btrc_header_4

Bastion of Truth Reformed Churches in the Philippines

Standing fast in one spirit with one mind striving together for the faith of the gospel which was once delivered unto the saints. (Phil 1:27, Jude 3)
Home About Us Beliefs and Practices Standards History Articles Publication Classis Directory Menu

 

" Issue No.9 "

September - December 2010

"Ang Ebanghelyo--Limited Atonement"

 

Itinatangi ng Kanyang Pag-ibig

Jereson A. Vino

Katotohanang Gayon Kung Pigilan ng mga Napapahamak

Alex M. Aquino

Hantad na Marka ng Bulaang Ebanghelyo

Ronald R. Santos

Limited Atonement (Translation)

Rev. G. Van Baren

"Limitadong Pagtutubos"

Regino P. Capinig

Tatawagin Siyang Jesus Sapagkat Ililigtas Niya ang Kanyang Bayan

Christian Joy B. Alayon

Voice of the Fathers

R.R. Santos, A.M. Aquino, C.J.B. Alayon

Gayon na Lamang ang Pag-ibig ng Diyos sa Sanlibutan"

Prof. Homer C. Hoeksema

Augustus Montague Toplady

Christian Joy B. Alayon

News and Updates

Alex M. Aquino

 

The Dwelling Word

 

Itinatangi ng Kanyang Pag-ibig

Jereson A. Vino

 

"" ay gayundin naman si Cristo, na inihandog na minsan upang dalhin ang mga kasalanan ng marami, ay magpapakita sa ikalawang pagkakataon, hindi upang harapin ang kasalanan, kundi upang iligtas ang mga sabik na naghihintay sa kanya" (Hebreo 9:28)

 

You"re not an option " kailanman ay hindi ka pinagpilian, ginawang pamalit o kaya"y mas kilala sa katawagang "panakip-butas." Hindi ka second option"third o fourth option"You"re one in a million. Ganito ko malayang mailalarawan ang nakamamanghang pag- ibig ng Diyos para sa kanyang mga pinakamamahal, sa iyo na kabilang sa Kanyang mga hinirang. Hindi Niya pinasibol ang sanlibutan upang makilala lamang Siya bilang Manlilikha na gumawa ng langit at lupa, bagkus ay ginawa Niya ang lahat ng mga ito upang iukol sa Kanyang mga iniibig bago pa likhain ang sanlibutan. Kailanman ay hindi ka itinuro at iminungkahi ng iba upang Kanyang bigyan ng pansin o makuha ang Kanyang simpatya o may nagpanukala sa Kanya o inimpluwensyahan ang Kanyang pagpapasiya na ibigin ang isang tulad mo. Ito ay ginawa Niya nang malaya at batay sa Kanyang sariling panukala.

 

Ang Gawain ng Diyos ay nakasentro sa pagliligtas ng Kanyang Iglesya na nakay Cristo-Jesus. At ang Kanyang pagliligtas ay hindi "ala-tyamba" o walang kasiguraduhan, ni hindi rin ito pagbabaka-sakali o suntok sa buwan. Ito ay may katiyakan at tanging nakalaan sa Kanyang bayan, sa Kanyang mga tupa ayon sa panulat ni Juan, at para sa Kanyang Iglesya na binili ng Kanyang dugo ayon kay Pablo. Siya ang sakripisyong handog bilang pantubos sa lahat ng mga kasalanan ng Kanyang mga hinirang. Ang Kanyang kamatayang nagtutubos ay may tiyak na pinag-uukulan. Ito ang tiniyak ng may-akda ng aklat ng Hebreo na nagwika, ""ay gayundin naman si Cristo, na inihandog na minsan upang dalhin ang mga kasalanan ng marami." Siya ang haing handog na tanging makapag-aalis ng poot ng Diyos laban sa kasalanan, hindi ng lahat ng tao kundi ng mga hinirang lamang. Siya ay naghandog ng sarili nang minsan at magpakailanman upang dalhin ang lahat ng kasalanan"natatago man o hayag"ng lahat ng Kanyang mga inibig na noon pa man. Aha! Kaya pala naparito ang Cristo ay upang harapin ang lahat ng kaparusahan sa lahat ng kasalanan ng mga hinirang. Nagdudumilat na katotohanan ng Banal na Kasulatan na inialay lamang Niya ang Kanyang buhay sa mga "tupa" at hindi kailanman sa mga "kambing." Ang Kanyang tinutubos lamang ay ang mga pinili ng Diyos bago pa nalikha ang sanlibutan, binayaran Niya ang kanilang mga kasalanan sa pamamagitan ng Kanyang kamatayan sa krus, at ang Kanyang katuwiran ang naging daan upang ituring silang ganap na matuwid sa harapan ng Diyos. Tunay na katiyakan na ang Kanyang pagtutubos ay laan sa mga hinirang lamang at bukod pa rito, bagamat ito"y limitado, hindi sila kakaunti na mga hinirang. Ayon sa may-akda sila ay marami at sila ang ganap na bilang ng mga tao ayon sa Kanyang panukala upang magtamasa ng Kanyang biyaya. Ganito rin ang tinuran ni Augustine, may isang libo"t limang daang taon na ang nakalipas, na nagwika ""na ililigtas ng Diyos ang ilan sa buong lahi ng sangkatauhan, samakatuwid ay mga tao sa lahat ng mga bansa, lipi at wika." Dagdag pa niya na sila ang, "bawat uri ng tao, alalaong bagay ang buong pinili ng biyaya, maging sila man ay alipin o malaya, maharlika o mababa, mayaman o mahirap," maging sino at anupaman ang kanilang katayuan sa buhay. Ito ang Kanyang "limitadong pagtutubos." Bukod pa rito, masusing pinagtuunan ng pansin at binigyang katiyakan ng may-akda ng Hebreo na ang mga tinubos ni Cristo ay may tiyak na kahahantungan: KALIGTASAN.  Oo, sila ay tiyak na maliligtas, sila ang mga sabik at matiyagang naghihintay sa Kanyang pagbabalik. Kung paanong ang Cristo ay umakyat sa kalangitan, mula rin doon ay magpapakita Siya sa ikalawang pagkakataon para sa ganap na kaligtasan ng Kanyang mga hinirang kung saan tatamasahin nila ang ganap na kalayaan sa kanilang mga kasalanan, kaligtasan mula sa kanilang kahatulan, at kapayapaan sa harapan ng Diyos. Siya"y babalik para sa tiyak na bilang ng Kanyang mga tinubos, sa mga tupa at sa kanilang mga anak na pinag-alayan ng Kanyang buhay sa krus. Ang mga ito"y Kanyang titipunin at sa kanila"y Kanyang ihahayag nang may malakas na tinig, "Kayo ang Aking bayan at AKO ang magiging Diyos ninyo".

 

Kaya nga mga munting kawan ng Diyos, panghawakan ninyong maigi ang katotohanan ng Kanyang Ebanghelyo kung saan Kanyang inihahayag na ang Kanyang pagtutubos ay laan lamang sa Kanyang bayan. Bagamang tayo"y kakaunti sa bilang ayon sa pananaw ng mga "kambing" ng sanlibutan, gayunma"y tinawag Niya tayong Kanyang kawan, Kanyang Iglesya. Oo, tayo"y mahihiha at walang kakayahan subalit ang Diyos ang ating kalakasan at si Cristo ang ating katubusan.

 

 

 

Our Gospel Stand

 

Katotohanang Gayon Kung Pigilan

ng mga Napapahamak

Alex M. Aquino

 

Ano ba ang hindi kailan man paniniwalaan ng tao hangga"t siya"y patay sa espiritu dahil sa kasalanan? Iyon ay ang tunay na Ebanghelyo na nagtuturong ang kamatayan ni Cristo sa krus ay laan para sa katubusan ng Kanyang mga hinirang lamang bago pa man likhain ang sanlibutan, at hindi ang lahat ng tao sa mundo. Iba"t iba ang ebidensya at manipestasyon ng kanyang pagtanggi at pagtutol dito. May pagalit na nagsasabing, "Ano! Sinasabi mo bang ang mga namatay kong kamag-anak at mga kaibigan"gaano man sila kabait"ay hindi nakarating sa langit dahil hindi iyan ang paniniwala nila! Hindi ko matatanggap "yan!" Pansinin mo na ang mas nananaig sa kanila ay ang damdamin para sa kanilang mga mahal sa buhay at hindi ang Salita ng Diyos. Magagawa nilang talikuran ang katuruan ng Salita ng Diyos para lamang papaniwalain ang kanilang sarili na payapa na sa piling ng Diyos ang kanilang mga pumanaw na minamahal kahit ang totoo"y pinarurusahan ang mga ito dahil sa kanilang paniniwala sa isang bulaang "Jesus" at sa bulaang ebanghelyo. May iba naman na nag-aanyong mahinahon at nagsasabing, "Ang mahalaga ay magkakaibigan tayo kaya"t alang-alang sa ating pagkakaibigan ay huwag na nating pagtalunan ang doktrinang iyan. Igagalang kita sa paniniwala mo at igalang mo rin sana ako sa paniniwala ko." Muli, bagamang nag-aangking Cristiano ang taong ito hindi ang Salita ng Diyos ang kanyang awtoridad kundi ang pakikipagkaisa sa iba at magandang pakikipagsamahan.

Dahil hindi na kataka-taka na ganito ang reaksyon ng mga taong ang pag-iisip ay nadirimlan, hindi susuko at magsasawalang-kibo ang tunay na iglesya ng Panginoong Jesus. Ang tunay na iglesya ang tanging tumanggap at nakaranas ng makapangyarihang biyaya ng Diyos. Bunsod nito ay hindi siya mananahimik upang pasalamatan ang Kanyang Tagapagligtas. Gagampanan niya ang kanyang pagkatawag bilang tapat na "ilaw at asin ng sanlibutan." Matapat niyang papatotohanan ang Ebanghelyo ng purong biyaya ng Diyos na nagtuturo na ang Panginoong Jesu-Cristo ay hindi namatay para sa lahat ng tao kundi para lamang sa Kanyang iglesya na bago pa lalangin ang sanlibutan ay itinakda na ng Ama ang bilang ng mga tinubos na ito. Hindi niya ikokompromiso ang katotohanang ito dahil buhay at kamatayan"kaligtasan at kapahamakan"ang nakasalalay dito. Para sa tunay na iglesya ang usaping para kanino inilaan ang kamatayan ni Cristo ay hindi lamang opinyon o paksa ng debate kundi usapin kung si Jesus ba ay isang "posibleng" tagapagligtas lamang"na maaaring makapagligtas at maaari rin namang hindi makapagligtas (at hindi ito ang Jesus ng Biblia)"o Siya ba ay talagang Tagapagligtas. Ang taong naniniwala kung gayon sa "Jesus" na "posible" lamang na tagapagligtas ay naniniwala sa ibang "Jesus" at ibang "ebanghelyo" (2 Corinto 11:1-4). Isa pang dahilan kung bakit kaligtasan ang nakataya sa usaping ito ay dahil sa biyaya (grace) lamang naliligtas ang tao at hindi sa magkahalong biyaya at gawa (grace and works, Roma 11:6). Ang taong nananangan kung gayon sa ebanghelyo o sistema ng kaligtasang sa pamamagitan ng gawa o di kaya"y biyayang may kahalong gawa ay tiyak na hindi ligtas (Galacia 1:6-9; 5:4). Tinalikuran ng ganitong tao si Jesus (2 Timoteo 2:12).

Ngunit ano nga ba ang patotoo ng buong kapahayagan ng Salita ng Diyos at ng kasaysayan ng tunay na iglesya?

 

Ang Patotoo ng Lumang Tipan ng Biblia

 

Ang mga seremonya ng Israel sa Lumang Tipan ay nagpapatotoo na tungkulin ng mga pari (o saserdote) ang gumawa ng handog pangkasalanan bilang pantubos para sa "buong Israel" (Lev. 16:34; Bil. 25:13; 1 Cron. 6:49; 2 Cron. 29:24. atbp.). Hindi ito simpleng pantubos na para kung kanino lamang kundi para sa bayan lamang ng Diyos. Ang reaksyon malamang ng marami, "Pero sa Lumang Tipan iyan kung saan ang Israel ang bayan ng Diyos." Ang tugon natin ay bakit sa dinami-dami ng bansa noong unang panahon ay ang Israel ang inangkin ni Yahweh na Kanyang bayan? Ang kasagutan ay nasa Kanyang mga Salita mismo sa Deuteronomio 7:7-8: "Kayo'y inibig at pinili ng PANGINOON hindi dahil sa kayo'y mas marami kaysa alinmang bayan ni sapagkat kayo ang pinakakaunti sa lahat ng mga tao; kundi dahil iniibig kayo ng PANGINOON, at kanyang tinutupad ang pangako na kanyang ipinangako sa inyong mga ninuno"" gayon din sinabi Niya sa Deuteronomio 9:6: "Alamin mo na hindi ibinibigay sa iyo ng PANGINOON mong Diyos ang mabuting lupaing ito upang angkinin ng dahil sa iyong pagiging matuwid; sapagkat ikaw ay isang bayang matigas ang ulo." Ang Israel, kung gayon, ay naging bayan ng Diyos dahil sa Kanyang malayang pagpili rito. At dahil pinili Niya ito, intensyon Niyang tubusin ang mga ito sa kanilang mga kasalanan. Hindi Niya naging intensyon na tubusin ang ibang mga bansa, manapa"y tinakwil Niya ang mga ito nang piliin at ibukod Niya ang Israel para sa Kanyang sarili (Isa. 43:3, 4; Malakias 1:2, 3).

Maging sa nalalapit na pagsasara ng kasaysayan ng Israel bilang kaharian ay pinatotohanan ng mga propeta ang limitadong pagkakalaan ng katubusan para sa bayang ito ng Diyos. Paulit-ulit na ipinahayag ng Diyos sa pamamagitan ng Kanyang propeta sa Isaias 53, "Tunay na kanyang pinasan ang ating mga karamdaman, at dinala ang ating mga kalungkutan" (v. 4); "Ngunit siya'y nasugatan dahil sa ating mga pagsuway, siya'y binugbog dahil sa ating mga kasamaan; ipinataw sa kanya ang parusa para sa ating kapayapaan, at sa pamamagitan ng kanyang mga latay ay gumaling tayo" (v. 5); ""at ipinasan sa kanya ng PANGINOON ang lahat nating kasamaan" (v. 6); ""sinaktan dahil sa pagsalangsang ng aking bayan." Tinutukoy ng mga talatang ito ang sasapitin ng "Lingkod ni Yahweh" na walang iba kundi ang Panginoong Jesu-Cristo na tumubos hindi sa lahat ng mga bansa kundi sa Kanyang bayang Israel lamang na siyang Iglesya ng Lumang Tipan. Kapansin-pansin na hindi pinagamit ng Espiritu Santo kay Isaias ang mga salitang "lahat" o kaya"y "buong mundo" kundi ang mga eksklusibong panghalip tulad ng "ating," "tayo," "natin[g]," at "aking [bayan]." Tinutukoy ng mga panghalip na ito ang Israel"ang bayan"ang iglesya ng Diyos.

 

Ang Hayag na Patotoo ng Bagong Tipan

 

Ang mga seremonya ng Lumang Tipan ayon sa Hebreo 10 ay pawang mga simbulo at anino lamang ng mas mabubuting bagay na darating: "Yamang ang kautusan ay anino lamang ng mabubuting bagay na darating, at hindi ang tunay na larawan ng mga bagay na ito"" (v. 1); "Sapagkat hindi maaaring mangyari na ang dugo ng mga toro at ng mga kambing ay makapag-alis ng mga kasalanan" (v. 4). Ang diwa ng mga handog na ito maging para sa mga anak ng Diyos sa Lumang Tipan ay nasa kanilang katuparan: ang kamatayang pantubos ni Cristo sa Bagong Tipan. Lalo ngayong naging lantad ang katotohanang hindi para sa lahat, kundi para lamang sa mga hinirang ang pagtutubos sa pamamagitan ni Cristo. Ipinahihiwatig na ito sa kapanganakan pa lamang ni Cristo: "Siya'y manganganak ng isang lalaki, at ang pangalang itatawag mo sa kanya ay Jesus, sapagkat ililigtas niya ang kanyang bayan sa kanilang mga kasalanan" (Mat. 1:21); ""at ibinibigay ko ang aking buhay para sa mga tupa" (Juan 10:15); "Yamang minamahal niya ang sariling kanya na nasa sanlibutan, sila ay kanyang minahal hanggang sa katapusan" (Juan 13:1); "Walang may higit pang dakilang pag-ibig kaysa rito, na ibigay ng isang tao ang kanyang buhay dahil sa kanyang mga kaibigan" (Juan 15:13); ""ang iglesya ng Diyos na binili niya ng kanyang sariling dugo" (Gawa 20:28b); "Mga asawang lalaki, mahalin ninyo ang inyu-inyung mga asawa, gaya ni Cristo na nagmahal sa iglesya, at ibinigay ang kanyang sarili alang-alang sa kanya" (Efe. 5:25).

Isang napakahalagang bagay na nagpapatibay sa katotohanan ng Biblia na namatay si Cristo para lamang sa Kanyang mga hinirang, o tupa, o mga kaibigan o iglesya ay ang katotohanan na ang kamatayan Niya ay "panghalili" o "pampalit" (substitutionary; vicarious). Tinuturo ng Salita ng Diyos na si Jesus ay humalili (substituted) para sa Kanyang mga hinirang sa kanilang nararapat na kamatayan at kaparusahan. Ito ang bisa ng kamatayan ni Jesus: na tiyak na naililigtas ang Kanyang mga hinirang dahil pumalit o humalili Siya sa kanila upang hindi na sila ang maparusahan. Ang ating kongklusyon ngayon ay ito: Ang dahilan kung bakit hindi naliligtas ang maraming tao ay hindi pumalit at humalili para sa kanila si Jesus upang akuin ang kanilang kahatulan at kamatayan.

Ang lahat ng Kasulatan ay kinasihan ng Diyos at ginabayan ang mga propeta ng Kanyang Espiritu sa kanilang pagsusulat ng Kanyang Banal na Salita (2 Tim. 3:16; 2 Ped. 1:20, 21). Kahit na ang mga munting salita tulad ng mga pang-ukol (prepositions) ay kinasihan ng Diyos sa orihinal na wika ng Biblia. Ang Griegong pang-ukol na anti ay nangangahulugang "sa halip na" (instead of) at hindi lamang "para sa" (for) at pinapatunayan ng gamit nito na ang kamatayan ni Jesus ay pangpalit o panghalili sa mga hinirang lamang: "Sapagkat maging ang Anak ng Tao ay hindi naparito upang paglingkuran, kundi upang maglingkod at ibigay ang kanyang buhay na pantubos sa marami." (Mar. 10:45). Ang Griegong pang-ukol na hyper (bigkas: "huper") na nangangahulugang "sa ngalan ng" o "alang-alang sa" (in behalf of) ay hindi palaging nagpapahiwatig ng prinsipyo ng paghalili o pagpalit. Gayon pa man ang mga konteksto ng talatang ginagamitan ng katagang hyper sa Kasulatan ay nagpapahayag ng konsepto ng "paghalili" o substitution ng kamatayan ni Cristo para sa mga hinirang lamang: Marcos 14:24; Roma 5:6b; 5:8; 8:32; 1 Corinto 15:3b; 2 Corinto; Galacia 1:14a; 2:20; 5:14b; 5:21a; 1 Timoteo 2:6a; Hebreo 2:9c; 10:12a; 1 Pedro 3:18.

 

Paninindigan ng Makasaysayang Iglesya

 

Hindi lamang sa kapanahunan ng Bago at Lumang Tipan pinagtibay ang katotohanang ito ng limitadong pagtutubos (o definite atonement). Sa pamamagitan ng ipinangakong paggabay ng Espiritu Santo (Juan 16:13, 14) tinaglay ng iglesya sa kanyang kasaysayan ang Ebanghelyo ng purong biyaya ng Diyos sa pamamagitan ng mga turo ng mga sinaunang ama ng iglesya na nanindigan na ang kamatayan ni Jesus ay pantubos lamang para sa iglesya"para lamang sa mga hinirang. Gayon pa man ay maaga rin itong kinalaban ng Britong mongheng si Pelagius na tinutulan ang doktrina ng kasalanang mana (original sin) at mariing kinalaban ang katotohanang nagtakda ang Diyos bago pa man ang sanlibutan ng mga tao at anghel tungo sa kaluwalhatian at mga tao at anghel na mapapahamak magpasawalang hanggan (predestination). Subalit mariing pinagtibay ng Diyos ang Kanyang biyaya at kaluwalhatian sa iglesya sa pamamagitan ng Kanyang lingkod na si Augustine (A.D. 354-430), Obispo ng Hippo (Hilagang Africa). Si Augustine ang unang naglahad bilang usapin ang bilang ng mga taong saklaw ng pagtutubos ni Cristo. Ipinaliwanag niya na ang mga salitang "lahat" at "lahat ng tao" sa mga talata ng Biblia ay tumutukoy sa "lahat ng gulang, uri at kalagayan" ng sangkatauhan at hindi "lahat ng indibiduwal na tao." Kaya ang kanyang paninindigan tungkol sa kamatayan ni Jesus bilang Tagapamagitan ay inilaan ito at mabisa lamang ito para sa mga kasalanan ng mga hinirang (elect) na tao. Sa pangunguna ni Augustine opisyal na kinundena ng iglesya ang mga kabulaanang ikinalat ng heretikong si Pelagius. Nakalulungkot lamang na tinanggihan ng simbahang Romano Catolico ang mga doktrina ni Augustine at nanaig ang kabulaanan ng Semi-Pelagianism na nagtuturong ang kaligtasan ay sa pamamagitan ng magkahalong pananampalataya at gawa. Ito ang naging opisyal na doktrina ng simbahang Catolico. Gayon pa man, matapat at buong kabayanihang kinalaban ng isang lingkod ng Diyos na nagngangalang Gotteschalk (A.D. 806-868) ang kabulaanang ito kahit noong pinakamadidilim na panahon sa kasaysayan ng iglesya. Ang naging kapalit ng paninindigan niya sa katotohanan ng eternal na pagtatakda (predestination) ng Diyos at ng limitadong pagtutubos ng kamatayan ni Cristo ay ang 20ng taong pagkakabilanggo hanggang sa siya ay mamatay roon. Sa biyaya ng Diyos nahawi ang madilim na talukbong sa ibabaw ng iglesya at sumapit ang dakilang "Repormasyon." Isinulong ng Alemang repormistang si Martin Luther (1483-1546) ang mga "doktrina ng soberanyong biyaya" (doctrines of sovereign grace) ng Diyos na kinabilangan ng paninindigan sa "limitadong pagtutubos" ni Cristo at kinatampukan ng kanyang pakikipagtunggali laban sa humanism at free-willism ng Catolicong iskolar na si Desiderius Erasmus at sa mapamahiing teolohiya ng Catolicismo. Pinagtagumpay ng Diyos ang dakilang Repormasyon at pinayabong ang katotohanan sa pamamagitan ng mga paglilingkod at pagsasakripisyo ng repormistang Franses na si John Calvin (1509-1564). Marami ang nagsasabing hindi hayagang tinuro ni Calvin ang "limitadong pagtutubos" ni Cristo at batay umano sa mga komentaryo niya ay naniniwala siya na si Cristo ay namatay para sa lahat ng indibiduwal na tao. Siguro"y makasasapat na ang mga sumusunod na banggit upang pabulaanan ang lahat ng mga nagpapahina sa doktrina ni Calvin na bukod sa mariing nagturo ng Total Depravity (kumpletong pagkamakasalanan ng tao), Unconditional Election (walang kundisyong pagpili ng Diyos ng Kanyang ililigtas, Irresistible Grace (hindi matatanggihang pagkilos ng Espiritu), at Perseverance of the Saints (hindi mawawala ang kaligtasan ng mga hinirang) ay pinangatawanan din ang Limited Atonement: "Ipinapalagay ni Georgius na matalino siyang nakapangatuwiran kapag sinasabi niyang, "Si Cristo ay ang handog pantubos para sa kasalanan ng buong mundo. Kaya sila na ibinubukod ang mga itinakwil ["reprobate"] sa pakikibahagi sa pakinabang kay Cristo, ay kailangang, ilagay sila sa labas ng mundo." Ngayon hindi natin papayagang manaig sa pagkakataong ito ang pangkaraniwang kalutasan sa usaping ito, na ipinapakahulugan ito na si Cristo ay nagdusa nang sapat ("sufficiently") para sa lahat ng tao, subalit mabisa ("effectually") lamang para sa kanyang mga hinirang. Ang malaking kahangalang ito na naghakot para sa ating monghe ng maraming papuri mula sa kanyang sariling kapatiran, ay walang anumang halaga sa akin." (Sa saling Ingles ay, "Georgius imagines himself to argue very cleverly when he says, "Christ is the propitiation for the sins of the whole world. Therefore, those who would exclude the reprobate from a participation in the benefits of Christ, must, of necessity, place them somewhere out of the world." Now we will not permit the common solution of this question to avail on the present occasion, which would have it that Christ suffered sufficiently for all men, but effectually for His elect alone. This great absurdity, by which our monk has procured for himself so much applause amongst his own fraternity, has no weight whatever with me." [Calvin"s Calvinism p. 165]) Sa maagang bahagi pa lamang ng pananagumpay ng katotohanan sa pamamagitan ng Repormasyon ay sumalakay na ang bulaang ebanghelyo sa pamamagitan ng mga aral ni James Arminius (1560-1609) at ng kanyang mga alagad. Noong taong 1610 sa bansang Holland (The Netherlands) kamamatay lamang ng Dutch na propesor na si James Arminius nang ang kanyang mga katuruan ay binalangkas sa limang pangunahing punto ng doktrina ng kanyang mga tagasunod " na nakilala bilang mga Arminians. Hanggang sa panahong iyon, ang mga iglesya ng Holland, na kaisa ng mga pangunahing iglesyang Protestante sa Europa, ay pinanghawakan ang Belgic at Heidelberg Confessions of Faith, na ganap na sumasang-ayon sa mga katuruan ng Repormasyon. Gayon pa man, nais ng mga Arminians na baguhin ang mga paniniwalang ito, kaya naman kanilang inilahad ang limang punto sa anyo ng isang Remonstrance " o "protesta" " sa Parliamento ng Holland. Ang Limang Punto ng Arminianismo ay ang mga sumusunod:

 

1. Malayang pasiya (free will), o kakayahan ng tao (human ability). Tinuturo nito na bagamang nahulog ang tao sa pagkakasala ay hindi naman siya ganap na nawalan ng kakahayan upang piliin ang espiritwal na mabuti, at nagawang sumampalataya sa Diyos at tanggapin ang ebanghelyo at sa gayon ay kanyang makamtan ang kaligtasan.

 

2. Kundisyonal na pagkahirang (Conditional election). Tinuturo nito na pinili ng Diyos ang mga indibiduwal na tao, na alam Niya " o na paunang nakita Niya " ay tutugon sa ebanghelyo. Pinili ng Diyos sila na nakita Niyang nais maligtas sa pamamagitan ng kanilang malayang pasiya at sa kanilang likas na nahulog na kalagayan " na ayon nga sa unang punto ng Arminianismo, ay hindi naman talaga ganap na nahulog.

 

3. Pangkalahatang pagtutubos (Universal redemption, o general atonement). Tinuturo nito na si Cristo ay namatay upang iligtas ang lahat ng tao; subalit sa isang "potensyal" (posibleng magligtas; posible ring hindi) na paraan lamang. Nagbigay-daan lamang ang kamatayan ni Cristo para sa Diyos upang mapatawad ang mga makasalanan, ngunit ito ay kung sila"y sasampalataya lamang. Ito ang opisyal na deklarasyon ng mga Remonstrants o Arminians patungkol sa bilang ng pinaglaanan ng kamatayan ni Cristo:

 

"Na sa bagay na iyan ay katanggap-tanggap na si Jesu-Cristo ay Tagapagligtas ng sanlibutan, namatay para sa lahat ng tao at para sa bawat tao, sa gayon ay natamo niya para sa kanilang lahat, sa pamamagitan ng kanyang kamatayan sa krus, ang katubusan at kapatawaran ng mga kasalanan; gayon pa man walang tunay na nagtatamasa nitong kapatawaran sa mga kasalanan maliban sa mananampalataya, ayon sa salita ng ebanghelyo sa Juan 3:16: "Gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan na ibinigay niya ang kanyang tanging Anak, upang ang sinumang sa kanya"y sumampalataya ay huwag mapahamak kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan." At sa 1Juan 2:2: "Siya ang kabayaran para sa ating mga kasalanan, at hindi lamang para sa atin kundi para rin sa kasalanan ng buong sanlibutan."" (Artikulo 2)

 

4. Posibleng tanggihan ng pasiya ng tao ang kilos ng Espiritu Santo sa paggawa ng bagong kapanganakan (The work of the Holy Spirit in regeneration limited by the human will). Tinuturo nito na ang Espiritu Santo, sa pasimula ng pagkilos Niya sa paglalapit sa kanya kay Cristo, ay maaaring matanggihan at ang Kanyang mga layunin ay maaaring biguin. Hindi Siya makapagbibigay ng buhay malibang sumang-ayon ang makasalanan na bigyan siya ng buhay.

 

5. Pagkawala ng kaligtasan (Falling from grace). Tinuturo nito na posibleng mawala ang kaligtasan ng isang tao. Kung ang tao ang may unang pagkukusa sa kanyang kaligtasan, nakasalalay sa kanya ang huling kahihinatnan ng kanyang sariling kaligtasan.

 

Inilahad ang Limang Punto ng Arminianismo sa pamahalaan at nagpatawag ng isang Pambansang Synod ng mga iglesya upang magtipon sa bayan ng Dordt noong 1618 upang siyasatin ang mga katuruan ni Arminius sa liwanag ng mga Kasulatan. Nagtipon ang Synod of Dordt sa loob ng 154 sessions sa loob ng mahigit pitong buwan, subalit ang naging resulta ay walang matagpuang batayan upang masabing sumasang-ayon ang katuruan ng mga Arminians sa paliwanag ng Salita ng Diyos. Sa muling pagpapatibay ng paninindigang walang alinlangang itinuturo ng Repormasyon, at binalangkas ng teologong Franses na si John Calvin, inilahad ng Synod of Dordt ang Five Points of Calvinism upang salungatin ang sistemang Arminian. Opisyal na kinundena ng "synod" ang lahat ng kabulaanan ng mga Remonstrants o Arminians. Opisyal nitong ipinahayag laban sa mga nanghahawakan na ang kamatayan ni Cristo ay laan para sa lahat sa pamamagitan ng deklarasyong, "Yamang ang tamang katuruan ay naipaliwanag na, ngayon naman ay tinututulan ng Synod ang kamalian ng mga sumusunod" Kabulaanan: Sila na nagtuturo na si Cristo sa pamamagitan ng Kanyang kamatayan ay hindi tiyak na natamo ang mismong kaligtasan ng sinuman, ni ang pananampalataya kung saan sa pamamagitan nito ang ginawa ni Cristo para sa kaligtasan ay mabisang nakakamtan; kundi natamo Niya lamang para sa Ama ang kapangyarihan o ang ganap na kalooban na makitungo muli sa tao at makapagtakda ng mga bagong kundisyon na Kanyang maibigan, gayun pa man ang pagtupad sa mga ito ay nakabatay sa malayang pagpapasiya ng tao, upang sa gayon ay maaaring mangyari na wala o kaya"y lahat ay makatupad sa mga kundisyong ito. Pagtutol: Sapagkat ito"y lubhang humahamak sa kamatayan ni Cristo, at hindi kumikilala sa pinakamahalagang bunga o kapakinabangan na Kanyang natamo. At muli nitong binubuhay mula sa impiyerno ang "kabulaanang Pelagianismo"" (Mga Kanon ng Dordt: Ikalawang Ulo ng Doktrina, Ikatlong Kabulaanan at Pagtutol). Bunsod nito"y opisyal na idineklara ng tunay na iglesya na ang Arminianism ay heresy o hidwang pananampalataya. Pagkatapos naman ng tagumpay ng iglesya na nagtipon sa Dordt ay dumaluhong ang marami pa at mas mapanlinlang pang mga bulaang ebanghelyo sa mga sumunod na siglo. Isa rito ay ang Amyraldianism. Ito ang kabulaanang ikinalat ng mga mangangaral na sina John Cameron at Mo"se Amyraut na pumatay sa Calvinism ng mga iglesyang Reformed sa Francia at nagpahina sa mga iglesyang Reformed ng Britania. Tinatawag din itong modified Calvinism dahil umano"y tinatanggap nito ang mga punto ng Calvinism maliban sa "limitadong pagtutubos." Tinatawag din itong four-point Calvinism. Ang Amyraldianism ay wala nang iba kundi isang nagbabalat-kayong Arminianismo at Pelagianismo. Pareho nitong pinanghahawakan na (1) mapagbiyaya ang Diyos sa lahat ng tao; (2) may sinserong alok ng ebanghelyo sa lahat (well-meant offer of the gospel);  (3) si Cristo ay namatay para sa lahat kaya posible na ang kaligtasan para sa lahat;  (4) may kundisyong kailangang gawin ang sinuman upang maligtas. Bagamang ang mga iglesya ng Francia at Britania ay nadaya ng kabulaanang ito, mariin namang kinundena ito ng mga iglesyang Reformed sa Switzerland sa pamamagitan ng kanilang pinagtibay na kumpesyon noong 1675 na tinatawag na Formula Consensus Helvetica (Artikulo XVI). Kapansin-pansin na ang paniniwala ng Amyraldianism ay siya ring pinanghahawakan ng mga nag-aangking sila"y Calvinist o Sovereign Gracer sa ating kapanahunan. Tinatagurian nila ang kanilang sarili na mga moderate Calvinists at sinumang istriktong Calvinist ay tinatawag nilang hyper-Calvinist gaya nating Bastion of Truth Reformed Churches (BTRC). Ang turing naman ng BTRC sa kanila ay Tolerant Calvinists o Compromising Calvinists na ang totoo"y hindi naman talaga mga Calvinists dahil ang paniniwala nila ay hindi paniniwala ni Calvin, ni ng ebanghelyo ng soberanyong biyaya ng Diyos.

 

Bunsod ng unti-unting panghihinang ito ng paninindigan ng iglesya sa Ebanghelyo ng "partikular o limitadong pagtutubos ni Cristo" ay nangibabaw at natanyag ang mga bulaang mangangaral na humahakot ng libu-libong tao tungo sa kapahamakan tulad ni John Wesley, tagapagtatag ng mga simbahang Metodista. Siya at ang kanyang kapatid na si Charles Wesley na mahusay na kompositor ng mga imno ang mga tuso at mapandayang kampeon ng Arminianismo sa kanilang henerasyon. Salamat na lamang sa Diyos at sa kabila ng mabilis na pagdami at paglaki ng mga bulaang iglesya na nagtuturo na namatay si Jesus para sa lahat ng tao ay tinawag niya ang kakaunting matapat tulad ng mas nakababatang si Augustus M. Toplady, ministro sa Church of England, upang kalabanin ang mga kaaway ng biyaya ng Diyos tulad ni John Wesley. Ngunit sadyang makamandag ang bulaang ebanghelyo! Ang mga bulaang aral ni Wesley ay nasagap ng mga nirerespetong ebanghelista tulad nina Dwight L. Moody, Aimee Semple MacPherson, Billy Graham, Jimmy Swaggart, Bill Bright, Pat Robertson, Benny Hinn, Morris Cerullo, Rick Warren at marami pang mga tanyag at tagumpay ngunit mga bulaan namang mga lider ng relihiyon. Iisa lamang ang kulay nila. Silang lahat ay naniniwalang si Jesus ay namatay para sa lahat ng tao, na siya namang kinukundena ng Salita ng Diyos. Nakakalunod ang bilang ng mga taong ganito ang paniniwala. At sa dami nila ay tayo pa na nananalig sa Ebanghelyo ng eksklusibong kamatayan ni Cristo ang mga estranghero at "kulto." Subalit salamat sa Diyos dahil, bagamang maliit, mahina at di kilala, ang Kanyang tunay na iglesya ay buhay na buhay upang ipahayag, ipagtanggol at ipaglaban ang Ebanghelyo ng biyaya ng Diyos na naghahayag na iniukol lamang ang kamatayan ni Cristo para sa Kanyang mga hinirang bago pa lalangin ang sanlibutan. Tulad ng patotoo ng kasaysayan ng Bago at Lumang Tipan ng Biblia at ng kasaysayan ng iglesya sa nakalipas na dalawang libong taon ang katotohanan ng "Limitadong Pagtutubos" na ito ang hindi nagbabagong paninindigan natin sa Bastion of Truth Reformed Churches in the Philippines. Hindi tayo tumitingin, ni napasisindak sa dami ng mga kaanib, o sa yaman at impluwensya ng kilusan, ni sa tanyag na pangalan ng ebanghelista o sa kanyang husay magtalumpati o mangalap ng salapi. May mga mahal tayo sa buhay na nabiktima ng mga bulaang mangangaral na ito na naniniwala sa bulaang ebanghelyo na si Jesus ay namatay para sa lahat. Ilan sa kanila ay pumanaw na. Mapait isipin na sila ay nagdurusa ngayon sa walang hanggang apoy ng kaparusahan at wala nang pag-asa na mababago ang kanilang kalagayan sa kabilang buhay. Subalit tayong nabubuhay ay may pag-asa pa upang makapagsisi at manampalataya sa katotohanan. Hindi tayo padadaig ni padadaya sa ating mga emosyon. Mananaig sa ating puso at isip ang Salita ng Diyos. Ang awtoridad natin ay ang Salita ng Diyos dahil naroon lamang ang pag-asa natin ng buhay"ang pinagpalang Ebanghelyo ng Panginoong Jesus na nagmahal sa atin at inialay ang Kanyang buhay para sa atin na Kanyang mga hinirang.

 

 

 

Beware: False Gospels

 

Hantad na Marka ng Bulaang Ebanghelyo

Ronald R. Santos

 

Lubhang mapanlinlang ang bulaang ebanghelyong nagtataglay ng bulaang cristo. Karamihan sa biktima nito ay walang kamalay-malay na ang kanilang taos-pusong sinasampalatayanan ay doktrina ni Satanas. Kaya ang layunin ng paghahantad ng mga hidwang katuruan ay upang "turuan nang may kaamuan ang mga sumasalungat, baka sakaling pagkalooban ng Diyos ng pagsisisi tungo sa pagkakilala sa katotohanan, at sila"y matauhan at makawala sa bitag ng diyablo na bumihag sa kanila upang gawin ang kanyang kalooban." 2 Timoteo 2:25

 

Iisa ang Ebanghelyong mula sa Diyos

 

Huwag kalilimutan na ang Ebanghelyong ibinigay ng Diyos ay iisa lamang hindi dalawa o marami. At ito"y hindi nagbabago at ni hindi naluluma. Kapag isasaisip lamang ng mambabasa ang katotohanang iisa lamang ang tunay na ebanghelyo at ang ibang mga ebanghelyo"y mga bulaan, ay magbubunsod ito sa kanya na suriin ang ebanghelyong kanyang pinaniniwalaan kung ito ay "yung iisang Ebanghelyo o baka naman bulaang ebanghelyo. Dapat lang na bigyan ng seryosong pansin ng mga mambabasa ang paksang ito, sapagkat hindi isang pagkakamali lamang ang manalig sa ibang ebanghelyo kundi isang malaking pagkakamaling nakapagpapahamak ng kaluluwa. Kaya sana"y huwag ipagwalang bahala ito ng mga mambabasa, suriin ninyo ang ebanghelyong inyong pinaniniwalaan, nakataya ang kaligtasan o kapahamakan ng inyong kaluluwa.

 

Salita ng Diyos ang Batayan

 

Namamanhik kami sa mga mambabasa na huwag pairalin ang damdamin sa pagsasaliksik sa tunay na Ebanghelyo. Binibigyan ko ng diin ang panawagang ito sapagkat sa panahon ngayon, damdamin at hindi payak na katuruan ng Biblia ang ginagamit na batayan sa pagkilala ng katuruan. Marami ang napapahamak sapagkat sa pagsisiyasat nila ng kung ano ang katotohanan ay ginagamit nilang pamantayan ang kanilang damdamin at hindi ang Salita ng Diyos. Karamihan ay sinusukat ang katotohanan ng isang katuruan batay sa kasikatan at kahusayan ng mga "Pastor" na nanghahawakan sa gayong katuruan. Ang iba naman ay binabatay ang pagsusuri sa dami o laki ng "iglesya" o samahang naniniwala sa gayong katuruan. Mali ang mga ganitong pamamaraan, marami na ang nalinlang ng kabulaanan dahil sa mga ganitong pamamaraan. Ang Kasulatan maging ang kasaysayan ay nagpapatunay na maraming kilala"t mahuhusay na mangangaral ang napahamak dahil sila man ay mga bulag sa katotohanan. Ang malalaking denominasyon o "iglesya" ay maaaring magkamali sa kanilang katuruan. Ang payak na katuruan ng Banal na Kasulatan na siya namang tinanggap ng mga amain sa pananampalataya ang tanging mapagkakatiwalaang batayan ng katotohanan ng Ebanghelyo.

 

Paghahantad para sa mga Mulat ang Mata

 

Isa sa mga layunin ng The Bastion of Truth ay ang ipahayag nang buong linaw ang Tanging Ebanghelyo ni Cristo upang maiakay sa katotohanan at mailayo sa kabulaanan ang mga mambabasa. At kaugnay ng layuning ito, ay sinisikap ng artikulong ito na ihantad naman ang bulaang ebanghelyo sa gayon ay matulungan ang mga mambabasa na maiwasan ang mga likong katuruang nakapapahamak at sumampalataya lamang sa tunay na Ebanghelyong nakapagliligtas.

 

Kung tutuusin, napakadaling makita ng mga mulat ang mata ang mga tanda ng bulaang ebanghelyo, ngunit sa mga bulag at nagbubulag-bulagan kahit na ipagduldulan mo ang mga halatang-halatang tanda ng kabulaanan ay hindi pa rin nito makikita o sadyang ayaw makita bagkus ay buong giting pang papairalin ang damdamin at ipagtatanggol nang buong-tapang ang kabulaanan na sa tingin nila"y "katotohanan," na ang totoo naman ay ebanghelyo ni Satanas. Subalit para sa kapakanan ng mga tinatawag ng Diyos at minumulat Niya ang mga mata ay napapanahon na ilahad ang mga tanda ng bulaang ebanghelyo upang mas malinaw ang pagkilala sa tunay na Ebanghelyo.

 

Tatlong Tanda ng Bulaang Ebanghelyo

 

Maraming tanda ang bulaang ebanghelyo, gayunman sapat nang malaman ang tatlong pangunahing mga tanda upang maiwasan ang bulaang ebanghelyo. Makikilala mo ang bulaang ebanghelyo sa pamamagitan ng tatlong tandang ito: Una, "Mahal ng Diyos ang lahat ng mga tao"; ikalawa, "Namatay si Cristo para sa lahat ng mga tao"; at ikatlo, "Hangad ng Diyos ang kaligtasan ng lahat ng mga tao." Inuulit ko! Ang tatlong tandang ito ay mga tanda ng "bulaang" ebanghelyo, hindi ng tunay na Ebanghelyo. Binibigyang diin ko ito sapagkat nararamdaman ko na agad ang panlalaki ng mata"t pagtutol ng ilang mambabasa, hindi kayo nagkakamali ng basa, tama ang sinabi ko, ang mga ito"y mga tanda ng bulaang ebanghelyo! Ang mga ito kasi ang mismong pinaniniwalaang ebanghelyo ng karamihang nagsasabing sila"y Cristiano sa ating kapanahunan. Ang mga ito lamang ang kanilang naririnig mula sa mga pastor, sa radyo; at nababasa sa mga aklat, maging sa internet. Subalit hindi ang mga ito ang katuruan ng Banal na Kasulatan, at hindi rin ito ang tinanggap ng mga amain sa pananampalataya bagkus ang mga ito pa ang kanilang kinondena bilang mga balikong katuruan ng bulaang ebanghelyo. Sa kasalukuyang panahon, ang tunay na Ebanghelyo pa ang naaakusahang mali at ang bulaang ebanghelyo ang karaniwang pinaniniwalaang ebanghelyo. Ingat mga mambabasa!

 

Ang mga tandang ito"y maaaring maaninag sa iba"t ibang anyong ipinapangaral ng mga bulag na mangangaral. May nangangaral ng ganito, "Mahal ng Diyos ang lahat ng tao, kaya niya isinugo si Jesus upang mamatay sa krus, hangad niya ang iyong kaligtasan, tanggapin mo si Cristo upang mapasaiyo ang kaligtasang natamo niya sa krus." Sinasabi naman ng iba, "Sa kanyang pagmamahal sa lahat ng tao ay ginawa na ng Diyos ang kanyang bahagi, isinugo niya ang kanyang Anak, gawin mo ang iyong bahagi para ka maligtas, manalig ka kay Cristo, hindi gagawin ng Diyos para sa iyo ang iyong bahagi." Ang iba naman ay ganito ang ipinagsisigawan, "Kailangang ipanganak kang muli para makapasok sa kaharian ng langit, namatay na si Cristo para sa kasalanan ng tao, tanggapin mo na lang siya bilang personal mong Panginoon at Tagapagligtas upang ikaw ay "ma-born again."" At marami pang iba"t ibang mga anyo ang ipinapangaral ngunit pare-parehong makakakitaan ng mga tanda ng kabulaanan. Ingat mga mambabasa!

 

Tatlong Tandang Hango sa Maling Interpretasyon

 

Kapansin-pansin na ang tatlong tandang ito na nahahayag sa iba"t ibang anyo ay hango sa maling interpretasyon ng John 3:16 at ng iba pang mga talatang kahawig nito, kaya iminumungkahi sa mga mambabasa na basahing maigi ang mga kasabay na mga artikulo sa isyung ito ng The Bastion of Truth na naglalahad ng tamang interpretasyon sa John 3:16 at sa iba pang mga talatang katulad nito. Ipinangangalandakan ng mga nangangaral na "mahal ng Diyos ang lahat ng mga tao" na sila ang tunay na nagtatanggol sa Diyos sa pagsasabing ang "Diyos ay pag-ibig." Mapang-akit at mapanlinlang ang ganitong pangangatwiran, subalit mali pa rin. Hindi isyu ang katotohanang ang "Diyos ay pag-ibig" sapagkat sino ang tatanggi rito? Ang tunay na isyu ay kung kanino nakaukol ang pag-ibig ng Diyos? Ang maliwanag na turo ng Biblia ay ang pag-ibig ng Diyos ay nakaukol lamang sa Kanyang mga hinirang at hindi sa lahat ng mga tao, lalung-lalo na sa mga itinakwil! Ang paggigiit na ang pag-ibig ng Diyos ay para sa lahat ng tao ay hindi pag-ibig na itinuturo ng Biblia, isa itong sentimental at mahinang pag-ibig na hanggang sa paghahangad lamang ang kaya ngunit inutil naman sa kapasiyahan ng tao. Yumuyukod ito sa kagustuhan ng tao. Sa kanyang pag-ibig, hangad ng Diyos na maligtas ang lahat ng tao ngunit kung ayaw naman ng tao, walang magagawa ang Kanyang pag-ibig na hanggang sa paghahangad lamang. Samantalang ang Biblikal na pag-ibig ng Diyos sa Kanyang mga hinirang ay soberano, makapangyarihan, makatarungan, at mabisa. Sa Kanyang pag-ibig, hangad Niyang maligtas ang Kanyang mga hinirang kay Cristo at ito ay mabisang natupad at natutupad. Bagaman dahil sa kasalanan ay likas sa Kanyang mga hinirang na ayaw sa Kanya at ayaw tumalima sa kaligtasan ay hindi kailanman hadlang ito. Sapagkat makapangyarihan ang Kanyang pag-ibig, Kanyang ililigtas sila sa pamamagitan ni Cristo at Kanyang pagkakalooban ng pananampalataya at paiibigin sila ng kusa! Ang kanilang "pag-ayaw" ay Kanyang gagawing "pagkagusto." Ang kanilang makasalanang kalooban ay Kanyang babaliin at gagawin Niya itong kusang nagpapasakop sa Kanya! Ingat mga mambabasa!

 

Tatlong Tandang Bunga ng Iisang Diwa

 

Ang tatlong tandang ito ng bulaang ebanghelyo ay lohikang magkakasama. Hindi ito magkakahiwalay, gayunman kapag mapansin mo lang ang isa sa mga ito ay senyas na, na ang naririnig o nababasa mo ay bulaan. Ang tatlong tandang ito ay nagmula sa iisang pinakadiwa ng bulaang ebanghelyo. At ang pinakadiwa ng bulaang ebanghelyo ay salungat na salungat sa pinakadiwa ng tunay na Ebanghelyo. Ang pinakadiwa ng tunay na Ebanghelyo ay ang katotohanang "ang kaligtasan ng isang tao ay nakasalalay sa soberanong Diyos mula sa simula hanggang sa wakas." Samantalang ang pinakadiwa ng bulaang ebanghelyo ay ang kasinungalingang "ang tao ay may ambag o bahagi sa kanyang kaligtasan." Samakatuwid ang kaligtasan ng tao ay naka-kondisyon o nakasalalay na sa tao. Nasa kapasiyahan na ng "free-will" ng tao kung hangad niyang maligtas. Ang tao at hindi ang Diyos ang may "final say" sa kanyang sariling kaligtasan. Ang bahagi ng tao ay iba-iba depende sa nagtuturo nito; maaaring ito ay "pagsisisi," "pagtanggap," o "pananampalataya." Ang mga ito"y kaloob ng Diyos na ginagawang mga kondisyones ng mga nagtuturo ng bulaang ebanghelyo. Hindi naman maikakaila na ipaggigiitan ng mga mensahero ng bulaang ebanghelyo na ang kaligtasan ay biyaya lamang ng Diyos at ang "pananampalataya" ay kaloob ng Diyos. Ah, mahuhusay talaga silang magsinungaling at "mag-double talk." Gumagamit sila ng mga pananalita ng Biblia na iba ang kanilang pakahulugan, sapagkat kapag na cross-examine mo sila tungkol dito ay talagang lalabas na ang "pananampalataya" ay kondisyong dapat gawin ng tao upang maligtas, samakatuwid ang "pananampalataya" sa turo nila ay bahagi na ng tao sa mula"t sapol at ang pagiging "kaloob nito ng Diyos" ay sa pagbibigay lamang ng malakas na motibo upang ipairal ito. Maling-mali ito. Ang kaligtasan ay gawa ng Diyos mula sa umpisa hanggang sa katapusan batay lamang sa ganap na ganap na pagpapasakit ni Cristo, ang pananampalatayang kaloob ng Diyos ay hindi kondisyon kundi instrumentong ginagamit ng Diyos upang ipadaloy ang mga pagpapala ng kaligtasan sa Kanyang mga hinirang. Pansinin ninyo kung paano ikamada ng mga bulag na mensahero ng bulaang ebanghelyo ang pinakadiwa ng kasinungalingan, alalaong baga"y ang tao at hindi Diyos ang soberano sa kanyang kaligtasan. Itinuturo nila na "Mahal ng Diyos ang lahat ng tao" dahil dito ay "namatay si Cristo para sa lahat ng tao." Bunga nito ay "Hangad ng Diyos na maligtas ang lahat ng tao." Bakit nila iginigiit ito sa kabila na ang Panginoong Jesus na mismo ang nagsasabi na "Ibinigay niya ang kanyang buhay sa Kanyang mga tupa" lamang? Sapagkat ang ganitong pangangaral ay nagbibigay daan sa pinaka-kasinungalingan, ito nga"y ang bahagi ng tao sa kaligtasan. Kondisyong ang tao lamang ang makakagawa, ayon sa turo nila. Ang ganitong kabulaanan ay walang puwang sa tunay na Ebanghelyo ng biyaya ng Diyos. Sa bulaang ebanghelyo, ang tao ang superyor sa kanyang kaligtasan. Sa bulaang ebanghelyo, ang Diyos ay walang magagawa kung ayaw ng tao. Sa bulaang ebanghelyo, nababalewala ang kamatayan ni Cristo sa krus kung ayaw naman Siyang tanggapin ng tao. Sa sobrang panlilinlang nito kaya nabulalas ni Apostol Pablo na "Subalit kahit kami, o isang anghel mula sa langit ang mangaral sa inyo ng ebanghelyo na iba sa aming ipinangaral sa inyo, ay hayaan siyang sumpain! Gaya ng aming sinabi noong una, at muli kong sinasabi ngayon, kung ang sinuman ay mangaral sa inyo ng ebanghelyo na iba kaysa inyong tinanggap na ay hayaan siyang sumpain!" (Gal 1:8-9). Ingat mga mambabasa! 

 

Tunay na Ebanghelyo laban sa Likas na Kalooban ng Tao

 

Sa totoo lang hindi naman itinatago ng mga impostor ang kanilang kasinungalingan. Hantaran ang kanilang pagtuturo nito. Hindi kailangan pang itago ito sapagkat ang mga ito mismo ang gustung-gusto ng mga taong mapagmataas na ayaw magpasakop sa soberanong Diyos. Ang bulaang ebanghelyo ang angkop na angkop sa panlasa ng mga taong ang kaligtasan nila ay nasa kamay nila at wala na sa Diyos. Ang mensahe ng tunay na Ebanghelyo naman ay lumalaban sa pagmamataas ng tao, kaya ayaw na ayaw ito ng tao sa likas niyang kalooban. Marinig lamang ng isang taong nasa kadiliman pa na "Namatay si Cristo para sa hinirang lamang" ay kaagad na mapipikon, galit ang paiiralin at paparatangan kaagad ang mga nangangaral ng tunay na Ebanghelyo ng kung anu-anong mga pang-iinsulto. Ingat mga mambabasa!

 

Panawagan sa mga Mambabasa

 

Sa mambabasang nalilito, ingat ka, suriin mo kaagad ang ebanghelyong iyong pinaniniwalaan, kung sakali mang makita mo ang tatlong tandang ito o maging isa man lang sa tatlong ito, humingi ka agad ng saklolo sa Diyos sapagkat napapahamak ang kaluluwa mo at nawa"y pagkalooban ka Niya ng pasisisi sa pang-iinsulto sa Kanya at bigyan ka Niya ng pananampalatayang nanghahawakan lamang sa tunay at tanging Ebanghelyo ng biyaya ni Cristo.

 

At sa mga mambabasang minulat na ng Diyos ang kaisipan at pinagkalooban ng pananampalatayang yumayakap sa Cristong namatay para sa hinirang, halina kayo, sama-sama nating pagmasdan ang makapangyarihang pag-ibig ng Diyos na inihayag Niya sa kamatayan ng Kanyang Anak sa krus, damhin natin ang pag-ibig Niyang wagas. Magpatirapa tayo at ialay ang ating mga buhay sa Kanya na sinuong ang kamatayan para lamang tayong Kanyang mga tupa ay mahango sa kamatayan at dalin sa buhay na walang hanggan! Purihin Siya! Sambahin Siya!

 

 

 

Retaining the Standard of Sound Words

 

Limited Atonement

ni Rev. G. Van Baren ng Protestant Reformed Churches in America

(Isinalin sa Tagalog ni Ronald R. Santos)

 

Ang isang dakilang katotohanan na palaging binibigyang diin ng tapat na iglesya ng Panginoong Jesu-Cristo ay ang katotohanan ng atonement (pagtutubos). Upang higit pang maipaliwanag ang ideya ng "atonement," ang mga iglesyang Reformed na nakasandig sa katuruang Calvinismo ay gumagamit ng salitang "limited atonement" (limitadong pagtutubos). Ang katotohanang ito ay nakaukol sa mismong pinakapuso ng espirituwal na buhay ng isang tao.

 

Atonement

 

Ang salitang "atonement" ay ginamit nang maraming ulit sa Matandang Tipan subalit minsan lamang sa Bagong Tipan: sa Roma 5:11 ng King James Version. Ang salitang "atonement" ay isang terminong pang teolohiko na hindi karaniwan. Karamihan sa mga termino o mga salitang ginamit sa pagsasalarawan ng mga doktrina sa Biblia sa wikang Ingles ay mga salitang hango sa Griego o sa Latino. Subalit hindi gayon sa salitang "atonement." Ang salitang ito ay hango sa Ingles o Anglo-Saxon. Binubuo ito ng dalawang salita: "at" at "one." Samakatuwid ay ipinapahiwatig ng salitang "atonement" ang magkasamang-naninirahan, ang pagbuo sa isang nahati o nagkahiwalay.

 

Ang isa sa mga mahalagang mga ideya sa salitang "Atonement" sa Hebreo at Griego ay yaong pagtatakip. Ang atonement ay yaong nagtatakip o nagtatago. Ang "atonement" ay kumakatawan sa utang na nabayaran, sa gayon ay "natakpan." Maaaring ilarawan ang ideyang ito sa pamamagitan ng paghahalintulad sa utang sa bangko. Kung ang isang tao ay walang kakayahang bayaran ang kanyang pagkaka-utang sa bangko, at kung ang isa sa kanyang kaibigan ay kusang-loob na magbayad ng kanyang utang, magkagayon ang utang ay natakpan at ang taong yaon ay wala nang obligasyon sa bangko. Gayon ang ideya ng atonement.

 

Ang salitang "atonement" bilang isang terminong teolohiko ay tumatalakay sa relasyon na namamagitan sa Diyos at sa tao. Ipinapahiwatig ng salita, una sa lahat, na mayroong pagkakasundo o pagkakaisa sa pagitan ng Diyos at tao "  isang "at-one-ment." Ikalawa, gayunman ang salita ay nagpapakahulugan na mayroong dating bagay na nagpapahiwalay sa dalawa. Ikatlo, ang atonement ay nagpapaalala na mayroong natagpuang paraan upang pagkaisahin o pagkasunduin ang dalawa, ang Diyos at ang tao, sa pamamagitan ng bayad na nag-aalis sa utang ng kasalanan. At ika-apat, ipinapahiwatig ng salitang "atonement" ang kamalayan sa diwa ng isang tao ng kasalanang naging sanhi ng paghihiwalay na ngayon ay naalis na.

 

Atonement na "limited"

 

Ang ikalawang salita na dapat nating maunawaan ay ang salitang "limited" (limitado) na ginamit sa paglalarawan sa atonement. Ang salitang ito ay waring hindi bagay dahil sa madali itong maipagkamali ng pakahulugan. Kapag sinabi nating "limited atonement" ni Cristo, hindi natin pinangangahulugan na ang atonement ay limitado sa kapangyarihan nito. Manapa"y ang salitang "limited" ay ginamit upang ilarawan ang katotohanan ng Kasulatan na ang atonement ay hindi sumasaklaw sa lahat ng tao, kundi ukol lamang sa tiyak na grupo " ang mga hinirang ng Diyos na pinili bago pa man itatag ang sanlibutan. Ito ang katotohanang dapat nating kilalanin.

Ang atonement ay tumutukoy sa kamatayan ni Cristo sa krus, na ang kamatayang iyon ay nagsisilbing kabayaran sa utang ng kasalanan.

 

Paulit-ulit na lumalabas ang katanungan, "Para kanino ang kamatayan ni Cristo?"

 

Batid ninyo na may mga tinatawag na "Arminian" (o "freewillist"), na nagtuturo na si Cristo ay namatay para sa lahat ng tao nang walang itinatangi. Ang ideyang ito ay lubhang laganap " maging sa loob ng sirkulo ng Reformed kung saan sa kasaysayan, ito"y mariing kinondena. Ito"y popular sapagkat ito"y kaakit-akit sa tao kahit na ito"y hindi batay sa Banal na Kasulatan.

 

Ang ikalawang punto sa "Limang Punto ng Arminianismo," na nasulat noong 1610 sa Netherlands, ay ipinahayag nang ganito tungkol sa atonement ni Cristo, "Na sa bagay na iyan ay katanggap-tanggap na si Jesu-Cristo ay Tagapagligtas ng sanlibutan, namatay para sa lahat ng tao at para sa bawat tao, sa gayon ay natamo niya para sa kanilang lahat, sa pamamagitan ng kanyang kamatayan sa krus, ang katubusan at kapatawaran ng mga kasalanan; gayon pa man walang tunay na nagtatamasa nitong kapatawaran sa mga kasalanan maliban sa mananampalataya, ayon sa salita ng ebanghelyo sa Juan 3:16: "Gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan na ibinigay niya ang kanyang tanging Anak, upang ang sinumang sa kanya"y sumampalataya ay huwag mapahamak kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan." At sa 1 Juan 2:2: "Siya ang kabayaran para sa ating mga kasalanan, at hindi lamang para sa atin kundi para rin sa kasalanan ng buong sanlibutan.""

 

Ang pagkakaunawa ng Arminian sa atonement ng krus ay ganito: na ito"y unibersal, samakatuwid, para sa lahat. Ang malaking bilang ng mga imnong ebanghelikal ay patungkol sa kaparehong ideya. Inilalarawan nito ang Cristong namatay para sa lahat ng tao " at ngayon ay naghihintay sa reaksiyon at tugon ng makasalanan.

 

Gayunman, ang kamaliang ito ng Arminian, ay hindi itinuturo sa Biblia.  Na si Cristo ay namatay lamang para sa partikular na pangkat ng tao na tinawag sa kasulatan na "hinirang" ay maliwanag sa maraming talata sa Banal na Kasulatan. Ang maliwanag na kapahayagan tungkol sa saklaw ng gawa ni Cristo ay ibinigay kay Jose, ang kabiyak ni Maria, sa isang panaginip. Sinabi ng anghel kay Jose, "Siya"y manganganak ng isang lalaki, at ang pangalang itatawag mo sa kanya ay Jesus, sapagkat ililigtas niya ang kanyang bayan sa kanilang mga kasalanan." (Mateo 1:21). Ang pangalang "Jesus" ay hango sa dalawang salita na ang kahulugan ay "Panginoo"y nagliligtas." Samakatuwid ang pangalang "Jesus" ay lubusang napakaganda at naglalarawang pangalan. Ipinapaalala sa atin nito ang katotohanan sa Kasulatan na kung ang bayan ay maililigtas sa kasalanan, ay ang Panginoon ang tunay na magliligtas sa kanila. Walang makasalanang patay sa kasalanan ang may kakayahang iligtas ang kanyang sarili mula sa kanyang mga kasalanan. Ang Panginoong di-nagbabago ang tanging makagagawa niyon. Ngayon, ang anghel ay tiyakang ipinaalam kay Jose na ang sanggol na isisilang ni Birheng Maria ay tatawaging "Jesus," sapagkat ililigtas Niya ang Kanyang bayan sa kanilang mga kasalanan. Ang Kanyang gawain ay iligtas ang partikular na pangkat ng tao, ito nga"y ang Kanyang bayan. Samakatuwid ang gawang pagliligtas ay hindi sumasaklaw sa lahat ng tao, kundi limitado lamang sa Kanyang bayan.

 

Ang isa pang talata sa Kasulatan na nagtuturo ng saklaw ng pagtutubos ng krus ay Juan 10. Sa v.11 ay sinabi ni Jesus, "Ako ang mabuting pastol: Ibinibigay ng mabuting pastol ang kanyang buhay para sa mga tupa." At muli sa v.15 ay ipinahayag ni Jesus, "Ibinibigay ko ang aking buhay para sa mga tupa." Ang kaibahan sa kusang-loob na pag-aalay ng buhay sa Kanyang mga tupa, ay ang katotohanang inihayag sa v.26 na ang ilan ay hindi mga tupa ni Jesus. Sinabi ni Jesus, "Subalit hindi kayo naniwala, sapagkat hindi kayo kabilang sa aking mga tupa." Ang kaibahang ito na sinabi ng Panginoong Jesus ay napakaliwanag. May tinutukoy Siyang dalawang pangkat ng tao: Kanyang mga tupa, at silang hindi Niya mga tupa. Kaya nga hindi sila sumasampalataya sa Kanya. Muli, dito ay napakaliwanag na ang kabayarang ginawa ni Jesus sa krus ay kabayaran para sa partikular na pangkat ng tao " hindi kabayaran para sa kasalanan ng bawat tao.

 

Minsan pa ay mababasa natin sa Juan 17:9, "Idinadalangin ko sila. Hindi ang sanlibutan ang idinadalangin ko, kundi para doon sa mga ibinigay mo sa akin, sapagkat sila"y iyo." Hindi lamang ang Kanyang mga disipulo ang tinutukoy ni Jesus dito, kundi maging yaong mga sasampalataya sa Kanyang Pangalan sa pamamagitan ng kanilang salita (v.20). Iginiit ni Jesus na idinadalangin lamang Niya yaong mga ibinigay ng Ama sa Kanya. Hindi Niya idinadalangin ang sanlibutan. Ang kongklusyon ay hindi mapag-aalinlanganan. Sila na idinadalangin ni Jesus ay sila rin ang pag-aalayan Niya ng buhay sa krus. Hindi Niya idinadalangin ang sanlibutan sapagkat hindi Siya mamamatay para sa kanila. Walang alinlangan, kung Siya"y para sa bawat tao, ay nanalangin din sana Siya para sa kanila.

 

Sa isa pang huling talata ay nais kong kunin ang inyong pansin. Mababasa natin sa Roma 8:32 na, "Siya na hindi ipinagkait ang kanyang sariling Anak, kundi ibinigay dahil sa ating lahat, bakit naman hindi ibibigay sa atin nang walang bayad ang lahat ng mga bagay?" Pansinin na binibigyang diin ng Apostol na ang Diyos ay hindi ibinigay ang Kanyang Anak para sa lahat, kundi para sa ating lahat. Halatang-halata ang pagkakaiba. Ang "ating" ay tumutukoy sa iglesya sa Roma " at sa lahat ng iglesya sa lahat ng kapanahunan. Ang "lahat" sa talata ay kumakatawan sa kabuuang bilang ng iglesya ng Diyos. Si Cristo ay namatay para sa kanila.

 

Paano na ang mga ilang talata sa Kasulatan?

 

Gayunman, may mga ilang talata sa Biblia na wari bang nagpapatunay sa ideya ng unibersal na pagtutubos. Ang isa sa madalas na isitas ay ang 1 Juan 2:2: "Siya ang kabayaran para sa ating mga kasalanan, at hindi lamang para sa atin kundi para rin sa kasalanan ng buong sanlibutan." O nariyan ang kilalang-kilala na talatang Juan 3:16: "Sapagkat gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan na ibinigay niya ang kanyang tanging Anak, upang ang sinumang sa kanya"y sumampalataya ay huwag mapahamak kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan." At sa Juan 6:51 ay sinabi ni Jesus, "At ang tinapay na aking ibibigay sa ikabubuhay ng sanlibutan ay ang aking laman." At marami pang mga talata na nagpapahayag ng parehong ideya.

 

Ang isyu sa bawat ganitong talata ay ang tamang pagpapakahulugan ng mga salitang "lahat" at "sanlibutan." Sinuman ang mag-aaral ng Kasulatan kahit na sa mababaw na paraan lamang ay kaagad niyang makikita na ang dalawang salitang ito ay hindi palaging nangangahulugan ng bawat indibiduwal na nabubuhay o nabuhay sa lupa. Ang mga salitang ito ay paulit-ulit na ginagamit upang tukuyin ang partikular at limitadong pangkat ng tao. Magbibigay ako ng ilan lang paglalarawan nito. Naisitas ko na mula sa Juan 17:9 kung saan ipinahayag ni Jesus na, "Idinadalangin ko sila. Hindi ang sanlibutan ang idinadalangin ko"" Walang alinlangan na ang terminong "sanlibutan" sa talatang ito ay tumutukoy lamang sa buong bilang ng mga masasamang itinakuwil. Hindi idinadalangin ni Jesus ang gayong "sanlibutan." Subalit sa kasulatan din, ang terminong "sanlibutan" ay tumutukoy sa buong bilang ng mga hinirang ng Diyos. Ito ay totoo sa Juan 3:16 at sa iba pang mga kaparehong talata. O mababasa sa Roma 5:18 "Kaya"t kung paanong sa pamamagitan ng isang pagsuway ay dumating ang kahatulan sa lahat ng mga tao; gayundin naman sa pamamagitan ng isang matuwid na gawa ay dumating sa lahat ng mga tao ang pagaaring-ganap at buhay." Ngayon, maliwanag na ang "lahat ng mga tao" na tumanggap ng walang bayad na kaloob ng pag-aaring ganap ay hindi saklaw ang bawat tao sa lupa. Ito ay ang partikular na pangkat ng tao; ito ay ang bawat kabahagi ng katawan ni Cristo. Kaya gayundin dapat ipakahulugan ang 1 Juan 2:2. Si Cristo ay ipinahayag sa talatang ito bilang kabayaran para sa ating mga kasalanan, alalaong baga"y para sa kasalanan ng apostol at ng kanyang sinusulatan; subalit si Cristo ay kabayaran din para sa mga kasalanan ng buong sanlibutan " para sa lahat ng mga taong ibinigay sa Kanya ng Ama sa lahat ng kapanahunan.

 

Dahil ang doktrina ng "limitadong" pagtutubos ay katotohanang itinuturo ng Kasulatan, kaya makikita rin natin ito na ipinahayag sa mga confessions ng mga iglesyang Reformed. Halimbawa na ang Heidelberg Catechism, ay sinabi ang ganito sa Tanong at Sagot 40: "Tanong. 40. Bakit kinakailangang si Cristo ay magpakababa hanggang sa kamatayan? Sagot. Sapagkat, ayon sa katarungan at katotohanan ng Diyos, ang kabayaran ng ating mga kasalanan ay hindi maaring maganap maliban sa kamatayan ng Anak ng Diyos." At ang Westminster Confession, kapitulo 8, paragrapo 5, ay nagsasaad na "Ang Panginoong Jesus sa pamamagitan ng Kanyang perpektong pagsunod at pag-aalay ng Kanyang buhay kung saan sa pamamagitan ng eternal na Espiritu ay inihandog Niya nang minsanan sa Diyos, ay ganap na binigyang kasiyahan ang katarungan ng Kanyang Ama at binili hindi lamang ang pagkakasundo kundi pati ang walang hanggang mana sa Kaharian ng Langit para sa lahat ng mga ibinigay ng Ama sa Kanya."

 

Ang Kahalagahan ng Limitadong Pagtutubos

 

Ang katotohanang ito ay makahulugan at mahalaga sa buhay ng iglesya at sa mga buhay ng mga indibiduwal na kasapi nito.

 

Una sa lahat, nagbibigay ito sa anak ng Diyos ng ganap na katiyakan ng kanyang kaligtasan. Kung si Cristo ay tunay ngang namatay para sa bawat tao na nabuhay, ay wala akong katiyakan sa aking sariling kaligtasan. Kung si Cristo ay namatay para sa lahat, at marami ang napapahamak, ano ang katiyakan ko na ako"y maliligtas? Nakita mo na ang gayong pananaw, na hindi katuruan ng Kasulatan, ay iiwan lang ang isang tao sa pag-aalinlangan tungkol sa kanyang kaligtasan.

 

Subalit ngayon, sa liwanag ng patotoo ng Kasulatan mismo, malalaman ng isang tao nang may katiyakan kung siya ay ligtas at makapapasok sa makalangit na kaluwalhatian. Namatay si Jesus para sa mga kasalanan ng Kanyang sariling bayan " sila na mga ibinigay sa Kanya ng Ama. Nang mamatay si Jesus para sa kanila, tinanggap din nila ang Kanyang Espiritu, na Siyang gumagawa ng buhay sa kanilang mga puso na natamo ni Cristo para sa kanila. Ang mga gayon ay ligtas, at nagpapahayag sa harapan ng Diyos at tao na sila"y pag-aari ni Cristo. Sila yaong sumisigaw ng taos-pusong pagsisisi, "O Diyos, mahabag Ka sa akin na isang makasalanan!" At ang mga ito ay may katiyakan ng kanilang kapatawaran sa kanilang kasalanan at kasiguruhan sa buhay na walang hanggan sa langit. Walang sinuman ang makakaagaw ng katiyakang ito mula sa kanila. Walang sinuman ang makapagwawasak sa kanilang pananampalataya. Ang mga ito ay hindi tatalikod sa biyaya ng Diyos na ipinagkaloob sa kanila. Ang mga ito ay nakasusumpong ng kaaliwan at katiyakan sa kanilang pagpapahayag ng, "Si Jesus ay namatay para sa akin."

 

Subalit mas mahalaga pa rito, na ang katotohanang ito ng Kasulatan na si Jesus ay namatay para lamang sa mga kasalanan ng Kanyang sariling mga hinirang, ay ang tanging katotohanan na dumadakila sa kapangyarihan at kaluwalhatian ng Pangalan ng Diyos. Anumang ibang pananaw ay nagbabawas sa kaluwalhatian ng Kanyang Pangalan. Anumang pananaw ng pagtutubos na nagpapahiwatig na ang ultimong desisyon hinggil sa kaligtasan ay nakasalalay sa tao, ay nagpapababa sa kapangyarihan at kaluwalhatian ng Diyos. Hindi ibabahagi ng Diyos ang Kanyang kapangyariha"t kaluwalhatian sa kanino man! Siya lamang ang Diyos! Siya lamang ang may absolutong kapangyarihan. Siya ang nagtatalaga ng simula hanggang wakas. Siya ang nagtatakda ng tadhana ng bawat nilalang " at ginagawa Niya ito nang sang-ayon sa Kanyang perpektong katuwiran.

 

Kapag tamang isinaalang-alang ng isang tao ang katotohanan ng pagtutubos; kapag naunawaan niya na siya ang pinag-ukulan ng kamatayan ni Cristo ay tiyak na siya"y maliligtas " wala siyang magagawa kundi luwalhatiin ang Pangalan ng Diyos na gumawa ng gayong kamangha-manghang bagay!

 

 

 

Doctrine in Poetry

 

Limitadong Pagtutubos

Regino P. Capinig

 

Sa Evangelio Mo"y akin ding nabatid

Ang panukala Mong hindi mapapatid;

Para sa pinili si Cristo"y sinugo

Para lang sa kan"la dugo ay nabubo.

 

Nagbunyi ang langit, sa ngalan Mong Jesus

Ikaw nga ang Cristo, Hari"t Manunubos;

Dakilang Korderong alay sa katayan,

Kamataya"y handog para sa "yong bayan.

 

Layunin ng Tipan ay naisakatuparan

Ang lahat ng sa "yo"y Iyong naingatan;

Ang "yong pagkalinga"y di man lang umidlip,

Sa Krus ngalan nila"y nasa Iyong isip.

 

Tuluyang lumaya sa "yong pagkamatay

At inaring-ganap nang muling mabuhay,

Tinupad Mong lahat ng nasa Kasulatan

Dahil sa kami nga"y walang kakayahan.

 

Tinawag Mong kawan ang Iyong iglesya,

Sila"t sila lamang ang Iyong kinalinga;

Naging masunurin hanggang kamatayan,

Sa Krus ay binat" aming kasalanan.

 

Ang tulang ito na kinatha ni Ptr. Regine Capinig ay pangatlo sa limang bahagi ng serye na nagpapahatid ng mensahe ng tunay na Ebanghelyo o ng TULIP sa anyo ng poetry. Nilalarawan ng bahaging ito ang katotohanan ng Ebanghelyo hinggil sa Limited Atonement ("L" sa TULIP).

 

 Demolishing Arguments

 Tatawagin Siyang Jesus

Sapagkat Ililigtas Niya ang Kanyang Bayan

Christian Joy B. Alayon

"Siya'y manganganak ng isang lalaki, at ang pangalang itatawag mo sa kanya ay Jesus, sapagkat ililigtas niya ang kanyang bayan sa kanilang mga kasalanan." (Mateo 1:21)

 

Hindi na mabilang ang kinasangkapan ng Diyos upang ipaglaban ang ebanghelyo ng kamatayan ni Jesus para lamang sa mga hinirang. Marami na ang nangaral at nagsulat at sumagot sa bawat pagtuligsa tungkol sa kamatayan Niya para sa mga pinili lamang ng Diyos. Tugon mula sa Kasulatan ang ipinanlaban nila sa bawat maling akusasyon sa katotohanang ito. Hindi nila dinagdagan o binawasan ang Kasulatan, hindi pinilipit para lamang maituro ang kanilang kagustuhan, kundi ipinaliwanag kung ano ang inihayag ng Diyos sa Biblia. Ang kanilang mga kalaban ay mas marami subalit wala isa man sa mga kumalaban ang may matinong pangangatuwiran na mula sa Kasulatan.

 

Sa totoo niyan, wala pa kahit isang taong nabuhay ang nakapagpatunay mula sa Kasulatan, na si Jesus ay namatay para sa lahat ng tao sa mundo. May mga sumubok patunayan ito, subalit ang kanilang sistema ay pagbaliko sa Biblia. Kahit sa ating panahon ngayon, wala pang nakapagpatunay, at kailan man ay walang makapagpapatunay, na si Jesus ay namatay para sa lahat ng tao. Ito ba ay eksaherasyon? Hinding-hindi! Sapagkat ang katuruang namatay si Jesus para sa lahat ng tao ay wala naman talaga sa Biblia. Ang turo ng Biblia ay si Jesus ay namatay para lamang sa mga pinili ng Diyos. Pangunahing layunin ng lathalaing ito na sagutin ang maling katuruang si Jesus ay namatay para sa lahat ng tao, at ibunyag ang kanilang pagpilipit sa mga talata ng Kasulatan na kanilang ginagamit.

 

Huwag nawang isipin ng mambabasa na tayo ay bulag sa pangangatuwiran ng marami. Tayo man ay lumaki sa bulaang katuruan, minsang nadaya at naging tagapagtanggol pa nito. Hindi ba kapag itinuro mo ang katotohanang namatay si Jesus para lamang sa mga hinirang ay maririnig mo agad ito: "Eh, paano yung John 3:16?" O kaya naman ay, "hindi ba sabi sa Biblia "for God so loved the world?"" Nakakalungkot na sa ating panahon ay mas sikat ang maling katuruang namatay si Jesus para sa lahat ng tao. Gayunman ang pinakamahusay nilang pangangatuwiran ay balighu, kung hindi man "out of this world." Kaya naman nararapat lamang na ihantad ang ang mga kamalian ng nakapagpapahamak na katuruang si Jesus ay namatay para sa lahat ng tao. Ang John 3:16, kasama ng iba pang talatang ginagamit nila, ay hindi sumasang-ayon sa kanilang kabulaanan kundi nagtuturo ng tunay na Ebanghelyo.

 

Ang lahat ng talatang kanilang hinuhugot sa Biblia, at lahat ng kanilang pangangatuwiran ay nasasakop ng mga sumusunod.

 

Ang "World" at "All" sa Biblia

 

Ang kadalasang talata sa Biblia na ginagamit ng mga nadadaya sa paniniwalang namatay si Jesus para sa lahat ng tao ay ang mga talatang ginamit ang salitang "sanlibutan." "Narito ang Kordero ng Diyos, na nag-aalis ng kasalanan ng sanlibutan!" (Juan 1:29); ""gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan na ibinigay niya ang kanyang tanging Anak" Sapagkat hindi sinugo ng Diyos ang Anak sa sanlibutan upang hatulan ang sanlibutan, kundi upang ang sanlibutan ay maligtas sa pamamagitan niya" (Juan 3:16, 17); "ito nga ang Tagapagligtas ng sanlibutan" (Juan 4:42); "Siya ang kabayaran para sa ating mga kasalanan, at hindi lamang para sa atin kundi para din sa kasalanan ng buong sanlibutan" (1 Juan 2:2).

 

Marami pang talata ang maaaring maidagdag diyan na binabanggit ang salitang "sanlibutan" na ipinapakahulugan din nila na "lahat ng tao."

 

Kabilang din sa kanilang ginagamit ang mga talatang binanggit ang salitang "lahat" tulad ng mga talatang ito: "Sa pamamagitan ng isang matuwid na gawa ay dumating sa lahat ng mga tao ang pag-aaring-ganap at buhay" (Roma 5:18); "Siya'y namatay para sa lahat" (2 Corinto 5:15); na nagnanais na ang lahat ng tao ay maligtas"na ibinigay ang kanyang sarili na pantubos sa lahat" (1 Timoteo 2:4-6); "si Jesus" maranasan niya ang kamatayan alang-alang sa lahat" (Hebreo 2:9); "ang Panginoon" hindi niya ibig na sinuman ay mapahamak, kundi ang lahat ay dumating sa pagsisisi" (2 Pedro :9). Sa mga talatang ito ay nagiging "bawat isang taong nabuhay sa daigdig" ang basa nila sa salitang "lahat ng tao."

 

Ang mga iyan ay kinikilalang matitibay na talata at argumento ng mga bulaan. Ayon sa kanila, dahil sa ginamit ang salitang "world" o "all," ay namatay si Jesus para sa lahat ng taong isinilang mula kay Adan hanggang sa pinakahuling taong isisilang pa sa hinaharap. Namatay si Jesus hindi lamang para sa mga taong papasok sa langit kundi namatay din Siya para sa mga taong nasa impyerno o papunta pa lamang sa impyerno. Namatay din si Jesus para kay Cain, Esau, Faraon, Herodes, Pilato, Judas, mga Fariseong nakaaway mismo ni Jesus, mga nagpako sa Kanya sa krus at para sa Anticristo! Ang mga ito ay mahal din ng Diyos. Kung buhay ang mga ito sa ating panahon ngayon, sasabihin nila sa mga taong ito na "mahal ka ng Diyos at may magandang plano siya sa iyong buhay." Sasabihin nila kay Esau "namatay si Jesus para sa iyo, mahal ka Niya." Ganito ang sinasabi nila ngayon sa lahat ng tao sapagkat naniniwala silang walang taong hindi tinubos ni Jesus.

 

Subalit kung lalakipan ng katapatan ang pagpapaliwanag ng mga talata, imposibleng mapatunayan mula roon ang kanilang kabulaanan. Ang mga talatang ito ay walang habas nilang binabaliko sapagkat ipinaliliwanag nilang ang kahulugan ng mga salitang "world" at "all" ay "every individual" o "all, head for head." Ito ay hindi makatarungan. Hindi nila isinaalang-alang ang pagkakagamit ng salita at konteksto kaya naligaw sila.

 

May Dalawang "Sanlibutan" sa Biblia

 

Kung susundan natin ang pangangatuwiran ng mga taong ito, ang unang mawawalan ng kahulugan ay ang mga sulat ni Juan. Katulad na lamang nitong sinabi ni Juan na "gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan." Kung ang kahulugan ng salitang "sanlibutan" sa Juan 3:16 ay "lahat ng tao sa buong mundo" o "every individual" o "head for head," hindi ba lumalabas na sinasalungat ni Juan ang Kanyang sarili? Sapagkat sa aklat ding ito ay itinala niya ang sinabi ni Jesus na "hindi ang sanlibutan ang idinadalangin ko, kundi para doon sa mga ibinigay mo sa akin, sapagkat sila"y iyo" (Juan 17:9). Maliwanag dito na ang mga idinadalangin ni Jesus na ibinigay sa Kanya ng Ama ay iba sa sanlibutan. Bago namatay ang Panginoon sa krus, idinulog Niya sa Ama ang Kanyang mga tutubusin. At sa panalanging iyon, hindi lahat ng tao ay Kanyang idinalangin. Ang mga ibinigay lamang ng Diyos sa Kanya ang Kanyang idinalangin. Maliwanag sa Kanyang isip na sinugo Siya ng Diyos upang mamatay lamang sa mga taong ito at hindi para sa lahat ng tao sa sanlibutan. Kaya walang duda na sa tala ni Juan ay may dalawang sanlibutan siyang tinutukoy; isang sanlibutan na inibig ng Diyos at ibinigay ang Kanyang bugtong na Anak, at isa pang sanlibutan na hindi idinalangin ni Jesus at kinamumuhian ng Ama.

 

Ang sinabi ng Panginoon sa Juan 15:18-19 ay magpapatunay din na ang salitang "sanlibutan" ay hindi nangangahulugang "lahat ng tao." Sinabi Niyang "Kung kayo'y kinapopootan ng sanlibutan, ay alamin ninyo na ako muna ang kinapootan nito bago kayo. Kung kayo'y taga-sanlibutan, iibigin kayo ng sanlibutan na parang sa kanya. Ngunit dahil kayo'y hindi taga-sanlibutan, kundi kayo'y pinili ko mula sa sanlibutan, kaya napopoot sa inyo ang sanlibutan." Hindi mo ba nakikita na sa talatang ito ay talagang may dalawang sanlibutan? Ang mga pinili ni Jesus ay ibang pangkat ng mga tao at sila ay hindi kabilang sa sanlibutan. Ang sanlibutang ito ay napopoot sa Panginoong Jesus at sa mga taong pinili Niya. Dalawang magkalabang sanlibutan ang binabanggit sa Biblia. Ang isa ay sanlibutang inibig ng Diyos, ang isa naman ay sanlibutang kinamumuhian Niya. Kaya hindi sa bawat pagkakataong makikita natin ang salitang "sanlibutan" sa Biblia, ay iisipin na nating ang tinutukoy dito ay ang lahat ng tao na walang exception.

 

Hindi rin ito taliwas sa sinabi sa 1 Juan 2:2 na "Siya ang kabayaran para sa ating mga kasalanan, at hindi lamang para sa atin kundi para din sa kasalanan ng buong sanlibutan." Ayon sa balighong pagpapaliwanag, ang kamatayan daw ni Cristo ay hindi lamang para sa mga mananampalataya o iglesya kundi para sa lahat ng tao. Kung gayon nga, isa na naman itong salungatan. Sapagkat sinabi rin niya sa talatang 15-17 na "Huwag ninyong ibigin ang sanlibutan, ni ang mga bagay na nasa sanlibutan. Ang pag-ibig ng Ama ay wala sa sinumang umiibig sa sanlibutan." Dito mismo sa iisang talata ay makikita na natin ang dalawang magkaibang sanlibutan. Kung ipaliliwanag nila na ang "sanlibutan" sa ikalawang talata ay tumutukoy sa lahat ng tao, mapipilitan din silang ipaliwanag ang "sanlibutan" sa talatang 15-17 na tumutukoy sa lahat ng tao. Paano mangyayaring ang lahat ng taong ito ay minahal at tinubos ni Jesus subalit labis na kinamumuhian din Niya, sa puntong nag-utos Siyang huwag itong ibigin at ang sinumang umibig sa sanlibutang ito ay kamumuhian Niya? Ito ay salungatan, balighu, at walang katuturan! May mga magsasabi naman na ang sanlibutan daw sa vv.15-17 ay hindi tao kundi ang mga masamang pagnanasa ng sanlibutan. Kung gayon, sila mismo ang makapagpapatunay na ang sanlibutan ay hindi laging nangangahulugang "lahat ng tao"!

 

Kaya ang nararapat na paraan sa pagpapaliwanag sa talata ay ang isaalang-alang ang konteksto nito at kung sa papaanong paraan ito ginamit sa Biblia. Si Juan ay nagsulat sa mga mananampalatayang nasa espisipikong lugar. Nang sinabi Niyang ang pagbabayad ni Jesus ay hindi lamang para sa kanila kundi sa buong sanlibutan, inaalis ni Juan sa kanilang isip ang limitasyon na sila lamang ang mga tinubos. Itinuturo Niyang may mga tinubos din ang Diyos na nangagkalat sa iba"t-ibang bahagi ng sanlibutan: ibang lahi, ibang katatayuan sa buhay, nasa ibang lugar, at nasa ibang panahon.

 

Ito ba ay talagang mapatutunayan sa Biblia? Oo, si Juan mismo ay pinagdidiinan ito sa halos lahat ng Kanyang aklat. Nang isinulat niya ang Apocalipsis, itinuro sa Kanya ng Diyos kung sinu-sino ang ang mga tinubos ni Cristo: sila lamang na mga pinili. "At sila'y nag-aawitan ng isang bagong awit, na nagsasabi, "Ikaw ay karapat-dapat na kumuha sa aklat at magbukas ng mga tatak nito, sapagkat ikaw ay pinatay, at sa pamamagitan ng iyong dugo ay binili mo para sa Diyos ang mga tao mula sa bawat lipi, wika, bayan, at bansa" (Apocalipsis 5:9). Ito ang nais niyang ipakahulugan. Ang sanlibutan ay hindi "lahat ng indibiduwal na tao" kundi klase ng mga tao: lipi, wika, bayan, at bansa. Ito ang sanlibutan! Saan ba ito natutunan ni Juan? Mismong sa Panginoong Jesus. Sapagkat nang itala niya ang Juan 3:16, isinalaysay niya sa atin na kausap ni Jesus nang panahong iyon si Nicodemo; isang guro ng mga Judio. Bilang isa ring Judio, batid ni Juan ang paniniwala nila noon na ang kaligtasan ay para lamang sa mga Judio. Ang salitang "sanlibutan" ay salitang ginagamit nila para tukuyin ang mga Hentil. Kaya nang sinabi ni Jesus kay Nicodemo na "gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan," para bang sinasabi ni Jesus na ang kaligtasan ng Diyos ay hindi eksklusibo sa mga Judio, kundi kabilang din ang mga Hentil: ang sanlibutan! Ito ang kaisipang inaabot ni Juan sapagkat itinalaga siyang apostol para sa mga Judio (Galacia 2:9). Kaya sa iba pa niyang mga sulat ay makikita ang ganitong pagpapaliwanag. Subukang ihambing ang dalawang talatang ito na parehong isinulat ni Juan:

 

Juan 11:51-52

1 Juan 2:2

si Jesus

Siya

ay mamamatay

ang kabayaran

para sa bansa;

para sa ating mga kasalanan

at hindi para sa bansa lamang

at hindi lamang para sa atin

kundi

kundi

upang tipunin niya sa iisa

para din

ang mga anak ng Diyos na nagkahiwa-hiwalay

sa kasalanan ng buong sanlibutan

 

Ang unang talata ay sinabi ni Caipas, na ayon kay Juan ay nagsasalita hindi mula sa Kanyang sarili kundi bilang punong pari na nagpo-propesiya tungkol sa magiging kamatayan ni Jesus. Ang buong sanlibutan sa 1 Juan 2:2 ay ang mga Hentil na tinutukoy ni Caipas na "mga anak ng Diyos na nagkahiwa-hiwalay;" nasa iba"t-ibang panig ng mundo; iba"t-ibag lahi; iba"t-ibang wika.  Hindi ito tumutukoy sa lahat ng indibiduwal na tao kundi lahat ng mga hinirang na tinubos ni Jesus na nangagkalat sa buong sanlibutan, hindi lamang sa bansang Israel.

 

Sinong "Lahat"?

 

Kung tutuusin, ang pinakamahinang pangangatuwiran ng bulaang katuruan ay ang kinikilala nilang pinakamahusay na argumento. Kahit gumamit sila ng maraming talata, sa simpleng pagdadahilan lamang ay madaling mabunyag na balighu talaga ang kanilang pangangatuwiran. Sa bawat isang talata na kanilang gamitin, lalong nabibisto ang kanilang kabulaanan. Bakit? Sapagkat ang lahat ng talata sa Biblia ay laban sa kanila.

 

Katulad na lamang ng paggamit nila sa salitang "all" sa Biblia. Hindi ito naiiba sa paliwanag nila sa salitang "sanlibutan." Ipinaliliwanag nila na ang kahulugan ng salitang "all" ay "every individual, head for head, o lahat ng tao sa buong mundo, o bawat tao na nabuhay, nabubuhay, at mabubuhay sa mundo. Walang exception! Bakit ko sinabing lalong mabibisto ang kanilang kabulaanan? Napakasimple lamang. Tingnan lang natin ang gamit ng salitang "all" ayon sa konteksto, magkakaroon na naman ng balighong resulta.

 

Ang salitang "lahat," kapag ginamit sa Biblia, ay may partikular lamang na pinatutukuyan. Gaya ng sinabi ni Jesus sa Mateo 10:22, "At kapopootan kayo ng lahat dahil sa aking pangalan." Ginamit sa talatang ito ang salitang lahat, subalit tumutukoy ba iyon sa lahat ng taong nabuhay sa sanlibutan? Napopoot ba sa iyo ang lahat ng tao sa mundo? Ang iyong ina, ama, kapatid, asawa, anak, kaibigan, kaklase, katrabaho, kasama sa simbahan, o kahit na ang iyong pastor? Hindi ba maliwanag na ang tinutukoy lamang ni Jesus dito ay lahat ng mga hindi kumikilala sa Kanya at sa Kanyang ebanghelyo?

 

Ginamit din ang salitang lahat sa Mateo 12:23: "At ang lahat ng tao ay namangha at nagsabi, "Ito na kaya ang Anak ni David?"" Ito ang resulta matapos mangaral ang Panginoon at gumawa ng himala. Napaka-espisipiko ng sinabi ng talata na hindi lang ilang tao kundi ang lahat ng tao ay namangha. Kung ang ibig sabihin nito ay "lahat na walang exception" bakit sa susunod na talata ay sinabi agad na "nang marinig ito ng mga Fariseo ay sinabi nila, "Ang taong ito"y nagpapalayas ng mga demonyo sa pamamagitan lamang ni Beelzebul na pinuno ng mga demonyo"" (v.24). Ibig sabihin, hindi kasama ang mga Fariseo sa lahat ng tao na tinukoy ng naunang talata. May partikular lamang na pinatutukuyan ang salitang "lahat." Samakatuwid ang salitang "lahat ay hindi makapag-iisa kundi laging nakasalalay ang kahulugan nito sa pumapalibot nitong konteksto. Napakarami pang talata ang maaari nating banggitin na gumamit ng salitang "lahat" subalit hindi naman nangangahulugang "every individual without exeption."

 

Suriin natin ang mga talata lamang na may kinalalaman sa pagtutubos ni Jesus.

 

Ayon sa 2 Corinto 5:15, "Siya'y namatay para sa lahat, upang ang mga nabubuhay ay huwag nang mabuhay pa para sa kanilang sarili, kundi para sa kanya na alang-alang sa kanila ay namatay at muling nabuhay." Kung magiging matapat tayo sa konteksto ay hindi tayo maliligaw ng bulaang katuruan. Hindi naman komplikado ang nararapat nating gawin. Basahin lamang natin ito kasama ng mga nauna at sumusunod na talata upang huwag tayong makapaggiit ng sarili nating paliwanag na hindi naman iyon ang tinutukoy ng talata. Ang sinusulatan ni Pablo ay mga mananampalataya na sinabi niyang "tayo'y pinagkasundo niya sa kanyang sarili" (v.18), "kayo'y makipagkasundo sa Diyos" (v.20), at "para sa ating kapakanan" upang sa kanya tayo"y maging katuwiran ng Diyos." Ang tinutukoy ng Apostol sa talatang 15 na lahat ng pinag-alayan ng kamatayan ni Jesus ay ang mga mananampalataya o iglesya.

 

Isa pa sa inaangkin nilang pinakamatibay na pangangatuwiran ay ang out-of-context na paggamit nila ng 1 Timoteo 2:4-6. ""na nagnanais na ang lahat ng tao ay maligtas at makarating sa pagkakilala ng katotohanan" na ibinigay ang kanyang sarili na pantubos sa lahat." Ipinaliliwanag nila ang mga salitang ito na para bang ito lamang ang talata sa buong kapitulo. Ang totoo niyan, binanggit na ni Pablo sa naunang talata kung sino ang "lahat" na tinutukoy niya. Ang unang talata ay isang panawagan: "Una sa lahat, ay isinasamo ko na gawin ang mga paghiling, mga panalangin, mga pamamagitan, at mga pagpapasalamat patungkol sa lahat ng mga tao." Sa talatang ito unang binanggit ni Pablo ang mga salitang lahat ng tao. Kung ang paliwanag nila sa talatang 4-6 ay namatay si Jesus para sa lahat ng tao sa mundo na walang exception, kailangang ipaliwanag din nila ang mga salitang lahat ng tao sa unang talata na gayon. Ito na ang pinakabalighu sa lahat. Sapagkat magiging imposible at wala nang kahulugan ang utos na manalangin. Paano mo masusunod ang utos na ipanalangin ang lahat ng tao sa buong mundo head-for-head at walang exception? Ang tinutukoy ni Pablo na lahat ng tao sa unang talata ay ipinaliwanag niya sa sumusunod: "patungkol sa mga hari at sa lahat ng nasa mataas na katungkulan"" (v.2). Ang mga unang mananampalataya ay may napakalaking tendensiya na mamuhi sa kanilang pamahalaan at mga namumuno sapagkat karamihan sa kanila ay nakaranas ng kalupitan at pagpapahirap dahil sa mga pag-uusig. Upang maiwasan ito, ipinamanhik ni Pablo na idalangin sila sa Diyos. Kaya ang tinutukoy niyang lahat ng tao ay lahat ng uri, klase, katangian, lupon, o katayuan ng tao; maging hari man o nasa mataas na katungkulan. Ang salita sa ika-apat na talata ay hindi nangangahulugang lahat ng indibiduwal na tao, kundi lahat ng uri o katayuan ng tao.

 

Namatay Para sa Lahat ng Tao: Puso ng Bulaang Ebanghelyo!

 

Akala ng mga taong naniniwalang namatay si Jesus para sa lahat ng tao ay pinahahalagahan nila ang kamatayan ng Panginoon, lalo na ang kapahayagan Niya bilang Diyos ng pag-ibig. Subalit ang maling akalang ito ay pinakatampok sa lahat ng kanilang kamalian. Sapagkat ang paniniwalang ito ay paglapastangan sa mismong kamatayan ni Jesus sa krus. Oo, si Jesus mismo ang niyuyurakan nito!

 

Hindi ba lumalabas na mahina o walang kapangyarihan ang pagliligtas ni Jesus? Sapagkat mula mismo sa bibig ng Panginoon ay sinabi Niyang "ito ang kalooban ng nagsugo sa akin na sa lahat ng ibinigay niya sa akin ay huwag kong iwala ang anuman, kundi muli kong bubuhayin sa huling araw" (Juan 6:39). Hindi sinabi ni Jesus na tutubusin Niya ang kalahati o "majority" ng mga tao sa mundo, kundi ang lahat ng ibinigay sa Kanya ng Ama, samakatuwid ay ang hinirang. At nang sinabi Niya ito ay madiin Niyang itinuro sa atin na walang mapapahamak sa mga tutubusin Niya kahit isa. Subalit ang katuruang namatay si Jesus para sa lahat ng tao ay nagsasabing may mga tinubos si Jesus na mapupunta sa impyerno. Ano ngayon ang nangyari sa kamatayan ni Jesus para sa mga taong iyon? Nasayang ang pagbubuhos Niya ng dugo. Hindi nailigtas ng sakripisyo Niya ang iba sa mga tinubos Niya! Nagsinungaling ba Siya nang sabihin Niyang wala Siyang iwawala kahit na isa? Ito ang itinuturo sa atin ng bulaang katuruan.

 

Ano ang sasabihin dito ng mga tagapagtanggol ng kabulaanan? Ah, sasabihin nila, "kasi hindi nila sinampalatayanan o tinanggap si Jesus"! Ang tugon nilang iyan ang ikalawa sa tampok nilang pang-iinsulto kay Cristo! Ayon sa kanila, napapahamak ang isang tao sa impyerno bagaman tinubos siya ni Jesus sapagkat tumanggi siyang tanggapin si Jesus bilang personal na Panginoon at Tagapagligtas. Hindi sila nagpasiyang sumampalataya sa Kanya. Mga mambabasa, ito ang puso ng lahat ng bulaang ebanghelyo: may ambag ang tao sa kaligtasan! Para sa kanila ay walang silbi sa isang tao ang kamatayan ni Jesus malibang tanggapin nila si Jesus. Kahit ginawa na ng Diyos ang lahat ng Kanyang magagawa, sa puntong isinakripisyo pa ang Kanyang Bugtong na Anak, wala pa rin itong magagawa malibang tanggapin mo ang Diyos. Tinanggap ka na ng Diyos dahil kay Cristo, subalit wala itong silbi sa iyo malibang tanggapin mo si Jesus. Kadulu-duluhan nito, ang nagliligtas talaga ay hindi ang kamatayan ni Jesus kundi ang sariling pasiya ng tao. Ang taong nasa langit ay naroon sapagkat tinanggap Niya si Jesus. Ang isa namang tao sa impyerno ay naroon sapagkat tumanggi siya kay Cristo. Ang taong nasa langit o impyerno ay naroon dahil sa kanilang gawa at hindi dahil kay Cristo. Si Cristo ay nasa ilalim ng kontrol ng makasalanang tao! Napawawalang-kabuluhan ng tao ang gawa ni Jesus! Ang pagiging epektibo ng gawa ni Jesus ay nasa pasiya o gawa ng tao. Ito ay tahasang pamumusong! Isang kalapastanganan kay Cristo! Mapapahamak ka kapag naniwala kang namatay si Jesus para sa lahat ng tao. Nilalapastangan mo Siya! Kamuhian mo ang ganitong katuruan kung ayaw mong mayurakan si Jesus!

 

Hindi man nila aminin, subalit ang "Jesus" na ipinakikilala nila ay hindi tagapagligtas. Oo, namatay nga siya ayon sa ipinangangaral nila. Subalit ang kamatayang iyon ay hindi pagliligtas kundi isang pagtatangka o pagbabaka-sakali lamang. Nagbigay lamang Siya ng pagkakataon sa lahat ng tao subalit walang katiyakan ito. Hindi mo sigurado kung maliligtas ka nga sapagkat may mga napapahamak sa mga iniligtas niya. Ganito nila kung yapakan ang Panginoon.

 

Si Jesus ay Para Lamang sa mga Hinirang

 

Alam mo ba na ang Banal Niyang Pangalang Jesus ay ibinigay ng Diyos bilang patotoo na mamamatay lamang Siya para sa mga hinirang? Tama, sa Pangalan pa lamang Niya ay inihayag na ng Diyos kung para kanino Siya namatay! Sinabi ng anghel kay Jose na ang pangalang itatawag Niya sa Panginoon ay "Jesus, sapagkat ililigtas niya ang kanyang bayan sa kanilang mga kasalanan" (Mateo 1:21). Kung si Jesus ay mamamatay para sa HINDI NIYA bayan, ibig sabihin para sa lahat ng tao sa buong mundo, hindi nararapat sa Kanya ang Pangalang "Jesus." Subalit ito ang itinawag sa Kanya sapagkat ililigtas Niya ang Kanyang bayan. Hindi Niya ililigtas ang labas sa Kanyang bayan. Sino ba ang tinutukoy Niyang bayan? Sinabi ni Jesus na hindi ito ang buong sanlibutan kundi ang "mga taong ibinigay mo sa akin mula sa sanlibutan" (Juan 17:6). Sila ang tinutukoy ng Panginoon nang sabihin Niyang "ibinibigay ng mabuting pastol ang kanyang buhay para sa mga tupa" (Juan 10:11). Ang kamatayan Niya ay para sa mga tupa at hindi para sa kahit isang "kambing."

 

Kaya naman walang puwang ang pagkakamali sa pagliligtas ng Panginoon, hindi katulad ng ipinakikilala ng bulaang ebanghelyo. Siya ay si Jesus, sapagkat ililigtas niya ang kanyang bayan sa kanilang mga kasalanan. Hindi lamang Niya susubukang iligtas sila kundi talagang ililigtas niya sila sa kanilang mga kasalanan. Hindi nabibigo ang sinabi Niya sa Ama na "ang mga ibinigay mo sa akin ay makasama ko kung saan ako naroroon" (Juan 17:24) at nang Siya"y namatay at nabuhay na muli ay TALAGANG iniligtas Niya sila. Pagdududahan pa ba natin ang mga Salita Niyang iyan? Iisipin pa ba nating ang mga nasa impyerno ay tinubos din Niya gayong ang kamatayan Niya ay sa layuning makasama Niya ang mga tinubos? Namatay si Jesus sa krus upang "matupad ang salitang sinabi niya, "Sa mga ibinigay mo sa akin ay wala akong iwinala kahit isa"" (Juan 18:9). Iyan ang bunga ng kamatayan Niya. Kahit isang saglit hindi madidilaan ng apoy ng impyerno ang mga pinag-alayan ng Kanyang kamatayan.

 

Kung naniniwala kang namatay Siya para sa lahat ng tao, ibang "Jesus" ang iyong sinasampalatayanan, hindi ang Jesus ng Biblia. Talikuran mo ang "Jesus" na iyan, magsisi ka, at yakapin mo ang tunay na Jesus na namatay para lamang sa mga hinirang ng Diyos. Sa bawat pagkakataong binabanggit ang pangalang "Jesus" alalahanin mo na ang kamatayan Niya ay para lamang sa kaligtasan ng mga hinirang. Siya ang Jesus na ang kamatayan ay makapangyarihan upang magligtas, hindi nagkakamali, at tanging Tagapaglitas ng Kanyang bayan.

 

 

 

Voice of the Fathers

 

Ang mga sumusunod ay mga makahulugang quotations o banggit mula sa mga pangunahing personalidad sa kasaysayan ng Iglesya. Bawat isa sa kanila ay nag-ambag sa paglinang at pagbabalangkas ng mga Biblikal na katotohanan lalo na sa larangan ng Ebanghelyo ng kaligtasan. Nakilala ang bawat isa sa kanila na pawang mga mapagkakatiwalaan sa angkin nilang kakayahan sa teolohiya at nahahanay sa mga ortodoksiyang teologo ng Protestanteng Cristianismo. Minarapat naming isama ang ilang bahagi ng kanilang panulat sa lathalaing ito, hindi dahil nagbabatay kami sa salita o gawa ng tao, kundi upang patunayan sa aming mga mambabasa na hindi nag-iisa, ni nagpapakaligaw ang Bastion of Truth Reformed Churches sa kanilang mga paniniwala. Kung kukuwestyunin ninuman ang paninindigan ng BTRC ay kanila ring dapat pabulaanan ang mga patotoo ng "makapal na bilang ng mga saksing ito ng Diyos" na pumapalibot sa atin (Hebreo 12:1) at itakuwil ang mga katuruan ng ortodoksiyang Protestantismo. At kung sa pananaw ng pangkalahatan ng aming mga mambabasa ay malabis o extreme ang pananaw namin ukol sa Ebanghelyo ay isaalang-alang sana nila na sa kasalukuyang panahon ay napakalayo na ng pagkakahiwalay at pagkakaligaw ng modernong iglesya sa mga matuwid na prinsipyo ng mga lider at teologo ng kilusang "Repormasyon" ng ikalabing anim na siglo.

 

John Calvin (1509 -1564), Geneva Reformer

"Ang bungang-isip ni Pighius ay pambata at walang kabuluhan, nang kanyang ipakahulugan na ang biyaya ay kabutihan ng Diyos sa pag-aanyaya sa lahat ng tao para sa kaligtasan, yamang lahat ay nagkasala kay Adan. Sapagkat napakaliwanag na ibinukod ni Pablo ang mga paunang-itinakda doon sa mga taong minarapat ng Diyos na hindi pagkalooban ng awa. At gayundin ang inihayag nang walang anumang kalabuan, ang mga hindi malilimutang mga salita ni Cristo: "Ang lahat ng ibinibigay sa akin ng Ama ay lalapit sa akin; at ang lumalapit sa akin kailanman ay hindi ko itataboy." Dito ay tatlong bagay na dagli ngunit buong linaw na inihayag. Una, na ang lahat ng mga lumalapit kay Cristo ay ibinigay na ng Ama sa Kanya bago pa man; ikalawa, na ang lahat ng mga ibinigay sa Kanya ay ibinigay mula sa kamay ng Ama para sa Kanya, upang sila"y ganap na mapasa Kanya; ikatlo, na si Cristo ay tiyak na tagapag-ingat ng lahat ng ibinigay ng Ama sa Kanyang tapat na pag-iingat at pangangalaga, para sa layuning hindi Niya hahayaang kahit isa sa kanila"y mapahamak. Ngayon, kung itatanong ang tungkol sa simula ng pagsampalataya, dito ay nagbigay ng sagot si Cristo, nang sabihin Niya na ang mga sumasampalataya, ay samakatuwid sumasampalataya sapagkat sila"y ibinigay sa Kanya ng Ama." (Calvin"s Calvinism, RFPA, p. 49, isinalin sa Tagalog ni Ronald R. Santos)

 

"Ang talatang 1 Timoteo 2:4 ng apostol ay noon pa ginamit ni Pelagius at ngayon ay buong lakas na ginagamit laban sa atin " gayunman, walang sinuman maliban sa taong pinagkaitan ng sentido-kumon at pang-unawa ang maniniwalang ang kaligtasan ay itinakda ng lihim na panukala ng Diyos na patas at walang itinatanging para sa lahat ng tao. Gayunman, ang tunay na pakahulugan ni Pablo sa talatang ito"y malinaw na malinaw na mauunawaan ng sinumang hindi desididong makipagtalo. Dito ay nagpapayo ang Apostol na ang lahat ng "mga paghiling, mga panalangin, mga pamamagitan, at mga pagpapasalamat patungkol sa lahat ng mga tao; patungkol sa mga hari at sa lahat ng nasa mataas na katungkulan." At dahil noong panahong "yon, napakarami at mababagsik at malulupit ang mga kaaway ng Iglesya, at upang maiwasan ang desperasyon at manghinawa ang mga tapat sa pananalangin ay sinikap ni Pablo na matugunan ang kanilang desperasyon sa pamamagitan ng taimtim na paghimok na huwag manghinawa sa pananalangin bagkus ay manalangin "para sa lahat ng tao," alalaong baga"y para "sa mga hari at sa lahat ng nasa mataas na katungkulan." Sapagkat ang Diyos ay "nagnanais na ang lahat ng tao ay maligtas." Sino ang hindi nakakakita na ang tinutukoy ng Apostol dito ay "uri ng tao" at hindi ang mga indibiduwal na tao? Tunay na ang pagkakakilanlang ito na ginagawa ng iba ring mga komentarista rito ay may malaking basihan at dahilan; na ang bayan ng mga indibiduwal at hindi mga indibiduwal ng bayan ang tinutukoy ng Apostol dito." (Calvin"s Calvinism, RFPA, p. 105, isinalin sa Tagalog ni Ronald R. Santos)

 

"Ipinapalagay ni Georgius na matalino siyang nakapangatuwiran kapag sinasabi niyang, "Si Cristo ay ang handog pantubos para sa kasalanan ng buong mundo. Kaya sila na ibinubukod ang mga eternal na itinakwil sa pakikibahagi sa pakinabang kay Cristo, ay kailangang, ilagay sila sa labas ng mundo." Ngayon hindi natin papayagang manaig sa pagkakataong ito ang pangkaraniwang kalutasan sa usaping ito, na ipinapakahulugan ito na si Cristo ay nagdusa nang sapat para sa lahat ng tao, subalit mabisa lamang para sa kanyang mga hinirang. Ang malaking kahangalang ito na naghakot para sa ating monghe ng maraming papuri mula sa kanyang sariling kapatiran, ay walang anumang halaga sa akin. Sadya ngang inilalapat ni Juan ang mga pakinabang ng pagtutubos ni Cristo, na nakumpleto sa pamamagitan ng kanyang kamatayan, sa lahat ng hinirang ng Diyos sa lahat ng dako ng mundo kung saan sila nagkalat. Magkagayon man, hindi nito binabago ang katotohanang naihahalo ang mga eternal na itinakuwil sa mga hinirang sa sanlibutan. Walang dudang katotohanan din na pumarito si Cristo upang maghandog para sa "mga kasalanan ng buong sanlibutan." Subalit ang solusyon sa lahat ng suliranin ay lantad, sa katotohanan at katunayan, na "sinumang sa Kanya"y sumampalataya" ay siyang "hindi mapapahamak kundi magkakaroon ng buhay na walang hanggan." Sapagkat ang kasalukuyan nating usapin ay hindi kung ano ang kapangyarihan o ang kagalingan ni Cristo, ni ang bisa nito sa kanyang sarili, kundi sino sila na pinagkalooban ng Kanyang sarili upang ikasiya. Ngayon kung ang pagtataglay kay Cristo ay nakatindig sa pananampalataya, at ang pananampalataya ay dumadaloy mula sa Espiritu ng pagkakupkop, lumilitaw na ang taong kabilang lamang sa mga anak ng Diyos ay sila na itinakda Niya na maging kabahagi ni Cristo. Tunay na inilahad ng ebanghelistang si Juan na ang katungkulan ni Cristo ay wala nang iba kundi ang "tipunin ang lahat ng mga anak ng Diyos" sa isa sa pamamagitan ng Kanyang kamatayan. Batay sa lahat ng ito ay ang ating kongklusyon na bagamang ang pakikipagkasundo ay ipinahayag sa lahat ng tao sa pamamagitan Niya, ang dakilang pakinabang ay tanging laan lamang sa mga hinirang, upang sila ay "tipunin" at gawing "magkakasamang kabahgi" ng buhay na walang hanggan." (Calvin"s Calvinism, RFPA, pp. 165-166, isinalin sa Tagalog ni Alex M. Aquino)

 

Jerome Zanchius (1516-1590), Italian Reformer

"Yamang nasiyasat na, na ang nagtatakdang kalooban ng Diyos na omnipotente ay hindi maaaring mahadlangan o mapawalang-bisa, lumalabas na hindi kailanman o maging sa ngayon ay niloob Niya na ang bawat indibiduwal sa sangkatauhan ay maligtas. Kung ito ang Kanyang kalooban, ay wala sanang kahit isang kaluluwa na napapahamak (sapagkat sino ang makakasalungat sa Kanyang kalooban?), at tiyak na ipagkakaloob Niya sa lahat ng tao ang mabisang paraan sa kaligtasan, na kung wala nito ay walang kaligtasan. Ngayon, kayang-kayang ipagkaloob ng Diyos sa lahat gaya ng pagkakaloob Niya sa ilan ang paraan ng kaligtasan, subalit, ang karanasan ay nagpapatunay na hindi gayon ang Kanyang niloob, at ang dahilan ay kapwa malinaw, alalaong baga"y hindi Niya niloob, sapagkat anuman ang hangarin ng Panginoon ay Kanyang ginagawa sa langit at sa lupa. Tunay na sinabi ng apostol na ang Diyos "na nagnanais na ang lahat ng tao ay maligtas at makarating sa pagkakilala ng katotohanan," na sa ganitong paraan ay ipinaliwanag ni Augustine, gaya nang tapat niyang pagpapaliwanag sa iba pang mga talata ng Kasulatan, "na ililigtas ng Diyos ang ilan sa buong lahi ng sangkatauhan, samakatuwid ay mga tao sa lahat ng mga bansa, lipi at wika." Hindi, ililigtas Niya ang lahat ng tao, na sa ganitong paraan ay ipinaliwanag pa niya muli na "Bawat uri ng tao, o tao ng bawat uri," alalaong baga"y, ang buong pinili ng biyaya, maging sila man ay alipin o malaya, maharlika o mababa, mayaman o mahirap, babae o lalaki. Dagdag mo rito na maliwanag na humahadlang laban sa Kamahalan, omnipotente at kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos ang pagpapalagay na mayroon Siyang ninanais o niloloob na hindi natutupad o may bagay na nangyayari na laban sa Kanyang kalooban; kaya tamang-tamang nasabi ni Bucer na "Hindi niloob ng Diyos ang kaligtasan ng mga reprobates, yamang hindi Niya pinili sila, ni hindi sila nilikha sa layuning iligtas." Sumasang-ayon dito ang mga salita ni Luther, "Ang ganito ay lubhang nagpapagalit sa ating katutubong kaisipan, na ang Diyos mula sa Kanyang mismong walang kinikilingang kalooban ay pababayaan ang ilang tao sa kanilang sarili, patitigasin sila at pagkatapos ay hahatulan sila; subalit nagbigay na Siya ng maraming patunay at patuloy pang nagpapatunay, na gayon nga ang totoo, alalaong baga"y ang tanging dahilan kung bakit ang ilan ay ligtas at ang iba naman ay napapahamak ay niloob Niya ang kaligtasan ng una at niloob Niya ang kapahamakan ng huli, ayon sa sinabi ni Pablo, "Kaya nga siya'y may awa sa kanyang maibigan, at kanyang pinagmamatigas ang puso ng sinumang kanyang maibigan.""

 

"Gaya ng hindi niloob ng Diyos na ang bawat indibiduwal sa sangkatuhan ay maligtas, ay hindi rin Niya niloob na si Cristo ay marapat at kagyat na mamatay para sa bawat indibiduwal sa sangkatauhan, kung saan lumalabas na, bagaman ang dugo ni Cristo, mula sa angking dangal nito, ay sapat kung tutuusin para sa katubusan ng lahat ng mga tao, gayunman, dahil sa bunga ng pagtatakda ng Kanyang Ama, ibinubo Niya ito nang kusa, at samakatuwid ay mabisa at nakalaan lamang para sa mga hinirang.


"Hindi na kailangan ang patunay pa rito. Nauna na nating napatunayan na hindi niloob ng Diyos ang kaligtasan ng bawat tao, kundi ibinigay Niya ang Kanyang Anak upang mamatay para sa kanila na niloob Niya ang kaligtasan; kaya nga, ang Kanyang Anak ay hindi namatay para sa bawat tao. Lahat ng pinag-uukulan ng kamatayan ni Cristo ay ligtas, at ang katarungan ng Diyos ay humihingi na ang mga benepisyo ng Kanyang kamatayan ay dapat na ibahagi sa kanila; subalit ang mga hinirang lamang ang ligtas, sila lamang ang makakabahagi ng mga benepisyo, samakatuwid ay para lamang sa kanila nakalaan ang Kanyang kamatayan at pamamagitan. Tinanong ng Apostol (Roma 8), "Sino ang magsasakdal ng anuman laban sa mga pinili ng Diyos? Ang Diyos ang siyang umaaring-ganap," alalaong baga"y ang Kanyang hinirang, hindi kasama ang iba; "Sino ang hahatol? Si Cristo Jesus na namatay" para sa kanila, hindi kasama ang iba. Ang payak na kahulugan ng talata ay na yaong mga inaring ganap, at yaong mga pinag-ukulan ng kamatayan ni Cristo (ang pag-aaring-ganap at pagtutubos ay iisa ang sinasaklaw), ay hindi maaaring mahatulan. Ang mga pribilehiyong ito ay hayagang nakalaan lamang para sa mga hinirang: samakatuwid ay ang pag-aaring ganap ng Diyos at ang kamatayan ni Cristo ay para lamang sa kanila." (Observations on the Divine Attributes, isinalin sa Tagalog ni Ronald R. Santos)

 

John Knox (1505-1570), Reformer of Scotland

"Subalit ang mapanlinlang at bulaang doktrina ay lason at kamandag na, sa ilalim ng lasa at pangalan ng katotohanan, kapag ininom at tinanggap, ay may lubhang kahirapang matanggal tulad ng tinuturo sa atin ng liham ni Pablo, at ng kasaysayan ng lahat ng kapanahunan, na namamanhik sa kalagayan at usapin ng relihiyon. Kaya kung ang doktrina at paniniwala ng sinumang tao ay nakahilig sa pagdadakila at pagtataguyod ng anumang katuwiran o pagkasakdal, maliban si Cristo Jesus lamang, kung sang-ayunan ninuman yaong Cristianong katuwiran, na mayroon sa harapan ng Diyos, ay hindi ang pagkasakdal na kapatawaran sa ating mga kasalanan, na taglay natin sa pamamagitan lamang ng pananampalataya sa dugo ni Cristo; o kung may nangangako ng pagkasakdal sa buhay na ito, na sa katapatan ay hindi natin masabing, "Ipatawad mo sa amin ang aming mga pagsuway, sapagkat kami ay walang kabuluhang mga alipin"; at sa wakas, sinuman na manghikayat na ang ating mga merito, mabubuting gawa, o pagsunod, ay dahilan ng ating pagkakaaring-ganap o ng ating pagkahirang, pakasumpain siya, siya man ay anghel mula sa langit." (A Letter to His Brethren in Scotland, [Presbyterian Heritage Publications] pp. 32, 33, isinalin sa Tagalog ni Alex M. Aquino)

 

Canons of the Synod of Dordrecht (1618-1619)

Ikalawang Ulo ng Doktrina

Hinggil sa Kamatayan ni Cristo, at ang Pagtutubos sa Tao na Kaugnay Nito

 

Artikulo 8. Sapagkat ito ang pinakamataas  na panukala at pinakamabiyayang kalooban at layunin ng Diyos Ama, na ang nagbibigay buhay at mabisang nakapagliligtas na pinakamahalagang kamatayan ng Kanyang Anak ay dapat na umabot sa lahat ng mga hinirang, sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila lamang ng kaloob na pananampalatayang ukol sa pagiging ganap, sa gayon ay walang pasubaling madala sila sa kaligtasan; alalaong baga ay kalooban ng Diyos na si Cristo sa pamamagitan ng dugo ng krus kung saan pinagtibay Niya ang bagong tipan, ay dapat na mabisang matubos Niya mula sa bawat bayan, lahi, bansa, at wika, silang lahat at tanging silang lahat lamang na mula pa sa walang hanggan ay pinili na para sa kaligtasan at ibinigay sa Kanya ng Ama; na dapat Niyang pagkalooban ng pananampalataya na kung saan kasama ng iba pang mga kaloob ng Espiritu Santo ukol sa kaligtasan ay binili na Niya para sa kanila sa pamamagitan ng Kanyang kamatayan; na dapat na linisin sila sa lahat ng kasalanan, orihinal pati rin ang aktuwal, maski na ang nagawa bago o matapos sumampalataya; at, buong katapatang ingatan sila hanggang sa katapusan at dalhin sila nang walang dungis at kapintasan sa pagtatamasa ng kaluwalhatian sa Kanyang piling magpakailan man.

 

Artikulo 9. Ang layuning ito, na nagbubuhat sa walang hanggang pag-ibig ng Diyos sa Kanyang hinirang ay mula sa panimula ng sanlibutan at magpasa hanggang ngayon ay makapangyarihang natutupad at sa hinaharap ay patuloy pa ring matutupad sa kabila ng walang saysay na paghadlang ng kapangyarihan ng impiyerno, upang ang mga hinirang sa takdang panahon ay mapagsama-sama, at upang hindi mawalan ng iglesyang binubuo ng mga mananampalataya, na itinatag sa dugo ni Cristo, na may buong katatagan na mahalin at buong katapatan na paglingkuran Siya bilang kanilang Tagapagligtas, (Siya bilang ikakasal sa Kanyang itinatangi, ay nagbuwis ng buhay para sa kanila sa krus), at na mangagsipagdiwang sa Kanyang kapurihan ngayon at magpakailan man.

 

Westminster Confession of Faith (1646)

Kapitulo 3: Tungkol sa Walang Hanggang Pagtatalaga ng Diyos

 

5. Ang mga tao na itinalaga sa buhay na walang hanggan ay hinirang ng Diyos bago pa itinatag ang sanlibutan. Sila"y hinirang kay Cristo para sa walang hanggang kaluwalhatian, ayon sa Kanyang walang hanggan at walang pagbabagong layunin, sa Kanyang di-matarok na panukala at sa mabuting kagustuhan ng Kanyang kalooban. Ang pagpili Niya sa mga iyon ay galing lamang sa Kanyang malayang biyaya at pag-ibig, at hindi dahil sa nakita Niya sa kanila na pananampalataya, mabubuting gawa, pagtitiyaga, o anumang iba pang nasa nilalang na kundisyon o sanhi ng Kanyang pagtatalaga. Ang lahat ng ito ay para sa kapurihan ng Kanyang dakilang biyaya.

 

6. Sa pagtatakda ng Diyos sa mga  hinirang para sa kaluwalhatian, itinakda rin Niya ang lahat ng kaparaanan para  sa layuning ito sa pamamagitan ng walang hanggan at lubos na malayang layunin ng Kanyang kalooban. Dahil dito, ang lahat ng mga nahulog sa kasalanan kasama ni Adan na hinirang ng Diyos ay tinutubos ni Cristo at mabisang tinatawag sa pananampalataya kay Cristo sa pamamagitan ng paggawa ng Espiritu sa takdang panahon. Sila ay ipinahayag na matuwid, kinukupkop, pinababanal at iniingatan ng Kanyang kapangyarihan sa pamamagitan ng pananampalataya tungo sa kaligtasan. Walang ibang tinutubos ni Cristo, mabisang tinatawag, ipinapahayag na matuwid, kinukupkop, pinababanal, at inililigtas kundi ang mga hinirang lamang.

 

John Owen (1616-1683), English Theologian

"Ni huwag niyong hayaang malinlang ang inyong karunungan sa pamamagitan ng pagsang-ayon na ang mga iyon ay maliit na pagkakaiba lamang na sa panahong ito ay pinagkakaguluhan ng mga Arminians at ng mga ortodoksiyang lingkod ng iglesyang Reformed. Pansinin lamang ang mga sumusunod na halimbawa at matutuklasan mong sumisibak ang mga ito sa pinaka-ugat ng Cristianismo. Seryosong isaalang-alang ang pagtanggi nila sa pundamental na artikulo tungkol sa kasalanang minana. Ito ba"y isang maliit na paglihis lamang sa teolohiya? Bakit, ano pa ang halaga ng ebanghelyo, ano pa ang halaga ni Cristo mismo, kung walang pagkahatol ang ating kalikasan, makasalanan, bulok? Ni ang marami pang ibang doktrina ay mas mababa sa kahalagahan. Tunay na ang mga ito ay hindi mga bagay na kahit magkakaiba tayo ng paniniwala ay hindi mawawala ang kapayapaan at pag-ibig. Hindi maaaring ibilang ng isang iglesya sa isang pagsasamahan sina Augustine at Pelagius, si Calvin at Arminius. Dito ay binigyan ko lamang kayo ng patikim, kung saan makakahatol kayo sa iba pa sa pamamagitan ng kanilang bunga"yaong aking ipinakita ay sapat na upang huwag mapahintulutan ang mga nagtuturo ng gayon na maibilang sa ating iglesya. Sinasaklaw lamang ng banal na bigkis ng kapayapaan ang pagkakaisa sa Espiritu na nag-aakay tungo sa buong katotohanan.

 

"Hindi natin dapat ialok ang kanang kamay ng pakikipagkaisa, manapa"y maghayag tayo ng banal na pakikidigma laban sa gayong mga kaaway ng probidensya ng Diyos, ng merito ni Cristo, at ng makapangyarihang pagkilos ng Banal na Espiritu. Ni huwag nating hayaang tumutol ang sinuman, na hindi naman lahat ng mga Arminian ay lantad na ipinapahayag ang lahat ng mga kabulaanan na aking binanggit" Nakikita natin ang kanilang sariling mga kumpesyon, batid natin ang kanilang husay, ang mga kalaliman at mga pandaraya ni Satanas; batid natin ang maraming kaparaanang taglay nila upang ipasok at imungkahi ang kanilang mga paglihis sa katotohanan sa kaisipan ng mga tao." (from The Epistle Dedicatory to his Display of Arminianism, 1642, isinalin sa Tagalog ni Alex M. Aquino)

 

"Idaragdag ko ang mahirap na pagpipiliang ito sa mga Universalist:


Ipinataw ng Diyos ang kanyang poot na nararapat sa, at si Cristo ay sumailalim sa pagdurusa ng impyerno para sa,

 

1.   lahat ng mga kasalanan ng lahat ng mga tao,

2.   lahat ng kasalanan ng ilang mga tao,

3.   ilang kasalanan ng lahat ng mga tao

 

Kung ang huli, ilang kasalanan lamang ng lahat ng mga tao, lahat ng mga tao kung gayon ay may mga kasalanan pang dapat panagutan, kung kaya walang tao ang maliligtas; sapagkat kung ang Diyos ay dumating sa kahatulan sa atin, kahit na sa lahat ng tao dahil sa isang kasalanan, walang tao ang aariing-ganap sa kanyang paningin: "Kung ikaw, PANGINOON, ay magtatala ng mga kasamaan, O Panginoon, sino kayang makakatagal?" Mga Awit 130:3. Maihahagis natin ang lahat ng tinataglay natin "sa mga daga at mga paniki; upang pumasok sa mga siwang ng malalaking bato, at sa mga bitak ng mga bangin, sa harapan ng pagkatakot sa PANGINOON, at sa karangalan ng kanyang kamahalan, kapag siya'y bumangon upang yanigin ang lupa," Isa. 2:20b-21.

 

Kung ang ikalawa, iyon ang siya nating pinaninindigan, na si Cristo kapalit nila at lumagay sa kanilang katayuan ay nagdusa para sa lahat ng kasalanan ng lahat ng mga hinirang sa sanlibutan.

 

Kung ang una, bakit kung gayon, hindi lahat ay pinalaya sa kaparusahan ng lahat nilang mga kasalanan?

 

Sasabihin mo, "Dahil sa kanilang kawalan ng pananampalataya; hindi sila sasampalataya."

 

Subalit ang kawalang pananampalatayang ito, ito ba ay kasalanan, o hindi?

 

Kung hindi, bakit sila pinarurusahan dahil dito? Kung ito ay kasalanan, kung gayon si Cristo ba ay sumailalim na sa kaparusahan dahil dito, o hindi?

 

Kung gayon, bakit ito nakahahadlang sa kanila nang higit kaysa sa iba nilang mga kasalanan na kung saan ay kinamatayan na niya sa pakikihati sa bunga ng kanyang kamatayan?

 

Kung hindi naman, hindi siya namatay para sa lahat nilang mga kasalanan. Hayaan silang pumili kung alin ang kanilang nais."

 

(Isinalin sa Tagalog ni Christian Joy B. Alayon)

 

Frances Turretin (1623-1687), Reformed Theologian in Geneva

"Ang pag-ibig na tinalakay sa Juan 3:16 " ay hindi maaaring unibersal para sa lahat at bawat isa, kundi espesyal para sa ilan " sapagkat ang pakay ng gayong pag-ibig na nilayon ng Diyos ay ang kaligtasan ng mga taong pinag-ukulan Niya ng gayong pag-ibig " Samakatuwid, kung sinugo Niya ang Kanyang Anak sa layuning ito, na sa pamamagitan Niya ang sanlibutan ay maligtas, alin sa dalawa ang maaaring mangyari, nabigo Siya sa Kanyang layunin, o ang buong sanlibutan ay talagang ligtas. Subalit hindi makakaila na hindi ang buong sanlibutan, kundi yaon lamang mga pinili mula sa sanlibutan ang ligtas; samakatuwid, sa kanila nakatuon ang pag-ibig ng Diyos " Bakit kung gayon hindi dapat na ituring ang salitang sanlibutan dito na unibersal para sa bawat indibiduwal, kundi para kahit kaninong mga Judio at maging mga Hentil nang walang itinatanging bansa, wika at kalagayan, na masasabing minahal Niya ang sangkatauhan, gayundin lamang na hindi Niya ibig na wasakin ito nang ganap bagkus ay itakda na iligtas ang ilang tao mula rito, hindi lamang mula sa isang bayan tulad nang dati, kundi nang walang itinatangi, bagaman ang pagpapala ng pag-ibig na ito ay hindi sumasaklaw sa bawat indibiduwal kundi sa ilan lamang, sila nga"y ang mga pinili mula sa sanlibutan?" (Theological Institutes, isinalin sa Tagalog ni Ronald R. Santos)

 

Abraham Kuyper (1837-1920), Dutch Reformed Theologian

"Kung mayroon mang anumang katiyakang makukuha sa mataimtim na pagbabasa ng Banal na Kasulatan, at maaaring panghawakang matatag, ay ang, hindi mapapasubaliang katotohanan na ang salitang sanlibutan sa Banal na Kasulatan na ang pakahulugan ay "lahat ng tao" ay bihirang-bihirang exception bagkus halos palaging iba ang pakahulugan kaysa rito. Ang sanlibutan sa Juan 3:16 ay ang "tanging buod" ng sangnilikha, alalaong bagay ang bayan ng Diyos na "inagaw ni Jesus mula kay Satanas."

" mula sa buod na ito, mula sa kalipunang ito, mula sa bayang ito, ang "bagong sanlibutan," ang "bagong lupa at bagong langit," ay balang araw ay lilitaw sa pamamagitan ng kamangha-manghang gawa ng Diyos. Ang lupa ay hindi lamang naglilingkod sa kapakanan ng kaligtasan ng hinirang, pagkatapos ay maglalaho na. Hindi, ang mga hinirang ay mga tao; ang mga taong ito ay bumubuo sa kabuuan, isang pagtitipon, isang organismo na naka-ugat sa sangnilikha; at sapagkat ang sangnilikha ay salamin ng karunungan ng Diyos at gawa ng Kanyang kamay, ang pangangasiwa ng Diyos dito ay hindi mauuwi sa wala, kundi sa Dakilang Araw ang kalooban ng Diyos sa sangnilikha ay ganap na matutupad." (Dat De Genade Particulier Is (That Grace is Particular, isinalin sa Tagalog ni Ronald R. Santos mula sa saling Ingles ni Prof. David J. Engelsma).

 

Arthur W. Pink (1886-1952), Scottish Evangelical Writer

"Bumaling tayo ngayon sa Juan 3:16, mula sa mga talatang nasitas na, maliwanag na ang talatang ito ay hindi mangangahulugan ng karaniwang pinakakahulugan dito. "Gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan." Marami ang nagpapalagay na ang kahulugan nito ay "ang buong sangkatauhan." Subalit ang "buong sangkatauhan" ay sumasaklaw sa lahat ng tao mula kay Adan hanggang sa pagsasara ng kasaysayan ng daigdig: Umaabot ito sa nakaraan maging sa hinaharap! Sa gayon ay isaalang-alang ang kasaysayan ng sangkatauhan bago ipanganak si Cristo. Milyon-milyon ang nabuhay at namatay bago naparito sa lupa ang Tagapagligtas, nabuhay sila na "walang pag-asa at walang Diyos sa sanlibutan," at samakatuwid ay lumisan sa daigdig na ito tungo sa walang hanggang kapighatian. Kung "minahal" sila ng Diyos, nasaan ang kahit maliit na pruweba nito? Ipinapahayag ng Kasulatan na, "Noong nakaraang mga panahon [mula sa tore ng Babel hanggang pagkatapos ng Pentecostes] ay hinayaan niya [ng Diyos] ang lahat ng mga bansa na lumakad sa kanilang mga sariling daan." (Gawa 14:16). Ipinapahayag ng Kasulatan na, "At palibhasa'y hindi nila minabuting kilalanin ang Diyos, hinayaan sila ng Diyos sa isang mahalay na pag-iisip, upang gawin ang mga bagay na hindi nararapat." (Roma 1:28).  Sa Israel ay sinabi ng Diyos, "Kayo lamang ang aking nakilala sa lahat ng angkan sa lupa; kaya't parurusahan ko kayo sa lahat ninyong mga kasamaan." (Amos 3:2). Sa liwanag ng mga payak na mga talatang ito, sinong magpapakahangal na ipagpilitan na sa nakalipas na panahon ay minahal ng Diyos ang lahat ng tao! Ang kaparehong pangangatuwiran ay maaaring gamitin nang buong lakas hinggil sa hinaharap " Subalit ang tumututol ay babalik sa Juan 3:16 at sasabihin, "Ang sanlibutan ay nangangahulugan ng sanlibutan."  Totoo, subalit naipakita na natin na "ang sanlibutan" ay hindi nangangahulugan ng buong angkan ng sangkatauhan. Ang katotohanan ay "ang sanlibutan" ay ginamit sa malawak na paraan " Ngayon, ang unang bagay na dapat na pansinin kaugnay sa Juan 3:16 ay ang ating Panginoon doon ay nangungusap kay Nicodemo, isang lalaking naniniwala na ang habag ng Diyos ay limitado lamang sa kanyang sariling bayan. Doon ay sinabi ni Cristo na ang pag-ibig ng Diyos na nagbunsod sa pagbibigay sa Kanyang Anak ay may mas malawak na pinag-uukulan nito, na lumalagpas ito sa hangganan ng Palestino, umaabot hanggang sa "dakong ibayo." Sa ibang salita, ito ay ang pagpapahayag ni Cristo na ang Diyos ay may mabiyayang layunin sa mga Hentil gaya ng sa mga Judio. "Gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan," samakatuwid, ay nangangahulugan, na ang pag-ibig ng Diyos ay sadyang may sinasaklaw. Subalit, nangangahulugan ba ito na minamahal ng Diyos ang bawat indibiduwal sa mga Hentil? Hindi naman, yamang nakita na natin na ang salitang "sanlibutan" ay malawak sa halip na partikular, relatibo kaysa absoluto " ang "sanlibutan" sa Juan 3:16 ay dapat, sa ganap na pagsusuri ay tumutukoy sa sanlibutan ng bayan ng Diyos. Dapat ito, sapagkat walang alternatibong solusyon dito. Hindi maaaring mangahulugan ito ng "buong sangkatauhan," sapagkat kalahati na ng sangkatauhan ay nasa impiyerno na, nang si Cristo ay naparito sa lupa. Hindi makatarungang igiit na nangangahulugan ito ng "bawat taong nabubuhay sa kasalukuyan," sapagkat maraming talata sa Bagong Tipan ang nagsasabing ang pag-ibig ng Diyos ay nakalaan lamang sa Kanyang sariling bayan " saliksikin nang makita! Ang pinag-uukulan ng pag-ibig ng Diyos sa Juan 3:16 ay wastung-wastong kapareho ng pinag-uukulan ng pag-ibig ni Cristo sa Juan 13:1, "Bago magpista ng Paskuwa, alam na ni Jesus na dumating na ang oras ng kanyang pagpanaw sa sanlibutang ito patungo sa Ama. Yamang minamahal niya ang sariling kanya na nasa sanlibutan, sila ay kanyang minahal hanggang sa katapusan." Maaari nating aminin na ang ating interpretasyon sa Juan 3:16 ay hindi bagong inimbento lamang natin, kundi pare-parehong ipinakahulugan ng mga Reformers at ng mga Puritans, at ng marami pang iba pagkatapos nila." (hango sa The Sovereignty of God, isinalin sa Tagalog ni Ronald R. Santos)

 

"Ang para sa lahat na pagtutubos na sa pangkalahatan ay palaging bigo sa layunin nito, ay isang imbensyon ni Satanas na ang pakay ay magpukol ng paninirang-puri kay Cristo, sa gayon ay magiging isang talunang Tagapagligtas.

 

"Ang panlahat na pagtutubos, na walang katiyakang inihandog para sa katarungan ng Diyos, ay pinapalagay na sapat para sa bawat-isa, gayunman sa ganang sarili nito ay wala itong bisa maging sa kaninuman, ay isang bungang-isip lamang ng imahinasyon, na tinatangkilik lamang ng mga taong lubhang pinayabang ng makalamang kaisipan. Ang partikular o limitadong pagtutubos, ay ginawa sa tiyak na bilang ng tao, na lahat ng mga ito"y magtatamasa ng eternal na kapakinabangang dulot nito, ay siyang walang pagbabagong itinuturo sa Salita ng Diyos." (An Exposition of Hebrews, isinalin sa Tagalog ni Ronald R. Santos)

 

Herman Hoeksema (1886-1965), Reformed Theologian, Protestant Reformed Churches in America

"Namatay si Cristo para sa lahat ng mga tao, ito ang itinuturo ng Arminian. Sa pamamagitan ng Kanyang kamatayan sa krus ay natamo Niya ang kapatawaran para sa mga kasalanan at pakikipagkasundo para sa bawat tao. Subalit, talaga bang gayon, ayon sa doktrina ng Arminian? Sa pamamagitan ba ng Kanyang perpektong pagsasakripisyo ay talaga bang natamo Niya ang kaligtasan para sa lahat ng mga tao sa puntong sa pamamagitan ng Kanyang kamatayan ay ang lahat ng mga tao ay nadala sa kalagayang pagkakasundo at walang hanggang katuwiran sa harapan ng Diyos? O ilagay natin sa ganitong tanong: Talaga bang si Cristo ay tunay na nagbayad sa pamamagitan ng Kanyang kamatayan para sa kasalanan ng lahat ng mga tao? Hindi kailanman! Huwag ipangahas na ituro ito ng Arminian. Lubos niyang nauunawaan na kung si Cristo ay tunay at mabisang nagbayad sa pamamagitan ng Kanyang dugo para sa mga kasalanan ng lahat ng mga tao, ay dapat na ang lahat ng mga tao ay ligtas. Sapagkat sa gayon ang mga kasalanan ng lahat ay talagang mabubura, mapapatawad magpakailanman, at ang lahat ng mga tao ay mapapawalang-sala"t aariing ganap. At hindi lamang ang karanasan at Kasulatan ang sumusumpa sa gayong unibersalimong katuruan, kundi maging ang gayong doktrina ay nagbubunsod sa mga tao na mabuhay sa kawalang-ingat at kasalanan, yamang nakikita nila na ang kanilang kaligtasan at pagkaka-aring ganap ay walang kinalalaman sa kanilang saloobin sa kasalanan at katuwiran at kay Cristo ng Diyos. At kaya nga, upang mapanatili ang pagiging para sa lahat ng krus, ikinakaila ng Arminian ang bisa nito. Hindi aktuwal at mabisang binayaran ni Cristo ang mga kasalanan ng lahat, kundi sa intensiyon lamang Niya. Sa punto ng bisa, wala Siyang tinubos kahit isa. Sa punto naman ng intensiyon, namatay Siya para sa lahat. Sa kamatayan ni Cristo, mayroon nang posibilidad ang kapatawaran para sa lahat ng mga tao. Sa aktuwal ang kapatawaran sa pamamagitan ng kamatayan ni Cristo ay para sa wala ninuman. Kaya lumalabas na ang Arminianismo ay una sa lahat pagtatatuwa sa dugo ni Cristo at sa pagtutubos Niyang ginawa alang-alang sa iba. Ang isang taong nangangaral na ang kaligtasan ay nakasalalay sa desisyon ng tao at Cristong namatay para sa lahat ng tao, ay maaaring hindi niya sinasadya ito at maaaring hindi niya talagang sadyang itatuwa ang tunay na pagtutubos sa pamamagitan ng dugo; gayunman, ang katotohanan ay itinatatuwa pa rin niya ang katotohanan ng pagtutubos alang-alang sa pinag-uukulan nito. Sapagkat ang kamatayang nagtutubos ni Cristo ay nangangahulugan na si Jesus ay aktuwal at mabisang binura ang mga kasalanan ng mga taong pinaglaanan Niya ng Kanyang kamatayan. Ang Arminianismo ay nagtuturo na talagang ginawa ito ni Cristo para sa walang sinuman, subalit sa Kanyang intensiyon ay namatay Siya para sa lahat ng mga tao. Sa kanila, si Jesus ay hindi mabisang Tagapagligtas. Sapagkat nabalewala ang Kanyang kamatayan sa karamihan ng tao.

 

______________________________

 

"The Arminian Jesus does not save."

- Herman Hoeksema

______________________________

 

"At nangangahulugan ito na ang Kanyang kamatayan ay mabisa lamang kapag pumayag ang tao. Subalit, kung siya ay tumanggi, ang Tagapagligtas ay walang magagawa para sa kanya. Si Jesus ay hindi mabisang Tagapagligtas. At dahil hindi Siya mabisang Tagapagligtas, ay hindi talaga Siya ang Tagapagligtas. Ang slogan na gustung-gustong isulat ng Arminian sa mga billboard na "Jesus Saves," ay hindi talaga kumakatawan sa talagang itinuturo niya. Sapagkat ang kanyang Jesus, ang Tagapagligtas ng Arminian, ay may kakayahan lamang iligtas "yung mga makasalanang naghahangad na maligtas. At sa gayon ay walang ligtas! Ang Jesus ng Arminian ay hindi nakapagliligtas!" (The Triple Knowledge, Vol. 1, RFPA, pp. 462-463, isinalin sa Tagalog ni Ronald R. Santos)

 

Voice of the Present

David J. Engelsma, Professor, Protestant Reformed Theological Seminary

"Ano na nga ang katotohanan tungkol sa "sanlibutan" ng Juan 3:16? Minahal ng Diyos nang makalangit, makapangyarihan, mabisa, matapat, at eternal na pag-ibig, ang sanlibutan ay ligtas. Lahat ng mga ito! Lahat sila!

Tinubos ng dalisay, mahalaga, makapangyarihan, mabisang kamatayan ng Anak ng Diyos, ang sanlibutan ay ligtas. Lahat ng mga ito! Lahat sila!

 

"Ang kaligtasan ng lahat ng mga taong saklaw sa sanlibutan ng Juan 3:16 ay dahil lamang sa mabisang pag-ibig ng Diyos  at nagtutubos na kamatayan ni Cristo para sa kanila; samantalang ang mga taong napapahamak ay yaong mga hindi inibig ng Diyos, ni tinubos ni Cristo, samakatuwid ay hindi sila bahagi ng "sanlibutan" ng sanlibutan ng Juan 3:16.

 

"Ang sanlibutan ng Juan 3:16 (Sa Griego ay kosmos, kung saan hango ang English na salitang cosmos, na tumutukoy sa "maayos, magkakatugma, sistematikong sansinukob") ay ang sangnilikhang ginawa ng Diyos sa pasimula pa lamang, ngayon ay ginulo ng kasalanan, kasama ang mga hinirang sa lahat ng mga bansa, sa ngayon ay mga katutubong anak ng kapootan gaya rin ng iba, bilang mga bumubuo ng sanlibutan. Tungkol sa Kanyang bayan, ang sanlibutan ng Juan 3:16 ay ang bagong sangkatauhan kay Jesu-Cristo, ang huling Adan (1 Corinto 15:45). Tinawag ni Juan ang bagong sangkatauhang ito na "sanlibutan" upang ipakita, at bigyang-diin na hindi sa bayan ng mga Judio lamang, kundi mula sa lahat ng mga bansa at mga bayan (Apocalipsis 7:9). Ang mga taong bumubuo sa sanlibutan ng Juan 3:16 ay silang lahat, at sila lamang, na magiging mananampalataya ("sinuman ang sumampalataya"); at silang mga hinirang ang sasampalataya (Gawa 13:48). (Halaw sa kanyang artikulo na may titulong "The "World" of John 3:16 Does Not Mean "All Men Without Exception"" na mababasa sa www.prca.org, isinalin sa Tagalog ni Ronald R. Santos)

 

______________________________

 

"A Christ for ALL is really

a Christ for NONE"

- Prof. Homer C. Hoeksema

______________________________

 

 

Steven Houck, Minister, Protestant Reformed Churches in America

"Ang cristo ng Arminianismo " ay namatay sa krus para sa bawat indibiduwal na tao anupa"t ginawa niyang posible na sa bawat tao ang maligtas. Ang kanyang kamatayan, kung wala ang pagpili ng tao, ay hindi talaga makapagliligtas, yamang marami sa kanyang pinag-alayan ng kamatayan ay napapahamak.

 

"Ang Cristo ng Biblia " ay namatay lamang para sa mga hinirang ng Diyos anupa"t talagang natamo ang kaligtasan ng Kanyang pinag-alayan ng kamatayan. Ang Kanyang kamatayan ay pamalit na nagbabayad-utang na mismong nagpapatawad sa kasalanan ng Kanyang mga hinirang (Lucas 19:10; Juan 10:14-15, 26; Mga Gawa 20:28; Roma 5:10; Efeso 5:25; Hebreo 9:12; I Pedro 3:18)." (Halaw sa kanyang artikulo na may titulong "The Christ of Arminianism" na mababasa sa www.prca.org, isinalin sa Tagalog ni Ronald R. Santos)

 

 

Translation

 

"GAYON NA LAMANG ANG PAG-IBIG NG DIYOS SA SANLIBUTAN""

ni Prof. Homer C. Hoeksema (1923 " 1989)

(Isinalin sa Tagalog ni Alex M. Aquino)

 

Ang Malaking Katanungan:

      Mayroong isang napakahalagang tanong na nakapaloob sa paksa ng aklat na ito. Ang tanong na iyon ay: sino ang iniibig ng Diyos? Dapat tayong magkaroon ng tiyak na sagot sa tanong na ito, ang sagot mismo ng Diyos, ang sagot ng mga Kasulatan, kung gayon. Tinuturo sa atin ng Juan 3:16: "Sapagkat gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan na ibinigay niya ang kanyang tanging Anak, upang ang sinumang sa kanya"y sumampalataya ay huwag mapahamak kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan." Anong "sanlibutan" ang iniibig ng Diyos? Sino ang kabilang sa sanlibutang iyon? Kabilang ba ang lahat ng tao sa sanlibutang iyon? At kung may iilang tao lamang ang kabilang sa sanlibutang iyon, sino sila?

      Tinawag kong napakahalagang katanungan nito; at tunay na gayon nga.

      Dahil, una, personal na mahalaga ito sa atin. Buhat sa pananaw na ito, ang tanong ay maaaring maging sa anyong: iniibig ba ako ng Diyos? At sa gayong anyo ang kritikal na kahalagahan ng tanong ay agad na tumatatak sa iyo at sa akin. Mahal ba ako ng Diyos? Kaya ko ba at maaari ba akong makatiyak sa pag-ibig na iyon? Kung gayon matiwasay ang lahat. Dahil ang pag-ibig ng Diyos ay tiyak na pinakamahalaga sa lahat. Kung mahal ako ng Diyos, tagapagmana ako kung gayon ng buhay na walang hanggan. Kung mahal ako ng Diyos, hindi ako mapapahamak. Kung mahal ako ng Diyos, mawala man kung gayon ang lahat sa akin, kahit na aking buhay, taglay ko pa rin ang pinakamahalaga sa lahat. Kung mahal ako ng Diyos, maaari akong iwan kung gayon ng aking ama at ina; subalit itataas ako ng Panginoon at hahawakan ako sa kanyang banal na sinapupunan.

      Ngunit, gayon din, kung hindi ako iniibig ng Diyos, samakatuwid ay, kung nagagalit Siya sa akin, kung gayo"y masama ang lahat. Mapapahamak ako magpakailan man kung gayon. Kung gayon, bagamang nasa akin na ang lahat, kahit na ang buong mundo, ako na ang pinakadukha sa lahat ng tao. Kung gayo"y ang mukha Niya ay laban sa akin tungo sa kasamaan. Kung gayon ako ang pinakamiserable sa lahat ng tao. Kung gayon ay kakaharapin ko ang walang hanggang paghihirap sa impiyerno, kung saan may pagtangis at pagngangalit ng mga ngipin. Tunay na ito ay napakahalagang personal na katanungan. Sino ang iniibig ng Diyos? Iniibig ba Niya ako?

 

Ang Diyos ang Dapat Magbigay ng Kasagutan

      Sa katanungang ito kailangan ko ng kasagutan. Kailangan ko ang kasagutan ng Diyos. Hindi ako makukumbinsi ng tao. Ang sagot ng isang tao lang ay hindi makalulubos sa aking hinahanap. Walang iba ang makagagawa maliban ang sagot mula sa bibig ng Diyos mismo. Doon lamang ako mapapayapa, kapag narinig ko ang Kanyang tinig, "Aking anak, Ako, si Jehovang Diyos, ay iniibig ka!"

      Ilagay mo sa iyong kaisipan ang personal na tanong na ito habang binubulay-bulay mo ang Salita ng Diyos. Dahil hindi mo lang kailangan ng agad na kasagutan sa ganitong katanungan, kundi habang ang Salitang ito ng Diyos ay nahahayag sa iyo, kailangan mong harapin ang katanungang ito at dapat na magbigay ng iyong kasagutan dito. Hindi mo ito matatakasan.

      Pangalawa, at sa mas malapit na pagkakaugnay sa mga nabanggit kaysa sa minsang inaakala, ang katanungang ito ay mahalaga tungkol sa nilalaman ng pangangaral ng ebanghelyo. Kapag naipangaral ang ebanghelyo, ang katanungang, "Sino ang iniibig ng Diyos?" ay kailangang sagutin. At muli, ang kasagutan ay dapat na mula sa mga Kasulatan. Tanging ang kasagutang iyon ang maipapahayag bilang ebanghelyo ni Jesu-Cristo. Sinasabi ng talata na iniibig ng Diyos ang sanlibutan. At kadalasan ang pinakakaraniwang paliwanag na ibinibigay sa katagang ito na "ang sanlibutan" ay nangangahulugan ito na iniibig ng Diyos ang lahat ng tao, bawat isang indibiduwal na miyembro ng sangkatauhan. Ito ang hayag na katuruan ng lahat ng pulpitong Arminian, at nangangaral ng "malayang-kalooban" (free-will). Maraming ulit na nating narinig ang ganitong pangangaral, kung hindi sa ating simbahan, ay sa radyo o telebisyon. Ayon sa pananaw na ito, iniibig ng Diyos ang lahat ng tao. Dahil iniibig Niya ang lahat ng tao, ibinigay ng Diyos ang Kanyang bugtong na Anak. Ang bugtong na Anak ng Diyos ay namatay para sa buong sanlibutan, iyon ay, para sa lahat ng tao, samakatuwid ay gumawa ng paraan upang maligtas ang lahat ng tao. Ang ebanghelyo ay para sa lahat ng mga makasalanan. At ngayon nakasalalay na sa makasalanan kung sasampalataya siya o hindi sasampalataya, yayakapin ang pag-ibig ng Diyos o hindi ito yayakapin, maligtas at kamtan ang buhay na walang hanggan, o mapahamak. Ang kasalungat na pananaw ay ang sa pananampalatayang Reformed, na minsang tinatawag na Calvinism. Naniniwala ito na kung ang pag-uusapan ay tao, hindi iniibig ng Diyos ang lahat, kundi ang Kanyang mga hinirang (elect) lamang, samakatuwid ay, sila na Kanyang makapangyarihang pinili kay Cristo Jesus mula pa sa pagkakalikha sa sanlibutan. Tinuturo nito, bukod dito, na namatay si Cristo para lamang sa Kanyang mga tupa, samakatuwid ay, sila na ibinigay sa Kanya ng Ama. Bukod pa rito, pinaniniwalaan ng pananampalatayang Reformed na kapag ang ebanghelyo ni Cristong napako sa krus ay ipinahayag, ang kaloob (gift) ng pananampalataya ay iginagawad lamang sa mga hinirang sa pamamagitan ng muling kapanganakan at mabisang pagkatawag (efficacious calling), at sa gayo"y magsisisi at sasampalataya ang hinirang at kakamtan ang buhay na walang hanggan. Sa maikling salita, ipinapahayag namin na ang pag-ibig ng Diyos ay ganap na makapangyarihan at may partikular na pinag-uukulan, hindi para sa lahat at may hinihinging kundisyon, sa pinagmulan nito, sa kapahayagan nito, sa pagkilos nito at sa bunga nito.

 

Sino ang Iniibig ng Diyos?

      Ngayon napakalinaw na sa mga nabanggit na pananaw ay hindi sila maaaring parehong totoo. Kahit ang bata ay mauunawaan ito. Ito ay "Ito"o kung hindi ay iyon." Iniibig ng Diyos ang lahat ng tao; o kung hindi ay iniibig lamang Niya ang Kanyang mga hinirang. Napakalinaw din na sila na naniniwala sa mga nabanggit na pananaw ay nag-aangking ipinapangaral din nila ang ebanghelyo kapag ipinapahayag nila ang mga pananaw na ito. Parehong sasabihin sa iyo ng mangangaral na Arminian at Reformed na ipinapangaral nila ang ebanghelyo. Aasahan natin ang gayon. Walang mangangaral na hayagang magsasabi na ang kanyang ipinapangaral ay hindi ayon sa Biblia. Pareho nilang aangkinin, "Sinasabi ng Biblia"" Bukod pa rito, napakaliwanag, malibang pangatawanan mo ang imposibleng paniniwala na sinasalungat ng Diyos ang Kanyang sarili, na ang isa o ang isa pa sa pananaw sa itaas ay sang-ayon sa mga Kasulatan, at sangkap ng tunay na pangangaral ng ebanghelyo. At sinumang hindi nagpapahayag ng anumang hindi sang-ayon sa Kasulatan ay hindi dapat magkunwari na ipinapangaral niya ang ebanghelyo ni Jesu-Cristo.

      Ano, kung gayon, ang paraan ng pagsusuri? Paano natin matutukoy kung alin sa mga nabanggit ang Salita ni Cristo sang-ayon sa mga Kasulatan? Tandaan mo, ang tanong ay hindi kung ano ang nais mo o nais kong isipin tungkol sa katanungang ito. Hindi ito kung alin sa dalawang "ebanghelyong" ito ang mas popular, na waring nagreresulta sa mas maraming bunga, na inaakalang mas katanggap-tanggap, mas nakaka-akit, mas nakakabagbag ng damdamin. Ang tanong ay hindi kung ano ang pinaniniwalaan ng teyologong ito o niyon. At, bagamang tunay mong minamahal ang iyong simbahan, hindi ito tanong kung ano ang tinuturo ng iyong simbahan. Ang totoo, kung talagang mahal mo ang iyong simbahan, tiyak na ayaw mong lumakad ang iyong simbahan sa kamalian. Ang tanging katanungan ay: ano ang sinasabi ng Salita ng Diyos? At hayaang ang bawat seryosong Cristiano, na nagnanais na lumakad na sumusunod sa kalooban ni Cristo, at nagnanais na maging tapat ang simbahan sa kanyang pagkatawag na ipangaral ang ebanghelyo, ay pasakop sa Salita. Hindi mo kinakailangang yumukod sa akin o sa aking salita; subalit kailangan mong yumukod kasama ko sa Salita ng Diyos! At maaasahan mong magiging napakaliwanag ng Salita ng Diyos hinggil sa katanungang ito.

      Pangatlo, ang katanungang ito na, "Sino ang iniibig ng Diyos?" ay lubhang napakahalaga sapagkat kung mayroon mang panahon kung kailan ang komunidad ng Reformed ay tumayo sa pinakakritikal na paninindigan tungkol sa pangangaral ng ebanghelyo, iyon ay ngayon. Ibayong tapang at diretsahang tinuturo ngayon sa mga grupong Reformed na mahal ng Diyos ang lahat ng tao. Pinanghahawakan din na ang doktrinang ito, na buong giting na kinalaban ng Dakilang Synod ng Dordrecht, ay Calvinism. Lalo pang dumarami ang mga simbahang Reformed na nakikipag-isa sa mga Arminians at sinasamahan pa sila sa pagsuporta sa mga mapusok na kilusang pang-evangelism. Bilang halimbawa ng ganitong lantarang Arminianism hayaan akong bumanggit mula sa mga panulat ng isang propesor ng isang seminaryong Reformed tungkol sa talatang ito sa Juan 3:16:

      "Gaano nagmahal ang ang Diyos? Gayon nga kalaki na ibinigay Niya ang Kanyang bugtong na Anak. Gayon nga kalaki na hinubaran Niya ang kanyang sarili ng karangalan; ibinigay Niya ang Kanyang sarili. Ang halaga ng pag-ibig ay ipinahiwatig ng halaga ng kaloob. Nangangahulugan iyon ng walang hanggang pag-ibig.

      "Pag-ibig na walang limitasyon! Ang gayon bang walang limitasyong pag-ibig ay limitado sa kanyang nasasaklawan? Ang pag-ibig ba na hindi nahahadlangan ay mahahadlangan mula sa mga iniibig nito? Ang kaya lamang bang ibigin ng walang hanggang pag-ibig ng pagkakatawang-tao ay ang bahagi lamang ng sangkatauhan? Hindi. Ni hindi ito ang tinuturo ng Biblia. Manapa ay sinasabi sa atin, "Sapagkat gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan na ibinigay." Kahit na ang tinutukoy ay cosmos o ang sangkatuhan, ang "sanlibutan" sa talatang ito ay maliwanag na saklaw ang lahat ng tao. Walang puwersa sa paghahanap sa kahulugan ng Biblia ang maglilimita sa napakapagtutubos na pag-ibig ng Diyos upang iukol sa anumang espesyal na grupo. Ni hindi ang lenggwahe ng bersikulong ito o ang malawakang konteksto ng Kasulatan ang magpapahintulot ng iba pang pakahulugan kundi ang mahal ng Diyos ang lahat ng tao."

At muli, pansinin ang lantarang pangungusap na ito:

      "Kung hindi handa ang Iglesya na sabihin sa anumang kahulugan na namatay si Cristo para sa lahat ng tao at tumatangging idagdag na sabihin sa mga di-mananampalataya na "Mahal ka ng Diyos," Namatay si Cristo para sa iyo," nilalagay nito ang walang hangganang pag-ibig ng Diyos sa hindi matuwid na paglilimita."

Ngayon, kung iyon ang direksyong nais tahakin ng mga taong Reformed hayaan silang hayagang itanggi na ang Reformed na posisyon at ang mga kumpesyong Reformed ay hindi naaayon sa Kasulatan. Ngunit hindi dapat malinlang ang sinuman na ang ganitong Arminianism ay may pagkakatulad sa pananampalatayang Reformed. Hindi ito magkatulad. At hayaang ang lahat na nagsisiibig sa katotohanan ng Salita ng Diyos at nagnanasang maging tapat sa Salitang iyon ay suriin ang usaping ito kasama ko. Ilagay natin ang tanong na ito sa pagsusuri ng Banal na Kasulataan. Sino ang iniibig ng Diyos?

 

Ang Pag-ibig ng Diyos ayon sa Kasulatan

      Ang tugon ng teksto natin sa Juan 3:16 ay, "Sapagkat gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan""

      Una, tanawin natin ang paksa mula sa aspeto ng salitang "sanlibutuan" sa Kasulatan. Tinutukoy nga ba ng kataga ang lahat ng tao? Madalas itong itinuturo. At inaamin kong ito ay isang palagay na napakadaling gawin. Walang alinlangang napakarami ng walang-pagsusuring tumatanggap ng ganitong pahayag, at naniniwalang ang Juan 3:16 ay nangangahulugang iniibig ng Diyos ang lahat ng tao.

      Subalit isalang natin ito sa ilang mga pagsubok ng Kasulatan. Una, suriin natin ang ilang talata ng Kasulatan na ginagamit ang gayon ding kataga.

      Sa panalangin bilang punong-pari ng Panginoong Jesus, na itinala para sa atin dito rin sa ebanghelyong salaysay ni Juan, kabanatang 17, bersikulo 8 at 9, mababasa natin: "Sapagkat ang mga salitang ibinigay mo sa akin ay ibinigay ko sa kanila, at kanilang tinanggap, at totoong nalaman na ako ay nagmula sa iyo, at naniwala silang ikaw ang nagsugo sa akin. Idinadalangin ko sila. Hindi ang sanlibutan ang idinadalangin ko, kundi para doon sa mga ibinigay mo sa akin, sapagkat sila'y iyo." Mula sa talatang ito, kung ihahambing sa Juan 3:16, maliwanag, una, na ang katagang "sanlibutan" dito sa Juan 17 ay hindi katulad ng sa Juan 3. Ito ay maliwanag sa simpleng punto na hindi nananalangin si Jesus para sa "sanlibutan" na ito. At tiyakan, na kalapastanganan na ipalagay na hindi ipinapanalangin ng Panginoong Jesu-Cristo ang sanlibutan na iniibig ng Diyos. Pangalawa, maliwanag na ang katagang "sanlibutan" sa Juan 17 ay hindi maaaring mangahulugang "lahat ng tao." Ito ay binibigyang linaw ng katotohanang gumawa ang Panginoong Jesus ng malinaw na pagtatangi sa pagitan ng Kanyang mga alagad, na sumampalataya na Siya ay sinugo ng Ama, na ibinigay kay Jesus, at pagmamay-ari ng Ama, sa isang dako, at ang sanlibutan, sa kabilang dako. Pansinin: "Idinadalangin ko sila. Hindi ang sanlibutan ang idinadalangin ko, kundi para doon sa mga ibinigay mo sa akin, sapagkat sila'y iyo." Pangatlo, maliwanag din na sa Juan 17 na ang mga taong iniibig ng Diyos ay eksaktong hindi nga ang sanlibutan, kundi mga taong ibinigay ng Ama kay Cristo na itinatangi sa sanlibutan.

      Dumako naman sa I Juan 2:15-17. Mababasa natin doon: "Huwag ninyong ibigin ang sanlibutan, ni ang mga bagay na nasa sanlibutan. Ang pag-ibig ng Ama ay wala sa sinumang umiibig sa sanlibutan. Sapagkat ang lahat na nasa sanlibutan, ang masamang pagnanasa ng laman, ang pagnanasa ng mga mata, at ang pagmamataas sa buhay, ay hindi mula sa Ama kundi sa sanlibutan. Ang sanlibutan at ang pagnanasa nito ay lumilipas, ngunit ang gumagawa ng kalooban ng Diyos ay nananatili magpakailanman." Dito muli, maliwanag na ang katagang "sanlibutan" ay hindi maaaring mangahulugang lahat ng tao, at hindi ito maaaring magkaroon ng katulad na kahulugan gaya ng sa Juan 3:16. Dahil, una, maaari bang ibigin ng Diyos ang sanlibutuan, at uutusan Niya ang Kanyang mga anak, "Huwag ninyong ibigin ang sanlibutan, na siya ring sanlibutan na aking iniibig." At, pangalawa, ang sanlibutan na tinutukoy ng I Juan 2 ay lumilipas. At posible ba na ang sanlibutang iniibig ng Diyos ay lilipas din pala. Ang itanong ang mga tanong ay sagutin din ang mga iyon.

      Dalawa lamang ang mga ito sa maraming talata sa Biblia kung saan makikita ang katagang "sanlibutan." Ngunit saan man makikita ang katagang iyon sa Kasulatan, at anupaman ang maging kahulugan ng katagang "sanlibutan" maaari mong subukin ang bawat talata, at matutuklasan mo na ang kataga ay maliwanag na hindi nangangahulugang lahat ng tao. Hindi maaaring igiit ang maling palagay na ito sa pamamagitan ng puwersa ng pagtuklas sa kahulugan ng talata sa Biblia.

      Pangatlo, huwag nating kalimutan na ang Kasulatang nangungusap tungkol sa pag-ibig ng Diyos ay nangungusap din tungkol sa kabaligtaran ng Kanyang pag-ibig, ang Kanyang banal na galit. Ngayon kung totoong iniibig ng Diyos ang lahat ng tao, dapat ay totoo ring wala Siyang kinapopootang tao. Subalit kung ang mga Kasulatan ay hindi malalabag, at kung gayon ay ipapakita ng mga Kasulatang ito na napopoot ang Diyos sa kahit isang tao lamang, marapat lamang na maging kongklusyon ay hindi iniibig ng Diyos ang lahat ng tao, ang katagang "sanlibutan" sa Juan 3:16 ay hindi maaaring mangahulugang lahat ng tao.

      Suriin natin ang Kasulatan na isinasaalang-alang ang katanungang ito.

      Sa Awit 5:4, 5 mababsa natin: "Sapagkat ikaw ay hindi isang Diyos na nalulugod sa kasamaan; ang kasamaan ay hindi mo kasamang naninirahan. Ang hambog ay hindi makakatayo sa iyong harapan, kinapopootan mo ang lahat ng mga gumagawa ng kasamaan." Sa Awit 11:5, 6 mababasa natin: "Sinusubok ng PANGINOON ang matuwid at ang masama, at kinapopootan ng kanyang kaluluwa ang nagmamahal sa karahasan. Sa masama ay magpapaulan siya ng mga baga ng apoy; apoy at asupre at hanging nakakapaso ang magiging bahagi ng kanilang saro." At sa Roma 9, isang kabanata na napakahalaga para sa kabuoang tanong na ito, mababasa natin sa bersikulo 10-13:

      "At hindi lamang iyon; kundi gayundin kay Rebecca nang siya"y naglihi sa pamamagitan ng isang lalaki, na si Isaac na ating ama. Sapagkat bagaman ang mga anak ay hindi pa isinisilang, at hindi pa nakakagawa ng anumang mabuti o masama, (upang ang layunin ng Diyos ay manatili alinsunod sa pagpili, na hindi sa pamamagitan ng mga gawa, kundi doon sa tumatawag) ay sinabi sa kanya, "Ang nakatatanda ay maglilingkod sa nakababata." Gaya ng nasusulat, "Si Jacob ay aking minahal, ngunit si Esau ay aking kinasuklaman.""

      Mula sa mga talatang ito ganap na maliwanag na mayroong galit o poot ng Diyos kung paanong may pag-ibig ng Diyos, at may ilang tao ang pinag-uukulan ng pagkapoot ng Diyos, habang ang iba ay pinag-uukulan ng pag-ibig ng Diyos.

 

HINDI Iniibig ng Diyos ang Lahat ng Tao

      Kaya, ang ating sagot sa unang katanungan, "Sino ang iniibig ng Diyos?" ay isang negatibo: Hindi iniibig ng Diyos ang lahat ng tao. Buong pagsunod tayong yumukod sa malinaw na Salitang ito ng Diyos.

      Kaya, ang iproklama na iniibig ng Diyos ang lahat ng tao ay kabulaanan, at taliwas sa utos sa Iglesya na ipangaral ang Salita. Dagdag pa, ang gayong pekeng-ebanghelyo ay wala ng iba kundi kapinsalaan sa personal na katiyakan ng isang Cristiano ng pag-ibig ng Diyos. At tandaan mo, sa tinagal-tagal ng pagsasaalang-alang sa mga salitang ito, iyon pa rin ang pinakamahalagang personal na katanungan: Mahal ba ako ng Diyos?

      Susunod, saliksikin natin ang mahalagang katanungang iyon, Mahal ba ng Diyos ang lahat ng tao? Mula sa ibang aspeto, ang pag-ibig ng Diyos mismo.

      Una, pansinin natin na mariing nangungusap ang teksto tungkol sa pag-ibig ng Diyos. Tiyakang ipinahihiwatig nito na ang pag-ibig ng Diyos ay makapangyarihan kung paanong Siya ay makapangyarihan, soberano kung paanong Siya"y soberano, hindi nagbabago kung paanong Siya Ang Hindi Nagbabago, at kaya ang pag-ibig ng Diyos ay may banal na kakayahang hanapin, matagpuan at mailigtas ang pinaglaanan nito. Kaya kung gayon kadakilang inibig ng Diyos ang sanlibutan na ibinigay Niya ang Kanyang bugtong na Anak para sa kaligtasan ng sanlibutang iyon, mangyayari kaya na ang sanlibutan, o anumang bahagi ng sanlibutang iyon, ay mapapahamak? Ngunit maliwanag na tinuturo sa atin ng mga Kasulatan mismo na hindi naliligtas ang lahat ng tao. May libu-libo at milyun-milyong tao ang hindi makikita ang buhay na walang hangggan, na hindi hinipo ng pag-ibig na ito ng Diyos. Kaya maliwanag ang pagpipilian. Maaari mong paniwalaan na iniibig ng Diyos ang lahat ng tao, at pagkatapos ay tatanggapin mo ang resulta na ang pag-ibig ng Diyos na ito ay inutil upang abutin at iligtas ang iniibig nito at makamit ang layunin nito " na ang isipin ito ay kalapastanganan; o kaya"y dapat mong kilalanin na ang makapangyarihan, soberano, mabisang pag-ibig ng Diyos ay hindi para sa lahat ng tao.

      O, pangalawa, isaalang-alang mo ang pag-ibig ng Diyos sa aspeto ng kapahayagan nito, na ito ay ang, kaloob ng Diyos ng Kanyang tangi o bugtong na Anak. Ang pag-ibig na iyon ng Diyos ay nakakapagtubos. Ibinigay ng Diyos ang Kanyang Anak sa kalubusan ng mga panahon, upang mamatay Siya sa kamatayan sa krus, at upang maihandog Niya ang Kanyang sarili sa altar ng matuwid na pag-ibig ng Diyos bilang perpektong hain para sa kasalanan, para sa mga kasalanan nila na iniibig ng Diyos. Posible kaya na ang kaloob ng Diyos ng Kanyang Anak ay maaaring ganap o bahaging walang kabuluhan? Kung gagawin natin itong kongkreto, maaari kaya na isang patak ng Kanyang mahalagang dugo ay pumatak para sa isang tao, at ang taong iyon ay mapapahamak magpakailan man? Ngunit iyon ang dapat na maging kongklusyon kung panghahawakan natin kung iniibig ng Diyos at ibinigay Niya ang Kanyang bugtong na Anak para sa lahat ng tao.

      O muli, isaalang-alang mo ang pag-ibig na iyon ng Diyos, ikatlo, sa aspeto ng pagpapahayag nito. Milyun-milyong katao, mula sa luma at bagong tipan, ay hindi nakarinig tungkol sa pag-ibig ng Diyos. Iyon ay, hindi ito naipangaral sa kanila. Subalit posible kaya na iibigin ng Diyos ang sinuman, iibigin ito ng gayon kadakila na ibinigay Niya ang Kanyang bugtong na Anak para sa kanya, pagkatapos ay hindi sasabihin sa taong iyon ang tungkol sa pag-ibig Niya? Isa iyong kataka-takang pag-ibig ng Diyos. Sasabihin mo, marahil, na kasalanan iyon ng simbahan sa kabiguan nitong ipangaral ang ebanghelyo sa lahat ng tao? Subalit hindi ba ang soberano at makapangyarihang kakayahan ng Diyos ang dahilan upang maipangaral ang ebanghelyo saan man Niya naisin? At hindi ba ang nasasaklawan ng pangangaral ng ebanghelyo ay isang bagay ng Kanyang soberanong pagpapasiya at pagsusugo? Paano sila mangangaral, kung hindi sila sinugo " sinugo ng Diyos kay Jesus?

 

Iniibig ng Diyos ang Kanyang Hinirang na Bayan

      Ngunit harapin natin nang positibo ang katanungan: sino ba ang iniibig ng Diyos? Sino ang inibig ng Diyos nang eternal? Sino ang inibig ng Diyos nang gayon kadakila na ibinigay Niya ang Kanyang bugtong na Anak?

      Ang sagot ng Juan 3:16: iniibig ng Diyos ang sanlibutan, ang kosmos. Ang pangkalahatang kahulugan ng katagang iyon ay harmonya, kaayusan, kagandahan. Ang kataga nating "cosmetics" ay hango rito. At ang kataga ay ginagamit upang tukuyin ang nilikhang sansinukob, lahat ng nilalang sa langit at sa lupa, bilang isang-katawang kabuuan, sa aspeto nitong may kaayusan at harmonya. Ang pangunahing ideyang ito ay hindi nawawala sa katagang may iba"t ibang gamit sa Kasulatan. Ang katagang "sanlibutan" sa Kasulatan ay madalas na tumutukoy sa sangkatauhan, o sa bahagi ng sangkatauhan. Subalit dahil ang tao ay napakalapit ng kaugnayan sa sanlibutang nasa labas niya, ang totoo"y, tumatayo siyang ulo o pangulo ng sansinukob na ating nakikilala, nabubuhay at kumikilos at umuunlad sa sansinukob na iyon, ang salitang "sanlibutan," bagamang isinasaalang-alang nito ang tao, ay hindi inihihiwalay ang sansinukob, kundi kinikilala ang sangkatauhan bilang nakaugnay na kaisang-katawan sa maayos na kabuuan ng lahat ng nilikha.

      At yamang ang katulad na katagang "sanlibutan" na ginagamit sa Kasulatan ay tinutukoy ang kalahatang itinakwil (rebrobate), na mga masasamang tao, habang sila"y nasa kadiliman, at habang ipinapailalim nila sa kanilang sariling makasalanang kaisipan at kalooban, ang lahat ng bagay sa kanilang sansinukob, ginagamit ito sa Juan 3:16 upang tukuyin ang kalahatan ng mga hinirang (elect) bilang isang-katawan, ang katawan ni Cristo, ang iglesya, muli kaugnay ng buong sansinukob. Lagi nating dapat tandaan na sa Kanyang mga hinirang ang Diyos ay hindi lamang nagliligtas ng mga indibidwal na tao. Ang Diyos ay nagliligtas ng isang organismo, isang buong mundo!

      Ipinapakahulugan niyon, una, na kapag inililigtas ng Diyos ang Kanyang mga hinirang kay Cristo Jesus, inililigtas Niya ang totoong organismo (o isang-katawan) ng sangkatauhan. Maraming indibiduwal na tao ang napapahamak; subalit ang sangkatauhan ay inililigtas. Subalit, pangalawa, mayroon pang ginagawa ang Diyos. Hindi lamang ang hinirang na katawan ni Cristo ang inililigtas, kundi inililigtas ng Diyos at inihahatid Niya sa kaluwalhatian ang buong sangnilikha. Ang buong sangnilikha, na dumaraing at naghihirap sa pagdaramdam hanggang ngayon, na napapailalim sa kawalang kabuluhan dahil sa kasalanan at sa sumpa, ay makikibahagi sa maluwalhating paglaya ng mga anak ng Diyos. Ang buong sanlibutan ng mga hinirang Diyos at ng buong sangnilikha, na tatanawin sa pagiging isang-katawan nila, ang iniibig at inililigtas ng Diyos. Ang katotohanang ito, na inililigtas ng Diyos ang isang organismo, ay ipinapaliwanag din kung bakit, bagamang maraming indibiduwal na nilalang ang napapahamak, ang sanlibutan pa rin ay inililigtas. Kung, halimbawa, ang isang maghahalaman ay lumabas upang pungusan (prune) ang kanyang mga punong kahoy, at kasalukuyang nakabunton ang mga sanga sa lupa at nasunog, hindi mo sasabihin na sinira niya ang kanyang mga puno at hardin. Hindi, ang mga puno ay iniligtas; naroon pa rin ang halamanan. Subalit ilang indibidwal na sanga ang nawala. Kaya, hindi silang mga tao na napahamak, kundi sila na naligtas ang bumubuo, kasama ang sangnilikha, sa sanlibutang iniibig ng Diyos. Kapag ang mga taong iyon na napahamak ay kahuli-hulihang inihiwalay sa sanlibutang iyon sa araw ng paghuhukom, ang sanlibutan pa rin ang iniligtas. Ang sanlibutan ng Juan 3:16 ay ang sanlibutang nakay Cristo, ang Panganay sa lahat ng nilalang, ayon sa kaisipan ng Diyos sa Kanyang eternal at soberanong panukala, at mahahayag ito pagdating ng araw at makikita sa perpektong harmonya at makalangit na kagandahan at kaluwalhatian, pinagkaisa sa Anak ng Diyos.

      Ang sanlibutang iyon ang inibig ng Diyos.

 

Ang Malalim at Pinagpalang Hiwaga

      Ang talata ay nangungusap tungkol sa isang malalim at pinagpalang hiwaga, isang hiwaga na lalong lumalalim at lalong pinagpapala habang tayo na, mga kaawa-awa, miserable, at masasamang nilalang mula sa alabok ay sandaling hihinto upang isaalang-alang ang kahanga-hangang bagay na ito.

      Sandaling isa-alang-alang ang kahulugan niyong isa, simple at madalas ulit-uliting katotohanan: Iniibig ng Diyos ang sanlibutan.

      Ibig sabihin nito na sa Kanyang soberano at eternal at hindi nagbabagong kaisipan namalas ng Diyos ang sanlibutang iyon sa kanyang perpektong kagandahan kay Cristo Jesus, ang Panganay ng lahat ng nilalang, at pinag-isa ang sanlibutang iyon sa kanyang banal na maka-Amang puso sa bigkis ng kasakdalan. Ang Kanyang puso ay nakatuon sa sanlibutang iyon. Siya ay naaakit sa sanlibutang iyon. Bagamang sa loob ng daloy ng panahon ang sanlibutang iyon sa kanyang sarili ay nahulog sa kasalanan at kapighatian, at napailalim sa sumpa, inibig pa rin ng Diyos ang sanlibutan. Inasam Niya ang sanlibutang iyon. Hindi Siya mapapahinga, sabi nga, hangga"t hindi Niya nahahanap ang sanlibutuang iyon, iligtas ito, hatakin ito patungo sa Kanya sa pamamagitan ng mga tali ng pag-ibig, at hawakan ito nang mahigpit sa Kanyang puso, ligtas sa kanlungan ng buhay na walang hanggan, kung saan igagawad Niya lahat ng patunay ng Kanyang pag-ibig sa sanlibutang iyon sa kalubusan ng perpeksyon.

      Isaalang-alang din: inibig ng Diyos ang sanlibutan. Hindi lamang inibig ng Ama, ang Unang Persona ng Banal na Trinidad, ang sanlibutan. Hindi lamang inibig ng ating Panginoong Jesu-Cristo ang sanlibutan. Tiyak namang hindi kinapootan ng Diyos ang sanlibutan, ngunit dumating ang ating Panginoong Jesu-Cristo at sa pamamagitan ng Kanyang kamatayan at pagtutubos ay binago Niya ang galit ng Diyos at pinalitan ito ng pag-ibig. Ngunit ang Diyos, ang walang hanggang pinagpalang Trinitaryong Diyos, ay inibig ang sanlibutan. Ang pag-ibig na ito ay buhat sa Ama, sa pamamagitan ng Anak at sa Espiritu Santo. At kung paano ang pag-ibig, gayon din ang kaloob ng Trinitaryong Diyos. Ibinigay ng Ama ang Anak sa pamamagitan ng Espiritu Santo, at ibinigay ng Anak ang Kanyang sarili sa pamamagitan ng Espiritu Santo.

 

Ang Kadakilaan ng Pag-ibig ng Diyos

      O, kung itatanong mo, "Gaano kalaki ang pag-ibig ng Diyos?" hindi mo dapat limitahan ang walang limitasyong katangian ng pag-ibig na iyon sa pamamagitan ng paggamit ng panukat na iniibig ng Diyos "ang lahat ng tao." At kahit na gayon, iyon pa rin ay pagtatangkang isalarawan ang walang hangganang pag-ibig ng Diyos sa pamamagitan ng mga may hangganang salita. Tunay na ang pag-ibig ng Diyos ay walang hangganan. Ito ay walang limitasyon. Wala itong hangganan. At ipinapahayag ito ng aking talata hindi sa aspeto ng mga iniibig, kundi sa kahanga-hanga at mahiwagang aspeto ng kapahayagan ng pag-ibig na iyon. Gaano umiibig ang Diyos? Ibinibigay ng talata ang sagot: "Sapagkat gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan na ibinigay niya ang kanyang tanging Anak!"

      Isipin mo ito. Ah, kung tatanawin mo ang krus ng Kalbaryo sa labas ng kapahayagan, isang pangkaraniwang tao lamang ang makikita mo roon na nakabayubay sa krus. At sa pangkaraniwang taong iyon ay hindi mo mamamasdan ang walang hanggang pag-ibig ng Diyos. Subalit ang salita ng krus ay: ibinigay ng Diyos ang Kanyang tanging Anak! At sa tanging Anak na iyon, na napako sa krus ng Golgota, ay sumisinag ang kahanga-hangang liwanag ng pag-ibig ng Diyos tungo sa ating kadiliman, tumatagos, lumalagos at nilalamon ang kadiliman ng kahatulan at kamatayan. Ang pag-ibig na iyon ay singlakas ng kamatayan. Ang paninibugho nito ay singlupit ng libingan. Ang mga uling nito ay mga uling ng apoy, na may mabangis na ningas. Hindi kayang sugpuin ng maraming tubig ang pag-ibig na iyon; ni kahit na ang lahat ng baha ng ating mga kasalanan at kasamaan ay kayang lunurin ito. Sapagkat ibinigay ng Diyos ang Kanyang tanging Anak! Ibinigay Niya Siya na nasa dibdib ng Ama, Siya na laman at kinatawan ng lahat ng Kanyang pag-ibig, Siya kung kanino natitipon lahat ng walang hanggang pag-ibig ng Diyos, Diyos buhat sa Diyos, Liwanag buhat sa Liwanag, ang Kanyang tanging Anak, ang Kanyang lahat, ang Kanyang Sarili.

      Ibinigay Siya ng Diyos! Ibinigay Niya Siya na walang bayad. Ibinigay Niya Siya, hindi dahil obligado Siyang gawin iyon, kundi nais Niyang gawin iyon, nais Niyang ipahayag ang Kanyang walang hanggang pag-ibig. Ibinigay Niya Siya hindi dahil karapat-dapat ang sanlibutan sa kaloob Niyang iyon, kundi mula sa walang bayad, soberanong biyaya. At Kanyang ipinaubaya Siya, samakatuwid ay, ibinigay Niya Siya bilang sakripisyo para sa kasalanan, ibinigay Siya hanggang kamatayan, ang kamatayan sa krus, at ibinuhos sa Kanyang ulo ang lahat ng sisidlan ng Kanyang mabagsik at banal na poot. Hiwaga ng mga hiwaga! Isinuko ng Diyos ang Diyos! Ah, hindi mo ba nakikita na eksaktong ito ang pambihirang malalim na punto ng Salitang ito ng Diyos? Ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan ay tumumbas ng halaga sa Kanya! Tumumbas ito sa Diyos ng Kanyang lahat!

      Dahil, una, tandaan na ang Persona ng Anak ng Diyos ang dumating sa wangis ng makasalanang laman. Inako Niya ang lahat ng ating mga kasalanan, at naghirap at namatay sa Kalbaryo. At tiyak, maingat nating sinasabi na sa Kanyang kalikasang Diyos hindi Siya naghirap at hindi Siya maaaring maghirap; ang lahat ng hirap ng kamatayan at impyerno ay pinagdusahan ng Kanyang kalikasang tao. Subalit hindi rin natin dapat unawain iyon na magbubunsod sa ating tiyakan na nating mawasak ang hiwaga na ang Anak ng Diyos pa rin ang nagdusa sa krus! Bagamang ang lahat ng hirap ng Kalbaryo ay pinagdusahan sa kalikasang tao lamang, idinadako tayo ng Salita ng Diyos sa katotohanan na sa Kalbaryo ay namalas mo ang paghihirap ng Anak ng Diyos, at sa pamamagitan ng paghihirap na iyon ay masusukat mo ang walang hanggang taas at lalim ng pag-ibig ng Diyos. Dahil, ikalawa, kahit na sa Kalbaryo ay hindi mo pangangahasang paghiwa-hiwalayin ang Tatlong Persona ng Banal na Trinidad. Katotohanan, na ang Persona ng Anak ng Diyos ang namatay sa Golgota; ngunit ang Kanyang kamatayan ay kapahayagan ng pag-ibig ng Trinitaryong Diyos! Diyos mismo ang nagdusa sa mga hirap ng kamatayan sa laman ng ating Panginoong Jesu-Cristo. O, dili kaya"y, maiisip mo ba na ang Ama at ang Espiritu Santo ay nanonood na lamang na walang pakiramdam habang ang bugtong na Anak ay namatay sa krus? Hindi, imposible iyon! Ang mensahe ng pag-ibig ng Diyos, ang Salita ng krus, ay ito: hindi ipinagkait ng Diyos ang Kanyang sariling Anak! Noong kailangan Niyang mamili kung ibibigay Niya ang Kanyang tanging Anak o hahayaan Niyang mapahamak ang sanlibutan, gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan na ibinigay niya ang kanyang tanging Anak upang mamatay sa krus.

      Ito ang kapahayagan ng walang hanggang pag-ibig ng Diyos. At ang layuning nakamit ng pag-ibig na iyon ay buhay na walang hanggan: "upang ang sinumang sa kanya"y sumampalataya ay huwag mapahamak kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan." Ang sanlibutan sa ganang kanya ay napapahamak dahil sa kasalanan at kahatulan at kabulukan. Gayon kalakas ang kapangyarihan ng kasalanan at kahatulan na walang magagawang paraan sa kanyang sarili ang sanlibutan. Ngunit ang sanlibutang iyon ay maliligtas sa pamamagitan ng kamatayan at muling pagkabuhay ng Anak ng Diyos. Lahat ng kapangyarihan ng kaligtasan, ng karunungan at katuwiran at pagbabanal at kumpletong katubusan, ay nasa Kanya. At hiwalay sa Kanya na Siyang buhay at muling pagkabuhay ay walang buhay para sa sanlibutan. Ang sanlibutuang iyon, kung gayon, ay dapat maipag-isa sa Anak ng Diyos, at sa pamamagitan Niya ay maipag-isa sa puso ng Diyos. Dapat itong maging isa kasama Niya, makabahagi sa Kanyang kamatayan at muling pagkabuhay. At ang bigkis o buklod na nag-uugnay sa sanlibutan sa Kanya ay ang pananampalataya. Ang pananampalataya ay ang kaloob ng Diyos na bigkis ng pakikipag-isa kay Cristo. Ang aktibidad na nagmumula sa bigkis na iyon ay ang gawa ng pagsampalataya, kung saan ang isang tao ay may kamalayang kumakapit kay Cristo, ang tanging Anak ng Diyos, bilang kapahayagan ng nakakapagtubos na pag-ibig ng Diyos.

      At kaya nga sinasabi ng Salita ng Diyos: "ang sinumang sa kanya"y sumampalataya ay huwag mapahamak kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan." Lahat, walang eksepsyon, ng sumasampalataya ay hindi mapapahamak. Mayroon silang buhay na walang hanggan ngayon, sa prinsipyo. Magpapatuloy sila hanggang wakas, iniingatan sa kapangyarihan ng walang hanggang pag-ibig ng Diyos. At sa araw ng ating Panginoong Jesu-Cristo magkakaroon sila ng buhay na walang hanggan sa perpeksyon. At sila"y dadalhin ng Diyos sa Kanyang puso, at ikasisiya nila ang pinakamataas na katuparan ng tipan ng pakikipagkaibigan ng Diyos sa Kanyang makalangit na tabernakulo, at makikita Siya nang mukhaan.

      Bilang kongklusyon, balikan natin ang orihinal na tanong, at itanong natin ito bilang personal na tanong. Sino ang iniibig ng Diyos? Iniibig ka ba Niya? Iniibig ba Niya ako? Tanong ko: sumasampalataya ka ba sa tanging Anak ng Diyos? Kung gayon ay may katiyakan ka ng pag-ibig Niya, doon lamang, at doon may katiyakan. Kaya makakamtan mo ngayon at magpasawalang hanggan ang regalo ng buhay na walang hanggan. At tandaang mabuti: hindi dahil sumampalataya ka, kundi dahil inibig ka ng Diyos, inibig ka ng isang eternal, soberano, hindi nagbabagong pag-ibig. Luwalhati sa Kanyang Pangalan!

 

 

 

Pillars in God"s Temple

 

Augustus Montague Toplady

(1740"1778)

Christian Joy B. Alayon

 

Ang tunay na iglesya ay hindi nilulubayan ng mga pag-atake ng dyablo. Gumagamit siya ng maraming kasangkapan upang usigin at sawatahin ang katotohanan. Ang Diyos naman ay palaging tumatawag ng Kanyang mga lingkod upang labanan ang kabulaanan at lahat ng sumisira sa katotohanan. Isa si Augustus Montague Toplady sa tinawag ng Diyos upang ipaglaban ang katotohanan ng biyayang partikular lamang sa mga hinirang. Makapangyarihan, tuso, at hindi patas ang kanyang kalaban. Subalit si Toplady ay tapat na nakipaglaban, na hindi namamatay ang apoy sa puso, para sa katotohanan. Sandaling panahon lamang siyang nabuhay, 38 taon lamang, subalit kinasangkapan ng Diyos upang magpatotoo sa Ebanghelyo hanggang sa banig ng karamdaman at kamatayan.

 

Ang Ebanghelyo ng biyaya ng Diyos ay nagbunga ng dalawang bagay kay Toplady. Una, sa harapan ng kanyang mga kalaban, ay buong katapangan at walang humpay siyang nakipaglaban na hindi humihingi ng paumanhin. Oo, hinubog siya ng Ebanghelyo upang harapin nang walang takot at kompromiso ang isa sa pinakabantog at mapanganib na kaaway ng Ebanghelyo, si John Wesley. Hindi maiiwasan ninuman, kapag sinaliksik ang talambuhay ni Toplady, na makita kung paanong kanyang buong giting na nilabanan ang Arminianismo ni John Wesley hanggang sa kanyang kamatayan. Ikalawa, ang Ebanghelyo ay labis na umantig sa kanyang pagkatao na ang kanyang katapangan sa harap ng mga kaaway, ay napapalitan ng kaamuan at labis na pagmamahal sa harap ng Diyos. Ito"y pinatotohanan ng mga nakasama niya hanggang sa kamatayan. Sino bang mag-aakala na ang isang napakatapang na mangangaral at manunulat ay nagsusulat ng mga tula at imno na punong-puno ng kaamuan? Sino ba ang hindi nakakaalam ng imnong Rock of Ages, o kaya ay magsasabing "walang puso ang taong may akda nito"?

 

Ang Kanyang Buhay

 

Siya ay isinilang sa Farnham, Surrey, noong Nobyembre 4, 1740. Ang kanyang ama ay si Richard Toplady, isang sundalong mayor na namatay sa pagkubkob ng Carthagena, sandaling panahon matapos isilang si Augustus. Lumaki siya sa pangangalaga ng kanyang pinakamamahal at pinakaiingat-ingatang ina, si Catherine. Ang kanyang tiyuhin na kasama ng kanyang ina na sumubaybay sa kanya, si Uncle Julius, Rector ng St. Paul, Deptford, ay isang mahigpit na tagadisiplina sa kanya.

 

Nag-aral siya sa Westminster at Trinity College, Dublin. Habang nasa Ireland siya, naakit siya sa pangangaral ni James Morris noong August, 1755. Si James Morris ay tagasunod ni John Wesley. Sandaling panahon din siyang naging tagasunod ng bulaang mangangaral na si John Wesley, subalit noong 1758 ay nakilala niya ang pananampalataya sa Ebanghelyo.

 

Inordenahan siya bilang diakono noong Hunyo 5, 1762. Kinalaunan naging curate siya sa Blagdon at naging vicar ng Harpford, Devon. Dalawang taon siyang nanatili rito bago lumipat sa Broadhembury upang maging vicar ng St. Andrew. Nanatili siya ng sampung taon hanggang sa pumanaw siya noong 1778 sa gulang na 38.

 

Si Toplady ay naging editor ng Gospel Magazine mula Disyembre 1775 hanggang June 1776 na ipinagpatuloy ang pakikipagtunggali laban kay John Wesley at sa pagsulong ng katotohanan sa mga pahina nito. Sandaling panahon lamang ito sapagkat siya ay nagkasakit ng tuberkulosis at umalis siya sa Broadhembury matapos payuhan na nakasasama sa kanya ang klima sa nasabing lugar. Naglingkod siya sa French Calvinist Reformed Church sa Orange Street sa loob ng nalalabing 2 taon ng kanyang buhay subalit hindi umigi ang kanyang kalusugan hanggang sa siya ay mamatay.

 

Bago siya pumanaw, namalagi siya sa kapayapaan na pinalalakas ang mga kaibigang dumaramay at nagmiministeryo sa kanya. Isang kaibigan ang nagsulat tungkol sa kanyang buhay. Nang sabihin ng kaibigang ito kay Toplady na malaking kawalan sa iglesya kapag siya ay kinuha na ng Diyos, ito ang nabigkas ni Toplady:

 

"Ano! Sa kamatayan ko? Hindi, hindi! Magagawa ni Jesu-Cristo, at gagawin Niya, sa pamamagitan ng akmang mga instrumento na ipaglaban ang Kanyang katotohanan. At tungkol sa maliliit na bagay na aking nagawa sa ganitong paraan, hindi sa akin, hindi sa akin, bagkus sa kanyang pangalan lamang, at doon lamang, ang kaluwalhatian."

 

Ang kanyang tapang sa pakikipaglaban ay tinapatan ng mga kaaway sa pamamagitan ng paninira sa kanya, sa puntong siya ay inaakusahang "dry" ang doktrina, isang akusasyong hanggang sa ngayon ay nararanasan ng mga nakikipaglaban alang-alang sa Ebanghelyo ng biyaya. Sinabi ni Toplady sa kanyang konggregasyon sa Orange Street bago siya pumanaw:

 

"Mahal kong mga kaibigan, ang mga dakila at maluwalhating katotohanang ito, na sa mayamang habag ng Panginoon ay ibinigay Niya sa akin upang sampalatayanan, at kinilos Niya ako (bagamang ako"y mahina) upang ito ay ipaglaban, ay hindi katulad ng sinasabi ng mga lumalaban dito, na mga tigang na doktrina at haka-haka. Hindi! Kapag ito ay dinala sa mga praktikal at taos-pusong karanasan, ito ay ang kagalakan at lakas ng aking kaluluwa, at ang kaaliwang dumadaloy mula rito ay umaakay sa akin nang higit na malayo sa panahon at diwa."

 

Sa loob ng isang oras bago siya pumanaw, ipinatawag niya ang kanyang mga kaibigan at lingkod, at tinanong sila kung sila"y handa na siya ay kunin na ng Panginoon. Matapos silang tumugon na sila ay handa na, yamang nalugod ang Diyos na maging mapagbiyaya sa kanya, ay winika ni Toplady:

 

"O, anong biyaya na kayo ay handang ako ay mapasa-kamay ng aking Manunubos, at mahiwalay kayo sa akin! Sandali na lang at ako ay kukunin na ng Diyos, sapagkat sino bang mortal na tao ang nanaising mabuhay, matapos masilayan ang kaluwalhatiang inihayag ng Diyos sa aking kaluluwa?"

 

Matapos ang mga salitang ito, ilang sandali pa, nalagutan siya ng hininga. Pumanaw siya noong Agosto 11, 1778 at inilibing sa Tottenham Court Chapel. Namatay siyang walang kapatid, walang asawa, at walang anak.

 

Kilala siyang may akda ng maraming imno at mga tula, pinakabantog ang "Rock of Ages", at ang kilalang koleksyon na Poems on Sacred Subjects (Dublin, 1759) at Psalms and Hymns for Public and Private Worship (London, 1776). Bantog din sa kanyang prose ang Historic Proof of the Doctrinal Calvinism of the Church of England (London, 1774).

 

"Rock of Ages"

 

Isinulat ni Toplady ang bantog na imnong Rock of Ages noong 1763. Ayon sa tradisyon (na tinanggihan naman ng ibang mananalaysay) isinulat niya ito habang nakakubli sa isang malaking siwang ng bato sa Burrington Combe, malapit sa Blagdon, dahil sa humahagupit na bagyo. Habang hinihintay niyang makalagpas ang bagyo, naisip niyang ihalintulad sa proteksyon ng malaking bato ang kanyang pananampalataya. Ayon pa sa kilalang istorya, ang mga titik niyon ay nasa kanyang isip subalit wala naman siyang dalang sulatan upang maisulat iyon. Pagyuko niya ay nakakita siya ng isang baraha (na itinuturing niyang isang masamang bagay). Kanyang pinulot iyon at isinulat ang unang mga liriko ng imno.

 

Ang kanyang isinulat ay unang inilimbag sa Gospel Magazine noong 1775, labindalawang taon matapos niya itong isulat.

 

Hanggang sa kasalukuyang panahon sa pag-aalaala sa kanya bilang may-akda ng imnong Rock of Ages ay bakas pa rin ang negatibong impresyon ng marami kay Toplady. Tulad na lamang ng maiksing debosyonal na isinulat nina William at Randy Petersen sa hulihan ng kanyang imno na nagsasabing: "Waring kataka-taka na ang isang malumanay na imnong tulad ng "Rock of Ages" ay kinatha ng isang masigasig at mahilig makipagtalong lalaking nagngangalang Toplady. Matapos mahikayat sa pangangaral ng isang ebanghelistang Metodista habang nag-aaral sa Unibersidad ng Dublin, nagpasiya si Toplady na mag-aral sa pagmiministeryo. Bagamang sa una"y napahanga sa diwa ng Methodism, mahigpit niyang kinalaban ang teolohiyang Arminian ng magkapatid na Wesley at pinasimulan ang patuloy na pakikidigma laban sa kanila sa pamamagitan ng mga pulyeto, mga sermon at maging mga imno. "Si Wesley," wika ni Toplady, "ay nagkakasala ng kawalang-hiyaan ni Satanas." Ganti ni Wesley, "Hindi ako pumapatol sa mga tagalinis ng tsimeneya."" (The One Year Book of Hymns)

 

Laban sa Arminianismo

 

Si Toplady ay naging mahigpit at mortal na kalaban ng Arminian na si John Wesley. Nagsimula ang kanilang mahigpit na labanan at palitan ng argumento noong 1769, matapos ang mapanghamak na mga puna ni John Wesley sa salin ni Toplady sa Latin sa isang treatise sa Calvinism. Mahigpit nilang pinaglabanan ang katotohanan ng soberanyong biyaya ng Diyos na kilala rin sa palayaw na Calvinism. Magiting na ipinagtanggol ni Toplady ang Ebanghelyo, samantalang si John Wesley naman ay tahasan itong niyurakan at mapamusong na kinilalang mula ito kay Satanas. Aktibo si John Wesley sa pagtatanggol sa Arminianismo na ipinangangalat ito sa kanyang pangangaral at pagsusulat sa peryodikong The Arminian Magazine. Hinamak nang husto ni Wesley ang kanyang sarili sa mapait, mapang-abuso, at hindi patas na pakikipag-argumento. Walang habas na kinalaban ni John Wesley ang Ebanghelyo at ipinalaganap ang kanyang kabulaanan sa puntong siya ay nagsinungaling, gumawa ng plagiarism (inangking gawa niya ang panulat ng iba), palsipikasyon, at paninirang-puri. Si Toplady ay 29 taong gulang pa lamang nang magsimula ang kanilang tunggalian. Si John Wesley ay higit na nakatatanda sa kanya, 70 taon siya noon. Inubos ni Toplady ang nalalabing maikling panahon ng kanyang buhay upang itaguyod ang Ebanghelyo laban sa mapanira at hayag na Arminian na si John Wesley.

 

Nauna nang nilabanan ni Toplady ang Arminianismo noong Marso 1768, nang may anim na estudyante sa Oxford ang pinatalsik dahil sa ang mga ito diumano ay hindi mga angkop na maginoo. Ang totoo, ang mga mag-aaral na iyon ay mga Calvinists at iyon ang dahilan ng pagtiwalag sa kanila. Ipinagtanggol ng Oxford ang kanilang pasiya sa pag-aangkin na ang ugat na doktrina ng iglesya ay Arminianismo. Si Toplady, palibhasa"y mahusay at masipag na mananaliksik sa larangan ng kasaysayan ng iglesya, ay gumawa ng lathalain na pinatutunayang ang opisyal at makasaysayang doktrina ng Church of England ay Calvinism, at sa katotohanan, ang mga artikulo sa kapahayagan ng pananampalataya ng iglesyang ito ay hindi masasang-ayunan ng isang Arminian.

 

Ang impluwensya ng Arminianismo ni John Wesley ay lumaganap kahit sa loob ng ilang mga iglesyang Calvinist. Dalawang taon matapos ang kontrobersiya sa Oxford, sumiklab ang tunggalian sa pagitan nina Toplady at John Wesley. Inilimbag ni Toplady ang kanyang salin ng Absolute Predestination ni Jerome Zanchius. (Una na siyang hinimok ni John Gill noong 1760 na ito ay ipalimbag, subalit dahil sa pagdadalawang-isip ay hindi niya ito agad na ginawa). Matapos mailimbag ay tinangkilik ito kaya"t umabot agad sa tatlong edisyon, na ikinabahala ni John Wesley. Nakita niya ang potensyal ni Toplady na wasakin ang kanyang Arminianismo. Iniwasan ni Wesley na sagutin ang mga biblikal na argumento at sa halip ay nagpalimbag siya ng isang pinaikli at sinirang bersyon nito. Dinagdagan iyon ni Wesley ng maling katuruan ng paghirang at inilagay ang inisyal ng pangalan ni Toplady. Naglabas agad ng sulat si Toplady na binibigyang diin ang baluktot na gawang ito ni John Wesley at ang kanyang pag-atake sa Ebanghelyo ng biyaya ng Diyos. Sinabi ni Toplady na ang gawa ni Wesley ay masama sapagkat ito ay iligal at pagpapalsipika.

 

Sa halip na magsisi, pinanindigan ni Wesley ang kanyang kasamaan. Kinalaunan ay tumigil si John Wesley sa direktang pakikipagtunggali kay Toplady at ipinaubaya iyon sa dalawa niyang kasamahan, na ang isa ay prominenteng Methodist na si Walter Sellon, na siya namang nagpatuloy ng kontrobersiya. Ayon kay John Wesley, hindi siya nakikipaglaban sa mga "chimney-sweepers," isang taguri niya kay Toplady. Sinabi niyang si Toplady ay maruming manunulat. Ang mga sulat ni Sellon kay Toplady ay punong-puno ng samo"t-saring mga bansag tulad ng pangahas na lalaki, silbato, dragon, makamandag na mapanirang-puri, pinakapanatikong nabuhay, ligaw na halimaw ng kayamutan, at materyalista. Ang isa pang itinalaga ni Wesley upang labanan si Toplady ay si Thomas Olivers. Gayunman, ang dalawang ito ay walang laban sa kahusayan ni Toplady. Sinabi ni Toplady na si Wesley ang nagkasala sa kanya nang gamitin nito ang kanyang pangalan sa isang bagay na hindi niya isinulat, kaya dapat lamang na si John Wesley mismo ang managot dito.

 

Marami pang lathalaing inilimbag si Toplady laban kay Wesley, karamihan ay tungkol sa Predestination. Ang karamihan dito ay iniwasan o kaya naman ay hindi makatarungang sinagot ni Wesley. Kahit paglipas na ng pagpanaw ni Toplady, ipinangalat ng mga tagasunod ni Wesley ang kasinungalingan na namatay daw si Toplady na namumusong at pinag-aalinlanganan ang kanyang kaligtasan. Ayon sa respetadong source, ang paninirang ito ay nagmula kay John Wesley. Isang tao ang naghamon kay Wesley sa pamamagitan ng isang lathalaing malawak na ipinakalat, upang ilabas niya ang kanyang source sa lahat ng akusasyon niya kay Toplady. Naghamon din si Wesley na ilabas muna ng taong iyon ang kanyang source. Matapos sumunod ang taong iyon na naglabas ng iba pang mga ebidensya at saksi, nanahimik na si John Wesley at walang ipinakitang ebidensya ng lahat ng kanyang akusasyon.

 

Noong si Toplady ay nasa sukdulan ng kanyang pagkakaratay sa banig ng karamdaman, dalawang buwan bago siya mamatay sa sakit, may ipinakalat na kasinungalingan tungkol sa kanya, na nagbago raw siya ng paniniwala, tumalikod sa Ebanghelyo, at naghangad  na makita si John Wesley upang itakuwil sa kanyang harapan ang dating pananampalataya. Nang mabalitaan ito ni Toplady bumangon siya at dinala sa pulpito ng Orange Street at nangaral na mahigpit na itinanggi ang maling akusasyong nagbago siya ng pananampalataya at patuloy na inihayag ang kanyang pakikipaglaban sa kabulaanan ni John Wesley. Napakasakit sa kanya ng paninirang ito na kinailangan niyang pilitin ang kanyang sarili sa kabila ng pagkakaratay sa karamdaman upang sa harapan ng publiko ay pagtibayin ang pananampalataya niya sa Ebanghelyo bago siya mamatay. Hindi siya pinahintulutan ng kanyang doktor na pinaalalahanan siyang masama ito sa kanyang kalusugan, at maaari siyang mamatay habang nangangaral sa pulpito. Subalit tumugon siya na "mas mabuti pang mamatay sa singkaw kaysa sa mamatay sa kuwadra." Sinikap niyang makipaglaban hanggang sa kamatayan. Inalalayan siya upang makatayo lamang sa pulpito, at matapos mangaral ang kanyang katuwang, ay nangaral din siya mula sa 2 Pedro 1:13-14, "Inaakala kong tama, na habang ako'y nasa toldang ito, ay gisingin ko kayo ng isang paalala, yamang aking  nalalaman na malapit na ang pag-aalis ng aking tolda na gaya ng ipinakita sa akin ng Panginoon nating si Jesu-Cristo." Tinapos niya ang kanyang pangaral sa pamamagitan ng mga salitang ito:

 

"May kasipagang ipinangalat ng ilang tao na may masasamang budhi na habang ako ay nasa mahaba at malubhang karamdaman ay nagpahayag ng masidhing pagnanais na makita si Ginoong John Wesley bago ako mamatay, at bawiin ang ilang bagay tungkol sa kanya na aking isinulat,-- Ngayon sa harapan ng publiko ay taimtim kong sinasabing hinding-hindi at kailanman ay hindi mangyayari na ako ay magkakaroon ng ganyang layunin o hangarin; at buong katapatan akong umaasa na ang mga nalalabing oras ko ay gugugulin sa iba kaysa sa makipagmabutihan sa taong iyon. Ako ay nakatitiyak at nasisiyahan sa katotohanan ng lahat ng aking mga isinulat, na kung sakaling sa ngayon ako ay nakaupo sa banig ng kamatayan na may panulat at tinta sa aking mga kamay, at lahat ng pangrelihiyon at kontrobersyal na lathalaing aking inilimbag, lalung-lalo na ang mga may kinalalaman kay Ginoong John Wesley at ang kontrobersiyang Arminianismo, maging sa katunayan o doktrina, na muling ilalahad sa aking harapan, hindi ko buburahin ang anumang linya na may kinalalaman sa kanya o sa kanila." 

 

Kinikilalang umabot sa tugatog ang kontrobersiya noong 1774, nang ilimbag ni Toplady ang kanyang The Historic Proof of the Doctrinal Calvinism of the Church of England, na binubuo ng 700 pahina. Dito ay ipinakita niya ang katuruan ng Predestination sa kasaysayan mula sa panahon ng mga unang iglesya. Ang mga ito ay hindi naitago sa kasaysayan. Ang kanyang mga imno, ilang pangangaral, last will and testament, at maging ang kanyang sulat kay John Wesley, ay naiwan sa atin sa probidensya ng Diyos. Ang mga ito ay nagpapatotoo sa hindi nagbabagong Ebanghelyo ng biyaya ng Diyos. Ang kanyang paninindigan sa soberanyo at eksklusibong biyaya ng kaligtasan ng Diyos sa mga hinirang ay hindi maitatago sa kanyang mga isinulat:

 

Not the labour of my hands

Can fulfil thy law"s demands;

Could my zeal no respite know,

Could my tears for ever flow,

All for sin could not atone;

Thou must save, and thou alone.

(buhat sa imnong Rock of Ages Cleft For Me)

____________________

Sources:
1. Toplady and His Ministry (taken from Christian Leaders of the 18th Century) by Bishop J.C. Ryle

2. Giving the Arminian Babel a Shake by Rev. Bill Langeraak in the British Reformed Journal
3. Rock of Ages " Peter Bayliss (from www.ensignmessage.com)

 

 

New and Updates

 

Sa kauna-unahang pagkakataon sa kasaysayan ng BTRC ay tinawag ng isang lokal na iglesya ang isang pastor mula sa isa pang lokal na BTRC upang maglingkod dito bilang isa sa kanyang tagapangaral ng Salita ng Diyos. Noong buwan ng Agosto ay itinalaga si Pastor Ronnie Santos bilang isa sa mga ministro ng Salita ng Diyos sa BTRC Batasan Hills matapos niyang tanggapin ang opisyal na "tawag" sa kanya ng consistory nito. Halos pitong taong naglingkod si Pastor Ronnie sa BTRC Lucban na napasimulan at natatag sa pamamagitan ng kanyang matiyagang pagtuturo, pagpapayo at pangangaral. Halos pitong taon din na naging gawi niya linggu-linggo na matiyagang magbiyahe mula sa Marikina hanggang Lucban at pabalik, hindi alintana ang pagod, ang masamang panahon at ang mahigpit na hamon na ipatotoo ang Ebanghelyo sa dakong iyon ng probinsya ng Quezon. Sa loob ng pitong taon ay hindi nagbago ang Ebanghelyo na ipinangaral niya sa kanila simula pa noong una, sapat upang pagtibayin ang pag-asa at katiyakan ng kanilang kaligtasan at sila"y mababalaan laban sa pagkalinlang sa mga bulaang ebanghelyo. Madalas ay hindi madali ang mawalay sa sambahayang matagal mo nang nakasama at nakabahagi sa maraming pakikibaka ng pananampalataya ngunit sa kabilang dako ay wala namang dapat ikalungkot sa mga pagbabagong ito sapagkat ang sabi ng Salita ng Diyos, "Ako ang nagtanim, si Apolos ang nagdilig, ngunit ang Diyos ang nagpalago. Kaya't walang anuman ang nagtatanim, o ang nagdidilig, kundi ang Diyos na nagpapalago" (1 Corinto 3:6, 7). Kaya naman panatag si Pastor Ronnie na ipagkatiwala ang gawain ng Diyos sa isang tapat na kawal at kamanggagawang tulad ni Pastor Jhyson Vino na kung kay apostol Pablo ay siya ang kanyang Timoteo. Purihin ang Panginoong Diyos sa Kanyang mga kaparaanan upang pangalagaan ang Kanyang pinakamamahal na iglesya!

 

Ang huling apat na buwan ng bawat taon ay okasyon din ng sunud-sunod na pagdiriwang ng mga BTRC ng kani-kanilang anibersaryong pasasalamat sa pagkakatatag ng bawat isa. Ang unang Linggo ng buwan ng Setyembre ng taong ito ng 2010 ay ikapitong anibersaryo ng BTRC Lipa, Batangas. Karaniwan, sa tuwing ikalawang Linggo ng Oktubre ipinagdiriwang naman ng BTRC Antipolo ang kanilang anibersaryo ngunit sa taong ito ay idaraos nila ang kanilang ikawalo sa unang Linggo. Ang BTRC Lucban ay sa ikalawang Linggo ng Nobyembre idaraos ang kanilang ikapitong anibersaryo. Samantalang ang BTRC Batasan ay magdiriwang ng kanilang ikawalo ring anibersaryo sa unang Linggo ng Disyembre. Sa lahat ng paggunitang ito ng biyaya at katapatan ng Diyos ay ipinadadama ng mga BTRC ang kanilang pakikiisa sa pamamagitan ng pagtatalaga ng mga kinatawan sa bawat lokal na BTRC upang dumalo at makipagdiwang sa mga nagdaraos ng kanilang anibersaryo.

 

Sa dalawang taong pagitan ng katatapos na Third BTRC Interchurch Fellowship na ginanap noong April 1 sa Antipolo at sa Fourth Interchurch Fellowship sa taong 2012 na gaganapin sa Lipa ay isinasaalang-alang ng ating mga simbahan ang posibilidad na magkaroon ng isang pormal na pagtitipon para sa ating mga consistories (lokal na sanggunian ng mga elders at deacons). Ito ay naglalayon na mapagyaman pa ang kaalaman at kasanayan ng ating mga nanunungkulan sa simbahan sa kanilang napakahalagang mga gampanin. Isinasaalang-alang din ang posibilidad na ganapin ang isang Classis (pangkalahatang pagtitipon ng mga opisyal na kinatawan ng bawat lokal na simbahan) ng mga BTRC upang pag-aralan at pagpasiyahan ang ilang napakahahalagang kalakaran sa ating mga simbahan.

 

Inaanyayahan ang lahat na bisitahin ang ating website, pag-aralan at subaybayan ang mga nilalaman nito at ipamalita ito sa iba bilang paraan upang maipatotoo ang nag-iisa at tunay na Ebanghelyo ng Diyos. Nagpapasalamat tayo sa mga kapatid na taos-pusong nagbahagi ng kanilang pananalapi upang mai-maintain ang website na ito. bastionoftruth.webs.com