusan ng Diyos, at para sa Kanyang kaluwalhatian; at hindi yung mga bunga ng ating imahinasyon o kaisipan ng tao." Samakatuwid ang lahat-lahat sa tao ay lubhang napakasama, ang kanyang katutubong kalikasan pati na ang kanyang mga gawa, tawag dito"y "patay siya sa kasalanan." Kasama rin sa kanyang kasamaan ang kalagayan ng kanyang "free-will", anuman ang pasiya ng kanyang "free-will" ay masama, tiwali at bulok ni hindi katanggap-tanggap sa Diyos. Sa ganitong kalagayan, maililigtas ba ng tao ang kanyang sarili sa poot ng Diyos? Imposible! Hindi ba kayang iligtas siya ng kanyang sariling desisyon o "free-will" tulad ng itinuturo ng mga bulaang Arminians? Imposible! Pero may mangangatwiran na, "di ba dahil sa free-will ay tinanggap ko si Cristo!" Tama. May tinanggap nga ang iyong free-will na "cristo," ngunit ang tinanggap mo ay "cristo" ng mga Arminians, "cristo" na umiibig at namatay para sa lahat ng tao ngunit mahina na hindi makapagligtas maliban na ipahintulot ng tao, "cristo" na tiklop sa free-will ng tao. Lubos ang aking kalungkutan na sabihin sa iyo ito, bulaang cristo ang tinggap mong iyan at sinasamaba, hindi siya ang tunay na Cristo na nagsabi na "ibinibigay ko ang aking buhay sa mga tupa," Cristo na tiyak na nagliligtas ng Kanyang hinirang!. Kaya kahit ang free-will na ipinagmamalaki ng mga Arminians ay walang kakayahang magligtas ng kaluluwa. Wika nga ng isang mangangaral, "kung ang sakit nga ng ngipin mo ay hindi mapagaling ng free will mo eh, kaluluwa mo pa kaya!" Kung gayon paano magkakaroon ng kaligtasan ang isang makasalanan? Wala nang iba kundi dahil lamang sa BIYAYA ng Diyos sa pamamagitan ng katuwiran ni Cristo! Si Cristo ay tunay na nagligtas sa mga makasalanang ibinigay sa Kanya ng Diyos para iligtas! Isang kalaspatanganan kay Cristo ang paniniwala ng mga Arminians na nagawa na ni Cristo ang bahagi niya na kinakailangan lamang na gawin ng tao ang bahagi niya: ito"y tanggapin si Cristo bilang kanyang tagapagligtas. Ito"y isang mapanlinlang na kahangalan! Walang kakayahan ang tao! Ganap at kumpleto ang ginawa ni Cristo, walang bahagi ni katiting man ang tao!
Alalahanin natin na pinagtibay ng mga sumulat ng Three Forms of Unity ang katuruan ng Biblia na ang tao"y tunay at lubos na makasalanan. Pinagtibay nila ito laban sa mga lumaganap noon na mga hidwang katuruan hinggil sa kalagayan ng tao na banta sa katotohanan ng tunay na Ebanghelyo. Ang Tunay na Ebanghelyo ng Biyaya ng Diyos ay nakasalalay sa katotohanan hinggil sa tunay na kalagayan ng tao, sapagkat ang Ebanghelyo ay siyang lunas sa kasamaan ng tao! Suriin mo ang lahat ng hidwang ebanghelyo, mayroon silang pagkakapareho, ito"y ang maling pananaw nila sa tunay na kalagayan ng tao, lahat ay nagtuturo sa iba"t-ibang anyo na may kakayahan ang tao at may bahagi sa kaligtasan. Noon ang mga kabulaanang ito ay patagong itinuturo sa mga tao, ngunit sa ating kapanuhanan ay lantaran na, walang pakundangan ang pagtatanggol ng mga bulaang mangangaral sa kanilang maling ebanghelyo. Kaya, napapanahon na upang ang tunay na iglesiang hirang ng Diyos ay manindigan sa katotohanan ng nag-iisang Ebanghelyo ng Biyaya ng Diyos. Tanggapin man o hindi ng tao, ay kinakailangang ipangaral ng buong katapatan ang katotohanang ang tao ay lubos na makasalanan at walang bahagi sa kaligtasan at tanging ang katuwiran lamang ni Cristo ang batayan ng kaligtasan! Ito ang aming pinaninindigan at ito ang aming ipinaglalaban.
Patuloy nawa na marapatin ng Panginoong Diyos, na kami na taga-Bastion of Truth Reformed Churches ay maging isa sa mga tanggulan Niya ng Kanyang Tunay at nag-iisang Ebanghelyo!
"TOTOONG MAKASALANAN"
Regine Capinig
Tulad ng pusaling nangangalingasaw
Nakapandidiri lalo"t pag umapaw;
Pinaghalo-halong puro kabulukan
Ganyan din kasangsang ang aking isipan.
Ako"y tila bangkay na naaagnas na
Walang naririnig, walang pang-unawa,
Walang pakiramdam, umaraw, umulan
Ang espiritu ko"y iyan ang kalagayan.
Tulad ko ay bulag na kakapa-kapa
Ang ningning ng ilaw ay di ko makita,
Ang kulay ng lahat ay napakaitim
Iyan ang puso kong binalot ng dilim.
Kapara ay tupang naligaw ng landas
Ang katinuan ko"y walang pagkawakas,
Ang katotohanan ay hindi ko tangan
Budhi ko"y puspos ng kasinungalingan.
Inalipin ako nitong kamatayan
Tulad din ng lahat na mula kay Adan,
Di kinalulugdan anuman ang gawin
Pati hangarin ko"y sala sa paningin.
Ako"y may sala na buhat nang isilang
At tiyak patungo sa kapahamakan,
Abang-aba"t kahabag-habag pala ako
Nabatid "tong lahat sa Evangelio Mo.
Ang tulang ito na kinatha ni Ptr. Regine Capinig ay una sa limang bahagi ng serye na nagpapahatid ng mensahe ng tunay na Ebanghelyo o ng TULIP sa anyo ng poetry. Nilalarawan ng bahaging ito ang katotohanan ng Ebanghelyo hinggil sa Total Depravity ("T" sa TULIP)
Hindi ayon sa Kalooban o Pagsisikap...
Christian Joy B. Alayon
"Kaya ito ay hindi ayon sa kalooban o pagsisikap ng tao, kundi ayon sa habag ng Dios."
"Roma 9:16
Lahat ay umaamin sa kaniyang pagkakasala, subalit hindi lahat ay nauunawaan kung gaano kalalim ang pagkahulog niya sa kasalanan. Ito ang dahilan kung bakit may hidwang paniniwala na may maiaambag ang tao sa kaligtasan. Ang Arminianism ang pinakamapandaya sa mga hidwang pananampalataya.
Pagtanggi sa Pelagianismo
Pelagianism ang tawag sa bulaang paniniwalang naliligtas ang tao sa pamamagitan ng kanyang mabubuting gawa. Semi-Pelagianism naman ang bulaang paniniwalang ang kaligtasan ay pinagsamang biyaya ng Dios at mabuting gawa ng tao. Ang Arminianism ay paniniwalang ang kaligtasan ay gawa lamang ni Cristo subalit hindi matatanggap malibang paniwalaan at tanggapin ng tao sa pamamagitan ng pagpapasiya ng sarili niyang free-will. Ang Arminianism ang pinakatanyag sa ating paligid, subalit ito ang pinakamasahol dahil ito ang pinakamapandaya. Itinuturo rin nitong walang ambag ang gawa ng tao sa kaligtasan sapagkat ang kaligtasan ay purong gawa ni Jesus lamang. Marami ang naaakit sa paniniwalang ito dahil tumututol din sila sa Pelagianism. Gayun pa man, sa huli ay makikitang may iba silang bersyon ng katuruan na hindi itinuturo ng Biblia. Kung susuriing maigi, ang Arminianism ay bersyon pa rin ng Semi-Pelegianism. Kung sa Semi-Pelagianism ay mabubuting gawa ng tao ang itinuturong ambag sa kaligtasan, FREE-WILL naman ang ambag ng tao na itinuturo ng Arminianism. Ito ang kabuoan ng katuruan ng mga nagpapakilalang evangelicals o full gospel churches. Pinakamakamandag ito sa lahat ng uri ng bulaang katuruan dahil itinatanggi nila ang bulaang katuruan ng Pelagianism, subalit sa huli ay sisiluin nila ang tao sa sarili nilang bersyon ng katuruang hango rin sa prinsipyo ng Semi-Pelagianism. Ang kamandag ng katuruang ito ay nakatago sa pagkukunwari nitong naniniwala ito sa kaligtasang walang ambag ang gawa ng tao. Subalit sa huli ay ipagsisiksikan din nilang may kondisyon pa ring tutuparin ang tao, at iyon ay ang pagpapasiya ng kanyang free-will.
Tulad na lamang ng bantog na lathalaing ipinalimbag ng The Bible League na may pamagat na ANG SAGOT. Ito ay isang araling may pinasasagutang maikling pagsusulit matapos mabasa, at pagkatapos masagutan ay makatatanggap ng sipi ng Bagong Tipan ang nagbasa. Ang unang aralin ay patungkol sa kasalanan, ang ikalawang aralin ay tungkol sa kabayaran ng kasalanan, ang ikatlong aralin ay tungkol sa kung sino ang magbabayad ng kasalanan, ang ikaapat na aralin ay patungkol sa pag-asa, at ang huling aralin ay ang tanong na "ano ang kailangan kong gawin?" Mapandaya ang katuruang pinakikilala dito sapagkat ito ay nag-aalok din ng kaligtasang hindi nakabatay sa mabubuting gawa ng tao. Ito ang sinasabi sa ikatlong aralin, sa pahina 6:
"Ayaw ng sinoman na mamatay at magdusa ng walang katapusan sa Impyerno. Sinisikap ng marami na gumawa ng mabuti upang makabayad at maligtas sa walang hanggang kaparusahan. Dumadalo sila sa simbahan, nangingilin, nangungumpisal, nag-aabuloy--- ngunit kahit isa man sa mga ito ay hindi nakapag-aalis ng kasalanan! Hindi mo mababayaran ang iyong kasalanan. Ang ginawang pagpapakabuti ng tao ay hindi makapag-aalis ng kaniyang kasalanan sapagkat ito ay isa lamang maruming basahan sa hatapan ng Dios"Si Cristo lamang ang tutubos sa sala"" (emphasis mine).
Iyan ay pagtanggi sa katuruan ng Pelagianism at Semi-Pelagianism. Upang mapagdiinan ang kanilang punto ay gumuhit pa sila ng mga larawan sa susunod na pahina (p. 7) ng lathalain upang isalarawan ang paniniwala nilang hindi naliligtas ang tao sa gawa. Ang pagtangging ito sa Pelagianismo ang dahilan kung bakit maraming naaakit sa Arminianism. Iyan ay katulad ng matamis na asukal na ginawang pambalot sa nakamamatay na lason. Sa simula ay iisipin mong nagtuturo sila ng kaligtasang batay lamang sa purong biyaya ng Dios, subalit kung susukatin sa pamantayan ng Biblia, ang Arminianism ay maliwanag na anyo ng Semi-Pelagianism. Dahil sa kabila ng pagtutol nila sa katuruan ng kaligtasang batay sa gawa ng tao, ay naniniwala pa rin silang may bahagi ang tao sa kaligtasan, ito ay ang pasiya ng kanyang free-will.
Sa huling bahagi ng lathalaing ANG SAGOT, ay makikita ang lason ng Arminianism. Tiniyak muna sa mambabasa na mahal siya ng Dios at namatay si Jesus para sa kaniya (sapagkat ang Arminianism ay nagtuturong namatay si Cristo para sa lahat ng tao), pagkatapos ay ito ang sinasabi sa pahina 10:
"...Ano ang kailangan kong gawin?" Mayroong tatlong bagay na kailangan mong gawin. 1. Magsisi ka sa iyong kasalanan"2. Manampalataya sa Panginoong Jesus".3. Tanggapin mo si Cristo sa pamamagitan ng panalanging ito. 'Mahal kong Panginoong Jesus, naniniwala po ako na ako ay makasalanan at nangangailangan ng iyong kapatawaran. Tunay ko pong tinatalikuran ang aking mga kasalanan at ikaw ay aking pinagtitiwalaan at tinatanggap bilang Tagapagligtas at Panginoon. Isinusuko ko po ang aking buhay mula ngayon at nais ko pong sumunod sa Iyong kalooban sa aking buhay. Marami pong salamat.'" (emphasis mine).
Bagamang pinilit nilang lapatan ng mga talata mula sa Biblia ang kanilang katuruan, ang buong sistema at pormula ng kaligtasang ipinakikilala nila ay malinaw na imbensyon lamang. Bukod sa hindi makikita sa Biblia ang pormula, mula ito sa maling turo na ang kaligtasan ay pinagsamang gawa ni Cristo at desisyon ng free-will ng tao. Kung hindi magpapasiya ang tao, hindi siya maliligtas kahit na namatay pa si Jesus para sa kanya. Ayon sa kanila, may tao sa impyerno dahil hindi sila tumanggap kay Jesus bilang personal na panginoon at tagapagligtas. Namatay si Cristo para sa kanila at ginawa na ng Dios ang bahagi Niya, subalit kailangang gawin ng tao ang bahagi niya: iyon ay ang pagpapasiya ng kanyang free-will. Hindi raw ang gawa ng tao ang nagliligtas. Subalit may kinalalaman naman daw ang free-will upang matupad ng tao ang kondisyon upang maligtas. Free-will ang magpapasiya kung nais niyang maligtas o hindi. Sa huling pahina ng lathalaing ANG SAGOT ay may dalawang maliit na kahon (na may salitang "Oo" at "Hindi") na lalagyan ng tsek bilang sagot sa tanong na: "Nanalangin ka ba at tinanggap si Jesu-Cristo bilang Tagapagligtas?...Kailan?..." Ang kaligtasan ay nagsisimula kung kailan nagpasya ang tao na tanggapin si Jesus bilang personal niyang panginoon at tagapagligtas. Kaya nga ang kanilang evangelism ay palaging nauuwi sa pag-akay sa tao sa "panalangin ng pagtanggap." Gumawa pa sila ng maraming sistema upang maakay ang tao na magpasiya sa loob lamang ng sampu hanggang tatlumpung minuto (halimbawa ay ang mga sistema ng Four Spiritual Laws, Roman Road to Evangelism, at Evangelism Explosion). Ang mga naliligtas ay sinusukat sa mga nagpasiyang tumanggap sa pamamagitan ng "sinner"s prayer." Wala silang kamalaymalay na sa pagtangkilik sa sistemang ito, ay nabitag sila ng pandaraya ng dyablo.
Pagtatanggol ng Arminianism
1. Ang pangunahing argumento ng mga Arminians, ay ang maraming talata sa Biblia na nag-uutos sa tao na manampalataya at magsisi pagkatapos ay maliligtas (tulad ng John 20:31; 1 Peter 1:23-25; Romans 10:13; John 3:16). Mayroon ngang ilan na buong pamumusong na tinatawag itong Arminian verses! Ayon sa kanilang paliwanag, ang mga talatang ito ay nagtuturong ang kaligtasan ay resulta ng pananampalataya at pagsisisi ng tao bunsod ng pasiya ng kanyang free-will. "Receive Jesus as your personal Lord and Savior," ang pagkakabuod nila sa mga talatang ito. Ang responsibilidad ay binigay ng Dios sa tao dahil ang tao ay may abilidad upang gampanan ang kanyang responsibilidad. Hindi raw mag-uutos ang Dios sa tao kung hindi naman masusunod ng tao. Kung alam ng Dios na walang kakayahan ang tao, bakit Niya uutusan ito? Kaya nga, ang utos na ito ay patunay na may kakayahan ang tao at malaya ang kanyang will upang magdesisyong manampalataya at magsisi. Dahil din sa ang pananampalataya at pagsisisi ay inutos sa tao, ito ay manggagaling sa kanyang sariling pasiya. Ayon sa kanila, magagawang iwanan ng isang unbeliever ang kanyang kawalan ng pananampalataya (unbelief) at magpasiyang sumampalataya upang maligtas. Gayundin, dahil sa free-will, ay magagawang iwanan ng isang believer (ligtas na) ang kanyang pananampalataya sa gayon ay mawawala ang kanyang kaligtasan. Ang hindi lamang daw magagawa ng tao ay gumawa ng mabuti upang maligtas siya. Subalit magagawa ng kanyang free-will na magdesisyon, o mag-will para sa kanyang kaligtasan.
2. Pinaniniwalaan din nilang ang pagpapasiya ng free-will ng tao ay hindi kasama sa kategorya ng GAWA na tinutuligsa ni apostol Pablo. Kapag binabanggit daw sa Biblia ang kaligta-san sa pamamagitan ng gawa, idinudugtong dito ang mga katagang "gawa ng pagsunod sa kautusan." Ayon sa kanila, hindi kasama ang desisyon ng free-will sa "gawa ng kautusan" sapagkat ang pasiya ng free-will ng tao ay hindi naman maituturing na gawa ng kautusan, kaya naman, ang pasiya ng free-will ay hindi itinuturing na "gawa" o ambag sa kaligtasan. Isa pa, ang kautusan ay ibinigay ng Dios sa tao subalit wala sa layunin Niya na ito ay magligtas, samantalang ang pagpapasiya ng free-will ng tao na sumampalataya at magsisi ay direktang iniuutos PARA sa kaligtasan niya.
Sa mga pagdadahilan nila ay hindi sila naiiba sa Pelagianism at Semi-Pelagianism. Mayroon din silang sariling bersyon ng kaligtasang batay sa maiaambag ng tao. Bagamang gumagamit sila ng maraming talata sa Biblia, ang Biblia mismo ang tumututol sa kanilang katuruan.
Bakit Inuutusan ang Isang Makasalanang Walang Kakayahan?
Wala naman talagang Arminian verses. Ang mga utos ng Dios sa makasalanan na magsisi at manampalataya upang maligtas ay hindi nangangahulugang malaya ang kalooban ng tao upang magdesisyon para sa sarili niyang kaligtasan. Ang isang responsibilidad na iniatang sa isang tao ay hindi nagpapatunay na siya ay may abilidad na sundin ito. Maraming talata sa Biblia na ang Dios ay nag-uutos at nagbibigay responsibilidad sa isang taong walang kakayahan. Tulad na lamang ng mga talata sa Juan 11:43: "At ng masabi niya ang mga ito, ay sumigaw siya ng malakas na tinig, "Lazaro, lumabas ka!."" Ang talatang ito ay nagpapatunay na bagamang may utos sa tao, hindi ito nangangahulugang siya ay may abilidad. Bagamang may utos si Cristo, si Lazaro ay wala kahit maliit na kakayahan upang sundin ang ipinag-uutos. Dahil siya ay patay, hindi niya magagawa kahit na marinig ang sigaw ng Panginoong Jesu-Cristo. Ang pagsunod ni Lazaro sa utos ay hindi galing sa kanyang sariling desisyon o pasya (sapagkat patay siya). Mayroon siyang responsibilidad (utos ni Jesus) na hindi niya magagampanan. Wala itong pinag-iwan sa halimbawa ng isang kontratista na pinagkatiwalaan ng salapi ng kanyang kliyente upang ipagpatayo ito ng bahay. Subalit imbis na ipagpatayo ng bahay ay ipinangsugal at ipinagbisyo niya ang salapi hanggang maubos. Ngayon pagdating ng kanyang kliyente wala siyang naipakitang bahay at wala na rin ang salapi. Nangangahulugan bang hindi siya dapat paghanapan ng kanyang kliyente dahil wala siyang kakayanang magbayad? Siyempre hindi. "Bakit nag-uutos ang Dios sa tao gayong wala naman tayong kakayahang sundin ito?" Ang layunin ng Dios ay: una, upang huwag tayong magmalaki at magtiwala sa ating mga sarili. Nais ipakita ng Dios na nasa ilalim tayo ng responsibilidad na hindi natin magagampanan dahil sa lalim ng pagkakahulog natin sa kasalanan. Sa ganitong paraan ay hindi tayo makapagmamalaki sa ating mga sarili, at hindi natin iisipin na sumampalataya at nagsisi tayo dahil may free-will tayo. Pangalawa, nagbubunsod ito sa atin na magtiwala sa masaganang biyaya ng Dios. Kapag nakikita natin na wala tayong abilidad na magsisi at manampalataya kay Cristo, nagtuturo ito sa atin na biyaya lamang ng Dios ang paraan upang makapanampalataya at makapagsisi tayo. Itinuturo nito sa atin na ang tanging paraan upang tayo ay mailapit sa Dios ay hindi sa pamamagitan ng ating free-will, kundi sa pamamagitan ng kalooban at malayang pagkilos ng Dios. Kung paanong si Lazaro ay tumugon sa utos ni Jesus nang siya ay buhayin ng Dios, sa ganito ring paraan tayo ay makakapanampalataya at makapagsisisi.
Hindi ang Gawa; Hindi rin ang Free-will!
Paulit-lit na sinasabi sa Biblia na ang kaligtasan ay hindi sa maiaambag ng tao. Hindi maliligtas ang tao sa gawa, at wala itong maiaambag sa kaligtasan kahit na kaunti. Subalit dapat nating malamang ito ay isa lamang sa tinutuligsa ng Biblia. Maliban dito, tinututulan din ng Biblia ang kaligtasang nakabatay sa WILL o sa maiaambag ng will ng tao. Una, ang Biblia ay direktang nagsabing ang faith at repentance ay hindi galing sa WILL ng tao. Sa Juan 1:12,13 ay sinasabing "ang sumampalataya sa kanyang pangalan ay kanyang pinagkaloobang maging mga anak ng Dios"" subalit ang sasampalataya, ayon sa ika-13 bersikulo, ay ang mga "ipinanganak hindi sa dugo, o sa kalooban ng laman, o sa kalooban ng tao, kundi ng Dios." Direkta rin itong sinabi sa Roma 9:16: "Kaya ito ay hindi ayon sa kalooban o pagsisikap ng tao, kundi ayon sa habag ng Dios." Kung gaano kalinaw ang pagkakasabi ng Biblia na hindi naliligtas ang tao sa kanyang gawa, ay gayundin kalinaw ang pagkakasabi na hindi rin maliligtas ang tao sa pamamagitan ng will. Kung tinututulan ng mga Arminaians ang katuruang naliligtas ang tao sa gawa, dapat huwag din silang maniwalang may malaya silang kalooban upang magpasiyang maligtas.
Pangalawa, ang Biblia ay nagtuturo na ang WILL ay isa ring merito na walang pinag-iba sa merito ng GAWA. Tulad ng mabubuting gawa, wala itong kinalalaman sa kaligtasan dahil kasalungat ito ng "BIYAYA" (grace) na tinutukoy ng Biblia na tanging paraan ng Dios sa pagliligtas. Ang talatang Roma 9:16 ay napakalinaw tungkol dito: "Kaya hindi ayon sa kalooban o pagsisikap ng tao, kundi ayon sa habag ng Dios." Sa iisang talatang ito"y pinagsama ni apostol Pablo na tinutuligsa ang katuruang may kinalalaman ang gawa at kalooban sa kaligtasan. Ang kaligtasang batay sa will ay nasa iisang kategorya ng kaligtasang batay sa gawa. Ipinararating ni Pablo sa mga talatang ito na ang kaligtasan ay hindi sa merito ng tao, at ang gawa at kalooban ay dalawang aspeto sa tao (merito) na maaari niyang pagtiwalaan bilang batayan ng kaligtasan. At dahil nasa iisang kategorya ang "salvation by works" at "salvation by will" ito ay kasalungat ng turong ang kaligtasan ay batay sa habag ng Dios. Nang sinabi ng Biblia na ang kaligtasan ay hindi batay sa pagsisikap (gawa) o kalooban (will) ng tao, sinabi nitong "KUNDI AYON SA HABAG NG DIOS" (v.16). Ibig sabihin, kung maniwala kang may kinalalaman ang gawa o will sa kaligtasan, hindi ka naniniwalang ang kaligtasan ay purong habag ng Dios, dahil isinisingit mo na ang iyong merito. Kaya nga, kahit tanggihan mo ang Pelagianism subalit naniniwala kang malaya ang iyong kalooban upang magdesisyon para sa iyong kaligtasan, ikaw ay kaisa pa rin ng mga taong tumatanggi sa kaligtasang batay sa purong habag at biyaya ng Dios.
Nakalulungkot dahil ang tinutuligsa ng apostol ay ang eksaktong pinaniniwalaan ng mga Arminians. Itinuturo nilang ang tao ay ligtas kapag nagpasiya ang kanyang kalooban na manampalataya at tanggapin si "Jesus" bilang personal na panginoon at tagapagligtas. Para sa kanila, walang pakinabang ang kamatayan ni Cristo sa isang taong hindi nagpasiyang tanggapin Siya. Kahit ginawa na ng Dios o ni Cristo ang bahagi Niya sa kaligtasan, ngunit kung ayaw naman ng tao na maligtas, ay walang magagawa ang Dios. Para sa kanila, mas makapangyarihan ang will ng tao at hindi ito maaaring pangunahan ng Dios. Kung naniniwala silang mali ang maniwala sa kaligtasang batay sa gawa, bakit naniniwala silang may kinalalaman ang will sa kaligtasan, gayong sa talatang ito ay parehong sinabing hindi sa will, at hindi sa gawa? Hindi ba ang kahihinatnan ng naniniwalang sa gawa naliligtas ang tao, ay gayundin ang kahihinatnan ng naniniwalang sa will naliligtas ang tao? Ang parusang ibubuhos ng Dios sa mga Pelagians ay pareho ng parusang tatanggapin ng mga Arminians kung mananatili silang pareho sa kanilang kabulaanan. Maaaring sabihin nila, "ang will naman ay regalo ng Dios. Binigyan niya ng free will ang tao upang gamitin niya para siya ay maligtas. Sinugo pa nga si Cristo upang ang will ay gamitin sa pananampalataya sa kanya." Hindi ba ito rin ang dahilan ng mga Semi-Pelagians? Naniniwala silang ang gawa ay regalo rin ng biyaya ng Panginoon, na binigyan ng Dios ng kakayahan ang tao na gumawa para sa kanyang kaligtasan! Ang mga Romano Catoliko (pinakatanyag na Semi-Pelagian) ay naniniwalang ang tao ay ginawang banal at ang gawang mabuti ay nagiging basehan ng pagpapawalang sala. Ang kamatayan ni Cristo ay upang magkaroon ng kakayahan ang tao na gumawa para sa kanyang kaligtasan. Kaya nga ang kaligtasan sa gawa at kaligtasan sa paraan ng free-will ay may iisang kulay at parehong bulaan.
Pansining maigi ang pagkakalahad ng talata sa Roma 9:16. "...ito ay hindi ayon sa kalooban o pagsisikap ng tao..." Ang pinatutungkulan dito ay una, hindi tayo makagagawa ng ano mang gawa ng pagsunod sa utos na magiging katanggaptanggap sa Dios. Kahit anong uri ng mabuting gawa ay tinawag ng Biblia na "maruming basahan"(Isaias 64:6). Hindi rin tayo makagagawa ng anumang gawa ng pagsunod sa utos na maaaring gawing basehan ng kaligtasan. Walang naliligtas dahil gumawa ng mabuti. Ang mga Arminians ay sumasang-ayon dito. Subalit ito"y bahagi lamang ng tinuturo ng talatang nasa itaas. Hindi pa ito ang kabuoan ng talata. Ayon pa sa talata ""ito ay hindi ayon sa kalooban"ng tao"" Ang ikalawang binibigyang diin dito ay, ang tao ay hindi maaaring mag-will ng anumang will na maaaring tanggapin ng Dios o maaaring maging basehan ng kaligtasan. Ang will ay walang pinag-iba sa mabubuting gawa ng tao. Kung anong klaseng gawa ang magagawa ng tao, ay gayunding will ang kanyang mawi-will. Kung maruming basahan sa harap ng Dios ang pinaka "the best" sa kanyang mabuting gawa, ay maruming basahan din sa harap ng Dios ang pinaka "the best" sa kanyang will.
Ang gawa at will ng tao ay tumutukoy sa LAHAT ng ANUMANG maaaring MANGGALING SA TAO. Ang punto ng talata ay: walang anuman sa tao (gawa o free-will) ang may kinalalaman sa kaligtasan. Dapat ituring nating ang will at gawa ng tao ay nasa iisang kategorya dahil ito ang pinagdidiinan ng talata. Kung paanong hindi nagliligtas ang gawa, dapat ding pagdiinang hindi naliligtas ang tao sa kanyang will. Kung paanong walang kinalalaman at walang ambag ang gawa sa kaligtasan, ay gayun ding walang kinalalaman at walang ambag ang will sa kaligtasan. Ayon sa mga Arminians ang pasiya ng will ay galing sa tao at hindi maaaring pangunahan ng Dios? Ibig sabihin, naniniwala silang mayroong galing sa tao na may kinalalaman sa katuparan ng kanilang kaligtasan! Naniniwala silang hindi naliligtas ang tao sa gawa subalit nagtuturo naman silang mayroong galing sa tao na maiaambag niya sa kaligtasan. Bakit hindi nila tatawaging gawa ang desisyon ng will samantalang sila mismo ang nagsasabi na ang desisyong iyon ay nanggaling sa tao? Kung galing ito sa tao, ito ay isang merito, at kung ito ay isang merito, kasalungat ito ng biyaya ng Dios. At kung kasalungat ito ng biyaya, ang mga naniniwala rito ay "hiwalay kay Cristo"at nahulog" mula sa biyaya" (Galatia 5:4).
Sa mga mananampalataya ay sinabi ni Pablo "ang Dios ang gumagawa sa inyo sa paggawa at loobin ang Kanyang kalooban." Sinasabi ni Pablo sa kahit na doon sa mga BELIEVER na, ay Dios pa rin ang gumagawa upang tupdin nila ang kalooban ng Dios. Gagawa ang isang mananampalataya at magwi-will ng kalooban ng Dios hindi dahil sa kanyang free-will kundi dahil sa mismong gawa at will ng Dios. Kung sa mga mananampalataya, na tumanggap at nakaranas na ng kapangyarihan ng biyaya ng Dios, ay Dios pa rin ang nag-uudyok at direktang gumagawa upang makapag-will sila ng kalooban ng Dios, ano pa kaya ang mga hindi mananampalataya na sa buong buhay nila ay nahumaling sa kasalanan at hindi man lamang nakatikim ng biyaya ng Dios?
Ang babala sa atin ng Biblia ay hindi lang laban sa Pelagianism kundi laban din sa turo ng Arminianism. Hindi lamang ang katuruan ng kaligtasang batay sa gawa ang tinutuligsa ng Biblia kundi kasama ang turo ng kaligtasang batay sa will ng tao. Tunay na ang Arminianism ay isang bulaang katuruan. Tinanggihan nila ang Pelagianism subalit kumatha naman sila ng sarili nilang bersyon na tulad ng Pelagianism, at nagtitiwala rin sa kanilang mga sarili sa halip na sa habag at biyaya ng Dios. Bakit sila tumututol sa Pelagianism samantalang wala naman silang pinag-iba?
Tunay na Makasalanan o Tunay na Makapangyarihan?
Ang buong konsepto ng Arminianism ay nakasentro sa tao, at sa "magagawa" ng will ng tao. Ang masahol pa ay pinaniniwalaang mas makapangyarihan ito kaysa sa gawa ng Dios, at hindi sapat ang gawa ng Dios dahil kailangan pa ang ambag ng will ng tao upang maging ma-bisa. Ang mga bantog na teologo ng Pentecostal movement na Church of the Foursquare Gospel na sina Guy P. Duffield at Nathaniel M. Van Cleave, ang may akda ng aklat na Foundations of Pentecostal Theology, ay buong pamumusong sa nilapastangan ang kapangyarihan at kabanalan ng kamatayan ni Cristo at gawang pagliligtas ng Dios. Sa Chapter 5 ng aklat, sa ilalim ng aralin tungkol sa The Doctrine of Salvation sa pahina 217-219, ay itinuro nilang may tatlong elemento ang pananampalatya; 1) intellectual (kaalaman sa Biblia); 2) emotional (pagsang-ayon sa katotohanan) at; 3) voluntary element (pagsuko ng puso). Narito ang kongklusyon nila hinggil sa ikatlo: "This illustrtates the important truth that salvation is receiving Jesus Christ, Himself. This personal appropriation is a vital necessity. It is not enough that Jesus has died. I must individually accept Him as my Savior. Water is provided for all, but I shall die of thirst if I do not personally drink of the life-giving flow. Air is provided for all, but I must individually breathe it if I am to survive. There must be an individual commitment of the soul to Christ, and a personal acceptance of Him as Savior and Lord" (emphasis mine). Matapos nilang sabihin ito, ay nagpatuloy sila sa isang ilustrasyon ng isang babaeng nahulog sa malamig na tubig na ang ibabaw ay matigas na yelo. Naiahon lamang siya ng kanyang ama ng iabot niya ang dalawa niyang kamay, subalit hindi siya mailigtas ng kanyang ama ng isang kamay lamang ang iniabot niya. Sa dulo ay sinabi nilang: "Salvation can only be realized as we let go of every earthly handhold and give both out hands in utter surrender and commitment. He alone can save."
Sa pahina 233, bilang sagot sa tanong na How the New Birth is brought about, ay sinabi nila: "While we say there is nothing a man can do to regenerate himself, there is something which he must do to obtain the regenerating work of God in his own life"1) Believing the message of the gospel; 2) Accepting Jesus Christ as Savior" (emphasis mine). Pinalamutian nila ito ng sangkatutak na bersikulong wala kahit isa ang pinaliwanag kung paano itinuturo ng Biblia ang kanilang katuruan. Ang totoo, ilustrasyon lamang ang ginamit nilang pangsuporta at pampalinaw sa paliwanag, at gagamit lamang ng mga bersikulo upang masabing nasa Biblia ang kanilang mga turo. Para sa kanila, walang magagawa ang tao kundi Dios lamang, subalit mayroong kailangang gawin ang tao upang ang Dios ay magsimulang gumawa sa kanya. Sa maikling salita, Dios lamang ang nagliligtas, subalit kailangang udyukan ng tao ang Dios upang simulan ng Dios na iligtas ang tao. Ang inisyatibo ay galing sa tao at maaari niyang diktahan ang Dios na iligtas siya.
Sa pahina 255, bilang pagtalakay patungkol sa segurida a part to play in every spiritual transaction. Had God made him a mere automation, without a will or mind of his own, this would not be. But it is so. Therefore, in every theological matter there is God"s side and Man"s. .." (emphasis mine). Ayon sa paliwanang nila, may mga talatang nagtuturo ng bahagi ng Dios sa kaligtasan at may mga talata ring nagtuturong may bahagi ang tao na gagampanan niya sa kaligtasan.
Naniniwala silang walang maiaambag ang gawa ng tao dahil makasalanan siya, subalit hindi nila isinasama ang will sa kategorya na apektado ng kasalanan. Itinuturo nitong makapangyarihan ang tao dahil, maaari siyang magpasiya kung nais niyang maligtas, maaari niyang tanggihan ang pagkilos ng makapangyarihang Dios, at maaari pa niyang utusan ang Dios na iligtas siya sa panahon na nakapagpasya na siyang tanggapin ang Dios. Naghihintay lamang ang Dios kung kailan gusto ng tao na tanggapin si Cristo. Ang kagustuhan ng tao ang sinusunod ng Dios. Kapag ayaw ng tao sa Dios, walang magagawa ang Dios, at inutil ang Espiritu ng Dios dahil hindi Niya mapangunahan ang taong ayaw sa Kanya. Hindi magagawa ng Dios na lubusang iligtas ang sinomang naisin Niya, malibang ang taong iyon ang magpasiya munang tanggapin ang Dios. Hihintayin muna ng Dios ang pahintulot ng makasalanan bago Siya kikilos. Ang kamatayan ni Jesus, na inalay para sa lahat ng tao, ay walang bisa sa taong ayaw sa Kanya. Maliligtas lamang ang tao kung gusto niyang tanggapin ang gawa ni Jesus, subalit mapapahamak naman siya kung tanggihan niya ang kamatayan ni Jesus na inalay para sa kanya. Kung susuriing maigi, lalabas na may naliligtas hindi dahil sa namatay si Cristo para sa kanya kundi dahil sa pasiya ng free-will ng tao.
Ito ang puso ng Arminianism: kaligtasang batay sa kagustuhan ng tao. Sa halip na magpakumbaba sa Dios dahil sa lalim ng pagkakahulog niya sa kasalanan, ay ibinabantayog pa ang kanyang sarili sa pag-aakalang ang lahat ng maaaring mangyari ay nakabatay sa kanyang free-will. Ayon sa Arminianism, ang tao ang tunay na makapangyarihan.
Naghahanap ba ang Dios ng mga Volunteers?
Ang tinutukoy sa Biblia na bulaang ebanghelyo ay hindi lamang ang Pelagianism kundi maging ang mapamusong na turo ng Arminianism. Ayon sa Arminianism, ang pananampalataya ay sa pamamagitan ng desisyon ng free-will ng tao. Ayon sa Biblia ""sa inyo"y ipinagkaloob alangalang kay Cristo"ang manampalataya sa kanya"" (Filipos 1:29). Ayon sa mga Arminians kikilos sa atin ang Espiritu kung pahihintulutan Siya ng ating kalooban. Ayon sa Biblia "Alinsunod sa kanyang sariling kalooban, tayo ay ipinanganak niya"" (Santiago 1:18). Ang mga Arminians ay nagmamalaking pinili nila si Jesus at tinanggap siya bilang personal na panginoon at tagapagligtas. Ayon kay Jesus "Ako"y hindi ninyo pinili, ngunit kayo"y pinili ko"" (Juan 15:16). Nagmamalaki pa ang mga Arminians na naligtas sila ng binuksan nila ang kanilang puso at pinapasok si Cristo. Ayon sa kanila, ang pagbubukas na ito ay desisyon ng kanilang free-will. Subalit nagpatotoo ang Biblia na naligtas ang isang babaeng nagngangalang Lydia dahil "binuksan ng Panginoon ang kanyang puso" upang tumalima sa tunay na ebanghelyo. Ayon sa mga Pelagians ang kaligtasan ay batay sa gawa ng tao. Ayon sa mga Arminians ang kaligtasan ay batay sa kalooban ng tao. Ang sabi naman ng Salita ng Dios ""ito ay hindi ayon sa kalooban o pagsisikap ng tao, kundi ayon sa habag ng Dios" (Roma 9:16).
Saan ba sa Biblia ipinangaral si Cristo bilang pagpipilian? Saan ba sinabing pwede nating piliin si Cristo kung gusto natin o hindi? Saan ba sinabing pwede tayong mag-volunteer kung nais nating tanggapin Siya? Nang iutos na tayo"y magsisi at manampalataya sa Kanya, hindi ito isang pagpipilian ng ating free-will. Kahit isang talata ay hindi sumusuporta sa Arminianism dahil ang katuruang ito ay salungat sa katotohanang inihayag sa Biblia. Kung mayroon mang talatang tatawaging Arminian verses, ito"y ang mga talatang tumutukoy sa bulaang ebanghelyo, at talatang sinusumpa ang nakapandidiring katuruan ng dyablo.
Ang Lalim ng Pagkahulog sa Kasalanan
Ang lalim ng pagkakahulog ng tao sa kasalanan ay makikita hindi sa kanyang pinakamasamang gawa, kundi sa paniniwala niya sa bulaang katuruan. Ito na ang pinakamalupit na atake ng kanyang pagkatunay na makasalanan. Dito ay makikita natin na hindi lamang ang gawa ang apektado ng kasalanan kundi lalo na ang kanyang kalooban. Ayon kay Jeremias, "ang puso ay mandaraya"" Nakikita ito hindi sa masasama niyang gawa, kundi sa kung ano ang pagkakakilala niya sa Dios at sa kanyang sarili. Nadadaya tayo ng sarili nating mga puso kapag iniisip nating may magagawa ang ating free-will sa kaligtasan. Ang isang nadadaya ng sariling makasalanang puso ay nagtitiwala sa kanyang sarili, at susubuking gumawa o magpasiya para sa sarili niyang kaligtasan. Hindi niya makitang lalo lang siyang nahuhulog sa kasalanan at lumalayo sa Dios. Habang pinaghuhusay niya ang paglilingkod sa Dios ay lalo siyang nahuhulog sa nakapandidiring sistema ng bulaang katuruang Arminianism. Tayong mga naniniwala sa tunay na ebangehlyo, ay hindi nakahihigit sa iba. Tayo"y lumaki at sinanay din sa maling paniniwalang Arminianism. Subalit tinawag tayo ng purong biyaya ng Dios at inalis tayo sa paniniwala sa bulaang katuruan ng Arminianism. Kaya patuloy tayong sumasamo sa Dios upang ingatan tayong patuloy laban sa labis na panlilinlang ng Arminianism, upang huwag nating malapastangan ang Kanyang biyaya sa pamamagitan ng pagmamataas sa ating kahinaan, at huwag nating angkinin ang gawang pagliligtas na hindi naman sa atin.
"Absolute Depravity"
Alex M. Aquino
Ang Absolute Depravity ay isang theological term na naglalarawan ng katuruan ng Biblia tungkol sa makasalanan. Ang salitang depravity ay nangangahulugang "kasamaan;" "kalikuan;" kabulukan" o "kasiraan" sa aspetong moral ng tao o ng mga anghel. Bagamang hindi matatagpuan ang katagang absolute o di kaya"y total depravity sa Biblia malinaw na itinuturo doon ang konsepto nito. Sa Genesis 6:5 sinasabi, "At nakita ng Panginoon na mabigat ang kasamaan ng tao sa lupa, at ang buong haka ng mga pagiisip ng kaniyang puso ay pawang masama lamang na parati." Gayon din sa Gen. 8:21, "sapagka't ang haka ng puso ng tao ay masama mula sa kaniyang pagkabata." Gayon din sa Bagong Tipan sa Roma 8:7, 8, "Sapagka't ang kaisipan ng laman ay pakikipagalit laban sa Dios; sapagka't hindi napasasaklaw sa kautusan ng Dios, ni hindi nga maaari: at ang nangasa laman ay hindi makalulugod sa Dios." Hitik ang Salita ng Dios sa mga talatang nagtuturo tungkol sa depravity ng tao dahil mahalagang sangkap ito ng mensahe ng Ebanghelyo tungo sa ikaliligtas ng makasalanan. Ang makasaysayang pananampalatayang Reformed ay ginamit ang kumpletong katagang Total Depravity upang linawin na ang pagkamakasalanan ng tao ay kumpleto: mula sa kanyang puso hanggang sa lahat ng aspeto ng kanyang pagkatao. Nangangahulugan ito na naapektuhan ng kasalanan maging ang isip, damdamin at ang kalooban o will ng taong makasalanan, nang sa gayon wala siyang kakayanang piliin ang matuwid para sa Dios. Pinabubulaanan ng katuruan ng Total Depravity ang ipinagmamalaking aral ng halos lahat ng relihiyon na ang taong makasalanan ("patay" sa kasalanan [Efe. 2:1]) ay may free-will.
Ang absolute depravity ay nangangahulugang tiyak na o wala ng pag-asa ang kasasapitan ng mga rebeldeng anghel at ng mga taong reprobates o mga "itinakwil" na ipinanukala para sa kapahamakan (Rom. 9:22; 1 Ped. 2:7, 8). Walang posibilidad at walang pag-asa ng kaligtasan para sa kanila dahil hindi inilaan ang kamatayang pantubos ni Cristo para sa kanila. Ang lahat ng mga tao, hinirang (elect) man o itinakwil (reprobate) kabilang ang mga rebeldeng anghel, ay total ang depravity. Subalit ang mga tao at anghel na itinakwil lamang ang "absolute" ang depravity. Ang mga hinirang na anghel (1 Tim. 5:21) na nanatili sa kanilang matuwid na katayuan ay hindi naging depraved, total man o absolute.
Mayroong mga mangangaral na tusong binabaluktot ang katotohanan ng Ebanghelyo sa pamamagitan ng mali at nakapanlilitong paggamit ng mga katagang Absolute Depravity at Total Depravity. Narito ang bahagi ng lecture ng isang Britong pastor sa isang Annual Pastor"s Conference dito sa Pilipinas: "A phrase like "total depravity" sounds alarming. So it should. The human race is in serious trouble. Even so, we must not jump to the conclusion that human beings are as bad as they can possibly be, evil through and through, rotten to the core [italics, AMA). Total depravity is not the same thing as absolute depravity [italics, AMA]. Just as the best of men have their weaknesses, the very worst can surprise us with unexpected good points " This should not surprise us. Man was made in the image of God. While that image was marred and defaced by the Fall, it has not been completely eradicated "The grace of God has restrained us from being as bad as we might have been (2 Thess. 2:7)" Total depravity does not mean that we have nothing but sin in our make up. What it does mean is that sin has affected every part of us: our whole constitution is tainted by moral evil. We could have been worse but we are bad enough to deserve outright condemnation by a just God"" Sa mga pangungusap na ito hindi ba malinaw na ang pakahulugan ng pastor na ito sa total depravity ay "hindi total" ang depravity ng tao (hindi kaya sinasalungat niya ang kanyang sarili o nalilito lamang ako)? Mapapansin din na napagkakamalian niya ang kahulugan ng katagang total depravity na absolute depravity. Ang pakahulugan niya ng absolute depravity ay ang pamantayang (standard) pakahulugan ng Reformed theology sa total depravity. Ang total depravity o ang inaakala ng pastor na ito na absolute depravity ay ang ganap na kasamaan ng tao mula sa kalooblooban ng kanyang pagkatao hanggang sa kanyang mga panlabas na kilos at gawa. Walang anumang mabuti sa kanya. Ang lahat ng kanyang pinakamabuting gawa ay walang kabuluhan (Isa. 64:6) at pawang kasalanan dahil ginampanan niya ang lahat ng ito hindi para sa kaluwalhatian ng Dios kundi para sa kanyang sarili. Ang ina na buong pagsasakripisyong kumakalinga ng kanyang sanggol ay nagkakasala (kahit ang hayop ay nagagawa iyon) dahil hindi niya ito ginagawa para sa Dios, lalo pa kung pinabayaan niya ang kanyang sanggol. Ang isang binata na umiiwas sa gulo o sa basagulo ay hindi masasabing matuwid dahil dito dahil maaaring ginagawa niya ito upang maiwasan lamang na makulong o "madisgrasya" o maabala. Ang isang ama ay umiiwas marahil sa paglalasing, pambababae o pagsusugal, hindi dahil may matuwid sa kanya, kundi dahil iniiwasan niya ang anomang sagabal sa kanyang pagnanasa sa salapi at yaman at makamtan ang sariling ambisyon. Maging ang isang bayani na nag-alay pa ng kanyang buhay para sa bayan ay hindi itinuturing ng Dios na matuwid dahil hindi niya ginawa iyon alangaalang sa Kanyang kaluwalhatian (1 Cor. 13:3). Ang puso ng tao ay sadyang mapanlinlang: "Ang puso ay magdaraya ng higit kay sa lahat na bagay, at totoong masama: sinong makaaalam?" (Jer. 17:9).
Naniniwala ang mangangaral na ating nabanggit na "The grace of God has restrained us from being as bad as we might have been..." na isang sangkap ng hidwang paniniwala (heresy) na tinatawag na common grace. At ang maling pagbibigay niya ng pagtatangi o distinction sa total at absolute depravity ay tusong paraan upang isulong ang hidwang pananampalatayang ito. Tinuturo ng common grace na mayroong mapagbiyayang pagkilos ang Dios (bagamang umano"y hindi nakapagliligtas) sa lahat ng tao, mapa-hinirang (elect) man o itinakwil (reprobates). Ngunit ito ay pinapabulaanan ng Biblia (Awit 73:1-20; Rom. 9:10-23). Isang seryoso at nakapapahamak na kamalian din ng common grace ay ang Espiritu Santo ay kumikilos sa mga reprobates upang pigilan silang gumawa ng masama. At ang tampok na kamalian ng aral na ito ay ang pagtutol (hayagan man o hindi) na ang depravity ay hindi total kundi partial lamang.
Ito ay walang iba kundi pagtutol sa tangi at tunay na Ebanghelyo"pagtutol at paglapastangan sa biyaya (grace) ng Dios na hindi karapatdapat kanino man lalo pa sa mga suwail at makasalanan! Ang biyaya ng Dios ay para lamang sa mga hinirang.
Kasinungalingan hinggil sa Kasalanan
Ronald R. Santos
Bakit nga ba kinakailangang babalaan ang mga mambabasa ng The Bastion of Truth hinggil sa mga false gospels? Hindi ba sapat na ipahayag na lang ang katotohanan at huwag nang pakialaman pa ang kamalian ng iba? Ang sagot sa ikalawang tanong ay hindi sapat na ipahayag lamang ang katotohanan at hahayaan na lang ang kamalian sapagkat ang kamalian ay patuloy na banta sa kadalisayan ng katotohanan. Ang sagot naman sa unang tanong ay dalawa, una, lubha kasing mapanganib ang bulaang ebanghelyo at sinumang biktima nito ay tiyak na mananatili sa kaparusahan sa halip na kaligtasan; pangalawa, napakamapanlinlang ng bulaang ebanghelyo: halos akala mo ay tama, gumagamit ito ng mga talata sa Biblia at mga katagang kapareho ng katotohanan, at ipinapangaral ng mga "matataas na tao" sa larangan ng relihiyon, kaya ang kamalian ay naipapahayag nang halos hindi namamalayan ng biktima nito.
Kaya bahagi ng kada issue ng The Bastion of Truth ay ang lathalain ng Beware: False Gospels. Ang pinakalayunin nitong lathalaing ito ay tanggalin ang maskara ng mapanlinlang na ebanghelyong nagbubulid sa impiyerno.
Kung paanong ang tunay at nag-iisang Ebanghelyo ng Biyaya ng Diyos ay may iba"t ibang aspeto gayon din ang mga bulaang ebanghelyo. Ngunit huwag namang ipagkakamali na ang bulaang ebanghelyo ay binubuo ng magkahalong tama at mali sa katuruan, kaya may nagsasabi na kunin ang tama at alisin ang mali. Kahibangan ang ganitong kaisipan. Ang sinumang nagsasabi nito ay nagpapakita ng indikasyon na nalinlang na rin siya ng kasinungalingan. Ang bulaang ebanghelyo ay kukuha ng tama, pagkatapos ay babalikuin ang tama ayon sa mapangahas na kaisipan ng nagtuturo nito, at ang tamang binaliko ay nagiging mali na, kaya wala kang makukuhang tama kundi dapat ay itapon na ang lahat, sapagkat ang lahat sa bulaang ebanghelyo ay pawang kamalian.
Ganito ang ginawa ng mga propeta ng bulaang ebanghelyo sa katuruan ng Biblia hinggil sa tunay na kalagayan ng tao. Kinuha nila ang tama sa Biblia at kanilang binaliko ito ng kanilang sariling makamundong interpretasyon, at ipinangangaral sa anyong naka-ayon sa hilig o kagustuhan ng mga tao. Kaya naman tanggap na tanggap sila ng mga tao at inakala na tama ang kanilang katuruan batay sa pagkatanggap ng mga tao at hindi na ayon sa sinasaad sa Biblia. Ang mga Arminians ang eksperto sa ganito, lalo na sa kapanahunan natin kung saan nakapagtatag na ang mga Arminians ng kanilang sariling mundo. May mga paaralan na sila ng kanilang kasinungalingan, na sinuman ang nag-tapos nang tapat sa kamaliang Arminianism ay pinagkakalooban p ng mga matataas na parangal at titulo kaya halos namamayani sila sa ating kapanuhanan.
Subalit ang Arminians noon ay waring mas disente nang kaunti kaysa sa mga Arminians ngayon. Noon ay halos patago pa ang paglabas nila ng kasinungalingan at hindi tulad ngayon na garapalan na ang pagpapahayag ng kabulaanan. Bagaman kung tutuusin mas mapanganib ang patagong pagpapalaganap sa kasinungalingan ay napansin agad ng ating mga amain sa pananampalataya sa Synod of Dort at kanilang kinundena ang mga kabulaanan ng mga Arminians noon. Ang nakapagtataka ay ang kabulaanan ng mga Arminians ngayon ay lantarang ipinapalaganap ngunit halos walang Reformed na mananampalataya ang kumakalaban sa mga kasinungalingan iyon, at ang kahindik-hindik pa ay may mga Reformed pa na nagtatanggol sa kamalian ng mga Arminians ngayon. Gayun pa man, kahit noon o ngayon, ang kanilang kabulaanan hinggil sa pagkamakasalanan ng tao ay pinakanakapanlilinlang kumpara sa ibang aspeto ng kanilang kasinungalingan. Ang kanilang mga kamalian sa Paghihirang ng Diyos, sa Pagtubos ni Cristo, sa Pagkilos ng Biyaya ng Diyos, at sa Pagpapatuloy sa Kaligtasan ay kitang-kita agad, ngunit ang kanilang kasinungalingan hinggil sa Tunay na Pagkamakasalanan ng tao ay napakahirap makita kaagad-agad. Tunghayan ang talatang ito:
"Na ang tao ay walang biyayang nakapagliligtas sa kanyang sarili, ni walang lakas ang kanyang free-will, yamang siya ay nasa estado ng pagtalikod sa Diyos at kasalanan, sa ganang sarili niya ay hindi maaaring mag-isip o magpasiya, ni gumawa ng anumang tunay na mabuti; subalit kinakailangang ipanganak muli siya ng Diyos kay Cristo sa pamamagitan ng Espiritu Santo, at pagbabago sa kanyang pang-unawa, sa pagkahilig, o sa kapasiyahan, at sa lahat ng kanyang lakas upang kanyang tamang maunawaan, makapag-isip, makapagpasiya, at makagawa ng anumang tunay na mabuti, ayon sa Salita ni Cristo sa Juan 15:5, "Sapagkat kung kayo"y hiwalay sa akin ay wala kayong magagawa."
Remonstrance, Article 3.
Aba, kung ito lang ang pagbabatayan masasabi nating tama sila ngunit ganyan talaga ang kanilang pamamaraan para makapanlinlang, kinukuha nila ang katotohanan at tapos ay babalikuin na halos hindi mo mapansin. Kung itutuloy mo ang basa sa article 4 ng Remonstrance ay ganito ang iyong mababasa: ""ngunit hinggil sa paraan ng pagkilos ng biyayang ito, ay maaaring matanggihan""
Ayun"lumabas ang kasinungalingan, nangangahulugan na ang tao ay may lakas upang matanggihan o pigilan o kaya"y tanggapin ang pagkilos ng biyaya ng Diyos. Hindi lang nila madiretso, na ang tao bagaman makasalanan ay may free will naman na may sapat na kakayahan kahit na aminin pa niya na walang lakas daw ang free will sa article 3. Gayunpaman maraming pangahas na mangangaral na Arminians ngayon na tahasang ipagsisigawan ang kasinungalingang ito, hindi na nila itinatago, buong pagmamalaking ipinapangaral na ang tao ay may free will na nakapagpapasiya para sa kaligtasan.
Sa pagkakagamit ng mga pananalita at sitas sa Biblia ay halos mapapagkamalan mong katuruan mismo iyon ng Biblia. Halos tanggapin nila ang katuruang tinatanggap ng Reformed hinggil sa Pagkamakasalanan ng tao ngunit ang kamalian ay mababanaag sa isang pangungusap lang o dili kaya"y makikita sa implikasyon ng kanilang paniniwala kapag tiningnan na ang katuruan nila kaugnay sa ibang aspeto ng kanilang katuruan. Tulad na lang ng aklat na ipinagmamalaki ng mga Arminian Pentecostals na may pamagat na Foundations of Pentecostal Theology na sinulat nina Guy P. Duffield at Nathaniel M. Van Cleave, kapag sinuri mo ang chapter 3, Doctrine of Man at chapter 4, Doctrine of Sin, halos wala kang makikitang kamalian hinggil sa pagkamakasalanan ng tao sapagkat halos gamit nila ang mga pananalita ng Reformed hinggil sa kalagayan ng tao. Subalit kung susuriin mo ang iba pang aspeto hinggil sa kaligtasan ay doon mo makikita ang tunay nilang katuruan hinggil sa tao. Halimbawa, sa page 191, ay ganito ang kanilang sagot sa tanong na, "For whom did Christ die?", ang sagot nila ay, "For the entire world," na ang kanilang ibig sabihin ay "for each individual." Tapos ay sinundan nila ito sa page 120 ng ganito, "The question, quite naturally, comes to mind, if Christ died for all, why then are not all saved? The answer lies in the simple, but plain fact that each one must experience a believing faith that Christ died for him before he can participate in the benefits of His death for himself" Samakatuwid, sa kanilang katuruan ang bisa ng kamatayan ni Cristo ay nakasalalay sa pasiya ng tao, kung sasampalataya (ang iba ay gamit ang salitang "tatanggap") siya kay Cristo at kapag hindi ay walang bisa para sa kanya ang kamatayan ni Cristo. Ano ito eh di, pagtuturo ng isang kasinungalingan na ang tao bagamang makasalanan ay may kakayahan naman. At heto pa sa page 207, sa tanong na "What is Election?" ang sagot nila ay hango kay Thiessen, "Election is that sovereign act of God in grace whereby He chose in Christ Jesus for salvation all those whom He foreknew would accept Him." Samakatuwid ang Paghirang at pagliligtas ng Diyos ay nakasalalay na naman uli sa kakayahang pagtanggap ng tao kay Cristo." Ano ito? Wala nang iba pa kundi isang pagbabaliko sa katotohanang ang tao ay "patay sa kasalanan" at dahil patay ay walang anumang kakayahang makaiwas sa poot ng Diyos.
Kaya ang kasinungalinang ito ay mailalantad kapag tiningnan ang kabuuan ng tunay na Ebanghelyo. Tinatanggap ng mga tagapagturo ng bulaang ebanghelyo na ang tao ay tunay na makasalanan ngunit ang hindi nila matanggap ay ang tao ay lubos na makasalanan na siyang itinuturo ng Banal na Kasulatan. Ganito ang ipinapangaral ng mga bulaan hinggil sa mga tao sapagkat ang kanilang bulaang ebanghelyo ay nagtuturo na si "cristo" ay namatay para sa lahat ng tao at upang makaiwas naman sa akusasyong lahat ay maliligtas (sila man ay aminado na hindi lahat ay ligtas) ay ipinangangalandakan naman na ang kaligtasan ay nakapadepende na sa free will ng tao, magkagayo"y salungat na ito sa itinuturo ng Biblia na "Kaya ito ay hindi ayon sa kalooban (man"s will) o pagsisikap ng tao, kundi ayon sa habag ng Diyos." Roma 9:16.
Huwag akalain ng iba na ito"y iba"t ibang pananaw lamang sa theology, o kaya"y usaping Calvinism o Arminianism lamang na hindi na dapat na pagtalunan. Hindi, ito"y usapin ng Ebanghelyo, ang tunay na Ebanghelyo ay siyang itinakda ng Diyos na makapagligtas at ang bulaang ebanghelyo ay lalong nakapagbubulid sa walang hanggang kapahamakan. Ang bulaang ebanghelyo ay kaagad mong makikita kapag ang ipinagdidiinan ng mangangaral ay yamang ginawa na ni "cristo" ang bahagi niya ay nasa sa tao na ngayon ang kaligtasan. Bulaan ito! Hindi ito ebanghelyo! Laban ito sa Ebanghelyo ng Biyaya lamang ng Diyos! At ngayon ayon sa biyayang ipinagkaloob sa amin ay sinasabi namin sa iyo na biktima ng bulaang guro at ng bulaang ebanghelyo, ikaw na hinikayat na lumapit sa "altar call" (isa na namang bulaang gawa ng tao), na sa iyo"y pinatanggap si cristo, ibang cristo ang natanggap mo, ibang ebanghelyo ang itinuro sa iyo, ikaw ay "nasa apdo pa ng kapaitan at nasa gapos pa ng kasamaan," "Ang puso mo"y hindi matuwid sa harapan ng Diyos." Ang tunay na Cristo ng tunay na Ebanghelyo lamang ang makapagbibigay sa iyo ng katuwirang tinatanggap ng Diyos, hindi ang bulaang cristo, ni ang iyong free will. Ang Diyos ang nagbibigay ng kakayahan sa isang walang kakayahan. Binigyan niya si Lazaro ng buhay mula sa mga patay, hindi ang free will ni Lazaro ang bumuhay sa sarili niya sapagkat wala nga siyang ni katiting na kakayahan. Kaya, hindi ka kailanman maililigtas ng bulaang ebanghelyo sapagkat bulaang cristo ang dala-dala nito. Nawa"y bigyan ka ng Diyos ng kaunawaan at "baka sakaling pagkalooban ka ng Diyos ng pagsisisi tungo sa pagkakilala sa katotohanan (tunay na Ebanghelyo), at ikaw ay matauhan at makawala sa bitag ng diyablo na bumihag sa iyo upang gawin ang kanyang kalooban." (2 Timoteo 2:25).
AUGUSTINE OF HIPPO (Part 1)
(354 - AUGUST 28, 430 ad)
Christian Joy B. Alayon
Upang huwag tayong magmalaki sa harapan ng Dios ipinakikita Niya, hindi lamang ang ating mga kahinaan at karumihan, kundi pinakikita rin Niya na ang pinakamahusay sa ating mga katangian at kakayahan ay walang naitutulong upang mabawasan kahit kaunti man lang ang ating kasamaan. Kasunod nito ay Kanyang ipakikita na biyaya lamang Niya ang lulunas sa ating pagkaganap na makasalanan, at ilalapat Niya ang Kanyang biyaya upang lubos nating malamang sapat na ito bilang lunas sa ating kasalanan. Matapos ito ay saka lang natin madadagukan ang ating dibdib "na nagsasabi; "Dios, mahabag ka sa akin na isang makasalanan!" Ang ating mga itinuturing na kakayahan, sa halip na umakay sa kayabangan, ay isinusubsob ang ating mukha sa lupa. Dahil ang pinakamalakas na tao, ay napatunayan sa sariling wala siyang kakayahang alalayan man lamang ang sarili sa pagkabuwal sa kasalanan. Si Augustine marahil, kung buhay sa ating kapanahunan, ay walang dudang magsasabi ng "amen" sa puntong ito. Siya ay obispo o bishop ng Hippo ng Roman Africa sa loob ng 35 taon. Itinuturing siyang pinakadakilang Church Father sa Kanluran, at ginamit ng Dios upang mabuo ang teolohiyang Cristiano. Nakilala siya hindi lamang sa kanyang husay at kakayahan sa maraming bagay kundi sa uri rin ng buhay na ipinamuhay niya. Nabuhay siya sa sekswal na imoralidad at kahalayan ng isang kabataan, matatayog na ambisyon, pagnanakaw (Confessions II. iv. ix.), bulaang pilosopiya, at naging kasapi ng kultong sekta ng mga Manichees. Nabuhay din siya sa kayabangan, at upang huwag lang madaig ng mga kaibigan, ay ipinagmayabang niya ang mas mahahalay na gawang hindi naman niya talaga ginawa (bagamang nabuhay talaga siya sa labis na kahalayan). Sa kalagayang ito ay ipinakita ng Dios ang napakalaki niyang biyaya na hindi matutumbasan ni maibibigay ng ano mang bagay maliban sa Ebanghelyo ni Cristo.
Ang Kanyang Buhay
Si Augustine (Aurelius Augustinus), ang dakilang teologo ng Western Christianity, ay isinilang noong Nobyembre 13, 354 A.D. sa North Africa, 45 na milya sa Timog ng Mediterranean, sa nayon ng Tagaste sa Numidia Proconsularis (ngayon ay Souk-Ahras sa Algeria). Ang kanyang ina na si Monica ay isang Cristiano, na halos buong buhay na napighati dahil sa masamang buhay ng kanyang anak. Ang kanyang mga panalanging may luha ang dahilan kung bakit si Augustine ay binansagang "a son of tears." Ang kanyang ama na si Patricius ay pagano sa mahabang panahon (naging Cristiano siya bago namatay), na walang ibang pinangarap kundi ang yumaman at maging tanyag si Augustine. Namuhay siya bilang Romano at pinasok ang sentro ng kanilang kultura nang higit kaysa sa mga tunay na Romano. Bagaman siya"y ipinatala ng kanyang ina at dumalo ng pagaaral bilang cathecumen, ang kanyang kaisipan ay punong-puno ng matatayog na ambisyon, at nahumaling siya sa imoralidad. Sinikap ng kanyang ina na palakihin siyang isang Cristiano, subalit mas interesado siya sa sekswal na kahalayan, kasikatan, at pagmamalaki sa kanyang mga kakayahan. Nang siya"y 17 taong gulang, ay pumanaw ang kanyang ama, nakipag-live in siya sa isang babae, at sa gulang na 18 ay nagkaanak siya ng isang lalaki na pinangalanan niyang Adeodatus. Mahabang panahon silang nagsama ng babae, subalit hindi nagpakasal. Hindi niya sinabi ang dahilan kung bakit, (ni hindi niya sinabi ang pangalan ng babae). Maaaring ito ay sa kadahilanang ang babae ay isang aliping lumaya. Ipinagbabawal ng batas sa kanilang panahon na ang isang Romano na isinilang na malaya ay mag-asawa ng isang alipin o dating alipin.
Walang pantustos ang kanyang mga magulang para sa kanyang pag-aaral. Sa tulong ng kaibigan, nag-aral siya sa pinakamalapit na unibersidad, sa Madaura, 12 milya ang layo sa kanilang bayan. Dahil sa kanyang abilidad, kailangang ilipat siya sa mas mataas na paaralan, sa Carthage. Nang siya ay 19 gulang, nakabasa siya ng sulat ni Cicero na tinatawag na Hortensius (nakadesenyo upang pag-alabin ang kasiglahan ng mambabasa para sa disiplina sa pilosopiya), na nagbukas ng kanyang mata sa pagkakahilig sa pilosopiya. Sinasabing si Augustine ang pinakamahusay na imitator ni Cicero sa istilong Latin. Wala siyang interes sa Banal na Kasulatan dahil daw sa kasimplehan nito. Mula"t sapol siya ay matalinong mag-aaral, na mahilig sa pagsasanay pangkaisipan, subalit hindi siya naging bihasa sa Griego"sinabi niyang ang dati niyang guro sa Griyego ay napakabrutal na laging nananakit ng kanyang mga mag-aaral, at si Augustine ay nagrebelde at nangakong hindi niya pag-aaralan ang Griego. Sa paglipas ng panahon, napagtanto niyang kailangan pala niyang matuto ng Griego, subalit huli na ang lahat; at bagaman natuto rin siya, hindi siya naging bihasa. Subalit iba ang kaalaman niya sa Latin. Naging bihasa siya hindi lamang sa napakahusay na paggamit ng wika kundi maging sa paggamit ng mga argumento upang bigyang diin ang kanyang punto.
Sa gulang na 21 umuwi siya sa kanyang bayan upang magturo, subalit umalis nang sumunod na taon upang tuparin ang mas matayog na ambisyon. Mahabang panahon siyang namuhay sa maling prinsipyo. Bago siya nagturo sa Carthage naging guro siya ng grammar sa Thagaste (A.D. 376). Hindi siya tinanggap ng kanyang ina sa kanilang tahanan dahil sa labis na pagkabigla sa kanyang mga opinyong salungat sa Cristianismo. Pansamantala siyang tumira sa kaibigan niyang si Romanianus subalit kinalaunan ay pinabalik din siya ng kanyang ina. Naging guro siya ng rhetoric sa Carthage, subalit hindi nasiyahan sapagkat hindi nagbayad ang kanyang mga estudyante. Kaya noong A.D. 382, sa gulang na 28, umalis siya ng Africa at tumungong Italy, at hindi niya isinama ang kanyang ina. Umalis siyang hindi nagpaalam at isinama lamang ang kanyang anak at ang ina ng bata.
Pansamantala siyang nagturo ng rhetoric sa Roma, at mula roon ay tumungo siya sa Milan. Naghahanap noon ng propesor ng rhetoric para sa imperial court ng Milan. Sa pamamagitan ng isang audition nakamit ni Augustine ang kanyang trabaho, at sa gulang na 30 ay unti-nting nakita ang tagumpay ng kanyang ambisyon. Yumaman si Augustine sa Roma, at naatasan bilang chief professor ng rhetoric sa lungsod ng Milan, na noon ay capital city ng Imperyo sa Kanluran. Ang katungkulang ito ay napakatayog. Kapag ang batas ay ginagawa at ang mga isyu ay pinagbobotohan sa malalaking pagtitipon, na maging ang hukuman ay binubuo ng daandaang miyembro, at kung ang impluwensya ng isang tao sa publiko (at minsan ay ang kanyang buhay mismo), ay nakabatay sa kanyang abilidad na makahikayat ng maraming tao, ang rhetoric"(sining ng panghihikayat ng mga tagapakinig)"ang kinakasangkapan. Ang sining na ito ay lubos na hinahangaan. Bawat abogadong may ipinaglalabang kaso, ay inaasahang magpapahayag ng mahusay na talumpati. Si Augustine ang pinakamahusay.
Sa kabila ng tagumpay sa imperial court naranasan niya ang matinding hirap ng buhay, na minsan habang naglalakbay siya upang magtalumpati sa harap ng emperador, nasabi niyang mas magaan pa kaysa sa kanya ang pasanin ng isang lasing na pulubi na nasalubong niya. Kinalaunan sa Milan, naharap siya sa matinding suliranin. Ang kanyang ina ay dumating mula sa Africa, at hinimok siyang iwanan ang kanyang kinakasama at magpakasal sa iba. Ang babae ay buong kapaitang pinabalik sa Africa (pinaniniwalaang pumasok sa kumbento), bagay na "nagpadugo sa puso" ni Augustine, sapagkat nagsama sila ng ilang dekada. Ang kanilang anak ay naiwan sa kanya. Sumang-ayon siyang ikasal sa isang babae, subalit bata pa ang babae kung kaya ang kasal ay naantala pa ng dalawang taon. Ang dalawang taon ay masyadong matagal para kay Augustine, kaya siya"y nahumaling muli sa kahalayan, at pansamantalang kumuha ng ibang babae.
Pag-anib sa Sektang Kulto
Ang kasikatan at karunungan ni Augustine ay lalong nagpatotoo ng kanyang pagkaganap at pagkatunay na makasalanan. Sa halip na makatulong sa kanya, lalo siyang naligaw at nagpalipatlipat sa iba"t ibang katuruan at mga sektang kulto. Sa mahabang panahon, naakit siya sa sektang Manicheeism na ipinangalan kay Mani. Si Mani ay isang dualist, na nagturong may dalawang dios na may magkapantay na kapangyarihan at eternidad, at ang universe ay lugar ng walang hanggang digmaan sa pagitan ng liwanag at kadiliman, kabutihan at kasamaan, kaalaman at kamangmangan, kaluluwa at katawan, at iba pa, na ang kahihinatnan ay hindi matutukoy kailanman. Ipinakilala ng mga Manichees na tumungo sa kanluran ng Imperyong Romano na ang Manicheeism ay hindi pamalit sa Cristianismo kundi advanced na bersyon nito, at pananampalataya ng mga spiritually mature, at mga mentally gifted. Inangkin nilang may kasagutan sila para sa lahat ng bagay. Ang kanilang mga miyembro ay nahahati sa dalawa, ang mga "elect" (iba sa hinirang na tinatawag ng Banal na Kasulatan) na hindi pinag-aasawa at gulay lamang ang kinakain, at ang mga "learners," na hindi gaanong marami ang hinihinging sakripisyo. Si Augustine ay nagpatala bilang learner. Ang inner circle ng mga Manichees ay umaangking nakapamuhay na ng perpektong buhay. Nabighani si Augustine noong una. Ang kilusan ay hindi naman talaga magagaling mag-isip. Nakilala niya ang "bishop" ng sekta na si Faustus, na ipinakikilala noong isa sa mga "Towering Intellects of the Ages," na lulunas sa lahat niyang pag-aalinlangan, subalit hindi siya natuwa. Nakita niyang ordinaryong tao lamang siya na walang ibang nakahihigit na gawin kundi ang mag-recite ng mga slogans.
Naging neo-Platonist din siya. Isang kaibigan (maaaring si Theodorus na naging consul noong 399) ang nagbigay sa kanya ng sipi ng salin ng neo-platonist na awtor. Si Plato ay nagturong Dios lamang ang totoo, at ang ibang bagay ay degenerations sa iba"t ibang antas mula sa Isa. Ang mga bagay ay nagiging hindi na gaanong mabuti, hindi na gaanong espiritwal, at hindi na gaanong totoo habang pababa ng pababa sa baytang ng cosmic ladder. Sa pamamagitan ng pagsasanay sa mga espiritwal na riyalidad, sa pamamagitan ng pagtuon ng atensyon mula sa sariling kaisipan paakyat sa baytang patungo sa Dios, natatamo ng tao ang tunay na karunungan, at pakikiisa sa Dios. Nahumaling si Augustine sa kaisipang ito, at naniwalang naranasan niya ang presensya ng Dios, subalit alam niyang iba ang kanyang pinapalagay sa tunay niyang kalalagayan. Dito niya sinubukang hanapin ang lunas sa kanyang mga kasalanan, subalit lalo lang siyang nalululong sa kahalayan at iba't-ibang uri ng kasalanan..
Pagbabago (Conversion)
ng probidensya ng Dios ang nagdala sa kanya sa Milan. Dito ay nakilala niya ang mangangaral at bishop na si Ambrose. Nabighani si Augustine sa kanyang makabuluhang kaisipan at paniniwala, kahusayan ng pag-iisip, at katinuan ng pagkatao. Una niyang nagustuhan siya hindi bilang tagapangaral ng katotohanan, sapagkat hindi siya interesado sa laman ng kanyang pangangaral, kundi sa kung paanong paraan niya ito sinasabi. Nais lamang niyang matutunan ang abilidad niya bilang orator at rhetorician. Sa unang pagkakataon, nakita ni Augustine ang Cristianismo bilang relihiyong akma sa isang pilosopo. Ang Biblia, na dati ay hindi niya nagustuhan, ay ipinaliwanag ni Ambrose at binigyan ng buhay sa pamamagitan ng kanyang pangangaral. Unti-unting naalis ang bulaan niyang paniniwala, bagamang labis ang hirap na kanyang naranasan, sapagkat mahigpit siyang lumaban dahil ayaw niyang iwanan ang kanyang kasalanan.
Patuloy niyang pinakinggan si bishop Ambrose, at noong 386, dahil sa pagkilos ng Dios sa kanyang puso (ayon na rin sa sarili niyang patotoo), napasailalim siya sa kapangyarihan ng Ebanghelyo. Ang kapighatiang dulot ng kasalanan ay nagdala sa kanya sa malinaw na kaalamang ang imposibleng matanggihang pagkilos ng Dios lamang ang lunas, at ito ay makapangyarihan sa pagsupil sa katigasan ng puso ng tao, at tinutupad kung ano ang nais ng Dios sa isang makasalanang hinirang.
Makalipas ang 12 taon sinulat niya ang patungkol sa kanyang buhay hanggang sa kanyang conversion sa aklat na pinamagatang Confessions. Ang aklat ay punong-puno ng pasasalamat. Sa isang tanyag na kabanata, tinukoy ni Augustine ang kanyang conversion. Sinabi niyang nawalan ng saysay ang kanyang karunungan, at labis na ang kanyang hirap sa kawalan niya ng kakayahang mamuhay ng malinis. Narinig niya ang lupon ng mga batang kalalakihan, mga Cristiano, na ang isa sa kanila ay nagpasyang maging hermit (ermitanyo), at ang iba naman, isa-isa, ay gumawa rin ng parehong pasya. (Sa kanilang kapanahunan, ang pagiging hermit ay katulad ng pag-anib sa grupo ng mga sundalong isasabak sa digmaang walang nakakauwing buhay.) Naisip ni Augustine, "Paanong ang mga batang lalaking ito ay nakagawa ng ganoong pasya samantalang ako ay hindi man lang makapagsimula ng isang hakbang na ipahayag ang sarili ko bilang isang Cristiano?" Isang nagngangalang Pontitianus ang bumisita sa kaibigan niyang si Alypius. Nagkukwento siya patungkol sa isang hermit na si Anthony na namuhay bilang ascetic matapos makarinig ng pangangaral mula sa Mateo 19:21. Habang nagkukwento siya, napapahiya si Augustine sa kanyang sarili dahil sa loob ng sampung taon niyang pag-aaral, pasan pa rin niya ang bigat ng pagkahumaling niya sa kahalayan. Nang umalis si Pontitianus, ibinuhos niya ang kanyang damdamin kay Alypius, at kasama ng iba pang kaibigan, ay tumungo sila sa halamanan. "Ngayon na"ngayon na," sinabi niya sa kanyang sarili; subalit ang rangya ng mundo ay para bang nakadikit sa kanyang damit at bumubulong, "Iniisip mo bang mabu-buhay ka ng wala kami?" At kapag iniisip niya ang mga monghe ay naiisip niya ang tanong na "Magagawa mo ba ang ginawa nila?" Pagkatapos ay umiyak siya, at sa matinding luha ay iniwan ang kaibigan. Tumungo siya sa puno ng igos na nagmamakaawang nananalangin, "Panginoon, gaano katagal"? bakit hindi ngayon?" Pagkatapos narinig niya ang tinig ng isang bata sa kabilang bahay na parang kumakanta at paulit-ulit na sinasabing, "Tolle, lege; tolle, lege" (Pulutin mo"t basahin; pulutin mo"t basahin). Dahil hindi siya makaisip ng dahilan kung bakit naman sasabihin iyon ng isang bata, inangkin niya iyong isang tanda, at pinulot sa kanyang harapan ang isang sipi ng sulat ni Pablo sa mga taga-Roma. Nang buksan niya iyon, nasilayan ng kanyang mata ang ikalabintatlong kapitulo (v. 12-14): "Ang gabi ay totoong malalim, at ang araw ay malapit na: iwaksi nga natin ang mga gawa ng kadiliman, at ating isakbat ang mga sandata ng kaliwanagan. Magsilakad tayong mahinhin, gaya ng sa araw; huwag sa katakawan at paglalasing, huwag sa kalibugan at sa kahalayan, huwag sa mga pagkakaalit at pagkakainggitan. Kundi bagkus isakbat ninyo ang Panginoong Jesucristo, at huwag ninyong paglaanan ang laman, upang masunod ang mga kahalayan noon."
Pinaniniwalaan niyang ang Dios mismo ang nangungusap sa kanya sa mga talatang ito, na inuusig siya sa dati niyang mga kasalanan, subalit nagpapatawad naman at nananawagan ng pagbabago sa kanyang buhay, at tinitiyak ang biyaya sa kanya upang magawa iyon. Nagalak ang kanyang ina sa nangyari (Confession VIII. viii.). Pagkatapos nito, sumulat siya kay Ambrose na humihiling na mabautismuhan kasama ang kanyang anak at kaibigan. Matapos ang isang taon ng paghahanda, binautismuhan siya ni Ambrose noong 387 kasama ng kanyang 15 taong gulang na "ilehitimong" anak. Matapos iyon, iniwan niya ang kanyang ambisyon at bumalik sa Africa. Si Monica na kanyang ina, na sumunod sa kanya sa Italy, ay kasama niyang babalik sa Africa. Subalit nang sila ay nasa pantalan ng Tiber River, namatay si Monica sa kandungan ng kanyang anak, na may galak sa puso sa kasagutan ng kanyang mga panalangin, na nagsasalita ng tungkol sa kaluwalhatian ng kalangitan na kanyang unang matutunghayan. Ang kanya ring anak na si Adeodatus ay namatay tatlong taon matapos silang mabautismuhan.
Paglilingkod
Bumalik si Augustine ng Africa noong 387. Nang manirahan siya sa Thagaste noong 389, itinatag ni Augustine sa North Africa ang monarchism (pagsasalu-salo ng ari-arian), at mabilis itong lumaganap doon. Tinularan niya ang buhay ni Anthony. Naging normal na buhay nila ang sinasabi ng Gawa 4:32: "At ang karamihan ng mga nagsisampalataya ay nangagkakaisa ang puso at kaluluwa: at sinoma'y walang nagsabing kaniyang sarili ang anoman sa mga bagay na kaniyang inaari: kundi lahat nilang pag-aari ay sa kalahatan," at ito ay literal na ipanatupad sa kanyang nasasakupan; tulad rin ni Ambrose na itinurong may diin, na ituring ng mga mananampalataya na ang kanilang mga ari-arian ay pag-aari ng mga dukha. Sa aklat na de Opere Monachorum (c. 400), pinagdiinan niyang ang mga monghe ay dapat magtrabaho at huwag lamang umasa sa kaloob ng mga matapat na kapatid.
Noong 391 itinalaga siyang pari. Hindi niya layuning maging pari. Dumadalaw siya sa bayan ng Hippo (ngayon ay Annaba). Pumasok siya sa loob ng simbahan at nakinig ng sermon ni Valerius, ang matandang bishop, na noon ay nangangaral patungkol sa pagpili ng pari. Nais ni Valerius na magkaroon ng mangangaral na bihasa sa Latin (sapagkat siya"y Griego nang ipanganak). Ang kasikatan ni Augustine ay nakarating na sa kanya noon. Sa kanyang pangangaral, walang atubiling sinabi niya, "Ang konggregasyon ay nangangailangan ng maraming pari, at naniniwala akong ang ordinasyon ni Augustine ay para sa kaluwalhatian ng Dios." May mga kamay na umakay sa kanyapatungo sa harapan. Napaiyak siya nang ipinatong sa kanya ng obispo, kasama ng konseho ng mga pari, ang kanyang kamay at siya"y inordinahan sa pagkapari. Ayon sa ilan, ang kanyang pagiyak ay sa kadahilanang hindi niya nakita ang kanyang sarili na karapatdapat sa ordinasyong iyon. Bago iyon ay iniiwasan niyang pumunta sa mga lungsod na naghahanap ng obispo, sa takot na siya ay mapili. Sa pamamagitan din ni Valerius inihanda siya sa ministeryong ito. Sa yugtong ito sinimulan niya ang pag-atake sa Manichaeism. Nakita agad ang kanyang kakayahan, at noong 395, inordina siyang assistant bishop at hiniling na mangaral kahalili ng dating bishop. Noong 396, nang mamaty si Valerius, si Augustine ang napiling humalili. Ang dating mananalumpati sa harap ng emperor, ay naging tagapangaral ng Salita ng Dios. Buong buhay niya ay naging pastol siya ng malaking kongregasyon ng Hippo, na nagbuhos ng panahon sa pagtatanggol ng katotohanan sa pamamagitan ng pagsusulat at pangangaral. Ang kanyang mga sermon ay kinakitaan ng maingat na paghahanda. Nakasumpong din siya ng mahabang panahon sa pagsusulat at pakikipagkaibigan sa mga unang mangangaral tulad ni Jerome. (ITUTULOY)
References:
James Kiefer
Daniel Kolak in Lovers of Wisdom (Wadsworth, 1997)
Portraits of Faithful Saints, Herman Hanko (Reformed Free Publishing Association)
_______________________________________________________________