Pinagtibay sa Pambansang Synod ng mga Iglesyang Reformed
Na ginanap sa Dordrecht, noong 1618 – 1619
(Salin sa Wikang Tagalog ni Ptr. Ronald R. Santos)
Kumpesyong Belgico (1651)
Katesismong Heidelberg (1653)
Panimulang Salita Ukol sa Mga Kanon ng Dordrecht
Unang Ulo ng Doktrina - Hinggil sa Pagtatalaga ng Diyos Pagtutol sa mga Kabulaanan
Ikalawang Ulo ng Doktrina - Hinggil sa Kamatayan ni Cristo, at ang Pagtutubos sa Tao na Kaugnay Nito Pagtutol sa mga Kabulaanan
Ikatlo at Ika-apat na Ulo ng Doktrina - Hinggil sa Kasamaan ng Tao, ang Kanyang Pagbabalik-loob sa Diyos, at ang Paraang Kaugnay Nito Pagtutol sa mga Kabulaanan
Ikalimang Ulo ng Doktrina - Hinggil sa Pagtitiyaga ng mga Banal Pagtutol sa mga Kabulaanan
Panghuling SalitaFootnotes
Ang Canons [o mga 'Desisyon'] of Dordrecht na pangatlo sa ating Three Forms of Unity ay kakaiba sa ating mga Confessions sa maraming kaparaanan. Una, ito lamang ang kinatha ng isang kalipunan ng iba’t-ibang iglesyang Reformed na kilala sa tawag na “the great Synod of Dordt” noong 1618-1619. Pangalawa, bunsod ito ng kontrobersiyang lumaganap noon sa mga iglesyang Reformed sa Netherlands kung saan ang "Arminian heresy" ay nagsimulang mamayagpag. Ang Canons ay kapahayagan ng hatol ng Synod hinggil sa limang puntos ng Remonstrance. Ito ang dahilan kung bakit ang Canons ay nahahati sa 5 kapitulo na nagtatanghal sa katotohanan ng “sovereign predestination”, "particular atonement", "total depravity", "irresistible grace", at "perseverance of saints." Sapagkat ang Canons ay sagot sa limang puntos ng Remonstrance, ito’y naghahayag lamang ng ilang aspeto ng katotohanan at hindi ang kabuuan ng katotohanan tulad ng sa iba pa nating confessions. Kaya nga ito rin ang dahilan kung bakit ang Canons ay tinukoy sa ating Formula of Subscription bilang “paliwanag ng ilang puntos” ng doktrina na makikita sa Heidleberg Catechism at ang Belgic Confession of Faith. Nakalagay din sa bawat kapitulo ng Canons ang Rejections of Errors o di-pagtanggap sa mga kabulaanan, na pinasisinungalingan ang iba’t ibang maling katuruan ng mga Arminians. Ginawa nila ito batay sa Banal na Kasulatan, kaya nga ipinakita sa Canons ang katotohanan sa positibo at negatibong pamamaraan. Ang Canons ay kumakatawan sa pagkakaisa ng mga iglesyang Reformed noong panahong iyon. Sapagkat lahat ng iglesyang Reformed ay lumahok sa Synod of Dordrecht; at nang ang Canons ay makumpleto, ang mga delegado mula sa mga ibang bansa kasama ang mga delegadong Dutch ay pinagtibay ito sa pamamagitan ng kanilang mga lagda. Nang matapos ang Canons, ito’y sinundan ng isang “service of thanksgiving” na inalay sa Diyos na kung saan inalalang may pasasalamat sa Panginoon ang Kanyang pangangalaga sa mga iglesyang Reformed sa gitna ng buhay-at-kamatayang hidwaan, at Kanyang iningatan para sa iglesya ang katotohanang ang kaligtasan ay mula sa Panginoon lamang.
Artikulo 1. Yamang ang lahat ng tao ay nagkasala kay Adan, at naging karapadapat sa sumpa at sa kamatayang walang hanggan, ay hindi maituturing na kawalang katarungan sa Diyos kung niloob Niya na hayaan ang buong sangkatauhan sa kasalana’t sumpa at hatulan sila dahil sa kanilang kasalanan ayon sa mga salita ng apostol, Roma 3:19, “upang matahimik ang bawat bibig, at ang buong sanlibutan ay mapasailalim ng hatol ng Diyos. At sa v.23: "yamang ang lahat ay nagkasala," at hindi nakaabot sa kaluwalhatian ng Diyos.” At sa Roma 6:23: "Sapagkat ang kabayaran ng kasalanan ay kamatayan."
Artikulo 2. Subalit nahayag naman ang pag-ibig ng Diyos sa ganito, "na ibinigay niya ang kanyang tanging Anak, upang ang sinumang sa kanya’y sumampalataya ay huwag mapahamak kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan." (1 Juan 4:9; Juan 3:16).
Artikulo 3. At upang ang mga tao ay maidala sa pananampalataya, nagsugo ang Diyos ayon sa kanyang kahabagan ng mga mangangaral nitong pinaka-nakagagalak na balita, sa kanila na minarapat Niyang makarinig at sa panahong Kanyang niloob; at sa pamamagitan ng kanilang pangangaral, ang mga tao ay tinatawag sa pagsisisi at pananampalataya kay Cristong ipinako sa krus. "Ngunit paano nga silang tatawag sa kanya na hindi nila sinasampalatayanan? At paano sila sasampalataya sa kanya na hindi nila napakinggan? At paano sila makikinig kung walang mangangaral? At paano sila mangangaral kung hindi sila sinugo?" (Roma 10:14, 15)
Artikulo 4. Ang poot ng Diyos ay nananatili sa mga hindi sumasampalataya sa ebanghelyong ito. Subalit sa mga tumanggap dito at nagtiwala kay Jesus na Tagapagligtas sa pamamagitan ng tunay at buhay na pananampalataya, ay iniligtas Niya mula sa poot ng Diyos at mula sa pagkawasak, at iginawad sa kanila ang kaloob na buhay na walang hanggan.
Artikulo 5. Ang sanhi o ang pagiging kasalanan ng kawalan ng pananampalataya, pati na rin ang iba pang mga kasalanan, ay hindi kailanman mula sa Diyos, kundi ito’y nagmula sa tao mismo; subalit ang pananampalataya kay Jesu-Cristo at ang kaligtasan sa pamamagitan Niya ay walang bayad na kaloob ng Diyos, gaya ng nasusulat: "Sapagkat sa biyaya kayo’y naligtas sa pamamagitan ng pananampalataya, at ito’y hindi sa pamamagitan ng inyong sarili, ito’y kaloob ng Diyos." (Efeso 2:8). "Sapagkat sa inyo’y ipinagkaloob alang-alang kay Cristo, hindi lamang ang manampalataya sa kanya…" (Filipos 1:29).
Artikulo 6. Na ang iba ay pinagkalooban ng Diyos ng pananampalataya sa panahong ito at ang iba nama’y hindi pinagkalooban ay nagmula sa Kanyang sariling eternal na panukala. “Sapagkat alam ng Diyos ang lahat ng kanyang mga gawa mula pa sa pasimula ng sanlibutan” (Gawa 15:18 kjv-tinagalog). “Ayon sa layunin niya na gumagawa ng lahat ng mga bagay ayon sa kanyang pasiya at kalooban” (Efeso 1:11). Alinsunod sa panukalang ito ay pinalalambot ng Diyos ayon sa Kanyang biyaya ang mga puso ng mga hinirang kahit na gaano katigas ang mga ito at pinaiibig silang sumampalataya, samantalang hinahayaan Niya ang mga di-hinirang sa Kanyang makatarungang hatol sa kanilang mga kasamaan at katigasan. At sadyang ipinapakita rito ang malalim, ang mahabagin, at matuwid na pagpili ng Diyos sa mga taong pare-parehong nasadlak sa kapahamakan; ito’y ang panukalang paghirang2 at Pagtatakwil3 na nahayag sa Salita ng Diyos. Na ang mga taong tiwali, marumi, at pabagu-bagong isipan ay pinipilipit ang katotoohanang ito sa kanilang ikapapahamak, ngunit para sa mga binanal at sa maka-Diyos ito’y nagdudulot ng walang-kahulilip na kasiyahan.
Artkulo 7. Ang paghirang ay ang hindi nagbabagong panukala ng Diyos, kung saan bago pa itatag ang sanlibutan, bunsod lamang ng Kanyang biyaya at ayon sa Kanyang soberano at mabuting kalooban ay pumili Siya, mula sa buong sangkatuhan na mula sa mabuting katutubong kalagayan ay nahulog sa kasalanan at kahatulan dahil sa kanilang sariling kapalaluan, ng tiyak na bilang ng mga tao para sa katubusan na nakay Cristo, na Siyang Kanyang itinalaga mula pa sa walang hanggan bilang Tagapamagitan at Pangulo ng mga hinirang at saligan ng Kaligtasan.
Ang mga hinirang na ito, bagaman sa kanilang katutubong kalikasan ay hindi nakahihigit, ni hindi rin mas karapatdapat kaysa sa mga ibang tao, bagkus kasama nila sa pagkakasadlak sa parehong kapighatian, ay ipinanukala ng Diyos na sila’y ibigay kay Cristo, upang sila’y mailigtas Niya, at mabisang matawag at mailapit sa Kanya sa pamamagitan ng Kanyang Salita at Espiritu, maipagkaloob sa kanila ang tunay na pananampalataya, pag-aaring-ganap4, at pagpapabanal5; at mapangalagaan ayon sa Kanyang kapangyarihan ang kanilang pakikipag-isa sa Kanyang Anak, at sa katapusan ay luwalhatian sila para sa pagpapatunay ng Kanyang kahabagan at para sa kapurihan ng Kanyang mayamang maluwalhating biyaya; tulad ng nasusulat: "Ayon sa pagkapili niya sa atin sa kanya bago itatag ang sanlibutan, upang tayo’y maging banal at walang dungis sa harapan niya sa pag-ibig. Tayo’y itinalaga sa pagkukupkop upang maging kanyang mga anak sa pamamagitan ni Jesu-Cristo, ayon sa kabutihan ng kanyang kalooban, para sa ikapupuri ng kanyang maluwalhating biyaya, na ipinagkaloob niya ng walang bayad sa atin sa pamamagitan ng Minamahal."" (Efeso 1:4-6). At nasulat rin na, "at yaong mga itinalaga niya ay kanya namang tinawag at ang mga tinawag niya ay itinuring na ganap; at ang mga itinuring na ganap ay niluwalhati din naman niya." (Roma 8:30)
Artikulo 8. Walang iba’t-ibang antas ng paghirang, ngunit mayroon lamang iisa at pare-parehong panukala para sa lahat ng maliligtas maging sa Matandang Tipan o sa Bagong Tipan; yamang ipinapahayag ng Kasulatan ang mabuting kalooban, layunin at panukala ng Diyos na iisa lamang, ay ayon dito’y hinirang Niya tayo mula pa sa walang hanggan para sa biyaya at kaluwalhatian, para sa kaligtasan at daan ng kaligtasan, na Kanyang inihanda na siya nating dapat lakaran.
Artikulo 9. Ang paghirang na ito ay hindi nakabatay sa nakini-kinitang (foreseen) pananampalataya, at pagsunod ng pananampalataya, kabanalan, o anumang mabuting katangian o ugali ng tao, bilang sanhi o kundisyong hinihingi sa tao bago siya mahirang; subalit ang hinirang ay pinili para sa pananampalataya at pagsunod sa pananampalataya, kabanalan at sa iba pa, samakatuwid ang paghirang ay ang pinakabukal ng bawat mabubuting gawa, pinagmumulan ng pananampalataya, kabanalan, at iba pang mga kaloob ukol sa kaligtasan, at sa kahuli-hulihan ay buhay na walang hanggan mismo, bilang mga bunga at resulta, ayon sa sinabi ng apostol: "Ayon sa pagkapili niya sa atin (Hindi dahil sa tayo’y banal, kundi) upang tayo’y maging banal at walang dungis sa harapan niya sa pag-ibig." (Efeso 1:4)
Artikulo 10. Sa katotohanan, ang mabuting kalooban ng Diyos ay ang tanging dahilan ng mabiyayang paghirang2 na ito, ito’y hindi nakabatay sa ganito, na mula sa lahat ng maaaring maging mga katangian at mga gawa ng mga tao ay pumili ang Diyos ng ilan bilang kundisyon ng kaligtasan; subalit Siya ay nalugod na humirang ng tiyak na bilang ng mga taong natatanging para sa Kanya mula sa sangkatauhang nahulog sa kasalanan, gaya ng nasusulat, “Sapagkat bagaman ang mga anak ay hindi pa isinisilang, at hindi pa nakakagawa ng anumang mabuti o masama, (upang ang layunin ng Diyos ay manatili alinsunod sa pagpili, na hindi sa pamamagitan ng gawa, kundi doon sa tumatawag) ay sinabi sa kanya (kay Rebecca), "Ang nakatatanda ay maglilingkod sa nakababata." Gaya ng nasusulat, "Si Jacob ay aking minahal, ngunit si Esau ay aking kinasuklaman." (Roma 9:11-13). "At ang lahat ng mga itinalaga sa buhay na walang hanggan ay sumampalataya" (Gawa 13:48).
Artikulo 11. At yamang ang Diyos mismo ay pinakamatalino, hindi nagbabago, marunong-sa-lahat6, at makapangyarihan-sa-lahat7, kaya naman ang paghirang2 na Kanyang ginawa ay hindi kailanman mapipigil ni mababago, mababawi o mapapawalang-bisa; at wala ring hinirang na mapapahamak, ni hindi rin mababawasan ang kanilang bilang.
Artikulo 12. Sa takdang panahon ay matatamo ng mga hinirang, bagama’t iba-iba ang antas at sukat, ang katiyakan ng kanilang eternal8at hindi nagbabagong paghirang2, hindi sa pamamagitan ng mausisang pagsilip sa mga lihim at malalim na bagay ng Diyos, kundi sa pamamagitan ng pagmalas sa kanilang mga sarili, nang may kagalakang espirituwal at banal na kasiyahan, ang mga hindi makakailang bunga ng paghirang2 na tinukoy sa Salita ng Diyos—tulad ng pananampalataya kay Cristo, pagsamba, pagsisisi sa kasalanan, paghahangad at pagkauhaw sa katuwiran at marami pang iba.
Artikulo 13. Mula sa pagkaunawa at katiyakan ng paghirang2 ito, ang mga anak ng Diyos ay araw-araw na nakakakuha ng lalo pang dahilan para sa pagpapakumbaba ng kanilang mga sarili sa harapan ng Diyos, para sa pagpapahalaga sa kalaliman ng Kanyang awa, para sa paglilinis ng kanilang mga sarili, at para maisukli ang maalab na pagmamahal sa Kanya, na unang lubos na nagmahal sa kanila: napakalayong mangyari na sa pamamagitan ng doktrina ng paghirang2 at sa pagbubulay nito ay magdudulot sa kanila ng katamaran sa pagtupad sa mga kautusan ng Diyos o makunsinti sila sa maling makalamang pamumuhay. Ito, sa makatarungang hatol ng Diyos ay kadalasang nangyayari sa mga taong padalu-dalos sa maling pag-aakala o sa mga tamad at walang pakundangang pinawawalang-halaga ang biyaya ng paghirang2, na ayaw lumakad sa landas ng mga hinirang.
Artikulo 14. Kung paanong ang doktrina ng paghirang2 na batay sa pinakamatalinong panukala ng Diyos ay ipinahayag ng mga propeta, ni Cristo mismo, at ng mga apostol, at maliwanag na nahayag sa Kasulatan, sa Matanda at Bagong Tipan, gayundin naman ay dapat ding ipahayag ito sa takdang panahon at lugar sa Iglesya ng Diyos, na ito naman talaga ang tanging plano, na dapat gawin nang may paggalang, pag-iingat at pagsamba, para sa kaluwalahatian ng kabanal-banalang pangalan ng Diyos, at para sa masiglang kaaliwan ng Kanyang mga anak, nang walang palalong pagtatangka na siyasatin ang mga lihim na pamamaraan ng Kataas-taasang Diyos. (Gawa 20:27; Roma 11:33,34; 12:3; Hebreo 6:17,18)
Artikulo 15. Bukod dito, sadyang inilalarawan at ipinagkakatiwala ng Banal na Kasulatan sa atin ang eternal8 at malayang biyayang ito ng ating pagkahirang2, sapagkat pinatotohanan pa nito na hindi lahat ng tao ay hinirang, kundi mayroong iba na hindi hinirang, o sa eternal8 na paghirang2 ng Diyos, ay mga nilagpasan, alalaong baga’y sila, mula sa pinakamalaya, pinakamakatarungan, di-masisisi, at di-nagbabagong mabuting kalooban ng Diyos, ay ipinanukala na pabayaan sa palasak na pagdurusa, kung saan dahil sa kanilang sariling pagkukulang ay ibinaon ang kanilang mga sarili, at hindi ipagkaloob sa kanila ang biyaya ng pananampalatayang ukol sa kaligtasan at pagbabagong-buhay, kundi sa kanilang mga sariling landas at sa ilalim ng Kanyang makatarungang hatol sila’y pabayaan. At sa katapusan, hindi lamang dahil sa kanilang di-pananampalataya, kundi dahil din sa lahat ng iba pa nilang mga kasalanan, ay susumpain at parurusahan sila nang walang hanggan para sa kapahayagan ng Kanyang sariling katarungan. At ito ang panukalang Pagtatakwil3 na hindi kailanman nagsasaad na ang Diyos ang awtor ng kasalanan (na isipin man lang ito ay isa ng kalapastanganan), kundi ipinapahayag nito na Siya’y isang kahindik-hindik, di kayang mapigilan at matuwid na hukom at tagapaghiganti.
Artikulo 16. Sila na hindi pa nararanasan ang buhay na pananampalataya kay Cristo, ang katatagan ng kaluluwa, ang kapayapaan ng budhi, ang marubdob na pagsisikap sa pagsunod na udyok ng pag-ibig, at ang pagluluwalhati sa Diyos sa pamamagitan ni Cristo, na ang mga ito’y hindi pa mabisang nangyayari sa kanila, gayunpama’y nagsisikap sa paggamit ng mga pamamaraang itinakda ng Diyos upang mga biyayang ito’y gumawa sa atin, ay hindi dapat silang mabahala kapag nababanggit ang pagtatakwil3, ni hindi rin dapat na ihanay nila ang kanilang mga sarili sa mga itinakwil, subalit dapat silang masikap na magtiyaga sa paggamit ng mga pamamaraan, at nang may marubdob na pagnanais ay taimtim at buong kapakumbabaang hintayin ang panahon ng mas masaganang biyaya. Hindi rin dapat na matakot sa doktrinang pagtatakwil3, sila, na bagama’t tapat ang hangaring tumalima sa Diyos, bigyan lamang Siya ng kaluguran, at mahango sa katawang nagdudulot ng kamatayan, ay hindi pa naaabot yaong sukat ng kabanalan at pananampalatayang kanilang hinahangad; yamang ang mahabaging Diyos na rin ang nangako na hindi Niya papatayin ang mitsang bahagyang umuusok at ni hindi babaliin ang gapok na tambo. Subalit ang doktrinang ito ay lubhang nakatatakot sa mga taong hindi pinapahalagahan ang Diyos at ang tanging Tagapagligtas na si Jesu-Cristo bagkus ay itinatalaga ang kanilang mga sarili sa mga bagay ng sanlibutan at pagnanasa ng laman; nakatatakot ito para sa kanila hangga’t hindi sila tunay na baguhin ng Diyos.
Artikulo 17. Yamang dapat nating sukatin ang kalooban ng Diyos mula sa Kanyang Salita na siyang nagpapatotoo na ang mga anak ng mga mananampalataya ay banal, hindi dahil sa kanilang katutubong kalikasan kundi dahil sa Tipan ng Biyaya na kung saan, kasama ang kanilang mga magulang ay nasasaklaw ng Tipan, ang mga magulang na maka-Diyos ay hindi dapat pagdudahan ang pagkahirang2 at kaligtasan ng kanilang mga anak na minarapat ng Diyos na bawian ng buhay sa kanilang kamusmusan.
Artikulo 18. Sa mga tumututol sa biyaya ng malayang9 paghirang2 at sa katindihan ng makatarungang pagtatakwil3, ang sagot namin ay ang sagot ng apostol: "Ngunit, sino ka, O tao, na tumututol sa Diyos? (Roma 9:20), at sinabi rin ng aming Tagapagligtas: Wala ba akong karapatang gawin ang nais ko sa mga bagay na pag-aari ko?" (Mateo 20:15). Dahil dito ay aming isinisigaw nang may banal na paghanga sa mga hiwagang ito ang mga pananalita ng apostol: "O ang kalaliman ng mga kayamanan ng karunungan at ng kaalaman ng Diyos! Hindi masuri ang mga hatol niya, at hindi masiyasat ang kanyang mga daan! Sapagkat sino ang nakakaalam ng pag-iisip ng Panginoon? O sino ang kanyang naging tagapayo? O sino ang nakapagbigay na sa kanya, at siya’y mababayaran? Sapagkat mula sa kanya, at sa pamamagitan niya, at para sa kanya ang lahat ng mga bagay. Sumakanya nawa ang kaluwalhatian magpakailanman. Amen" (Roma 11:33-36).
Yamang ang tamang katuruan hinggil sa paghirang2 at pagtatakwil3 ay naipaliwanag na, ngayon naman ay tinututulan ng Synod ang kamalian ng mga sumusunod:
Kabulaanan 1: Sila na nagtuturo na ang kalooban ng Diyos sa pagliligtas sa mga mananalig at magpapatuloy sa pananampalataya at sa pagsunod ng pananampalataya ay ang siyang kabuuan at kalahatan ng panukalang paghirang2 para sa kaligtasan, at wala nang iba pang inihayag sa Salita ng Diyos hinggil sa panukalang ito.
Pagtutol: Sapagkat nililinlang nito ang karaniwang tao at tahasang sinasalungat ang Banal na Kasulatan, na rito’y ipinapahayag na hindi lamang ililigtas ng Diyos ang mga sasampalataya kundi mula sa pa walang hanggan ay pumili na Siya ng tiyak na bilang ng mga partikular na tao, na sila lamang at hindi ang ibang mga tao ang pagkakalooban Niya sa takdang panahon ng pananampalataya kay Cristo at ng pagpapatuloy sa kaligtasan10, gaya ng nasusulat: Ipinahayag ko ang iyong pangalan sa mga taong ibinigay mo sa akin mula sa sanlibutan (Juan 17:6). At ang mga itinakda sa buhay na walang hanggan ay sumampalataya (Gawa 13:48). At: ayon sa pagkapili niya sa atin sa kanya bago itinatag ang sanlibutan, upang tayo’y maging banal at walang dungis sa harapan niya sa pag-ibig (Efeso 1:4)
Kabulaanan 2: Sila na nagtuturo na mayroong iba’t ibang uri ng paghirang2 ng Diyos para sa buhay na walang hanggan: ang isa ay panglahatan at walang kasiguruhan, at ang isa naman ay partikular at may kasiguruhan; at ang huling nabanggit ay alin man sa di-kumpleto, maaring bawiin, di-matibay, at may-pasubali, o kaya naman ay kumpleto, hindi mababawi, matibay, at ganap. Gayundin naman, na may isang paghirang2 para sa pananampalataya at isa para naman sa kaligtasan, kaya naman ang paghirang2 ay maaaring para sa pananamplatayang umaaring-ganap kahit na walang pahirang2 para sa kaligtasan.
Pagtutol: Sapagkat ito’y guni-guni lamang ng kaisipan ng tao, at inimbento na hindi isinasaalang-alang ang Banal na Kasulatan, magkagayon ang doktrina ng paghirang2 ay nasira, at ang kadenang ginto11 ng ating kaligtasan ay napatid: at yaong mga itinalaga niya ay kanya namang tinawag at ang mga tinawag niya ay itinuring niyang ganap; at ang mga itinuring na ganap ay niluwalhati din naman niya (Roma 8:30).
Kabulaanan 3: Sila na nagtuturo na ang mabuting kalooban at layunin ng Diyos, na binabanggit ng Banal na Kasulatan kaugnay ng doktrina ng paghirang2, ay hindi binubuo sa ganito, na ang Diyos ay pumili ng tiyak na bilang ng mga tao at hindi pinili ang iba, kundi sa ganito, na pinili Niya [mula sa mga posibleng kundisyon, (kabilang rin ang pagsunod sa kautusan), o kaya’y mula sa pagkakasunod-sunod ng mga bagay,] ang gawa ng pananampalataya, na bagaman kung tutuusin ayon sa kalikasan nito ay hindi karapat-dapat, pati na rin ang hindi ganap na pagsunod nito, bilang kundisyon ng kaligtasan, at ito naman ay ituturing Niya ayon sa Kanyang biyaya na ganap na pagsunod at ituturing ito na karapat-dapat sa gantimpalang buhay na walang hanggan.
Pagtutol: Sapagkat dahil sa mapaminsalang kamaliang ito, ang mabuting kalooban ng Diyos at ang mga merito ni Cristo ay pinawawalang-kabuluhan, at ang mga tao ay nailalayo sa pamamagitan ng mga walang katuturang mga katanungan sa katotohanan ng mabiyayang pag-aaring ganap4 at sa kasimplihan ng Banal na Kasulatan, at pati na rin ang sinabing ito ng apostol ay pinararatangang mali: “na Siyang sa atin ay nagligtas at sa atin ay tumawag ng isang banal na pagtawag, hindi ayon sa ating mga gawa, kundi ayon sa kanyang sariling layunin at biyaya. Ang biyayang ito ay ibinigay sa atin kay Cristo-Jesus bago pa nagsimula ang mga panahon” (2Timoteo 1:9).
Kabulaanan 4: Sila na nagtuturo na sa paghirang2 para sa pananampalataya, ang kundisyong sa mula’t mula pa’y hinihingi na alalaong baga’y ang tao ay dapat na tamang gamitin ang liwanag ng kalikasan, maging mabuti, mapagpakumbaba, mabait, at karapatdapat sa buhay na walang hanggan, na para bang sa mga ito nakabatay ang paghirang2.
Pagtutol: Sapagkat ito’y alingasaw ng katuruan ni Pelagius, at laban sa katuruan ng apostol nang kanyang isulat na: "Tayong lahat ay dating namuhay sa gitna ng mga ito, sa mga pagnanasa ng laman na ating ginagawa ang mga nais ng laman at ng pag-iisip, at tayo noo’y katutubong mga anak ng kapootan, gaya naman ng mga iba. Ngunit ang Diyos, palibhasa’y mayaman sa awa, dahil sa kanyang malaking pag-ibig sa atin, maging noong tayo’y mga patay sa pamamagitan ng ating mga pagsuway, binuhay niya tayo kay Cristo—sa pamamagitan ng biyaya kayo’y naligtas, at tayo’y muling binuhay na kasama niya, at pinaupong kasama niya sa sangkalangitan, kay Cristo Jesus, upang kanyang maipakita sa mga panahong darating ang di-masukat na kayamanan ng kanyang biyaya sa kagandahang-loob sa atin sa pamamagitan ni Cristo Jesus. Sapagkat sa biyaya kayo’y naligtas sa pamamagitan ng pananampalataya, at ito’y hindi sa pamamagitan ng mga gawa, upang ang sinuman ay huwag magmalaki." (Efeso 2:3-9)
Kabulaanan 5: Sila na nagtuturo na ang di-kumpleto at di-matibay na paghirang2 ng mga partikular na tao para sa kaligtasan ay nangyari dahil sa naunang nakita na sa hinaharap ang pananampalataya, pagbabagong-loob12, kabanalan, pagkamaka-Diyos, na nagsimula o nagpatuloy nang ilang panahon; subalit ang kumpleto at matibay na paghirang2 ay nangyari dahil sa naunang nakita sa hinaharap ang pagtitiyaga10 hanggang wakas sa pananampalataya, pagbabagong-loob12, kabanalan at pagkamaka-Diyos; at ito ang mabiyaya at ebanghelikal na pagiging karapat-dapat, na dahil dito, siya na pinili ay mas karapat-dapat kaysa sa kanya na hindi pinili; at samakatuwid ang pananampalataya, pagsunod ng pananampalataya, kabanalan, pagkamaka-Diyos, at pagtitiyaga10 ay hindi mga bunga ng di-nagbabagong paghirang2 para sa kaluwalhatian, kundi mga kundisyon na itinalaga noong una pa man, na naunang nakita na sa hinaharap na nagagampanan ng mga ganap na mahihirang, at ang mga ito ang dahilan, na kung wala ang mga ito ay walang mangyayaring di-nagbabagong paghirang2 para sa kaluwalhatian.
Pagtutol: Ito ay laban sa kabuuan ng Banal na Kasulatan, na patuloy na itinuturo ang mga sumusunod at ang mga katulad na kapahayagan: Ang paghirang2 ay "hindi sa pamamagitan ng mga gawa, kundi doon sa tumawag" (Roma 9:11). “At ang mga itinakda sa buhay na walang hanggan ay sumampalataya” (Gawa 13:48). "Ayon sa pagkapili niya sa atin sa kanya bago itinatag ang sanlibutan, upang tayo’y maging banal” (Efeso 1:4). “Ako’y hindi ninyo pinili, ngunit kayo’y pinili ko" (Juan 15:16). “Ngunit kung ito’y sa pamamagitan ng biyaya, ito’y hindi na batay sa mga gawa" (Roma 11:6). "Narito ang pag-ibig, hindi sa tayo’y umibig sa Diyos, kundi siya ang umibig sa atin, at sinugo ang kanyang Anak na pantubos sa ating mga kasalanan" (1Juan 4:10).
Kabulaanan 6: Sila na nagtuturo na hindi bawat paghirang2 para sa kaligtasan ay di-nagbabago, kundi mayroong mga pinili na sa kabila ng panukala ng Diyos ay maaari pa ring mapahamak at tunay ngang napapahamak.
Pagtutol: Na sa pamamagitan ng napakalaking pagkakamaling ito ay ginagawa nilang nagbabago ang Diyos, at sinisira ang katiyakan na natatamo ng mga maka-Diyos mula sa katatagan ng kanilang pagkahirang2, at sinasalungat ang Banal na Kasulatan, na nagtuturo na ang mga hinirang ay hindi maaaring mailigaw (Mateo 24:24); na hindi iwawala ni Cristo ang lahat ng mga ibinigay sa Kanya ng Ama (Juan 6:39); na niluwalhati rin ng Diyos ang Kanyang mga itinalaga, tinawag at inaring-ganap (Roma 8:30).
Kabulaanan 7: Sila na nagtuturo na sa buhay na ito ay walang bunga at walang kamalayan ng di-nagbabagong paghirang2 para sa kaluwalhatian, ni walang anumang katiyakan, maliban lang yaong nakabatay sa nagbabago at mabuway na mga kundisyon.
Pagtutol: Sapagkat hindi lamang kawalang-kabuluhan na sabihin ang "di-tiyak na katiyakan", kundi ito rin ay salungat sa karanasan ng mga binanal, na dahil sa kamalayan ng kanilang pagkahirang2 ay nagalak gaya ng Apostol at pinapurihan ang biyayang ito ng Diyos (Efeso 1); sila, alinsunod sa pagpapaalala ni Cristo, ay nagalak gaya ng Kanyang mga alagad dahil nasulat ang kanilang mga pangalan sa langit (Lucas 10:20); na ginamit din ang kanilang kamalayan ng pagkahirang2 laban sa mga nag-aapoy na palaso ng diyablo, na nagtatanong: "Sino ang magsasakdal ng anuman laban sa mga pinili ng Diyos?" (Roma 8:33).
Kabulaanan 8: Sila na nagtuturo na ang Diyos dahil sa Kanyang matuwid na kalooban ay hindi nagpasiyang iwanan ang sinuman sa pagbagsak ni Adan at sa estado ng kasalanan at kahatulan, at ni hindi rin ipinasiyang lampasan ang sinuman sa pagbabahagi Niya ng biyaya na kinakailangan para sa pananampalataya at kaligtasan.
Pagtutol: Sapagkat matibay na ipinanukala na: “Siya’y may awa sa kanyang maibigan, at kanyang pinagmamatigas ang puso ng sinumang kanyang maibigan” (Roma 9:18). At ito pa: "Sa inyo ipinagkaloob na malaman ang mga hiwaga ng kaharian ng langit, ngunit hindi ipinagkaloob sa kanila” (Mateo 13:11). Gayundin: “Pinasasalamatan kita, Ama, Panginoon ng langit at lupa, sapakat ikinubli mo ang mga bagay na ito sa mga pantas at matatalino, at ipinahayag mo sa mga sanggol; Oo, Ama, sapagkat iyon ang kalugod-lugod sa iyong paningin." (Mateo 11:25, 26).
Kabulaanan 9: Sila na nagtuturo na ang dahilan kung bakit ang Diyos ay ipinapahayag ang Ebanghelyo sa isang tao at hindi sa iba ay hindi dahil lamang sa o tangi lamang sa Kanyang mabuting kalooban kundi sa katotohanang ang isang tao ay mas mabuti at mas karapat-dapat kaysa sa iba na hindi pinapahayagan ng Ebanghelyo.
Pagtutol: Sapagkat ito’y tinutulan ni Moises nang kanyang sabihin sa bayan ng Israel ang mga sumusunod: "Bagaman, sa Panginoon mong Diyos ang langit, at ang langit ng mga langit, ang lupa, at ng lahat na naroroon, ang Panginoon ay nalugod na ibigin ang iyong mga ninuno, at kanyang pinili ang kanilang mga anak pagkamatay nila, samakatuwid ay kayo, sa lahat ng mga bayan na gaya ng nakikita sa araw na ito" (Deuteronomio 10:14, 15). At sinabi ni Cristo na: "Kahabag-habag ka Corazin! Kahabag-habag ka Bethsaida! Sapagkat kung sa Tiro at Sidon ginawa ang mga makapangyarihang gawa na ginawa sa inyo, matagal na sana silang nagsisi na may damit-sako at abo" (Mateo 11:21).
Artikulo 1. Ang Diyos ay hindi lamang lubos na mahabagin kundi lubos din Siyang makatarungan. At hinihingi ng Kanyang katarungan (ayon sa Kanyang sariling kapahayagan sa Kanyang Salita) na ang lahat ng ating mga kasalanang nagawa laban sa Kanyang walang-hanggang kadakilaan ay dapat na maparusahan, hindi lamang ng temporal13 kundi eternal8 na kaparusahan, kapwa ng katawan at kaluluwa; na hindi natin maiiwasan malibang mabigyan ng kasiyahan ang katarungan ng Diyos.
Artikulo 2. Samakatuwid, yamang hindi natin kayang bigyan ng kasiyahan ang katarungan ng Diyos sa pamamagitan ating mga sarili at ni hindi rin natin kayang iligtas ang ating mga sarili mula sa poot ng Diyos, ay minarapat ng Diyos na sa pamamagitan ng Kanyang walang hangganang habag na ipagkaloob ang Kanyang bugtong na Anak, bilang ating Tagapanagot, na Siyang ginawang kasalanan, at naging sumpa sa krus para sa atin, upang Kanyang bigyan ng kasiyahan ang katarungan ng Diyos para sa ating kapakanan.
Artikulo 3. Ang kamatayan ng Anak ng Diyos ay ang tangi at pinaka-perpektong sakripisyo at kabayaran para sa kasalanan, at may walang-hanggang halaga at higit sa sapat upang mabayaran ang kasalanan ng buong sanlibutan.
Artikulo 4. Ang kamatayang ito ay kumukuha ng walang-hanggang halaga at kadakilaan mula sa mga katotohanang sumusunod, sapagkat ang personang nagpasakop sa kamatayang ito ay hindi lamang tunay na tao at perpekto ang kabanalan kundi Siya rin ang tanging bugtong na Anak ng Diyos, na kaparehong eternal8 at walang-hanggang esensiya ng Ama at ng Espiritu Santo, na ang mga katangiang ito ay kinakailangan upang hirangin Siyang Tagapagligtas natin; at sapagkat ang kamatayang ito ay nalalakipan ng poot at sumpa ng Diyos na nakalaan para sa ating kasalanan.
Artikulo 5. At saka ang pangako ng Ebanghelyo ay ang sinuman ang sumampalataya kay Cristo na ipinako sa krus ay huwag mapahamak kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan. Ang pangakong ito, kasama ang utos na magsisi at manalig, ay dapat na iproklama at ipahayag sa lahat ng mga bansa, at sa lahat ng mga tao nang walang itinatangi at walang pinipili, sa kanila na minarapat ng Diyos ayon sa Kanyang mabuting kalooban na ipadala ang Ebanghelyo.
Artikulo 6. At datapuwa’t marami sa mga tinawag ng Ebanghelyo ay hindi nagsisisi o ni nananalig kay Cristo, subalit napapahamak sa kanilang kawalan ng pananampalataya, ay hindi ito dahil sa may depekto o kakulangan sa sakripisyong ginawa ni Cristo sa krus, kundi ito’y maisisisi sa kanila mismo.
Artikulo 7. Subalit ang lahat ng tunay na sumampalataya at pinalaya at iniligtas sa pamamagitan ng kamatayan ni Cristo, mula sa kasalanan at sa pagkawasak, ay utang na loob nila ang mga pagpapalang ito sa biyaya lamang ng Diyos na ibinigay sa kanila kay Cristo mula pa sa walang hanggan, at hindi dahil sa anumang kabutihang mayroon sila.
Artikulo 8. Sapagkat ito ang pinakamataas14 na panukala at pinakamabiyayang kalooban at layunin ng Diyos Ama, na ang nagbibigay buhay at mabisang nakapagliligtas na pinakamahalagang kamatayan ng Kanyang Anak ay dapat na umabot sa lahat ng mga hinirang, sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila lamang ng kaloob na pananampalatayang ukol sa pagiging ganap, sa gayon ay walang pasubaling madala sila sa kaligtasan; alalaong baga ay kalooban ng Diyos na si Cristo sa pamamagitan ng dugo ng krus kung saan pinagtibay Niya ang bagong tipan, ay dapat na mabisang matubos Niya mula sa bawat bayan, lahi, bansa, at wika, silang lahat at tanging silang lahat lamang na mula pa sa walang hanggan ay pinili na para sa kaligtasan at ibinigay sa Kanya ng Ama; na dapat Niyang pagkalooban ng pananampalataya na kung saan kasama ng iba pang mga kaloob ng Espiritu Santo ukol sa kaligtasan ay binili na Niya para sa kanila sa pamamagitan ng Kanyang kamatayan; na dapat na linisin sila sa lahat ng kasalanan, orihinal pati rin ang aktuwal, maski na nagawa bago o matapos sumampalataya; at, buong katapatang ingatan sila hanggang sa katapusan at dalin sila nang walang dungis at kapintasan sa pagtatamasa ng kaluwalahatian sa Kanyang piling magpakailan man.
Artikulo 9. Ang layuning ito, na nagbubuhat sa walang hanggang pag-ibig ng Diyos sa Kanyang hinirang ay mula sa panimula ng sanlibutan at magpasa hanggang ngayon ay makapangyarihang natutupad at sa hinahararap ay patuloy pa ring matutupad sa kabila ng walang saysay na paghadlang ng kapangyarihan ng impiyerno, upang ang mga hinirang sa takdang panahon ay mapagsama-sama, at upang hindi mawalan ng iglesyang binubuo ng mga mananampalataya, na itinatag sa dugo ni Cristo, na may buong katatagan na mahalin at buong katapatan na paglingkuran Siya bilang kanilang Tagapagligtas, (Siya bilang ikakasal sa Kanyang itinatangi, ay nagbuwis ng buhay para sa kanila sa krus), at na mangagsipagdiriwang sa Kanyang kapurihan ngayon at magpakailan man.
Yamang ang tamang katuruan ay naipaliwanag na, ngayon naman ay tinututulan ng Synod ang kamalian ng mga sumusunod:
Kabulaanan 1: Sila na nagtuturo na ang Diyos Ama ay itinadhana ang Kanyang Anak para sa kamatayan sa krus nang walang kasiguruhan at tiyak na layuning iligtas ang sinuman, magkagayon ang pagiging kailangan at kapakinabangan, at kahalagahan na natamo ni Cristo sa Kanyang kamatayan ay maaaring umiiral at nananatili sa lahat ng bahagi nito na kumpleto, perpekto, at walang bawas kahit na ang natamong pagtutubos ay hindi maiukol kaninuman.
Pagtutol: Sapagkat ang katuruang ito ay nauuwi sa paghamak sa karunungan ng Ama at sa mga natamo ni Jesu-Cristo, at salungat sa Banal na Kasulatan. Sapagkat sinabi ng ating Tagapagligtas na “Ibinibigay ko ang aking buhay para sa mga tupa, at sila’y aking kilala.” (Juan 10:15, 27). At sinabi rin ni propeta Isaias hinggil sa ating Tagapagligtas na "kapag gagawin niya ang kanyang kaluluwa bilang handog pangkasalanan, makikita niya ang kanyang supling pahahabain niya ang kanyang mga araw; at ang kalooban ng Panginoon ay uunlad sa kanyang kamay." (Isaias 53:10). At sa katapusan, ito’y sumasalungat sa artikulo ng pananampataya na nagsasabi na "sumasampalataya kami sa Cristianong Iglesyang laganap."
Kabulaanan 2: Sila na nagtuturo na hindi layunin ng kamatayan ni Cristo na Siya’y magpatibay ng bagong tipan ng biyaya sa pamamagitan ng Kanyang dugo, kundi dapat na matamo lamang Niya para sa Ama ang karapatan lamang na makapagtatag sa tao ng isang tipang ayon sa Kanyang naiisin, maging ito’y biyaya o kaya’y ng mga gawa.
Pagtutol: Sapagkat ito’y laban sa Banal na Kasulatan, na nagtuturo na si Cristo ay naging Tagapanagot at Tagapamagitan ng mas higit na mabuti, ito nga’y ang bagong tipan, at ang isang tipan ay pinagtitibay kapag ang kamatayan ay naganap. (Hebreo 7:22; 9:15,17).
Kabulaanan 3: Sila na nagtuturo na si Cristo sa pamamagitan ng Kanyang kamatayan ay hindi tiyak na natamo ang mismong kaligtasan ng sinuman, ni ang pananampalataya kung saan sa pamamagitan nito ang ginawa ni Cristo para sa kaligtasan ay mabisang nakakamtan; kundi natamo Niya lamang para sa Ama ang kapangyarihan o ang ganap na kalooban na makitungo muli sa tao at makapagtakda ng mga bagong kundisyon na Kanyang maibigan, gayun pa man ang pagtupad sa mga ito ay nakabatay sa malayang pagpasiya15 ng tao, upang sa gayon ay maaaring mangyari na wala o kaya’y lahat ay makatupad sa mga kundisyong ito.
Pagtutol: Sapagkat ito’y lubhang humahamak sa kamatayan ni Cristo, at hindi kumikilala sa pinakamahalagang bunga o kapakinabangan na Kanyang natamo. At muli nitong binubuhay mula sa impiyerno ang "kabulaanang Pelagianismo."
Kabulaanan 4: Sila na nagtuturo na ang bagong tipan ng biyaya, na ginawa ng Diyos Ama sa tao sa pamamagitan ng kamatayan ni Cristo ay hindi tumutukoy sa ganito, na tayo sa pamamagitan ng pananampalataya, kahit na ito ang tumatanggap ng mga bunga ng ginawa ni Cristo, ay inaring ganap4 sa harapan ng Diyos at naligtas, kundi sa katunayang ang Diyos, yamang pinawalang-bisa na Niya ang hinihinging perpektong pagsunod sa kautusan ay itinuturing naman ang pananampalataya mismo at ang pagsunod ng pananampalataya, bagaman hindi perpekto, bilang perpektong pagsunod sa kautusan at ito’y ipinapalagay na karapat-dapat sa gantimpalang buhay na walang hanggan sa pamamagitan ng biyaya.
Pagtutol: Sapagkat sinasalungat nito ang Banal na Kasulatan na nagtuturo na: "sila ngayon ay itinuturing na ganap ng kanyang biyaya bilang kaloob sa pamamagitan ng pagtubos na na kay Cristo Jesus; na siyang inialay ng Diyos bilang handog na pampalubag-loob sa pamamagitan ng kanyang dugo na mabisa sa pamamagitan ng pananampalataya." (Roma 3:24, 25). At ipinapahayag nito tulad ng ipinahayag ng masamang si Socinus, ang isang bago at kakaibang pag-aaring ganap4 sa tao sa harapan ng Diyos na laban sa tinanggap nang may pagkakaisa ng buong Iglesya.
Kabulaanan 5: Sila na nagtuturo na ang lahat ng tao ay tinanggap na sa kalagayan ng muling pagkapagkasundo16 at sa biyaya ng tipan, magkagayon ay wala kahit isa ang nararapat na mahatulan dahil sa orihinal na kasalanan at wala ngang mahahatulan dahil dito, kundi ang lahat ay malaya na sa sumpa ng orihinal na kasalanan.
Pagtutol: Sapagkat ang opiniyong ito ay salungat sa Banal na Kasulatan na nagtuturo na sa ating katutubong kalikasan tayo’y mga anak ng kapootan (Efeso 2:3).
Kabulaanan 6: Sila na gumagamit ng pagkakaiba ng “merito” at ng “pagtanggap” na ang layunin ay maikintal sa isipan ng mga walang-ingat at walang-karanasan ang katuruang ito: na ang Diyos, sa ganang Kanya, ay ginustong ipagkaloob nang pantay-pantay sa lahat ang benepisyong natamo ng kamatayan ni Cristo; subalit, kung ang iba ay nakamit ang kapatawaran ng kasalanan at buhay na walang hanggan at ang iba naman ay hindi, ang pagkakaibang ito ay nakadepende sa kanilang malayang pagpapasiya15, na siyang nag-uugnay sa biyaya na inaalok sa lahat nang walang itinatangi, at ito’y hindi nakadepende sa espesyal na kaloob ng kahabagan, na siyang makapangyarihang kumikilos sa kanila, na sila at hindi ang iba ang makatanggap ng biyayang ito.
Pagtutol: Sapagkat, habang may pagkukunwaring inihahayag sa waring tamang paraan ang pagkakaibang ito, ay nagsisikap naman na ikintal sa isipan ng mga tao ang mapaminsalang lason ng "kabulaanang Pelagianismo".
Kabulaanan 7: Sila na nagtuturo na si Cristo ay hindi dapat mamatay, kinakailangang mamatay, o talagang namatay para sa mga taong minahal sa pinakamataas na antas ng Diyos at hinirang para sa buhay na walang hanggan, at hindi Siya namatay para sa mga ito, yamang hindi na nila kailangan pa ang kamatayan ni Cristo.
Pagtutol: Sapagkat sinasalungat nito ang apostol, na nagpahayag na: "Si Cristo na sa akin ay nagmahal, at nagbigay ng kanyang sarili dahil sa akin" (Galacia 2:20). Gayundin: "Sino ang magsasakdal ng anuman laban sa mga pinili ng Diyos? Ang Diyos ang siyang umaaring-ganap. Sino ang hahatol? Si Cristo na namatay…" (Roma 8:33, 34), alalaong baga’y, para sa kanila; at ang Tagapagligtas ang nagsabi: "…ibinibigay ko ang aking buhay para sa mga tupa." (Juan 10:15). At: "Ito ang aking utos, na kayo’y magmahalan sa isa’t isa, gaya ng pagmamahal ko sa inyo. Walang may hihigit pang dakilang pag-ibig kaysa rito, na ibigay ng isang tao ang kanyang buhay dahil sa kanyang mga kaibigan." (Juan 15:12, 13).
Artikulo 1: Ang tao buhat sa pasimula, ayon sa larawan ng Diyos, ay sinangkapan ng totoo at kapakipakinabang na kaalaman sa Lumikha sa kanya at sa mga bagay na espirituwal sa kanyang isipan, at kalakip ang katuwiran sa kalooban at puso, ginanyakan ng kalinisan sa lahat ng kanyang damdamin, at sa gayon siya’y ganap na banal. Subalit, dahil sa pagrebelde laban sa Diyos sa sulsol ng diyablo at pag-abuso sa kalayaan ng kanyang sariling kapasyahan, ay naiwala ang mga mahuhusay na kaloob na ito at sa halip ay natamo niya para sa sarili ang kabulagan, kahindik-hindik na kadiliman, kapalaluan, at tiwaling pagpapasya sa kanyang kaisipan; naging makasalanan, rebelde, sutil ang puso at kalooban, at mahalay sa lahat ng kanyang damdamin.
Artikulo 2: Higit pa rito, kung ano ang tao matapos ang pagbagsak, ay gayunding uri ng mga anak ang kanyang isinilang, alalaong baga’y, isang makasalanang tao, makasalanang mga anak; ang pagkamakasalanan ay naipasa mula kay Adan hanggang sa lahat ng kanyang salinlahi maliban kay Cristo, hindi sa pamamagitan ng panggagaya na siyang pinagpipilitan ng mga Pelagians noon, kundi sa pamamagitan ng pagmamana ng masamang katutubong kalikasan, batay sa matuwid na hatol ng Diyos.
Artikulo 3: Samakatwid, lahat ng tao ay ipinaglihi sa kasalanan, at isinilang na mga anak ng kapootan, walang kakayahang gumawa ng anumang mabuti para sa kaligtasan, madaling gumawa ng kasamaan, patay sa mga kasalanan, at mga alipin ng kasalanan, at kung wala ang biyayang nagbibigay buhay ng Espiritu Santo ay hindi nila kaya o ni loobin man lang na manumbalik sa Diyos, upang iwasto ang kasamaan ng kanilang katutubong kalikasan, ni maitalaga ang kanilang sarili sa pagwawasto nito.
Artikulo 4: Tunay ngang mayroon sa tao, matapos ang pagbagsak, ng nalabing aandap-andap na liwanag ng kalikasan, sa pamamagitan nito ay nananatili sa kanya ang ideya hinggil sa Diyos, hinggil sa mga bagay kalikasan, at hinggil sa kaibahan sa pagitan ng mga bagay na marangal at hamak, at nagpapakita ng pagpapahalaga sa kabutihan at panlabas na kaayusan. Subalit napakalayo sa kanya na magkaroon ng kakayahan sa pamamagitan ng liwanag na ito ng kalikasan na marating ang kaalamang ukol sa kaligtasan hinggil sa Diyos at magbalik-loob sa Kanya, kahit na sa mga bagay kalikasan at panlipunan ay hindi niya magamit ito ng tama, sa halip, sa maraming paraan ay lubos niyang dinudumihan ito, at inilalagay ito sa kalikuan, kung saan habang ginagawa niya ito, siya’y hahatulan nang walang patawad sa harap ng mukha ng Diyos.
Artikulo 5: Kung ano ang totoo sa liwanag ng kalikasan ay gayundin ang dahilan ng kautusan ng Dekalogo na ipinagkaloob ng Diyos sa pamamagitan ni Moises tanging para sa mga Judio. Bagaman natutuklasan nito ang kalakihan ng kasalanan at patuloy na umuusig sa tao ay hindi naman nagtuturo ng lunas, ni nagbibigay ng lakas upang mailigtas ng tao ang sarili mula sa kapahamakan, at yamang mahina sa pamamagitan ng laman, ay iniiwan nito ang makasalanan sa ilalim ng sumpa, hindi kailanman matatamo ng tao sa pamamagitan ng kautusang ito ang biyayang panligtas.
Artikulo 6: Kaya nga kung ano ang hindi magawa ng liwanag ng kalikasan at ng kautusan, ay ginawa ng Diyos sa pangangasiwa ng Espiritu Santo sa pamamagitan ng salita o ng ministeryo ng pagkakasundo: na siyang ebanghelyo hinggil sa Mesias, na sa pamamagitan nito ay nalugod ang Diyos na iligtas ang sumasampalataya maging sa panahon ng Matandang Tipan gaya ng nasa panahon ng Bagong Tipan.
Artikulo 7: Ang hiwaga ng Kanyang kaloobang ito ay ipinatuklas ng Diyos sa maliit na bilang lamang sa panahon ng Matandang Tipan; sa panahon ng Bago, (ang pagtatangi sa pagitan ng iba’t ibang mga bansa ay inalis na), ipinahayag Niya ang Kanyang sarili sa marami. Ang dahilan ng ganitong pangangasiwa ay huwag ipalagay na galing sa mas nakahihigit na halaga ng isang bansa kaysa sa iba, ni hindi rin sa mas mahusay nilang pagkakagamit ng liwanag ng kalikasan, kundi ito’y buung-buong resulta ng soberanyong mabuting kalooban at mabiyayang pag-ibig ng Diyos. Dahil dito, sila, na kung kanino ang napakahalaga at napakamabiyayang pagpapala ay naipaabot, nang higit sa kanilang pagiging karapat-dapat o manapa’y sa kabila ng kanilang kakulangan, ay nararapat na kilalanin ito nang may pagpapakumbaba at pusong nagpapasalamat, at kasama ang apostol sa pagsamba at hindi sa pag-uusisa upang pakialaman ang katindihan at katarungan ng hatol ng Diyos sa iba na hindi pinagkalooban ng biyaya.
Artikulo 8: Gayunman, kasindami ng tinawag ng Ebanghelyo, ay siyang mga taimtim na tinawag. Sapagkat taimtim at tunay na ipinakita ng Diyos sa Kanyang Salita, kung ano ang nakalulugod sa Kanya, alalaong baga’y, ang mga tinawag ay dapat na lumapit sa Kanya. Mataimtim pa nga Niyang ipinangako sa lahat ng lalapit sa Kanya at sasampalataya, ang kapahingahan ng kaluluwa at buhay na walang hanggan.
Artikulo 9: Na marami sa mga tinawag sa pamamagitan ng pangangaral ng Ebanghelyo ay hindi lumalapit at hindi nagbabalik-loob sa Diyos—ito’y hindi dahil sa pagkukulang ng Ebanghelyo, ni hindi ng Cristo na inihayag sa Ebanghelyo, ni hindi rin ng Diyos na tumatawag sa pamamagitan ng Ebanghelyo, na Siya pa nga ang nagbibigay sa kanila ng iba’t ibang kaloob, bagkus ang pagkukulang ay nasa mga tinawag mismo, na ang iba sa kanila ay mga pabaya na hindi nakikinig sa Salita ng Buhay; ang iba naman bagaman nakikinig ay hindi naman hinahayaan ito na pumasok sa kanilang puso, kaya nga matapos mawala ang saya ng pansamantalang pananampalataya, sila ay tumatalikod; ang iba naman ay sinasakal ang binhi ng Salita sa pamamagitan ng mga tinik ng kabalisahan at kalayawan ng sanlibutan, at hindi makapamunga; ang mga ito ang itinuro ng ating Tagapagligtas sa Kanyang talinghaga ng binhi sa Mateo 13.
Artikulo 10: Subalit may mga tinawag sa pamamagitan ng pangangaral ng Ebanghelyo ay lumalapit at nagbabalik-loob ay ito’y hindi maipapalagay na dahil sa tao na para bang sa pamamagitan ng kanyang sariling kapasiyahan15 ay nakahihigit siya sa iba na pinagkalooban ng kapantay o sapat na biyaya para sa pananampalataya at pagbabalik-loob (na siyang ipinagpipilitan ng mapagmataas na kasinungalingan ni Pelagius), subalit ito ay maipapalagay na dahil sa Diyos, na Siyang pumili ng sariling Kanya kay Cristo mula pa sa walang hanggan, at sa kasalukuyang panahon ay mabisa Niyang tinatawag ang mga iyon, binibigyan ng pananampalataya at pagsisisi, at inililipat sila mula sa pagkariwara sa kapangyarihan ng kadiliman tungo sa kaharian ng Kanyang sariling Anak, sa gayon ay maipahayag nila ang kapurihang nauukol sa Kanya, na tumawag sa kanila mula sa kadiliman, tungo sa Kanyang kagilagilalas na liwanag; at hindi magmapuri sa ganang sarili nila, kundi sa Panginoon lamang ayon sa pahayag ng mga apostol sa iba’t ibang dako.
Artikulo 11: At saka, nang isakatuparan ng Diyos ang Kanyang mabuting kalooban sa mga hinirang, o nang isinagawa Niya sa kanila ang totoong kaligtasan ay hindi lamang Niya minarapat na ang Ebanghelyo ay panlabas na maipangaral sa kanila, at makapangyarihang liwanagan ang kanilang mga kaisipan ng Kanyang Espiritu Santo, nang sa gayon ay tama nilang maunawaan at makilala ang mga bagay ng Espiritu ng Diyos; kundi sa pamamagitan din ng bisa ng nagbibigay buhay na Espiritu ay panaigan ang kaloob-looban ng tao; binubuksan Niya ang nakapinid, at pinalalambot ang matigas na puso, at tinutuli yaong hindi tuli, ikinikintal Niya ang mga bagong katangian sa kalooban ng tao, at mula sa pagiging patay ay ginagawa itong buhay; mula sa kasamaan tungo sa kabutihan; mula sa kawalang-gusto tungo sa pagkagusto; mula sa pagkasutil tungo sa pagkamasunurin; at kinikilos at pinalalakas ito, upang sa gayon, tulad ng isang mabuting punong-kahoy, ay magkaroon ito ng kakayahang magbunga ng mga mabubuting gawa.
Artikulo 12: Ito ang pagbibigay ng bagong buhay17 na labis na pinahahalagahan sa Banal na Kasulatan, at tumutukoy sa bagong nilalang, ang muling-pagkabuhay mula sa mga patay, ang pagbibigay-buhay na ginawa ng Diyos sa atin nang walang anumang tulong mula sa atin. Subalit hindi ito masasabing resulta lamang ng panlabas na pangangaral ng Ebanghelyo, o ng moral na panghihikayat, o ng mga katulad na pamamaraan na matapos magawa ng Diyos ang Kanyang bahagi ay nananatili pa rin sa kapangyarihan ng tao upang siya'y magkaroon o hindi magkaroon ng bagong buhay, makapagbagong-loob o manatili sa di pagbabagong-loob; subalit ito ay maliwanag na gawang supernatural, pinaka makapangyarihan, at saka pinaka-kaiga-igaya, kamangha-mangha, mahiwaga, at kagila-gilalas; hindi mas mahina ang bisa kaysa sa paglalang o kaya’y sa pagbuhay mula sa kamatayan, na siyang ipinapahayag ng Banal na Kasulatang kinasihan ng Awtor ng gawang ito; upang sa lahat na sa kanilang mga puso ay gumagawa ang Diyos sa kahanga-hangang paraang ito, ay tiyak, walang pasubali, at mabisang magbabagong-buhay, at talagang sasampalataya. -Sa gayong pagsusuri sa kalooban (will) ay masasabing ito’y hindi lamang kinilos at inimpluwensiyahan ng Diyos, kundi bunga ng impluwensiyang ito, ay naging buhay mismo ang kalooban (will). Sa kadahilanan ding ito kaya tamang masasabing ang tao ay nananalig at nagsisisi, sa bisa ng biyayang natanggap.
Artikulo 13: Ang pamamaraan ng ganitong pagkilos ay hindi lubos na mauunawaan ng mga mananampalataya sa buhay na ito; gayunpaman makasusumpong sila ng kasiyahan sa ganito, na nalalaman at nararanasan nila, sa pamamagitan ng biyaya ng Diyos na sila ay sumasampalataya sa kanilang puso, at umiibig sa kanilang Tagapagligtas.
Artikulo 14: Samakatuwid, ang pananampalataya ay kaloob ng Diyos, hindi dahil sa ito'y inalok ng Diyos sa kalooban (will) ng tao kundi dahil sa ito’y mismong ipinagkaloob, inihinga at ikinintal sa tao. Ni hindi rin dahil sa ipinagkaloob lamang ng Diyos ang kakayahang manalig, at pagkatapos ay asahan ang pagsang-ayon o pagsampalataya mula sa kalooban (will) ng tao kundi dahil sa Siya na gumagawa maging sa pagnanais at sa paggawa at talagang gumagawa sa lahat ng mga bagay, ay isinasagawa sa tao ang pasiyang sumampalataya at ang pagsampalataya mismo.
Artikulo 15: Ang biyayang ito ay hindi utang ng Diyos kaninuman. Sapagkat ano naman ang Kanyang pagkakautang sa kanya na sa simula pa man ay wala nang naibibigay, upang ito’y mabayaran sa kanya? Wala, at ano ang Kanyang pagkakautang sa kanya na wala namang mga bagay kahit na sa sarili niya maliban sa kasalanan at kasinungalingan? Kaya nga, sinuman ang makatanggap ng biyayang ito ay may pagkaka-utang at dapat magbigay ng walang hanggang pasasalamat sa tanging Diyos; sinuman ang hindi nakatanggap nito, siya ay ganap na walang pakialam sa mga bagay espirituwal, at nalulugod lamang sa mga bagay hinggil sa kanyang sarili o kaya’y dahil sa kawalang-ingat, ay walang saysay na ipinagmamayabang na mayroon siya na wala naman talaga sa kanya. Dagdag pa rito, tungkol sa kanila na panlabas na nagpapahayag ng kanilang pananampalataya at nagpapakita ng pagbabago sa buhay, ay dapat natin silang hatulan sa pamamaraang kasiya-siya, ayon sa halimbawa ng mga apostol, sapagkat ang kaloob-looban ng puso ng tao ay lingid sa atin. At para naman sa kanila na hindi pa tinatawag ay dapat natin silang ipanalangin sa Diyos na Siyang tumatawag sa mga bagay na wala na parang nariyan na. At tunay na hindi dapat tayong maging mapagmataas laban sa kanila na para bang ginagawa nating iba ang ating mga sarili kaysa sa kanila.
Artikulo 16: Subalit tunay na kung paano sa pamamagitan ng pagbagsak, ang tao ay hindi tumigil sa pagiging tao na pinagkalooban ng kaisipan at kapasiyahan, at kung paanong hindi rin nagawa ng kasalanang lumukob sa buong sangkatauhan na pagkaitan siya ng katutubong kalikasan ng pagkatao kundi dulutan siya nito ng kasamaan at espirituwal na kamatayan, gayundin naman ang biyaya ng Diyos sa pagbibigay buhay ay hindi kumikilos sa mga tao na para bang sila’y mga tuod o tipak na kahoy, ni hindi rin nito inalis ang kapasiyan at mga katangian nito, o pwersahang pilitin ito ng labag sa kalooban, kundi espirituwal na bumubuhay, nagpapagaling, nagwawasto, makapangyarihan at kasiya-siyang kinikilos ito: upang sa gayon kung saan dati ay pagrerebelde at paglaban ng laman ang lubos na namamayani, ngayon, ang agaran at tapat na pagsunod ng Espiritu ang nagsisimulang maghari—na siyang bumubuo sa totoo at espirituwal na pagbabago at kalayaan ng kapasiyahan. At malibang ang kahanga-hangang Awtor ng bawat mabubuting gawa ay makitungo sa atin sa ganitong paraan ay walang pag-asa na ang tao ay mahango mula sa pagbagsak sa pamamagitan ng sariling kapasiyahan (free will), na kung saan sa pamamagitan nito siya ay ibinagsak sa kapahamakan kahit na noong siya’y hindi pa bumabagsak.
Artikulo 17: Kung paano ang makapangyarihang kilos ng Diyos, kung saan pinahahaba at itinataguyod Niya ang ating natural na buhay ay hindi isinasantabi kundi nangangailangan ng paggamit ng mga pamamaraan, kung saan ang Diyos sa Kanyang walang hanggang karunungan at kabutihan ay minarapat na gamitin ang Kanyang kapangyarihang ito, gayundin naman ang naunang nabanggit na supernatural na pagkilos ng Diyos kung saan binigyan Niya tayo ng buhay ay hindi kailanman isinasantabi o minamaliit ang paggamit sa Ebanghelyo, na ito ang itinalaga ng Diyos na pinakamarunong sa lahat bilang binhi ng panibagong buhay, ang pagkain ng kaluluwa. Kaya nga, kung ang mga apostol at mga tagapagturo na humalili sa kanila ay taos-pusong tinuruan ang mga tao hinggil sa biyayang ito ng Diyos para sa Kanyang kaluwalahatian, at ang pagpapababa sa lahat ng pagmamataas, samantalang hindi nila pinabayaan na pangalagaan sila sa pamamagitan ng mga banal na pagpapaliwanag ng Ebanghelyo sa pagtupad ng Salita, mga sakramento at pagdidisiplina; gayundin naman sa ating panahon, huwag nawa na ang mga tagapagturo o mga tinuturuan sa iglesya ay subuking tuksuhin ang Diyos sa pamamagitan ng paghihiwalay sa kung ano sa Kanyang mabuting kalooban ay lubos na pinagsama. Dahil sa ang biyaya ay ipinagkakaloob sa pamamagitan ng pagpapaliwanag ng Ebanghelyo, sa mas lalong nakahanda tayo sa pagtupad ng ating tungkulin, ay mas lalong kapansin-pansin ang biyaya ng Diyos na gumagawa sa atin at mas lalong tuwirang sumusulong ang Kanyang gawa nang may kasiya-siya. Sa Kanya lamang ang lahat ng kaluwalhatian, sa pamamaraan at sa bunga ng kaligtasan at sa bisa, magpakailanman.
Yamang ang tamang katuruan ay naipaliwanag na, ngayon naman ay tinatanggihan ng Synod ang kamalian ng mga sumusunod:
Kabulaanan 1: Sila na nagtuturo na hindi maaaring masabi na ang orihinal na kasalanan sa ganang kanyang sarili ay sapat upang mahatulan ang buong sangkatauhan, o kaya’y maging karapat-dapat sa temporal at eternal na kaparusahan.
Pagtutol: Sapagkat ang mga ito ay laban sa Apostol na nagsabi na: "Kaya’t kung paanong sa pamamagitan ng isang tao ay pumasok ang kasalanan sa sanlibutan, at sa pamamagitan ng kasalanan ay ang kamatayan, kaya't dumating sa lahat ng mga tao ang kamatayan, sapagkat ang lahat ay nagkasala." (Roma 5:12). At: "…ang kahatulan na dumating na kasunod ng pagkakasala ay nagbunga ng paghatol…" (Roma 5:16). At: "Ang kabayaran ng kasalanan ay kamatayan" (Roma 6:23).
Kabulaanan 2: Sila na nagtuturo na imposible para sa mga espirituwal na kaloob, o ng mga mabubuting katangian at kahusayan, gaya ng kabutihan, kabanalan, katuwiran, ay kabilang sa kalooban (will) ng tao noong siya’y unang nilikha, at magkagayon ay imposible na ang mga ito’y mahiwalay sa kanyang kalooban noong siya’y mahulog sa kasalanan.
Pagtutol: Sapagkat ang gayon ay salungat sa ipinahayag na larawan ng Diyos na ibinigay ng Apostol sa Efeso 4:24, kung saan kanyang ipinahayag na ito’y binubuo ng katuwiran at kabanalan na pawang kabilang sa kalooban (will).
Kabulaanan 3: Sila na nagtuturo na sa espirituwal na kamatayan, ang mga espirituwal na kaloob ay hindi nahiwalay sa kalooban (will) ng tao, yamang ang kalooban sa ganang kanyang sarili ay hindi naman talaga naging masama, kundi nahadlangan lamang sa pamamagitan ng kadiliman ng pang-unawa at pabagu-bagong damdamin; at nang ang mga hadlang ay naalis na, ang kalooban (will) ay malaya sa paggamit ng katutubong kakayahan., samakatuwid, ang kalooban mismo ay kayang magpasiya at pumili, o kaya’y huwag magpasiya at huwag pumili, sa lahat ng mga uri ng kabutihan na ilahad sa harapan nito.
Pagtutol: Ito ay isang pagbabago at isang kamalian, at nanganganib na mauwi sa pagpapahalaga sa kakayahan ng malayang kalooban15 na salungat sa katuruan ng Propeta na: "Ang puso ay mandaraya kaysa sa lahat bagay, at lubhang napakasama," Jeremias 17:9; at ng Apostol na: "Tayong lahat (mga anak ng pagsuway) ay dating nabuhay sa gitna ng mga ito, sa mga pagnanasa ng laman, na ating ginagawa ang mga nais ng laman at ng pag-iisip," Efeso 2:3.
Kabulaanan 4: Sila na nagtuturo na ang isang taong makasalanan ay hindi naman talaga o lubos na patay sa kasalanan, ni hindi rin nawalan ng lahat ng kakayahan para sa espirituwal na kabutihan, kundi mayroong pa siyang paghahangad at pagkauhaw sa katuwiran at buhay, at makapaghain ng handog na nagsisisi at bagbag na diwa na kalugodlugod sa Diyos.
Pagtutol: Sapagkat ang mga ito ay salungat sa hayagang patotoo ng Banal na Kasulatan. “Kayo noo’y mga patay sa inyong pagsalangsang at mga kasalanan,” (Efeso 2:1, 5); at: “Ang bawat haka ng mga pag-iisip ng kanyang puso ay palagi na lamang masama,” (Genesis 6:5; 8:21).p>
Bukod dito, ang maghangad at mauhaw para sa kaligtasan mula sa kapighatian at para sa buhay, at makapaghandog sa Diyos ng haing nagsising diwa, ay katangi-tangi sa mga binigyang-buhay at sa mga tinawag na mapapalad. Awit 51:10, 19; Mateo 5:6.
Kabulaanan 5: Sila na nagtuturo na ang masama at natural na tao ay magagamit na mabuti ang panglahat na biyaya (kung saan mauunawaan nila ang liwanag ng kalikasan), o ang mga kaloob na nanatili sa kanya matapos ang pagbaksak, na unti-unti niyang matatamo sa pamamagitan ng tamang paggamit ang mas higit, alalaong bagay, ang ebanghelikal o ang biyayang ukol sa kaligtasan at ang kaligtasan mismo. At sa pamamagitan nito, bilang Kanyang bahagi ay ipinakita ng Diyos na Siya’y handang ipahayag si Cristo sa lahat ng mga tao, yamang Kanyang inilalapat sa lahat ang sapat at mabisang pamamaraang kinakailangan sa pagbabagong-buhay.
Pagtutol: Sapagkat ang karanasan sa lahat ng kapanahunan at ng Banal na Kasulatan ay parehong nagpapatunay na ito ay hindi totoo. "Kanyang ipinahayag ang kanyang salita sa Jacob, ang kanyang mga tuntunin at mga batas sa Israel. Hindi niya ito ginawa sa alinmang bansa, at tungkol sa kanyang mga batas hindi nila ito nalalaman." Awit 147:19-20. "Noong nakaraang mga panahon ay hinayaan niya ang lahat ng mga bansa na lumakad sa kanilang mga sariling daan." Gawa 14:16. At: "At naglakbay sila (sina Pablo at mga kasama) sa lupain ng Frigia at Galacia dahil pinagbawalan sila ng Espiritu Santo na ipangaral ang salita sa Asia. Nang sila'y dumating sa tapat ng Misia, ay pinagsikapan nilang makapasok sa Bitinia ngunit hindi sila pinahintulutan ng Espiritu ni Jesus." Gawa 16:6-7
Kabulaanan 6: Sila na nagtuturo na sa tunay na kaligtasan ng tao ay walang bagong mga katangian, mga kapangyarihan, o mga kaloob na maaaring ikintal ng Diyos sa kalooban (will), at kaya nga, ang pananampalataya na sa pamamagitan nito’y tayo’y unang naligtas at tinawag na mga mananampalataya, ay hindi isang katangian o isang kaloob na ikinintal ng Diyos, kundi isa lamang gawa ng tao, at hindi maaaring masabi na ito’y isang kaloob maliban sa kapangyarihang matamo ang pananampalatayang ito.
Pagtutol: Sapagkat sa gayon ay sinasalungat nila ang Banal na Kasulatan na nagpapahayag na ang Diyos ay nagkikintal ng bagong mga katangian ng pananampalataya, ng pagsunod, at ng kamalayan ng Kanyang pag-ibig sa ating sa mga puso: "Ilalagay ko ang aking kautusan sa kanilang kalooban, at aking isusulat iyon sa kanilang mga puso," Jeremias 31:33. At: "Bubuhusan ko ng tubig ang uhaw na lupa, at ng mga bukal ang tuyong lupa; aking ibubuhos ang aking Espiritu sa lahi mo, at ang aking pagpapala sa mga anak mo," Isaias 44:3. At: "Ang pag-ibig ng Diyos ay ibinuhos sa ating mga puso sa pamamagitan ng Espiritu Santo na ibinigay sa atin," Roma 5:5. At salungat din sa patuloy na ginagawa ng iglesya, na nagdarasal ng idinasal ng Propeta na: "Ibalik mo ako upang ako’y mapanumbalik," Jeremias 31:18
Kabulaanan 7: Sila na nagtuturo na ang biyaya kung saan tayo ay nakapagbalikloob sa Diyos ay walang iba kundi isa lamang banayad na paghimok, o kaya'y (tulad ng paliwanag ng iba) na ito’y pinakamarangal na paraan ng paggawa sa kaligtasan ng tao at pinaka-naaayon sa katutubong kalikasan ng tao, ito nga’y ang nangyayari sa pamamagitan ng paghimok; at walang dahilan kung bakit ang moral na biyayang ito ay hindi maging sapat upang gawing espirituwal ang isang natural na tao; tunay nga, na ang Diyos ay hindi kumukuha ng pagsang-ayon ng kalooban maliban sa pamamagitan ng moral na pamamaraan.; at ang bisa ng pagkilos ng Diyos na ito kung saan nadadaig ang pagkilos ni Satanas ay binubuo nito, na ipinapangako ng Diyos ang eternal habang temporal na mga bagay lamang ang ipinapangako ni Satanas.
Pagtutol: Subalit ito ay ganap na Pelagian at salungat sa buong Kasulatan na kung saan, bukod dito, ay nagtuturo ng iba at higit na mas mahalagang kapangyarihan at paraan ng pagkilos ng Espiritu Santo sa kaligtasan ng tao, tulad ng nasaad sa Ezekiel: "Bibigyan ko kayo ng bagong puso, at lalagyan ko kayo ng bagong espiritu sa loob ninyo. Aking aalisin ang batong puso sa inyong laman, at aking bibigyan kayo ng pusong laman," Ezekiel 36:26.
Kabulaanan 8: Sila na nagtuturo na ang Diyos sa pagbibigay ng buhay ay hindi gumamit ng mga kapangyarihan ng Kanyang omnipotence upang mabisa at walang pagkakamaling mapasang-ayon ang kalooban ng tao para sa pananampalataya at kaligtasan; subalit kahit na ang lahat ng mga gawa ng biyaya na siyang ginagamit ng Diyos para sa kaligtasan ng tao ay naisakatuparan na, ay maaari pa ring tutulan ng tao ang Diyos at ang Espiritu Santo nang hangarin ng Diyos ang kaligtasan ng tao at loobin Niya na iligtas siya, at tunay na ang tao ay malimit na lumalaban sukdulang ganap na mapigilan ang kanyang kaligtasan, at samakatuwid nanatili sa kapangyarihan ng tao na siya’y maligtas o hindi.
Pagtutol: Sapagkat ito’y walang iba kundi pagtanggi sa lahat ng bisa ng biyaya ng Diyos sa ating kaligtasan at ito’y pagpapasa-ilalim ng gawain ng makapangyarihang Diyos sa kalooban ng tao, na ito’y salungat sa mga Apostol na nagturo na "…sa atin na sumasampalataya, ayon sa paggawa ng kapangyarihan ng kanyang lakas," Efeso 1:19. At "tuparin ng Diyos ang bawat hangarin sa kabutihan at gawa ng pananampalataya na may kapangyarihan," 2Tesalonica 1:11. At "Ipinagkaloob sa atin ng kanyang banal na kapangyarihan ang lahat ng mga bagay na kailangan sa buhay at pagiging maka-Diyos," 2Pedro 1:3.
Kabulaanan 9: Sila na nagtuturo na ang biyaya at malayang pagpapasiya ay bahagi lamang ng mga dahilan, na ang mga ito'y magkasamang gumagawa sa unang bahagi ng kaligtasan at ang biyaya, ayon sa pagkakasunod-sunod ng dahilan, ay hindi pinangungunahan ang paggawa ng kalooban; alalaong baga’y ang Diyos ay hindi mabisang tumutulong sa pagpapasiya ng tao para sa kaligtasan hangga't ang kalooban ng tao ay kumilos at magsikap na gawin ito.
Pagtutol: Sapagkat ang unang Iglesya ay matagal nang panahong kinodendena ang doktrinang ito ng mga Pelagians, alinsunod sa mga salita ng Apostol: "Kaya ito ay hindi ayon sa kalooban o pagsisikap ng tao, kundi ayon sa habag ng Diyos," Roma 9:16. Gayundin: "Sapagkat sino ang nakakakita ng kaibahan mo? At ano ang nasa iyo na hindi mo tinanggap?," 1 Corinto 4:7. At: "Sapagkat ang Diyos ang gumagawa sa inyo maging sa pagnanais at sa paggawa, para sa kanyang mabuting kalooban," Filipos 2:13
Artikulo 1: Sila na tinawag ng Diyos ayon sa Kanyang layunin para sa pakikipag-isa sa Kanyang Anak, ang ating Panginoong Jesu-Cristo, at binuhay ng Espiritu Santo, na Kanya ring iniligtas mula sa kapangyarihan at pagkaalipin sa kasalanan sa buhay na ito; bagama’t hindi lubos mula sa katawan ng kasalan, at mula sa kahinaan ng laman, habang sila’y nanatili sa sanlibutang ito.
Artikulo 2: Dahil dito, ay bumubukal ang araw-araw na mga kasalanan ng kahinaan, at magkagayon ang mga batik ay nakadikit sa pinakamahusay na mga gawa ng mga binanal, na siyang nagbibigay sa kanila ng patuloy na dahilan upang magpakababa sa harapan ng Diyos at mabilis at madaliang nagkukubli kay Cristong napako sa krus; para sa tuloy-tuloy na pagpipigil sa laman sa pamamagitan ng Espiritu ng panalangin, at sa pamamagitan ng banal na pagganap ng mga gawaing maka-Diyos; para sa paghahangad sa layong kasakdalan, hanggang sa lubusang maligtas sa katawan ito ng kasalanan, sila ay maghaharing kasama ng kordero ng Diyos sa kalangitan.
Artikulo 3: Dahil sa mga labi ng tumatahang kasalanan, at pati rin ang mga panunukso ng sanlibutan at ni Satanas, sila na iniligtas ay hindi maaaring manatiling nakatayo sa biyaya kung sila ay pababayaan sa kanilang sariling lakas. Subalit ang Diyos ay tapat, na buong kahabagang pinagtitibay sila sa biyaya yamang minsanan na silang napagtibay, at buong kapangyarihang pinananatili sila sa gayong kalagayan, maging hanggang sa katapusan.
Artikulo 4: Bagaman, ang kapangyarihan ng Diyos na nagpapatibay at nagpapanatili sa mga tunay na mananampalataya sa biyaya ay mas higit kaysa sa pananaig ng laman, gayunpaman ang mga iniligtas ay hindi palaging kinikilos at iniinpluwensiyahan ng Diyos, kaya nga may pagkakataon na hindi sila maka-ayon, na ito'y kanilang pagkukulang, sa patnubay ng biyaya, at matukso sa hilig ng laman at maki-ayon sa mga ito. Samakatuwid sila man ay dapat na patuloy na mag-ingat at manalangin kundi sila'y mahuhulog sa tukso. Kapag hindi nila ginawa ito, hindi lamang sila matatangay ng laman, ng sanlibutan, at ni Satanas sa mas malala at lubhang masamang mga kasalanan, kundi sa pamamagitan ng pahintulot ng Diyos ay paminsan-minsan ay matatangay. Ito ang kalungkot-lungkot na ipinapakita ng mga pagkahulog nina David, ni Pedro, at ng mga iba pang mga binanal, na ipinahayag sa Banal na Kasulatan.
Artikulo 5: Gayunman, dahil sa gayong napakalubhang mga kasalanan, lubos nilang hinahamak ang Diyos, natamo ang kamalayan ng kamatayan, nagpalungkot sa Espiritu Santo, nagpahinto sa paggawa ng pananampalataya, lubhang sumugat sa kanilang konsiyensiya, at paminsan-minsan ay nawawala ang kamalayan ng biyaya, hanggang sa pamamagitan ng tapat na pagsisisi ay nanumbalik sa landas ng buhay, ang mapagmahal na mukha ng Diyos ay muling suminag sa kanila.
Artikulo 6: Sapagkat ang Diyos, na mayaman sa awa, mula sa Kanyang di-nagbabagong layunin ng Paghirang, ay hindi lubos na inaalis ang Espritu Santo sa Kanyang sariling bayan, kahit na sa kanilang kalungkot-lungkot na pagkahulog; ni hayaan sila sa pagkakadulas hanggang sa mawala sila sa biyaya ng pagka-ampon at sa estado ng inaring-ganap, o ni hayaan din silang makagawa ng kasalanang tungo sa kamatayan, o laban sa Espiritu; hindi rin Niya hahayaan na sila’y ganap na mapabayaan, at ilagay ang kanilang mga sarili sa walang hanggang pagkawasak.
Artikulo 7: Sapagkat una sa lahat, sa mga pagkahulog na ito ay pinangangalagaan ng Diyos sa kanila ang Kanyang sariling walang-kamatayang binhi na nagbibigay-buhay, sa pagkapahamak o lubusang mawala; at saka, sa pamamagitan ng Kanyang Salita at Espiritu ay tiyak at mabisa Niyang binabago sila para sa pagsisisi, upang sila ay tunay na mamighati sa harapan ng Diyos sa mga kasalanang kanilang nagawa, na sa pamamagitan ng pananamapalataya kasama ang nagsisising puso, ay hangarin at matamo ang kapatawaran sa dugo ng Tagapamagitan, upang maramdaman nilang muli ang pagpapala ng Diyos, yamang napagkasundo na, ay sa pamamagitan ng pananampalataya ay mahalin ang Kanyang awa, at magmula ngayon ay mas matiyagang isasagawa ang kanilang kaligtasan na may takot at panginginig.
Artikulo 8: Kaya nga, ito ay hindi bunga ng kanilang sariling mga gawa o lakas, kundi ng walang bayad na awa ng Diyos kaya hindi sila lubos na nahiwlay sa pananampalataya at biyaya, ni ganap na manatili sa kanilang mga pagkahulog o kapahamakan; na kung sa ganang sarili lamang nila ay hindi lamang madaling mangyari na sila’y mapahamak kundi walang pasubaling tiyak na mangyayari; subalit sa gana ng Diyos, ito’y lubhang imposible yamang ang Kanyang panukala ay hindi maaaring mabago, ni mabigo ang Kanyang mga pangako, at hindi rin maaaring mapawalang-bisa ang Kanyang pagtawag alinsunod sa Kanyang layunin, ni mawalan ng bisa ang halaga, pamamagitan at pangangalaga ni Cristo, maging ang pagtatatak ng Espiritu Santo ay hindi maaaring mahadlangan o ni masira.
Artikulo 9: Hinggil sa pangangalagang ito sa hinirang para sa kaligtasan at sa pagpapatuloy ng mga tunay na mananampalataya sa pananampalataya, ang mga mananampalataya mismo ay makatitiyak at ang katiyakan ay alinsunod sa sukat ng pananampalataya, kung saan tiyak nilang sinasampalatayanan na sila ay patuloy na mananatiling tunay at buhay na mga bahagi ng iglesya, na mayroon silang kapatawaran ng mga kasalanan at buhay na walang hanggan.
Artikulo 10: Magkagayon, ang katiyakang ito ay hindi mula sa anumang natatanging kapahayagan na labas sa Salita ng Diyos kundi bumubukal mula sa pananampalataya sa mga pangako ng Diyos na ipinahayag Niya sa Kanyang Salita para sa ating pinakasaganang kaaliwan; mula sa patotoo ng Espiritu Santo, na nagpapatotoo sa ating espiritu na tayo ay mga anak at tagapagmana ng Diyos, Roma 8:16; at saka, mula sa marubdob at banal na pagganap ng mabuting budhi at ng mga mabubuting gawa. At kung ang hinirang ng Diyos sa sanlibutang ito ay pagkaitan ng matibay na katiyakan na ganap nilang matatamo ang tagumpay, at ng di-maaaring-magkamaling garantiya ng walang hanggang kaluwalhatian, sila na sa lahat ng tao ang pinaka-kaawa-awa.
Artikulo 11: Samantala, ang Banal na Kasulatan ay nagpapatotoo na ang mga mananampalataya sa buhay na ito ay nakikibaka sa iba't ibang mga makalamang pag-aalinlangan, at sa ilalim ng mga matitinding tukso ay hindi palaging may kamalayan ng ganap na katiyakan sa pananampalataya at katiyakan ng pagpapatuloy. Subalit, ang Diyos na Ama ng lahat ng kaaliwan, ay hindi ipahihintulot na matukso sila nang higit sa kanilang makakaya, kundi kalakip din ng tukso ay maglalaan ng pag-iwas upang ang mga iyon ay makayang nilang tiisin, 1Corinto 10:13, at sa pamamagitan ng Espiritu Santo ay muli Niyang aantigin sa kanila ang katiyakan ng pagpapatuloy sa kaligtasan.
Artikulo 12: Gayunman, ang katiyakang ito sa pagpapatuloy sa kaligtasan ay malayong makapag-antig sa mga mananampalataya ng espiritu ng kapalaluan o kaya’y magkunsinti sa kanila sa makalamang pamumuhay, sa kabaligtaran, ito ay tunay na pinagmumulan ng kapakumbabaan, paggalang, tunay na kabanalan, pagtitiyaga sa bawat matinding pagdurusa, maalab na pananalangin, pagtitiis sa kapighatian, at sa pagpapahayag ng katotohanan, at sa matatag na kalagakan sa Diyos: upang ang pagsasaalang-alang sa pakinabang na ito ay panggaganyak sa matapat at tuloy-tuloy na pasasalamat at sa paggawa ng mabubuti, gaya ng nahayag sa patotoo ng Banal na Kasulatan at sa mga halimbawa ng mga binanal.
Artikulo 13: Lalong hindi mangyayari sa mga pinanumbalik sa pagkakahulog na ang panibagong pagtitiwalang ito sa pagpapatuloy sa kaligtasan ay magbunga ng kamunduhan o makapinsala sa kabanalan, bagkus ito'y nagbubunga ng higit na ibayong pag-iingat upang buong tiyagang masunod ang mga pamamaraan ng Panginoon, na Kanyang inihanda, na sa pagsunod sa mga ito ay mapapanatili nila ang katiyakan sa pagpapatuloy sa kaligtasan, kung hindi, dahil sa pag-aabuso sa Kanyang kabutihan ang mukha ng mapagbiyayang Diyos (na ang pagbubulay nito para sa binanal, ay mas matamis pa kaysa sa buhay mismo, at ang pagtago nito ay mas mapait pa kaysa kamatayan) ay mailalayo muli sa kanila, at magkagayon ay mahuhulog sila sa mas masahol na paghihirap ng kaluluwa.
Artikulo 14: At saka ikinalugod ng Diyos na simulan ang Kanyang sariling gawang ito ng biyaya sa atin sa pamamagitan ng pangangaral ng Ebanghelyo, samakatuwid ay sa pamamagitan ng pakikinig, pagbubulay, paghihikayat, pagbabala, mga pangako ng Ebanghelyo, at sa pamamagitan din ng paggamit ng mga sakramento, ay Kanyang pinangangalagaan, pinagpapatuloy, at pinasasakdal ito.
Artikulo 15: Ang doktrinang ito hinggil sa pagpapatuloy sa kaligtasan ng mga binanal at ng mga mananampalataya, at ang katiyakang kaugnay nito na kung saan ang Diyos, para sa kaluwalhatian ng Kanyang sariling pangalan at para sa kasiyahan ng mga kaluluwang banal, ay masaganang-masaganang inihayag Niya sa Kanyang Salita at ikinikintal sa puso ng mga tapat, na di maunawaan ng laman, kinamumuhian ni Satanas, kinukutya ng sanlibutan, inaabuso ng mga walang alam at ng mga hipokrito, nilalabanan ng mga bulaan. Subalit, ang kabiyak ni Cristo ay palaging minamahal ito bilang kayamanan ng di-mapapantayang halaga, at buong katatagang ipinaglalaban ito; at ang Diyos na walang sinuman makadadaig sa Kanyang pasiya at lakas ay titiyakin na siya’y magpapatuloy. At ngayon, sa iisang Diyos na ito, Ama, Anak at Espiritu Santo, ang karangalan at kaluwalhatian magpakailanman. AMEN.
Yamang ang tamang katuruan ay naipaliwanag na, ngayon naman ay tinatanggihan ng Synod ang kamalian ng mga sumusunod:
Kabulaanan 1: Sila na nagtuturo na ang pagpapatuloy sa kaligtasan ng mga tunay na tapat ay hindi resulta o kaya'y kaloob ng Diyos na natamo ng kamatayan ni Cristo kundi isang kundisyon ng bagong tipan, na (siya nilang ipinapahayag) dapat tuparin ng tao sa pamamagitan ng kanyang malayang pagpapasiya bago ang kanyang tiyak na pagkahirang at pagiging inaring-ganap.
Pagtutol: Sapagkat ang Banal na Kasulatan ay nagpapatotoo na ang pagpapatuloy na ito ay bunga ng paghirang dahil sa kamatayan, pagkabuhay muli at pamamagitan ni Cristo: "Ngunit ito'y nakamtan ng hinirang at ang iba’y pinagmatigas," Roma 11:7. Gayundin: "Siya na hindi ipinagkait ang kanyang sariling Anak, kundi ibinigay dahil sa ating lahat, bakit naman hindi ibibigay sa atin nang walang bayad ang lahat ng mga bagay? Sino ang magsasakdal ng anuman laban sa mga pinili ng Diyos? Ang Diyos ang siyang umaaring-ganap. Sino ang hahatol? Si Cristo Jesus na namatay, oo, siyang muling binuhay mula sa mga patay, na siya ring nasa kanan ng Diyos, na siya ring namamagitan para sa atin. Sino ang makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig ni Cristo?" Roma 8:32-35.
Kabulaanan 2: Sila na nagtuturo na tunay na nagbibigay ang Diyos sa taong sumasampalataya ng sapat na lakas upang magpatuloy, at handang pangalagaan ang mga ito sa kanya kung gagawin lamang niya ang kanyang tungkulin: subalit kahit na ang lahat ng mga bagay na kinakailangan sa pagpapatuloy sa pananampalataya at siyang iniuukol ng Diyos para sa pangangalaga ng pananampalataya ay gamitin, nakabatay pa rin sa malayang pagpili ng kalooban kung magpapatuloy o hindi magpapatuloy.
Pagtutol: Sapagkat ang paniniwalang ito ay naglalaman ng tuwirang Pelagianismo; at habang hinahangad nito na gawing malaya ang mga tao, ay ginagawa naman silang lapastangan, salungat sa umiiral na kasunduan ng doktrina ng Ebanghelyo, na nag-aalis sa tao ng bawat dahilan para makapagmalaki at nagtatalaga ng papuri sa pakinabang na ito para sa biyaya ng Diyos lamang; at ito ay salungat sa patotoo ng Apostol: "Siya rin ang magpapalakas sa inyo hanggang sa katapusan, na hindi masusumbatan sa araw ng ating Panginoong Jesu-Cristo." 1Corinto 1:8.
Kabulaanan 3: Sila na nagtuturo na ang mga tunay na mananampalataya at mga binigyan muli ng buhay ay hindi lamang maaaring mahiwalay mula sa pananampalatayang umaaring ganap at gayundin mula sa biyaya at kaligtasan nang ganap at lubusan, kundi kadalasan ay talagang nahihiwalay sa mga ito at napapahamak nang walang-hanggan.
Pagtutol: Sapagkat ang ganitong kaisipan ay bumabalewala sa biyaya ng pag-aaring ganap, at ng pagbibigay-buhay, at patuloy na pangangalaga ni Cristo, salungat sa hayagang pananalita ni Apostol Pablo: "Na noong tayo'y makasalanan pa, si Cristo ay namatay para sa atin. Lalo pa nga, ngayong itinuturing tayong ganap sa pamamagitan ng kanyang dugo, ay maliligtas tayo sa galit ng Diyos sa pamamagitan niya." Roma 5:8,9. At salungat din sa sinabi ni Apostol Juan: "Ang sinumang ipinanganak ng Diyos ay hindi patuloy na nagkakasala, sapagkat ang kanyang binhi ay nananatili sa kanya at hindi siya maaaring magkasala, sapagkat siya’y ipinanganak ng Diyos." 1Juan 3:9. At salungat din sa mga salita ni Jesu-Cristo: "Sila’y binibigyan ko ng buhay na walang hanggan, at kailanma’y hindi sila mapapahamak, at hindi sila aagawin ng sinuman sa aking kamay. Ang aking Ama, na sa kanila ay nagbigay sa akin, ay higit na dakila kaysa lahat, at hindi sila maaagaw ninuman sa kamay ng Ama" Juan 10:28, 29.
Kabulaanan 4: Sila na nagtuturo na ang mga tunay na mananampalataya at mga binigyan muli ng buhay ay maaaring magkasala ng kasalanang tungo sa kamatayan o laban sa Espiritu Santo.
Pagtutol: Yamang si Apostol Juan rin, matapos niyang banggitin ang nagkakasala tungo sa kamatayan at pagbawalan na manalangin para sa kanila sa ikalimang kabanata at talatang 16, 17 ng kanyang sulat, ay kaagad na idinagdag ang talatang 18 na: "Alam natin na ang sinumang ipinanganak ng Diyos ay hindi patuloy na nagkakasala; subalit ang ipinanganak ng Diyos ay nag-iingat sa kanyang sarili at hindi siya ginagalaw ng masama." 1Juan 5:18
Kabulaanan 5: Sila na nagtuturo kung walang espesyal na kapahayagan ay walang katiyakan sa pagpapatuloy sa kaligtasan sa hinaharap sa buhay na ito.
Pagtutol: Sapagkat inaalis ng doktrinang ito ang matibay na kaaliwan ng mga tunay na mananampalataya sa buhay na ito, at ang mga alinlangan ng papa sa Roma ay muling ipinapasok sa iglesya, samantalang ang Banal na Kasulatan ay patuloy na kumukuha ng katiyakang ito, hindi mula sa espesyal at kakaibang kapahayagan, kundi mula sa tamang mga tanda ng mga anak ng Diyos at mula sa di-nagbabagong mga pangako ng Diyos. Lalo na ang sinabi ni Apostol Pablo: "…ni ang alin pa mang nilalang, ay hindi makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig ng Diyos, na na kay Cristo Jesus na Panginoon natin." Roma 8:39. At ipinahayag ni Juan na: "At ang tumutupad ng kanyang mga utos ay nananatili sa kanya, at siya sa kanya. At dito'y nakikilala natin na siya'y nananatili sa atin, sa pamamagitan ng Espiritu na kanyang ibinigay sa atin." 1Juan 3:24
Kabulaanan 6: Sila na nagtuturo na ang doktrina ng katiyakan ng pagpapatuloy at ng kaligtasan, mula sa katangian at kalikasan nito ay sanhi ng layaw ng laman at nakakasama sa kabanalan, mabuting pag-uugali, pananalangin at sa iba pang mga banal na gawain. Subalit sa kabaligtaran ay mas kapuri-puri kung nag-aalinlangan ka sa mga ito
Pagtutol: Sapagkat ipinapakita ng mga ito na hindi nila alam ang kapangyarihan ng biyaya ng Diyos at ang paggawa ng Espiritu Santong tumatahan. At sinasalungat nila si Apostol Juan na nagtuturo nang kabaligtaran sa kanilang itinuturo nang kanyang ihayag sa kanyang unang sulat na: "Mga minamahal, ngayon ay mga anak tayo ng Diyos at hindi pa nahahayag kung magiging ano tayo. Nalalaman natin na kung siya’y mahayag, tayo’y magiging katulad niya, sapagkat siya’y ating makikita bilang siya. At sinumang may ganitong pag-asa sa kanya ay naglilinis sa kanyang sarili, gaya naman niyang malinis." 1Juan 3:2, 3. Bukod pa rito, ang mga ito ay pinabubulaanan ng mga halimbawa ng mga binanal, sa Matandang Tipan at maging sa Bagong Tipan, na bagama't sila’y nakatitiyak sa kanilang pagpapatuloy at kaligtasan ay matapat naman sila sa pananalangin at sa iba pang mga gawa ng kabanalan.
Kabulaanan 7: Sila na nagtuturo na ang pananampalataya ng mga sumampalatayang sandali ay hindi naiiba sa pananampalatayang nag-aaring ganap at nagliligtas maliban sa tinatagal nito.
Pagtutol: Sapagkat si Cristo mismo, sa Mateo 13:20, Lucas 8:13, at sa iba pang mga dako, ay maliwanag na ipinapakita, na bukod sa kaibahan ng itinatagal nito, ay may tatlong pagkakaiba sa mga nanalig lamang ng sandali at sa mga tunay na mananampalataya, nang Kanyang ipahayag na ang una'y tinanggap ang binhi sa mabatong lupa, subalit ang huli’y sa mabuting lupa o puso; na ang una'y walang ugat, ngunit ang huli'y may matibay na ugat; na ang una'y walang bunga, subalit ang huli ay namumunga ng iba't ibang dami nang may katapatan at katatagan.
Kabulaanan 8: Sila na nagtuturo na hindi malayo sa katotohanan na ang isang tao matapos na maiwala niya ang kanyang buhay na muling ibinigay sa kanya ay maaari pang ipanganak muli at madalas ngang ipanganak na muli.
Pagtutol: Sapagkat pinasisinungalingan ng doktrinang ito ang hindi nasisirang binhi ng Diyos, kung saan sa pamamagitan nito’y ipinanganak tayong muli. At salungat sa patotoo ni Apostol Pedro: "Ipinanganak na kayong muli, hindi ng binhing nasisira, kundi ng walang kasiraan, sa pamamagitan ng buhay at nananatiling salita ng Diyos." 1Pedro 1:23.
Kabulaanan 9: Sila na nagtuturo na si Cristo ay ni hindi nanalangin para sa siguradong pagpapatuloy ng mga mananampalataya sa pananampalaya.
Pagtutol: Sapagkat sinasalungat nila mismo si Cristo na nagsabi na: "Ako ay nanalangin para sa iyo (Simon) upang ang iyong pananampalataya ay huwag mawala," Lucas 22:32; at ang ebanghelistang si Juan na nagpahayag na si Cristo ay hindi nanalangin para sa mga Apostol lamang kundi pati rin sa mga taong sa pamamagitan ng kanilang salita ay sasampalataya: "'Amang Banal, ingatan mo sila sa iyong pangalan,' at: 'Hindi ko hinihiling na alisin mo sila sa sanlibutan, kundi ingatan mo sila mula sa masama,'" Juan 17:11,15,20.
At ito ang maliwanag, payak, at matalinong kapahayagan ng doktrinang ortodoks hinggil sa limang artikulo na pinagtalunan sa mga iglesyang Belgic; at ang pagtakuwil sa mga kamalian na siyang minsa’y pinagkaguluhan. Ang doktrinang ito ay hinatulan ng Synod na hango sa Salita ng Diyos, at sumasang-ayon sa mga Confessions ng mga iglesyang Reformed. Kung saan maliwanag na lumalabas na may mga taong pag-uugali'y naging ganito ay nalabag ang lahat ng katotohanan, katarungan, at pag-ibig sa pagnanasang mahikayat ang publiko:
Na ang ang doktrinang ito ng mga iglesyang Reformed hinggil sa predestination, at ang mga puntong kaugnay nito, dahil sa angking talino at di maiiwasang resulta, ay inilalayo ang kaisipan ng mga tao sa lahat ng kabanalan at relihiyon; na ito'y isang pampakalma na inilalapat ng laman at ng diyablo, at tanggulan ni Satanas kung saan siya ay nakaabang sa lahat at mula roon ay sinusugatan niya ang maraming tao at sinasalakay ang marami ng nakamamatay na palaso ng kawalan ng pag-asa at katiyakan; na ginagawa nitong awtor ang Diyos ng kasalanan, di-makatarungan, malupit, hipokrito; na ito’y wala ng iba kundi makabagong Stoicism, Manicheism, Libertism, Turcism; na ginagawa nitong payapa sa laman ang mga tao, sapagkat sila'y nahimok na sa doktrinang ito ay walang makahahadlang sa kaligtasan ng hinirang, hinahayaan silang mabuhay ayon sa kanilang maibigan; at, samakatuwid ay maingat nilang naisasagawa ang bawat uri ng napakasasamang kasalanan; at kapag ang reprobate ay kahit tunay na gumawa ng lahat ng mga gawa ng binanal, ang kanilang pagsunod ay hindi man lang makadadagdag sa kanilang kaligtasan; ang doktrinang ito ay nagtuturo na ang Diyos sa pamamagitan lamang ng sariling kagustuhan ng Kanyang kalooban, na hindi man lang isinaalang-alang o tinitingnan ang anumang kasalanan, ay paunang itinalaga ang malaking bahagi ng sanlibutan sa walang hanggang kaparusahan, at nilikha sila sa mismong layuning ito; na sa parehong pamamaraan kung saan ang election ay bukal at dahilan ng pananampalataya at ng mga mabubuting gawa, ang reprobation ay dahilan ng kawalan ng pananampalataya at kasamaan; na maraming mga anak ng mga tapat ay sinira, walang-sala mula sa dibdib ng kanilang ina at buong kalupitang hinagis sa impiyerno, kaya kahit na bautismo o mga panalangin ng iglesya noong kanilang bautismo ay walang pakinabang para sa kanila; at marami pang ibang mga bagay na tulad nito, na hindi tinanggap sa mga iglesyang Reformed kundi kinamuhian ng buong kaluluwa nila.
Dahil dito, ang synod of Dorth na ito, sa ngalan ng Panginoon, ay nananawagan sa maraming tumatawag sa pangalan ng ating Tagapagligtas na si Jesu-Cristo na hatulan ang pananampalataya ng mga iglesyang Reformed, hindi mula sa paninira, na sa bawat dako ay ibinabato rito, ni hindi rin sa pribadong pananaw ng ibang mga sinauna at bagong guro na kadalasa'y di-tapat na binabanggit o kaya'y minamali at binabaliko sa kahulugan na hindi naman iyon ang kanilang ibig sabihin; kundi mula sa publikong kapahayagan ng mga iglesya mismo, at mula sa kapahayagan ng doktrinang ortodoks, na pinagtibay ng pagsang-ayon ng lahat at bawat miyembro ng buong synod. Bukod dito ay binabalaan ng synod ang mga maninirang-puri na isaalang-alang ang kakila-kilabot na hatol na naghihintay sa kanila dahil sa kanilang pagsisinungaling laban sa mga kapahayagan ng napakaraming iglesya, dahil sa binagabag ang mga kunsiyensiya ng mahihina, at dahil sa pagkilos upang pagsuspetsahan ang mga samahan ng mga tunay na tapat.
Pangwakas, pinapayuhan ng synod na ito ang lahat ng kanilang mga kapatid sa Ebanghelyo ni Cristo na kumilos ng may kabanalan at katapatan sa paghawak sa doktrinang ito, maging sa mga unibersidad o sa mga iglesya; ituro ito maging sa pangangaral o sa panulat para sa kaluwalahatian ng pangalan ng Diyos, para sa kabanalan ng buhay, at para sa kasiyahan ng mga kaluluwang nagdurusa; mapangalagaan ito, sa pamamagitan ng Kasulatan, alinsunod sa analohiya ng pananampalataya, hindi lamang sa kanilang damdamin kundi pati na sa kanilang pananalita; at umiwas sa lahat ng mga salita na lumalampas sa hangganang kinakaikalangang tupdin upang malaman ang tunay na diwa ng Banal na Kasulatan, nawa’y mabigyan ang mga walang-kahihiyang mapanlinlang ng tamang dahilan dahil sa kanilang marahas na pagtuligsa at pag-alipusta sa doktrina ng mga iglesyang Reformed.
Nawa ang Panginoong Jesu-Cristo, na Anak ng Diyos, na nakaupo sa kanang kamay ng Ama, na nagbibigay ng mga kaloob sa mga tao, na nagpapabanal sa atin sa pamamagitan ng katotohanan, ay dalhin sila sa katotohanan, sila na nagkakamali, ipinid ang mga bibig ng mga naninira sa mahusay na doktrina, at pagkalooban ang mga tapat na mangangaral ng Kanyang Salita, ng espiritu ng karunungan at kahinahunan, upang ang lahat ng kanilang pangangaral ay mauwi sa ikaluluwalhati ng Diyos at sa ikalalakas ng mga nakikinig sa kanila. AMEN.
Na ito ang aming pananampalataya at desisyon na aming pinagtitibay sa pamamagitan ng paglagda ng aming mga pangalan.
(Dito’y sumunod ang mga pangalan hindi lamang ng Pangulo, ng Pangalawang Pangulo, at ng mga kalihim ng Synod, at ng mga Propesor ng Teologia sa mga iglesyang Dutch, kundi maging ng lahat ng mga Miyembro na naatasan sa Synod, bilang mga kinatawan ng kani-kanilang iglesya, ang mga ito ay, mga delegado mula sa Gran Britanya, ang Electoral Palatinate, Hessia, Switzerland, Wetteraw, - ang Republika at Iglesya ng Geneva, - ang Republika at Iglesya ng Bremen, - ang Republika at Iglesya ng Emden, - ang Dukado ng Gelderland at ng Zutphen, - South Holland, - North Holland, - Zeeland, - ang Probinsiya ng Utrecht, - Friestland, - Transylvania, - ang estado ng Groningen at Omland, - Drent, - ang mga Iglesyang Frances.)
Italized Words
-English words
-Talata sa Biblia
-Salitang tagalog na inilagay upang mas maibigay ang tunay na kahulugan ng pangungusap (Halimbawa: I-17 ng paghirang
Upang eksaktong kahulugan ang maisalin may pagkakataong ginamit ang salitang katumbas sa Kastila imbis na Tagalog (Halimbawa: I-Error 3, merits ay mga merito imbis na "halaga."
A newsletter/journal published in Filipino (Tagalog dialect) as a ministry of the denomination of Bastion of Truth Reformed Churches in the Philippines. It is primarily a means of instruction as well as a medium to proclaim and explain the convictions of the BTRC concerning the Gospel of God's sovereign particular grace in salvation.