btrc_header_4

Bastion of Truth Reformed Churches in the Philippines

Standing fast in one spirit with one mind striving together for the faith of the gospel which was once delivered unto the saints. (Phil 1:27, Jude 3)
Home About Us Beliefs and Practices Standards History Articles Publication Classis Directory Menu
" Issue No.7 "

April - September 2006

"Pagsamba sa Diyos ng Aming Kaligtasan"

 

"Pagsamba"

salin sa Tagalog ni Ronald R. Santos

Ang Ebanghelyo at ang Aming Pagsamba

Alex M. Aquino

Bulaang Pagsamba

Ronald R. Santos

 

"Salmo, Himno at mga Awiting Espiritwal"

Alex M. Aquino

Awit 150 [?]

Christian Joy B. Alayon

Augustine of Hippo (Part 2)

Christian Joy B. Alayon

 

 

The Dwelling Word (Colossians 3:16)

 

"Pagsamba"

 

"Hango sa artikulo ni A.W. Pink na may pamagat na "Worship," isinalin sa wikang Tagalog ni Ronald R. Santos

 

 "Subalit dumarating ang oras at ngayon na nga, na sasambahin ng mga tunay na sumasamba, ang Ama sa espiritu at katotohanan, sapagkat hinahanap ng Ama ang gayong mga sumasamba sa kanya. Ang Diyos ay Espiritu, at ang sumasamba sa kanya ay kailangang sumamba sa espiritu at katotohanan." Juan 4:23-24abab

 

Ang Diyos ay Espiritu, at ang sumasamba sa kanya ay kailangang sumamba sa espritu at katotohanan." Ang pagsamba "sa espiritu" ay salungat sa makalamang ritwal at pabigat na mga seremonyas gaya ng sa Judaismo. Ang pagsamba "sa katotohanan" ay salungat sa mga pamahiin, kamalian at pagsamba sa diyus-diyosan ng mga pagano. Ang pagsamba "sa espiritu at katotohanan" ay nangangahulugang pagsamba sa paraang alinsunod o nakaayon sa ganap at tapos na kapahayagan ng Diyos kay Cristo. Nangangahulugan ito ng pagsambang espirituwal at pagsambang makatotohanan. Nangangahulugan ito ng pagbibigay sa Diyos ng parangal ng mga niliwanagan ang pang-unawa at pagmamahal ng mga binuhay na puso.

 

      Ang pagsamba "sa espiritu at katotohanan" ay salungat sa "carnal worship" na panlabas bagama"t kagilagilalas. Binabawal nito ang anumang uri ng pagsamba sa Diyos gamit ang mga pandama ng katawan. Hindi natin masasamba ang Diyos na "Espiritu" sa pagtitig sa mga napapalamutiang arkitektura at sa mga makukulay na salamin ng bintana ng simbahan, sa pakikinig ng mga tipa ng mamahaling organ, sa pagsamyo ng usok ng insenso, maging sa pagbibilang ng mga butil sa pananalangin. Hindi natin Siya masasamba sa pamamagitan ng ating mga mata at tainga, o ilong at mga kamay, sapagkat ang mga ito"y "laman" hindi "espiritu." Ang ""kailangang sumamba sa espiritu at katotohanan" ay pinupuwera ang anumang bagay hinggil sa natural na tao.

 

      Ang pagsamba "sa espiritu at katotohanan" ay nagbabawal sa lahat ng "soulical worship" o pagsamba sa larangan ng kaluluwa. Ang kaluluwa ay sentro ng damdamin, at ang karamihan sa tinatawag na pagsamba sa kasalukuyang Cristianismo ay "soulical worship" lamang. Makabagbag damdaming paglalahad ng kuwento, makapukaw-damdaming panghihikayat, nakakikilig na talumpati ng mangangaral ay sadyang ginagamit para maantig ang damdamin. Ang magagandang himig ng bihasang "choir" ay inaawit na nakapagpapaluha o kaya"y lubos ang ligayang pumupukaw sa kaluluwa, subalit hindi kailanman naaabot ang kaloob-looban ng tao o ang kanyang espiritu.

 

      Ang tunay na pagsamba ay ang pagsamba ng mga tinubos na tao, na ang buong atensiyon ay nakatuon sa Diyos mismo. Ang taong makasalanan ay tinitingnan ang pagsamba bilang pagbibigay galang sa Diyos na istriktong hinihingi Niya, na hindi nagdudulot sa kanila ng kasiyahan habang pinipilit nilang handugan ang Diyos. Napakalayo ng kaibahan sa ganang mga binigyang-buhay ng Diyos at tinubos ng mahalagang dugo ni Cristo. Ang unang banggit sa Kasulatan ng salitang "tinubos" ay makikita sa Exodo 15, at doon din makikita sa kauna-unahang pagkakataon na makikita natin ang mga taong tinubos ay "umaawit," sumasamba, at dinadakila ang Diyos mismo. Doon sa malayong dalampasigan ng Dagat na Pula, ang isang Bayan na inilabas mula sa tanikala ng pagka-alipin at iniligtas mula sa lupit ng kanilang mga kaaway ay nagkakaisa sa pagsamba"t pagpuri sa Diyos.

 

       Ang "Pagsamba" bagong kalikasan sa mananampalataya na kinilos at kumukuha ng lakas mula sa Diyos. Ito ay ang "espiritu" (Juan 3:6) na tumatalima sa Kanya na Siyang "Espiritu". Ito ay yaong "pinakamahusay na gawa" ni Cristo sa atin na tinubos (Efeso 2:10) na lumalapit sa Kanya na siyang nagbigay buhay sa atin. Ito ay ang mga anak na kusa at tumatanaw ng utang na loob at lumalapit sa Ama nang may pag-ibig. Ito ay ang bagong pusong sumisigaw nang "Salamat sa Diyos dahil sa kanyang di-mailarawang kaloob," (2Corinto 9:15). Ito ay ang makasalanang nilinis ng dugo ni Cristo na nagpapahayag na, "Purihin nawa ang Diyos Ama ng ating Panginoong Jesu-Cristo, na siyang nagpapala sa atin kay Cristo ng bawat pagpapalang espiritwal sa sangkalangitan," (Efeso 1:3). Iyan ang pagsamba; nakatitiyak na tayo"y tinanggap sa Minamahal, dinadakila"t sinasamba ang Diyos dahil sa Kanyang ginawa kay Cristo para sa atin, at dahil sa ginawa Niya sa atin sa pamamagitan ni Cristo. Yamang tayo"y tinubos Niya ng mahalagang dugo ni Cristo, iwaksi na natin ang mga pagsambang makalaman at sambahin natin Siya sa "espiritu at katotohanan"! Tayo lamang na mga tinubos ang makasasamba ng pagsambang hinahanap ng Diyos, kaya naman ibigay natin sa Kanya ang pagsambang tanging nauukol sa Kanya!

 

 

 

Our Gospel Stand (Philippians 1:27)

 

Ang Ebanghelyo at ang Aming Pagsamba

Alex M. Aquino

 

Ang reporma sa iglesia ay hindi lamang kinapapalooban ng pagtutuwid ng doktrina lalo na sa larangan ng kaligtasan at pamamahala sa simbahan, kundi sa larangan din ng pagsamba. Ito ay sa dahilang ang pagsamba ang pinakamataas na pagkatawag ng iglesia. Ang pagmimisyon, pangangaral ng mga pastor at pag-aabuloy para sa mga dukha ay pawang magwawakas sa pagbabalik ng Panginoong Jesus. Subalit ang pagsamba ay ang magiging habang-panahong kaabalahan ng bayan ng Dios sa Bagong Langit at Lupa. Kaya hindi dapat magkamali sa aspetong ito ang Cristiano. Dapat niyang isagawa ang masusing pag-iingat sa pagtupad niya sa tawag niyang ito. Nakapanlulumo na napakaraming simbahan, sekta at dinominasyon na kumakaladkad sa pangalan ng Panginoong Jesus ang ipinipilit at pinaghuhusay pa ang isang hindi-biblikal na paraan at anyo ng pagsamba. Hindi naman nakapagtataka dahil ang paraan ng pagsamba mo ay batay at sang-ayon lamang sa kung sinong dios ang sinasamba mo at pinagtitiwalaan mo. Ang pagkakakilala mo naman sa dios na iyan na pinagtitiwalaan mo ay nakabatay lamang sa kung ano ang ebanghelyo mo. Ang Reformation ng ika-16 na siglo, una sa lahat, ay panunumbalik tungo sa mga doktrina at kalakaran ng iglesia ng mga apostol ni Cristo. At bilang hindi-maiiwasang resulta nito ay ang panunumbalik sa tunay at tanging paraan ng pagsamba sa Dios ayon sa ipinahayag ng Kasulatan.

      Ang paglihis ng mga simbahan sa tunay at tanging Biblikal na anyo ng pagsamba ay bunga ng pagtutol nila sa tunay at tanging ebanghelyo na nagpapakilala kung sino ang Dios at kung ano ang tunay na kalagayan ng tao. Bukod dito ay ang labis na paghahangad ng mga tao na maaliw bunga na rin ng pagkahumaling nila sa mga pagtatanghal at mga inaalok na libangan ng sanlibutang ito. Isa pa ay ang pangahas na kaisipan at teyolohiya ng Modernismo na wala ng bagay na tiyak o absolute kundi ang lahat ay relative o nakasalalay na lamang sa pananaw at karanasan ng isang indibidwal. Ang importante para sa taong ganito ang kaisipan ay "kung ano ang tama sa pananaw ko." Kahawig ng ganitong kaisipan ay ang tinatawag na Pragmatism. Ito ay kaisipang hango sa kalakalan at iba pang larangan na nagsasabing "kung ano ang mabisa, epektibo o "patok""iyon ang tama." Ito ang pangunahing kasangkapan ng Church Growth Movement at marami pang evangelistic schemes at pinasok na nga maging ang pagsamba upang makaakit at maka-akay ng maraming converts. Subalit isa sa pinakamahalagang dahilan ng paglapastangan at pagyurak na ito ng mga simbahan sa banal at tamang pagsamba sa Dios ay ang kamangmangan nila sa itinakda at pinatupad ng Dios na pamantayan sa kasaysayan ng Biblia at ng iglesia sa larangan ng pagsamba. Bunsod na rin ito ng pag-abandona ng mga simbahan sa matalinong pag-aaral ng katotohanan at mas inibig pa ang mga bagay na makapaglalaro ng kanilang emosyon. Ngunit ano nga ba ang kasaysayan ng pagsamba sa Dios? Ano ang kaugnayan ng musika sa pagsambang ito? Ano ang sinasabi ng Salita ng Dios at ng kasaysayan ng iglesia tungkol sa modernong anyo ng pagsamba na talamak sa mga simbahan? Ang lahat ng ito ay malinaw na sasagutin sa atin mismo ng Biblia at ng kasaysayan ng iglesia.

 

Ang Pag-imbento sa Musika

 

      Natitiyak natin na sa pasimula ay sinamba ng ating mga magulang na sina Adan at Eva ang Dios sa pamamagitan ng kanilang mga tinig. Pinatutunayan sa atin ito ng katotohanan na ang mga instrumentong pangmusika ay na-imbento lamang pagsapit ng ika-walong henerasyon mula sa kanila. Ang unang mga instrumento ay inimbento ng bihasang si Jubal:  "At ang pangalan ng kaniyang kapatid ay Jubal: na siyang naging magulang ng lahat na tumutugtog ng alpa at ng flauta" (Gen:4:21). Mapapansin din na ang kanyang mga kapatid ay mahuhusay at bihasa din sa pananaw ng sanlibutan"si Jabal sa paghahayupan at si Tubal-Cain sa pagpapanday (Gen. 4:20, 22). Kung ihahambing sa ating kapanahunan, sila ang pinakatanyag, matalino at maunlad sa sanlibutan ng kanilang panahon. Ngunit mapapansin sa kabanatang 4 ng Genesis na sila ay mula sa lahi ng masamang si Cain na nilipol sa pamamagitan ng baha sa panahon ni Noe. Sila ang may pinakamaraming oportunidad, talento at kasangkapan subalit hindi nila ginamit ang mga ito sa paglilingkod sa Dios kundi sa pamumuhay nila sa kasalanan"sa paglaban sa Dios. Samantala, tungkol sa simpleng lahi ni Set, bagamang wala silang kabihasaan, ay sinabing, "Noon ay pinasimulan ng mga tao ang pagtawag sa pangalan ng Panginoon" (Gen. 4:26). Samakatuwid ay sa kanila na ikatlong henerasyon ni Adan kay Set nagmula ang pormal at pambublikong pagsamba sa Dios at hindi kay Jubal na ikawalong henerasyon ni Adan sa itinakwil na si Cain. Mapapansing ang pasimula ng pormal na pagsambang ito noon ay hindi ginamitan ng mga instrumentong panugtog.

 

Unang Gamit ng Instrumentong Pangmusika

 

      Unang ginamit ang mga istrumentong pangmusika noong unang panahon para sa pang-aaliw lalo na para sa panauhing nagbabalak nang lumisan (Gen. 31:27) at sa kasayahan ng mga pamilya (Job 21:11, 12). Ginagamit din ang musika upang sabayan ang piging kung saan nagpapakalasing ang mga tao tulad sa kasalukuyan nating panahon (Isa. 5:12, cf. 24:8, 9; Amos 6:5, 6).

 

      Ginamit din ito noong unang panahon sa mga pagdiriwang ng tagumpay sa digmaan. Matapos papagtagumpayin ng Dios ang Israel laban sa hukbo ng Egipto nagdiwang ang buong bayan at inawit ang Awit ni Moises habang pinangunahan ni Miriam ang mga kababaihan sa pag-awit, pagsayaw at pagtugtog ng tamborin (Exo. 15:20, 21). Ito ang naging kaugalian ng bayan ng Israel sa tuwing sila ay nagtatagumpay sa pakikipaglaban tulad na lamang ng hukom na si Jeptah na sinalubong ng kanyang anak na babae na may tamborin (Mga Hukom 11:34). Gayon din ang kaugalian matapos ang pagtatagumpay ni David laban sa mga Pilisteo (1 Sam 18:6, 7).

 

      May ilang bagay na mahalagang mapansin sa mga talatang ito. Una, tanging ang mga kababaihan lamang ang nagsayaw at tumugtog ng instrumento. Ikalawa, ang paggamit ng mga instrumento ay palaging kaugnay ng pagsayaw, hindi sila maaaring paghiwalayin. Ikatlo, mayroong galaw na pasulong tulad ng isang prosisyon. Ikaapat, ang pagdiriwang na ganito ay pagtugon sa isang "pambansang" pagtatagumpay at hindi isang "pangrelihiyong" gawain. At ikalima, ang lahat ng ito ay gawain sa labas at hindi sa loob ng tabernakulo o templo o sinagoga. Bagamang ang mga pagdiriwanng na ito ay ginawa para sa kaluwalhatian ng Dios hindi sila itinuturing na pormal na pagtitipon para sa pagsamba.

 

Instrumentong Pangmusika sa Pagsamba ng Israel

 

      Lahat ng hinihingi ng Dios sa Kanyang bayan ukol sa pagsamba nito sa disyerto ay maingat na idinikta isa-isa kay Moises sa bundok: "At ingatan mo, na iyong gawin ayon sa anyo ng mga yaon na ipinakita sa iyo sa bundok" (Exo. 25:40; Heb. 8:5). Nangangahulugang tanging ang mga iniutos lamang ng Dios ang dapat gampanan ni Moises at wala siyang karapatang magdagdag. Tinagurian ang prinsipyong ito ng mga Reformers bilang The Regulative Principle of the Church. Ito ang prinsipyong ang Salita ng Dios lamang ang tanging magtatakda ng aral, gobyerno at pagsamba ng iglesia. Ang hindi ipinag-utos ng Biblia ay hindi dapat gawin at pairalin sa pagtuturo, pamahalaan at pagsamba ng iglesia. Sa Bilang 10:1-10, unang iniutos ng Dios ang paggamit ng dalawang pilak na trumpeta. Ang paggamit ng dalawang trumpetang ito ay maingat na inilahad ng Dios. Ang awtorisado lamang na gumamit ng mga trumpetang ito ay ang mga anak ni Aaron, na mga saserdote (v. 8). Kapag ang dalawang trumpeta ay hinipan, hudyat ito na ang mga Israelita ay magtitipon sa pintuan ng tabernakulo ng pagtitipon (v. 3). Kapag isang trumpeta lamang ang hinipan, mga pinuno lamang ang magtitipon (v. 4). Ginagamit ang mga trumpeta bilang pagtawag sa mga Israelita upang simulan ang kanilang paglalakbay (vv. 5-7). Ang mga ito rin ay hinihipan habang ginagampanan ang mga handog sa tabernakulo. Hindi ginamit ang mga ito bilang panugtong na wari"y bahagi ito ng isang "banda." Ito ang simula ng paggamit ng instrumento sa pormal na pagsamba sa Israel at ito ay iniutos ng Dios at hindi iminungkahi ng tao. Bukod sa dalawang pilak na trumpeta na iniutos ng Dios kay Moises, "iniutos" din Niya ang pagdagdag ng mga instrumentong simbalo, salterio at alpa sa huling bahagi ng buhay ni Haring David. Ito ay bahagi ng paghahanda sa pagkakatayo ng Templo sa panahon ng paghahari ni Haring Solomon. Ito ay ayon sa disenyo ni Haring David sa ilalim ng "pagkasi" (inspiration) ng Dios. Ngunit ito ay hindi sariling pasiya ni David kundi malinaw na iniutos ng Dios sa pamamagitan ng mga propeta: ""sapagka"t ang utos ay mula sa Panginoon sa pamamagitan ng kaniyang mga propeta" (2 Cronica 29:25). Muli ang paggamit ng mga partikular na instrumento ay mula sa utos lamang ng Panginoon at hindi sa mungkahi o desisyon ng tao. Bukod dito ang mga instrumento ay kaugnay lamang ng mga seremonya ng paghahandog at tinutugtog lamang ng ilang grupo ng mga Levita. Tandaan na lahat ng disenyo ng Templo at sistema ng pagsamba ay ayon sa eksaktong iniutos ng Dios at hindi sa pagkukusa ng tao (Regulative Principle of Worship). Kung mayroon mang bagong bagay na idadagdag ay malinaw at hayag na iuutos ito ng Dios. Dapat ding tandaan na ang mga instrumento ay tinutugtog kasabay ng pagsisimula hanggang pagwawakas ng mga seremonyang paghahandog sa Templo. Ang pagtugtog sa mga pagsambang ito ay hindi nagsisilbing pang-aliw o makapagpapaganda sa tugtugan kundi naglalarawan sa perpektong pag-aalay na mangyayari pa lamang. Sa pamamagitan ng pagtugtog ng instrumento na sinasabayan ang mga pag-aalay, tinuturo ng mga ito sa kanila noon sa pamamagitan ng pakikinig at pagmamasid ang mga bagay na mangyayari sa ganap na pagtutubos na ihahatid ng darating na Mesias. Ang magarbong pagtitipon ng mga Levitang manunugtog sa mga sandali ng paghahandog ay nagsisilbing pagsasadula ng dakilang "drama" ng pagtutubos na gaganapin ng Mesias. Lalong nagiging makahulugan ang nakikita nilang paghahandog kapag ito ay sinasabayan ng musika. Ngunit ang lahat ng ito ay pawang mga anino lamang, mga seremonya ng kautusan, may bisa lamang habang nakatayo ang Templo ng mga Isrealita, pawang mga pansamantalang paraan ng pagtuturo sa bayan ng Dios habang hindi pa dumarating ang katuparan (Galacia 3:24, 4:1-5). Subali"t kapag sumapit na ang katuparan ang lahat ng ito ay mawawala na ang bisa.

 

Palakpak, Sigaw, Sayaw at "Bagong Awit"

 

      Hindi maitatangging binabanggit ng mga Salmo ang panawagan sa mga mananamba na pumalakpak, sumigaw sa galak at magsayaw habang pinupuri ang Panginoon. Ngunit ang mga ito ay pawang mga "ekspresyon" ng mga bagay sa anyo ng tula o awit (poetical language). Halimbawa ay ang pagpalakpak. Hindi kailan man iniutos ang pagpalakpak sa pagsamba sa Templo. Ang panawagan ng mga Salmo 47 at 98 na pumalakpak sa Panginoon ay may kinalaman sa Kanyang kaugnayan sa Kanyang bayan bilang Hari. Ang Salmo 47:1 ay dapat iugnay sa bersikulo 2 na nagpapahayag sa Dios bilang dakilang Hari. Gayon din sa Salmo 98:8 na dapat iugnay sa bersikulo 6. Ano ba ang mga gamit ng palakpak sa Biblia? Una, ginagamit ito bilang ekspresyon ng "panlilibak" (Job 27:23; 34:37; Panaghoy 2:15; Nahum 3:19). Ikalawa, ginagamit ito sa "pakikisangkot" sa isang pangyayari (Ezekiel 25:6; sangguniin, 6:11). At panghuli, bilang "pagpupugay" na may kagalakan (na ipinapahiwatig sa pamamagitan ng sigawan) sa bagong hirang na hari ng Israel. Ganito ang ginawa ng Israel nang hiranging hari ng Judah si Joash na noo"y pitong taong gulang lamang (2 Hari 11:12) at ito ang kahulugan ng panawagan ng mga Salmo na palakpakan ang Dios na tunay at dakilang Hari ng Israel! Hindi isang "literal" na pagpalakpak kundi isang masaya at taos pusong pagpupugay at pagpaparangal sa Dios bilang Hari. Gayon din ang pagsayaw na ang gamit sa Biblia ay, una, bilang "pang-aliw" (Exo. 32:19; Ecc. 3:4; Mar. 6:21-22), ikalawa, sangkap "sa pistahan" (Mga Hukom 21:10-21; Luc. 15:25), ikatlo, bilang bahagi ng "laro" ng mga bata (Mat. 11:17; Luc. 7:32), ika-apat, bilang "personal na pagpapahayag ng kagalakan" (hindi sa isang pagtitipon sa tabernakulo o Templo, 2 Sam. 6:14), at bilang bahagi ng "pambansang pagdiriwang" (hindi pangrelihiyon) bunsod ng tagumpay sa digmaan (Exo. 15:20; 1 Sam. 18:5). Malaking kalapastanganan at kapangahasan ang gamitin ang palakpak sa pagsamba sa Panginoon lalo pa"t ginagawa ito tulad ng pagsabay sa mga awitang makasanlibutan. Ang Bagong Awit o "New Song" naman ay isa sa mga ginagamit na dahilan upang kumatha taun-taon para sa mga modernong simbahan ng Praise and Worship Album. Nagpapaligsahan ang mga simbahan kung sino ang unang makakapagpatugtog ng pinakabagong labas na mga tugtuging Cristiano. Ang mga lumang awitin ay nakakawala na ng ganang awitin, dahil nakakasawa na silang awitin, laos at lipas na. Sa iba naman ay inaakala itong paglalaro ng mga instrumento at tinig sa huling bahagi ng "Praise and Worship." Ngunit ang lahat ng ito ay batay sa kamangmangan sa tunay na kahulugan ng "bagong awit" o new song. Hindi ba sila nagtataka na bagamang binabanggit ng mga Salmo ang new song (33:3; 40:3; 96:1; 98:1; 144:9; 149:1) wala naman talagang bagong kathang awit ang Israel na ginamit nila sa kanilang pagsamba. Ang bilang ng mga Salmo ay hanggang 150 lamang at wala nang naidagdag. Ang "bagong awit" o new song ay ekspresyon ng pagdiriwang sa gawang pagliligtas ng Dios sa Israel. Kinatha ito bunsod ng mga natanggap na awa mula sa Dios na laging sariwa tuwing umaga. Kaya ang bagong awit ay isang nagpapatuloy at namamalaging awit. Hindi nakakasawa, hindi naluluma at lalong hindi nalalaos"ito ang mga Salmo ng Lumang Tipan na siyang inawit ng Panginoong Jesu-Cristo at ng Kanyang mga alagad (Mateo 26:30) na silang inawit din ng Iglesia ng Bagong Tipan at ng mga matatapat na Reformed at Presbyterian churches (Efeso 5:19; Colosas 3:16).

 

Pagsamba sa Sinagoga

 

      Bunga ng pagwasak ng mga mananakop sa Templo sa Jerusalem at ang pagkabihag ng mga Israelita sa mga bansa ay naitatag ang "sinagoga" sa mga komunidad ng mga Judio upang maipagpatuloy ang pagsamba sa Panginoon. Sa pagtitipong iyon para sa pagsamba kapansin-pansin na walang tinutugtog na anumang instrumento. Ang pagsamba ng mga sinaunang Cristiano ay ibinatay sa pagsamba ng mga Judio sa sinagoga at hindi sa Templo. Naroon ang pagbabasa at pagpapaliwanag ng Banal na Kasulatan, pag-awit ng mga Salmo at pag-aabuloy, subalit walang mga Levita at pari, walang pag-aalay ng mga hayop at lalong walang pagtugtog ng mga instrumentong pangmusika. Ang tanong ay bakit? Sapagkat alam ng mga Judio na ang pagsamba sa Templo ay seremonyal, anino at pansamantala lamang. Ang mga elementong nabanggit tulad ng pangangaral na sangkap sa pagsamba sa sinagoga ay hindi na mga simbulo lamang kundi mga katotohanan at kaganapan na. Hindi sila gumamit ng mga instrumentong pangmusika dahil alam nilang ang mga ito ay ginagamit lamang kaugnay ng mga seremonya ng Templo, at ang sinagoga ay hindi ang Templo. Kung mayroon mang mga pinapatunog na mga instrumento ang mga ito ay nagsilbi lamang, una, bilang hudyat ng pagsapit ng bagong taon, pangalawa, pag-anunsyo ng pagsisimula ng Sabbath, pangatlo, tanda ng pagtitiwalag sa isang miyembro at pang-apat, hudyat ng pag-aayuno. Sa loob ng humigit-kumulang dalawang libong taon hindi gumamit ng mga instrumento sa mga sinagoga. Sinimulang gamitin dito ang mga instrumentong panugtog noon lamang taong A.D. 1810 sa Germany! Bagamang nasimulan na ang paggamit ng instrumeto simula ng taong ito nakapagtataka at nakakaduda na noon lamang ito nagsimula.

 

Pagsamba sa Bagong Tipan

 

      Sa pagdating ng Panginoong Jesus"ang Mesias"minsan Niyang binigyan ng diin sa isa sa mga tagpo sa Kanyang ministeryo: "Babae, paniwalaan mo ako, na dumarating ang oras, na kahit sa bundok na ito, ni sa Jerusalem, ay hindi ninyo sasambahin ang Ama"Ang Dios ay Espiritu: at ang mga sa kaniya'y nagsisisamba ay kinakailangang magsisamba sa espiritu at sa katotohanan" (Juan 4:21, 24). Ito ang pamantayang ipinakilala ng Panginoong Jesus ngayong sumapit na ang Bagong Tipan at katuparan ng mga anino at seremonya ng Lumang Tipan. Sa katuparan ng kautusan at ng mga propeta sa katauhan ng Panginoong Jesus (Mateo 5:17) ang kapahayagan ng kalooban ng Dios na sa Lumang Tipan ay bahagya pa lamang ay sumapit na sa kanyang kaganapan. Ang dating buk" ngayon ay ganap ng namumukadkad na bulaklak ng kapahayagan. Ang kapahayagan ng kalooban ng Dios ay umuusad sa direksyon ng pag-unlad (progresibo). Marahil inaasahan ng marami na sa pagdating ng Panginoong Jesus panunumbalikin Niya at lalo pang paghuhusayin ang pagsamba sa Templo lalo na ang pagtugtog ng mga instrumento. Ngunit hindi Niya ginawa iyon at wala Siyang itinuro at ipinagbilin tungkol doon. Noong itinatag Niya ang sakramento ng Banal na Hapuan inawit Niya kasama ng Kanyang mga alagad ang tradisyonal na Salmo na inaawit sa pagdiriwang ng Paskwa ng mga Judio (Mat. 26:30: mga Salmo 115-118). Pansining hindi sila gumamit ng instrumento. Sa aklat ng Mga Gawa walang naitala na pinanumbalik ng mga apostol ang paggamit ng instrumento sa kanilang pagsamba kundi nasususlat, "At araw-araw sila'y nagsisipanatiling matibay sa pagkakaisa sa templo, at sa pagpuputolputol ng tinapay sa bahay-bahay, at nagsisikain sila ng kanilang pagkain na may galak at may katapatan ng puso. Na nangagpupuri sa Dios, at nangagtatamo ng paglingap ng buong bayan"" (Gawa 2:46, 47). Iniutos ni apostol Pablo sa mga Cristiano na, "kayo'y mangagusapan ng mga salmo at mga himno at mga awit na ukol sa espiritu, na nangagaawitan at nangagpupuri sa inyong mga puso sa Panginoon" (Efeso 5:19). Tandaan na ang nasabing "salmo, himno at mga awit na ukol sa espiritu" (o mula sa espiritu) ay tumutukoy lamang sa mga Salmo ng Lumang Tipan (Sangguniin ang artikulo ng may-akda nito sa pahina 14).

 

"Tanda ng Pagtalikod kay Cristo"

 

      Iniutos ng may-akda ng Hebreo, "Kaya"t sa pamamagitan niya ay maghandog tayong patuloy ng alay ng pagpupuri sa Diyos, sa makatuwid ay ng bunga ng mga labi na nagpapahayag ng kanyang pangalan" (Hebreo 13:15) at wala ritong utos na tumugtog ng instrumentong pangmusika. At napakahalaga na maunawaan natin ang mensahe ng aklat ng Hebreo na nagbababala laban sa pagtalikod ng isang mananampalataya kay Cristo at bumalik sa kanyang dating relihiyong Judaismo. Kabilang dito ang pagbalik niya sa mga seremonya at anino ng Lumang Tipan tulad ng Templo, ang mga handog at ang pagtugtog ng mga instrumento na wala ng bisa pagdating ni Cristo. Ano pa ba ito? kundi ang kongklusyon na ang pagpipilit ng mga simbahan na ibalik ang pagtugtog ng instrumento sa kanilang pagsamba ay "pagtalikod sa pananampalataya" (apostasy o backsliding) at pagwawalang halaga kay Cristo na kaganapan ng mga utos at seremonya ng Lumang Tipan, Heb. 9:1-10:39.

 

Sa Kasaysayan ng Iglesia

 

      Bagamang hindi natin sinasang-ayunan ang lahat ng turo at paniniwala ng ilang mga lider ng pananampalataya sa kasaysayan ng Iglesia ang kanilang mga patotoo at mga isinulat ay makakatulong upang matukoy natin kung paanong sinamba ang Panginoon ayon sa utos ng Bagong Tipan. Isinulat ng ama ng iglesia na si Clement ng Alexandria (AD 153-217): "Ang nag-iisang instrumento ng kapayapaan, ang Salita na tanging paraan ng pagpaparangal namin sa Dios, ang aming ginagamit. Hindi na namin ginagamit ang sinaunang salterio, trumpeta, tamborin, at flauta. Para kay Origen (ikatlong siglo), "Ang kithara [may kwerdas na instrumento] ay ang aktibong kalooban na inuudyokan ng mga kautusan ng Dios, ang salterio ay ang dalisay na pag-iisip na pinangungunahan ng espiritwal na kaalaman"" Noong ikaapat na siglo ay sinulat ni Eusebius, obispo sa Palestina, sa kanyang Commentary sa Salmo 91, "Inihahandog natin ang ating himno sa pamamagitan ng buhay na salterio at buhay na kithara kasabay ang mga espiritwal na awitin. Ang nagkakaisang tinig ng mga Cristiano ay mas katanggaptanggap sa Dios kaysa mga instrumentong pangmusika." Sa ikaapat ding siglo ay binanggit ni John Chrysotom sa kanyang Homily on Psalm 149, "Ipinahintulot lamang ito (instrumento) sa mga Judio, tulad ng mga sakripisyong handog, dahil sa kabigatan at kahinaan ng kanilang mga kaluluwa. Inabot ng Dios ang kanilang kahinaan dahil kahihiwalay pa lamang nila sa pagsamba sa mga diosdiosan, subalit ngayon, imbis na organ ay magagamit na natin ang ating mga katawan sa pagpupuri sa Kanya. Ang mga instrumento ay hindi para sa atin na mga Cristiano." Sinulat din ni Augustine (AD 354-430) noong ikaapat na siglo sa kanyang Commentary on Psalm 150, "Kayo [mga binanal ng Dios] ang mga "trumpeta, salterio, alpa, pandereta, koro, mga kuwerdas at organo, simbalo ng kagalakan na mainam na tumutugtog. Ang lahat ng ito ay kayo; huwag hayaan na anumang masama, pansamantala at hangal ang isipin dito." Isinulat ni Theodoret, obispo sa Syria noong ikalimang siglo, "Ang simpleng pag-awit lamang ay hindi katanggaptanggap sa mga bata, kundi isang pag-awit na sinasabayan ng mga instrumentong walang buhay, pagsayaw at pagpalakpak; sa ganitong kadahilanan ang paggamit ng ganitong mga instrumento at ng mga bagay na katanggaptanggap sa mga bata ay inalis sa awitan sa mga simbahan, ang natitira na lamang ay ang simpleng pag-awit." Salungat sa kalakaran ng Simbahang Romano Catolico na kanyang pinaglingkuran isinulat noong ika-13ng siglo ni Thomas Aquinas, pilosopo at doktor ng teolohiya, sa kanyang Summa Theologica, "Ngunit ang ating Iglesia ay hindi gumagamit ng mga instrumento tulad ng mga alpa at salterio sa mga banal na pagpupuri sa takot na magbalik tayo sa relihiyon ng mga Judio"Tulad ng sinasabi ng Pilosopo (Polit.viii, 6) "Ang pagtuturo ay hindi dapat sabayan ng flauta o anumang artipisyal na instrumento tulad ng alpa o anuman na katulad nito; kundi ng mga bagay lamang na magbubunsod sa mga tao na maging mabuting tagapakinig." Dahil ang mga gayong instrumentong pangmusika ay inuudyokan lamang ang kaluluwa sa pagka-aliw imbis na lumikha ng magandang disposisyon sa loob nito. Sa Lumang Tipan ang mga ganitong instrumento ay ginamit, dahil ang mga tao ay magaspang at karnal"na kinakailangan silang maudyokan ng gayong mga instrumento tulad ng mga panglupang pangako"at dahil ang ganitong mga instrumento ay anino ng iba pang bagay." Si Erasmus, isang classical scholar, humanist at kritiko ng simbahang Catolico ay isinulat noong 1522 sa kanyang Novum Testamentum"Annotationes, "Ipinasok natin sa ating mga simbahan ang isang mistulang opera at musikang pang-teatro; na lito, magulong pag-iingay, na hindi ko man lang narinig sa mga entablado ng mga Griego at Romano. Dumadagundong ang simbahan sa ingay ng mga trumpeta, pipa at dulcimer; at ang mga tinig ng tao ay nagpupumilit na marinig habang kasabay sila"Ang mga tao ay nagmamadaling magtungo sa simbahan na para bagang ito"y isang tanghalan, upang makiliti ang kanilang mga tainga. At para sa layuning ito inuupahan kapalit ng malaking halaga ang mga manggagawa ng organ at mga grupo ng lalaking kabataan, na sinasayang ang kanilang oras upang matutunan ang mga tono ng pag-atungal na ito." Noong 1554, isinulat ng Reformer ng bansang Scotland na si John Knox sa kanyang A Declaration of the True Nature and Object of Prayer, "Ngunit ang ibinigay na pangako, na "Sapagka't kung saan nagkakatipon ang dalawa o tatlo sa aking pangalan, ay naroroon ako sa gitna nila," ay kumukundina sa kanila na kumukundina sa konggregasyon na nagkakatipon sa kanyang pangalan. Subalit pansining mabuti ang salitang "nagkakatipon;" hindi ko ipinapakahulugan na pakikinig sa tunog ng pipa, awitan, o tugtugan; o maging ang pagdarasal sa pamamagitan ng beads o butil, o pagbasa ng mga aklat na hindi nila naiintindihan, hindi ang pagsamba sa diosdiosan, na pagpaparangal sa isang dios na hindi naman talagang dios. Sapagkat sa mga gayon ay hindi ako makikiisa sa panalangin at tatanggap ng mga panlabas na sakramento, sapagkat kapag ginawa ko iyon ay para ko nang sinang-ayunan ang kanilang mga pamahiin at kasuklamsuklam na pagsamba sa diosdiosan, na sa biyaya ng Dios ay hindi ko gagawin, ni papayuhan ang iba na gawin din iyon." Sa kanyang Sermons on Second Samuel noong 1562 sinulat ng Reformer na si John Calvin na nakabase sa Geneva, "Wala ng iba kundi isang walang kabuluhang panggagaya kung tutularan natin si David ngayon na umaawit na may kasamang simbalo, flauta, tamborin at mga salterio. Ang totoo, ang mga tagasunod ng Papa ay malalang nalilinlang sa kanilang paghahangad sa magarbong paggamit ng mga organ, trumpeta, oboe at iba pang katulad na mga instrumento. Nagsilbi lamang ang mga ito na pampasaya sa mga tao sa kawalang kabuluhan ng kanilang pag-iisip at inilalayo sila sa totoong institusyon na itinalaga ng Dios"sa madaling salita, ang mga instrumento ay maibibilang sa hanay ng mga pag-aalay, kandeleryo, ilaw at mga katulad na bagay"Ang mga gumagamit ng ganitong kaparaanan ay bumabalik sa pagka-Judio, na para bang pinaghahalo nila ang Kautusan at Ebanghelyo, at sa gayo"y inililibing ang ating Panginoong Jesu-Cristo. Kapag sinasabi sa atin na umawit si David na may instrumento mag-ingat tayo na hindi natin dapat gawing pamantayan ito. Kundi, kilalanin natin sa panahon natin na dapat nating awitin ang kapurihan ng Dios nang simple lamang, yamang ang mga anino ng Kautusan ay nakalipas na, at yamang sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesus napasaatin na ang katotohanan at kaganapan ng mga bagay na ito na noo"y ibinigay sa ating mga ninuno noong sila ay mangmang pa at maliit ang pananampalataya." Sa mga Synod (pagtitipon ng mga kinatawan ng mga simbahang Reformed) ng Drenthe sa Netherlands, maging ang Synod ng Dordrecht ng taong 1578 at ng Synod ng Middleburg ng taong 1581ay opisyal at mariing tinutulan at ipinagbawal ang pagtugtog ng organ bago, habang at pagkatapos ng pagsamba sa iglesia. Binanggit sa mga naturang Synod na ang paggamit ng organ ay pagbibigay-daan sa pamahiin (superstition) sa relihiyon, at ito ay kinundina bilang kaugaliang pagano, Judio at maka-Papa ng Iglesia Catolica.

 

Ang Pinagmulan ng Paggamit ng "Organ"

 

      Ang paggamit ng organ para sa pagsamba ay unang maiuugnay kay Pope Vitalian (657-672). Si Constantine Copronymos ay nagpadala ng organ kasama ang iba pa bilang regalo kay Pepin ng Francia noong 767. Magkakaiba ang naging reaksyon ng iglesia ukol sa paggamit ng organ. Kung minsan ang epekto nito ay katulad ng epekto ng mga imaheng santo sa mga tao maliban sa hindi ito sinasamba. Tinutulan ng Iglesiang Griego (Eastern o Greek Orthodox Church) ang paggamit ng organ. Samantalang ang Iglesiang Latin (Western o Roman Catholic Church) ay pinahintulutan ito bagamang may ilang protesta sa Kunseho ng Trent. Pinanatili ng Iglesiang Lutheran ang paggamit ng organ, subalit tinanggihan ito ng mga Iglesiang Calvinistic lalo na sa Switzerland at Scotland. Gayon pa man sa paglipas ng panahon hanggang sa kasalukuyan unti-unti nang humina ang mga pagtutol na ito sa paggamit ng organ.

 

Modernong Panahon

 

      Ang paglayo at paghiwalay sa totoong doktrina ng Ebanghelyo ng makapangyarihang biyaya ng Dios ay nagbunsod din ng paghiwalay sa Biblikal na pagsamba. Ang paniniwala ng karamihan na may likas na kakayanan ang taong makasalanan upang unawain at gampanin ang kalooban ng Dios ay naging batayan din ng paggamit ng mga instrumentong pangmusika sa loob ng simbahan at sa gawaing evangelism ng iglesia. Ang mga makabagbag-damdaming tugtugin at himnong pangrelihiyon ay kinasangkapan upang akitin ang mga hindi mananampalataya at panatilihing dumadalo ang mga myembro ng iglesia. Bunsod din ito ng kalituhan at kamangmangan sa tunay na kaugnayan ng Lumang Tipan sa Bagong Tipan ng Biblia. Inakala ng mga Pentecostal, Charismatic at maraming Evangelical Churches na ang tugtugan ng pagsamba sa Templo ng Lumang Tipan ay ipinag-uutos pa rin sa Bagong Tipan. Ngunit tinuturo ng Bagong Tipan na ang mga ito ay pawang mga anino lamang at ang katawan o kaganapan ay nakay Jesu-Cristo na (Colosas 2:16-17). Wala silang pinag-iba sa kamalian ng simbahang Catolico na pinananatili hanggang ngayon ang mga insenso, organ, pari, koro at higit sa lahat ay ang kasumpasumpang araw-araw na pagsasakripisyo kay Cristo sa pamamagitan ng hostia! Palibhasa"y iba at huwad ang ebanghelyo ng mga grupong ito ay iba rin ang dios na sinasamba nila. Sa pagsilang ng Pentecostal Movement noong 1920s naging kasangkapan ng katulad ni Aimee Semple MacPherson ang isang buong "bandang musiko" upang hikayatin ang kanilang mga tagapakinig. Noong 1950s naman sa pagsilang ng Rock "n Roll music ay ang kapansin-pansing pagsabay at paggaya ng mga Pentecostal at Evangelical churches bunsod ng Church Growth Movement sa agos ng musika ng sanlibutan hanggang sa kasalukuyan. Ngayon ay tinutugtog na ang iba"t ibang genre ng musika sa pagsamba sa mga simbahan. Mayroong pop, R&B, jazz, rock, boyband music, mellow, new wave, classical, at ang kahindik-hindik pa ay mayroon pang heavy metal na mayroong "makadios" na mga lyrics! Ang noo"y kinundina nila bilang musika ng Diablo ngayon ay ka-alyado at kasabwat pa nila upang makahikayat ng mga tao upang ang mga ito"y gawing doble pang mga anak ng impyerno! Ang mga Salmo, Himno at Awit sa Biblia na matagal nang panahon na inaawit ng iglesia ay hinubaran ng digdinad at dangal ng kanilang orihinal na tono at pinalitan ng modernong tono. Natuklasan nila ang isang bagong droga na hahanap-hanapin ng mga hipokrito. Hindi mo mapapasimba ang mga ito hangga"t hindi mo natitiyak sa kanila na tutugtugan mo sila ayon sa hinahanap nila. Ang pangingilabot at kilig na dulot nila ay hindi bunga ng banal na pagkatakot sa Dios kundi bunga lamang ng ugong ng bass drum at bass guitar at kakaibang tunog ng keyboard. Mapapatunayan mong nakasalalay lamang sa mga artipisyal na instrumento ang kanilang pagtangkilik sa pagsamba ng kanilang iglesia dahil kapag inalis mo ang kanilang mga instrumento ay magrereklamo sila na "walang buhay" ang pagsamba. Idadamay pa nila ang Banal na Espiritu at sasabihing wala ang Espiritu kung walang instrumento at tugtugan (Paano na kaya ang pagsamba kapag walang kuryente!). Maraming manggagawa sa mga simbahang ito ay ipinagtatanggol ang makabagong pagsamba hindi dahil nakakatiyak silang iniutos ito ng Biblia, kundi bumabatay sila sa kanilang hilig sa musika. Masasayang lang umano ang kanilang talento at hilig sa pagtugtog kung makaluma lamang ang paraan ng pagsamba na paiiralin ng kanilang simbahan. Hindi ba"t napakalalang kalapastanganan nito! Habang nakakapag-aral ng mas mataas ang tao ay naghahaka siya ng lalo pang malalang paraan ng maling pagsamba! Tulad na lamang dito sa Pilipinas ay mayroong grupo na nagtuturo ng tinatawag na Cultural Redemption bagamang wala namang ipinag-uutos ang Dios na tubusin ang ating kultura. Sa ngalan ng ganitong kaisipan ay itinuturo din ang pagsamba sa Dios ayon sa musika at instrumento ng kultura ng isang bansa. Subalit kung ang paggamit ng mga instrumento ayon sa pagsamba ng Israel sa Lumang Tipan ay pinawalang-bisa na ng paghahandog ni Cristo para sa katubusan ng Kanyang Iglesia, ano paano pa kaya ang paggamit ng mga pangkulturang instrumentong hindi kailan man ipinag-utos ng Dios!

 

       Ang Bastion of Truth Reformed Churches, na palibhasa"y lumabas at lumaya mula sa Pentecostal Movement at minsang naranasan ang ganitong "makabagong" mga pagsamba, ay naninindigan na ang dahilan ng pagtalikod na ito sa Biblikal at makasaysayang pagsamba sa Dios ay bunga ng maling kaalaman sa tunay na Ebanghelyo. Hindi maaaring ihiwalay ang paniniwala sa Ebanghelyo sa tamang pagsamba ng Iglesia. Ito ang tatlong pangunahing elemento na kinailangang ireporma noong panahon ng Reformation: doktrina, pagsamba at gobyerno ng iglesia sapagkat ang mga ito ay hindi maaaring paghiwahiwalayin. Mayroong mga "nagpapalusot" na nagsasabing Calvinist sila at naniniwala sa tunay na Ebanghelyo ng kaligtasan ngunit sinasamba ang Dios sa moderno o makabagong (ang totoo"y makalumang) paraan. Hindi naman daw maaapektuhan ang kaligtasan kung ganito ang paraan ng pagsamba basta"t ikaw ay naniniwala sa tamang doktrina ng kaligtasan. Isa itong malaking kahangalan! Ano ang naging reaksyon ng Banal na Dios noong gumawa si Aaron para sa Israel ng gintong guya at tinawag itong,  ""diyos" na naglabas sa iyo mula sa lupain ng Ehipto" (Exodo 32:4)? Ano ang ipinangalan nila sa gintong guya na ito? Rah? Molech? Baal? Hindi! Ang sabi ni Aaron sa bersikulo 5, ""Bukas ay pista sa Panginoon (Yahweh)!" Kinikilala nila si Yahweh na nagpalaya sa kanila mula sa pagkaalipin sa Egipto ngunit sinamba nila Siya ayon sa kanilang sariling paraan"sa anyo ng isang gintong guya. Ito ay nagbunsod sa Dios na ang Kanyang ""poot ay mag-alab laban sa kanila" (v.  10) sapagkat ang totoo"y hindi Siya ang kinakatawan ng gintong guya. Ito rin ang kalagayan ng nagasasabing naligtas sila sa pamamagitan ng biyaya lamang, marahil ay nagsasabi pang Calvinist sila ngunit sinasamba ang Dios sa pamamagitan ng mga makabagong awit at tugtugang hindi ipinag-utos ng Dios. Ito rin ang ipinapahayag ng mga pamantayang Reformed at Presbyterian: "Question 96. Ano ang nais ng Dios sa atin sa ikalawang kautusan? Answer. Na tayo sa anumang paraan ay hindi dapat ilarawan ang Dios sa pamamagitan ng mga imahen o rebulto; ni sambahin Siya sa anomang paraang hindi Niya ipinag-utos sa Kanyang Salita" (Heidelberg Catechism, Lord"s Day 35) at  gayon din, ""Ngunit ang katanggaptanggap na paraan ng pagsamba sa tunay na Dios ay Siya rin ang nagtatag, kaya ito"y itinatakda lamang ng Kanyang sariling ipinahayag na kalooban, upang hindi Siya sambahin sang-ayon sa mga haka at sariling likha  ng mga tao, o sa mga mungkahi ni Satanas, sa ilalim ng mga nakikitang anyo, o sa anomang kaparaanan na hindi itinakda ng Banal na Kasulatan" (Westminster Confession of Faith, 21:2). Ang mga Calvinistic na pagpapahayag (Confessions) ng pananampalatayang ito ay maliwanag na isinusulong ang Biblikal na paraan ng pagsamba sa Dios. Pinangangatawanan ng mga "totoong" Reformed at Presbyterian churches na ang kaligtasang bunsod ng tunay na Ebanghelyo ay "pagliligtas tungo sa tama at tunay na pagsamba." Ito ang hangarin ng Dios sa Kanyang pagpapalaya sa Israel mula sa Ehipto: "Bayaan mong umalis ang aking bayan  upang magdiwang sila ng kapistahan sa ilang para sa akin" (Exo. 5:1)"ang sambahin Siya ng Kanyang bayan ayon sa Kanyang kalooban. Walang sinuman ang may karapatang mag-angkin na bagamang siya ay Calvinist sa doktrina o nananalig sa tunay na Ebanghelyo ay maliligtas siya kahit "Pentecostal" ang paraan ng pagsamba niya! Iniligtas siya sa pamamagitan ng Ebanghelyo upang lumaya siya at tumalikod sa kanyang pagiging karnal, makasanlibutan at mapagsamba sa diosdiosan at tumalima sa Dios na buhay (1 Tesalonica 1:9). Ang Protestant Reformer na si John Calvin ay ipinagdiinan na ang isang tao ay hindi maaaring maging isang tunay na Cristiano habang wala siyang tamang kaalaman sa pagsamba. Winika niya, "Kung itatanong naman, kung paanong ang relihiyong Cristiano ay nananatili sa atin, at pinananatili ang katotohanan nito, matutuklasan na ang dalawang ito ay hindi lamang ang pinakatampok, kundi saklaw nila ang lahat ng bahagi, at gayon nga"y ang buong sangkap ng Cristianismo, iyon ay, ang kaalaman, una, ng tamang paraan ng pagsamba sa Dios; at pangalawa ay ang pinagmumulan kung saan dapat hanapin ang kaligtasan. Kapag winalang bahala ang mga ito, bagamang ipinagmamalaki nating tayo"y mga Cristiano, ang ating pagpapahayag ng relihiyon ay walang laman at walang kabuluhan" (Carlos Eire, War Against the Idols: the Reformation of Worship from Erasmus to Calvin [Cambridge University Press, 1986], p. 198). Kaya"t ang anyo ng pagsamba ay hindi isang maliit na usapin para sa mga tunay na mananampalataya, kundi saklaw nga nito ang katunayan ng kaligtasan!. Iisa lamang ang paraan ng pagsambang tinatanggap ng Dios. Ito ay ang itinakda lamang ng Biblia at hindi inimbento o pinaghusay ng galing, talento, teknolohiya o "pauso" ng tao. Ang iisang paraan lamang na ito ang dahilan kung bakit inililigtas ng Dios ang Kanyang iglesia sa pamamagitan ng tunay na Ebanghelyo.

 

 

 

Beware: False Gospels (Galatians 1:6-9)

 

Bulaang Pagsamba

Ronald R. Santos

 

Ipinapaalala sa mambabasa na ang layunin ng lathalaing ito ay hindi upang manira ng relihiyon o maging ng ibang sekta kundi ihantad ang mga kabulaanang bumubulag sa sangkatauhan sa pag-asang ang mga biktima ng bulaang ebanghelyo ay "baka sakaling pagkalooban ng Diyos ng pagsisisi tungo sa pagkakilala sa katotohanan, at sila"y matauhan at makawala sa bitag ng diyablo na bumihag sa kanila upang gawin ang kanyang kalooban." (2 Timoteo 2:25). Taglay rin ang pag-asang "tayo"y hindi na maging mga bata, na tinatangay-tangay ng mga alon at dinadaladala ng bawat hangin ng aral, sa pamamagitan ng pandaraya ng mga tao, sa pamamagitan ng kanilang katusuhan sa paraang mapandaya. Kundi humawak sa katotohanan na may pag-ibig"" (Efeso 4:14).

 

      Tuso"t mapanlinlang ang bulaang ebanghelyo bagama"t gumagamit ito ng mga terminolohiya ng Biblia ay hindi naman nito maitatago ang angking kabulaanan. Mahahantad at mahahantad din na ito"y ebanghelyong nakabatay sa tao at hindi sa Diyos. Alalahanin na ang Tunay at Tanging Ebanghelyong ipinangaral ng Panginoong Jesu-Cristo at ng mga apostol ay tinawag na Ebanghelyo ng Biyaya ng Diyos (Gawa 20:24), samakatuwid ang Tunay at Tanging Ebanghelyo ay mabuting balita ng pagliligtas ng Diyos sa pamamagitan ng ganap na katuwiran ni Cristo lamang at ni walang katiting na bahagi ang tao. Ang bulaang ebanghelyo ay pagbaliko sa katotohanang ito, kaya naman ang bulaang ebanghelyo bagama"t nasa iba"t ibang anyo ay iisa ang pinakaugat ng kabulaanan nito, ito nga"y pagtanggi sa 100% na biyaya ng Diyos sa pagliligtas at pagkilala sa bahagi ng tao sa anumang paraan.

 

      Ang bulaang ebanghelyo ay likas na malapit sa puso ng tao, umaayon ito sa kagustuhan at kalayawan ng tao. Kaya naman asahan mo na ang bulaang ebanghelyo ay ibibigay ang hilig ng tao upang makaakit ng todo. Kitang-kita ito sa larangan ng pagsamba. Marami ang nalilinlang ng bulaang ebanghelyo dahil sa uri ng pagsambang iniaalok nito. Ang karamihan sa tao ay sinusukat ang iglesya sa uri ng pagsamba nito at ni hindi na inaalam kung anong ebanghelyong itinuturo nito. Mali ang ganito, dapat ay sukatin ang iglesya at pagsamba nito sa pamamagitan lamang ng tamang panukat, ito"y ang Tunay na Ebanghelyo. Ang lahat ng gawa at gawi ng iglesya ay bunga lamang ng kung anong ebanghelyo ang niyayakap nito. Ang Tunay at Tanging Ebanghelyo ay magbubunga ng tamang pagsamba sa Diyos at ang bulaang ebanghelyo naman ay tiyak na magbubunga ng maling pagsamba. Ang isang iglesyang yumayakap sa Tunay at Tanging Ebanghelyo ay tiyak na sasaliksikin ang Banal na Kasulatan at tutuklasin ang tamang paraan na inilahad mismo ng Diyos kung paano Siya sasambahin, hindi siya maghahanap ng anumang paraan kundi ang paraan at kagustuhan na inilahad na ng Diyos.

 

      Kaya naman malalaman mo na bulaan ang ebanghelyong pinaniniwalaan ng isang iglesya kapag sinuri mo siya sa paraan ng pagsamba. Ang paraan ng pagsamba nito ay nakasentro sa kagustuhan ng tao at hindi sa kapahayagan ng kalooban ng Diyos. Iniisip ng mga nagpapatupad ng ganitong pagsamba na ang Diyos ay nalulugod sa mga iba"t iba at pabagu-bagong paraan ng pagsamba, ni hindi na sumagi sa isip nila na ang Diyos ay naghahanap ng uri ng pagsamba sa paraang Kanya mismong itinakda ("sa espiritu at katotohanan," Juan 4:23-24). Hindi nga sasagi sa isip nila ito sapagkat ang prinsipyo ng bulaang ebanghelyo ang naghahari sa kanilang mga kaisipan. Ang tanging alam nila ay dapat na sinserong sambahin ang Diyos sa anumang paraan, hindi na inisip na kapag mali ang pundasyon ay mali na ang lahat o kaya"y kapag mali ang puno ay tiyak na mali ang bunga; mali ang ebanghelyo kaya naman mali ang pagsamba.

 

      Hindi naman tinatawaran ang kanilang sinseridad, walang dudang sinsero nga sila, ngunit sinserong mali ang batayan at pamamaraan. Ang hangad ng Diyos ay sinserong pagsambang nakabatay sa Tunay at Tanging Ebanghelyo ng Biyaya ng Diyos at sa pamamaraang Kanyang itinakda, ito nga"y sa "espiritu at katotohanan" hindi sa laman at kamalian! Sinsero sila sa pag-awit ng masasaya"t malulumanay na makabagong "gospel songs" sa pagsamba ngunit hindi ito ang pamamaraan ng Diyos. Sinsero sila sa paglagay ng mga "drums," "bass guitar," "electric organ" at marami pang ibang instrumento sa pagsamba ngunit hindi ito ang pamamaraan ng Diyos. Sinsero sila sa pagdagdag ng "drama" sa programa ngunit hindi ito ang pamamaraan ng Diyos. Sinsero sila sa pagsingit ng "special number" ngunit hindi ito ang pamamaraan ng Diyos. Sinsero sila sa pagtawag ng "altar call" ngunit hindi ito ang pamamaraan ng Diyos. At kung anu-ano pang sinsero nilang ginagawa na tinatawag nilang pagsamba ngunit hindi iniutos at itinakdang pamamaraan ng Diyos. Ang mga ito"y bunsod ng kaisipang nais na maakit at maantig ang damdamin ng tao. Inilalagay nila ito sa pagsamba sapagkat ito ang "kinakagat" ng tao. Tao ang unang nasa isip bago ang Diyos. Kapakanan ng tao ang inuuna bago ang kapakanan ng Diyos. Ang gusto ng tao ang nasusunod hindi ang gusto ng Diyos. Ano ito? Wala nang iba kundi maling pagsambang bunga ng bulaang ebanghelyo. Kaya tingnan mo ang kanilang pagsamba, sumasalamin ito sa kanilang bulaang ebanghelyo. Tamang tama para sa kanila ang sinabi ng Panginoong Jesus mismo nang Kanyang winika ang mga kataga ni propeta Isaias, "Iginagalang ako ng bayang ito ng kanilang mga labi, subalit ang kanilang puso ay malayo sa akin. At walang kabuluhan ang pagsamba nila sa akin, na itinuturo bilang aral ang mga utos ng tao!" At heto pa, "Iniwan ninyo ang utos ng Diyos at inyong pinanghahawakan ang mga tradisyon ng tao. Maganda ang paraan ng inyong pagtanggi sa utos ng Diyos, upang masunod ang inyong mga tradisyon"kaya"t pinawawalang kabuluhan ninyo ang salita ng Diyos sa pamamagitan ng tradisyon na inyong ipinamana at marami pa kayong ginagawang mga bagay na katulad nito." Marcos 7:6-9, 13. 

 

      Kung sa kalooban ng Diyos ay minarapat niyang mapasakamay mo ang lathalaing ito, at nabasa mong waring laban sa iyong iglesya ang mga tinuran dito, at ikaw ay nasasaktan o nagagalit, ito"y sapagkat bulaang ebanghelyo pa rin ang iyong pinaniniwalaan, kaya mo naiibigan ang modernong paraan ng pagsamba at tuwirang ipinagtatanggol ito ay sapagkat bulaang ebanghelyo pa ang iyong niyayakap. Nawa"y buksan ng Diyos ang iyong kaisipan at bigyan ka ng lakas upang makalaya sa pagkabilanggo sa bulaang ebanghelyo at sumampalataya sa Tunay at Tanging Ebanghelyo ng Biyaya ng Diyos, magkagayo"y pagakakalooban ka ng Diyos ng tunay na kaligtasan na matatagpuan lamang sa Tunay na Cristo ng Tunay na Ebanghelyo!

 

       Sa mga iniligtas ng Diyos sa pamamagitan ng Kanyang Tunay at Tanging Ebanghelyo, patuloy natin Siyang sambahin sa pamamaraang Kanyang itinakda. Siya lamang at wala nang iba pa ang karapat-dapat! Sambahin natin Siya sa "espiritu at katotohanan!"

 

 

 

Retaining the Standard of Sound Words (2 Timothy 1:13)

 

"Salmo, Himno at mga Awiting Espiritwal"

Alex M. Aquino

 

Ipinapakita sa atin ng Efeso 5:19 at Colosas 3:16 kung ano ang mga awiting ginamit ng iglesia ng Bagong Tipan sa kanyang pagsamba. Ang mga awiting ito ay tinawag ni Apostol Pablo na mga "salmo, himno at mga awiting espiritwal" at siyang iniutos niyang awitin sa mga pagtitipon ng iglesia. Ngunit sa pagtakbo at paglipas ng kasaysayan ang mga talatang ito ay nabigyan ng maling pakahulugan. Bunsod na rin ito ng paglitaw ng maraming kamalian sa doktrina. Ang mga awitin ang isa sa mga epektibong paraan upang palaganapin ang bulaang ebanghelyo. Kapag may lumitaw na bagong relihiyon asahan mong may bago rin silang kathang awit o himno na sumasang-ayon sa kanilang kasinungalingan. Kadalasang pinagtatangi ng mga ito ang kahulugan ng "salmo," "himno" at "mga awiting espiritwal" upang bigyang katwiran ang kanilang maling aral. Bukod pa umano sa 150ng Salmo ng Lumang Tipan ay may kalayaan ang mga Cristiano na kumatha at gumamit ng mga bagong himno at awiting espiritwal sa mga pagtitipomg pagsamba. Ito ang dahilan kung bakit maraming simbahan sa kasalukuyan ang bumuo ng "himnaryo" na kadalasan ay naglalaman ng mga doktrina ng bulaang ebanghelyo ng Arminianism. Ang mga Pentecostals at Charismatics ("Born-Again") naman ay ikinakatuwiran ang binanggit ni Pablo na "mga awiting espiritwal" para sa kanilang tinatawag na "singing in the Spirit" at "singing to the Lord a new song."  Ang mga ito ay kadalasang inaawit sa dakong huli ng kanilang Praise and Worship kung saan kasabay ng paglalaro ng mga instrumento ay bumibigkas ang bawat mananamba ng kanilang sariling salita o liriko kasabay ang mga bugso ng emosyon"iyakan, tawanan at pangingilabot.

 

      Ngunit totoo bang ang mga binanggit ni Pablo na "salmo" (psalmos), "himno" (humnos) at "mga awiting (ode) espiritwal" ay tatlong magkakaibang uri o kategorya ng awitin sa pagsamba ng iglesia? Kung hindi naman ay bakit gumamit pa siya ng tatlong salita upang tukuyin ang mga awiting ito? Sa isang matiyaga at buong pagpapakumbabang pag-aaral ng mga talatang ito ay mapapatunayan nating iisang uri lamang ng mga awitin ang tinutukoy ng mga "salmo, himno at mga awiting espiritwal." Ito ay tumutukoy lamang sa mga Salmo ng Lumang Tipan. Ang mga sumusunod ang ating matibay na mga kadahilanan:

 

      Una, ang utos ni Pablo sa mga Cristianong taga-Efeso at Colosas ay hindi ang "kumatha" o "lumikha" sila ng mga salmo, himno at mga awiting espiritwal, kundi "magsalita" o "mangagusapan" (Efe. 5:19) at "magturo at magpaalalahanan" (Col. 3:16) sila sa isa"t isa sa pamamagitan ng mga ito. Pinahihiwatig nito na nasa kanila na ang mga awiting ito at ang gagawin na lamang nila ay gamitin ang mga ito sa kanilang mga pagsamba at pagpapaalala sa isa"t isa.

 

      Pangalawa, dapat isaalang-alang na ang mga lokal na simbahan noon ay nagpasimula sa pagsampalataya ng ilang mga Judio sa tuwing mangangaral ang mga misyonero ni Cristo sa mga sinagoga ng mga pangunahing lunsod. Sa kanilang pagbaling sa Ebanghelyo at pagsamba sa Ama sa pamamagitan ni Cristo pinanatili pa rin nila ang pag-awit ng mga Salmo ng kanilang Lumang Tipan. Di naglaon ay napabilang ang mga Hentil (lahing hindi Judio) sa iglesia. Kung ang mga Hentil na ito ay lilikha ng mga bagong himno at awiting espiritwal upang idagdag sa mga Salmo na iniingatan at minamahal ng mga Judio, tiyak na magkakaroon ng mga pagtatalo. Ngunit wala tayong mababasa sa Biblia o sa kasaysayan man na nagkaroon ng ganitong uri ng pagtatalo.

 

      Pangatlo, batid ni Pablo ang kalagayan sa lipunan ng mga Cristianong inaakay niya, na hindi ang marami sa kanila ay "marurunong ayon sa laman, hindi ang maraming may kapangyarihan, hindi ang maraming mahal na tao ang mga tinawag" (1 Cor. 1:26). Ibig sabihin, malamang ay wala sa kanilang may kaloob o talento ng pagkatha ng mga bagong awiting espiritwal.

 

      Pang-apat, walang binanggit sa Bagong Tipan na kaloob ng Espiritu na kakayahang kumatha ng awiting espiritwal. Ang mga kaloob o gifts ng Espiritu ay isa-isang binanggit sa Roma 12:6-8, 1 Corinto 12:4-10 at Efeso 4:11 subalit walang binanggit sa mga ito na kaloob o gift ng paglikha ng mga awiting pagsamba.

 

      Panglima, kung mayroon ngang nalikha o nakathang bagong himno at awiting espiritwal sa panahon ng mga apostol, sana"y naingatan at naipasa ito sa mga sumunod na henerasyon ng mga Cristiano kasama ang mga aklat ng Bagong Tipan. Ang mga Salmo ng Lumang Tipan ay tinipon, naingatan at naipasa kasama ng mga banal na aklat ng Lumang Tipan para sa mga sumunod na henerasyon.

 

      Pang-anim, ang mga salitang "salmo," "himno" at "awit" ay sali"t-salitang ginagamit sa mga Salmo ng Lumang Tipan lalo na sa saling Griego ng Lumang Tipan na tinatawag na Septuagint (o LXX). Ang saling ito ng Lumang Tipan ay ginamit ni Apostol Pablo lalo pa"t ang Griego ang karaniwang wika ng mga tao sa panahon niya. Isang halimbawa ng sali"t-salitang gamit ng salmo, himno at awit ay sa Salmo 76 (Septuagint), sa titulo nitong, "Sa Punong Mang-aawit: sa instrumentong may kuwerdas (o Neginoth na sa Septuagint ay isinalin bilang "Himno"). Salmo ni Asaf. Isang Awit." Gayon din ang salin sa mga Salmo 6, 54, 55, 61, 67 at 76, samantalang sa Salmo 4 ay isinalin ang Neginoth bilang "salmo." Sa Bagong Tipan sa Mateo 26:30 at Marcos 14:26 binanggit doon na ang Panginoong Jesus kasama ng Kanyang mga alagad ay "umawit ng himno" (humneesantes) sa hapunan ng Paskuwa (Passover). Ang himnong ito ay ang ikalawang bahagi ng "Hallel" ("Papuri") na kinapapalooban ng Salmo 115-118. Kaya ang "himno" na inawit ng Panginoong Jesus ay walang iba kundi mga kinasihang (inspired) Salmo ng Lumang Tipan!

 

      At panghuli, maaaring ikatwiran ng iba na bakit pa kailangang gamitin ni Pablo ang mga taguring "himno" at "awiting espiritwal" kung ang tinutukoy lang naman pala ng mga ito ay ang mga Salmo. Ang salitang "Salmo" ay may kahulugan na nagpapahiwatig na ang mga awit na ito ay inaakumpanyahan ng instrumento. Ngunit ito ay takda lamang sa Lumang Tipan (basahin ang artikulo tungkol sa instrumento sa pagsamba, pahina 16) at hindi na ito ginawa ng Panginoong Jesus, ni ng Kanyang mga apostol. Ang "Himno" naman ay naglalarawan sa mga Salmo ng Lumang Tipan bilang mga banal na awitin na kinapapalooban ng paghanga, papuri, pasasalamat, pagpapahayag (confession) at pagsamo sa Dios. Ang matandang pangalan ng Psalter (kalipunan ng mga Salmo) sa wikang Hebreo ay Sepher Tehillim o Book of Praises o sa mababaw na taguri ay Hymn-Book. Samantala, mayroong konteksto ang liham ni Pablo sa mga taga-Efeso kung bakit tinukoy niya ang mga Salmo bilang "awiting espiritwal." Ang mga Asiaticong Griego noong panahon niya ay mahilig sa musika. Libangan nila ang paglalasing kasabay ng mga magagaspang at malalaswang awitan at biruan. Ang kanilang mga pistang pangrelihiyon ay kinapapalooban ng mga orgy (walang taros at walang pigil na pagsasaya kasama ang mga imoral na gawain) ng mga diosdiosang sina Bacchus (dios ng alak) at Venus (diosa ng kagandahan, pag-ibig at pagnanasa) na kinatatampukan ng mga awiting mahahalay. Upang salungatin ang mga kaugaliang ito, binigyang diin ni Pablo na bigyang-buhay ng mga mananampalataya ang kanilang mga pagtitipon sa pamamagitan ng "kagalakang bigay ng Espiritu" at ipahayag ang kanilang sarili sa pamamagitan ng mga "awiting kinasihan ng Espiritu" (mga Salmo). Ikinabit ni Pablo ang salitang "espiritwal" sa simpleng salitang "awit" upang itangi ito sa mga "awiting maka-demonyo." Sa dalawampu"t limang (25) beses na pagkagamit ng salitang "espiritwal" (pneumatikos) sa Bagong Tipan, hindi ito kailan man tumukoy sa espiritu ng tao. Sa 24 na pagkagamit nito tinutukoy ang Espiritu Santo at nangangahulugan itong "nabibilang sa Espiritu;" "takda ng Espiritu;" "kaloob ng Espiritu;" "pinangunahan ng Espiritu;" "kinasihan ng Espiritu." Ang nalalabing gamit ng salitang ugat na pnuematikos ("espiritwal") na binanggit sa Efeso 6:12 ay tumutukoy naman sa espiritu ng mga demonyo. Kaya ang mga "espiritwal na awitin" ay mga awiting mula sa Espiritu at kung gayo"y "kinasihan" ng Espiritu, at hindi likha o haka ng "espiritu" ng tao. At ang mga kinasihang awit na ito ng Banal na Espiritu ay walang iba kundi ang mga Salmo ng Lumang Tipan.

 

      Kaya"t walang duda na ang tinutukoy ni Pablo sa mga "salmo, himno at mga awiting espiritwal" ay ang mga kinasihang Salmo (inspired Psalms) ng Lumang Tipan lamang"ang mga awit ni Moises; ang mga Salmo ni Haring David; ang himnaryo ng ikalawang Templo ng Israel; ang awit ng mga Judio sa kanilang mga sinagoga; ang mga himnong inawit ng Panginoong Jesus at ng Kanyang mga apostol; ang "mga awiting espiritwal" ng Iglesia ng Bagong Tipan.

 

 

 

Demolishing Arguments (2 Corinthians 10:5, 6)

 

Awit 150

Christian Joy B. Alayon

 

"Purihin ang Panginoon! "Purihin siya sa tunog ng trumpeta"salterio at alpa"tamburin at sayaw"sa mga panugtog na may kuwerdas"ng mga matunog na pompiyang"sa mga pompiyang na maiingay " Purihin ang Panginoon!

 

Madalas sa mahuhusay na tugtugan, nagiging mas aktibo ang tainga kaysa sa isip. Kapag pinalo na ang tambol at halos lumiyad na ang gitarista habang paulit-ulit kinakaskas ang kanyang gitara, nagbabago na ang 'awra' ng tao at nadidiktahan ang damdamin ng bawat nakakarinig ng musika. Nagmumukha siyang baliw na walang kahihiyan at parang lasing na wala sa katinuan at walang kapaguran sa pagtakbo paroo't parito sa lahat ng sulok ng entablado. Nakikisabay naman ang buong konggregasyon sa sayaw at walang humpay na palakpak. Matapos ang masiglang tugtugan, oras na para sa mga malumanay na uri ng musika na lalong pinaghusay ng malamig na boses ng manganganta. Nakikisabay naman ang konggregasyon habang nakataas ang mga kamay at nakapikit ang mga matang luhaan na gaya ng isang bigo. Ito ang paraan ng ating pagsamba noon"kilala sa tawag na "Praise and Worship."

 

      Inangkat sa mga simbahan ang samo't saring imbensyon at modernong paraan ng pagsamba. Pinakapatok ang paggamit ng mga musikal na instrumento. Maraming simbahan ang magagaling mag-"fund-raising" at gumagastos ng malaking halaga (kahit hirap na hirap na ang iba), makapagipon lamang ng perang pambili ng sari-saring instrumentong pang-musika. Sa Pilipinas, halos lahat ng ito ay mga Arminians, na dahil na rin sa paniniwalang makalalapit ang tao sa Dios sa sarili niyang pasya, ay ganun din ang paniniwalang pinahintulutan sila ng Dios na sumamba sa "the best" nilang paraan. Ang masamang paniniwalang ito ang dahilan kung bakit marami ang naliligaw at hindi nakasasamba sa paraang ipinahayag ng Dios. Upang maipakita ring sila'y sumusunod sa kalooban ng Dios, naghanap sila ng mga talata sa Banal na Kasulatan upang suportahan ang paraan ng pagsambang bunga ng kanilang imahinasyon. Ang Awit 150 ang pangunahing depensang ginagamit ng mga simbahang ito. Sa Awit na ito ay halos anim (6) na uri ng instrumentong pang-musika ang binanggit, maliban pa sa sayaw, at sa tuwing binabanggit ay sinasabing "purihin Siya" sa tunog ng mga ito. Bakit nga ba binanggit sa Awit 150 ang mga instrumentong pang-musika? Nagpapahintulot ba ito na gumamit tayo ng mga instrumentong pang-musika sa ating pagsamba?

 

Katangian at Layunin ng mga Musikal na Instrumento sa Awit 150

 

      Ang iglesia sa Matandang Tipan ay inihalintulad ng Galatia 4:1-3 sa isang bata. Itinuro sa kanila ng Dios ang katotohanan ng ebanghelyo sa pamamagitan ng mga larawan at mga seremonya, tulad din ng paggamit natin ng mga larawan kapag nagtuturo tayo sa mga maliliit na bata. Ang mensahe ng Aklat ng mga Awit ay itinuturo sa pamamagitan ng napakaraming mga seremonya at larawan. Binabanggit ang "alay na handog" (54:6; 107:22; 118:27), "handog na sinusunog" (Ps. 20:3; 50:8; 51:19; 66:13, 15), "dambana" o "altar" (Ps. 26:6; 43:4; 51:19; 118:27), at "bahay ng Dios" o "templo" (Ps. 101:2; 122:1). Tinuturo din ng Salmo ang paglakad sa bahay ng Dios (Ps. 101:2), pagpunta sa bahay ng Panginoon (Ps. 122:1), pagsamba sa banal na templo ng Dios (Ps. 5:7; 138:8), at ang paninirahan at pagsangguni sa templo ng Dios (Ps. 27:4). Ang mga ito'y larawan at seremonya na ang layunin ay magturo ng dakilang katotohanan. KABILANG sa mga seremonya at larawang ito ang mga musikal na instrumento.

 

      Ang mga sinusunog na alay, templo, dambana, kasama ng mga musikal na instrumento sa Awit 150, ay may parehong katangian; ang mga ito'y LARAWAN, SEREMONYA, at ANINO. Ayon sa Hebreo 10:1, "Yamang ang kautusan ay ANINO LAMANG ng mabubuting bagay na darating, at hindi ang tunay na larawan ng mga bagay na ito, kailanman ay hindi nito mapapasakdal ang mga lumalapit sa pamamagitan ng gayunding mga alay na laging inihahandog taun-taon." Ayon sa talata, ang Matandang Tipan ay nagtuturo ng ebanghelyo sa pamamagitan ng samo't saring mga larawan, seremonya, at anino, at ang mga larawang ito ay nagkaroon naman ng katuparan sa Bagong Tipan sa pagdating ng Panginoong Jesus hanggang sa Kanyang kamatayan.

 

      Subalit dahil sa ito'y mga larawan, seremonya, at anino lamang, ito'y maglalaho KAPAG dumating na ang katuparan (Colosas 2:16, 17). Ang larawan ay HINDI ang tunay na bagay, hindi ito ang MISMONG katotohanan, kundi larawan lamang. Kaya nga, kapag dumating na ang MISMONG tunay na isinasalawaran (tunay na bagay), kinakailangang maglaho ang mga larawan, seremonya at anino. Tulad na lamang ng pagsusunog ng mga hayop na naglalarawan ng kamatayan ng Panginoong Jesu-Cristo. Hindi na tayo pinahihintulutan ngayon na magsunog ng hayop para sa Dios sapagkat natupad na ni Cristo ang isinasalarawan niyon. Ang katuparan nito kay Cristo ay nagtuturong iwanan na natin ang mga seremonyang iyon, sapagkat ang tunay na bagay (katuparan kay Cristo) ay nakahihigit sa larawan o seremonya (pagsusunog ng hayop). Ang pakinabang ng mga larawan ay nakabatay lamang sa katuparan, at walang halaga ang larawan kung wala ang katuparan o ang mismong bagay na isinasalarawan. Kaya nga ang pananatili sa larawan, seremonya, at anino, gayong dumating na ang katuparan, ay katumbas ng pagtanggi at kawalang-pagpapahalaga sa katuparan. Kung pananatilihin ang mga seremoya, instrumento, sayaw, altar, insenso, at iba pa, ito ay pagpapawalang-halaga kay Cristo na siyang katuparan ng lahat ng mga ito.

 

      Ang mga instrumentong pang-musika na binanggit sa Awit 150 ay kabilang sa mga larawan at seremonya na nagkaroon ng katuparan sa Bagong Tipan. Kung ang ibang seremonya, tulad ng pag-aalay ng mga hayop, ay naglaho na sa Bagong Tipan, ang paggamit din ng musikal na instrumento sa pagsamba ay dapat ding ihinto. Kung ipagpipilitan ninuman na kailangang gamitin pa ang mga musikal na instrumento sa pagsamba ngayon, dapat lamang na isagawa rin niya ang iba pang seremonyang binanggit sa Matandang Tipan, tulad ng pag-aalay at pagsusunog ng mga hayop, mga altar at insenso (Awit 66:13-15), at LAHAT ng seremonya sa Matandang Tipan. Wala siyang karapatan na tanggihan ang iba o piliin lamang ang kanyang magustuhan. Natatali siyang ipatupad ang lahat ng mga ito at huwag tanggihan ang kahit na isa. Subalit kung pinananatili niya ang mga larawang iyon, hindi niya nauunawaan at hindi niya pinahahalagahan ang katuparan ng mga iyon kay Cristo.

 

Paraan ng Paggamit ng mga Musikal na Instrumento sa Awit 150

 

      Ang paraan ng paggamit ng mga musikal na instrumento sa Matandang Tipan ay mismong itinatag ng Dios sa panahon ni Moises. Hindi ito bunga ng pagpapasya ng Israel. Hindi ito inangkat ng Israel dahil nakita nilang moderno na ang panahon o dahil lamang nakita nilang epektibong gamitin. Ang uri ng instrumentong gagamitin, ang mga taong tutugtog nito, at kung kailan ito gagamitin, ay may direktang utos ang Dios. Walang silbi ang paggamit ng mga instrumentong pang-musika sa Matandang Tipan kung hindi susundin nang mahigpit ang lahat ng paraan na iniutos ng Dios.

 

Ano ang Pagka-unawa ng Mga Hudyo sa Awit 150?

 

      Ayon sa mga mga dalubhasa sa kasaysayan ng Biblia at iglesia, ang pagsamba sa Bagong Tipan ay naisunod sa sinagoga. Subalit ang mga instrumento ay hindi ginagamit sa mga sinagoga hanggang sa ipakilala ito noong 1810. Maging ang mga hudyo bago at matapos mabuhay ang Panginoong Jesus, ay hindi ipinaliwanag ang Awit 150 ayon sa pagpapaliwanang ng mga simbahan sa ating panahon. Akala ng mga simbahang gumagamit ng mga instrumentong pang-musika sa kanilang pagsamba ay matagal nang panahong tradisyon ng iglesia ang pagpupuri sa saliw ng mga instrumentong ito. Subalit kung susuriin mo ang kasaysayan ng iglesia, hindi ito makikita sa panahon ng mga apostol. Ang pag-angkat ng mga instrumentong ginagamit sa pagsamba ay inimbento lamang at hindi talaga itinuturo ng Banal na Kasulatan. Sa mismong panahon ng Panginoong Jesu-Cristo ang mga instrumentong pang-usika ay hindi rin makikitang ginamit. Bagaman kinakanta ng mga Hudyo ang Aklat ng mga Awit sa kanilang pagsamba, hindi sila nag-angkat ng mga instrumento. Hindi nila inunawa ang Awit 150 ayon sa pagkaunawa ng mga iglesia ngayon. Alam ng mga apostol at unang mananampalataya sa Bagong Tipan na hindi na dapat pang gamitin ang mga instrumentong pang-musika sa pagsamba. Kaya nga silang lahat ay namatay at inilibing na hindi man lamang nakaranas na pumalo ng tambol, kumalabit ng kwerdas ng gitara, at umihip ng trumpeta sa oras ng pagsamba.

 

Ano ang Itinuturo ng Salmo 150

 

      Maliban sa hindi tayo gumagamit ng mga instrumentong pang-musika sa pagsamba, tayo sa BTRC ay hindi rin gumagamit ng mga bagong likhang mga kantang pinasisikat sa ating panahon. Kinakanta natin ang Aklat ng mga Awit na mismong kinatha ng Banal na Espiritu upang ating gamitin sa pagsamba sa Dios. Subalit, bakit nga ba natin kinakanta, binabasa, at ginagamit sa pagsamba ang Awit 150 kung hindi naman natin ginagawa ang literal na sinasaad ng liriko nito?

 

      Ito'y sa kadahilanang ang Aklat ng mga Awit ay "poetical" book." Bukod sa paggamit ng mga seremonya, larawan, at anino, ang mga salitang ginamit dito ay puno ng sari-saring mga "figures of speech." Halimbawa na lamang ay ang Awit 6:6, "...sa bawat gabi ay pinalalangoy ko ang aking higaan, dinidilig ko ang aking higaan ng aking mga pagluha." Maaari nating ipaliwanag na literal na umiiyak si David sa kanyang higaan, subalit hindi naman maaaring ipaliwanag na literal na "bumabaha" sa kanyang kwarto dahil sa kanyang mga luha! May mensahe itong tinuturo na nakapaloob sa ginamit na "figure of speech." Sa ganitong dahilan ay hindi natin ginagawa ang literal na sinasaad ng liriko ng Awit 150, tulad ng paggamit ng mga instrumentong pang-musika sa pagsamba.

 

      Ang mga gumagamit ng sari-saring musikal na instrumento sa kanilang pagsamba ay ipinaliliwanag ang Salmo 150 nang literal. Subalit ang literal na pag-unawa dito ay humihingi na ipatupad ito nang mahigpit na walang labis at walang kulang. Lahat ng nabanggit na instrumento at sayaw ay dapat na gamitin. Hindi maaaring isa lamang o dalawa, o ilan lamang ang gamitin, kundi lahat ng nabanggit. Ang talata ay humihimok na purihin si Yahweh ng lahat ng may hininga. Kung iaangkat natin ang mga instrumentong ito sa ating pagsamba, kinakailangang ang buong konggregasyon ay tumugtog ng instrumento sa bawat pagsamba. Ang mga pagano at lahat ng nilikha ay dapat ding sumamba sa Dios gamit ang mga instrumentong ito.

 

      Ang Awit 150 ay nagtuturo ng malawakang pagsamba dahil sa kadakilaan at kapangyarihan ni Yahweh. Ipinakilala ng Dios ang Kanyang Sarili bilang Dios na hindi lamang nagtalaga ng lahat ng bagay kundi Siyang nangangasiwa sa lahat at nagsasagawa ng may malaking kapangyarihan. Ang Kanyang makapangyarihang gawa at kadakilaang pambihira ay ipinahayag at malinaw na ipinakita, at tanging motibo ng tunay na pagsamba. Ginamit ang mga seremonya at larawan ng musikal na instrumento upang ituro sa atin ang pandaigdigan at masayang pagpupuri na nararapat ialay kay Yahweh. Subalit ipinaliwanag naman ng Bagong Tipan kung ano ang ibig sabihin at paano isasagawa ang pagpupuring ito sa ating panahon; ito'y sa pamamagitan ng paglikha ng musika sa ating mga puso sa Panginoon (Efeso 5:19). Hindi lang tayo lumilikha ng tono sa pamamagitan ng pagkanta, bagkus ay ipinahahayag ang kalooban at biyaya ng Dios. Ito ang napapaloob sa Salmo. Ang pagsamba ay bunsod ng makapangyarihan at maluwalhating biyaya ng Dios sa kanyang mga iniligtas. Ito ang nagbibigay ng galak sa puso ng bawat tunay na mananamba. Sa awit na ito ay ipinauna na ang pagsamba na aabot sa bawat sulok ng buong daigdig sapagkat lahat ng mga bagay na may hininga ay sinasabing magpuri sa Dios. Binigyang katuparan ito sa Bagong Tipan nang ang ebanghelyo ng pagliligtas ng Panginoong Jesus ay ipangaral sa bawat sulok ng mundo. Ito ang makapangyarihang gawa ng Dios. Ito ang Kanyang kadakilaang pambihira! Ito ang musika sa puso ng bawat mananampalataya. Hindi ang tugtog ng gitara at tambol, o anomang instrumento ang nagdidikta ng kanyang damdamin upang maging masaya at aktibo sa pagpupuri. Kung sa mga instrumentong ito nakabatay ang kanyang sigla at pagnanais na magpuri, tuluyang nailalayo ang kanyang kalooban at isip sa kapangyarihan at kaluwalhatian ng Dios.

 

Ang Musikal na Instrumento na Nabanggit sa Bagong Tipan

 

      Walang ring pahintulot ang Bagong Tipan na maaari nating gamitin ang mga musikal na instrumento sa pagsamba. Nakapagtataka naman na sa napakaraming pagkakataon na itinuro sa Bagong Tipan ang pagsamba, hindi ni minsan itinuro ang paggamit ng mga instrumentto. Wala ring natala kahit isang pagkakataon na ang mga mananampalataya sa Bagong Tipan ay gumamit ng instrumento. Tulad ng nasabi sa itaas, ang intrumento ay ipinakilala lamang sa sinagoga noong 1810. Ang sistemang ito ay bago lamang at imbensyon na ipinagpilitang ipasok sa simbahan.

 

      Ayon sa Hebreo 13:15, "...maghandog tayong patuloy ng alay ng pagpupuri sa Diyos, samakatuwid ay ng bunga ng mga labi na nagpapahayag ng kanyang pangalan." Sapat na ang "labi na nagpapahayag ng kanyang pangalan" bilang pagsamba sa Bagong Tipan. Hindi na kailangan ang mga instrumentong pang-musika, sayaw, at iba pang panlabas na paraan ng pagsamba sa Lumang Tipan. Sa Efeso 5:19 naman ay sinasabing "Kayo'y magsalita sa isa't isa sa mga awit at mga himno at mga awiting espiritwal, na sa inyong mga puso ay nag aawitan at gumagawa ng himig (music o melody) sa Panginoon." Ang salitang Griyego ng "himig (musika)" ay psallo, na nangangahulugang "to pluck the strings of an instrument." Subalit ang paggawa ng musika (pagkalabit ng kwerdas) ay iniutos sa talata na gawin "sa inyong mga puso""  Ang kahulugan nito ay "kalabitin ang kwerdas sa inyong puso dahil sa Panginoon." Itinuturo ng talata na ang pagsamba ay hindi panlabas na gawain ng katawan, kundi may kinalalaman sa kalooban ng tao. Kapag ang puso ay hindi nakaranas ng biyaya ng Dios, at hindi natuturuan ng ebanghelyo, hindi siya makasasamba sa tamang motibo, at lalong hindi siya makasasamba sa tamang paraan. Kung ang kanyang puso ay nilinis ng Dios, magagawa niyang "kalabitin ang kwerdas sa kanyang puso," at tunay na kagigiliwan ang napaka-simpleng paraan ng pagsamba na ipinahayag ng Dios. Ang mapagbiyayang Panginoon, na tumupad sa lahat ng isinalarawan sa Lumang Tipan, ang nagbibigay sigla sa puso ng mga mananampalataya upang lumikha ng musika sa kanilang mga puso. Kaya kapag ang puso ay gumawa ng musika sa pamamagitan ng pagsambang lumalabas sa bibig ng mga mananampalataya, hindi na kailangan pa ang mga musikal na instrumento. Subalit kung ang puso ay mangmang sa ebanghelyo, hahanapin muna niya ang mga musikal na instrumento at mahuhusay na tugtugan saka siya sasamba sa sariling paraan.

 

      Ang aklat ng Apocalipsis ay may binabanggit din tungkol sa paggamit ng alpa sa langit (Rev. 5:8; 14:2; 15:2). May ilan din na ginagamit ito upang patunayan ang paggamit nila ng samo't saring instrumentong pang-musika sa kanilang pagsamba. Subalit dapat din nating unawain na ang Apocalipsis ay gumagamit ng maraming larawan at simbulo mula sa Matandang Tipan upang ipakita nang malinaw ang mga katotohanang natupad sa Bagong Tipan. Sa aklat na ito si Cristo ay tinawag na "kordero" (Apocalipsis 5:6, 8, 12, 13; 6:1, 16; 7:9, 10, 14; 12:11; 13:8; 14:1, 4, 10, etc.). Ang iglesia ay tinatawag naman na  "templo" (3:12; 11:1,2) at "bagong Jerusalem" (3:12; 21:2, 10). Ginagamit din ang "kaban ng bagong tipan" (11:19) at ang "altar" (6:9; 8:3, 5; 9:13; 11:1; 14:18; 16:7) upang ipakita sa pamamagitan ng mga larawang ito ang krus at ang Panginoong Jesus bilang Punong Pari at mismong handog na inihain bilang katuparan ng pangako sa Lumang Tipan para sa kapatawaran ng kasalanan ng mga hinirang. Ang mga bagay sa Matandang Tipan ay ginamit na larawan ng mga katuparan sa Bagong Tipan. Binibigyang diin na ang Bagong Tipan ay katuparan ng mga pangako sa Matandang Tipan. Ayon sa Apocalipsis 5:8, nakita ni Juan ang apat na nilalang na buhay at ang dalawanpu't apat na matatanda na  may "mga mangkok na ginto na puno ng insenso..." subalit iyon ay "siyang mga panalangin ng mga banal." Ang mga larawang ito ay hindi dapat ipaliwanag nang literal. Huwag nating isipin na si Cristo ay isang literal na kordero, o ang iglesia bilang literal na templo, o ang ating mga panalangin bilang literal na insenso. Ito'y mga larawan lamang. Sa ganitong paraan din binanggit ang mga instrumentong pang-musika. Gaya na lamang ng mga "trumpeta" (1:10; 4:1; 8:13; 9:14) na binanggit hindi bilang musikal na instrumento na sasabayan sa pagkanta kundi simbulo ng TINIG o KAPAHAYAGAN ng paghatol. Ayon pa kay Juan may narinig siya na hindi literal na trumpeta bagkus ay "tinig...na GAYA ng sa trumpeta..." (4:1). Maliwanag na walang pahintulot ang Bagong Tipan sa pagsambang ginagamitan ng musikal na instrumento. Ang mga instrumentong pang-musika ay mga larawan, seremonya, at anino lamang na hindi na pinahihintulutang gamitin sa Bagong Tipan. Ang sistema na pinaiiral ngayon sa mga simbahan ay makabagong paraan ng pagsamba at imbensyon lamang.

 

Naiibang Paraan ng Pagsamba!

 

      Napakaraming imbensyon ang inaangkat ng mga simbahan sa kanilang pagsamba. Dahil ito'y bunga lamang ng imahinasyon ng tao, ang pagsambang ito ay naiibang paraan ng pagsamba at hindi maituturing na "biblikal." Wala sanang problema kung sinabi ng Dios na maaari natin Siyang sambahin sa abot ng ating makakaya o sa pinakamahusay nating magagawa at sariling paraan. Pero nilimitahan lamang ng Dios ang paraan ng ating pagsamba. Ang pagsamba ay hindi isang programang pinagkakasunduan, pinagpapasyahan, o pinagbobotohan ng konggregasyon. Mayroon nang paraan na ipinag-utos ang Dios na gawin natin sa pagsamba. Kung lalagpas tayo sa paraang ipinahayag Niya iyon ay pagsuway na sa Kanya. Hindi na iyon pagsamba kundi pagyurak sa Kanyang kabanalan. Kaya nga ang mga imbensyong ito ay walang basbas ng Dios kundi may katumbas pang hatol ng Dios. Wala silang makikita kahit isang talata sa Biblia na susuporta sa kanilang imbensyon.

 

      Ang dahilan kung bakit naiiba ang paraan ng pagsamba ng maraming iglesia sa ating kapanahunan ay sa kadahilanang ang sentro ng kanilang katuruan ay ang paniniwalang makalalapit ang tao sa Dios sa kanyang sariling kagustuhan at pagpapasya. Maaari siyang magdesisyon kung kailan lalapit sa Dios, at kung sa anong paraan lalapit sa Dios. Ginagawa nila kung ano ang ayon sa kagustuhan ng tao at kung ano ang nakakaakit sa tao. Nag-aangkat sila ng samo't saring musikal na instrumento upang makaakit lalo na ng mga kabataan. Pinipili nila ang mga mahuhusay na manunugtog at may talento sa pagkanta, at inaatasang pangunahan ang konggregasyon sa kanilang pagsamba. Ito ay nakadesenyo na salingin ang damdamin ng tao upang maakit.

 

      Ayon sa Eclesiastes 5:1, "Ingatan mo ang iyong mga hakbang kapag ikaw ay nagtungo sa bahay ng Dios. Ang lumapit upang makinig ay mas mabuti kaysa magbigay ng handog ng mga hangal, sapagkat hindi nila nalalaman na sila'y nagsisigawa ng kasamaan." Ang hangal na tinuturo sa talata ay mga taong lumalapit sa Dios upang sumamba, subalit ang kanilang pagsamba ay hindi ayon sa pagsunod sa paraang ipinahayag ng Dios. Ang pagsunod ay hindi sa pamamagitan ng paggawa ng mga bagay na inaakala nating maganda. Kahit ang hangarin natin ay mag-alay sa Dios, at kahit pa ginagawa natin ang "the best" na ating makakaya, hangal pa rin ang tawag sa atin ng Biblia kung gagawin natin iyon sa sarili nating paraan at kagustuhan. Ang pagsunod ay nagsisimula sa pakikinig sa kung ano ang gusto ng Dios at hindi kung ano ang gusto nating paraan ng pagsamba. Ayon sa iba "moderno na ang panahon kaya maaari naming gamitin sa pagsamba ang pagbabagong ito."  Ito'y isang paraan ng pag-amin na ang sistema ngayon ay bago lamang, naiibang paraan, at hindi matatagpuan sa Biblia. Ito'y bulaang pagsamba sapagkat nadidiktahan ng tao at pagbabago ng tao o panahon. Ito ang mga taong nagsisigawa ng kasamaan sa harap ng Dios sapakat ayaw makinig sa kapahayagan ng Dios.

 

      Marami ang nayayamot at tinatamad kapag walang instrumentong pang-musika sa kanilang pagsamba. Kaya "boring" ang tingin niya sa pagsamba kung walang instrumento. Patunay din ito na hindi ang kadakilaan ng Dios ang nagbubunsod sa kanila na sumamba. Isang bagay din na nagpapatunay na ang instrumentong pang-musika na inangkat sa mga simbahan ay desenyo hindi upang bigyang lugod ang Dios, kundi upang aliwin ang tao; ito ang kasalungat ng tunay na pagsamba. Hindi naiintindihan ng marami na sa pinakamasayang oras nila sa pagtugtog, habang sila'y pinagpapawisang malagkit sa kasasayaw sa saliw ng samo't saring makabagong instrumento, ay nalalapastangan nila ang pagsamba sa banal na Dios.

 

      Likas na sa atin ang pagiging magulo, subalit nais ng Dios na ang pagsamba ay gawin ng may kaayusan (1 Cor 14:40). Dahil nais ng Dios na magkaroon ng kaayusan sa pagsamba, nagbigay siya ng panuntunan kung paano magkakaroon ng kaayusan. Ito ay bunsod ng patnubay ng Kanyang Salita. Ang pagsamba ay pagbibigay lugod sa Dios sa paraang inihayag ng Dios at hindi pagbibigay lugod sa layaw ng tao. Ang ebanghelyo ang nagbubunsod sa atin na sundin ang Dios at iwaksi ang sariling hilig. Ang ebanghelyo ay nagdadala sa atin sa Biblikal at tunay na pagsamba.

 

      Huwag sanang isipin ng mambabasa na bias o may kinikilingang pang-sektang paniniwala ang sumulat ng artikulong ito. Sa katunayan lahat ng mga sumusulat ng mga artikulo sa The Bastion of Truth Newsletter ay nanggaling sa mga simbahang Pentecostal na kilala sa mga magarbong tugtugan sa kanilang pagsamba. Karamihan sa kanila ay mismong dating manunugtog ng gitara at tambol at ang ilan ay "song-leaders" sa kanilang mga Praise and Worship services. Ngunit dahil iminulat sila ng Dios sa katotohanan ng Ebanghelyo, iminulat din sila sa tunay at katanggap-tanggap na pagsamba sa Kanya.

 

      Sinabi ng Biblia na kapag "...ang Panginoon ay nasa kanyang templong banal; tumahimik ang buong lupa sa harapan niya!" (Habakuk 2:20). Ang paninibugho ng Dios ay nasa mga taong lumalapastangan sa itinalaga Niyang pagsamba. Iniaalay ang papuri sa nag-iisa, kagalang-galang, at banal na Dios, kaya dapat gawin ito nang may paggalang at pag-iingat. Kung ang mga anghel na hindi nagkasala ay nagtatakip ng kanilang mga mukha sa harap ng Dios bilang pagkilala sa Kanyang kabanalan, tayo pa kayang makasalanan, kapag lumalapit sa kanya, ay nararapat na magpakita ng banal na pagpupugay. Kung kikilalanin natin ang Kanyang kamahalan at banal na presensya dapat nating alamin kung ano lamang ang itinakda niyang paraan ng pagsamba sa Kanya. Nang ipag-utos ng Dios ang ating pananahimik sa loob ng templo, tinuturuan Niya tayong makinig at alamin mula sa Kanyang kapahayagan ang tamang paraan ng pagsamba. Hindi Niya hinihingi na sambahin natin Siya sa ating sariling paraan at kung ano ang tingin nating "the best" na maiaalay natin sa kanya. Makinig tayo sa Kanya upang makasamba sa kanyang paraan. Lahat ng bagay na may hininga ay magpuri sa Panginoon! Purihin ang Panginoon!

 

 

 

Pillars in My God"s Temple (Revelation 3:12)

 

AUGUSTINE OF HIPPO (Part 2)

(354 - AUGUST 28, 430 ad)

Christian Joy B. Alayon

 

Laban sa Maling Katuruan

 

Maraming taon bago isilang si Augustine, ang iglesia sa Africa ay halos mahati dahil sa kontrobersya hinggil sa mga Donatists. Sa panahon ng pag-uusig sa iglesia sa pamumuno ni Emperor Decius (gayon din nina emperor Galerius at Diocletian), ang maraming mga Cristiano sa Africa ay tumindig laban sa mga pag-uusig, pagkakulong, at kamatayan. Subalit mayroon ding nagkompromiso na hindi tumayo sa pag-uusig. Ayon sa mga Donatists ang mga pari nila ay inordina ng mga paring nanatiling matapat sa panahon ng pag-uusig, at sila ang Church of the Martyrs. Pinaniniwalaan nilang ang mga sakramentong isinagawa ng kamay ng mga hindi karapatdapat ay walang bisa. Bukod pa rito, ang mga nagnanais na makabalik sa iglesia matapos ang pag-uusig ay muling tatanggapin ng iglesia kung sila"y nagsisi. Subalit ang mga Donatists ay naniniwalang ang pakikiisa sa mga mang-uusig ay pagkahulog sa biyaya at kung sila ay manunumbalik sa iglesia, magsisimula muli sila, kabilang ang muling pagbabautismo sa kanila. Naniniwala rin ang mga Donatist na ang kabanalan ng iglesia ay nakabatay sa kabanalan ng mga miyembro lalo na ng mga namumuno. Ipinagtanggol ni Augustine na ang kabanalan ng iglesia ay hindi dahil sa mga miyembro kundi dahil kay Cristo na siyang Ulo nito. Sumulat si Augustine nang may paggalang at pag-iingat laban sa kanila sa pag-asang maaayos ang lahat sa mapayapang paraan  (subalit natuklasan niyang kailangang hingin ang tulong ng pamahalaan upang mapigilan ang mga Donatists). Mahabang panahon ding sumulat at nangaral si Augustine tungkol sa kontrobersyang ito. Dumating sa puntong itinatanggi na ng mga Donatists ang pinaniniwalaan nila. Natatakot na ang mga pinuno ng mga Donatists na mapasakamay ni Augustine ang kanilang mga lathalain sapagkat hindi nila kayang sagutin ang mga panulat at pangangaral niya. Noong 403 ang synod ng Carthage ay nagkasundong magsagawa ng conference na tinanggihan naman ng mga Donatists. Kinalaunan, ang synod ng Carthage ay humiling kay Honorius na maglabas ng kautusan upang dumalo ang mga Donatists sa isang conference, at dahil alam ng mga Donatists na kailangan na nilang dumalo, isinaayos na ang magaganap na pagpupulong. Malaki ang ginampanan ni Augustine sa tagumpay ng pagpupulong. Mula noon, naging iligal na ang samahan ng mga Donatists, at bagamang ang malalaking simbahan at pinakamalaking konggregasyon sa Hippo noong 390s ay pag-aari ng mga Donatists, kinalaunan ay tuluyan na silang nabuwag. Maraming mga lathalain at aklat ang isinulat ni Augustine tungkol sa kanila na ang iba ay narito pa hanggang ngayon.

 

Si AUGUSTINE laban sa mga PELAGIANS

 

Ang pinakadakilang pakikipaglaban ni Augustine ay ang laban sa mga Pelagians at Semi-Pelagians. Isang Briton na nagngangalang Morgan (sa Latin ay Pelagius) ang nagsimulang mangaral na tinutuligsa ang nakikita niyang bumabagsak na pamantayang moral. Nakikita niya ang mga Cristianong namumuhay nang hindi tama at ginagawang dahilan ang pagiging makasalanan ng tao. Ang tugon niya ay: "Walang katuturan. Binigyan ka ng Dios ng malayang kalooban (free will). Maaari mong piliin ang halimbawa ni Adan o ang halimbawa ni Cristo. Binigyan ng Dios ang bawat isa ng biyayang kinakailangan niya upang gumawa ng mabuti. Kung hindi ka mabuti, kailangan mo lang subukang paghusayan pa." Ang kaligtasan ayon kay Pelagius ay nakabatay sa natural na abilidad ng tao na gumawa ng mabuti at pagsikapan ang sariling kaligtasan sa pamamagitan ng mabubuting gawa. Siya ang may pasimuno ng bulaang katuruang malaya ang kalooban (free-will) ng tao upang piliin ang kanyang kaligtasan. Hindi siya naniniwala sa katuruan ng Biblia na ang tao ay may minanang kasalanan kay Adan kung kaya siya ay tunay na makasalanan at walang kakayahan na gumawa o loobin man ang kanyang kaligtasan. Nakita ni Augustine na ang turo niya ay banta sa katotohanang ang Dios lang ang nag-iisang mabuti. Ang turo ni Pelagius ay humihimok sa tao na isiping ang kaluguran ng Dios ay natamo nila dahil sa kanilang pagsisikap. Tinanong siya ni Augustine tungkol sa orihinal na kasalanan, at sumagot siya na, "...walang gayong bagay." Tinanong siya ni Augustine, "sa kasong iyan, bakit buong mundo ay binabautismuhan ang mga sanggol?" Hindi ito nasagot ni Pelaguis. Kinondena si Pelagius ni Pope Innocent I, subalit ibinalik ni Pope Zosimus. Tinanggihan ni Augustine ang desisyon ni Zosimus. Kinalaunan ay lumitaw ang mga Semi-Pelagians (early form of Arminianism), na hango sa prinsipyo ng Pelagianism. Ibinuhos ni Augustine ang pakikipaglaban sa bulaang katuruang ito. Kinalaunan,  nanghawakan ang mga Romano Catolico sa Semi-Pelagianism. Bukod sa pagsasawata ng maling katuruan ng Pelagianism at Semi-Pelagianism, itinuro rin niya ang doktrina ng makapangyarihan at partikular na biyaya (biyayang mabisa at para lamang sa mga hinirang). Tinanggihan din niya ang "free offer of the gospel" at "common grace," sa puntong tinawag niyang "splendid vices" ang sinasabing mabubuting gawa ng mga pagano.

 

Ebanghelyong Kanyang Ipinangaral

 

Matibay na pinaniniwalaan ni Augustine ang universality ng relihiyong Cristianismo. Ayon sa kanya, sa lahat ng panahon mula nang itatag ang sanlibutan ay laging pinahahayag ang katotohanan, at ang Cristianismo ang pinakamalinaw na kapahayagan; isang relihiyong kasingtanda na ng sanlibutan. Itinuro niyang ang kapangyarihan ng biyaya ng Dios at kalooban ng Dios na hindi batay sa ano mang merito ng tao (o ano mang bagay na nagaganap sa ibabaw ng lupa) ang tanging daan ng kaligtasan. Ang pag-anib sa iglesia, pamumuhay na banal, at ang paggamit ng kasangkapan ng biyaya ay mahalaga sa isang itinalaga sa kaligtasan subalit hindi ito kondisyon sa kaligtasan. Ayon din sa kanya, ang bilang ng mga hinirang ay tiniyak na at hindi na magbabago, at sila ang iglesia, ang mamamayan sa kaharian ng Dios. Ang iglesia sa mundo, sa paningin ng Dios, ay binubuo ng mga hinirang lamang. Marami nga ang mga nagsasabing ang katagang  "outside the church there is no salvation" na sinabi ni Augustine, ay nangangahulugang "sa labas ng bilang ng mga pinili ay walang kaligtasan." Itinuro niya ang katotohanan ng Banal na Kasulatan na ang makapangyarihang biyaya ay para lamang sa mga hinirang, double predestination, limitadong pagtutubos, pagkatunay na makasalanan ng tao, at imputed guilt. Itinuro din niya ang pagbabautismo ng mga sanggol. Nakalulungkot lang na ang kanyang katuruan ay hindi tinanggap ng mga Romano Catolico kundi nanghawakan sila sa bulaang katuruang nilabanan ni Augustine. Bukod pa rito, pinatay ng mga Romano Catolico ang mga magigiting na nanghawakan sa katuruan ni Augustine (tulad ni Gotteschalk noong ika-9 na siglo), hanggang sa dumating ang yugto ng Repormasyon na muling ibinantayog ng Dios ang tunay na Ebanghelyo ng Biblia na ipinangaral ni Augustine.

 

Pagpanaw

 

Kapag ibinubuhos ng Dios ang kanyang biyaya sa isang tao, hindi lamang Niya iyon ipinapaalam kundi ipinaparanas mismo sa kanyang buhay. Ang isang hinirang na dinala sa biyaya ay nakararanas na makita ang lalim ng kanyang pagkatunay na makasalanan (total depravity), at ang laki ng biyaya ng Dios. Ayon nga kay Herman Hoeksema sa ganitong kalalagayan ni Augustine ay"natikman niyang 'ito ay hindi ayon sa kalooban o pagsisikap ng tao, kundi ayon sa habag ng Dios." Naging totoo sa kanyang karanasan na tanging ang mabisang biyaya lamang ang sapat na maglalabas sa makasalanan sa kadiliman tungo sa liwanag, at ang "free-will moralism" ni Pelagius ay kasuklam-suklam sa kanya dahil sa karanasang iyon" Mauunawaan natin"na nang si Pelagius at ang kanyang mga disipulo ay nagsimulang gumawa ng kasinungalingan sa doktrinang" malinaw na laban sa Kasulatan"buong puso niyang sinuong ang pakikidigma," ang biyayang ito ng Dios ay hindi lamang sa kaligtasan niya pinaranas kundi sa buong buhay niya. Pinalaya siya hindi lamang sa maling katuruan kundi sa dating masamang buhay.

 

      Mahilig siya sa gulay bagamang may mga inihahain sa kanyang mga karne. Ang kutsara niya ay pilak, at ang ibang gamit niya ay gawa sa kahoy, luwad, at marmol. Mabait siya sa mga panauhin at ayaw na ayaw niya ng tsismis. Mariin niyang sinasaway maging ang mga obispo na lumalabag dito. Tumutulong siya sa mga dukha ayon sa mga kaloob ng mga mananampalataya. Namatay siyang walang sariling pag-aari. Ang ari-arian ng iglesia ay ipinagkakatiwala niya sa mga may kakayahang clergy, na nagbibigay ng ulat sa kanya bawat taon. Kapag ang iglesia ay walang sapat na  pananalapi, ipinaaalam niya sa mga mananampalataya na wala nang pantulong sa mga mahihirap. Minsan ay pinatutunaw niya ang mga pinggan ng simbahan upang may maitulong lamang sa mahihirap o pantubos sa mga bilanggo. Ang mga clergy ay nakatirang kasama niya at ang sumapi sa kanila ay hindi pinahihintulutang magkaroon ng personal na ari-arian. Ang mga babae, maging kamag-anak, ay hindi pinahihintulutang makasama nila. Ang mga ulila at balong naghihirap ay dinadalaw niya. Subalit hindi siya dumadalaw sa mga babae malibang kinakailangan.

 

      Bago ang kanyang kamatayan, ang mga Vandals, (mga barbaro na kilala sa walang humpay na paninira " dito galing ang salitang "vandalism"), matapos sakupin ang Espanya mula sa Hilaga, ay nasangkot sa digmaang sibil sa Hilagang Africa, at nilupig nila ang Africa. Ang mga natalong hukbo ay tumungo ng Hippo kung kaya nilupig din ito ng mga Vandals. Sa ikatlong buwan ng pananakop, si Augustine, ang bishop ng Hippo, ay nilagnat at namatay noong Agosto 28, 430, sa gulang na 76. Bago siya mamatay, nangaral pa rin siya maging sa mga sandali ng karamdaman. Sa biyaya ng Panginoon, ang kanyang mga sulat ay naipamana sa iglesia at hindi nawala sa pananakop ng mga Vandals.

 

      Siya si Augustine, isang tunay na makasalanan ngunit sinagip at iniligtas ng tanging biyaya lamang ng Diyos na nahayag kay Jesu-Cristo!

 

_______________________________________________________________