btrc_header_4

Bastion of Truth Reformed Churches in the Philippines

Standing fast in one spirit with one mind striving together for the faith of the gospel which was once delivered unto the saints. (Phil 1:27, Jude 3)
Home About Us Beliefs and Practices Standards History Articles Publication Classis Directory Menu
" Issue No.8 "

May - August 2008

"Ang Ebanghelyo--Unconditional Election"

 

 

"O Ang Kalaliman..."

Christian Joy B. Alayon

Ang Katotohanang Kinamumuhian sa Amin

Alex M. Aquino

"Rebrobation"

Romel V. Espera

 

Ultimong Karapatang Pagpili ng Diyos (Isang Tula)

Regino Capinig

Pinili Ayon sa Paunang Kaalaman

Christian Joy B. Alayon

Tunay na Ebanghelyo: Salungat sa Bulaang Ebanghelyo sa Mismong Diwa Nito

Ronald R. Santos

"Pagtalaga at Pagpili"

salin sa Tagalog ni Ronald R. Santos

Doktrina ng Paghirang

A.W. Pink; salin sa Tagalog ni Ronald R. Santos

Gotteschalk: Martyr for Predestination

salin sa Tagalog ni Mary Grace Cariaga Alayon

 

 

The Dwelling Word (Colossians 3:16)

 

"O Ang Kalaliman"!"

Christian Joy B. Alayon

 

"O ang kalaliman ng mga kayamanan ng karunungan at ng kaalaman ng Diyos! Hindi masuri ang mga hatol niya, at hindi masiyasat ang kanyang mga daan!"

Roma 11:33

 

Ang ebanghelyo ng biyaya ng Diyos ay napakagandang musika sa pandinig ng isang hinirang na binuksan na ng Diyos ang puso upang sumampalataya rito. Natural at normal na reaksyon niya ang magalak kapag dumating na ang takdang oras na siya ay kikilusin ng imposibleng matanggihang pagkilos ng Diyos upang kanyang maunawaan at sampalatayanan ang ebanghelyo. Ang hindi mapigilang tugon niya ay humanga sapagkat sa oras na iyon ay kanyang nakita ang kaluwalhatian ng Diyos. Kaya nga sa paglipas ng panahon, kapag ang kanyang buhay ay napuno ng kahirapan at kasawian, sa anumang kadahilanan na ito ay kanyang naranasan, ang ebanghelyo pa rin ang magpapanauli ng kanyang kagalakan.

 

Si apostol Pablo, habang sumusulat sa mga taga-Roma tungkol sa ebanghelyo ng biyaya ng Diyos, ay hindi napigilan ang sarili na purihin ang Diyos dahil sa sobrang paghanga. Katatapos pa lamang niyang isulat ang kapahayagan ng pagpapawalang-sala sa mga hinirang ng Diyos (sa mga Judio at Hentil) bunsod ng Kanyang biyaya na walang ambag ang tao. Habang pinagninilay-nilayan niya ang ebanghelyo kusang umawit ang kanyang puso sapagkat napahanga siya nang husto sa Diyos. Sa ebanghelyo ay nahayag "ang kalaliman ng mga kayamanan ng karunungan at ng kaalaman ng Diyos!"

 

O ang kalaliman ng mga kayamanan ng Diyos! Ang tao ay madaling maakit at humanga sa kayamanan. Marami ang nabubulag sa salapi, ari-arian, at halos sa lahat ng bagay na kumikinang. Subalit hindi ito ang kayamanan ng Diyos sapagkat nilikha Niya lamang ang mga ito. Ang Kanyang kayamanan ay ang mismong Kanyang pagka-Diyos. Ang lahat ng Kanyang katangian bilang Diyos, ang Kanyang biyaya, pag-ibig, katarungan, habag, kabanalan, kabutihan; ang lahat ng ito ay ang kalaliman ng Kanyang kayamanan. Tinawag itong "kayamanan" sapagkat ang kanyang pagka-Diyos ay kahanga-hanga at pinagmumulan ng tunay na buhay para sa mga hinirang. Ano mang hiwalay sa Kanya ay karukhaan at kamatayan. Ang mga nasa Kanya ay nasa tunay na kayamanan.

 

Ang kayamanang ito ng Diyos ay nahayag sa lahat ng Kanyang gawa at natala sa Banal na Kasulatan. Inihayag sa atin na ang lahat ng Kanyang gawa na ginawa sa kapangyarihan ng Kanyang pagka-Diyos, ay ginawa Niya dahil sa layunin Niya kay Cristo at sa mga hinirang. Subalit ang kayamanan Niya ay nakikita lamang ng mga hinirang na binago na ng ebanghelyo. Ang hindi mananampalataya ay bulag sa kalaliman ng kayamanan ng Diyos. Kaya nga hindi nila matanggap na may hinirang ang Diyos batay sa Kanyang purong biyaya. Sa halip na humanga sa kalaliman ng kayamanan ng Diyos ay sinasabi nilang hindi makatarungan o "unfair" ang Diyos kapag may hinirang Siya. Hindi nila ito makikita sa ngayon hanggang sa hatulan sila ng Diyos at doon nila matutuklasan na ang kayamanang ito ay kanilang niyurakan habang sila"y nabubuhay pa sa pamamagitan ng kanilang pagtanggi sa ebanghelyo ng biyaya ng Diyos. Subalit sa mga hinirang na binigyan ng pananampalataya, ay ipinasilip na ng Diyos ang Kanyang malalim na kayamanan. "O sino ang nakapagbigay na sa kanya, at siya'y mababayaran?" (v. 35). Kaya nang makita ni apostol Pablo ang Diyos na makapangyarihan sa Kanyang panukalang kaligtasan sa mga hinirang kay Cristo, napahanga siya sa pagkakatanto na ang kanyang nakita ay ang kalaliman ng kayamanan ng Diyos.

 

O ang kalaliman ng mga karunungan ng Diyos! Ang karunungan ng Diyos ay ang Kanyang katangiang paglakip-lakipin ang lahat ng Kanyang itinakda at ipinanukala upang matupad ang itinakda Niyang layunin sa lahat ng bagay: ang Kanyang kaluwalhatian. Sa mata ng tao, maraming bagay ang nagaganap na wari bang hindi napansin o nakita ng Diyos, hindi itinakda, hindi kalooban, at hindi para sa kaluwalhatian ng Diyos. Subalit malalim ang karunungan ng Diyos. Ang lahat ng bagay, ang mga hinirang kay Cristo, ang kabutihan, ang kasalanan, ang kamatayan, ang kapahamakan ng mga taong itinakda sa kahatulan, ang lahat ng ito ay may puwang sa itinakdang layunin ng Diyos. Hindi natin maarok kung sa paanong paraan ang mga ito ay mauuwi sa kaluwalhatian ng Diyos. "Hindi masuri ang mga hatol niya, at hindi masiyasat ang kanyang mga daan!" (v. 33). Subalit ang lahat ng ito ay itinakda Niya upang pagsilbihan ang Kanyang kaluwalhatian! O ang kalaliman ng mga karunungan ng Diyos!

 

Ang Diyos ay tunay na marunong kaya hindi Siya nagkakamali sa anumang Kanyang itinakda at pinapangyari. Ang pagkakasala ng tao, ang kamatayan, ang katigasan ng ulo ng masasama na tumangging magpasakop sa Diyos, ang ating kahirapan sa buhay na ito, ang lahat ng ito ay hindi nakababawas sa kaluwalhatian ng Diyos. Ang Kanyang mga panukala, pasya, at pagpapatupad ng Kanyang layunin ay perpekto hanggang sa pinaka-maliit na detalye. Ang kakayahan Niyang gumawa ng perpekto na walang puwang sa anumang pagkakamali ay may kinalalaman din sa Kanyang kaalaman!

 

O ang kalaliman ng mga kaalaman ng Diyos! Ang Kanyang isip ay nakatuon sa lahat ng bagay na walang nakakalusot sa Kanyang kaalaman. Tayo kapag may iniisip ay nakatuon lamang sa isang bagay. Mahirap para sa atin ang isipin ng magkakasabay ang dalawa, tatlo, o higit pang bagay, kaya nga marami tayong nakakalimutan at hindi napapansin. Subalit ang Diyos ay malalim ang kaalaman. Kanyang nalalaman ang lahat ng mga pangyayari hanggang sa pinakamaliit na detalye sapagkat Siya mismo ang nagpapangyari sa mga ito sa Kanyang kaalaman.

 

Sapagkat ang lahat ng bagay ay nagmumula sa Kanyang isip at kalooban. "Sapagkat sino ang nakakaalam ng pag-iisip ng Panginoon? 0 sino ang kanyang naging tagapayo?" (v. 34). Walang nagturo sa Kanya kung ano ang Kanyang mas marapat na gawin; walang nagbigay ng mungkahi upang paghusayin ang Kanyang mga panukala; at walang tumulong sa Kanya upang gawing mabisa ang Kanyang gawa. Ang buong panukala ng kaligtasan, mula sa paghirang sa mga ililigtas hanggang sa buong kaligtasan ng mga hinirang, ay batay sa kalaliman ng kaalaman ng Diyos.

 

Sa atin, sa pinakamaliit na bagay na ating ginagawa, ay kinakailangan ang mungkahi ng iba at tulong ng mga kasangkapan upang magawa natin nang mas mahusay ang inaasam nating magawa. Kaya nga kung may kinalalaman ang ating gawa sa kaligtasan imposible tayong maligtas. Subalit ang Diyos ay gumagawa sa kalaliman ng Kanyang kaalaman. Humirang Siya ng tiyak na bilang ng mga maliligtas kay Cristo sa pamamagitan ng malalim Niyang kaalaman.

 

"O ang kalaliman ng mga kayamanan ng karunungan at ng kaalaman ng Diyos! Hindi masuri ang mga hatol niya, at hindi masiyasat ang kanyang mga daan! Sapagkat sino ang nakakaalam ng pag-iisip ng Panginoon? 0 sino ang kanyang naging tagapayo? O sino ang nakapagbigay na sa kanya, at siya'y mababayaran? Sapagkat mula sa kanya, at sa pamamagitan niya, at para sa kanya ang lahat ng mga bagay. Sumakanya nawa ang kaluwalhatian magpakailanman. Amen" (Roma 11:33-36).

 

Ang kalaliman ng mga kayamanan ng karunungan at ng kaalaman ng Diyos ay hindi natin maarok nang lubusan! Subalit pinagninilay-nilayan natin sapagkat pinasilip ito sa atin ng Diyos sa kapahayagan ng ebanghelyo. Kung paanong ating nakikita ang taas ng langit at ang lalim ng karagatan bagaman hindi lubos na maarok ng ating paningin, gayon din ay ipinakita sa atin ng Diyos ang lalim ng Kanyang kayamanan, karunungan, at kaalaman, na hindi lubos na maaarok ng ating pag-iisp.

 

Ang paghirang sa mga ililigtas Niya kay Cristo ay nahayag ang kalaliman ng Kanyang kayamanan, karunungan, at kaalaman. Ipinangalat Niya sa iba"t-ibang bahagi ng sanlibutan, lipi, at wika ang mga hinirang sa kalaliman ng Kanyang kayamanan, karunungan, at kaalaman. Itinakda Niya ang araw ng kapanganakan at kamatayan ng mga hinirang dahil sa kalaliman ng Kanyang kayamanan, karunungan, at kaalaman. Kinakalap Niya ang kanyang mga hinirang sa pamamagitan ng pangangaral ng ebanghelyo sa kalaliman ng Kanyang kayamanan, karunungan, at kaalaman. Sa gayon din itinakda Niya ang iba sa kapahamakan dahil sa kalaliman ng Kanyang kayamanan, karunungan, at kaalaman. Sumakanya nawa ang kaluwalhatian magpakailanman. Amen.

 

 

 

Our Gospel Stand (Philippians 1:27)

 

Ang Katotohanang Kinamumuhian sa Amin

Alex M. Aquino

 

Ang tunay na Cristianismo ay palaging kinamumuhian ng kanyang mga kaaway sa kanyang kasaysayan, hindi lamang ng mga Pagano, kundi lalo na ng mga nag-aangking sinasampalatayanan din nila ang Biblia at ibinabatay ang kaligtasan kay Cristo. Kaya ang Cristianismo ay masasabing isang sambahayang nahahati sa kanyang sarili. Walang pahinga ang mga pakikibaka at pakikipaglaban alang-alang sa katotohanan. Isa sa mga pinakatampok na dahilan ng pagkamuhi ng mga bulaang relihiyon sa tunay na Cristianismo ay ang doktrina ng "Paghirang" o Election. Ipinapahayag ng Biblikal na katotohanan ng "paghirang" o election na ang Diyos, ayon sa Kanyang malaya, mapagbiyaya at makapangyarihang kapasiyahan ay humirang o pumili [batay] "kay Cristo" bago pa likhain ang sanlibutan ng takdang bilang ng mga tao na ililigtas Niya tungo sa buhay na walang hanggan.

 

Iba-iba ang reaksyon ng mga tao kapag ipinakilala at binuksan mo sa kanila ang paksa ng Election. May makitid ang pag-iisip na namimilosopo. May itinatanggi ito na para bagang ni hindi man lang nabanggit kahit minsan ang salitang ito sa Biblia. Kahina-hinalang hindi nila seryosong binabasa ang kanilang Biblia at pinipili nila ang mga talatang ibig lang nilang basahin at paniwalaan. Ang iba naman ay huhusgahan ka kaagad at kung anu-anong taguri ang itatawag nila sa iyo tulad ng ikaw ay "Baptist", extreme, Hyper-Calvinist at ng kung anu-ano pa dahil lang binasa mo ang isang talata ng Biblia na nabanggit ang salitang "elect" o "election"!

 

Ngunit ang katotohanan ng Election ay hindi inililihim ng Salita ng Diyos, kundi mula pa sa Lumang Tipan ng Biblia ay binibigyang-diin na ito. Hindi makatuwirang hikayatin mo ang sinuman na basahin at suriin ang Biblia pagkatapos ay pagbabawalan mo siyang basahin ang mga talatang tulad ng Deuteronomio 7:7, Juan 15:16, Roma 9:11-13, Efeso 1:4, 2 Tesalonica 2:13, 14, at marami pang iba dahil binabanggit ng mga ito ang katotohanan ng Election!

 

Ang Pagkahirang sa Israel

 

Ang relihiyon ng mga Israelita ay nakasandig sa paniniwalang ang Israel ay bayang pinili ng Diyos. Ang pagpiling ito ng Diyos ay isinakatuparan sa pamamagitan ng pagpili Niya kay Abraham at sa kanyang binhi mula sa Ur sa gitna ng kanyang pagsamba sa mga diyus-diyosan upang magtungo sa Lupang Pangako at mapagtibay ang Tipan sa kanya ng Diyos (Gen. 11:31-12:7; 15, 22:15-18; Neh. 9:7; Isa. 41:8). Hinirang ng Diyos ang binhi ni Abraham sa pamamagitan ng pagtubos sa kanila mula sa pagkaalipin sa Egipto sa pangunguna ni Moises kung saan sa Bundok ng Sinai ay muling pinagtibay ang dating Tipan kay Abraham at itinakdang dalhin sila sa Canaan bilang kanilang tahanan (Exo. 3:6-10; Deut. 6:21-23; Awit 105). Ang sanhi o dahilan ng pagpiling ito ng Diyos sa Israel ay ang Kanyang malaya at makapangyarihang pag-ibig: "Hindi kayo inibig ng Panginoon, ni pinili kayo ng dahil sa kayo'y marami sa bilang kay sa alin mang bayan; sapagka't kayo ang pinakamaliit sa lahat ng mga bayan, kundi dahil sa inibig kayo ng Panginoon, at dahil sa kaniyang tinupad ang sumpa na kaniyang isinumpa sa inyong mga magulang, ay inilabas kayo ng Panginoon sa pamamagitan ng makapangyarihang kamay at tinubos kayo sa bahay ng pagkaalipin, mula sa kamay ni Faraon na hari sa Egipto" (Deut. 7:7-8; 23:5). Hindi pinili ng Diyos ang Israel dahil ito ay nararapat o kaya nama"y dahil ito ang unang pumili sa Diyos at sumampalataya sa Diyos. Ang totoo pa nga"y siya ang pinakakaunti sa lahat ng bayan, hindi matuwid, mahina at rebelde.

 

Paghirang sa Bagong Tipan

 

Ang Tipan ng Diyos sa Israel ay saklaw din ang mga Hentil (mga lahing hindi kabilang sa bayan ng Israel), sapagkat noong tawagin si Abraham mula sa Ur ay ipinahayag ng Diyos sa kanya, ""pagpapalain sa iyo ang lahat ng angkan sa lupa" (Gen. 12:3; 18:18; Gal. 3:8). Kaya ang totoong bayang katipan ng Diyos ay hindi lamang matatagpuan sa lahi ng Israel kundi mula rin sa mga Hentil na sumasampalataya sa Panginoong Jesu-Cristo (Gal. 3:7, 29). Kaya kung sila na mga espiritwal na anak o lahi ni Abraham ay hinirang ng Diyos, ang bawat mananampalatayang Hentil ay hinirang din ng Diyos.

 

Unang binibigyang-diin ng Bagong Tipan na ang Panginoong Jesu-Cristo, ang ipinangakong Tagapagligtas ng Israel, ang "Hinirang ng Diyos" (par excellence), "At may tinig na nanggaling sa alapaap, na nagsasabi, Ito ang aking Anak, ang aking hirang: siya ang inyong pakinggan" (Luc. 9:35; cf. Juan 1:34; Luc. 23:35). Ang Panginoong Jesus mismo ay walang-dudang ipinapahayag na ang Diyos na Kanyang Ama ay pumili ng mga taong ibinigay sa Kanya bago pa itatag ang sanlibutan upang kamtan ang buhay na walang hanggan: "Gaya ng ibinigay mo sa kaniya ang kapamahalaan sa lahat ng laman, upang bigyan niya ng buhay na walang hanggan ang lahat ng ibinigay mo sa kaniya" (Juan 17:2, 6, 12, 24). Ang kalipunan ng mga hinirang na ito o sila na mga "ibinigay ng Ama kay Cristo" ay ang Iglesya (Isa. 43:20; 1 Ped. 2:9; 2 Juan 1, 13) at ang mga kaanib ng Iglesya ay hinirang hindi dahil sa kanilang magagandang katangian o anumang kanilang nagawa para sa Diyos, kundi sila ay pawang mga mahihina, hamak at mangmang (1 Cor. 1:27; Sant. 2:5) upang maitanghal ang habag at kabutihan ng Diyos. Alang-alang sa mga hinirang (pinili) paiikliin ng Diyos ang mga araw ng pighati (Mat. 24:22) at ang lahat ay madadaya ng bulaang aral at susuko sa pag-uusig maliban sa ilan dahil sila"y hinirang (Mat. 24:24).

 

Ang mga hinirang na ito ay hindi pinili ng Diyos dahil nakini-kinita Niya na sila"y sasampalataya, kundi sumasampalataya sila dahil sila"y itinalaga o itinakda (hinirang) sa buhay na walang hanggan: "At nang marinig ito ng mga Gentil, ay nangagalak sila, at niluwalhati ang salita ng Diyos: at nagsisampalataya ang lahat ng mga itinalaga sa buhay na walang hanggan" (Gawa 13:48). Pansinin na hindi sinabi dito na "itinalaga ang nagsisampalataya" kundi "nagsisampalataya ang itinalaga."

 

Sa maingat na pagpapaliwanag ni Pablo ng Ebanghelyo ng biyaya ng Diyos hindi maaaring hindi niya mabanggit ang katotohanan ng Election o paghirang dahil lalo pa nitong nililinaw ang katotohanan ng biyaya ng Diyos: "Sapagka't yaong mga nang una pa'y kaniyang nakilala [inibig], ay itinalaga naman niya na maging katulad ng larawan ng kaniyang Anak, upang siya ang maging panganay sa maraming magkakapatid: at yaong mga itinalaga niya, ay kaniyang tinawag naman: at ang mga tinawag ay inaring-ganap naman niya: at ang mga inaring-ganap ay niluwalhati din naman niya" (Roma 8:29, 30). Gayon din ang nagdudumilat na katotohanan sa magkasalungat na tadhana ng magkapatid na Esau at Jacob: "Sapagka't ang mga anak nang hindi pa ipinanganganak, at hindi pa nagsisigawa ng anomang mabuti o masama, upang ang layon ng Diyos ay mamalagi alinsunod sa pagkahirang, na hindi sa mga gawa, kundi doon sa tumatawag, ay sinabi sa kaniya, Ang panganay ay maglilingkod sa bunso. Gaya ng nasusulat, Si Jacob ay inibig ko, datapuwa't si Esau ay aking kinapootan" (Roma 9:11-13). At para lalo pang patunayan na ang mga ililigtas ng Diyos ay nakatakda na, hindi lang bago isilang ang tao at makagawa siya ng mabuti o masama, kundi bago pa nga likhain ang sanlibutan ay nakatakda na kung sino ang maliligtas, sinabi din ni Pablo, "Ayon sa pagkapili niya sa atin sa kaniya bago itinatag ang sanglibutan, upang tayo'y maging mga banal at mga walang dungis sa harapan niya sa pagibig" (Efe. 1:4); Gayon din, "Nguni't kami ay nararapat magpasalamat sa Diyos dahil sa inyo, mga kapatid na minamahal ng Panginoon, sa pagkakahirang sa inyo ng Diyos buhat nang pasimula sa ikaliligtas sa pagpapabanal ng Espiritu at pananampalataya sa katotohanan [hindi sa kamalian]", at hindi lamang kaligtasan kundi maging ang paggawa ng mabuti ay nakatakda na rin sa mga hinirang: "Sapagka't tayo'y kaniyang gawa, na nilalang kay Cristo Jesus [hindi sa lumang pagkalalang sa laman, AMA] para sa mabubuting gawa, na mga inihanda ng Diyos nang una upang siya nating lakaran" (Efe. 2:10). Kaya ang kongklusyon natin batay sa mga talatang ito at marami pang iba ay una, pumipili ang Diyos ng Kanyang ililigtas. Pangalawa, hindi ang pagpili ng tao sa Diyos ang dahilan upang siya"y piliin ng Diyos. Pangatlo, hindi ang anumang kabutihan, mabuting gawa o nakini-kinitang (o potensyal na) pagsampalataya ng tao ang dahilan ng pagpili ng Diyos sa kanya kundi ang malaya, makapangyarihan at walang hanggang pasiya lamang ng Diyos.

 

Paghirang sa Kasaysayan ng Iglesya

 

Sa paggabay ng Espiritu sa Iglesya sa kanyang kasaysayan ayon sa ipinangako ng Panginoong Jesus (Juan 16:13; Mat. 28:19, 20) ang katotohanan ng Biyaya at Kapangyarihan ng Diyos ay patuloy na pinanindigan sa pamamagitan ng katotohanan ng Paghirang o Election. Noong ikalimang siglo, si Augustine, obispo ng Hippo (AD 354-430) habang isinusulong ang katotohanan ng biyaya ng Diyos bilang batayan ng kaligtasan ay napadpad sa doktrina ng pagtatalaga (predestination). Bagamang noong una ay inisip niyang hinirang ng Diyos ang mga taong nakakitaan Niya ng pananampalataya sa hinaharap, ang patas at tapat na pag-aaral niya sa mga batayang talata sa Biblia ay nagbunsod sa kanya na paniwalaang ang pananampalataya at mabubuting gawa ay resulta at bunga lamang ng biyaya ng Diyos. Kaya nilinaw niya ang kanyang paniniwala tungkol sa predestination. Sa ganitong paninindigan ay hindi niya kinunsinti ang mga bulaang aral ng Pelagianism at Semi-Pelagianism (doktrinang Romano Catoliko) na sinasalungat ang makapangyrarihang biyaya ng Diyos samantalang iginigiit nila ang free-will at merito ng tao bilang batayan ng kaligtasan. Ang mga pangunahing lider ng Protestant Reformation ng ika-16 na siglo na sina Martin Luther (1482-1546), Ulrich Zwingli (1484-1531) at John Calvin (1509-64) na pawang mga tagasunod sa yapak ni Augustine ay nanindigan sa katotohanan ng paghirang, lalo pa"t ang pinaka-puso ng kanilang "protesta" at pagsulong ng "reporma" laban sa kamalian ng simbahang Catoliko ay "ang kaligtasan ay dahil sa biyaya lamang ng Diyos at hindi dahil sa merito ng tao." Noong mga taong 1618 at 1619 naman nang idaos ng mga Reformed Churches ang Synod of Dordt, muling ipinaglaban at ipinagtanggol ng mga iglesya ang katotohanan ng Paghirang o Election laban sa mapandaya at bulaang aral ng mga Remonstrants o mas popular na kilalang "Arminians" (mga taga-sunod ni Jacobus Arminius). Naniniwala ang mga Arminians na naghihirang nga ang Diyos ngunit iginiit na ang pagpili ng Diyos sa tao upang ito ay iligtas ay batay sa nakini-kinita Niyang pagsampalataya (foreseen faith) nila. Ngunit ipinaglaban ng Synod ang totoong katuruan ng Biblia sa pamamagitan ng pagbalangkas nila ng Canons (pamantayang aral) at isa sa mga artikulo nito ay nagsasaad, "Artikulo 9. Ang paghirang na ito ay hindi nakabatay sa nakini-kinitang (foreseen) pananampalataya, at pagsunod ng pananampalataya, kabanalan, o anumang mabuting katangian o gawa ng tao, bilang kondisyon, sanhi o kinakailangan sa paghirang; subalit ang hinirang ay pinili para sa pananampalataya at pagsunod sa pananampalataya. Samakatuwid ang paghirang ay ang pinakabukal ng bawat mabubuting gawa, pinagmumulan ng pananampalataya, kabanalan, at iba pang mga kaloob ukol sa kaligtasan, at sa kahulihulihan ay buhay na walang hanggan, bilang mga bunga at resulta ng paghirang, ayon sa sinabi ng apostol: Ayon sa pagkapili niya sa atin (Hindi dahil sa tayo"y banal, kundi) upang tayo"y maging banal at walang dungis sa harapan niya sa pag-ibig. (Efeso 1:4)" (Canons, First Head of Doctrine, Of Divine Predestination). Ngunit bago pa ito"y ipinahayag na ng mga iglesyang Reformed ang katotohanan ng Election. Sa Belgic Confesson (1561), Artikulo 16 " Walang Hanggang Paghirang. "Kami ay sumasampalataya na, sa ganitong pagkahulog sa kapahamakan at kasiraan ng buong lahi ni Adan sa pamamagitan ng pagkakasala ng aming mga unang magulang, ay ipinakilala ng Diyos kung sino Siya; bilang maawain at makatarungan: maawain, sapagkat Kanyang pinalalaya at iniingatan mula sa ganitong pagkapahamak silang lahat, na sa Kanyang walang hanggan at hindi nagbabagong panukala, dahil lamang sa Kanyang kabutihan, ay hinirang Niya kay Cristo Jesus na aming Panginoon; nang hindi isinasaalangalang ang kanilang mga gawa; makatarungan, sa pag-iwan sa iba sa pagkahulog at kapahamakang kinasangkutan nila."

 

Ang mga ito"y iilan lamang sa mga magigiting na pakikidigma ng Iglesya laban sa kanyang mga kaaway na hindi nagpapahinga sa pagkamuhi sa kanya dahil lamang pinaniniwalaan niya na walang kahit kakarampot na bahagi ang tao sa kanyang kaligtasan. Hindi na naisaad sa artikulong ito ang buo at mahabang listahan ng kalupitan at pagkasuklam ng bulaang relihiyon sa tunay na Iglesya"inusig ang mga Cristiano, ibinilanggo, sinunog nang buhay at ginawang tanglaw sa mga pagsasalo, pinakain sa leon, pinugutan ng ulo, kasabwat ang gobyerno ay pinagpira-piraso ang katawan ng kanilang mga lider at inihalo sa dumi ng tao, binigti, pinagkaitan ng karapatan, hindi tinanggap sa trabaho at marami pang kakilakilabot na paraan ng pagpapakita nila ng pagkamuhi sa mga tunay na mananampalataya dahil sa kanilang paniniwala sa doktrina ng biyaya.

 

Kaya hindi rin magtataka ang Bastion of Truth Reformed Churches kung kabi-kabila ang namumuhi sa kanila dahil sa panghahawakan nila sa katotohanan ng Unconditional Election (walang kundisyong paghirang ng Diyos). Marahil sa kasalukuyang sitwasyon hindi nila dinaranas ang masasaklap na pahirap na dinanas ng unang mga mananampalataya ngunit sari-saring mga panlalait at pang-iinsulto naman ang tinatanggap nila.

 

May Paborito Ba ang Diyos?

 

Tunay na "Ang Diyos ay hindi nagtatangi ng tao" (Rom. 2:11). Paborito ng isang ama ang isa sa kanyang mga anak dahil mayroon itong mga angking katangiang kalugud-lugod sa kanya at hindi niya nakikita sa iba niyang anak. Sa ganitong paraan mayroon talagang paborito o tinatangi ang Diyos"si Jesu-Cristo (Mat. 3:17). Subalit sa hanay ng mga tao ay wala siyang paborito, sapagkat ang lahat ay hindi lamang salat sa mabubuting katangian kundi nararapat pa sila sa walang hanggang kaparusahan. Subalit naghirang ang Diyos ng mga makasalanan [batay] kay Cristo at tinatanaw Niya sila batay sa katuwiran Nito na ibinilang sa kanila.

 

Election at Evangelism

 

Lalong nalalantad ang kamangmangan at pagka-arogante ng mga kaaway ng Ebanghelyo sa mga pilosopong (ang totoo"y hangal) tanong nila tulad ng "Eh, kung may pinili pala ang Diyos para maligtas "di dapat nilagyan na lang Niya sila ng letrang "E" sa likod para hindi na tayo pahirapan pang mag-evangelize." Mabuti pa sila naisip nila iyon. Si Pablo na nagturo ng doktrina ng Election ay hindi nag-isip ng gayon, bagkus ay masigasig pa siyang humayo upang ipangaral ang Ebanghelyo. Ang katotohanang may hinirang ang Diyos ay nagbibigay ng lakas ng loob kay Pablo na humayo dahil natitiyak niyang may magiging bunga ang kanyang mga pagtitiyaga. May mga pagkakataon na pinipigilan siya ng Espiritu ni Cristo na pumasok sa isang bayan upang mangaral. Bakit? Dahil sa mga sandaling iyon ay walang hinirang doon (Gawa 16:6-7). Ito ay pinatutunayan ng pagbibigay kasiguruhan ng Diyos kay Pablo sa isang pangitain: "Huwag kang matakot, kundi magsalita ka, at huwag kang tumahimik; sapagkat ako"y kasama mo, at walang taong gagalaw sa iyo upang saktan ka; sapagkat marami akong tao sa lunsod na ito" (Gawa 18:9, 10, abab) upang magpatuloy ng pangangaral sa Corinto. Alam nating hindi natin maaaring tularan ang karanasan ni Pablo na kinausap ng Diyos sa mga pangitain ngunit ang punto natin ay hindi hadlang ang Election sa evangelism kundi pampalakas pa ito ng loob dahil tinitiyak ng Diyos sa atin na palagi tayong magtatagumpay sa pagpapatotoo ng Ebanghelyo kung saan tiyak na tutugon dito ang mga hinirang.

 

Mayroong mga kampo na tinututulan ang katotohanan na ang Election ay mahalagang sangkap ng Ebanghelyo ng biyaya. Ang Election para sa kanila ay hindi raw dapat tinuturo sa mga hindi mananampalataya. Malulula at malilito lamang daw ang mga ito. Ito raw ay katuruan para lamang sa mga kaya nang tanggapin at unawain ito. Samakatuwid ay para ito sa mga matatalino lamang, sa mga elite na Cristiano. Ito ang mabigat na paratang sa BTRC na tinagurian ng mga taong ito na "rigid-Calvinists." Subalit ano ba ang Ebanghelyong dapat ipangaral sa mga hindi mananampalataya? Hindi ba"t ang Ebanghelyo na nagpapahayag na ang kaligtasan ay dahil lamang sa biyaya ng Diyos? Hindi ba"t ang Election ang ""pinakabukal ng bawat mabubuting gawa, pinagmumulan ng pananampalataya, kabanalan, at iba pang mga kaloob ukol sa kaligtasan, at sa kahulihulihan ay buhay na walang hanggan"" (Canons of Dordt, I, Art.9). Kung naiipapahayag mo sa mga di-mananampalataya ang mga kaloob ukol sa kaligtasan, bakit mo ipagkakait at itatago ang bukal na pinanggagalingan ng mga iyon? Ang mga mangangaral na ating tinutukoy ay nangangatwiran ding, "Ang hangarin ng evangelism ay hindi upang gawing Calvinist ang di-mananampalataya kundi gawin siyang Cristiano." Magtataka ka dahil ang nagsasalita rito ay nagsasabing siya ay Calvinist. Ang tanong natin ay bakit siya isang Calvinist na uri ng Cristiano? Bakit hindi siya Arminian o Roman Catholic? Hindi ba"t kaya siya Calvinist ay dahil ang Calvinism ang totoong Cristianismo? Bakit pagdating sa evangelism pinaghiwalay niya ang pagka-Calvinist niya at pagka-Cristiano niya? Ngunit ang totoo"y nag-e-evangelize tayo upang gawing Calvinist ang mga di-mananampalataya dahil iyon ang Ebanghelyo"iyon ang tunay na pananampalataya!

 

Election at Pananagutan ng Tao

 

Ang iba ay ipinapakita ang kanilang pagkamuhi sa katotohanan ng Election sa mga makitid nilang pangangatwiran tulad halimbawa ng ginagawa raw ng doktrinang ito ang tao na robot o di kaya"y scripted ang kaligtasan at kapahamakan ng tao. Kutya ng mga bulaang ito na kung ang Diyos ay nagtakda at humirang na ng maliligtas at mapapahamak bakit pa Niya sisisihin ang mga taong gumawa ng masama? Hindi nila nakikilala ang Diyos, ang tao at ang Biblia. Hindi man lang nila inisip na ang pagkakasala ng mga tao ay hindi nila ginawa dahil inutos ng isang script. Walang nag-utos o umudyok sa kanila na magkasala. Ito ay kusa at malaya nilang ginawa dahil masama ang kanilang puso at alipin ng masamang pusong ito ang kanilang isip, emosyon at kalooban. Ang tugon naman natin sa mga nagsasabing ginagawang robot ng doktrina ng Election ang tao, hindi robot ang tao dahil sa Election kundi siya ay "putik" ayon sa Biblia: "Kaya nga sa kaniyang ibig siya'y naaawa, at sa kaniyang ibig siya'y nagpapatigas. Sasabihin mo nga sa akin, Bakit humahanap pa siya ng kamalian? Sapagka't sino ang sumasalangsang sa kaniyang kalooban? Nguni't, Oh tao, sino kang tumututol sa Diyos? Sasabihin baga ng bagay na ginawa doon sa gumawa sa kaniya, Bakit mo ako ginawang ganito? O wala bagang kapangyarihan sa putik ang magpapalayok, upang gawin sa isa lamang limpak ang isang sisidlan sa ikapupuri, at ang isa'y sa ikahihiya. Ano kung ang Diyos ay inibig na ihayag ang kaniyang kagalitan, at ipakilala ang kaniyang kapangyarihan, ay nagtiis ng malaking pagpapahinuhod sa mga sisidlan ng galit na nangahahanda na sa pagkasira at upang maipakilala ang kayamanan ng kaniyang kaluwalhatian sa mga sisidlan ng awa, na kaniyang inihanda nang una pa sa kaluwalhatian" (Rom. 9:18-23).

 

Ito ang katotohanan. Kinamumuhian at kinapopootan ng mga kaaway ng Ebanghelyo ang Iglesya dahil sa kanyang pananalig at pagtuturo ng doktrina ng Election, hindi dahil sa hindi ito makatarungan o mahirap itong unawain, kundi nagagalit sila sa Diyos dahil siya ay mabuti: "Ako ba ay hindi pinahihintulutang gumawa ng nais ko sa mga bagay na pag-aari ko? O naiinggit ka ba sapagkat ako'y mabuti?" (Mat. 20:15). Nagagalit sila sa Diyos dahil napakasagana ng Kanyang biyaya. At ito ay hindi matanggap ng taong masama dahil ayaw niyang pumayag na wala siyang karapatan sa anuman mula sa Diyos; hindi niya matanggap na wala siyang karapatan upang bayaran siya ng Diyos sa anumang ipinaglilingkod niya. Ito ang dahilan kung bakit simula pa nang una ay hindi pa nagpapahinga ang Iglesya sa kanyang pakikibaka. Siya ay kinamumuhian sa magkabi-kabila.

 

At hindi nga nagtataka ang Bastion of Truth Reformed Churches kung bakit marami ang namumuhi sa kanila. Subalit sa kabila ng lahat ng ito naroon ang kaaliwan at kagalakan nila. Na sa kanilang mga pagsamba ay puspos sila ng paghanga at kagalakan sa Diyos na kanilang Ama na umibig sa kanila mula pa nang walang hanggan. Kaya doon ay awit nila, "Oh kalaliman ng mga kayamanan ng karunungan at ng kaalaman ng Diyos! oh di matingkalang mga hatol niya, at hindi malirip na kaniyang mga daan! Sapagka't sino ang nakaalam ng pagiisip ng Panginoon? o sino ang kaniyang naging kasangguni? O sino ang nagbigay na una sa kaniya, at siya'y babayarang muli? Sapagka't kaniya, at sa pamamagitan niya, at sa kaniya, ang lahat ng mga bagay. Sumakaniya nawa ang kaluwalhatian magpakailan man. Siya nawa" (Rom. 11:33-36).

 

 

 

Retaining the Standard of Sound Words (2 Timothy 1:13)

 

"Reprobation"

Romel V. Espera

 

"Reprobation is the eternal and sovereign decree of God to determine some men to be vessels of wrath fitted into destruction in the way of sin, as manifestations of his justice and to serve the purpose of the realization of his elect church." "Herman Hoeksema

 

Katotohanang Pilit Itinatakwil!

 

Kapag nababanggit ang isang bagay patungkol sa eternal na panukala ng Diyos partikular sa pagpapanukala ng "pagtatakwil" (reprobation) ay kaagad napupukaw ang galit ng tao. Kapag iyong nabanggit ang patungkol sa election at reprobation mabilis na sinasarhan agad ng tao ang kanyang pandinig. At kapag ipinaliwanag mo ang bagay na ito sa kanya ay dagli niyang sasabihin na "ayaw kong pag-usapan ang mga bagay na iyan". Maging si John Calvin na kilalang kampeon sa katotohanan ng predestination ay may ganitong komento, tungkol sa reprobation, "that horrible decree" (bagamang hindi ito ang eksaktong salin sa kanyang pahayag). Bakit nga ba may pagtutol o pagkontra sa mga panukala ng Diyos? Hindi kaya ang dahilan kung bakit mayroong pagtutol sa katotohanang ito ay dahil ito"y nagtataas sa soberanong Diyos at nagtuturo na ang tao ay isang hamak lamang na nilalang? Ang katotohanan ng predestination ay naglalagay sa tao sa dapat niyang kalagyan kaya ito ang dahilan kung bakit ang tao ay matigas itong tinututulan.

 

Hindi Maitatanggi Ang Salita Ng Diyos

 

Mayroon nga kayang katuruan sa Biblia tungkol sa "pagtatakwil" o reprobation? Madalas ang katuruan patungkol sa pagtatakwil ay di pinaniniwalaan o tinatanggihan. Ngunit kung masusi nating pag-aaralan ang Salita ng Diyos, matutuklasan natin na itoy itinuturo ng Salita ng Diyos. At dahil ang Kasulatan ay Salita ng Diyos ito ang siyang dapat manaig.

"Reprobation is that eternal will, good pleasure, or purpose of God according to which He determined that some of His moral, rational creatures would be cast into hell forever on account of their sins; and that this fact would serve the cause of Christ and redound to God's glory alone."

Bago kondenahin ninuman ang ideya ng reprobation bilang umano"y walang basehan atin munang tingnan ang idinideklara ng Salita ng Diyos. May mga ilang talata sa Kasulatan ng Diyos na kung saan ay nagtuturo sa paksang ito. Ang pinaka malinaw na pahayag tungkol sa pagtatakwil ay makikita sa Roma 9, doon ay mababasa natin, "Gaya ng nasusulat, "Si Jacob ay aking minahal, ngunit si Esau ay aking kinasuklaman" Sapagkat sinabi ng kasulatan kay Paraon "Dahil sa layuning ito, ay itinaas kita, upang aking maipakita sa pamamgitan mo ang aking kapangyarihan, at upang ang aking pangalan ay maipahayag sa buong lupa" (v. 13 at 17). Sa Roma 9:18 ""kanyang pinagmamatigas ang puso ng sinumang kanyang maibigan". At binanggit din sa v. 22, ""ay nagtitiis na may pagtityaga sa mga kinapopootan niya na inihanda para sa pagkawasak."

Ang kongklusyon na ating makikita sa mga talatang ito ay walang ibang itinuturo kundi ang Diyos ang nagtatakwil sa ilan tungo sa impyerno dahil sa kanilang kasalanan. Pinatitigas ng Diyos ang puso ng isang tao na maibigan niya. Ganito ang mababasa natin sa 1 Pedro 2:8: ""at isang batong nagpapatisod sa kanila, at malaking bato na nagpapabagsak sa kanila. Sila"y natitisod dahil sa pagsuway sa salita, na dito sila ay tinalaga." Ganun din ang mababasa natin sa Juan 10:26: "Subalit hindi kayo naniwala, sapagkat hindi kayo kabilang sa aking tupa." Ito at iba pang bersikulo ay nagpapakita na ang Diyos ay nagtalaga ng mga gawa ng makasalanang tao (ginawa niya ito kay Paraon sa panahon ni Moses) at ang katotohanang ito ay itinalaga Niya bago pa lalangin ang sanlibutan.

 

Paniniwala ng Makasaysayang Iglesya

 

Maging ang mga confession ng iglesya ng Reformed Faith ay mariing itinituturo ang katotohanang ito ng "Pagtatakwil." Mababasa natin sa Canons of Dordt, the first Head of Doctrine, Article 15, "Ang di-karaniwang naglalarawan at nagpapakilala sa amin ng eternal at hindi nakabatay sa gawang biyaya ng Paghirang ay ang hayagang patotoo ng Banal na Kasulatan na nagsasabi na hindi lahat kundi ilan lamang ang hinirang, samantalang ang iba"y nilagpasan sa eternal na pagpili ng Diyos; na ang Diyos na makapangyarihan sa lahat, pinakamakatarungan, walang maaaring maisisi, at may hindi nagbabagong mabuting kalooban ay ipinanukala na sila"y hayaan sa kanilang kasamaan kung saan kusa nilang inilubog ang kanilang mga sarili, at hindi ipagkaloob sa kanila ang pananampalatayang ukol sa kaligtasan at ang biyaya ng pagbabagong buhay; subalit hinayaan na sila sa Kanyang makatarungan hatol upang sundin ang kanilang sariling kagustuhan, at sa wakas upang mahayag ang Kanyang katarungan ay mahatulan at maparusahan sila nang walang-katapusan, hindi lamang dahil sa kanilang kawalan ng pananampalataya, kundi dahil din sa iba pa nilang mga kasalanan. Ito ang panukalang Pagtatakwil (Reprobation) na hindi kailanman nagsasabing ang Diyos ang awtor ng kasalanan (na isipin man lang ito ay isa ng kalapastanganan), subalit nagpapahayag ito na Siya"y isang nakasisindak ngunit kagalang-galang, na walang maaaring maisisi at matuwid na hukom at tagapaghiganti rin."

 

Katotohanang "Makatarungan"

 

Ito ba ay nangangahulugan na ang mga itinakwil anuman ang kanilang ginawa, mabuti man o masama sila ay mapapahamak sa impyerno? Kung ating titingnan ay hindi iyan ang kaso o hindi iyan ang dapat ituro ninuman. Kung ating susuriin ang tanong na iyan, ito ay tanong na sadyang mapandaya. Sapagkat ang mga itinakwil ay walang kakayahang gumawa ng anumang mabuti. Sapagkat ang lahat ng taong mula kay Adan ay patay sa kasalanan (Roma 5:12). Iyan ay nangangahulugan na ang lahat ng tao na naipanganak sa mundong ito ay lubusang walang kakayahan na gumawa ng anumang mabuti, at nakahilig sa lahat ng uri ng kasamaan. Walang anumang posibilidad ng mabubuting gawa na siyang magbibigay ng kaluguran sa Diyos ang magmumula sa isang taong patay sa kasalanan. Maaari bang ang isang patay sa pisikal ay kumain at uminon? Ganun din ang makasalanan ay imposibleng gumawa ng kabutihan. Ang biyaya ng Diyos ay hindi ibinigay sa isang tinakwil; At dahil sila ay wala kay Cristo nangangahulugan lamang na wala silang magagawa para makalugod sa Diyos.

                                                                                            

Pangalawa, ang itinakwil ay palaging mapapahamak sa impyerno dahil sa kanilang sariling kasalanan. Totoo na ang Diyos na ang siyang nagtakda sa kanilang katapusan at iyan ay ginawa ng Diyos bago pa sila isilang. Ngunit sa anong paraan mabibigyan ito ng maling kahulugan ng isang itinakwil. Maaaring sa puntong ito ay sisihin nila ang Diyos. Maaari nilang akusahan ang Diyos at sabihing, "Pinuwersa ako ng Diyos na gumawa ng masama laban sa kanyang kalooban. Sa puntong iyan ay nasa Diyos ang pagkakamali at wala sa kanya". Ngunit siya ay nagkakamali, dahil ang isang napakasamang itinakwil ay alam niya at kagustuhan nilang magkasala, at dahil sa kanilang kasalanan ay sigurado silang itatapon sa walang hanggang kalagiman.

 

Isa sa maraming talata ng kasulatan na makikita o matatagpuan natin ay sa Lucas 11:49-51: "...Kaya"t sinasabi rin ng karunugnan ng Diyos, "magsusugo ako sa kanila ng mga propeta at mga apostol, at ilan sa kanila ay kanilang papatayin, upang hingin sa lahing ito ang dugo ng lahat ng mga propeta na dumanak mula pa nang itatag ang sanlibutan; mula sa dugo ni Abel hanggang sa dugo ni Zacarias, na pinatay sa pagitan ng dambana at santuwaryo. Oo, sinasabi ko sa inyo, na ito"y hihingin s alahing ito."

 

Ngunit, iyong itatanong, "Kung ganun, di kaya hindi makatarungan ang Diyos?" "Kung siya ay Diyos, anong klaseng Diyos siya?"   Hindi tayo dapat magkaroon ng ganyang pag-aakusa, sapagkat sino tayo para mag-isip ng ganyan sa Diyos. Kailan ba nagkaroon ng pagkakautang ang Diyos sa tao? Bakit ang isang makapangyarihang Diyos ng langit at lupa ay kailangang magbigay ng Kanyang biyaya sa lahat? Dapat o kailangan bang dalhin ng Diyos ang bawat nilanglang sa langit? "Sino ka o tao na makikipagtalo sa Diyos? O wala bang karapatan ang magpapalayok sa luwad, upang gumawa mula sa iisang limpak ng isang sisidlan para sa marangal na gamit at ang isa"y para sa pangkaraniwang gamit?" (Roma 9:20-21). Ang Diyos ba ay di makatarungan kung siya ay gumawa sa Kanyang sariling kagustuhan at sa tingin Niya ay ito ang karapat-dapat o naaangkop? Aking aaminin na hindi ko maarok ang kalaliman ng Kanyang karunungan at maipaliwanag kung bakit ang isa ay dapat maging itinakwil at ang isa naman ay hinirang. Ang akin lang masasabi at tulad din ng sinasabi ng Biblia na ginawa Niya ang lahat ng bagay na ito ayon sa Kanyang mabuting kalooban at para sa kaluwalhatian ng Kanyang Pangalan.

 

Ang Hindi-makukuwestyong Karunungan Ng Diyos

 

Isa pang tanong: kung ang Diyos ang nagtatakda ng lahat ng bagay, dapat bang mayroon mga itinakwil na masama? Bakit ginusto o itinakda ng Diyos bago lalangin ang lahat na mayroong ilang ang ibubulid sa impyerno dahil sa kanilang kasalanang ginawa? Kung ang Diyos ang siyang namamahala sa lahat ng bagay, bakit hindi niya pinigilan ang kasalanan, at itinakda na ang lahat ng tao ay tamasahin ang pagpapala ng buhay ng walang hanggan?

 

May mga ilang dahilan ang Salita ng Diyos kung bakit mayroong itinakwil ang Diyos sa impyerno. Una, ang Panukala ng Pagtatakwil ay upang pagsilbihan ang kaluwalhatian ng Pangalan ng Diyos. Ang soberanong Diyos ay pinamamahalaan ang lahat ng bagay upang ang Kanyang kaluwalhatian ay mahayag. Ito ang katotohanan. Ganito ang sinasabi ng dalawampu"t apat na matatanda sa Pahayag 4:11: ""kapat-dapat ka o Panginoon at Diyos namin, na tumanggap ng kaluwalhatian at karangaln at kapangyarihan, sapagkat nilikha mo ang lahat ng bagay at dahil sa iyong kalooban ay nabuhay sila at nalikha.

 

Ngayon ating itatanong, maaari bang ang pagtatakwil ay paglingkuran ang panukala ng Diyos upang maihayag ang kaluwalhatian ng Diyos sa pinaka possibleng paraan? Sa pamamagitan ng Panukala ng Pagtatakwil inihayag niya ang walang hanggang poot sa kasalanan. Kung ating ihihiwalay ang bagay na ito (decree of reprobation) hindi ito maihahayag nang maliwanag. Ganito ang sinasabi ng 1 Juan 1:5: "At ito ang aming mensaheng narinig sa kanya at sa inyo"y aming ipinahahayag, at sa kanya"y walang anumang kadiliman." Kung papaanong ang soberanong manlililok ay may kapangyarihan sa sisidlang luwad, ganun din may kapangyarihan siyang gumawa ng isang sisidlang di marangal upang pagsilbihan ang kanyang mabuting kalooban at ihayag ang kanyang kaluwalhatian at kabutihan.

 

Pangalawa, mauunawaan natin na ang dahilan ng pagkakaroon reprobate o itinakwil ay kapag nasisimula nating makita ang plano ng Diyos. Sa Biblia ay maliwanag na ang puso at ang sentro ng lahat ng plano ng Diyos ay si Cristo"at kay Cristo ay ang Iglesya. Ang Diyos ay ihahayag ang kanyang kaluwalhatian sa pinakamataas na paraan sa pamamagitan ng pagtitipon ng Kanyang mga tao kay Jesu-Cristo na Kanyang Bugtong na Anak. Ito ang mababasa natin sa Efeso 1:4-6: ""ayon sa pagkapili niya sa atin sa kanya bago pa itinatag ang sanlibutan, upang tayo"y maging banal at walang dungis sa harapan niya sa pag-ibig. Tayo"y itinalaga sa pagkukupkop upang maging kanyang mga anak sa pamamgitan ni Jesu-Cristo, ayon sa kabutihan ng kanyang kalooban, para sa ikapupuri ng kanyang maluwalhating biyaya, na ipinagkaloob niya ng walang bayad sa atin sa pamamagitan ng Minamahal."

 

Ito"y maihahalintulad natin sa pamamagitan ng ilustrayon ng laman ng isang niyog. Ang laman ng isang niyog ay mahalagang bahagi ng buong niyog. Ganun din, mayron itong bao na mahalagang bahagi rin. Ito"y may mahalagang gamit. Ngunit ang gamit nito ay natatapos kapag ito"y nabasag na at itapon na. Kaya ganun din ang pagtitipon ng Diyos sa Kanyang iglesya kay Cristo. Pinagsisilbihan ng lahat ng mga bagay at pangyayari ang pagtitipon sa iglesya sa pamamagitan ni Cristo. Mababasa natin sa Roma 8:28, ""at nalalaman natin na sa lahat ng bagay ang Diyos ay gumagawa sa ikabubuti ng mga umiibig sa kanya, sa kanila na mga tinawag alinsunod sa kanyang layunin." Ang buong sansinukob, lahat ng mga bagay na nakapaloob doon"ang lahat ng ito ay anyo na bahagi ng bao (shell) na nakapalibot sa mga hinirang ng Diyos na nakay Cristo. Ang bao (shell) na iyan ay may layunin at lugar"ngunit kapag ang layunin ay naisilbi na, ito ay itatapon na.

 

Ang reprobate o itinakwil ay kailangan ding magsilbi sa layunin ng Diyos sa pagkalap at patatanggol sa iglesya ni Cristo. Ang mga masasamang ito ay kumakalaban sa kalooban ng Diyos at nais nilang wasakin ang iglesya ng Diyos. Ngunit ang mga ginagawa nilang ito ay nagiging kapakinabangan pa sa iglesya at panukala ng Diyos. Ang pagkapako ni Cristo ang halimbawa nito. Ang masasamang tao ay nais alisin si Cristo sa mundong ito. Pinagplanuhan nilang patayin Siya, anupa"t ipinako nila sa krus ang Panginoon ng kaluwalhatian. Ngunit ang naging resulta ay nahayag ang kalooban at layunin ng Diyos upang iligtas ang Kanyang bayan na Kanyang mga hinirang. Sa pamamagitan ng pagtigis ng dugo ni Cristo sa krus ay naligtas ang Kanyang bayan. Mababasa natin sa Gawa 4:27-28, "Sapagkat sa katotohanan, na sa lunsod na ito, sina Herodes at Poncio Pilato, kasama ng mga Hentil at bayan ng Israel, ay nagsama-sama laban sa iyong banal na lingkod na si Jesus, na iyong pinahirapan. Upang gawin ang anumang itinakda ng iyong kamay at ng iyong pasiya na mangyayari."

 

Kaaliwan At Hindi Katatakutan

 

Kaya nga makikita natin na ang pagtatakwil ay hindi isang kahindik-hindik na panukala. Makikita rin natin na ito"y hindi nahihiwalay sa kamangha-manghang panukala ng Diyos ng eleksyon o paghirang. Hindi lang basta ipinahayag ng Diyos, na para bang pumili Siya ng ilang tao para ibulid sa impyerno, at ang iba naman ay dalhin sa langit. Ngunit ang Diyos ay gumagawa sa lahat ng bagay upang pagsilbihan ang Kanyang layunin upang dalhin ang Kanyang hinirang sa pamamagitan ng kasalanan at biyaya tungo sa eternal na kaluwalhatian ng kalangitan. Maging ang katotohanan ng pagtatakwil ay para sa ating kaaliwan at kasigurahan mula sa makasalanang mundong ito.

 

Kaya nga ang katotohanang ito ay dapat ipangaral ng isang tapat na mangangaral ng Salita ng Diyos sapagkat si Cristo at Kanyang "krus" ang sentro ng Salita ng Diyos. Kailanman ay hindi maiiwasan ng isang totoong mangangaral ang katotohanang ito na kung saan ay hindi kanais-nais sa maraming tao. Ang Salita ng Diyos ay hindi maaaring ipagwalang-bahala, kaya nga papaano na ang isang mangangaral ay itatago ang katotohanang ito.

 

Sa kahuli-hulihan, ang katotohanan bang ito ay nagdudulot ng panghihina sa iglesya? Ang isang Cristiano ba ay dapat mag-isip o magduda na siya ay isang itinakwil? Hindi! Ang isang tunay na mananampalataya ay nakikita at kinikilala ang tunay at laki ng kanyang kasalanan sa harapan ng Diyos at hindi niya tinitingnan ito bilang bunga na isang itinakwil bagkus tinitingnan niya ang kanyang sarili sa harapan ng Diyos bilang isang hinirang. At ang isang Cristiano ay di dapat matakot sa katuruang REPROBATION, bagkus ang doktrinang ito ay magbibigay pa sa kanya ng kaaliwaan. At kahit ano pa ang nais gawin ng masama sa iglesya ng Diyos, alam natin na ang lahat ay kontrolado ng Diyos. Ang tanging magagawa lamang na masasama ay pagsilbihan ang eternal na layunin ng Diyos.

 

 

 

ULTIMONG KARAPATANG PAGPILI NG DIYOS

Regino Capinig

 

Ang Evangelio Mo na puro"t dalisay,

Nang sa "kin ihayag ay ito ang saysay:

Na walang anuman sa aking mabuti

Na Iyong nakita nang ako"y pinili.

 

Tulad din ng iba ako ay masama;

Tulad din ng iba"y alipin ng sala,

Subalit hinirang bago pa sinilang;

Subalit inibig bago pa nilalang.

 

Bago pa sumilay ang unang liwanag,

Bago pa saligan ng mundo"y itatag,

Bago pa magningning itong kalawakan,

Bago pa sumibol yaring halamanan.

 

Bago pa ang lahat ako na"y minahal;

Binilang na ako sa Bayang Binanal,

Nilayon Mo na ang ako ay manalig;

Bago pa ang lahat ako na"y inibig.

 

Ako ay tinakdang sa sala"y iligtas

Binigkis ng Tipan na di magwawakas,

O, Anong hiwaga ang iyong biyaya!

Wala ngang kapara lalim ng "Yong awa.

 

 

Ang tulang ito na kinatha ni Ptr. Regine Capinig ay pangalawa sa limang bahagi ng serye na nagpapahatid ng mensahe ng tunay na Ebanghelyo o ng TULIP sa anyo ng poetry. Nilalarawan ng bahaging ito ang katotohanan ng Ebanghelyo hinggil sa Unconditional Election ("U" sa TULIP).

 

 

 

Demolishing Arguments (2 Corinthians 10:5, 6)

 

Pinili ayon sa Paunang Kaalaman

Christian Joy B. Alayon

 

""ang mga nakilala niya nang una pa ay itinalaga naman niya""

Roma 8:29; 1 Pedro 1:2

 

Wala nang mas mahusay pang magturo ng kasinungalingan at sumiil sa katotohanan (Roma 1:18) kaysa sa Arminianismo. Ang husay ng panlilinlang ay nasa katangian nitong ituro ang kasinungalingan gamit ang lenggwahe at talata ng Banal na Kasulatan subalit binabaliko ang tunay na kahulugan nito. Nagbigay ng babala ang Salita ng Diyos tungkol sa ganitong pandaraya. ""Ako'y nakakaramdam sa inyo ng maka-Diyos na panibugho" ako'y natatakot na kung paanong si Eva ay dinaya ng ahas sa pamamagitan ng kanyang katusuhan, ang inyong mga pag-iisip ay mailigaw mula sa katapatan at kadalisayan kay Cristo. Sapagkat kung may dumating na nangangaral ng ibang Jesus na hindi namin ipinangaral, o kung kayo'y tumanggap ng ibang espiritu na hindi ninyo tinanggap noon o ibang ebanghelyo na hindi ninyo tinanggap, kayo ay kaagad na napapasakop doon" (2 Corinto 11:1-4).

 

Isaisip nawa ito ng mambabasa sapagkat ang katuruan ng Arminianismo sa paghirang ay hindi maliit na kamalian upang palagpasin, kundi katuruan tungkol sa ibang "jesus", ibang "espiritu", at ibang ebanghelyo. Binaliko nila ang katotohanan ng ultimong karapatang pagpili ng Diyos (unconditional election). Ang paghirang, ayon sa Arminianismo, ay batay sa nakita ng Diyos noong bago pa likhain ang sanlibutan na tutuparin ng isang tao ang kanyang bahagi sa kaligtasan, ang pananampalataya na mula sa pasya ng kanyang free-will, sapagkat ito raw ang kondisyon upang maligtas ang sinuman. Tinagurian ang paniniwalang ito na "conditional election." Ang kanilang kabulaanan ay bunga ng (1) maling pagkaunawa sa salitang "foreknowledge" o "foreknew" sa Banal na Kasulatan; at (2) bulaang paniniwala na malaya ang kalooban (free-will) ng tao upang magpasyang tanggapin si Cristo upang sa gayon ay maligtas, at hindi ito magagawang pangunahan ng Diyos kundi sumusunod lamang Siya o iginagalang Niya kung ano ang pasya ng tao.

 

Ang "Foreknowledge" Ayon sa Arminianismo

 

Sa aklat na Foundations of Pentecostal Theology na isinulat nina Guy P. Duffield at Nathaniel M. Van Cleave (mga pastor, tagapagturo, at teologo ng Arminian na simbahan sa pangalang Church of the Foursquare Gospel na bagamang Pentecostal ay sumasalamin din sa paniniwala ng halos lahat ng relihiyong Baptist, Evangelical, Methodist, Nazarene, Independent, atbp.), ay nag-aangking naniniwala sila sa paghirang (election) subalit binaliko ang katuruan ng Biblia tungkol dito at kanilang pinanindigan ang paniniwala sa kondisyonal na paghirang sa pamamagitan ng maling pakahulugan sa "Foreknowledge" ng Diyos. Sa The Doctrine of God ( sa ilalim ng chapter VI, pp. 79-80) ito ang kanilang sinabi:

 

"That God"s purpose includes His Church, as a definite number known to Him from the beginning, is a Scriptural teaching" We must not read into this, however, the idea of an arbitrary predestination that elects some and excludes others. This predestination is based upon the Forknowledge of God" God, knowing from the beginning who would accept salvation and who would disobey the gospel offer, elected those whom He foreknew would obey. J. Sidlow Baxter, world renowned Bible teacher writes: "It is in the light of His perfect forknowledge that He preadapts and prearranges and predetermines. Thus, while he never leaves His ultimate purposes at the mercy of human uncertainty" he recognizes the free will of man all through, and prearanges according to His foreknowledge of what man will do. (J. Sidlow Baxter, Explore the Book VI, 47, 48)."

 

Ayon sa Arminianismo, ang "Foreknowledge" ay ang kakayahan ng Diyos na makita ang lahat ng mangyayari sa hinaharap. Nakita na Niya noon pa man kung sinu-sino ang mga taong sasampalataya sa Kanya kaya alam na rin Niya ang eksaktong bilang ng mga maliligtas. At dahil alam na Niya kung sino ang mga sasampalataya sa Kanya, ito ang naging batayan Niya upang "hirangin" sila para sa kaligtasan. Hindi naniniwala ang Arminianismo sa katotohanan na ang Diyos ay humirang ng mga tao UPANG iligtas, kundi ang kasalungat nito, na ang Diyos ay hinirang ang mga NAKITA Niyang maliligtas. Ang kabilang implikasyon nito ay, kung walang nakita ang Diyos, o kung hindi Niya nakita ang magaganap sa hinaharap, wala Siyang hihirangin. Subalit dahil sa may kakayahan Siyang makita ang lahat ng mangyayari, kung kaya Siya ay humirang. Ito umano ang "Foreknowledge."

 

Pansinin ang kanilang sinabing: "It is in the light of His perfect forknowledge that He preadapts and prearranges and predetermines"" Ang Diyos ay gumawa ng desisyon ayon sa nakita Niyang mangyayari. Hindi Siya nagpanukala ng KUNG ANO ANG NAIS NIYANG PAPANGYARIHIN. Ang Kanyang panukala ay nakiayon lamang sa kung ano ang nakita Niyang mangyayari sa hinaharap (na hindi Niya itinakda). Kung itatanong mo sa Arminian "Bakit pinili ng Diyos ang isang tao?" Ang sagot nila ay "sapagkat nakita na noon ng Diyos ang gagawin ng taong iyon sa hinaharap."

 

Ang "Foreknowledge," ayon sa Arminianismo, ay kakayahan ng Diyos na malaman at makita ang "facts and events of the future" kung paanong nakikita at nalalaman natin ang "facts and events of the past." Hindi kontrolado at walang magagawa ang Diyos sa hinaharap kung paanong hindi natin kontrolado at wala na tayong magagawa sa nakaraan. Pansinin ang kanilang sinabi sa pahina 207:

 

"We must clearly distinguish between God"s Foreknowledge and His Foreordaining. It is not right to say that God foreknew all things because He arbitrarily determined to bring them to pass. God in His Foreknowledge looks ahead to events much as we look back upon them. Foreknowledge no more changes the nature of future events than afterknowledge can change a historical fact. There is a difference between what God determines to bring to pass and what He merely permits to happen."

 

Napakababa ng pagtingin ng Arminianismo sa Diyos. Pinaniniwalaan nilang bagamang may mga bagay na itinakdang papangyarihin ng Diyos, subalit may mga mangyayari na pinahintulutan lamang Niya, sapagkat hindi na Niya mapipigilan ito. Kung paanong wala na tayong magagawa sa mga naganap sa nakaraan, gayun din ay wala nang magagawa pa ang Diyos sa mga magaganap sa hinaharap. (Maaaring hindi nila aminin, subalit may implikasyon ito na: "upang hindi Siya mag-mukhang mahina, pinahintulutan na lang Niya itong mangyari, sapagkat wala na rin Siyang magagawa at wala siyang kontrol dito). Inihalintulad nila ang Diyos na makapangyarihan sa taong napaka-limitado at walang kakayahan. Kung paanong wala tayong kakayahan upang baguhin ang mga kaganapan sa nakaraan, gayun din daw ang Diyos ay walang kakayahang baguhin ang magaganap sa hinaharap. Ibinaba nila ang Diyos sa Kanyang kaluwalhatian!

 

Walang tunay na mananampalataya ang sasamba sa ganito ka-inutil na Diyos! Ang diyos ng Arminianismo ay hindi ang Diyos ng Biblia. Sapagkat para sa tunay na Diyos ay walang nakaraan at walang hinaharap. Ang lahat ng bagay ay nakalahad sa Kanyang harapan sapagkat Siya ang nagtakda ng lahat ng mga bagay. Tayo ay mga nilikha, limitado sa oras at kapanahunan, subalit ang Diyos ay hindi. Siya ang lumikha ng panahon, oras, at kasaysayan. Hindi Siya sakop at nalilimitahan ng panahon, oras, at kasaysayan. Ang nakaraan at hinaharap ay mga bahaging nakapaloob sa "panahon" ay kasaysayan, subalit ang Diyos ay hindi. "Nang pasimula, nilikha ng Diyos ang langit at ang lupa" (Genesis 1:1). Siya ang lumikha ng simula at wakas, kasaysayan at panahon. "Ako ang Alpha at ang Omega," sabi ng Panginoong Diyos, na siyang ngayon at ang nakaraan at ang darating, ang Makapangyarihan sa lahat" (Apokalipsis 1:8). Ang pangyayari sa nakalipas ay katuparan ng Kanyang itinakda, at ang magaganap sa hinaharap ay pagtutupad din sa Kanyang itinakda. Bakit naman hindi magagawa ng Diyos na baguhin ang hinaharap kung Siya ang may likha at nagpanukala dito? Bakit sinasabi ng Arminiasnismo na ang "Foreknowledge" ng Diyos ay walang kontrol sa kapanahunan? Kung hindi ang Diyos ang may kontrol at magpapangyari ng kaganapan sa kapanahunan, sino?

 

Para sa mga Arminians, ang mga mangyayari sa hinaharap ay naroon na at tiyak na mangyayari, at labas sa itinakda ng Diyos. "Foreknowledge no more changes the nature of future events" ayon sa kanila. Ang mata ng Diyos ay nakatingin lamang sa mga bagay na hindi Niya itinakdang mangyari, subalit alam niyang mangyayari. Ang sumusunod na mga pahayag ay pagbaliko nila sa Efeso 1:3-5:

 

 "Having chosen His own "in Christ," God was not looking at man in himself, but as he is in Christ"By His Foreknowledge God already saw them there when He made the choice" Believers were foreseen by God in Christ when He chose them. How did they get there? Through faith in His dear Son. He did not determine who should be there. He simply saw them there in Christ when He chose them" Nowhere does the Bible teach that some are predestined to be damned" It is not a man"s non-election that leads to eternal ruin; it is his sin and failure to accept Jesus Christ. Every man is free to accept Christ as his personal Savior, if he will." (Foundations" p. 208)

 

Ayon sa kanila, nang tumingin ang Diyos sa hinaharap, nakita Niyang ang iba sa mga lilikhain Niya ay nakay Cristo na, kung kaya"t sila ay Kanyang pinili (Para saan pa ang pagpili kung naroon na sila?). At sa tanong na "paano sila nakarating doon?" Ang kanilang sagot ay "sa pamamamagitan ng pananampalataya." At "paano sila nakarating sa pananampalataya kay Cristo?" Ang kanilang sagot ay, "dahil tinanggap nila si Cristo batay sa kanilang free-will" (hindi dahil sa itinakda sila ng Diyos upang sumampalataya, sapagkat nakita na ng Diyos na sila"y sasampalataya bago pa Siya nagtakda).

 

Ang "Free-Will" Ayon sa Arminianismo

 

Ang kanilang pakahulugan sa "Foreknowledge" ay impluwensya ng bulaang paniniwalang malaya ang kalooban ng tao upang piliin si Cristo (pananampalataya). Dahil nakita ng Diyos na pipiliin ng isang tao si Cristo kung kaya siya ay pinili rin ng Diyos. Pansinin ang maling pakahulugan nila sa "paghirang" (p. 207, Chapter V, section II., A.): "What is election? Thiessen says that, in its redemptive sense, Election is: "That sovereign act of God in grace whereby He chose in Christ Jesus for salvation all those whom He foreknew would accept Him." Naunang magpasya ang tao, sumunod lang ang Diyos. Ang pasya ng kalooban ng tao ang tinutukoy nilang "future events" na hindi magagawang baguhin ng "Foreknowledge" ng Diyos kaya "He merely permits it to happen." Sa ganitong paraan nila binaliko ang Gawa 17:25, 26 (p. 79):

 

"" This "before appointed" Divine Purposing however, does not deprive them of their freedom of choice nor personal responsibility; "because," as Paul goes on to say, "he hath appointed a day, in which He will JUDGE the world in righteousness, by the man whom He hath ordained"(v. 31)

 

Ito ang kanilang bulaang paniniwala. Ang kilos ng Diyos ay batay sa pasya ng tao na tanggapin si Cristo. Free-will ng tao ang dahilan kung bakit may naliligtas. Free-will din ang dahilan kung bakit may napapahamak. Free-will ng tao ang nag-udyok sa Diyos upang humirang. Free-will ang makapangyarihang sandata ng tao upang pasunurin ang Diyos sa anumang nais nila. Magagawa ng Diyos na itakda, isagawa, at papangyarihin ang ibang bagay, subalit ang free-will ng tao ay hindi Niya magawang kontrolin. Ang free-will ang cause, at paghirang ang effect.

 

Ang Tunay na Kahulugan Ng "Foreknowledge" Sa Biblia

 

Ang "Foreknowledge" ay isinalin sa tagalog na "paunang kaalaman" (Gawa 2:23; 1 Pedro 1:2 ABAB), "noong una pa"y kilala na" (Roma 11:2 ABAB), "kaalamang una" at "kilala na ng Diyos noong una pa" (Roma 8:28 ASND). Isang salita lamang ito sa Ingles at Griyego subalit walang katumbas na isang salita sa Tagalog. Ang paghirang ayon sa "Foreknowledge" ng Diyos ay may napaka-maluwalhating katotohanan. Ito ang katotohanan ng ebanghelyo na niyurakan ng Arminianismo.

 

Una, ginamit sa Biblia ang salitang ito na hindi lamang tumutukoy sa kung ano ang nakita ng Diyos na magaganap, kundi kung ano talaga ang itinakda Niyang maganap. Ipinangaral ni Pedro na: "Siya, na ibinigay sa takdang pasiya at paunang kaalaman ng Diyos ay inyong ipinako sa krus at pinatay sa pamamagitan ng kamay ng mga makasalanan" (Gawa 2:23). Ginamit dito ang salitang "foreknowledge" bilang pagtukoy sa kung paanong sinadya at itinakdang papangyarihin ng Diyos ang kamatayan ni Cristo. Hindi ito nangangahulugang nakita lamang ng Diyos at pinahintulutan kung ano ang gagawin o mangyayari kay Cristo, kundi si Cristo ay talagang itinalaga ng Diyos upang ipako sa krus at patayin sa pamamagitan ng kamay ng mga makasalanan. Pansinin ang salitang "takda" bago ang salitang "pasya" at "paunang kaalaman." Ang pasya ng Diyos itinakda Niya. Siya mismo ang may kontrol at nagdidikta kung ano ang eksaktong magaganap sa hinaharap. Ang gamit ng salitang "Foreknowledge" ay hindi "nakitang mangyayari," kundi "itinakdang mangyari."  

 

Ikalawa, nang ginamit sa Biblia ang "foreknowledge" bilang pagtukoy sa paghirang sa mga ililigtas, ginamit ito bilang DAHILAN o UGAT ng ating pagsunod kay Cristo, at hindi resulta o bunga gaya ng pakahulugan ng Arminianismo. Ayon sa 1 Pedro 1:2, "Elect according to the foreknowledge of God the Father, through sanctification of the Spirit, unto obedience and sprinkling of the blood of Jesus Christ." Ang hinirang ayon sa "Foreknowledge" ay "sa pamamagitan" ng pagpapabanal ng Espiritu "upang" sumunod kay Cristo. Ang mga Arminians ay binaliktad ito sa kanilang pakahulugan bilang "itinalaga sa pamamagitan ng (o dahil sa) pagsunod (o pananampalataya) kay Cristo upang pabanalin ng Espiritu." Ayon sa talata ang paghirang ay sa layuning sumunod kay Cristo, at ang dahilan ng paghirang ay ang gawa ng Diyos at pagpapabanal ng Espiritu. Ang pananampalataya ng tao ay hindi dahilan at batayan ng kanilang pagkahirang kundi bunga at resulta matapos silang hirangin.

 

Ikatlo, "Foreknowledge" ang salitang ginamit ng Biblia upang ituro sa atin na ang batayan ng paghirang ay ang dakilang pag-ibig ng Diyos sa hinirang dahil kay Cristo, at hindi ang pag-ibig ng hinirang para kay Cristo. Ang salitang "Foreknowledge" ay etymology ng mga salitang "fore" (before, beforehand) at "knowledge" (kaalaman o pagkakilala). Subalit ang salitang "knowledge" o "pagkakilala" ay ginagamit sa Biblia na hindi tumutukoy sa intelektwal na kaalaman. Pansinin ang gamit ng "nakilala" sa mga sumusunod na talata:

 

a. "At kung magkagayon ay ipahahayag ko sa kanila, 'Hindi ko kayo kilala kailanman; lumayo kayo sa akin, kayong mga gumagawa ng kasamaan!'" (Mateo 7:23). Kung ang salitang "kilala" ay tumutukoy sa intelektwal na kaalaman, maaari bang sabihing may mga taong hindi kilala (intellectually) ng Diyos? Walang sinuman, kahit Arminian, ang magsasabing may mga taong isinilang at nabuhay na hindi alam at kilala ng Diyos. Ang salitang "kilala" ay ginamit sa talatang ito upang tukuyin ang pagkilala ng Diyos sa pag-ibig sa mga hinirang Niya. Hindi Niya "kilala sa pagmamahal" ang mga taong palalayasin sa Kanyang presensya, kasama silang mga naniwala sa kabulaanan ng Arminianismo.

 

b. "At nakilala ng lalaki si Eva na kanyang asawa, at siya'y naglihi at ipinanganak si Cain, at sinabi, "Nagkaanak ako ng lalaki sa tulong ng PANGINOON" (Genesis 4:1). "Kinaumagahan, maaga silang bumangon at sumamba sa PANGINOON, pagkatapos ay umuwi sa kanilang bahay sa Rama. At nakilala ni Elkana si Ana na kanyang asawa, at inalala siya ng PANGINOON. Sa takdang panahon, si Ana ay naglihi at nanganak ng isang lalaki, at tinawag ang kanyang pangalan na Samuel. Sapagkat sinabi niya, "Hiningi ko siya sa PANGINOON" (1 Samuel 1:19-20). "Nang bumangon si Jose mula sa pagkakatulog, ginawa niya ang ipinag-utos sa kanya ng anghel ng Panginoon. Siya'y kanyang tinanggap bilang kanyang asawa. Ngunit hindi niya ito nakilala hanggang sa maipanganak nito ang isang lalaki na pinangalanan niyang Jesus" (Mateo 1:24-25). Sa mga talatang ito ay ginamit ang salitang "nakilala" upang tukuyin ang pinaka-intimate na ekspresyon ng relasyong pag-iibigan ng mag-asawa. Sa dalawang naunang talata ang bunga ng pagka-"kilala" ay paglilihi at panganganak nina Eba at Ana. Hindi ito tumutukoy sa intelektwal na kaalaman kundi ang ekspresyon ng pinaka-intimate o sekswal na relasyon ng mag-asawa, na sa kabuoan ng turo ng Banal na Kasulatan, ay larawan ng ebanghelyo, ang relasyon ni Cristo at ng Iglesya.  Ang mga talatang ito ay sapat upang ituro sa atin na ang Diyos, nang ipahayag ang Kanyang paghirang sa atin sa pamamagitan ng "Foreknowledge" ay tumutukoy sa Kanyang pag-ibig. Humirang ang Diyos batay sa kanyang Fore-love, o "love before time." Ang mga hinirang ay inibig na Niya kay Cristo bago pa ang panahon. Ang pag-ibig Niya ang dahilan kung bakit mayroon Siyang hinirang. Salungat na salungat ito sa katuruan ng Arminianismo. Sa halip na ikintal sa ating isip na pag-ibig ng Diyos ang pinagmumulan ng lahat sa ating kaligtasan, sinira ng Arminianismo ang napaka-maluwalhating katotohanang ito. Ang ekspresyon ng pag-ibig ng Diyos ay hindi nila pinansin. Ang ipinagmamalaki nila ay ang ekspresyon ng pag-ibig ng makasalanang tao! Ang kapahayagan ng katotohanan ng Diyos ay pinalitan ng kasinungalingan ng tao.

 

Ikaapat, nang itinuro ni apostol Pablo sa sulat niya sa mga taga Roma na ang paghirang ng Diyos ay ayon sa Kanyang "Foreknowledge," mayroon siyang partikular na bulaang katuruang sinasawata, at nakagugulat sapagkat ang bulaang aral na iyon ay ang eksaktong pinaniniwalaan ngayon ng Arminianismo. Ang bulaang aral na ito ay ang katuruang may "ambag ang tao sa kaligtasan." Ang "ambag" ng tao sa kaligtasan ay nahahayag sa dalawa: gawa (good works) at pasya ng kalaooban (free-will). May bulaang aral na ang ambag ng tao sa kaligtasan ay ang mabubuting gawa at pagsunod sa kautusan ng Diyos (na sa ngayon ay buong pamumusong na pinaniniwalaan ng simbahang Romano Catoliko), at ang iba naman ay naniniwalang pasya ng malayang kalooban ang ambag ng tao sa kaligtasan (paniniwalang Arminianismo). Kaya upang sawatain ang bulaang aral na ito, at upang pagtibayin sa mga mananampalataya ang katotohanan ng ebanghelyo, ay itinuro ni apostol Pablo ang ebanghelyo ng paghirang ng Diyos ayon sa Kanyang "foreknowledge."  Ipinahayag ng Diyos ang paghirang na walang ambag ang tao sa kaligtasan upang ang "layunin ng Diyos ay manatili alinsunod sa pagpili, na hindi sa pamamagitan ng mga gawa, kundi doon sa tumatawag" (Roma 9:11-12). Pansining mabuti na pinatotohanan ng paghirang na ang kaligtasan ay "hindi sa pamamamagitan ng gawa ng tao kundi batay sa Diyos na tumatawag. Pero bakit ba naman kung ano ang pinagtitibay ng Diyos ay iyon naman ang tinanggihan ng Arminianismo, at kung ano ang tinutuligsang bulaang katuruan sa Biblia ay iyon ang pinaniniwalaan nila! Ayon sa iba ang paghirang ayon sa "foreknowledge" ay batay sa mabubuting gawa ng tao, ayon naman sa Arminianismo ito ay batay sa pasya ng malayang kalooban ng tao, subalit ayon sa Roma 9:16 "ito ay hindi ayon sa kalooban o pagsisikap ng tao, kundi ayon sa habag ng Diyos."

 

Ang Biblia laban sa Conditional Election ng Arminianismo!

 

Maliban sa kababawan nito, ang pakahulugan ng Arminianismo sa salitang "Foreknowldge" ay eksaktong kabaligtaran ng Ebanghelyo. Sa Biblia, ang paghirang ay makapangyarihan at malayang gawa ng Diyos na walang kinalalaman at hindi isinaalang-alang ang gagawin o papasyahin ng tao sa hinaharap. Ang paghirang ay hindi dahil sa nakita ng Diyos na sasampalataya at susunod ang tao sa hinaharap. May mga sasampalataya at susunod kay Cristo sa hinaharap sapagkat may hinirang ang Diyos. Ang paghirang ay ugat, dahilan, o cause, ng kaligtasan, at ang pananampalataya at gawang kabanalan ay mga bunga, resulta, o effect ng paghirang. Pansining mabuti kung paanong ang Salita ng Diyos ay laban sa katuruan ng Arminianismo.

 

Ayon sa Arminianismo "itinalaga sa buhay na walang hanggan ang lahat ng sasampalataya." Subalit ayon sa Salita ng Diyos sa Gawa 13:48 "" sumampalataya ang lahat ng mga itinalaga sa buhay na walang hanggan." Sa paano kayang paraan magpapalusot ang mga Arminians sa talatang ito. Itinuturo sa talatang ito ang relasyon ng "pananampalataya" at "pagtalaga sa buhay na walang hanggan." Ang pagsampalataya ayon sa talatang ito ay bunga lamang ng pagtalaga sa kanila sa buhay na walang hanggan. Binaliko ng Arminianismo ang talatang ito sa pagsasabing ang pananampalataya ang dahilan ng paghirang sa halip na ang paghirang ang dahilan ng pagsampalataya.

 

Ayon sa Arminianismo "ang Diyos ay hinirang ang isang tao batay sa nakita Niyang gagawin ng tao." Subalit ayon sa kapahayagan ng Diyos sa Roma 9:11-12 "Sapagkat bagaman ang mga anak ay hindi pa sinisilang, at hindi pa nakakagawa ng anumang mabuti o masama, (upang ang layunin ng Diyos ay manatili alinsunod sa PAGPILI, na hindi sa pamamagitan ng mga gawa, kundi doon sa tumatawag) ay sinabi sa kanya, "Ang nakatatanda ay maglilingkod sa nakababata." Ang pagpili na tinutukoy sa talata ay pagpili sa kaligtasan. Si Esau ay kinamuhian ng Diyos at si Jacob ay inibig Niya (v. 13). Nagbigay ang Diyos ng dahilan ng Kanyang pagpili kay Jacob at pagkamuhi kay Esau. Ang dahilan ay wala sa gawa o gagawin sa hinaharap ng dalawang taong ito, kundi nasa Diyos na tumatawag. "Ako'y maaawa sa aking kinaaawaan, at ako'y mahahabag sa aking kinahahabagan" (15). Awa at habag ng Diyos ang batayan ng Kanyang pagpili.

 

Ayon sa Arminianismo "humirang ang Diyos ayon pagtupad ng tao sa kundisyong hinihingi ng Diyos, sa gayon ay may bahagi ang tao na kanyang gagampanan." Ayon sa Roma 11:5-6, "Gayundin sa panahong kasalukuyan ay may nalalabi na hinirang sa pamamagitan ng biyaya. Ngunit kung ito'y sa pamamagitan ng biyaya, ito'y hindi na batay sa mga gawa; kung hindi, ang biyaya ay hindi biyaya." Ang batayan ng pagpili ay "biyaya" ng Diyos. Ang "biyaya" o "grace" ay may bantog na kahulugang "unmerited or undeserved favor." Kung ayon sa talatang ito ang pagpili ay batay sa "unmerited favor," bakit sinasabi ng Arminians na ang batayan ng Diyos ay ang nakita Niyang pagtupad ng tao sa kondisyong hinihingi ng Diyos? Hindi ba"t ito"y "merited" o "deserved favor" na? Sapagkat kung pinili ka dahil sa pananampalataya mo, hindi ba"t ang pagkapili sa iyo ay gantimpala at kabayaran na sa kung ano ang ginawa mo?

 

Ayon sa Arminianismo "hindi magagawang pangunahan ng Diyos ang tao." Ayon sa Daniel 4:35: ""kanyang (Diyos) ginagawa ang ayon sa kanyang kalooban sa hukbo ng langit, at sa mga nananahan sa lupa. Walang makakahadlang sa kanyang kamay, o makapagsasabi sa kanya, "Anong ginagawa mo?" Kapag gumawa ng pasya ang Diyos, wala Siyang isinaalang-alang na iba kundi ang sarili Niya. Maging ang kalooban o free-will ng tao ay magagawang baguhin ng Diyos ayon sa Kanyang nais. "Ang puso ng hari ay nasa kamay ng PANGINOON na parang batis ng tubig; ibinabaling niya ito saanman niya ibig" (Kawikaan 21:1).

 

Ang puno"t dulo ng katuruan ng Arminianismo ay "paghirang ayon sa kalooban ng tao." Subalit ayon sa Efeso 1:5 "Tayo'y itinalaga sa pagkukupkop upang maging kanyang mga anak sa pamamagitan ni Jesu-Cristo, ayon sa kabutihan ng kanyang kalooban." Paano kaya nasabi ng Arminianismo na kalooban ng tao ang batayan gayong ang Salita ng Diyos ay nagsasabing mabuting kalooban ng Diyos ang batayan ng pagtalaga? Hindi Siya pumili dahil nakita Niya na ang kalooban ng isang tao ay magpapasyang tanggapin si Cristo, sa halip pumili ang Diyos dahil mabuti ang Kanyang kalooban.

 

Arminianismo: Bulaang Ebanghelyo

 

Ang buong kapahayagan ng Salita ng Diyos ay eksaktong kabaligtaran ng Arminianismo. Hindi lamang nila tinanggihan ang ebanghelyo kundi aktibo pang ipinangangalat ang eksaktong kabaligtaran nito, ang bulaang ebanghelyo ng paghirang ayon sa free-will ng tao. Ang kanilang pananampalataya ay laban sa Biblia, at ang buong Biblia naman ay sumisigaw laban sa kanila. Ang kanilang "paghirang" ay ibang paghirang na hindi itinuro ng Biblia. Ang kanilang "foreknowledge" ay ibang foreknowledge na hindi itinuro ng Biblia. Ang kanilang "jesus" ay ibang Jesus, ang kanilang "espiritu" ay ibang espiritu, at ang kanilang "ebanghelyo" ay ibang ebanghelyo na hindi itinuro ng Biblia. Ang lahat ng mga hinirang ng Diyos ay manindigan para sa katotohanan ng paghirang ayon sa pasya ng mabuting kalooban ng Diyos na walang bahaging anuman ang tao.

 

 

 

Beware: False Gospels (Galatians 1:6-9)

 

Tunay na Ebanghelyo: Salungat sa Bulaang Ebanghelyo sa Mismong Diwa Nito

Ronald R. Santos

 

Layunin

 

Hindi magsasawa bagkus ay patuloy na magbababala ang The Bastion of Truth sa mga mambabasa hinggil sa lason ng mga "false gospels." Ang layunin ng lathalaing ito ay hindi upang manira ng relihiyon o maging ng ibang sekta kundi ihantad ang mga kabulaanang bumubulag sa sangkatauhan sa pag-asang ang mga biktima ng bulaang ebanghelyo ay "baka sakaling pagkalooban ng Diyos ng pagsisisi tungo sa pagkakilala sa katotohanan, at sila"y matauhan at makawala sa bitag ng diyablo na bumihag sa kanila upang gawin ang kanyang kalooban." (2 Timoteo 2:25). Taglay rin ang pag-asang "tayo"y hindi na maging mga bata, na tinatangay-tangay ng mga alon at dinadala-dala ng bawat hangin ng aral, sa pamamagitan ng pandaraya ng mga tao, sa pamamagitan ng kanilang katusuhan sa paraang mapandaya. Kundi humawak sa katotohanan na may pag-ibig"" (Efeso 4:14).

 

Kamatayan ang Pagsampalataya sa Bulaang Ebanghelyo

 

Kaagad ay aking hinihimok ikaw na sa probidensiya ng Diyos ay nagbabasa ngayon ng lathalaing ito na suriin mo ang ebanghelyong iyong pinaniniwalaan. Nakatitiyak ka ba na ang ebanghelyong iyong pinaniniwalaan ay sa Diyos o bulaang ebanghelyo na ikinakalat ng mga nagpapanggap na mga lingkod ng Diyos ngunit sa katotohanan ay mga bulaang propeta? Kung ang pagsampalataya sa bulaang ebanghelyo ay maliit na bagay lang na walang epekto sa ating buhay o kung may epekto man ay mararamdaman lang dito sa buhay sa lupa ay hindi na kami mag-aaksaya ng panahon na paalalahanan ka. Subalit mismong ang Panginoon Jesus ang naglahad na sila lamang na "sumampalataya sa ebanghelyo ay maliligtas" at ang hindi sumampalataya ay parurusahan (Marcos 16:16). Samakatuwid, buhay na walang hanggan o kaparusahang walang hanggan ang nakataya sa pagsampalataya sa tama o maling ebanghelyo. Kaligtasan ng iyong kaluluwa ang ating pinag-uusapan dito hindi pagalingan ng interpretasyon.

 

Iisa sa Diwa ang mga Bulaang Ebanghelyo

 

Ang Ebanghelyong itinagubilin ng Panginoong Jesu-Cristo sa mga apostol ay malinaw na naunawaan nila bilang Ebanghelyo ng Biyaya ng Diyos, dahil dito ay madali nilang masuri kung ang ebanghelyong ipinapangaral ay bulaan o katotohanan. Ang kanilang pinakapamantayan ay ang kaligtasan ay pawang gawa ng Diyos sa pamamagitan ni Jesu-Cristo at wala ni isang ambag ang tao, kaya naman ito ay tinawag nilang biyaya ng Diyos. Napakaraming naglipanang bulaang ebanghelyo at iisa lamang ang tunay na Ebanghelyong ipinagkaloob ng Panginoong Jesu-Cristo. Bagaman maraming bersyon ng bulaang ebanghelyo ang mga ito naman ay iisa sa pinaka-puso nito, na sa kaligtasan ng tao ay may obligasyon o bahagi ang tao o kundisyong dapat niyang tuparin bago siya maligtas. Ang kundisyon ay iba-iba, mayroong nagsasabi na siya"y gumawa ng mabuti, may mga nagsasabi naman na pananampalataya lamang ang kanyang bahagi at iyon ay sapat na, mayroon naman na gagamit nga ng katagang biyaya na ang pakahulugan ay "sa Diyos ang awa at sa tao ang gawa" o kaya naman may mga nagtuturo na dahil sa biyaya ng Diyos ay nagkaroon ng kakayahan ang tao na sumampalataya at ang kanyang pagsampalataya ay yaon ang nagligtas sa kanya.  Subalit iisa ang pinakadiwa ng mga ebanghelyong ito, alalaong baga"y "ang tao ay may bahagi" sa kaligtasan niya. Yamang iisa sa pinaka-diwa ang mga bulaang ebanghelyo, kaya sa lathalaing ito, ang katagang "bulaang ebanghelyo" ay ginamit upang tumukoy sa lahat ng mga ebanghelyong laban sa Ebanghelyo ng biyaya lamang ng Diyos.

 

Puso ng Tunay na Ebanghelyo, Laban sa Bulaang Ebanghelyo

 

Ang kasinungalingan ng bulaang ebanghelyo ay maaaring di pa mapansin at nagmimistulan pang umaayon sa ebanghelyo ng biyaya kapag inihambing sa ibang mga aspeto ng tunay na Ebanghelyo, subalit kapag ito"y sinukat sa pinaka-pundasyon o pinaka-puso ng Ebanghelyo ay tunay na mahahantad ang tiwaling kasinungalingan nito. Ang aking tinutukoy na pinaka-pundasyon ng Ebanghelyo ay ang Soberanyong Pagtatalaga at Pagpili ng Diyos (God"s Sovereign Predestination and Election). Ang pagka-mabiyaya ng pagliligtas ng Diyos ay hayag na hayag sa katotohanang ang Diyos ay Soberanyong nagtalaga at pumili ng ililigtas kay Cristo Jesus. Sa aspetong ito ng katuruan ng Ebanghelyo ay walang puwang ang ni isang katiting na bahagi ang tao. Kaya mismong ang katotohanang ito ang ginamit na argumento ni apostol Pablo sa Roma 9 hanggang 11, upang isara ang bibig ng lahat ng mga lumalaban sa Ebanghelyo ng biyaya ng Diyos. Kung ang argumento ni apostol Pablo sa Roma hinggil sa Ebanghelyo ay natapos sa kapitulo 8 at walang kapitulo 9 hanggang 11 ay maaari pang magkaroon ng butas ang kanyang argumento sa paningin ng mga bulaang guro kahit sa totoo ay wala naman talaga, sapagkat mula sa kapitulo 1 ng Roma hanggang sa kapitulo 8 ay ipinagdiinan niya na ang kaligtasan o pag-aaring ganap ng Diyos sa makasalanan ay sa pamamagitan lamang ng pananampalataya, sinabi niya sa Roma 3:27-28 "Kaya nasaan ang pagmamalaki? Ito'y hindi kasama. Sa pamamagitan ng anong kautusan? Ng mga gawa? Hindi, kundi sa pamamagitan ng kautusan ng pananampalataya.  28  Sapagkat pinaninindigan natin na ang tao ay itinuturing na ganap sa pananampalataya na hiwalay sa mga gawa ng kautusan." Sapat na ito sa mga nanghahawakan sa tunay na Ebanghelyo ng biyaya ngunit para sa mga bulaang guro, babaluktutin nila ang katuruan ni Pablo sa pagtuturong ang pananampalatayang nag-aaring ganap ay bahagi ng tao. Batid ni apostol Pablo ang gayong kaisipan ng mga bulaang guro na ipaggigitgitan nila ang bahagi ng tao sa kaligtasan kaya itinuloy pa niya ang kanyang argumento hanggang sa Roma 9-11, na dapat ay magpatigil na sa lahat ng mga lumalaban sa pamamaraan ng Diyos! Sinabi ni apostol Pablo, "Sapagkat bagaman ang mga anak ay hindi pa isinisilang, at hindi pa nakakagawa ng anumang mabuti o masama, (upang ang layunin ng Diyos ay manatili alinsunod sa pagpili,  12 na hindi sa pamamagitan ng mga gawa, kundi doon sa tumatawag) ay sinabi sa kanya, "Ang nakatatanda ay maglilingkod sa nakababata."" (Roma 9:11-12), at dagdag pa niya,  "Ano nga ang ating sasabihin? May  kawalang katarungan  ba  sa Diyos? Huwag nawang mangyari.  15 Sapagkat sinasabi niya kay Moises, "Ako'y maaawa sa aking kinaaawaan, at ako'y mahahabag sa aking kinahahabagan.""  16 Kaya ito ay hindi ayon sa kalooban o pagsisikap ng tao, kundi ayon sa habag ng Diyos.  17 Sapagkat sinasabi ng kasulatan kay Faraon, "Dahil sa layuning ito, ay itinaas kita, upang aking maipakita sa pamamagitan mo ang aking kapangyarihan, at upang ang aking pangalan ay maipahayag sa buong lupa."  18 Kaya nga siya'y may awa sa kanyang maibigan, at kanyang pinagmamatigas ang puso ng sinumang kanyang maibigan" (Roma 9:14-18). Sa mga tumututol sa soberanyong karapatan ng Diyos na pumili ng kanyang ililigtas ay ganito ang sagot ni apostol Pablo sa kanila "Ngunit, sino ka, O tao, na makikipagtalo sa Diyos? Sasabihin ba ng bagay na hinubog doon sa humubog sa kanya, "Bakit mo ako ginawang ganito?"  21 O wala bang karapatan  ang magpapalayok sa luwad, upang gumawa mula sa iisang limpak ng isang sisidlan para sa marangal na gamit at ang isa'y para sa pangkaraniwang gamit (ikahihiya,ab)?  22 Ano nga kung sa pagnanais ng Diyos na ipakita ang kanyang poot, at ipakilala ang kanyang kapangyarihan, ay nagtitiis na may pagtitiyaga sa mga kinapopootan niya na inihanda para sa pagkawasak;  23 upang maipakilala niya ang kayamanan ng kanyang kaluwalhatian sa mga kinaaawaan, na kanyang inihanda nang una pa para sa kaluwalhatian,  24 maging sa atin na kanyang tinawag, hindi lamang mula sa mga Judio, kundi mula rin sa mga Hentil?" (Roma 9:20-24).

 

Kaya naman ang sukdulang kasamaan ng kabulaanan ng bulaang ebanghelyo ng mga bulaang guro ay hantad na hantad sa aspetong ito ng tunay na Ebanghelyo ng Biyaya ng Diyos. Ang paglaban sa soberanyong pagpili ng Diyos sa pagliligtas ay "pakikipagtalo sa Diyos" v. 20, at pag-akusa ng "kawalang katarungan sa Diyos" v. 14. Ang gayong pagsalungat sa Ebanghelyo ay pagtatangkang ibaba ang Diyos mula sa Kanyang kataas-taasan at pagtaas naman sa tao mula sa kanyang abang kababaan. Hindi palalampasin ng Diyos ang ganitong kapalaluan, susumpain sila ng Diyos (Galacia 1:7-9)!

 

Palatandaan ng Bulaang Ebanghelyo

 

Kaya naman, sa abot ng aming makakaya ay patuloy kaming magpapaalala at magbababala sa mga mambabasa ng The Bastion of Truth hinggil sa pandaraya ng bulaang ebanghelyo na ipinapangaral ng mga bulaang guro. Huwag kang padaya sa kanila, suriin mo ang kanilang itinuturo, at matutuklasan  mo na ang paborito nilang katuruan ay "ang tao ay may bahagi sa kaligtasan," bagaman gagamit sila ng salitang biyaya at sisitas pa ng maraming talata sa Biblia ay ipagdidiinan nila ang "free will" ng tao, "pananampalataya" ng tao, "pagsisisi" ng tao, maging "pagsisikap" ng tao.

 

Mag-ingat ka sa kanila at sa kanilang turo, maraming palatandaan sa mga kabulaanan ng bulaang guro, halimbawa, kapag sinabi mo sa kausap mo na "ang Diyos ay nagtalaga at pumili ng Kanyang ililigtas" o mabanggit mo lamang sa wikang Ingles ang "predestination" o "election," kung siya ay bulaang guro ay kaagad na sasabihin sa iyo ang alin sa mga ito, "Eh, paano na ang "free will" ng tao?" o kaya naman "Eh, paano na ang John 3:16?" o kaya"y "Hindi robot ang tao!" at eto pa, "Unfair ang Diyos kapag ganyan!" o kaya naman, "Mahal ng Diyos ang lahat ng tao!" eto pa, "Walang paboritismo sa Lord!" o ang pangahas na "Kung ganyan, ay ang lupit naman ng Diyos na iyan!" Marami pang katulad ng mga ito ang kanilang sasabihin, subalit iisa ang diwa sa likod ng mga kabulaanang ito, ang "bahagi ng tao sa kanyang kaligtasan" na siyang ugat ng bulaang ebanghelyong itinakwil ni apostol Pablo. Ipinagpapauna ko na sa mga mambabasa na hindi muna saklaw ng lathalaing ito na sagutin isa-isa ang mga kabulaanang ito, sa ibang lathalain ay natalakay ang iba sa mga ito, at sa ibang pagkakataon ay matatalakay rin ang mga ito. Gayunpaman ang mga ito ay bunga ng bulaang ebanghelyo "ng bahagi ng tao," hindi kailanman, gagamitin ang mga ito ng mga sumasampalataya at nangangaral ng tunay na Ebanghelyo ng Biyaya ng Diyos na nagtatanghal sa soberanyong pagtatalaga at pagpili ng Diyos!

 

"Allergic" ang mga bulaang guro sa katotohanan ng Soberanyong Pagtatalaga at Pagpili ng Diyos. Dahil ang mga katagang ito ay nasa Biblia talaga, ang mga di-aral na bulaang guro ay iiwasan hangga"t maaari ang mga katagang ito. Subalit kung ang mga bulaang guro ay aral sa kanilang sariling "Bible Seminary" ang ginagawa nila ay "explain away" o ipaliwanag nang hindi tumpak ang mga katagang ito na pabor sa paborito nilang kabulaanan. Ang himig ng kanilang inimbentong paliwanag ay ganito, "Ang Diyos ay nagtalaga at pumili ng Kanyang ililigtas sapagkat bago pa lalangin ang langit at lupa ay paunang nakita niya sa hinaharap kung sinu-sino ang magsisisi at sasampalataya kay Cristo, ang mga sasampalatayang ito ang siya niyang mga pinili!" Napakatuso ng kanilang kabulaanan, nakahihikayat nga sa mga payak ang kaisipan, umaayon sa kagustuhan ng masamang kalikasan ng tao. NGUNIT, bulok ang diwa nito sapagkat sa gayong paliwanag ay soberanyo ang tao at hindi ang Diyos. Lumalabas na ang Diyos ay nakatali sa kapasiyahan ng tao; sunud-sunuran sa "free will" ng tao. Laban ito sa Diyos"itinakwil ito ni apostol Pablo bilang bulaang ebanghelyo.

 

May pangkat naman ng mga bulaang guro na kikilalanin ang pagtatalaga at pagpili ng Diyos sa kaligtasan, ngunit may mapapansin kang kakaiba sa kanilang paniniwala, na hudyat na upang iwasan mo ang mga ito. Sasabihin ng mga ito sa iyo na huwag na huwag mong ituturo ang doktrinang ito sa ebanghelismo sa mga di pa mananampalataya at kahit na sa mga bagong mananampalataya, sa katwirang baka raw sila matisod at hindi sila sumampalataya dahil sa lalim ng doktrinang ito na para sa mga "mature" lang daw! Samakatuwid sa kanilang pananaw ay malaking hadlang sa pananampalataya ang katuruang ang Diyos ay nagtalaga at pumili ng Kanyang ililigtas. Nagmamarunong sila laban sa Panginoong Jesu-Cristo at kina apostol Pablo na hindi kailanman itinago ito bagkus ay ipinangaral sa lahat maging sa di-mananampalataya o sa mananampalataya. Anong dahilan at ang doktrinang nagpapatingkad sa biyaya lamang ng Diyos ay itinuturing nilang malalim na doktrina na hadlang sa ebanghelismo? Ang sagot ay makikita sa pinaka-diwa ng kanilang kabulaanan na ang tao ay may kakayahang iligtas ang sarili niya sa pamamagitan ng pagtanggap o pagsampalataya kay Cristo. Batay sa katuturang ito ang tao pa rin ang soberanyo at hindi ang Diyos; ang kaligtasan ng tao ay nakasalalay sa kanya at hindi sa Diyos. Maling-mali ito, mandaraya ang kabulaanang ito! Ang katuruan ng Biblia ay ang Diyos ay Soberanyo sa pagliligtas sa Kanyang mga itinalaga at pinili! Na sa lahat ng sitwasyon at kapanahunan ay dapat na ipangaral ito sa lahat!

 

Panawagan sa mga Mambabasa

 

Mga mambabasa ingat kayo! Huwag ninyong hayaang makasama kayong maisumpa ng Diyos. Tiyak na susumpain Niya ang mga nangangaral ng bulaang ebanghelyo at magkagayon ay pati rin ang mga sumasampalataya sa bulaang ebanghelyo. Sumampalataya ka sa tunay na Diyos na soberanyo sa Kanyang pagtatalaga at pagpili ng Kanyang mga tupang tutubusin ng Kanyang Anak na si Cristo, na ginawa Niya ang pagpili bago pa itatag ang daigdig! Sumampalataya ka sa tunay at tanging Ebanghelyo ng Biyaya ng Diyos at ikaw ay maliligtas!

 

 

 

Translation

 

"Pagtalaga at Pagpili"

 

(Ang artikulong ito na isinalin sa wikang Tagalog ni Ronald R. Santos ay hango sa www.albatrus.org na may titulong "Predestination and Election")

 

Kataka-taka na marami sa nagsasabing sila"y Cristiano ay tumatangging tanggapin ang Diyos sa Kanyang Salita nang Kanyang ipahayag na Siya ang pumili sa atin at nagtalaga sa atin bago pa lalangin ang sanlibutan. Hindi maaaring maniwala sa Banal na Kasulatan bilang Salita ng Diyos kung hindi paniniwalaan ang Pagpili at Pagtalaga sa Kanyang mga hinirang, sapagkat ang ikalawang bahagi ng pahayag ay nagpapawalag-bisa sa una:

  

Efeso 1:4 "ayon sa pagkapili niya sa atin sa kanya bago itinatag ang sanlibutan, upang tayo'y maging banal at walang dungis sa harapan niya sa pag-ibig."

 

Efeso  1:5 "Tayo'y itinalaga sa pagkukupkop upang maging kanyang mga anak sa pamamagitan ni Jesu-Cristo, ayon sa kabutihan ng kanyang kalooban"

 

Efeso  1:6 "para sa ikapupuri ng kanyang maluwalhating biyaya, na ipinagkaloob niya ng walang bayad sa atin sa pamamagitan ng Minamahal."

 

Efeso  1:11 "sa kanya ay tumanggap din tayo ng isang mana, na itinalaga nang una pa ayon sa layunin niya na gumagawa ng lahat ng mga bagay ayon sa kanyang pasiya at kalooban""

  

Ang mga tumatangging maniwala sa maliwanag na kapahayagan ng Salita ng Diyos ay kaagad namang tatanggapin at uulit-ulitin ang mga kapahayagang tulad ng mga sumusunod:

 

"Dapat mong malaman na ikaw ay makasalanan, kailangan mo ng Tagapagligtas, lumapit ka kay Jesus, ipahayag mo ang iyong mga kasalanan, tanggapin mo Siya bilang personal na Tagapagligtas, sumampalataya ka sa Kanya at ikaw ay ipapanganak na muli, at ikaw ay Kanyang ililigtas at pagkakalooban ng buhay na walang hanggan."

 

Ang mismong mga kapahayagang ito ay hindi tama at hindi ayon sa Biblia. Hindi lamang ito hindi tama bagkus ito"y katanggap-tanggap din sa mga Romano Catoliko, mga Mormon, mga Jehovah"s Witnesses at maging sa maraming Muslim. Ang ipinapahayag na ebanghelyo ngayon ay kaaya-aya sa makalamang pandinig, itinataas ang tao, at puspos ng emosyon kaysa ng pag-iisip, minamaliit ang Diyos, at hindi nauunawaan ang Kanyang biyaya at walang pakundangang namumuhi sa mga pinili ng Diyos.

 

Juan 15:18  "Kung kayo'y kinapopootan ng sanlibutan, ay alamin ninyo na ako muna  ang kinapootan  nito bago kayo."

 

Juan 15:19  "Kung kayo'y  taga-sanlibutan, iibigin kayo ng sanlibutan na parang sa kanya. Ngunit dahil kayo'y hindi taga-sanlibutan, kundi kayo'y pinili ko mula sa sanlibutan, kaya napopoot sa inyo ang sanlibutan."

 

Juan 16:2  "Kayo'y palalayasin nila sa mga sinagoga. Talagang darating ang oras na ang sinumang papatay sa inyo ay mag-aakalang naghahandog siya ng paglilingkod sa Diyos."

 

Kinilala ng Panginoon ang sistema ng sanlibutan ay yaong sistema ng relihiyon, isa na may sinagoga at inaakala nito na ang ginagawa nila ay paglilingkod sa Diyos. Ang isang dahilan ayon sa Biblia kung bakit gayon na lang ang pagkamuhi ng sistemang relihiyon sa atin ay ang katotohanang tayo ay pinili ng Diyos. Palihasa"y karamihan sa mga nagsasabing sila"y Cristiano ang hindi na nagpapahayag ng mensahe ng biyaya at hindi na nagpapahalaga sa doktrina ng Biblia kaya halos hindi na namumuhi ang sistemang relihiyon sa kanila.

 

Mas maraming talata sa Banal na Kasulatan ang tumutukoy sa pagka-Soberano ng Diyos at Kanyang pagpili kaysa sa iba pang mga paksang teolohiya, tulad ng, paglalang, pagkakasala ng tao, kautusan, kapanganakan ni Cristo, Kanyang buhay, Kanyang kamatayan, Kanyang pagkabuhay-muli, Kanyang pagbabalik, o maging ang responsibilidad ng Cristiano, gayunpaman ang Soberanyo at pagpili ay bibihirang ituro.

 

Sinasabi sa atin na malaking panganib daw ang mangyayari kapag ipinahayag ang katotohanan ng pagtalaga at pagpili ng Diyos sa pamamagitan ng Kanyang biyaya, yamang ang ibang maaaring makarinig ay hindi pa mananampalataya o kaya"y bata pa sa pananampalataya at maaaring matisod dahil sa doktrina. Ang mga amain sa pananampalataya ng Repormasyon ay nakita na ang pagtutol na ito at nagwika: "Ito ba ang payak na Cristianismo"na iwasang parang nakalalason ang kung ano ang ipinahayag na ng Diyos? Sinabi sa atin na wala namang halaga kung mangmang tayo sa doktrinang pagpili ng Diyos. Waring ang makalangit na Guro ay hindi mahusay sa pagpapasiya sa kung ano at gaano ang dapat malaman ng tao." (Pastors of the Church of Geneva, 1552)

 

Ang nagpapakita ng kaibahan sa Cristianismo sa lahat ng mga relihiyon sa sanlibutan ay ang doktrinang ang Diyos ay soberano at ang Kanyang pagpili at pagtalaga ng Kanyang sariling hinirang sa pamamagitan ng Kanyang biyaya lamang. Ang isang Protestante ay siya na tumatanggap sa pagka-Tunay na makasalanan ng tao at purong biyaya ng Diyos at nagpo-"protesta" laban sa sistemang merito ng tao.

 

Nang ang tao ay bumagsak kay Adan sa pagkakasala ay ganap ang kanyang pagbagsak at naging Tunay at ganap na makasalanan, magkagayon ay walang kakayahang sumampalataya, magtamo, tumanggap, etc., malibang siya ay ipanganak na muli. Na ang bagong kapanganakan ay nauuna sa pananampalataya, pagtanggap, pagsisisi, pagpapahayag, etc., ay di-nagbabagong pahayag ng Banal na Kasulatan. Halimbawa, isaalang-alang na muli ang hindi makakayang gawin ng likas na tao:

 

Juan 3:3                           Hindi niya maaaring makita ang kaharian ng Diyos

Juan 6:44, 65                   Hindi maaaring makalapit kay Cristo

Juan 8:43                         Hindi maaaring makarinig ng Salita ng Diyos

Juan 14:17                       Hindi maaaring makatanggap ng Espiritu ng Diyos

Roma 8:7                         Hindi maaaring magpasakop sa kautusan ng Diyos

Roma 8:8                         Hindi maaaring makapagbigay lugod sa Diyos

1 Corinto 2:14                 Hindi maaaring tumanggap ng mga bagay ukol sa Espiritu ng Diyos

2 Pedro 2:14                   Hindi tumitigil sa pagkakasala

 

At samakatuwid ay hindi siya maaaring tumugon sa anumang paanyayang tanggapin si Cristo na ang ganitong paraan ng pagpapatanggap ay iniaalok sa kaisipang makalaman, hindi alintana ang sinabi ng Biblia na ang kaisipan ng lumang tao ay hindi maaaring makakapagbigay-lugod sa Diyos (Rom 8:7-8).

 

Kung ang tao ay hindi tunay at ganap na makasalanan ang mangyayari ay hindi siya naligtas ng biyaya. Kung ang isa ay hindi naniniwala na itinalaga na at pinili na ng Diyos ang lahat ng maliligtas ay hindi siya talaga naniniwala sa biyaya ng Diyos. Ang dalawang ito ay hindi maaaring paghiwalayin. Imposibleng sabihin na ang Diyos ay nililigtas ang sinumang lalapit sa Kanya sa pamamagitan ng kanilang sariling pasiya (free will) at pagkatapos ay sasabihin na ang Diyos ay nagliligtas sa pamamagitan ng biyaya.

 

Ang pinaka tampok na mabuting balita sa ebanghelyo ay ang Diyos ay soberanong nagtakda at pumili sa pamamagitan ng Kanyang purong biyaya ng Kanyang ililigtas at binigyan niya ng bagong buhay batay sa ganap na tapos na gawa ng Panginoong Jesu-Cristo, kaya naman ang bagong tao na ipinanganak ay magagawa ang hindi magawa ng lumang tao"alalaong baga"y ang sumampalataya sa Panginoong Jesu-Cristo. At magkaroon ng bagong ugnayan sa Diyos. Gayon nga, kaya dapat na ito"y biyaya, biyaya lamang, kung saan tayo ay naligtas.

 

Ang lahat sa Kasulatan na humihikayat sa tao na sumampalataya ay ibinibigay sa mga taong natubos na ng Kordero ng Diyos na pinaslang bago pa itatag ang sanlibuan, samakatuwid sila"y Kanyang mga tupa kaya nagkaroon ng kakayahang sumampalataya. Juan 10:26-27

 

Binigyan tayo ng Panginoon ng magandang larawan nito sa pamamagitan ng paskuwa sa Matandang Tipan. Ang panganay na anak na lalaki, na nanatiling anak subalit nasa ilalim ng hatol, ay walang ginawa sa kanyang kaligtasan. Hindi niya kailangang maniwala, tumanggap, gumawa, sa katunayan, gumawa ng anuman para maligtas sa kamatayan. Ang kanyang ama ang siyang nagpahid ng dugo sa haligi at hamba ng pinto.

 

Hindi mahalaga kung ano ang ginawa o pinaniniwalaan ng anak kundi ang mahalaga ay kung ano ang ginawa ng ama, at sa gayunding paraan, ang ating mapagmahal na Ama sa pamamagitan ng Kanyang biyaya ang naglagay ng dugo para sa atin. Matapos na maglagay ang Ama ng dugo ay hinikayat Niya ang Kanyang anak na manalig na ang kanyang katubusan ay naisagawa na. Kung ang anak ay madama ito ay magkakaroon siya ng kapayapaan dahil sa ginawa ng kanyang Ama, kung hindi niya madama, ay wala siyang kapayapaan, subalit mananatili ang kanyang katubusan at hindi maaaring mamatay. Ito ang kamangha-mangha sa dakilang biyaya ng Diyos na ipinagkaloob sa atin. Kung ligtas na siya ay saka niya mauunawaan at sasampalatayanan ang ginawa ng Ama!

 

Ang dahilan ng Diyos kung bakit pinili niya ang katagang "ipanganak na muli" o "ipanganak mula sa itaas" sa paglalarawan sa gawa ng biyaya ay sapagkat dapat mapagtanto na sa kapanganakan ang bata ay walang ginawa bagkus ay tumanggap lamang ng buhay. Bagaman ang "Kinakailangang ikaw ay ipanganak na muli" ay naging pangkaraniwang salita sa makabagong ebanghelismo ay hindi kailanman ginamit ng pangunahin sa lahat ng mga ebanghelista, ni Pablo, o maging sinumang apostol o ng mga nagsulat ng Bagong Tipan. Alam na alam nila na ito"y hindi isang paanyaya at ni hindi rin isang utos sa likas na tao at alam nila na ang kapanganakan ay gawa ng ina at hindi ng anak. Sa ina at hindi sa bata sinabi ng doktor na, "Ire!"

 

Ang Batas ng Walang-Salungatan ay nagpapahayag na ang dalawang kapahayagan na nagsasalungatan sa isa"t isa ay hindi maaaring parehong tama. Mangyari pa, posible na walang tama sa dalawa, kaya dapat na maingat na pag-aralan ng isang nagsasaliksik ang mga bagay na ito upang matalastas niya ang tama.

 

Tingnan ang sumusunod na dalawang kapahayagan:

 

1.      Ang isang tao ay nagiging isang tupa ng Diyos sa pamamagitan ng kanyang pagsampalataya at pagtanggap kay Cristo bilang personal niyang tagapagligtas.

 

2.      Ang isang tao ay sumasampalataya at tumatanggap kay Cristo sapagkat siya ay isa sa tupa ng Diyos.

 

Ang dalawang kapahayagang ito ay magkasalungat at samakatuwid, maaaring isa sa kanila ang tama o pareho silang mali, hindi maaaring pareho silang tama.

 

Bagaman ang unang kapahayagan ay naging karaniwang ginagamit sa karamihan sa pangangaral ngayon, ito naman ay hindi kapahayagan ng Biblia. Hindi ito kinakatigan ng Banal na Kasulatan, sa katunayan ito"y turong Pelagianismo na nagtuturo ng pagtutulungan ng tao at Diyos sa kaligtasan na tumatatwa sa biyaya ng Diyos at sa tunay at ganap na pagkamakasalanan ng tao, at ginagawa nitong ang kaligtasan ay isang pabuya o gantimpala kaysa sa pamamagitan lamang ng biyaya.

 

Sa kabilang dako, ang ikalawang kapahayagan ay kinakatigan ng Banal na Kasulatan (Juan 10:26-27), at hindi salungat sa katuruan ng Biblia hinggil sa tunay at ganap na pagkamakasalanan ng tao. Ang ganitong kapahayagan sa Biblia ay sapat na upang matapos ang usapin hinggil sa pagtalaga at pagpili sa pamamagitan ng biyaya para sa isang tao na lubos na nagpapahalaga sa Salita ng Diyos.

 

 

Ang Diyos ay Soberanyo sa Pagpili at Pagtutubos:

 

Kawikaan 16:4  "Ginawa ng PANGINOON ang bawat bagay ukol sa layunin nito, pati ang masamang tao ukol sa araw ng gulo."

 

Kawikaan 16:33  "Ang pagsasapalaran ay hinahagis sa kandungan, ngunit mula sa PANGINOON ang buong kapasiyahan."

 

Ang Panginoon ang lumikha sa lahat ng bagay para sa Kanya at "mula sa Kanya ang pagpapasiya." Ang diyos ng tao sa ngayon ay "kapalaran" at inilalagay nila ang buhay nila sa kamay ng kapalaran. Ngunit pinupuri natin ang Diyos sapagkat hindi Niya tayo iniwan sa kapalaran kundi palaging nasa Kanyang pag-ibig at kandili.

 

Juan 1:13  ""na ipinanganak hindi sa dugo, sa kalooban ng laman, o sa kalooban ng tao, kundi ng Diyos."

 

Hindi dahil sa ating lahi, ni hindi dahil sa ating sariling kalooban, ni hindi dahil sa kalooban ng laman, ni ng kapasiyahan ng tao, kundi sa pamamagitan lamang ng kalooban ng Diyos kaya tayo"y ipinanganak na muli. Iyan ang biyaya.

 

Juan 10:26-29 "Subalit hindi kayo naniwala, sapagkat hindi kayo kabilang sa aking mga tupa. Pinapakinggan ng aking mga tupa ang aking tinig, at sila'y aking kilala, at sila'y sumusunod sa akin. Sila'y binibigyan ko ng buhay na walang hanggan, at kailanma'y hindi sila mapapahamak, at hindi sila aagawin ng sinuman sa aking kamay. Ang mga ibinigay sa akin ng aking Ama na higit na dakila kaysa lahat, at walang makakaagaw ng mga ito sa kamay ng Ama."

 

Salungat sa ebanghelismo sa ngayon, ang tupa ay hindi nagiging tupa sa pamamagitan ng pananampalataya, kundi ang talagang katotohanan ay sumasampalataya ang isang tao sapagkat siya ay tupa na mula"t sapol, tinubos ng ganap na kumpletong gawa ni Cristo at nakapagbibigay ng kaluguran sa Diyos sa pamamagitan ng pananampalataya.

 

Sa Juan 17:2, 6, 9, 11, 12, 24, ang lahat ng mga ito ay maliwanag na nagpapahayag na tayo ay kaloob sa Diyos Anak mula sa Diyos Ama. Sa katunayan, isa ito sa katotohanang madalas ulit-ulitin ng Panginoon sa Kanyang huling pakikipag-usap sa Kanyang mga alagad. Malayung-malayo sa inuulit-ulit sa ebanghelismo sa ngayon.

 

Roma 5:19 "Sapagkat kung paanong sa pamamagitan ng pagsuway ng isang tao ang marami ay naging mga makasalanan, gayundin sa pamamagitan ng pagsunod ng isa ang marami ay magiging mga matuwid."

 

Ang depinidong pantukoy bago sa salitang "marami" sa wikang Griego ay maliwanag na nagpapakita na ang unang "marami" at ang ikalawang "marami" ay parehong depinidong pangkat at parehong pangkat. Dapat na madaling mapansin ng karaniwang mambabasa na ang "ang marami" na naging makasalanan sa pamamagitan ng kasalanan ni Adan ay naging makasalanan kay Adan, hindi dahil sa anuman nilang ginawa, walang  pagtutulungang nangyari, walang Pelagianismong bahagi ng tao sa pagiging makasalanan. Hindi sila pumili, walang tinig, walang bahagi, walang pagtutulungan, sila rin "ang marami" na ginawang matuwid kay Cristo sa pamamagitan ng biyaya ng Diyos.

 

Isang kalapastanganan sa Salita ng Diyos at sisirain ang doktrina ng biyaya kapag itinuro na ginawa ni Cristo ang Kanyang tinubos na bahagya o kalahati lamang matuwid, o inalok lamang niya sa "marami" ang katuwiran at bahala na silang magpasiya kung tatanggapin ito. Tunay na hindi ito totoo nang sila"y naging makasalanan at gayundin hindi rin totoo nang sila"y gawing matuwid.

 

Tinukoy ng Espiritu Santo ang gayunding katotohanan sa 2Corinto 5:21, "Para sa ating kapakanan, ginawa niyang may kasalanan siya na hindi nakakilala ng kasalanan, upang sa kanya tayo'y maging katuwiran ng Diyos." Ang depinidong "atin" o "tayo" ay gaya ng depinidong "ang marami" sa Roma 5:19, ginawa tayong matuwid ng Diyos kay Cristo. Hindi bahagya lamang katuwiran, ni hindi alok ng katuwiran, kundi mismong katuwiran ng Diyos. Wala nang hihigit pang katuwiran dito.

 

Sinasabi sa Isaias 53:6 na "Tayong lahat ay gaya ng mga tupang naligaw; bawat isa sa atin ay lumihis sa kanyang sariling daan; at ipinasan sa kanya ng PANGINOON ang lahat nating kasamaan." Muli makikita ang depinidong "atin" at depinidong "tayo" at "ang lahat nating kasamaan." Yamang ang ating mga kasalanan ay ipinasan kay Cristo nang tayo"y naligaw, wala na tayong kasalanan, nabili na tayo, natubos na tayo, ginawa na tayong matuwid at inari na tayong Kanya.

 

Sa Roma 9:8, tayo ay mga "anak ng pangako," at sa Roma 9:23 mga "inihanda na niya noong una pa" para sa kaluwalhatian. Sa gayunding paraan, sa Galacia 4:8 ay sinabi sa atin na kung ano si Isaac ay gayundin tayo na mga anak ng pangako. Si Isaac ay ipinangako kay Abraham, humigit-kumulang na labing-apat na taon bago pa man siya ipinanganak at tayo sa gayunding paraan ay ipinangako kay Cristo bago pa man tayo ipanganak. Ang biyaya ng pangakong yaon ay makikita sa katotohanang hindi lamang si Isaac ay walang ginawa bagkus ay tumanggap lamang ng buhay, kundi maging sina Abraham at Sarah ay hindi maaaring magkaroon ng anak sa likas na paraan kundi lamang sa gawa ng Diyos.

 

Ang pagka-soberanyo ng Panginoon ay makikita rin sa Kanyang pagkakaloob ng Kanyang habag:

 

Rom 9:18-20 "Kaya nga siya'y may awa sa kanyang maibigan, at kanyang pinagmamatigas ang puso ng sinumang kanyang maibigan. Kaya't sasabihin mo sa akin, "Bakit humahanap pa siya ng kamalian? Sapagkat sino ang makakasalungat sa kanyang kalooban?" Ngunit, sino ka, O tao, na makikipagtalo sa Diyos? Sasabihin ba ng bagay na hinubog doon sa humubog sa kanya, "Bakit mo ako ginawang ganito?"

 

At palaging nagbubunsod ng parehong tugon, "Bakit humahanap pa siya ng kamalian?"

 

Si Jonathan Edwards na itinuturing na pinakadakilang ebanghelista sa America ay nagsabi, "Tandang-tanda ko pa nang ako"y waring nakumbinsi at lubos na umayon sa pagka-soberanyo ng Diyos, sa Kanyang pagiging makatarungan sa eternal na pagtakda sa tao ayon sa Kanyang soberanyong kaluguran"Subalit kadalasan, simula nang una kong paniniwala, ay may paniniwala akong may iba pang diwa ang pagka-soberanyo ng Diyos kaysa sa aking pinaniniwalaan noon. Mula noon ay nagkaroon ako ng hindi lamang paniniwala, kundi kasiya-siyang pananalig. Ang doktrina para sa akin ay kaaya-aya, maningning, at kalugod-lugod. Ang absolutong pagka-soberanyo ng Diyos ay ang aking gustung-gustong paglalarawan sa Diyos""

 

At ang kanyang matibay na pagbibigay-diin sa absolutong pagka-soberanyo ng Diyos sa pagtakda, na naglalagay sa pagpili ng Diyos bago sa at higit sa pananampalataya ng tao ay nagdulot noon ng dakila at malawakang pagbabalik-loob ng mga tao sa Diyos.

 

 

Ang Pagtalaga ng Diyos sa Kanyang mga Pinili:

 

Ang katotohanang ang Diyos sa pamamagitan ng biyaya ay nagtakda at pumili ng Kanyang mga hinirang bago pa man lalangin ang sanlibutan ay di-nagbabagong patotoo ng Banal na Kasulatan. Alam ito ng Diyos mula sa walang hanggan at mananatili sa Kanya hanggang sa walang hanggan. Ang katiyakang ito ang nagbibigay kapayapaan at kapahingahan sa mananampalataya.

 

Ang katagang pagtalaga ay "predestined" na nangangahulugan na "pre-determined" o itinalaga o itinakda bago pa" at sapat ito upang mapuspos ang puso ng isang tinubos ng pagsamba dahil sa ang Diyos ng lahat ng kaluwalhatian ay pinili at kinilala na Niya tayo bilang Kanya bago pa man magsimula ang panahon.

 

Gawa 13:48 "Nang marinig ito ng mga Hentil, nagalak sila at niluwalhati ang salita ng Diyos; at sumampalataya ang lahat ng mga itinalaga sa buhay na walang hanggan."

 

Hindi ang lahat ng nakarinig, tumanggap, etc. kundi ang lahat ng mga itinalaga. Ito"y sapagkat sila ay itinalaga at Kanyang mga tupa kaya sila sumampalataya. (Juan 10:26-27).

 

Sa gayunding paraan ay sinabi ng Panginoon sa Kanyang mga alagad:

 

Juan 15:16  "Ako'y hindi ninyo pinili, ngunit kayo'y pinili ko, at itinalaga ko kayo upang kayo'y humayo at magbunga, at ang mga bunga ninyo'y mananatili, upang ang anumang inyong hingin sa Ama sa aking pangalan ay ibigay niya sa inyo."

 

Hindi ang pagpili nila sa Kanya kundi ang pagpili Niya sa kanila, hindi lamang bilang mga alagad, kundi pati anumang itinakdang kanilang gagawin.

 

Roma 8:30  ""at yaong mga itinalaga niya ay kanya namang tinawag at ang mga tinawag niya ay itinuring niyang ganap; at ang mga itinuring na ganap ay niluwalhati din naman niya."

 

Sila na mga unang itinalaga ng Diyos, ay Kanyang tinawag, pinili at ginawang matuwid.

 

Efeso 1:5-6  "Tayo'y itinalaga sa pagkukupkop upang maging kanyang mga anak sa pamamagitan ni Jesu-Cristo, ayon sa kabutihan ng kanyang kalooban, para sa ikapupuri ng kanyang maluwalhating biyaya, na ipinagkaloob niya ng walang bayad sa atin sa pamamagitan ng Minamahal."

 

Narito muli ang isang maliwanag na kapahayagan na paunang itinalaga na tayo ng Diyos upang kupkupin bilang mga anak. Ito"y ayon sa kabutihan ng Kanyang kalooban hindi ng ating kalooban, upang maging katanggap-tanggap tayo kay Cristo sa pamamagitan ng biyaya. Maliban na lang kung di natin tatanggapin ang Diyos sa Kanyang Salita ay dapat na panaligan natin na tayo"y mga una nang itinalaga kay Cristo bago pa man lalangin ang sanlibutan. Ito ang talagang tama, sapagkat tunay at ganap ang ating pagkamakasalanan at wala tayong kakayahang iligtas ang ating mga sarili, kaya nga ang kaligtasan ay sa pamamagitan lamang ng biyaya, hindi ng ating mga gawa, kaya tayo naging Kanya.

 

1Tesalonica 5:9-10  "Sapagkat tayo'y hindi itinalaga ng Diyos sa galit, kundi sa pagtatamo ng kaligtasan sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesu-Cristo, na namatay dahil sa atin, upang tayo, maging gising o tulog man, ay mabuhay tayong kasama niya."

 

Tayo"y itinakda, itinalaga upang magkamit ng kaligtasan sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesu-Cristo sapagkat tayo sa pamamagitan ng pagtakda at bagong kapanganakan ay Kanyang mga tupa kaya pinagkakalooban ng kakayahang sumampalataya para sa kaligtasan. Ang pagtalaga ay tiyak-na-tiyak maging tayo ay gising man o tulog man, maging tapat o hindi man, tayo"y nabubuhay na kasama Niya, tanging sapagkat Siya lamang ang namatay sa atin.

 

Ang "dahil" sa orihinal na wika ay nangangahulugan ng "sa ating lugar", Siya ay namatay para sa ating lugar. Ang katagang "gising" ay nangangahulugan na "magbantay gaya ng tanod na nasa tungkulin" at ang salitang "tulog" ay nangangahulugan naman ng "tulog na tanod habang nasa tungkulin." Hindi ito kaparehong salita ng salitang "tulog" sa kahulugang "matulog sa silid o matulog ng mahimbing" na salitang ginamit sa kabanata 4 ng 1 Tesalonica. Maliwanag ito kapag tiningnan ang v. 6, "Kaya nga, huwag tayong matulog gaya ng mga iba," na hindi maaaring maging utos na huwag mamatay o matulog kundi utos na "tayo'y manatiling handa at magpakatino." Kamangha-manghang katotohanan, na ang katiyakan ng ating kaligtasan ay hindi nababatay sa atin ni sa anumang ating gawa.

 

2 Timoteo 1:9 ""na siyang sa atin ay nagligtas at sa atin ay tumawag ng isang banal na pagtawag, hindi ayon sa ating mga gawa, kundi ayon sa kanyang sariling layunin at biyaya. Ang biyayang ito ay ibinigay sa atin kay Cristo Jesus bago pa nagsimula ang mga panahon"

 

1 Pedro 1:2 ""pinili at itinalaga ng Diyos Ama ("elect according to the foreknowledge of God), at ginawang banal ng Espiritu upang sumunod kay Jesu-Cristo at mawisikan ng kanyang dugo: Biyaya at kapayapaan nawa ang sa inyo'y sumagana."

 

Ang paunang pagtalaga ng Diyos at ang Kanyang pagpili ay parehong itinuturo ng mga talata. Sa Timoteo tayo ay tinawag ayon sa kanyang layunin at sa Pedro naman ay pinili tayo ayon sa Kanyang "foreknowledge." Ang katagang "foreknowledge" ay hindi nangangahulugan sa orihinal na "kabatiran sa isang bagay bago pa man" kundi "matalik na pagkilala" gaya ng pagkilala ng asawang lalaki sa kanyang kabiyak. Ang "foreknowledge" ng Diyos sa atin ay personal na pagkilala at hindi intelektuwal na pagkilala ng kung ano tayo o ano ang ating gagawin. Kung ito"y paunang kaalaman ng kung ano ang ating gagawin ay mangangahulugan ito na tayo"y naligtas hindi dahil sa biyaya kundi sa ating gawa.

 

 

Ang Kanyang Pagpili

 

Ang mga sumusunod na talata ay nagtuturo na tayo"y pinili o tinawag ng Diyos ayon sa Kanyang kalooban at layunin. Hindi tayo itinuring na Kanyang hinirang dahil pinili natin Siya, kundi tayo ay Kanyang hinirang dahil pinili Niya tayo.

 

Awit 65:4  "Mapalad ang tao na iyong pinipili at pinalalapit upang manirahan sa iyong mga bulwagan! Kami ay masisiyahan sa kabutihan ng iyong bahay, ng iyong templong banal!"

 

Dito ay parehong pagpili at pagkasoberanyo ng Diyos ang dahilan ng paglapit natin sa Diyos. Sa wikang Hebreo ang pandiwang "to be" ay kinakailangan kapag mayroong pagbabago sa katayuan at inaalis naman kapag wala namang pagbabago sa katayuan. Halimbawa, ang pahayag na "Ang aso ay poodle" sa Hebreo ang pandiwang "ay" ay wala na sapagkat ang asong tinutukoy ay palaging poodle, walang pagbabago sa katayuan, kaya sa Hebreo ay ganito ang magiging pahayag, "Ang asong poodle." Sa kabilang banda, ang pahayag na "Ang aso ay maysakit." Ang pandiwang "ay" ay talagang kinakailangan sapagkat may pagbabago sa katayuan ng aso, yamang siya"y di palaging may sakit.

 

Sa Awit 65:4, ang pandiwang "ay" ay wala sa wikang Hebreo na nagbibigay-diin na ang tao ay palaging mapalad, walang pagbabago sa kanyang katayuan, siya ay palaging "pinili"kay Cristo bago pa man lalangin ang sanlibutan."

 

Efeso 1:4-11 ""ayon sa pagkapili niya sa atin sa kanya bago itinatag ang sanlibutan, upang tayo'y maging banal at walang dungis sa harapan niya sa pag-ibig.  5  Tayo'y itinalaga sa pagkukupkop upang maging kanyang mga anak sa pamamagitan ni Jesu-Cristo, ayon sa kabutihan ng kanyang kalooban,  6  para sa ikapupuri ng kanyang maluwalhating biyaya, na ipinagkaloob niya ng walang bayad sa atin sa pamamagitan ng Minamahal.  7  Sa kanya'y mayroon tayong katubusan sa pamamagitan ng kanyang dugo, na kapatawaran ng ating mga kasalanan, ayon sa mga kayamanan ng kanyang biyaya,  8  na pinasagana niya sa atin sa lahat ng karunungan at pagkaunawa,  9  na ipinaalam niya sa atin ang hiwaga ng kanyang kalooban, ayon sa mabuting layunin na kanyang itinakda kay Cristo,  10  bilang katiwala ng kaganapan ng  panahon, upang tipunin  ang lahat ng mga bagay kay Cristo, ang mga bagay na nasa sangkalangitan, at ang mga bagay na nasa ibabaw ng lupa;  11  sa kanya ay tumanggap din tayo ng isang mana, na itinalaga nang una pa ayon sa layunin niya na gumagawa ng lahat ng mga bagay ayon sa kanyang pasiya at kalooban."

 

Ang talatang ito ng Banal na Kasulatan ay sapat na para sa mga taong nananalig sa Kanyang Salita upang patunayan nang walang duda ang Kanyang:

 

Pagkasoberanyo, ""na gumagawa ng lahat ng mga bagay ayon sa kanyang pasiya at kalooban"

 

Pagtalaga, "Tayo'y itinalaga sa pagkukupkop"

 

Pagpili, ""ayon sa pagkapili niya sa atin sa kanya bago itinatag ang sanlibutan"

 

Pagtutubos, "Sa kanya'y mayroon tayong katubusan sa pamamagitan ng kanyang dugo, na kapatawaran ng ating mga kasalanan, ayon sa mga kayamanan ng kanyang biyaya"

 

Sa Juan 13:18 sinabi ng Panginoon na kilala Niya ang Kanyang mga hinirang at sa Juan 15:16 ay sinabi Niya sa Kanyang mga alagad na hindi nila Siya pinili kundi Siya ang pumili sa kanila. Sa Juan 15:19 sinabi ng Panginoon na sila"y pinili Niya mula sa sanlibutan. At sa Juan 17 ay binigyang-diin Niya na kung ano ang totoo sa Kanyang mga alagad ay totoo sa atin ngayon.

 

2 Tesalonica 2:13 "Nguni't kami ay nararapat magpasalamat sa Dios dahil sa inyo, mga kapatid na minamahal ng Panginoon, sa pagkakahirang sa inyo ng Dios buhat nang pasimula sa ikaliligtas sa pagpapabanal ng Espiritu at pananampalataya sa katotohanan" (a.b.)

 

Muli sa talatang ito ay sinabi sa atin na tayo"y hinirang o pinili ng Diyos para sa kaligtasan "buhat pa nang pasimula" na kahintulad ng "bago pa man itatag ang sanlibutan."

 

Ang iba pang mga talata na nagsasabi hinggil sa pagtawag ng Diyos sa atin ay ang mga sumusunod:

 

Roma 1:6 ""sa mga ito ay kasama kayo na mga tinawag kay Jesu-Cristo"

 

Roma 9:24 ""maging sa atin na kanyang tinawag, hindi lamang mula sa mga Judio, kundi mula rin sa mga Hentil?"

 

1 Corinto 1:9 "Ang Diyos ay tapat, na sa pamamagitan niya ay tinawag kayo tungo sa pakikisama ng kanyang Anak, si Jesu-Cristo na ating Panginoon."

 

1 Corinto 1:24  ""ngunit sa kanila na mga tinawag, maging mga Judio at mga Griyego, si Cristo ang kapangyarihan ng Diyos at ang karunungan ng Diyos."

 

1 Pedro 5:10  "At pagkatapos na kayo'y magdusa nang sandaling panahon, ang Diyos ng buong biyaya na sa inyo'y tumawag tungo sa kanyang walang hanggang kaluwalhatian kay Cristo, ay siya ring magpapanumbalik, magpapatibay, at magpapalakas sa inyo."

 

2 Pedro 1:3  "Ipinagkaloob sa atin ng kanyang banal na kapangyarihan ang lahat ng mga bagay na kailangan sa buhay at pagiging maka-Diyos, sa pamamagitan ng pagkakilala sa kanya na tumawag sa atin sa kanyang sariling kaluwalhatian at kabutihan."

 

Judas 1:1  "Si Judas, na alipin ni Jesu-Cristo at kapatid ni Santiago, sa mga tinawag, na minamahal ng Diyos Ama, at iniingatan para kay Jesu-Cristo"

 

Ang kaugnayan ng pagtawag ng Panginoon sa Kanyang pagtalaga at pagpili ng Kanyang mga hinirang ay kasang-ayon sa lahat ng Banal na Kasulatan na binanggit at maliwanag na ipinapahayag sa:

 

Roma 8:29-30 "Sapagkat ang mga nakilala niya nang una pa ("foreknow" kjv) ay itinalaga naman niya na maging katulad sa larawan ng kanyang Anak, upang siya ang maging panganay sa maraming magkakapatid; at yaong mga itinalaga niya ay kanya namang tinawag at ang mga tinawag niya ay itinuring niyang ganap; at ang mga itinuring na ganap ay niluwalhati din naman niya."

 

Sa talata ring ito ang katagang "foreknow" o "nakilala nang una pa" ay nangangahulugan ng matalik na ugnayan bago pa man itatag ang sanlibutan. Sila yaong Kanyang mga itinalaga at mga tinawag, at yaong Kanyang mga inaring ganap, at mga niluwalhati. Ginawa Niya ito dahil sa soberanyong biyaya lamang Niya sa pagtutubos sa Kanyang mga hinirang at wala ang katuruang Pelagianismo ng pagtutulungan ng Diyos at tao, ni wala rin ang pagpili ng tao. Ito ang pakahulugan ng mga Reformers sa "Sola Gratia," "by Grace Alone" o "sa Biyaya Lamang."

 

Kung batid ng Diyos sa una pa lang kung ano ang gagawin ng mga tao kapag nabigyan ng pagkakataong pumili, ang mangyayari ay ang kanilang katubusan ay gantimpala sa paggawa nila na hindi nagawa ng iba at hindi dahil sa Kanyang biyaya lamang.

 

 

Katotohanang Ipinaglaban ng ating mga Amain-sa-pananaMpalataya

 

Kamangha-manghang pamana ang iniwan sa atin ng ating mga amain-sa-pananampalataya na buong tatag na hindi nagsiurong sa pakikibaka para sa biyaya ng Diyos at sa tunay at ganap na pagkamakasalanan ng tao laban sa Romano Catoliko sa kanilang sistemang gantimpala-sa-kakayahan-ng-tao. Marami ang nagbuwis ng buhay sa pagtatanggol nang may kagalakan sa ganap at kumpletong gawa ni Cristo. Makikita ng sinumang tapat na mag-aaral ng kanilang mga talambuhay na ang kanilang pagiging protestante at paghiwalay sa Romano Catoliko ay ang kanilang matatag na paninindigan sa paniniwalang ang Diyos ay soberanyo sa Kanyang pagtalaga at pagpili ng Kanyang hinirang dahil sa Kanyang biyaya lamang.

 

John Calvin

"Walang sinuman ang naghahangad na maturuan ng mga bagay sa Diyos ay mangangahas na na pasinungalingan ang pagtalaga ng Diyos kung saan mayroon Siyang kinukupkop para sa pag-asa sa buhay at italaga ang iba para sa walang hanggang kamatayan."

 

"Bagamang sa pamamagitan ng pananampalataya nakakamtan ng hinirang ang biyaya ng pagiging anak ng Diyos, ang pagpili naman ay hindi nakasalalay sa pananampalataya, kundi ito ay nauna sa pananampalataya maging sa panahon at sa pagkakasunod."

 

Dr. Philip Schaff

"Lahat ng Reformers ay hindi lamang ganap na sumang-ayon sa mga pinakadakilang mga amain-sa-pananampalataya kundi maging sa kinasihang apostol Pablo ay tapat na nanalig sa dobleng pagtatalaga (double predestination) na siyang nagtakda sa walang hanggang tadhana ng lahat ng tao. Imposible na maiwasan ang katotohanang ito."

 

Zwingli's Fidei Ratio 1530

"Ang pagpili ng Diyos, gayunman, ay nananatiling matatag"Dahil sa Kanyang kabutihan kaya Niya pinili ang Kanyang maibigan; subalit dahil sa Kanyang katarungan kaya Niya kinupkop para sa Kanya ang Kanyang pinili."

 

The Tetrapolitan Confession 1530

"Subalit hindi namin matatanggap ang maling pagkaunawa sa mga ito na para bang inilagay namin ang kaligtasan at katuwiran sa tamad mag-isip na kaisipan"Sapagkat ang mga nakilala niya nang una pa ay itinalaga naman niya na maging katulad sa larawan ng kanyang Anak"sapagkat tayo"y Kanyang pinakamahusay na gawa."

 

First Basle or Muhlhausen Confession 1534

"Dahil dito ay ipinapahayag namin na ang Diyos, bago pa man Niya lalangin ang sanlibutan, ay pumili na ng mga taong Kanyang bibigyan ng pamanang eternal na kaligtasan."

 

First Bohemian Confession 1535

"Ang Banal na Kasulatan" "ay nagtuturo na nasasa isang Diyos na ito, ang sukdulang kapangyarihan, karunungan at kabutihan. Nasasa Kanya rin lamang yaong mga pinakamahuhusay na gawa, na angkop lamang sa Kanya. Ito ang mga gawang paglalang, pagtubos, pangangalaga o pagpapabanal"Itinuturo rin na walang sinuman ang magkakaroon ng pananampalataya sa pamamagitan ng kanyang sariling lakas, kalooban o kapasiyahan""

 

Second Basle Confession 1536

"Tunay na tayo"y may kakayahan sa sarili nating lakas na gumawa ng masama, subalit walang lakas upang yakapin at pagsikapang gumawa ng mabuti, maliban na lang kung bigyan ng kakayahan ng biyaya ni Cristo at ibunsod ng Kanyang Espiritu Santo. Sapagkat ang Diyos ang gumagawa sa atin maging sa pagnanais at sa paggawa, para sa kanyang mabuting kalooban."

 

Genevan Confession 1537

"Sapagkat ang binhi ng Salita ng Diyos ay nag-uugat at nagbubunga lamang sa mga taong itinalaga ng Diyos sa pamamagitan ng Kanyang eternal na pagpili, upang maging anak Niya at tagapagmana ng makalangit na kaharian."

 

Genevan Catechism 1545

"Ang Iglesya ay lupon at kapisanan ng mga mananampalataya na itinalaga ng Diyos para sa eternal na buhay."

 

Consensus Tigurinus 1549

"Masigasig naming itinuturo na ang Diyos ay hindi ginagamit ang Kanyang kapangyarihan nang walang pinipili sa lahat ng tumatanggap ng sakramento, kundi para lamang sa mga pinili. Sapagkat kung paano Niya binibigyan ng pananampalataya ang walang iba kundi ang Kanyang mga una ng itinalaga sa buhay, ay sa pamamagitan ng di-hayag na kapangyarihan ng Kanyang Espirirtu ay pinangyayari Niya ang dapat na matanggap ng mga hinirang""

 

Consensus Genevensis 1552

"Ang malayang pagpili ng Diyos kung saan kinukupkop Niya para sa Kanya ang Kanyang nais piliin mula sa napapahamak at sinumpang lahi ng sangkatauhan""

 

The English Articles 1553

"Ang pagtalaga sa buhay ay walang hanggang panukala ng Diyos, kung saan (Bago pa man itatag ang sanlibutan) ay itinakda na Niya sa papamagitan ng Kanyang sariling pagpapasiya na lingid sa atin, na iligtas mula sa sumpa at kahatulan ang lahat ng Kanyang pinili kay Cristo mula sa sangkatauhan at bigyan sila ng walang hanggang kaligtasan sa pamamagitan ni Cristo""

 

The Hungarian Confession 1557-1558

"Gayundin, upang matupad Niya ang Kanyang habag-na-nagbibigay-buhay sa pamamagitan ng walang hanggang kapangyarihan ng Kanyang Salita at tanging bugtong na Anak ng Diyos, sang-ayon sa eternal na pagpili na Kanyang ginawa mula pa sa walang hanggan kay Cristo""

 

Confession for the Church at Paris 1557

"Sumasampalataya kami na sa pamamagitan lamang ng habag ng Diyos kaya ang mga pinili ay naligtas mula sa pagkapahamak na kinahulugan ng lahat ng tao""

 

Confession of the English Congregation at Geneva 1558

""tayo na mga pinili ng Diyos"na siyang Iglesyang hindi nakikita ng paningin ng tao kundi hayag lamang sa Diyos, na mula sa mga napapahamak na anak ni Adan ay nagtalaga ng ilan bilang sisidlan ng poot para sa kahatulan; at pumili naman ng iba bilang sisidlan ng Kanyang habag upang iligtas."

 

Genevan Students Confession 1559

"Ginawa tayong kabahagi kay Jesu-Cristo at sa lahat ng Kanyang mga kaloob sa pamamagitan ng pananampalataya sa Ebanghelyo"na hindi natin kayang mapasa-atin ito maliban sa pamamagitan ng Espiritu Santo; kaya ito"y natatanging kaloob na hindi ibinibigay maliban sa mga pinili, na itinalaga na bago pa man lalangin ang sanlibutan upang maging tagapagmana ng kaligtasan, na walang kinalalaman ang kanilang katangian o pagiging karapat-dapat."

 

The French Confession 1559

"Sumasampalataya kami na mula sa unibersal na kasamaan at kahatulan kung saan ang lahat ng tao ay nasadlak ay hinango Niya yaong Kanyang mga pinili sa ating Panginoong Jesu-Cristo, ayon sa Kanyang eternal at di-nagbabagong panukala dahil lamang sa Kanyang kabutihan at kahabagan, na hindi isinaalang-alang ang kanilang mga gawa"na Kanyang pinili bago pa man lalangin ang sanlibutan."

 

The Scotch Confession 1560

"Aming tinatanggap at ipinapahayag na ang pinaka-kahanga-hangang ugnayan ng Diyos at sangkatauhan kay Cristo Jesus ay nagmula sa eternal at di-nagbabagong panukala ng Diyos kung saan ang lahat ng ating kaligtasan ay nagmumula at nananangan. Sapagkat ang eternal na Diyos at Ama na sa pamamagitan lamang ng Kanyang biyaya ay pinili Niya tayo kay Cristo bago pa man itatag ang sanlibutan."

 

The Belgic Confession 1561

"Ipinahayag ng Diyos ang Kanyang sarili sa kung ano Siya, Siya"y mahabagin at matuwid: mahabagin sa pagtutubos at pagliligtas mula sa kapahamakan, sa mga Kanyang pinili at hinirang kay Cristo ayon sa Kanyang eternal at di-nagbabagong panukala dahil lamang sa Kanyang kabutihan, hindi dahil sa kanilang mga gawa;"alinsunod sa Kanyang eternal at di-nagbabagong panukala na Kanyang itinatag kay Cristo Jesus bago pa man lalangin ang sanlibutan."

 

Confession for the French Churches 1562

Presented to the Emperor

"Samakatuwid, aming pinanghahawakan na ang kabutihang-loob na ipinamalas ng Diyos sa atin ay nagmumula lamang sa Kanyang pagpili sa atin bago pa man likhain ang sanlibutan, at hindi na kami naghahanap pa ng ibang dahilang labas sa Kanya at sa Kanyang kagandahang-loob."

 

Second Helvetic Confession 1562, 1566

"Mula pa sa walang hanggan, ang Diyos, ayon lamang sa Kanyang malayang biyaya, at walang kinalalaman ang tao, ay nagtalaga at pumili ng mga hinirang na Kanyang ililigtas kay Cristo."

 

Heidelberg Catechism 1563

"Na ang Anak ng Diyos, mula pa sa simula hanggang sa katapusan ng daigdig at sa pamamagitan ng Kanyang Espiritu at Salita ay kinakalap, pinagtatanggol, at  inilalaan para sa Kanya ang iglesia na Kanyang hinirang mula sa sangkatauhan upang magtamo ng buhay na walang hanggan, sa pagkaka-isa sa tunay na pananampalataya, at sa itinakdang pagsasama."

 

Second Bohemian Confession 1575

"Gayon nga, ang mga piniling anak ng Diyos at tunay at tapat na mga Cristiano, na ang lahat bilang kabuuan at walang hindi kabilang ay mga banal na itinuring kay Cristo at sinimulan sa kanila sa pamamagitan ng Espiritu Santo; ang mga ito lamang ang minarapat Niyang tawaging Kanyang mga tupa."

 

Craig's Catechism 1581

T. Ano ang Iglesyang ipinapahayag natin dito?

A. Ang buong samahan ng mga pinili, tinawag at binanal ng Diyos.

 

T. Mula sa anong bukal umaagos ang katatagan nating ito?

A. Mula sa eternal at di-nagbabagong pagpili ng Diyos sa pamamagitan ni Cristo.

 

The Lambeth Articles 1595

"Mula pa sa walang hanggan ay itinalaga na ng Diyos ang iba para sa buhay, at isinumpa naman ang iba para sa kamatayan. Paunang bilang at tiyak na bilang ng mga itinalaga, kung saan hindi na madaragdagan o kaya"y mababawasan."

 

The Confession of Sigismund 1614

"Na ang Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat, dahil sa Kanyang purong biyaya at habag, na walang kinalalaman ang anumang pagiging karapat-dapat ng tao, ang kanyang merito o mga gawa, ay nagtalaga at pumili ng mga sasampalataya kay Cristo, bago pa man itatag ang sanlibutan. Kinilala Niya at inaring Kanya, at yamang inibig Niya sila mula pa sa walang hanggan ay pinagkalooban Niya sila ng pananamapalatayang nagliligtas mula sa Kanyang purong biyaya pati na matibay na katatagan hanggang sa wakas, upang wala man isa sa kanila ang maagaw sa kamay ni Cristo at walang sinuman ang makapaghihiwalay sa kanila sa Kanyang pagmamahal."

 

The Irish Articles 1615

"Sa pamamagitan ng eternal na panukala ng Diyos ay itinalaga Niya ang iba para sa buhay, at itinakwil naman ang iba para sa kamatayan; na sa dalawang ito ay may tiyak na bilang na ang Diyos lamang ang nakakaalam. Ang pagtatalaga sa buhay ay walang hanggang panukala ng Diyos kung saan bago pa man itatag ang sanlibutan ay ipinasiya na Niya na sa Kanyang lihim na panukala na iligtas mula sa sumpa at kahatulan yaong Kanyang mga pinili kay Cristo""

 

The Canons of Dort 1618-1619

"Ang pagpili ay ang hindi nagbabagong panukala ng Diyos kung saan bago pa itatag ang sanlibutan, bunsod lamang ng Kanyang biyaya at ayon sa Kanyang malaya"t makapangyarihang kapasiyahan ay humirang mula sa buong sangkatuhan na mula sa mabuting katutubong kalagayan ay nahulog sa kasalanan at kahatulan dahil sa kanilang sariling kapalaluan, ng tiyak na bilang ng mga tao para sa katubusan na kay Cristo na Kanyang itinalaga mula pa sa walang hanggan bilang Tagapamagitan at Pangulo ng mga hinirang at pundasyon ng Kaligtasan.

 

Ang pagpili na ito ay hindi nakabatay sa nakini-kinitang (foreseen) pananampalataya, at pagsunod ng pananampalataya, kabanalan, o anumang mabuting katangian o ugali ng tao, bilang sanhi o kundisyong hinihingi sa tao bago siya mahirang; subalit ang hinirang ay pinili para sa pananampalataya at pagsunod sa pananampalataya, kabanalan at sa iba pa, samakatuwid ang pagpili ay ang pinakabukal ng bawat mabubuting gawa, pinagmumulan ng pananampalataya, kabanalan, at iba pang mga kaloob ukol sa kaligtasan, at sa kahuli-hulihan ay buhay na walang hanggan mismo"

 

At yamang ang Diyos mismo ay pinakamatalino, hindi nagbabago, nakakaalam ng lahat, at makapangyarihan sa lahat, kaya naman ang pagpili na Kanyang ginawa ay hindi kailanman mapipigil ni mababago, mababawi o mapapawalang-bisa; at wala ring hinirang na mapapahamak, ni hindi rin mababawasan ang kanilang bilang."

 

The Leipzig Colloquy 1631

"Na ang Diyos ay pumili noon pa sa walang hanggan kay Jesu-Cristo mula sa mga napapahamak na lahi ng sangkatauhan, ng hindi lahat, kundi ilan lamang tao, na ang bilang at mga pangalan ay Diyos lamang ang nakakaalam, na sa Kanyang sariling pasiya sa pamamagitan ng kapangyarihan at kilos ng Kanyang Salita at Espiritu ay nililiwanagan at binubuhay sila para sa pananampalataya kay Cristo; at sa pamamagitan din ng pananampalatayang ito ay pinatatag hanggang sa wakas at sa katapusan ay walang hanggang pagpapalain sa pamamagitan ng pananampalataya."

 

The Declaration of Thorn 1645

"Kahit na noon pa sa walang hanggan ay pinili na Niya tayo kay Cristo, hindi dahil sa anumang nakinikinitang pananampalataya o merito o mga gawa o pagpapasiya, kundi mula lamang sa hindi tampat na biyaya (undeserved grace), maging sa biyaya ng pagtutubos, pagtawag, pag-aaring ganap, pagkukupkop at pagpapabanal na ipinagkaloob Niya sa kasalukyang panahon,"dagdag pa rito ang bilang ng mga pinili at ng mga ligtas ay tiniyak na ng Diyos.

 

 The Westminster Confession 1647

"Ang Diyos mula pa sa walang hanggan ay itinakda na ang lahat ng mangyayari sa pamamagitan ng Kanyang pinakamatalino at banal na panukala ng Kanyang sariling kalooban na malaya at di-nagbabago"Sa pamamagitan ng pasiya ng Diyos, para sa kapahayagan ng Kanyang kaluwalhatian ay itinalaga Niya ang ilang mga tao at mga anghel para sa buhay na walang hanggan, at ang iba naman ay itinalaga para sa walang hanggang kamatayan.

 

Ang mga anghel at mga taong ito, na itinalaga at itinakda, ay partikular at di magbabago ang pagkatalaga; at ang kanilang bilang ay tiyak at depinido na hindi na maaaring madagdagan o mabawasan. Sa bahagi ng sangkatauhan na itinalaga para sa buhay ay pinili ng Diyos kay Cristo tungo sa walang hanggang kaluwalhatian bago pa man itatag ang sanlibutan alinsunod sa Kanyang eternal at di nagbabagong lihim na panukala at kaluguran ng Kanyang kalooban, ito"y dahil lamang sa Kanyang malayang biyaya at pag-ibig, hindi dahil sa nakinikinitang pananamapalataya o mabubuting gawa""

 

 Formula Consensus Helvetica 1675

"Ang Diyos, bago pa man itatag ang sanlibutan, ay itinatag muna ang eternal na panukala kay Cristo Jesus na ating Panginoon (Efeso 3:11), kung saan dahil lamang sa kaluguran ng Kanyang kalooban, hindi dahil sa anumang nakinikinitang merito ng mga gawa o ng pananampalataya, para sa kapurihan ng Kanyang maluwalhating biyaya ay pumili ng tiyak at depinidong bilang ng mga tao na nasadlak sa kasamaan at nasa kaparehong dugo at samakatuwid ay tiwali rin dahil sa kasalanan, upang akayin sa kasalukuyang panahon para sa kaligtasan sa pamamagitan ni Cristo."

 

 

 

Translation

 

Ang Doktrina ng Paghirang

A.W. Pink

 

(Ang artikulong ito ay halaw sa Introduction ng aklat ni Arthur W. Pink na may pamagat na "The Doctrine of Election" at isinalin sa wikang Tagalog ni Ronald R. Santos)

 

Ang Paghirang (Election) ay saligang doktrina. Sa nakalipas na panahon, marami sa mga pinakamahuhusay na mga guro ay nasanay na simulan ang kanilang sistematikong teolohiya sa pagpapakilala sa mga katangian ng Diyos anupa"t kaakibat nito ang pagninilay-nilay sa mga eternal na kalooban ng Diyos; at matibay ang aking paniniwala, matapos basahing mabuti ang mga sinulat naman ng marami sa ating makabagong panahon, na ang pamamaraan ng mga nauna sa kanila ay hindi na mapapahusay pa. Ang Diyos ay umiral bago pa sa tao, at ang Kanyang eternal na panukala ay higit na nauna bago pa ang Kanyang mga gawa sa kasalukuyang panahon.

 

"Alam ng Diyos ang lahat ng kaniyang mga gawa mula sa walang hanggan." (Gawa 15:18 asnd)  

 

Ang konseho ng Diyos ay nangyari bago ang sansinukob. Gaya ng isang arkitekto na iginuguhit muna niya ang mga plano bago niya simulan ang paggawa ay gayundin ang Dakilang Arkitekto na paunang itinalaga na ang lahat ng bagay bago pa man umiral ang kahit isang nilikha. At ni hindi itinago"t isinusi ng Diyos sa Kanya lamang ang katotohanang ito; kundi ikinalugod Niyang ipahayag sa Kanyang Salita ang walang hanggang panukala ng Kanyang biyaya o kagandahang-loob, ang Kanyang layunin, at maging ang dakilang hangganan sa Kanyang tanaw.

 

Kapag ang isang gusali ay kasalukuyang ginagawa, ang mga nakakakita nito ay kadalasang hindi mawari kung para saan at anong layunin ng mga detalye ng gusali. Sa gayon ay hindi nila mapagtanto ang disenyo o anyo; waring ang bawat bahagi ay nasa walang kaayusan. Subalit kung maingat nilang pag-aaralan ang plano ng gumagawa at ilalarawan sa isip ang natapos na gusali, karamihan sa mga palaisipan ay magiging malinaw sa kanila. Gayundin sa mga pagpapatupad ng eternal na panukala ng Diyos. Maliban na lang na alam natin ang Kanyang eternal na panukala, ang kasaysayan ay mananatiling isang walang kasagutang palaisipan. Ang Diyos ay hindi gumagawa nang ala-suerte (at random): ang Ebanghelyo ay hindi isinugo nang walang tiyak na layunin; ang kahihinatnan ng tunggalian sa pagitan ng mabuti at masama ay hindi iniwan sa alanganin na walang katiyakan; kung ilan ang maliligtas o kaya"y mapapahamak at hindi nakasalalay sa kalooban ng nilalang. Ang bawat bagay ay walang pagkakamaling itinalaga at di mababagong ipinirmi na ng Diyos buhat pa sa pasimula, at ang lahat ng nangyayari sa kapanahunan ay walang iba kundi katuparan lamang ng kung ano ang itinakda sa eternidad.

 

Ang dakilang katotohanan ng Paghirang, samakatuwid ay itinuturo sa atin ang pinagmulan ng lahat ng bagay. Nauna pa ito sa pagpasok ng kasalanan sa sansinukob, sa pagbagsak ng tao, sa pagdating ni Cristo, sa pangpapahayag ng Ebanghelyo. Ang tamang pagkaunawa rito, lalo na sa kaugnayan nito sa walang hanggang tipan, ay absolutong kinakailangan kung ibig nating makaiwas tayo mula sa pundamental na kamalian. Kung ang pundasyon mismo ay mali, magkagayon ang gusaling itatayo rito ay hindi matatag; at kapag tayo"y nagkamali sa pagkaunawa sa pundamental na katotohanang ito, ay katumbas nito"y hindi rin magiging tama ang pagkaunawa natin sa iba pang mga katotohanan. Ang pakikitungo ng Diyos sa mga Judio at Hentil, oo, maging pati sa kabuuan ng Kanyang probidensiyal na pangangalaga, ay hindi makikita sa kanilang tamang perspektibo hangga"t hindi titingnan sa liwanag ng Kanyang eternal na Pagtalaga.

 

Ito ay mabigat na doktrina, ito"y dahil sa tatlong aspeto.

 

Una, dahil sa pag-unawa rito. Maliban na magkaroon tayo ng pribilehiyo na makaupo sa ilalim ng pagtuturo ng tinuruan ng Espiritung lingkod ng Diyos, na ipinapangaral ang katotohanan sa sistematikong paraan, ay matinding pasakit at pagtitiyaga ang kinakailangan sa pagsasaliksik sa Banal na Kasulatan upang matipon at maihanay natin ang mga nakakalat na mga pahayag hinggil dito. Hindi minarapat ng Espiritu Santo na pagkalooban tayo ng isang kumpleto at nasa ayos na agad na kapahayagan ng doktrina ng Paghirang, kundi "dito'y kaunti, doo'y kaunti.""sa kasaysayan, sa salmo at maging sa propesiya, sa dakilang dasal ni Cristo (Juan 17), sa mga epistolaryo ng mga apostol.

 

Ikalawa, sa pagtanggap dito. Ito ang mas mabigat, sapagkat kapag nauwaan ng isip kung ano ang ipinapahayag ng Kasulatan, ang puso naman ay tumututol na tanggapin ang gayong katotohanang nagpapababa sa kapalaluan at humahamak sa laman. Dapat na marubdob nating hingin sa Diyos na gapiin Niya ang ating likas na pagkamuhi sa Kanya at ang ating paglaban sa Kanyang katotohanan.

 

Ikatlo, sa pagpapahayag nito. Walang bagito ang may sapat na kakayahan na ipahayag ang paksang ito alinsunod sa mismong katuruan ng Kasulatan. Gayunpaman, ang kahirapang ito ay hindi dapat makasira ng loob, o kaya"y makapigil sa atin, mula sa tapat at seryosong pagsisikap na maunawaan at taimtim na tanggapin ang lahat ng niloob ng Diyos na ipahayag sa atin. Ang mga kahirapan ay may layuning pababain tayo sa ating kataasan, sanayin tayo, iparamdam sa atin ang ating pangangailangan sa karunungan mula sa Diyos. Hindi madaling makarating sa malinaw at sapat na pagkaunawa sa anumang mahahalagang doktrina sa Banal na Kasulatan, at hindi gayon ang intensiyon ng Diyos. Ang katotohanan ay dapat na "bilin" (Kawikaan 23:23): Sayang! Kakaunti ang may ibig na magbayad ng malaki"ilaan sa pag-aral ng Salita ng Diyos na kalakip ang pananalangin, ang oras na nasasayang sa pagbabasa ng diyaryo o sa walang kabuluhang libangan. Ang mga kahirapang ito ay maaaring malampasan, sapagkat ang Espiritu ay ibinigay na sa mga anak ng Diyos upang gabayan sila sa lahat ng mga katotohanan. Gayundin sa mga ministro ng Salita: ang pagpapakumbabang paghihintay sa Diyos, kalakip ang masigasig na pagpupunyagi upang maging manggagawa na walang dapat ikahihiya, at sa tamang panahon ay magiging angkop siya na ipaliwanag ang katotohanang ito para sa kaluwalhatian ng Diyos at sa pagpapala sa kanyang mga tagapakinig.

 

Ito ay mahalagang doktrina, gaya nang maliwanag na makikita sa iba"t ibang konsiderasyon. Marahil ay maipapahayag natin nang may katingkaran ang kahalagahan ng katotohanang ito sa pamamagitan ng pagtuturo na kung walang eternal na Paghirang ay walang Jesu-Cristo, at samakatuwid ay walang Ebanghelyong mula sa Diyos; sapagkat kung walang pinili ang Diyos para sa kaligtasan, ay hindi isinugo ang Kanyang Anak; at kung wala Siyang isinugong Tagapagligtas, ay walang sinuman ang naligtas. Samakatuwid ang Ebanghelyo mismo ay nagmula sa mahalagang katotohanan ng Paghirang.

 

"Mga kapatid na minamahal ng Panginoon, nararapat na kami ay laging magpasalamat sa Diyos patungkol sa inyo. Ito ay sapagkat pinili kayo ng Diyos mula pa sa pasimula para sa kaligtasan sa pamamagitan ng pagpapaging-banal ng Espiritu at paniniwala sa katotohanan." 2 Tesalonica 2:13 asnd

 

At bakit tayo ay "nararapat na laging magpasalamat"? Sapagkat ang Paghirang ang ugat ng lahat ng mga pagpapala, ang bukal ng bawat habag na tinanggap ng isang kaluluwa. Kung ang Paghirang ay alisin, ang lahat ay inalis rin, sapagkat sinumang may espirituwal na pagpapala ay yaong mayroon lahat ng mga espirituwal na pagpapala "ayon sa pagkapili niya sa atin sa kanya bago itinatag ang sanlibutan" (Efeso 1:3,4).

 

Maliwanag ang pagkasabi ni Calvin, "Hindi tayo maliwanag na makukumbinsi na ang ating kaligtasan ay nagmumula sa batis ng walang-bayad na habag ng Diyos, hanggat hindi natin nababatid ang Kanyang eternal na Paghirang, na naglalarawan sa biyaya ng Diyos; na hindi Niya pinili ang lahat para sa pag-asa ng kaligtasan, kundi ipinagkaloob Niya sa ilan ang hindi Niya ibinigay sa iba. Ang kamangmangan sa katotohanang ito ay tiyak na nag-aalis sa kaluwalhatian ng Diyos at binabawasan ang totoong kapakumbabaan"Samakatuwid, kung kinakailangan ay talagang bumalik tayo sa simula ng Paghirang, upang patunayan na natamo lamang natin ang ating kaligtasan hindi sa pamamagitan ng anupaman kundi sa pamamagitan lamang ng mabuting kalooban ng Diyos, at magkagayon, sila na nagnanais na pigilin ang katotohanang ito ay ginagawa ang lahat upang palabuin nila ang kung ano ang dapat na maringal at masiglang ipagdiwang."

 

Ito ay pinagpalang doktrina, sapagkat ang Paghirang ay bukal ng lahat ng mga pagpapala. Malinaw itong pinatunayan ng Efeso 1:3,4. Una, ipinahayag ng Espiritu Santo na ang mga binanal ay pinagpala kay Cristo ng bawat pagpapalang espiritwal sa sangkalangitan. Pagkatapos ay ipinakita Niya kung Bakit at Paano sila pinagpala: ito ay ayon sa pagkapili ng Diyos sa atin sa kanya bago itinatag ang sanlibutan. Ang Paghirang na nakay Cristo, samakatuwid, ay nauna sa pagiging pinagpala ng lahat ng mga espirituwal na pagpapala, sapagkat pinagpala lamang tayo ng mga ito dahil lamang nakay Cristo tayo bilang mga pinili sa Kanya. Nakikita ngayon natin na napakadakila at maluwalhati ang katotohanang ito, sapagkat lahat ng ating pag-asa at inaasam ay nakasalalay dito. Ang Paghirang, bagaman natatangi at personal, ay hindi naman gaya ng kawalang-ingat na sinasabi ng iba, na ito"y walang katiyakang pagpili ng mga tao para sa eternal na kaligtasan, na walang kinalalaman sa kanilang pakikipag-isa sa Ulo-ng-Tipan, kundi pagpili lamang sa kanila kay Cristo. Samakatuwid ipinapahiwatig ng katotohanng ito na ang iba pang mga pagpapala ay ipinagkaloob lamang sa pamamagitan at alinsunod dito.

 

Sa tamang pagkaunawa ng puso sa katotohanang ito ay wala nang hihigit pa na makapagbibigay ng kaaliwan at katatagan, kalakasan at katiyakan. Ang katiyakan na isa ako sa pnagpala"t pinili ng Diyos ay nakapagdudulot ng tiwala na tiyak ding tutustusan ng Diyos ang aking mga pangangailangan at paglalakip-lakipin Niya ang lahat ng mga bagay tungo sa aking kabutihan. Ang kaalamang paunang-itinalaga na ako ng Diyos sa eternal na kaluwalhatian ay nagdudulot ng absolutong katiyakan na walang anumang pagpupunyagi ni Satanas na maaring magdulot sa akin ng kasiraan, sapagkat kung ang dakilang Diyos ay kampi sa akin, sino ang laban sa akin! Nagbibigay ito ng malaking kapayapaan sa mangangaral, sapagkat ngayon ay natutuklasan niya na hindi siya isinugo ng Diyos sa walang katiyakan, kundi tiyak na tutuparin ng Kanyang Salita ang Kanyang niloob, at magtatagumpay saan man ito ipadala ng Diyos (Isaias 55:11).  At anong laking pag-asa ang dulot nito sa mga nagising na makasalanan. Habang nauunawaan niya na ang Paghirang ay dahil lamang sa Kanyang biyaya, ang pag-asa ay nagniningas sa kanyang puso: habang natutuklasan niya, na ang Paghirang ay tiniyak ang pagpili sa ilan sa pinaka-masasama sa mga masasama, bakit naman siya mawawalan ng pag-asa!

 

Ito ay nakakasunok na doktrina. Natural na iisipin ng isang tao na ang gayong katotohanan na sakdal na nakapagbibigay ng kaluwalhatian sa Diyos, karangalan kay Cristo, at lubos na pinagpala, ay taos-pusong yayakapin ng lahat ng nagsasabing sila"y Cristiano kapag ito ay malinaw na ipinahayag sa kanila. At dahil sa katotohanang ang mga katagang "paunang-itinalaga," "hinirang," at "pinili," ay palaging mababasa sa Biblia, iisiping tiyak ng sinuman na ang lahat ng mga nag-aangking tinatanggap nila ang Biblia bilang Salita ng Diyos ay lubos na sasampalataya sa dakilang katotohanang ito bilang soberanyong kaluguran ng Diyos. Subalit hindi gayon ang totoong nangyayari. Wala nang doktrina pa ang pinakasusuklaman ng mapagmataas na kalikasan ng tao kundi ang doktrinang ito, na ibinibilang na wala ang anumang nilikha ngunit lahat at lahat naman ang Lumikha. Totoo, sa wala nang iba pa kundi sa katotohang ito lubos na nahahayag ang makalamang-isipan na poot-na-poot at sukdulan ang galit.

 

Sinimulan namin ang aming pangangaral sa Australia sa ganito, "Magsasalita ako sa inyo ngayong gabi hinggil sa isa sa pinakasusuklamang doktrina sa Biblia, ito ay ang Soberanyong Paghirang ng Diyos." Magmula noon ay naikot na namin ang mundo, at nakadaupang-palad namin ang libu-libong taong mula sa iba"t ibang denominasyon, at libu-libo pang mga nag-aangking Cristiano na hindi kabilang sa anumang denominasyon, at ngayon, ang tanging pagbabago na aking gagawin sa gayong pananalita ay ito, na habang ang katotohanang ang eternal na kaparusahan ay isa sa pinaka-tinatanggihan ng di mga mananampalataya, ang soberanyong paghirang ng Diyos naman ay ang katotohanang pinakasusuklaman at kinukutya ng karamihan sa mga nagsasabing sila"y mga mananampalataya. Subalit sa kalooban ng Diyos (tingnan ang Juan 1:13; Roma 9:16), kung hindi gayon ang totoo ay walang sinuman ang maaring maligtas"sapagkat ang resulta ng pagbagsak o ng kasalanan, ay naiwala ng tao ang anumang hangarin at kalooban sa anumang mabuti (Juan 5:40; Roma 3:11)"at maging ang mga hinirang mismo ay kinakailangan pang pagkalooban ng pagnanais at kakayahan (Awit 110:3; Filipos 2:13). Malakas ang sigaw ng galit laban sa gayong katuruan.

 

Sa puntong ito ang tunay na isyu ay lumalabas. Ang mga nagpapahalaga sa kakayahan ng tao ay hindi papayagan ang paghahari ng kalooban ng Diyos at ang kainutilan ng kalooban ng tao, magkagayon, sila na lubos na kinasusuklaman ang paghirang batay sa soberanyong kaluguran ng Diyos, ay sila rin ang masiglang ipinagmamalaki ang "freewill" ng makasalanang tao. Sa kapasyahan ng konseho ng Trent"kung saan ipinahayag ng Papa ang kanyang posisyon hinggil sa mga pangunahing katuruan na ipinangaral ng mga Reformers, at hindi kailanman pinawalang-bisa ng Roma"ay ganito ang sinsabi: "Kung sinuman ang maniwala na magmula ng magkasala si Adan ay nawala na ang "freewill," ay pakasumpain siya." Dahil sa tapat na paninindigan sa katotohanan ng doktrinang Paghirang, at sa ibang kaugnay na katotohanan, na sina Bradford at ang daan-daan pang iba ay mga sinunog habang nakatali sa tulos ng mga tagasunod ng Papa. Di masayod ang kalungkutan kapag nakikita natin ang marami sa mga Protestante ay sumasang-ayon sa ina ng mga patutot sa pundamental na kamaliang ito.

 

Subalit kahit anong pag-ayaw ng mga tao sa pinagpalang katotohanang ito ay sapilitan nilang maririnig ito sa huling araw, maririnig nila ito bilang katapus-tapusang tinig ng di mababagong eternal na kalooban. Kapag ang kamatayan at ang hades, ang dagat at tuyong lupa, ay iniluwa na ang mga patay na nasa kanila, ay bubuksan ang Aklat ng Buhay"talaan ng mga hinirang sa pamamgitan ng biyaya na itinala bago pa lalangin ang sanlibutan"sa harapan ng mga anghel at mga demonyo, sa harapan ng mga ligtas at ng mga napapahamak, at ang tinig ay papailanglang sa pinakamataas na dako sa langit, maging sa pinakamababang dako sa impiyerno, hanggang sa kaduluduluhan ng sansinukob, na isisigaw:

 

"Ang sinumang hindi natagpuang nakasulat sa Aklat ng Buhay ay itinapon sa lawa ng apoy." (Apocalipsis 20:15)

 

Samakatuwid, ang katotohanang ito na kinamumuhian ng mga di-hinirang nang higit sa lahat, ay ito ang aalingawngaw sa tainga ng mga napapahamak sa kanilang pagpasok sa kanilang eternal na kahatulan! Ah, aking mambabasa, ang dahilan kung bakit hindi tinatanggap at pinapahalagahan ng mga tao ang katotohanan ng Paghirang ay sapagkat hindi nila nadarama na kailangan nila ito.

 

Ito ay nakapaghahating doktrina. Ang pangangaral ng pagkasoberanyo ng Diyos, na siyang paraang ipinapatupad Niya ang Kanyang paunang pagtatalaga sa eternal na kapalaran ng bawat Kanyang nilikha, ay nagsisilbing mabisang panggiik upang mapaghiwalay ang dayami at trigo. "Ang mula sa Diyos ay nakikinig ng mga salita ng Diyos." (Juan 8:47): Oo, kahit na ito"y salungat sa kanyang sariling mga ideya. Isa sa mga tanda ng mga iniligtas ay kinikilala nila na ang Diyos ay totoo. At hindi sila namimili ng kanilang gusto, gaya ng mga hipokritong relihiyoso: sa oras na maunawaan nila ang katotohanan na itinuturo ng Salita, kahit na ito ay laban-na-laban sa kanilang sariling lohika at kagustuhan, ay buong kapakumbabaan silang yuyukod dito at ganap na tatanggapin ito, at gagawin nila ito kahit na hindi paniniwalaan ng maraming tao sa buong sanlibutan. Subalit hindi gayon sa ganang mga di-mananampalataya. Ipinahayag ng apostol na "Sila'y sa sanlibutan: kaya't tungkol sa sanlibutan ang kanilang sinasabi at pinapakinggan sila ng sanlibutan.  Kami ay sa Diyos. Ang nakakakilala sa Diyos ay nakikinig sa amin at ang hindi sa Diyos ay hindi nakikinig sa amin. Dito'y ating nakikilala ang espiritu ng katotohanan at ang espiritu ng kamalian." (1 Juan 4:5,6).

 

Wala nang ibang paraan upang maihiwalay ang mga tupa sa mga kambing kundi ang tapat na pagpapaliwanag sa doktrinang ito. Kapag ang isang lingkod ng Diyos ay naitalaga sa bagong simbahan, at kapag ninais niyang malaman kung sino sa mga tao ang naghahangad ng dalisay na gatas ng Salita, at kung sinu-sino ang mga may higit na gusto sa kabulaanan ng diyablo, ay mangaral lamang siya ng serye ng mensahe sa paksang ito, ay kaagad na paraan ito upang "iyong ihiwalay ang may halaga sa walang halaga" (Jeremias 15:19 ab). Gayon ang karanasan ng Makalangit na Mangangaral: nang ipahayag ni Cristo na "Walang taong makakalapit sa akin, malibang ipagkaloob sa kanya ng Ama," sinabi sa atin na "Dahil dito, marami sa kanyang mga alagad ay tumalikod at hindi na sumama sa kanya," (Juan 6:65, 66)!

 

Totoo na, hindi naman nangangahulugan na ang lahat ng mga tumanggap sa "Calvinism" sa intelektuwal na paraan bilang pilosopiya o teolohiya ay nagpapahayag ng ebidensiya (sa pang-araw-araw nilang pamumuhay) ng pagiging ligtas; gayunman totoo rin na ang mga tumututol sa katotohanan at mariing tinatanggihan ang anumang bahagi ng katotohanan, ay walang karapatang maituring na mga Cristiano.

 

Ito ay napabayaang doktrina. Bagaman ang katotohanang ito ay kitang-kita sa Salita ng Diyos, ay bahagya naman itong naipapangaral sa ngayon, at lalo pa na halos hindi nauunawaan. Talagang hindi dapat asahan ang mga "higher critics" at ang kanilang bulag na tagasunod na ipangaral ang doktrina ng Paghirang; subalit kahit doon sa mga naghahangad na matawag na "orthodox" at "evangelical," bibihira sa kanila ang nagbibigay sa dakilang katotohanang ito ng tamang atensyon sa kanilang pangangaral sa pulpito o maging sa kanilang mga isinisulat. Sa ibang kaso, ito"y dahil sa kanilang ka-ignorantehan: dahil hindi naturuan sa seminaryo at maging sa "Bible Institutes," ay hindi nila naunawaan ang napakalaking kahalagahan nito. Subalit sa maraming kaso, ang paghahangad na maging popular sa kanilang tagapakinig ang nagbubunsod sa kanila para itikom ang kanilang bibig hinggil sa doktrinang ito. Gayunman, hindi ang ka-ignorantehan, paninira, o paglaban ang makapagpapawalang bisa sa doktrinang ito, o mabawasan kahit kaunti ang kahalagahan nito.

 

Samakatuwid ang pinagpalang doktrinang ito ay dapat na tratuhin nang may paggalang. Hindi ito isang paksa na makukuha sa katwiran o haka-haka, kundi dapat na pag-aralan ito nang may espiritu ng paghanga at debosyon. Dapat ding tratuhin ito nang may hinahon, "Kapag ikaw ay nakikipag-debate, nasa sitwasyong ipinaglalaban mo ang katotohanan ng Diyos laban sa kabulaanan at kasinungalingan, siyasatin mo ang iyong puso, bantayan mo ang iyong mga labi, mag-ingat ka sa naglalagablab na apoy sa iyong sigasig" (E. Reynolds, 1648). Gayunman ang katotohanang ito ay dapat na tratuhin nang hindi ikinokompromiso, at hindi isinasaalang-alang ang takot o pabor ng tao, at matatag na pinagkakatiwala sa kamay ng Diyos ang anumang resulta. Nawa"y biyayaan ako ng Diyos ng kakayahang makapagsulat sa paraang kalugod-lugod sa Diyos, at kayo, mga mambabasa, nawa"y tanggapin ninyo ang anumang mula sa Diyos mismo.

 

 

 

Pillars in My God"s Temple (Revelation 3:12)

 

Gotteschalk

Martyr For Predestination

 

Isinalin sa wikang Tagalog ni

Mary Grace Cariaga Alayon

 

                Sa isang serye ng mensahe sa radyo, na isinahimpapawid [sa U.S.] noong 1940, tinawag ni Rev. Herman Hoeksema ang "predestination" na "ang puso ng ebanghelyo". Ang napakagandang katotohanang ito ay unang itinuro sa iglesia ni Augustine noong ikalimang siglo, ang Obispo ng Hippo, na kung saan ay siya rin ang naglinang sa doktrinang ito ng Kasulatan sa kanyang kontrobersiya laban sa mga Semi-Pelagians. Ang simbahang Romano Catoliko, samantalang inaangkin si Augustine bilang isa sa kanilang mga santo at habang nagpapanggap na tapat sa mga turo ni Augustine, ay itinakwil naman ang turo ni Augustine tungkol sa doktrinang "double predestination." Inilagak ng Romano Catoliko ang kanyang sarili sa Semi-Pelagianism, at ito ang naging pangunahin at opisyal na aral ng simbahang ito, ang katuruang patuloy na pinaniniwalaan ng simbahang Romano.

                Hindi lamang itinakuwil ng Romano Catoliko ang doktrinang "double predestination" ni Augustine, kundi, mas masahol pa, sapagkat inusig at pinatay nito ang mga masigasig na nagtatanggol sa doktrinang ito 300 taon matapos pumanaw si Augustine. Ito ang kasaysayan ng hindi gaanong kilalang monghe na nagngangalang Gotteschalk, na ibinigay ang kanyang buhay sa pagtatanggol sa katotohanan ng Biblia na siyang kapahayagan ng pananampalataya ng bawat simbahang Reformed at Presbyterian. Ito pa rin ang kapahayagan ng pananampalataya ng mga matapat sa Salita ng Diyos. Ang nag-iisang tao na ito sa madilim at mapanglaw na Middle Ages ay maluwag sa kaloobang ibigay ang kanyang buhay para sa katotohanan ay pumukaw-sigla sa lahat ng mga anak ng Diyos na nagpapahayag na ang Diyos ay soberanyo sa election (paghirang) at reprobation (pagtatakwil).

               

Ang Kanyang Buhay

 

                Si Gotteschalk ay ipinanganak noong taong 806 sa tahanan ng isang Alemang conde na si Bruno. Ang pangalang Gotteschalk ay may akmang kahulugang "lingkod ng Diyos." Kinalaunan ay napagtanto ng kanyang mga magulang, na ang pangalang ibinigay nila sa kanya, ay angkop lamang. Nang siya ay bata pa, ibinigay siya ng kanyang mga magulang sa monasteryong Hessian ng Fulda bilang "oblate," na ang ibig sabihin ay, regalo sa Diyos.

                Nang siya ay 23 taong gulang na, si Gotteschalk ay naghimagsik laban sa buhay-monasteryo at humingi ng pahintulot upang makalabas ng kumbento. Ang kanyang samo ay ginawa sa Synod of Mainz, na nagpulong noong 829. Ipinagkaloob ng synod na ito ang kanyang kahilingan. Gayunman, si Rabanus Maurus, ang abbot ng monasteryo, ay sumalungat sa pasya ng synod at umapela sa emperador. Nagtagumpay siya sa kanyang hiling na manatili si Gotteschalk sa monasteryo subalit siya ay naging panghabambuhay na kaaway ng lingkod ng Diyos na ito. Si Gotteschalk ay inilipat sa monasteryo ng Orbais, sa Pransya, sa obispo ng Soissons sa probinsya ng Rheims. Dito ay inordena siya sa pagka-pari.

                Determinadong ilaan ang kanyang buhay sa mas mahusay pa kaysa sa pagka-monghe, pinag-aralan ni Gotteschalk ang mga isinulat ni Augustine. Sa pag-aaral na ito, namangha si Gotteschalk nang matuklasang ang Obispo ng Hippo ay nagturo ng soberanyo at "double predestination" (election at reprobation), ang doktrinang iba sa mga katuruan ng simbahang Romano. Matapos pag-aralan ang Kasulatan, nahikayat si Gotteschalk na si Augustine ay buong katapatang ipinahayag ang katotohanan ng predestination, at siya ay naging masigasig at hayagang mangangaral ng doktrinang ito. Sa kanyang pananabik dahil sa natuklasan, tinalakay niya ang isyung ito sa mga kapwa-monghe niya at nagtagumpay naman sa paghikayat sa marami sa kanila sa katotohanan ng kanyang posisyon.

                Sa panahong ito (837-847), nagkaroon si Gotteschalk ng magkakasunod na mahahabang paglalakbay sa buong Mediterranean, na dinadalaw ang mga lugar tulad ng Italy, Caesarea, Constantinople, at Alexandria. Saan man siya mapunta, ipinangaral at itunuro niya ang kanyang paniniwala sa predestination. Palagay ang kanyang loob, bagaman may kaunting pag-aalinglangan, na ang iglesya, matapos siyang mapakinggan, ay sasang-ayon sa kanya at iiwanan ang posisyon bilang semi-pelagian. Siya ay nakipag-sulatan sa mga iskolar, nakipag-debate sa mga teologo, nangaral sa mga tao, at nagsalita tungkol sa kanyang paniniwala sa bawat pagkakataon. Itunuring niya ang kanyang paniniwala na lubhang kailangan sa pang-unawa sa kasulatan at totoong ebanghelyo na halos hindi na siya makapagsalita ng tungkol sa ibang bagay.

Ang kanyang interes sa doktrina ng predestination ay hindi interes sa aral na ito lamang. Naniwala siya nang buong puso sa katotohanan tungkol sa soberanyo at partikular na biyaya. Nakita niya, tulad ng nakita ni Augustine, na ang soberanyo at double predestination ay ang biblikal na pundasyon na kung saan ang katotohanan ng soberanyong biyaya ay nakabatay.

               

Pagpanaw Bilang Martir

 

                Noong 846 at 847, nanahan si Gotteschalk kasama si Bishop Noting ng Veronica sa Italy. Doon nagsisimula ang kanyang mga suliranin. Ibinahagi niya kay Bishop Noting ang tungkol sa predestination, na sinasabi kung paano ring si Augustine ay nagturo ng sovereign at double predestination at kung paanong ang paniniwalang ito ay malinaw na itinuturo ng Kasulatan. Ngunit si Bishop Noting ay nangamba. Kaya sumulat siya kay Rabanus Maurus, ang matagal nang kaaway ni Gotteschalk, upang malaman ni Maurus kung ano ang tinuturo at ipinapahayag ni Gotteschalk. Sa panahong ito si Maurus ay naging archbishop ng Mainz, at nagpasya nang patahimikin minsanan at magpakailanman ang paring si Gotteschalk. Ipinatawag niya ang synod ng Mainz (or Mayence) na magtipon noong Oktubre 1, 848, na sa synod na ito ay naroon din ang emperador na Aleman. Si Maurus mismo ang nanguna. Hiniling nila si Gotteschalk na ipahayag ang kanyang paniniwala, na ginawa naman niya, "na may kagalakan at kumbiksyong ipinahayag na ayon ito sa iisang doktrina ng iglesia."

                Kapuna-puna kay Gotteschalk, nang ipinagtanggol niya ang kanyang paniniwala, hindi lamang buong tapang at hayagang ipinagtanggol ang double predestination (election at reprobation), kundi ipinagpilitan ding si Cristo ay namatay sa krus ng kalbaryo para lamang sa mga hinirang.

                Sa ilalim ng mabigat na impluwensya ni Maurus, ay kinondena si Gotteschalk at ang kanyang paniniwala ay binansagang erehe (o hidwang pananampalataya). Ibinigay ni Maurus si Gotteschalk kay Hincmar ng Rheims, ang Metropolitan bishop ni Gotteschalk. May kasamang sulat na nagsasabing: "Pinadala namin sa iyo ang lagalag na mongheng ito, upang patahimikin mo siya sa kanyang kumbento, at pigilan mo siyang ipalaganap ang kanyang mali, erehee, at kahiya-hiyang doktrina".

                Si Hincmar, bagaman isang taong aral, ay hambog din at malupit. Determinado siyang hindi lamang patahimikin si Gotteschalk sa kanyang monasteryo kundi upang pilitin siyang baguhin ang kanyang paniniwala. Upang maisagawa ito, ipinatawag ni Hincmar ang Synod of Chiersy na nagpulong noong 849. Ang bunga sa pagtitipon na ito ay lubhang mapanganib para kay Gotteschalk at sa kanyang paniniwala. Si Gotteschalk ay matapang na nanindigan na ayaw niyang ikaila ang kanyang paniniwala, kahit na sa kabila ng masasamang banta ni Hincmar. Kinondena siya ng synod. Gumawa sila ng pasyang tinatanggap ang hidwang katuruan ng conditional reprobation, universal atonement at pagnanais ng Diyos na iligtas ang lahat ng tao. Ipinatanggal ng synod si Gotteschalk sa pagka-pari, ipinasunog ang kanyang mga libro, iniutos na ikulong siya sa monasteryo, at hahagupitin sa publiko.

                Subalit ang malupit na si Hincmar ay hindi pa tapos sa kanyang "rebeldeng" pari. Dahil hindi niya magawang kunsintihin ang mga hindi sumasang-ayon sa kanyang posisyon, determinado siyang pilitin si Gotteschalk na ikaila ang kanyang paniniwala. Sa loob ng mga pader ng monasteryo ay matinding hinagupit si Gotteschalk na muntik na niyang ikamatay. Subalit, habang siya ay nakaratay sa sahig ng kanyang torture chamber, duguan at nasa bingit ng kamatayan, patuloy siyang tumanggi na ikaila ang kanyang paniniwala. Maging ang poot ni Hincmar ay hindi nagawang piliting ikaila ng banal na ito ang pinaniniwalaan niyang katotohanan ng Diyos. Ang ginawa nila kay Gotteschalk ay napakalupit, at ito ay ipinag-protesta ng mga pangunahing kleriko sa kanyang panahon.

                Dahil sa pagkatalo sa katapangan ni Gotteschalk, hinayaan ni Hincmar na mabulok si Gotteschalk sa bilangguan. Habang nasa bilangguan, matapos bahagyang gumaling sa kalupitang kanyang tinanggap, umakda siya ng dalawang confession na kung saan malinaw niyang inilahad ang kanyang paniniwala. Sa confessions na ito, na nakarating din sa atin, ipinahayag niya ang matatag na kumbiksyon na ang katotohanan ng Diyos ay mananatilli. Pinagtibay niya ang kanyang paniniwala sa double predestination, ang partikular na pagtutubos ng Tagapagligtas, at ang soberanyong layunin at kalooban ng Diyos na iligtas kay Cristo ang mga itinalaga lamang sa buhay na walang hanggan; at sa gayundin ay ipinahayag niya ang kanyang paniniwala na ang mga masasama ay soberanyong itinakda ng Diyos sa impyerno sa pamamagitan ng kanilang mga kasalanan laban sa Diyos.

                Matapos ang 20 taong pagkabilanggo, namatay si Gotteschalk sa gulang na 62 o 63 noong taong 868. Ipinagbawal ni Hincmar na ilibing siya sa sagradong libingan, at hanggang sa huli ay iginawad sa kanya ang paghamak na mamatay sa labas ng simbahan. Namatay siyang tapat hanggang sa katapusan, isang dakilang martir dahil sa katotohanan. Namatay siya sa pananampalatayang hindi na muling narinig sa iglesya hanggang sa panahon nina Luther at Calvin, makalipas ang 700 taon.

 

Kongklusyon

 

                Sa martir na kamatayan ni Gotteschalk, nagbunga ito ng isang mapanganib na kaganapan sa simbahang Romano Catoliko. Opisyal na kinundina ng simbahan ang katotohanan ng Banal na Kasulatan at niyakap ang bulaang katuruan. Ang resulta nito ay, mula nang panahong iyon, ang simbahan ay nagbigay ng opisyal na panukala at iniunat ang kanyang pakpak ng proteksyon sa mga lumalaban sa katotohanan, habang winawasak naman ang mga lingkod ng Diyos na nagtatanggol sa katotohanan at ipinaglaban ito nang hayagan at buong katapangan ng pananampalataya. Tinahak ng simbahan ang daang nagpatuloy sa loob ng ilang siglo hanggang ang buong Europa ay pumula sa pagdanak ng dugo ng hindi mabilang na mga martir. Dinurog ng kalupitan at ng walang-awang Inquisition (pagsasagawa ng imbestigasyon at parusa sa isang erehe na isinasagawa ng buong kalupitan at walang awa at pagkilala sa karapatang-pantao), ang iglesia ng Panginoong Jesu-Cristo ay halos hindi na mabuhay. At nang nagdala ang Diyos ng Repormasyon noong ika-16 na siglo, ang mga pahina ng kasaysayan ng Repormasyon ay naisulat sa dugo ng mga banal sumisigaw pa rin ng paghihiganti.

                Ang Belgic Confession ay tinukoy ang bulaang iglesya bilang "inuusig yaong mga namumuhay na banal ayon sa Salita ng Diyos, at sumasaway sa kanya sa kanyang mga kamalian, kasakiman, at pagsamba sa diyus-diyosan" (Artikulo 29). Ni hindi nagbago ang Romano Catoliko kahit kaunti. Hindi siya pinahihintulutan sa panahong ito upang magawa ang kanyang kagustuhan; itinatago niya ang kanyang kalupitan sa likod ng maskara ng kabaitan sa mga sinasabi niyang "nagkakamaling mga kapatid;" subalit bigyan ng tamang pagkakataon, at maaaring parating na, ang mga pangil nito ay muling ihahantad, at ang mga naninindigan sa katotohanan ay dadanasing muli ang lupit ng kanyang pagkamuhi sa Diyos.

                Si Gotteschalk ay nag-iisang tinig sa tigang na kaparangan. Dakila ang kanyang katapangan at ang kanyang kamatayan ay bilang martir. Tama ang isinulat ni Hans vonSchubert tungkol kay Gotteschalk: "Hindi lamang natin karapatan ngunit katungkulan din na pahalagahan ang "Calvin na Aleman" na ito bilang isa sa mga unang bayani sa kasaysayan ng ating pananampalataya."

 

NOTE: Ang kasaysayang ito ay isinalin mula sa orihinal na wikang Ingles mula sa aklat ni Herman Hanko na Portraits of Faithful Saints " 1999 Reformed Free Publishing Association.

 

_______________________________________________________________